Bukal Ng Buhay
Kabanata 64—Isang Bayang Hinatulan
Ang kabanalang ito ay batay sa Marcos 11:11-14, 20, 21; Mateo 21:17-19.
Ang matagumpay na pagpasok ni Kristo sa Jerusalem ay isang malabong anino ng Kaniyang pagparito na nasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at kaluwalhatian, sa gitna ng pagwawagi ng mga anghel at pagkakatuwa ng mga banal. Saka matutupad ang mga sinalita ni Kristo sa mga saserdote at mga Pariseo: “Buhat ngayon ay hindi ninyo Ako makikita, hanggang sa in yong sabihin, Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.” Mateo 23:39. Sa isang pangitain ng hula ay ipinakita kay Zacarias ang araw na yaon ng huling tagumpay at nakita rin niya ang hatol sa doon sa mga nagsitanggi kay Kristo noong una Siyang pumarito: “Sila'y magsisitingin sa Akin na kanilang pinalagpasan; at kanilang tatangisan Siya, na gaya ng pagtangis sa bugtong na anak at magiging kapanglawan (kapaitan) sa Kaniya, na parang kapanglawan (kapaitan) sa kaniyang panganay.” Zacarias 12:10. Ang tanawing ito ay pauna nang nakita ni Kristo nang pagmasdan Niya ang siyudad at ito'y Kaniyang tangisan. At sa pagkagiba ng Jerusalem ay nakita Niya rito ang huling pagkalipol ng bayang yaong nagkasala sa dugo ng Anak ng Diyos. BB 830.1
Nakita ng mga alagad ang pagkapoot ng mga Hudyo kay Kristo, nguni't hindi pa nila nakikita kung saan ito hahantong. Hindi pa nila naiintindihan ang tunay na kalagayan ng Israel, ni napag-uunawa man ang parusang sasapit sa Jerusalem. Ang bagay na ito ay inihayag ni Kristo sa kanila sa pamamagitan ng isang makahulugang halimbawa. BB 830.2
Walang nangyari sa huling pamanhik sa Jerusalem. Narinig ng mga saserdote at ng mga pinuno ang tinig ng hula sa nakaraan na inulit ng karamihan, bilang sagot sa tanong na, “Sino ito?” subali't hindi nila ito tinanggap bilang tinig ng Diyos. Sa kanilang galit at panggigilalas ay pinagsikapan nilang patahimikin ang mga tao. May mga kawal na Romano sa pulutong ng karamihan, at dito nila isinuplong si Jesus bilang pinuno ng isang paghihimagsik. Sinabi nilang Siya'y papasok na sa lungsod upang agawin ang templo, at upang magpuno bilang hari sa Jerusalem. BB 831.1
Nguni't ang banayad na tinig ni Jesus ang sandaling nagpatahimik sa kaingayan nang muli Niyang sabihin na hindi Siya naparito upang magtatag ng isang kaharian sa lupa; mga ilang araw pa ay aakyat na Siya sa langit sa Kaniyang Ama, at hindi na Siya makikita pa ng mga nagpaparatang sa Kaniya hanggang sa bumalik Siyang muli na nasa kaluwalhatian. Sa panahong yaon, kikilalanin nila Siya, nguni't huling-huli na para maligtas sila. Ang mga pangungusap na ito ay binigkas ni Jesus nang may kalungkutan at may katangi-tanging kapangyarihan. Ang mga kawal na Romano ay nangatigilan at nangagsihinahon. Ang mga puso nila, bagama't banyaga sa kapangyarihan ng Diyos, ay nangaantig na gaya ng dikailanman pagkaantig ng mga ito nang una. Sa payapa at banal na mukha ni Jesus ay natunghayan nila ang pagibig, ang kagandahang-loob, at ang pagkamarangal. Sila'y nakilos ng isang pakikiramay na hindi nila maunawaan. Sa halip na dakpin nila si Jesus, naganyak pa nga ang loob nila na Siya'y sambahin. Ang hinarap nila ngayon ay ang mga saserdote at mga pinuno, at kanilang pinaratangan ang mga ito na siyang lumilikha ng kaguluhan. Ang mga pinunong ito, palibhasa'y nangapahiya at nangabigo, ay bumaling sa mga tao at sinabi ang kanilang mga sumbong, at sila-sila ang nangagtalu-talo nang mainitan. BB 831.2
Samantala si Jesus ay nagtuloy sa templo nang walang nakapansin. Doo'y tahimik na tahimik, sapagka't ang pangyayari sa Bundok ng Olibo ay tumawag sa mga tao. Sumandaling namalagi si Jesus sa templo, at ito'y buong kalumbayang pinagmasdan. Pagkatapos ay umalis na Siyang kasama ng Kaniyang mga alagad, at sila'y nagbalik sa Betanya. Nang Siya'y hanapin ng mga tao upang Siya'y iluklok sa trono, ay hindi nila Siya nasumpungan. BB 832.1
Ang buong magdamag ay ginugol ni Jesus sa pananalangin, at kinaumagahan ay muli Siyang nagtungo sa templo. Sa daan ay may naraanan Siyang bakuran ng mga punong igos. Siya'y nagugutom, “at pagkatanaw Niya sa malayo ng isang puno ng igos na may mga dahon, ay lumapit Siya, na baka sakaling makasumpong doon ng anuman: at nang ito'y Kaniyang malapitan, ay wala Siyang nasumpungang anuman kundi mga dahon; sapagka't hindi pa panahon ng mga igos.” BB 832.2
Hindi pa panahon noon ng mga hinog na igos, maliban sa ibang mga pook; at sa matataas na lugar sa palibot ng Jerusalem ay tunay ngang masasabing, “hindi pa panahon ng mga igos.” Datapwa't sa bakurang nilapitan ni Jesus, ang isang puno roon ay waring namumukod sa iba. Malalago na ang mga dahon nito. Katutubo na sa mga puno ng igos na bago sumipot ang mga dahon, ay lumilitaw na ang lumalaking bunga. Kaya nga ang punong ito na mayabong at malago ang mga dahon ay maaasahang mayroon nang hinog na bunga. Subali't ang anyo nito ay magdaraya. Nang saliksikin na ang mga sanga nito, mula sa kababa-babaan hanggang sa kaita- itaasan, si Jesus ay “walang nasumpungang anuman kundi mga dahon.” Iyon ay isang puno ng mapagkunwaring mga dahon, wala na. BB 832.3
Binigkas ni Jesus ang isang nagpapatuyong sumpa. “Sinumang tao'y hindi kakain ng iyong bunga mula nga yon at magpakailanman,” sabi Niya. Kinabukasan ng umaga, nang muling magdaan doon ang Tagapagligtas at ang Kaniyang mga alagad patungo sa siyudad, tumawag ng kanilang pansin ang mga tuyong sanga at ang mga nangunguluntoy na dahon ng punong igos. “Panginoon,” wika ni Pedro, “narito, ang sinumpa Mong puno ng igos ay natuyo.” BB 833.1
Ang ginawa ni Kristong pagsumpa sa puno ng igos ay pinagtakhan ng mga alagad. Sa pakiwari nila'y naiiba iyon sa Kaniyang mga paraan at mga ginagawa. Madalas nilang narinig Siya na nagsasabing hindi Siya naparito upang hatulan ang sanlibutan, kundi ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan Niya. Naalaala nila ang Kaniyang mga salitang, “Ang Anak ng tao ay hindi naparito upang magpahamak ng buhay ng mga tao, kundi upang magligtas ng mga ito.” Lukas 9:56. Ang Kaniyang kahanga-hangang mga gawa ay pawang sa pagpapagaling, at kailanma'y hindi upang pumuksa. Nakilala lamang Siya ng mga alagad bilang Tagapagsauli, at Tagapagpagaling. Ang ginawang ito ang siya lamang namumukod. Ano ang nilalayon nito? tanong nila. BB 833.2
Ang Diyos ay “nalulugod sa kaawaan.” “Buhay Ako, sabi ng Panginoong Diyos, wala Akong kasayahan sa kamatayan ng masama.” Mikas 7:18; Ezekiel 33:11. Sa ganang Kaniya, ang gawain ng paglipol at ang paggagawad ng hatol ay isang “kakaibang gawain.” Isaias 28:21. Nguni't dala ng Kaniyang habag at pag-ibig kaya hinahawi Niya ang tabing sa hinaharap, at inihahayag sa mga tao ang mga ibinubunga ng gawang pagkakasala. BB 833.3
Ang pagsumpa sa puno ng igos ay isang ginampanang talinhaga. Ang punong walang-bunga, na nagyayabang ng kaniyang mapagkunwaring mga dahon sa harap ni Kristo, ay sagisag ng bansang Hudyo. Nais ipaliwanag ng Tagapagligtas sa Kaniyang mga alagad ang dahilan at katiyakan ng hatol sa Israel. Dahil dito ay nilangkapan Niya ang punungkahoy ng mga katangiang moral, at ito'y ginawang tagapagpaliwanag ng banal na katotohanan. Ang mga Hudyo ay tumayong namumukod o natatangi sa lahat ng ibang mga bansa, na nagpapanggap na sila'y tapat sa Diyos. Sila'y tanging minahal ng Diyos, at inangkin nila ang kabanalan nang higit sa lahat ng ibang mga tao. Nguni't sila'y pinasama ng pag-ibig sa sanlibutan at ng katakawan sa salapi. Ipinaghambog nila ang kanilang nalalaman, subali't wala naman silang kaalam-alam sa mga hinihingi ng Diyos, at punung-puno sila ng pagpapaimbabaw. Tulad ng puno ng igos na walang-bunga, inilaladlad nila ang kanilang mayayabang na mga sanga, na sa malas ay malago at mabunga, at ma ganda sa tingin, subali't wala namang bunga “kundi mga dahon lamang.” Ang relihiyon ng mga Hudyo, na may magarang templo, may mga banal na dambana, mav mga saserdoteng may tiyara o mitra, at may mga nakapupukaw na seremonya, ay tunay na maganda sa tingin, subali't ito'y salat naman sa kapakumbabaan, pag ibig, at kagandahang-loob. BB 833.4
Lahat ng mga puno sa bakuran ng mga punong igos ay pawang walang-bunga; subali't ang mga punong walang dahon ay tiyak nang hindi maaasahan, at hindi magiging sanhi ng kabiguan. Ang mga punong ito ay kumakatawan sa mga Hentil. Sila'y tulad sa mga Hudyong salat sa kabanalan; nguni't hindi naman sila nagpapanggap na naglilingkod sa Diyos. Wala silang ipinagyayabang na mga pakunwaring kabutihan. Wala silang kabatiran sa mga gawa at mga pamamaraan ng Diyos. Sa kanila ay hindi pa panahon ang pamumunga ng igos. Naghihintay pa sila ng araw na maghahatid sa kanila ng liwanag at pag-asa. Ang mga Hudyong nagsitanggap ng lalong malaking pagpapala mula sa Diyos, ay pinapanagot sa kanilang pagmamalabis na ginawa sa mga kaloob na ito. Ang mga karapatang ipinagmayabang nila ay nagpabigat lamang sa kanilang pagkakasala. BB 834.1
Gutom na lumapit si Jesus sa puno ng igos, upang humanap ng makakain. Gutom din Siyang lumapit sa Israel, upang maghanap sa kanila ng mga bunga ng kat wiran. Masagana Niya silang binigyan ng mga kaloob, upang mangagbunga sila ng ikapagpapala sa sanlibutan. Lahat ng pagpapala at karapatan ay ibinigay sa kanila, at bilang kapalit naman ay hinahanapan Niya sila ng pakikiramay at pakikipagtulungan sa Kaniyang gawain ng biyaya. Pinanabikan Niyang makita sa kanila ang pagpapakasakit sa sarili at ang kahabagan, ang kasiglahan sa paglilingkod sa Diyos, at ang mataos na pagmimithing mailigtas ang kanilang mga kapwa tao. Kung tinalima lamang nila ang kautusan ng Diyos, nagawa sana nila ang di-makasariling gawaing gaya ng ginawa ni Kristo. Nguni't ang pag-ibig sa Diyos at sa tao ay pinapaglaho ng kayabangan at kapalaluan. Sila na rin ang nagdala ng kapahamakan sa kanilang mga sarili sa pagtanggi nilang maglingkod sa iba. Ang mga kayamanan ng katotohanang ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, ay hindi nila ipinamahagi sa sanlibutan. Sa puno ng igos na walangbunga ay nabasa sana nila ang kanilang kasalanan at kaparusahan. Natuyo dahil sa sumpa ng Tagapagligtas, nakatayong luoy at tuyot, at patay hanggang sa mga ugat, ipinakikilala ng puno ng igos kung magiging ano ang bansang Hudyo pagka binawi na sa kanila ang biyaya ng Diyos. Sa pagtanggi nilang mamahagi ng pagpapala, hindi na rin sila tatanggap nito. “Oh Israel,” wika ng Panginoon, “ipinahamak mo ang iyong sarili.” Oseas 13:9. BB 835.1
Ang babala ay para sa buong panahon. Ang ginawa ni Kristong pagsumpa sa puno ng igos na nilikha ng sarili Niyang kapangyarihan ay nakatayong isang babala sa lahat ng mga iglesya at sa lahat ng mga Kristiyano. Walang makapagsasakabuhayan ng kautusan ng Diyos kung hindi maglilingkod sa iba. Datapwa't marami ang hindi nagsasakabuhayan ng maawain at di-makasariling kabuhayan ni Kristo. Ang mga ibang ang akala sa kanilang mga sarili ay sila'y mabubuting mga Kristiyano ay hindi nakauunawa ng kung ano ang maglingkod sa Diyos. Sila'y nagpapanukala at nagsisipag-aral upang mabigyangkasiyahan ang kanilang mga sarili. Gumagawa lamang sila para sa sarili. Mahalaga lamang sa kanila ang panahon kung sila'y makapag-iimpok ng para sa sarili. Ang lahat nilang layunin sa buhay ay para sa sarili. Naglilingkod sila hindi sa mga iba kundi sa kanilang mga sarili. Nilalang sila ng Diyos upang manirahan sa isang sanlibutang doo'y kailangang gampanan ang paglilingkod na di-makasarili. Sadyang pinanukala Niyang sila'y tumulong sa kanilang mga kapwa tao sa lahat ng paraan. Subali't lubhang napakalaki ng sarili na anupa't wala na silang makitang iba pa. Wala silang pakialam sa sangkatauhan. Yaong mga sa ganitong paraa'y nabubuhay para sa sarili ay katulad ng puno ng igos, na gumawa ng lahat ng pagkukunwari nguni't wala namang bunga. Ginaganap nila ang mga paraan o mga anyo ng pagsamba, nguni't wala namang pagsisisi o pananampalataya. Sinasabi nilang iginagalang nila ang kautusan ng Diyos, subali't ang pagtalima naman ay wala. Sinasabi nila, subali't hindi naman ginagawa. Sa hatol na iginawad sa puno ng igos ay ipinakikilala ni Kristong Siya'y namumuhi sa ganitong walang-kabuluhang pagkukunwari. Ipinahahayag Niyang ang lantarang gumagawa ng kasalanan ay hindi gasinong masama kaysa isang nagpapanggap na naglilingkod sa Diyos, nguni't hindi naman nagbubunga sa ikaluluwalhati ng Diyos. BB 835.2
Ang talinhaga tungkol sa puno ng igos, na binigkas bago dumalaw si Kristo sa Jerusalem, ay may tuwirang kaugnayan sa aral na itinuro Niya sa pagsumpa sa walang-bungang puno ng igos. Sapagka't sa talinhaga ng punong walang-bunga ay nakiusap ang maghahalaman o hardinero, Pabayaan mo muna ngayong taong ito, hanggang sa makahukay ako sa palibot nito at maalagaan ko; at kung magbunga, ay mabuti; nguni't kung hindi, ay saka mo na putulin. Kailangang dagdagan pa ang pag-aalaga sa punong di-nagbubunga. Lahat ng mabuti ay dapat gawin dito. Datapwa't kung manatili pa rin itong hindi nagbubunga, wala nang makapagliligtas dito sa pagkalipol. Hindi sinabi sa talinhaga kung ano ang naging bunga ng ginawa ng maghahalaman. Nakabatay ito sa mga taong pinagsabihan ni Kristo ng talinhaga. Sila ang kumakatawan sa punong walang-bunga, at ipinauubaya sa kanilang kapasiyahan ang kanilang sariling kapalaran. Lahat ng kabutihang maipagkakaloob ng Langit ay ibinigay sa kanila, nguni't wala silang pinakinabang sa idinagdag na mga pagpapala sa kanila. Sa ginawa ni Kristong pagsumpa sa walang-bungang puno ng igos, ay ipinakita ang naging bunga. Siya ang nagpasiya ng sarili nilang kapahamakan. BB 836.1
Sa mahigit na sanlibong taon ay pinagmalabisan ng bansang Hudyo ang mga kahabagan ng Diyos at sila na ang nag-anyaya sa Kaniyang mga kahatulan. Tinanggihan nila ang Kaniyang mga babala, at pinatay pa nila ang Kaniyang mga propeta. Ang mga kasalanang ito ay pinanagutan ng mga tao nang panahon ni Kristo dahil sa pagsunod nila sa gayunding hakbangin. Nakasalig sa pagtanggi nila sa ibinibigay na mga kaawaan at mga babala ang pagkakasala ng saling-lahing yaon. Ang mga tanikalang pinapanday ng bansa sa loob ng mga dantaon, ay iginapos ng mga tao sa kanilang mga sarili noong panahon ni Kristo. BB 837.1
Sa bawa't panahon ay binibigyan ang mga tao ng kanilang araw ng pagkakataon at karapatan, isang palugit na panahon ng pagsubok na sa panahong yaon ay maaari silang makipagkasundo sa Diyos. Subali't may hangganan ang biyayang ito. Ang awa o biyaya ay maaaring mamanhik sa loob ng mga taon at hamakin at tanggihan; nguni't dumarating ang panahon na natatapos ang pamamanhik na ito. Ang puso ay lubha nang tumitigas na anupa't hindi na ito tumutugon sa pakikiusap ng Espiritu ng Diyos. Tumitigil na nga ng pakikiusap sa makasalanan ang matamis at nanghihikayat na tinig, at nawawala na ang mga pagsansala at mga pagbababala. BB 837.2
Ang araw na iyan ay dumating na sa Jerusalem. Buong paghihirap ng loob na tinangisan ni Jesus ang bayang hinatulan, nguni't hindi naman Niya ito mailigtas. Naubos na Niya ang lahat ng paraan. Sa pagtanggi sa mga babala ng Espiritu ng Diyos, tinanggihan na ng Israel ang tanging tulong na maibibigay sa kanila. Wala nang iba pang kapangyarihang makapagliligtas sa kanila. BB 838.1
Ang bansang Hudyo ay sumasagisag sa lahat ng mga tao ng lahat ng mga panahon na lumibak o humamak sa mga pakikiusap ng Walang-hanggang Pag-ibig. Ang mga luha ni Kristo nang tangisan Niya ang Jerusalem ay para sa lahat ng mga kasalanan ng buong panahon. Sa mga hatol na iginawad sa Israel, ay maaari nang mabasa ng mga nagsisitanggi sa mga saway at mga babala ng Espiritu Santo ng Diyos ang hatol sa sarili nila. BB 838.2
Sa saling-lahing ito ay marami ang lumalakad sa lupang nilakaran ng mga Hudyong di-nananampalataya. Nasaksihan nila ang pagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos; nagsalita ang Banal na Espiritu sa kanilang mga puso; subali't nanghawak pa rin sila sa kanilang di-paniniwala at paglaban. Pinadalhan sila ng Diyos ng mga babala at saway, subali't ayaw ng kanilang kalooban na ipahayag ang kanilang mga kasalanan at kamalian, at kanilang tinatanggihan ang Kaniyang pabalita at ang Kaniyang tagapagbalita. Ang tanging lunas na Kaniyang ginagamit sa ikagagaling nila ay nagiging batong katitisuran sa ganang kanila. BB 838.3
Ang mga propeta ng Diyos ay kinapootan ng tumalikod na Israel dahil sa sila ang nagbunyag ng natatago nilang mga kasalanan. Si Elias ay itinuring ni Ahab na kaniyang kaaway dahil sa tapat ang propeta sa pagsaway sa mga lihim na kasalanan ng hari. Kaya ngayon ang lingkod ni Kristo, na sumasaway ng kasalanan, ay nakakasagupa rin ng mga paglibak at mga paghamak. Ang katotohanan ng Bibliya, ang relihiyon ni Kristo, ay nakikipagpunyagi laban sa malakas na agos ng karumihang moral. Ang maling-palagay ay higit na malakas sa mga puso ng mga tao ngayon kaysa noong panahon ni Kristo. Hindi tinupad ni Kristo ang mga inaasahan ng mga tao; ang Kaniyang kabuhayan ay naging isang sumbat sa kanilang mga kasalanan, at tinanggihan nila Siya Kaya ngayon ang katotohanan ng salita ng Diyos ay hindi rin nakakaayon ng mga ginagawa ng mga tao at ng kanilang katutubong hilig, at libu-libo ang tumatanggi sa liwanag nito. Sa udyok ni Satanas ay pinag-aalinlanganan ng mga tao ang salita ng Diyos, at sarili nilang kurukuro ang kanilang sinusunod. Pinipili nila ang kadiliman sa halip na ang piliin nila'y kaliwanagan, subali't ginagawa nila ito sa ikapapanganib ng kanilang mga kaluluwa. Yaong mga sumasalansang sa mga salita ni Kristo ay nakakasumpong ng lalo pang maraming dahilan upang sumalansang, hanggang sa talikuran na nila ang Katotohanan at ang Buhay. Ganyan din naman ngayon. Hindi binabalak ng Diyos na alisin ang bawa't bagay na tinututulan ng pusong-laman laban sa Kaniyang katotohanan. Sa mga tumatanggi sa mahahalagang silahis ng liwanag na makatatanglaw sa kadiliman, ay mananatiling gayon magpakailanman ang mga hiwaga ng salita ng Diyos. Matatago sa kanila ang katotohanan. Lumalakad silang pa rang mga bulag, at hindi, nila nalalaman ang kapaha makang nasa harapan nila. BB 838.4
Tinanaw ni Kristo ang sanlibutan at ang buong kapanahunan buhat sa mataas na Olibo at ang mga salita Niya'y naaangkop sa bawa't kaluluwang di-nagpapahalaga sa mga pamanhik ng maawaing Diyos. Ikaw na humahamak sa Kaniyang pag-ibig, Siya'y nagsasalita sa iyo ngayon. “Ikaw, samakatwid baga'y ikaw,” ang marapat na makaalam ng mga bagay na nauukol sa iyong kapayapaan. Si Kristo'y nagtitigis ng mapapait na luha dahil sa iyo, sa iyo na wala namang mga luhang pinadadaloy para sa iyong sarili. Ngayon pa man ang nakamamatay na katigasan ng pusong nagpahamak sa mga Pariseo ay nakikita na sa iyo. At bawa't katunayan ng biyaya ng Diyos, bawa't silahis ng banal na liwanag, ay alinman sa nagpapaagnas at nagpapasuko sa kaluluwa, o kaya'y nagpapatibay rito sa kawalang-pag-asa ng di-pagsisisi. BB 839.1
Nakitang-pauna ni Kristo na ang Jerusalem ay mananatiling nagmamatigas at di-nagsisisi; gayon man ang lahat ng sala, ang lahat ng mga bunga ng pagtanggi sa kahabagan, ay nakalagay sa sarili niyang pintuan. Ganito rin ang mangyayari sa bawa't kaluluwang sumusunod sa gayunding hakbangin. Ang Panginoon ay nagsasabi, “Oh Israel, ipinahamak mo ang iyong sarili.” “Iyong pakinggan, Oh lupa: narito, Ako'y magdadala ng kasamaan sa bayang ito, na bunga ng kanilang mga pagiisip, sapagka't sila'y hindi nangakinig sa Aking mga salita, ni sa Akin mang kautusan, kundi ito'y kanilang itinakwil.” Oseas 13: 9; Jeremias 6:19. BB 840.1