Bukal Ng Buhay

9/89

Kabanata 8—Ang Pagdalaw sa Kaarawan ng Paskuwa

Ang kabanatang ito ay batay sa Lukas 2:41-51.

Sa mga Hudyo ang ikalabindalawang taong gulang ay siyang naghihiwalay sa pagkabata at pagkabinata. Pagkatapos ng taong iyan, ang isang batang Hebreo ay tinatawag na anak ng kautusan, at anak din naman ng Diyos. Siya ay binibigyan ng mga tanging pagkakataon upang mag-aral ng relihiyon, at siya'y inaasahang makikisama sa mga kapistahan at mga kapangilinan. Sa pag-alinsunod sa ganitong kaugalian kung kaya ang batang si Jesus ay nakipamista ng Paskuwa sa Jerusalem. Tulad ng lahat ng mga tapat na Israelita, si Jose at si Maria ay umahon sa kaarawan ng Paskuwa taun-taon; at nang si Jesus ay sumapit na sa takdang gulang, ay isinama nga nila Siya. BB 82.1

Noon ay may tatlong taunang mga kapistahan: ang Paskuwa, ang Pentekostes, at ang Pista ng mga Balag. Sa mga pistang ito ay pinag-uutusan ang lahat ng mga lalaki na magsiharap sa Panginoon sa Jerusalem. Sa mga pistang ito ay ang Paskuwa ang dinadagsaan ng pinakamaraming tao. Marami ang nagsisidalong buhat sa lahat ng bansang pinangalatan ng mga Hudyo. Maraming mananamba ang nagbubuhat sa lahat ng dako ng Palestina. Ang paglalakbay noon buhat sa Galilea ay nangangailangan ng mga ilang araw, at ang mga naglalakad ay nagsasama-sama nang pulu-pulutong upang makaiwas sa mga masasamang-loob. Ang mga babae at matatandang lalaki ay sumasakay sa mga baka o sa mga asno sa mga daang matarik at mabato. Ang malalakas na lalaki at mga kabataan ay nagsisipaglakad naman. Ang panahon ng Paskuwa ay tumatama sa magtatapos ang Marso o sa pagsisimula ng Abril, at ang buong kalupaan ay kaakit-akit sa pamumutiktik ng mga bulaklak, at masaya dahil sa awitan ng mga ibon. Sa buong kahabaan ng lakbayin ay may mga pook na tanging namumukod sa kasaysayan ng Israel, at dito'y iniisa-isang ilahad ng mga ama't mga ina sa kanilang mga anak ang mga kababalaghang ginawa ng Diyos sa Kaniyang bayan noong nakalipas na mga panahon. Sila'y umaawit upang malibang sa mahabang paglalakbay, at pagka nakita na nila ang mga tore ng Jerusalem, ang lahat ng tinig ay nagsisisaliw sa maligayang awit— BB 82.2

“Ang mga paa natin ay magsisitayo Sa loob ng iyong mga pintuang-bayan,
Oh, Jerusalem. ...
Kapayapaan nawa ang suma loob ng iyong mga kuta,
At kaginhawahan sa loob ng iyong mga palasyo.” Awit 122:2-7.
BB 83.1

Ang pagdiriwang ng Paskuwa ay nagsimula sa pagsilang ng bansang Hebreo. Noong huling gabi ng kanilang pagkaalipin sa Ehipto, na waring walang kapag-apag-asang sila'y mahahango pa, ay inutusan sila ng Diyos na sila'y gumayak sa biglang pag-alis. Pinagsabihan na ng Diyos si Paraon na darating ang kahuli-hulihang parusa sa mga Ehipsiyo, at pinagbilinan Niya ang mga Hebreo na pisanin ang kanilang mga pamilya sa loob ng kani-kanilang mga tahanan. Pagka ang mga haligi ng pintuan ay nawisikan na ng dugo ng pinatay na kordero, ay kakainin naman nila ang inihaw na kordero, at kasama nito ay mga tinapay na walang lebadura at mapapait na gulay. “At ganito ninyo kakainin,” anang Panginoon, “may bigkis ang inyong baywang, ang inyong mga panyapak ay nakasuot sa inyong mga paa, at ang inyong tungkod ay tangan ninyo sa inyong kamay; at inyong kakaning dali-dali: siyang paskuwa sa Panginoon.” Exodo 12:11. Nang hatinggabi ay pinatay ang lahat ng panganay ng mga Ehipsiyo. Nang magkagayon ang hari ay kagyat na nagpasabi sa Israel, “Kayo'y burnangon umalis kayo sa gitna ng aking bayan; ... at kayo'y yumaong maglingkod sa Panginoon, gaya ng inyong sinabi.” Exodo 12:31. Sa gayo'y lumabas sa Ehipto ang mga Hebreo na isang bansang malaya. Iniutos ng Panginoon na ang Paskuwa ay ipagdiriwang taun-taon. “At mangyayari,” wika Niya, “pagka itatanong ng inyong mga anak, Ano ba ang ibig sabihin ng ganitong pagdiriwang? ay inyong sasabihin, Ito ang handog na Paskuwa sa Panginoon, nang Siya'y lumampas sa mga bahay ng mga anak ni Israel sa Ehipto, noong puksain Niya ang mga Ehipsiyo.” Ito ang dahilan kaya ipinauulit-ulit sa sali't saling lahi ang kasaysayan ng kahanga-hangang pagliligtas na ito. BB 83.2

Ang Paskuwa ay sinusundan ng pitong araw na pista ng tinapay na walang lebadura. Sa ikalawang araw ng pista, ay inihaharap sa Panginoon ang isang bigkis ng unang bunga ng sibada. Ang lahat ng mga seremonya ng pista ay mga sagisag ng gawain ni Kristo. Ang pagkaligtas ng Israel buhat sa Ehipto ay isang halimbawa ng pagtubos, na siya ngang pinapanukalang alaalahanin ng Paskuwa. Ang korderong pinatay, ang tinapay na walang lebadura, at ang bigkis ng unang bunga, ay mga sagisag na kaumakatawan sa Tagapagligtas. BB 84.1

Sa maraming tao noong panahon ni Kristo, ay naging pakitang-tao lamang ang pagdiriwang sa pistang ito. Subali't sa Anak ng Diyos ay kaylaking kahulugan nito! BB 84.2

Ito ang unang-unang pagkakita ng batang si Jesus sa templo. Nakita Niyang ang mga saserdoteng may mapuputing damit na nagsisipaglingkod nang buong kabanalan. Nakita Niya sa ibabaw ng dambana ang hayop na handog na tumutulo pa ang dugo. Kasama ng ibang mga nagsisisambang itinungo Niya ang Kaniyang ulo sa pananalangin, samantalang pumapailanlang sa Diyos ang makapal na usok ng kamangyan. Nasaksihan Niya ang nakapagkikintal na seremonya ng Paskuwa. Araw-araw ay lalong nagliwanag sa isip Niya ang kahulugan nito. Bawa't kilos sa paglilingkod na iyon ay parang karugtong ng Kaniyang buhay. Mga bagong isipan ang gumiyagis sa Kaniya. Tahimik at buhos ang isip, na waring pinag-aaralan Niya ang isang malaking suliranin. Ang mahiwagang layunin ng Kaniyang buhay ay unti-unting nabuksan sa Kaniya. BB 85.1

Palibhasa'y buhos ang Kaniyang isip sa pagbubulay ng mga pangyayaring ito, ay hindi Siya lumagi sa piling ng Kaniyang mga magulang. Sinikap Niyang Siya ay makapag-isa. Nang matapos na ang mga seremonya ng Paskuwa, ay nagpaiwan pa Siya sa mga looban ng templo; at nang ang mga mananamba ay magsialis na sa Jerusalem, Siya ay nagpaiwan. BB 85.2

Sa pagdalaw na ito sa Jerusalem, ay hangad sana ng mga magulang ni Jesus na Siya (si Jesus nga) ay makausap ng mga dakilang guro ng Israel. Sapagka't bagama't sinusunod Niya ang bawa't bilin ng Diyos, ay hindi naman Siya umaayon sa mga rito at mga kaugalian ng mga rabi. Inisip ni Jose at ni Maria na baka sakaling maakay Siyang gumalang sa mga pantas na guro, at sa gayo'y magsikap Siyang tumalima sa kanilang mga bilin. Datapwa't dito man sa loob ng templo ay tinuruan din ng Diyos si Jesus. At ang tinanggap Niya, ay kaagad Niyang minulang ituro. Nang panahong yaon ay may isang silid sa templo na sadyang iniukol sa banal na paaralan, na inialinsunod sa mga paraan ng mga paaralan ng mga propeta. Dito nagkatipon ang mga tanyag na rabi pati ng mga tinuturuan nila, at dito pumasok ang batang si Jesus. Nakiumpok Siya sa paanan ng mga pantas at tahimik na mga rabi, at nakinig Siya sa kanilang mga pagtuturo. Gaya ng isang naghahanap ng karunungan, ay tinanong Niya ang mga gurong ito tungkol sa mga hula, at sa mga pangyayaring noo'y kasalukuyang nagaganap na pawang nakaturo sa pagdating ng Mesiyas. BB 85.3

Humarap si Jesus na tulad sa isang nauuhaw sa karunungang ukol sa Diyos. Ang Kaniyang mga tanong ay pawang nagpahiwatig ng malalim na mga katotohanang malaon nang natatago, nguni't mga kailangan sa kaligtasan ng mga kaluluwa. Bawa't tanong Niya ay nagpakilala sa kanila ng isang banal na aral, at nagbihis ng bagong damit sa katotohanan, at sa kabila naman nito ay ipinakilala ng mga pantas na mababaw at makitid ang kanilang nalalaman. Sinabi ng mga rabi na ang pagdating ng Mesiyas ay maghahatid sa bansang Hudyo ng kagila-gilalas na karangalan; datapwa't iniharap ni Jesus ang hula ni Isaias, at saka itinanong sa kanila ang kahulugan ng mga talatang tumuturo sa paghihirap at pagkamatay ng Kordero ng Diyos. BB 86.1

Hinarap Siya ng mga pantas at pinagtatanong, at sila'y nangagtaka sa Kaniyang mga sagot. Taglay ang kabaitan ng isang bata ay inulit Niya ang mga pangungusap ng Kasulatan, na ipinakikilala sa kanila ang lalim ng kahulugan na hindi abot ng mga pantas. Kung sinunod nila ang mga hanay ng katotohanan na Kaniyang inisa-isa, ay nagkaroon sana ng pagbabago sa ayos ng kanilang relihiyon. Nakapukaw sana ng isang malalim na pag-aasikaso sa mga bagay na espirituwal; at nang pasimulan ni Jesus ang Kaniyang ministeryo, ay marami sana ang naging handang tumanggap sa Kaniya. BB 86.2

Talos ng mga rabing si Jesus ay hindi nag-aral sa kanilang paaralan; datapwa't ang Kaniyang nalalaman sa mga hula ay lalong malawak kaysa nalalaman nila. Sa palaisip na batang ito ng Galilea ay nakakatanaw sila ng malaking pag-asa. Hangad nilang Siya'y kanilang makuha bilang mag-aaral, upang Siya'y maging isang guro sa Israel. Ibig nilang sila ang mamahala sa Kaniyang pagaaral, sa pag-aakala na ang gayong bukal na pag-iisip ay marapat nilang hubugin. BB 88.1

Ang mga salita ni Jesus ay umantig sa kanilang mga puso na di-kailanman nagawa nang una ng mga salita ng tao. Sinisikap noon ng Diyos na tanglawan ang mga pinunong yaon ng Israel, at ginamit nga Niya ang kaisaisang paraan upang sila'y makakilala. Dahil sa sila'y mayayabang ay tahasan nilang isusumpa na hinding-hindi sila kayang turuan ng sinuman. Kung ipinahalata ni Jesus na sila'y para Niyang tinuturuan, ay talagang hindi sila makikinig. Datapwa't ipinagyabang nila na sila nga ang nagtuturo sa Kaniya, o kaya'y sinusubok nila kung gaano ang nalalaman Niya sa mga Kasulatan. Ang kabaitan at kahinhinan ng batang si Jesus ay siyang humawan sa ganitong masasama nilang haka. Hindi nila namalayan na ang mga pag-iisip nila ay napasok na ng salita ng Diyos, at ang Banal na Espiritu ay nakapagsalita sa kanilang mga puso. BB 88.2

Natiyak nila ang paghihintay nila sa Mesiyas ay hindi pala inaayunan ng hula; nguni't ayaw nilang itakwil ang mga paniniwalang labis-labis nilang ipinagyayabang. Ayaw nilang amining mali ang kanilang pagkaunawa sa Mga Kasulatan na sinasabi nilang kanilang itinuturo. Nagpalipat-lipat ang katanungang, Bakit marunong ang binatang ito, ay hindi naman nag-aral? Ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman; subali't “hindi ito nakilala ng kadiliman.” Juan 1:5, R.V. BB 88.3

Samantala, si Jose at si Maria nang sandaling iyon ay ligalig na ligalig at walang malamang gawin. Nang sila'y umalis sa Jerusalem ay napahiwalay sa kanila si Jesus, at hindi nila alam na Siya ay sadyang nagpaiwan. Noon ay marami na ring mga bahay na nakatirik sa labas ng bayan, at siksikan ang mga hanay ng mga taong nagbubuhat sa Galilea. Totoong magulo at maingay nang lisanin nila ang siyudad. Sa kanilang paglalakad ay lubha silang nawili sa masayang pakikipag-usap sa mga kaibigan at mga kakilala, at hindi nila napansing Siya pala'y hindi na nila kasama kundi nang dumating na ang gabi. Nang sila'y huminto upang mamahinga, ay wala ang matulunging kamay ng kanilang Anak. Sa pag-aakalang Siya'y kasama ng iba nilang kasamahan ay hindi rin sila nabalisa. Bagama't bata pa Siya, ay mayroon na silang lubos na tiwala sa Kaniya, na umaasang pagdating ng oras na kailangan nila Siya, ay darating Siya at tutulungan sila, gaya ng dati Niyang ginagawa. Datapwa't ngayo'y natakot sila. Hinanap nila Siya sa kanilang mga kasamahan, nguni't wala. Nangatal sila nang maalaala nila kung paanong Siya ay pinagsikapang patayin ni Herodes noong sanggol pa Siya. Masasamang guni-guni ang sumilid sa kanilang mga isip. Sinisi nila nang kapait-paitan ang kanilang mga sarili. BB 88.4

Nangagbalik sila sa Jerusalem, at doo'y ipinagpatuloy nila ang kanilang paghahanap. Kinabukasan, sa kanilang pakikisama sa mga sumasamba sa loob ng templo, ay isang kilalang tinig ang tumawag ng kanilang pansin. Hindi nila iyon maipagkakamali; walang ibang tinig na katulad ng sa Kaniya, na lubhang matapat at masigasig, gayunma'y buo at kaakit-akit. BB 89.1

Natagpuan nila si Jesus sa silid-paaralan ng mga rabi. Tuwang-tuwa sila, nguni't hindi rin nawala sa loob nila ang lungkot at pag-aalaala. Nang kasama na nila Siyang muli, ay nabigkas ng ina ang mga salitang wari ay may lamang sumbat, “Anak, bakit ganito ang ginawa M'o sa amin? Tingnan Mo, ako at ang Iyong ama ay hinahanap Kang may hapis.” BB 89.2

“Bakit ninyo Ako hinahanap?” sagot ni Jesus. “Hindi ba ninyo nalalamang dapat Kong gawin ang gawain ng Aking Ama?” At nang waring hindi nila mapag-isip ang Kaniyang mga salita, ay itinuro Niyang paitaas ang Kaniyang hintuturo. Nanggilalas sila sa liwanag na nabadha sa Kaniyang mukha. Kumikislap sa katawang-tao ang liwanag ng pagka-Diyos. Nang masumpungan nila Siya sa templo, ay napakinggan nila ang mga pag-uusap Niya at ng mga rabi, at sila'y nangagtaka sa Kaniyang mga tanong at mga sagot. Ang mga salita Niya ay lumikha ng sunod-sunod na mga isipang di-kailanman makakatkat sa alaala. BB 90.1

At ang Kaniyang tanong sa kanila ay kinapapalooban ng isang aral. “Hindi ba ninyo nalalaman,” wika Niya, “na dapat Kong gawin ang gawain ng Aking Ama?” Ginagawa ni Jesus ang gawaing siya Niyang ipinaritong gawin; nguni't nakaligtaan ni Jose at ni Maria ang sa kanila. Binigyan sila ng Diyos ng malaking karangalan sa pagkahabilin sa kanila ng Kaniyang Anak. Mga banal na anghel ang umakay kay Jose sa lahat ng mga gawa niya upang maipagsanggalang ang buhay ni Jesus. Datapwa't buong isang araw na hindi nila Siya nakita na dapat sanang hindi nila malimutan kahit isang sandali. At nang maibsan na sila ng lungkot at pag-aalaala, ay Siya pa ang sinisi nila, at hindi ang sariling nila. BB 90.2

Katutubo sa mga magulang ni Jesus na ituring nilang Siya ay sarili nilang Anak. Araw-araw ay kasama-sama nila Siya, sa maraming kaparaanan ay natutulad ang kabuhayan Niya sa kabuhayan ng ibang mga bata, at dahil nga rito'y parang hindi pumasok sa isip nila na Siya ay Anak ng Diyos. Nanganib na hindi nila mapagkilala ang pagpapala at karapatang ibinigay sa kanila sa pakikiharap sa Manunubos ng sanlibutan. Ang kalungkutang likha ng pagkahiwalay nila sa Kaniya, at ang banayad na sumbat ng Kaniyang pangungusap, ay mga iniukol Niya sa kanila upang maitanim sa kanilang loob ang kabanalan ng tungkuling sa kanila'y ipinagkatiwala. BB 90.3

Sa sagot ni Jesus sa Kaniyang ina, ay ipinakilala Niya sa unang pagkakataon na napag-uunawa Niya ang Kaniyang pagkakaugnay sa Diyos. Noong bago Siya ipanganak ay sinabi ng anghel kay Maria, “Siya ay magiging dakila, at Siya ay tatawaging Anak ng Kataas-taasan: at sa Kaniya'y ibibigay ng Panginoong Diyos ang luklukan ng Kaniyang amang si David: at Siya ay maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman.” Lukas 1:32, 33. Ang mga salitang ito ay binulay-bulay ni Maria sa kaniyang puso; sapagka't bagaman siya'y naniniwalang ang Anak niya ay siyang magiging Mesiyas ng Israel, ay hindi rin naabot ng kaniyang isip ang layon Nito. Ngayon ay hindi niya nahulo ang Kaniyang mga salita; nguni't talos niyang hindi kinikilala ni Jesus ang Kaniyang kaugnayan kay Jose, kundi inihayag Niyang Siya ay Anak ng Diyos. BB 91.1

Hindi pinawalang-halaga ni Jesus ang Kaniyang kaugnayan sa Kaniyang mga magulang sa lupa. Buhat sa Jerusalem ay umuwi Siyang kasama nila, at tumulong sa kanila sa kanilang hanap-buhay. Ikinubli Niya sa Kaniyang sariling puso ang hiwaga ng Kaniyang layunin, at matiyagang hinintay ang takdang panahon ng pagpasok Niya sa Kaniyang ministeryo. Sa loob ng labing-walong taon pagkatapos Niyang makilalang Siya ay Anak ng Diyos, ay kinilala Niya ang taling bumibigkis sa Kaniya sa tahanan sa Nasaret, at ginampanan Niya ang mga tungkulin ng isang anak, ng isang kapatid, ng isang kaibigan, at ng isang mamamayan. BB 91.2

Nang mapag-alaman na ni Jesus sa loob ng templo ang Kaniyang sariling ministeryo, ay kusa na Siyang lumayo sa pakikisama sa karamihan. Ibig Niyang pagkapanggaling sa Jerusalem ay mamuhay Siya nang tahimik, na kasama ng mga nakababatid ng lihim ng Kaniyang buhay. Sa seremonya ng paskuwa ay hangad ng Diyos na tawagin ang Kaniyang bayan palayo sa mga alalahanin nila sa sanlibutan, at pagunitaan tungkol sa kahanga-hangang pagkakahango sa kanila sa Ehipto. Sa seremonyang ito ay hangad Niyang makita nila ang isang pangako ng pagliligtas sa kanila sa kasalanan. Kung paanong ang dugo ng pinatay na kordero ay siyang nagkanlong sa mga tahanan ng Israel, gayundin naman ang dugo ni Kristo ay siyang magliligtas sa kanilang mga kaluluwa; datapwa't maililigtas sila sa pamamagitan lamang ni Kristo kapag sa pananampalataya'y ipamumuhay nila ang Kaniyang buhay. Ang matalinhagang seremonya ay nagkakabisa lamang kapag naaakay nito kay Kristo ang mga sumasamba na Siya'y tanggaping sarili nilang Tagapagligtas. Ibig ng Diyos na kanilang pag-aralan at isipin ang misyon o layunin ni Kristo. Datapwa't nang magsiuwi na ang maraming tao buhat sa Jerusalem, ay lubhang nalibang ang kanilang isip sa saya ng paglalakbay at pagbabalitaan, at nalimutan na nilang lubos ang mga seremonyang kanilang nakita. Ang Tagapagligtas ay hindi naganyak na makisabay sa kanila. BB 91.3

Sa pag-uwi ni Jose at ni Maria buhat sa Jerusalem na kasama si Jesus, hangad Niya sanang maakay ang kanilang mga isip sa mga hulang tumutukoy sa paghihirap at pagbabata ng Tagapagligtas. Sa Kalbaryo'y hangad Niyang mapagaan ang kadalamhatiang daranasin ng Kaniyang ina. Ngayon pa'y naiisip na Niya ito. Masasaksihan ni Maria ang huli Niyang paghihirap, kaya hangad Niya sanang maintindihan nito ang Kaniyang misyon o layunin, upang ito'y magkaroon ng tapang at lakas na mabata ang kadalamhatiang darating sa kaniyang kaluluwa. Kung paanong si Jesus ay nahiwalay sa kaniya, at tatlong araw niyang hinanap nang may pagkalungkot, ay magkakagayundin na pagka inihain na Siya dahil sa mga kasalanan ng sanlibutan, ay mawawala Siyang muli sa kaniya sa loob ng tatlong araw. At kapag bumangon na Siya sa libingan, ang kaniyang kalungkutan ay magiging kaligayahan. Nguni't lalo sanang mababata nito ang kadalamhatian ng pangungulila sa pagkamatay Niya, kung naintindihan lamang nito ang mga kasulatang ipinaiisip Niya ngayon dito. BB 92.1

Kung sa pamamagitan ng pagbubulay at pananalangin ay namalagi lamang sa Diyos ang mga isipan nina Jose at Maria, sana'y napagkilala nila ang kabanalan ng kanilang pagiging katiwala, at hindi sana napawalay sa kanila si Jesus. Sa isang araw na pagpapabaya ay nawala sa kanila ang Tagapagligtas; nguni't tatlong araw ng masinop na paghahanap ang ginugol nila bago nila Siya natagpuan. Ganyan din tayo; sa pag-uusap ng walang-kabulu han, sa pagsasabi ng masama, o sa pagpapabayang manalangin, ay mangyayaring sa isang araw ay mawala ang pakikiharap ng Tagapagligtas, at mangyayari ring marami pa munang araw ng malungkot na paghahanap sa Kaniya ang kakailanganing gugulin, bago pa mapanauli ang kapayapaang nawala sa atin. BB 93.1

Sa ating mga pagsasamahan, ay mag-iingat tayo baka malimutan natin si Jesus, at makapagpatuloy tayong hindi natin naiisip na Siya pala ay hindi natin kasama. Kung buhos na buhos ang ating pag-iisip sa mga bagay ng sanlibutan na anupa't hindi man lamang natin naalaala Siya na kinauuwian ng ating pag-asa sa buhay na walang-hanggan, inihihiwalay nga natin ang ating mga sarili kay Jesus at sa mga anghel ng langit. Ang mga banal na kinapal na ito ay hindi makapamamalagi sa mga lugar na hindi kinaroroonan ng Tagapagligtas. Ito nga ang dahil kaya madalas mangyari ang mga panlulupaypay sa gitna ng mga nagpapanggap na sumusunod kay Kristo. BB 93.2

Marami ang nakikinig sa mga pulong na panrelihiyon, at napasisigla at naaaliw ng salita ng Diyos; subali't dahil sa kanilang di-pagbubulay, di-pagiingat, at di-pananalangin, ay nawawala sa kanila ang pagpapala, at kaya nasusumpungan nilang lalo pa silang lupaypay kaysa noong wala pa silang napapakinggan. Malimit ay nadarama nilang napakabagsik naman ng Diyos sa kanila. Hindi nila nakikitang nasa kanila ang pagkukulang. Sa kanilang kusang paghiwalay kay Jesus, ay kanilang tinatalikdan ang liwanag ng Kaniyang pakikiharap. BB 93.3

Makabubuti sa atin na araw-araw ay gumugol tayo ng isang oras na pagbubulay sa kabuhayan ni Kristo. Bulayin natin ang isa-isang pangyayari, at bayaang mahagip ng guni-guni ang bawa't tagpo, lalung-lalo na ang mga nangyari sa dakong huli ng Kaniyang buhay. Kapag iniisip natin nang ganito ang Kaniyang dakilang sakripisyo sa pagtubos sa atin, magiging lalong matatag ang ating pagtitiwala sa Kaniya, mag-aalab ang ating pag-ibig, at lalong mapupuspos tayo ng Kaniyang Espiritu. Kung iibigin nating maligtas sa wakas, ay marapat nating matutuhan ang liksiyon tungkol sa pagsisisi at pagpapakababa sa paanan ng krus. BB 94.1

Sa ating pagsasama-sama, maaari tayong maging pagpapala sa isa't isa. Kung tayo'y kay Kristo, ang ating pinakamatatamis na isipin ay magiging ukol sa Kaniya. Iibigin nating mag-usap-usap tungkol sa Kaniya; at sa ating pag-uusap-usap tungkol sa Kaniyang pag-ibig, palalambutin naman ng Banal na Espiritu ang ating mga puso. At sa pagtingin sa kagandahan ng Kaniyang likas, ay “nababago tayo sa gayunding larawan mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian.” 2 Corinto 3:18. BB 94.2