Bukal Ng Buhay
Kabanata 70—“Ang Pinakamaliit sa Aking mga Kapatid”
Ang kabanatang ito ay batay sa Maleo 25:31-46.
“Pagparito ng Anak ng tao na nasa Kaniyang kaluwalhatian, na kasama Niya ang lahat ng mga anghel, kung magkagayo'y luluklok Siya sa luklukan ng Kaniyang kaluwalhatian: at titipunin sa harap Niya ang lahat ng mga bansa: at sila'y pagbubukdin-bukdin Niya.” Ganito inilarawan ni Kristo sa Kaniyang mga alagad doon sa Bundok ng mga Olibo ang tanawin ng dakilang araw ng paghuhukom. At ipinakilala Niya na ang pasiyang ito ay nababatay sa isang bagay. Pagka ang mga bansa ay natipon na sa harap Niya, magkakaroon lamang ng dalawang uri ng tao, at ang walang-hanggang kahihinatnan nila ay papasiyahan batay sa ginawa nila o kinaligtaan nilang gawin para sa Kaniya sa katauhan ng mga dukha at mga nahihirapan. BB 922.1
Sa araw na yaon ay hindi na inihaharap ni Kristo sa mga tao ang dakilang gawaing ginawa Niya para sa kanila sa pagkakapagbigay Niya ng Kaniyang buhay upang sila'y matubos. Ang inihaharap Niya ay ang matapat na gawaing ginawa nila para sa Kaniya. Sa mga inilalagay Niya sa Kaniyang kanan ay sasabihin Niya, “Magsiparito kayo, mga pinagpala ng Aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanlibutan: sapagka't Ako'y nagutom, at Ako'y inyong pinakain; Ako'y nauhaw, at Ako'y inyong pinainom; Ako'y naging tagaibang-bayan, at inyo Akong pinatuloy; naging hubad, at inyo Akong pinaramtan; Ako'y nagkasakit, at inyo Akong dinalaw; Ako'y nabilanggo, at inyo Akong pinaroonan.” Nguni't ang mga pinararangalan ni Kristo ay walang nalalamang ipinaglingkod nila sa Kaniya. Sa kanilang mga pagtatanong ay sumagot Siya, “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa Aking mga kapatid kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa Akin ninyo ginawa.” BB 922.2
Sinabi ni Jesus sa Kaniyang mga alagad na sila'y kapopootan ng lahat ng mga tao, pag-uusigin at dadalamhatiin. Marami ang palalayasin sa kanilang mga tahanan, at papaghihirapin. Marami ang mapapasa kapighatian dahil sa sakit at pagsasalat. Marami ang ibibilanggo. Sa lahat ng mga nag-iwan ng mga kaibigan o ng tahanan alang-alang sa Kaniya ay pinangakuan Niya sa buhay na ito ng makasandaang higit. Ngayon naman ay tinitiyak Niya ang isang tanging pagpapala sa lahat ng maglilingkod sa kanilang mga kapatid. Lahat ng nagtitiis dahil sa Aking pangalan, wika ni Jesus, ay inyong kikilalaning Ako sila. Kung paanong Ako'y nais ninyong paglingkuran, gayundin ninyo sila dapat paglingkuran. Ito ang katunayan na kayo'y Aking mga alagad. BB 923.1
Lahat ng mga inianak sa sambahayan ng langit ay mga kapatid ng ating Panginoon sa isang tanging diwa. Binibigkis ng pag-ibig ni Kristo ang mga kaanib ng Kaniyang sambahayan, at saanman nakikita ang pag-ibig na iyan, ay doon nahahayag ang banal na pagkakapatiran. “Ang bawa't umiibig ay ipinanganak ng Diyos, at nakakakilala sa Diyos.” 1 Juan 4:7, BB 923.2
Yaong mga pinapupurihan ni Kristo sa paghuhukom ay maaaring may kaunting nalalaman tungkol sa teolohiya nguni't minahal nila ang Kaniyang mga simulain. Sa pamamagitan ng impluwensiya ng Espiritu ng Diyos ay sila'y naging isang pagpapala sa mga nasa palibot nila. Maging sa gitna ng mga Hentil ay mayroong mga taong may diwa ng kagandahang-loob; bago pa man umabot sa kanilang mga pakinig ang mga salita ng buhay, ay kinaibigan na nila ang mga misyonero, at isinasapanganib pa ang buhay nila sa paglilingkod sa kanila. Sa gitna ng mga Hentil o mga pagano ay mayroong mga sumasamba sa Diyos nang buong kawalang-malay, yaong mga hindi inabot kailanman ng liwanag sa pamamagitan ng mga taong kinakasangkapan, gayon pa man ay hindi sila mapapahamak. Hindi man nila nalalaman ang nasusulat na kautusan ng Diyos, ay narinig naman nila ang tinig Niya na nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng katalagahan, at ginawa nila ang mga bagay na hinihingi ng kautusan. Ang mga gawa nila ay katunayari na kinilos ng Espiritu Santo ang kanilang mga puso, at sila'y kinikilalang mga anak ng Diyos. BB 923.3
Kaylaki nga ng ipagtataka at ikaliligaya ng mga mapagpakumbabang-puso na nasa gitna ng mga bansa, at ng nasa gitna ng mga Hentil o mga pagano, kung marinig nila sa mga labi ng Tagapagligtas ang pangungusap na, “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa Aking mga kapatid kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa Akin ninyo ginawa”! Gaano nga kalaking kaligayahan ang mapapasapuso ng Walang-hanggang Diyos pagka ang Kaniyang mga tagasunod ay mapatingalang taglay ang pagkakamangha at kagalakan sa mga salita Niya ng pagsang-ayon. BB 924.1
Datapwa't ang pag-ibig ni Kristo ay hindi iniuukol sa iisang uri lamang ng mga tao. Nakikisama Siya sa bawa't anak ng tao. Upang tayo'y maging mga kaanib ng sambahayan sa langit, Siya muna ay nakianib sa sambahayan sa lupa. Siya ang Anak ng tao, at kaya nga Siya ay kapatid ng bawa't anak na lalaki at anak na babae ni Adan. Hindi dapat madama ng mga sumusunod sa Kaniya na sila'y nakabukod o nakahiwalay sa mapapahamak na sanlibutang nasa palibot nila. Sila ay isang bahagi ng malaking bunton ng sangkatauhan; at ang tingin sa kanila ng Langit ay sila'y mga kapatid ng mga makasalanan at gayundin ng mga banal. Ang mga nangadarapa, mga nangagkakamali, at ang nangagkakasala, ay niyayakap ng pag-ibig ni Kristo; at ang bawa't gawa ng kagandahang-loob na ginagawa upang maitaas o maibangon ang isang kaluluwang nadapa o nabuwal, at ang bawa't gawang kahabagan, ay tinatanggap na parang sa Kaniya ginawa. BB 924.2
Ang mga anghel sa langit ay isinugo upang maglingkod sa mga magsisipagmana ng kaligtasan. Hindi pa natin nakikilala ngayon kung sinu-sino sila; hindi pa nahahayag kung sinu-sino ang mananagumpay, at kung sinusino ang magkakaroon ng bahagi sa mamanahin ng mga banal sa liwanag; subali't ang mga anghel sa langit ay nangagpaparoo't parito sa hinaba-haba at niluwang-luwang ng lupa, na pinagsisikapang aliwin ang mga nangalulungkot, ipagsanggalang ang mga nasa panganib, at hikayatin kay Kristo ang mga puso ng mga tao. Wala isa mang kinaliligtaan o nilalampasan. Ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao, at pare-pareho Niyang iniingatan ang lahat ng mga kaluluwang Kaniyang nilikha. BB 925.1
Sa pagbubukas ninyo ng inyong pinto sa mga nangangailangan at nangaghihirap, ay pinatutuloy ninyo't tinatanggap ang di-nakikitang mga anghel. Inyong inaanyayahan ang pakikisama ng mga kinapal na taga-Langit. Naghahatid sila ng banal na simoy ng kagalakan at kapayapaan. Sila'y lumalapit na taglay ang mga papuri sa kanilang mga labi, at napapakinggan naman sa langit ang tumutugong himig ng pagpupuri. Bawa't gawang kahabagan ay nagiging awit o tugtugin doon. Ang mga manggagawang di-naglilingkod sa kanilang mga sarili ay itinuturing ng Amang nasa Kaniyang luklukan na kabilang sa Kaniyang pinakamahahalagang kayamanan. BB 925.2
Yaong mga nasa gawing kaliwa ni Kristo, yaong mga kumaligta o nagpabaya sa Kaniya sa katauhan ng mga dukha at mga naghihirap, ay walang-kaalam-alam na sila'y nangagkasala. Binulag sila ni Satanas; hindi nila napag-unawa kung ano ang naging utang nila sa kanilang mga kapatid. Lubha silang naging mga makasarili, at hindi nila pinansin ang mga pangangailangan ng mga iba. BB 926.1
Ang mga mayayaman ay pinagkalooban ng Diyos ng kayamanan upang mapaginhawa at mabigyang-kaluwagan ang mga naghihirap Niyang mga anak; subali't madalas na ipinagwawalang-bahala nila ang mga pangangailangan ng mga iba. Itinuturing nilang sila'y matataas kaysa kanilang mga dukhang kapatid. Hindi nila nauunawaan ang mga tukso at mga pakikipagpunyaging dinaranas ng mga maralita, at namamatay ang habag sa kanilang mga puso. Sa magagarang tahanan at naggagandahang mga simbahan, ay nagsisipagkulong ang mga mayayaman upang hindi sila malapitan ng mga mahihirap; ang mga salaping ibinigay ng Diyos upang ipagpala sa mga nangangailangan ay ginugugol sa pagpapakabuyo sa kapalaluan at kasakiman. Araw-araw ay ninanakawan nila ang mga dukha ng kaalamang dapat mapasakanila tungkol sa malumanay na mga kahabagan ng Diyos; sapagka't gumawa Siya ng sapat na paglalaan upang magkaroon sila ng sapat na kaluwagan sa kanilang mga pangangailangan sa buhay. Napipilitan silang madama ang kahirapang gumigipit sa buhay, at malimit na sila'y natutuksong managhili, mainggit, at mapuno ng masasamang haka laban sa kapwa. Yaong mga hindi dumaranas ng kahirapan ay madalas na humahamak sa mga maralita, at ipinadadama nila sa mga ito na sila'y itinuturing na mga pulubi. BB 926.2
Nguni't nakikita ni Kristo ang lahat, at sinasabi Niya, Ako ang siyang nagutom at nauhaw. Ako ang siyang naging tagaibang-lupa. Ako ang siyang nagkasakit. Ako ang siyang nabilanggo. Samantalang kayo ay nagsasaya sa masagana ninyong hapag ng pagkain, Ako nama'y sinisibasib ng pagkagutom sa maliit na kubo o sa hungkag na lansangan. Samantalang kayo'y nagiginhawahan sa inyong maharlikang tahanan, Ako naman ay walang mapaglagyan ng Aking ulo. Sama'ntalang sinisiksik ninyo sa nagmamahalang mga damit ang inyong mga aparador, Ako nama'y walang maisuot. Samantalang kayo'y nasa inyong mga kalayawan at mga paglilibang, Ako nama'y nanghihina sa bilangguan. BB 926.3
Nang mag-abot kayo ng kaunting tinapay sa dukhang nagugutom, nang magbigay kayo ng mga lumang damit upang maipananggol nila sa nakapangangaligkig na lamig ng tagginaw, naalaala ba ninyong kayo'y nagbigay sa Panginoon ng kaluwalhatian? Lahat ng mga araw ng inyong buhay ay naging kalapit ninyo Ako sa katauhan ng mga naghihirap na ito, nguni't hindi ninyo Ako hinanap. Ayaw ninyong pumasok sa pakikisama sa Akin. Hindi Ko kayo nangakikilala. BB 927.1
Marami ang nag-aakalang isang malaking karapatan ang makadalaw sila sa mga pook na pinamuhayan ni Kristo dito sa lupa, ang lumakad sa Kaniyang nilakaran, ang magmalas sa tabi ng dagat na sa tabi niyon kinagiliwan Niyang magturo, at sa mga bundok at mga kapatagan na napakadalas Niyang pagpakuan ng paningin. Subali't hindi na natin kailangang tumungo pa sa Nazareth, sa Capernaum, o sa Betanya, upang makalakad sa mga hakbang ni Jesus. Makikita natin ang Kaniyang mga bakas ng paa sa tabi ng mga maysakit, sa mga dampa ng mahihirap, sa mga siksikang pook ng malaking lungsod, at sa bawa't lugar na kinaroroonan ng mga taong ang mga puso'y nangangailangan ng kaaliwan. Sa paggawa natin ng gaya ng ginawa ni Jesus nang Siya'y narito sa lupa, ay makalalakad tayo sa Kaniyang mga hakbang. BB 927.2
Lahat ay makakasumpong ng bagay na magagawa nila. “Ang mga dukha ay laging nasa inyo” (Juan 12:8), wika ni Jesus, at walang sinumang makapag-aakala na wala na siyang dakong mapaglilingkuran para sa Kaniya. Angaw-angaw na mga taong nabibingit sa kamatayan, na gapos ng mga tanikala ng kasalanan at kawalang-nalalaman, ay hindi man lamang nakakarinig ng tungkol sa pag-ibig ni Kristo sa kanila. Kung tayo ang nasa kanilang kalagayan, ano kaya ang nanaisin nating gawin nila sa atin? Ang lahat nang ito, alinsunod sa ating buong makakaya, ay tungkulin nating gawin sa kanila. Ang tuntunin ng buhay ni Kristo, na siyang tatayuan o kahuhulugan ng bawa't isa sa atin sa paghuhukom, ay, “Lahat ng mga bagay na ibig ninyong sa inyo'y gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila.” Mateo 7:12. BB 927.3
Ibinigay ng Tagapagligtas ang Kaniyang mahal na buhay upang makapagtatag ng isang iglesyang may kakayahang makapangalaga o makapag-asikaso sa mga kaluluwang natutukso at nalulumbay. Ang isang pulutong ng mga sumasampalataya ay maaaring mga maralita, dinagsisipag-aral, at di-kilala; nguni't sa pangalan ni Kristo ay makagagawa sila sa mga tahanan, sa pamayanang kinaroroonan, sa iglesya, at maging sa “mga pook na nasa dako roon,” na ang mga ibubunga ay magiging kasinlawak na gaya ng walang-hanggan. BB 928.1
Dahil sa ang gawaing ito ay kinaliligtaan kung kaya lubhang maraming mga kabataang alagad ang di-kailanman sumusulong nang lampas sa abakada ng karanasang Kristiyano. Ang liwanag na nag-alab sa kanilang mga puso nang sabihin ni Jesus sa kanila, “Ipinatawad ang iyong mga kasalanan,” ay napamalagi sana nilang nagniningas sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nasa pangangailangan. Ang nagpipiglas na lakas na kalimita'y pinagbubuhatan ng panganib sa mga kabataan ay maaaring maakay o maitunton sa mga daan na magiging mga agos ng pagpapala. Malilimutan ang sarili pagka masikap ang paggawa ng mabuti sa iba. BB 928.2
Ang mga naglilingkod sa iba ay paglilingkuran naman ng Pangulong Pastor. Sila na rin ay magsisiinom sa tubig ng buhay at mangasisiyahan. Hindi nila nanasain ang mga kasayahang gumigimbal ng damdamin, o ang anumang pagbabago o pag-iiba sa kanilang mga buhay. Ang magiging dakilang paksang kawiwilihan, ay kung paano maililigtas ang mga kaluluwang malapit nang mapahamak. Ang pakikipag-ugnay na panlipunan ay magiging kapaki-pakinabang. Ang pag-ibig ng Manunubos ay siyang bibigkis sa lahat ng mga puso sa pagkakaisa. BB 929.1
Pagka napagtanto natin na tayo'y mga manggagawang kasama ng Diyos, ay hindi natin bibigkasin ang Kaniyang mga pangako nang may pagwawalang-bahala. Bagkus mag-aalab ito sa ating mga puso at magdiringas sa ating mga labi. Nang tawagin si Moises upang maglingkod sa isang bayang walang-nalalaman, walang-disiplina, at mapaghimagsik, ay nangako ang Diyos, “Ako'y sasaiyo, at ikaw ay Aking bibigyan ng kapahingahan.” At sinabi Niya, “Tunay na Ako'y sasaiyo.” Exodo 33:14; 3:12. Ang pangakong ito ay para din sa lahat ng naglilingkod sa lugar ni Kristo para sa mga nagdadalamhati at naghihirap. BB 929.2
Ang pag-ibig sa tao ay makalupang pagpapakita ng pag-ibig sa Diyos. Upang maitanim ang pag-ibig na ito, at upang tayo'y maging mga anak ng iisang sambahayan, kaya ang Hari ng kaluwalhatian ay naging isa sa atin. At kung tinutupad natin ang Kaniyang namamaalam na pangungusap, “Kayo'y mangag-ibigan sa isa't isa, na gaya ng pag-ibig Ko sa inyo” (Juan 15:12); kung iniibig natin ang sanlibutang gaya naman ng pag-ibig Niya rito, natutupad nga sa atin ang Kaniyang misyon. Naaangkop na tayo sa langit; sapagka't ang langit ay nasa ating mga puso. BB 929.3
Datapwa't “kung umurong kang iligtas sila na nangadadala sa kamatayan, at ang mga handang papatayin; kung iyong sinasabi, Narito, hindi kami nakakaalam nito; hindi ba Niya binubulay na tumitimbang ng mga puso? at Siyang nag-ingat ng iyong kaluluwa, hindi ba Niya nalalaman? at hindi ba Niya gagantihan ang bawa't tao ayon sa mga gawa niya?” Mga Kawikaan 24:11, 12. Sa dakilang araw ng paghuhukom, yaong mga hindi naglingkod kay Kristo, na ang mga isip ay yaong mga bagay na para sa kanilang mga sarili, at ang inasikaso ay ang sa ganang mga sarili lamang, ay ilalagay ng dakilang Hukom ng buong lupa sa panig ng mga nagsigawa ng masama. Tatanggap sila ng gayunding hatol. BB 929.4
Sa bawa't kaluluwa ay may ipinagkatiwala. Sa bawa't isa ay ganito ang itatanong ng Pangulong Pastor, “Saan nandoon ang kawan na nabigay sa iyo, ang inyong magandang kawan?” At “ano ang iyong gagawin pagka pinarusahan ka Niya?” Jeremias 13:20, 21. BB 930.1