Bukal Ng Buhay
Kabanata 65—Ang Templo Nalinis na Muli
Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 21:12-16, 23-46; Marcos 11:15-19, 27-33; 12:1-12; Lukas 19:45-48; 20:1-19.
Nang pasimulan ni Kristo ang Kaniyang ministeryo, ay pinalayas Niya sa templo ang mga lumapastangan dito dahil sa kanilang di-banal na pangangalakal; at ang Kaniyang mabagsik at tulad sa Diyos na kaanyuan ay nagdulot ng sindak sa mga puso ng mga tusong mangangalakal. Nang matatapos na ang Kaniyang misyon ay muli Siyang naparoon sa templo, at natagpuan Niyang ito'y nilalapastangan pa ring gaya nang una. Ang kalagayari ng mga bagay-bagay ay higit pa ngang masama kaysa nang una. Ang patyo sa labas ng templo ay tulad sa napakalaking kural ng mga baka. Sa mga ungalan ng mga hayop at kalansingan ng mga kuwarta ay napapahalo ang pagalit na sigawan ng mga nagbibilihan, at dito'y kabilang ang mga tinig ng mga taong nasa banal na tungkulin. Ang matataas na pinuno ng templo ay siya na ring mga namimili at nagbibili at namamalit ng salapi. Lubos na lubos na silang supil ng kasibaan sa salapi na anupa't sa paningin ng Diyos ay wala silang pinag-ibhan pa sa mga magnanakaw. BB 841.1
Bahagya nang nadama ng mga saserdote at ng mga pinuno ang kabanalan ng gawaing kanilang ginagampanan. Tuwing Paskuwa at Pista ng mga Tabernakulo, ay libu-libong mga hayop ang pinapatay, at ang dugo ng mga ito ay sinasahod ng mga saserdote at ibinubuhos sa dambana. Nabihasa na ang mga Hudyo sa paghahandog ng dugo, at nalimot na nila ang katotohanan na ang kasalanan ay siyang dahilan kung bakit kailangan ang ganitong pagbububo ng dugo ng mga hayop. Hindi nila napag-unawang ito'y kumakatawan sa dugo ng mahal na Anak ng Diyos, na kailangang mabubo sa ikabubuhay ng sanlibutan, at sa pamamagitan ng paghahandog ng mga hain ang mga tao ay dapat maituro sa isang ipinako sa krus na Manunubos. BB 841.2
Minasdan ni Jesus ang mga walang-salang hayop na ihahain, at nakita Niyang ang malalaking pagtitipong ito ay ginawa ng mga Hudyo na mga tanawin ng kalupitan at pagpapadanak ng dugo. Sa halip na tapat at mapagpakumbabang pagsisisi ng kasalanan, ay pinarami pa nila ang pagpatay sa mga hayop, na para bagang ang Diyos ay napararangalan sa pamamagitan ng walangawang paglilingkod. Pinatigas ng mga saserdote at mga pinuno ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng kasakiman at kayamuan. Ang mga sagisag na tumuturo sa Kordero ng Diyos ay ginawa nilang isang paraan ng pagpapayaman. Kaya sa paningin ng mga tao ay nasira at nawalan ng kabuluhan ang kabanalan ng mga paghahandog. Napukaw ang galit ni Jesus; batid Niyang malapit nang matigis ang Kaniyang dugo dahil sa mga kasa lanan ng sanlibutan, at ito'y pawawadang-halaga ng mga saserdote at mga matatanda na tulad ng dugo ng mga hayop na patuloy nilang pinadadanak. BB 842.1
Laban sa mga ginagawang ito nagsalita si Kristo sa pamamagitan ng mga propeta. Si Samuel ay nagsabi, “Nagtataglay kaya ang Panginoon ng napakadakilang pagkatuwa sa mga handog na susunugin at sa mga hain, na gaya sa pagsunod sa tinig ng Panginoon? Narito, ang pagsunod ay maigi kaysa hain, at ang pagdinig kaysa taba ng mga tupang lalaki.” At si Isaias naman, palibhasa'y nakita niya sa pangitain ng hula ang gagawing pagtalikod ng mga Hudyo, ay pinagsalitaan silang tulad sa mga pinuno ng Sodoma at Gomorra: “Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, ninyong mga pinuno ng Sodoma; mangakinig kayo sa kautusan ng ating Diyos. kayong bayan ng Gomorra. Sa anong kapararakan (layunin) ang karamihan ng inyong mga hain sa Akin? sabi ng Panginoon: Ako'y puno ng mga handog na susunugin na mga tupang lalaki, at ng mataba sa mga hayop na pinataba at Ako'y hindi nalulugod sa dugo ng mga toro, o ng mga kordero, o ng mga kambing na lalaki. Nang kayo'y magsidating na pakita sa harap Ko, sinong humingi nito sa inyong kamay, upang inyong yapakan ang Aking mga looban?” “Mangaghugas kayo, mangaglinis kayo; alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa sa harap ng Aking mga mata; mangaglikat kayo ng paggawa ng kasamaan; mangatuto kayong magsigawa ng mabuti; inyong hanapin ang kahatulan, inyong saklolohan ang napipighati, inyong hatulan ang ulila, ipagsanggalang ninyo ang babaeng bao.” 1 Samuel 15: 22; Isaias 1:10-12, 16, 17. BB 842.2
Siya na nagbigay ng mga hulang ito ay Siya rin ngayong umuulit ng babala sa kahuli-hulihang pagkakataon. Bilang katuparan ng hula si Jesus ay ipinagbunyi ng mga tao bilang hari ng Israel. Tinanggap Niya ang kanilang pagsamba, at tinanggap din ang tungkuling pagka-hari. Dapat Siya ngayong kumilos nang ayon sa tungkuling ito. Batid Niyang mawawalan ng kabuluhan ang gagawin Niyang mga pagsisikap na baguhin ang sumamang tungkulin ng pagka-saserdote; gayon pa man ay dapat din Niyang gawin ang Kaniyang gawain; dapat Niyang maibigay sa mga taong di-naniniwala ang katunayan ng Kaniyang banal na misyon. BB 843.1
Muling pinaraanan ni Jesus nang matalim na sulyap ang buong patyo ng templo na nilalapastangan. Lahat ng mata ay napabaling sa Kaniya. Ang saserdote at pinuno, ang Pariseo at ang Hentil, ay nangapatinging namamangha at nangingimi sa Kaniya na nakatayong taglay ang kamaharlikaan at karangalan ng Hari ng langit sa harap nila. Ang pagka-Diyos ay lumagos sa Kaniyang pagka-tao, na nagbigay kay Kristo ng karangalan at kaluwalhatiang hindi pa kailanman nakita sa Kaniya nang una. Yaong mga nakatayong pinakamalapit sa Kaniya ay nagsiurong nang palayo na nagsumiksik sa karamihan. Liban sa ilang mga alagad Niya, ang Tagapaligtas ay naiwang nag-iisa. Natahimik ang lahat. Nakabibingi ang tindi ng katahimikang naghari. Nagsalita si Kristong taglay ang kapangyarihang yumanig sa mga tao na gaya ng isang malakas na unos: “Nasusulat nga, Ang Aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan; datapwa't ginawa ninyong yungib ng mga tulisan.” Ang tinig Niya ay umugong na tulad ng isang pakakak sa buong templo. Ang pagkamuhing nakabadha sa Kaniyang mukha ay waring gaya ng apoy na mamumugnaw. Taglay ang kapangyarihang Siya'y nag-utos, “Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito.” Juan 2:16. BB 843.2
Nang tatlong taong nakaraan, ang mga pinuno ng templo ay nangapahiya sa kanilang pagtakbo't pagtakas sa harap ng nag-utos na si Jesus. Mula noon ay pinagtakhan na nila ang pagkatakot nila, at ang walang liwag nilang pagsunod sa nag-iisa't abang Tao. Sa sarili nila'y nadama nilang hinding-hindi na mauulit ang nakahihiya nilang pagsuko. Gayon pa man sila'y higit na takot ngayon kaysa nang una, at lalo pang nagmamadali sa pagsunod sa Kaniyang utos. Walang sinumang nakapangahas na magtanong sa kung anong kapangyarihan pinalalayas Niya sila. Ang mga saserdote at ang mga mangangalakal ay nagsitakas sa harapan Niya, na itinataboy ang kanilang mga baka sa unahan nila. BB 844.1
Sa daang palabas buhat sa templo ay nasalubong nila ang isang pulutong na dala ang kanilang mga maysakit at itinatanong ang Dakilang Manggagamot. Ang balitang sinabi ng mga taong nagsisitakas ay naging sanhi ng pag-urong ng iba sa mga ito. Natakot silang humarap sa Isa na lubhang makapangyarihan, na ang buong kaanyuan ay nagpatakbo at nagtaboy sa mga saserdote at mga pinuno. Gayunma'y isang malaking bilang ang nakipaggitgitan sa nangagmamadaling karamihan, sa kasabikang makarating sa Kaniya na siya nilang tanging pagasa. Nang magsitakas mula sa templo ang karamihang tao, marami pa rin ang nagpaiwan. Dito nakisama ang mga bagong dating. Ang patyo ng templo ay muli na namang napuno ng mga maysakit at mga malulubha ang kalagayan, at sila'y minsan pang pinaglingkuran ni Jesus. BB 844.2
Makaraan ang ilang sandali ay nangahas nang bumalik sa templo ang mga saserdote at mga pinuno. Nang humupa na ang pagkakagulo, sila'y nangag-alala at kinasabikan nilang maalaman kung ano kaya ang susunod na gagawin ni Jesus. Inasahan nilang Siya'y luluklok sa trono ni David. Sa matahimik nilang pagbabalik sa templo, ay napakinggan nila ang mga tinig ng mga lalaki at mga babae at mga bata na nagsisipuri sa Diyos. Pagkapasok nila, napatda sila sa pagkakatayo sa harap ng kagila-gilalas na tanawin. Nakita nilang pinagaling ang mga maysakit, pinadilat ang mga bulag, nakarinig ang mga bingi, at ang pilay ay naglundagan sa katuwaan. mga bata ang nangunguna sa pagsasaya. Pinagaling ni Jesus ang kanilang mga karamdaman; niyakap Niya sila, tinanggap Niya ang kanilang mga halik ng pag-ibig at pasasalamat, at ang iba'y nangakatulog sa Kaniyang kandungan habang Siya'y nagtuturo sa mga tao. Sa nangagagalak na tinig ay ibinulalas ng mga bata ang pagpupuri sa Kaniya. Inulit nilang isigaw ang mga hosana ng nagdaang araw, at iwinasiwas nila sa harap ng Tagapagligtas ang mga sanga ng palma. Ang templo'y nag-inugong at muli pang nag-inugong sa masaya nilang mga pagpupuri't pagbubunyi, “Mapalad Siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon!” “Narito, ang iyong Hari ay naparirito sa iyo: Siya'y ganap, at may pagliligtas!” Awit 118: 26; Zacarias 9:9. “Hosana sa Anak ni David!” BB 846.1
Ang malalakas at masasayang tinig na ito ay ikina yamot ng mga namumuno sa templo. Binalak nilang patigilin ang gayong mga pagsasaya. Sinabi nila sa mga taong ang bahay ng Diyos ay nalalapastangan ng mga paa ng mga bata at ng mga sigaw ng pagkakatuwa. Nang makita nilang ang mga sinabi nila'y hindi pinapansin ng mga tao, pinamanhikan ng mga pinuno si Kristo: “Naririnig Mo baga ang sinasabi ng mga ito? At sinabi sa kanila ni Jesus, Oo: kailanman baga'y hindi ninyo nabasa, Mula sa mga bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo ay Iyong nilubos ang pagpupuri?” Ipinagpauna na ng hula na si Kristo ay itatanyag na hari, at ang salitang yaon ay dapat matupad. Tumanggi ang mga saserdote at mga pinuno na itanyag ang Kaniyang kaluwalhatian, at inudyukan ng Diyos ang mga bata na maging mga saksi Niya. Kung hindi nagsigawan sa pagbubunyi ang mga tinig ng mga bata, ang mga haligi mismo ng templo ay naghinugong sana sa pagpupuri sa Tagapagligtas. BB 847.1
Ganap na nagulumihanan at napahiya ang mga Pariseo. Isang hindi nila kayang takutin ang nag-utos. Kinuha ni Kristo ang tungkuling tagapag-ingat ng templo. Kailanman noong una ay hindi Niya ginanap ang ganitong makaharing tungkulin. Kailanman noong una ay hindi nagtaglay ng napakalaking kapangyarihan ang Kaniyang mga salita at mga gawa. Gumawa Siya ng mga kababalaghang gawa sa buong Jerusalem, subali't di-kailanman sa ganitong napakasolemne at lubhang nakapagkikintal na paraan. Sa harap ng mga taong nakasaksi ng Kaniyang kahanga-hangang mga gawa, ay hindi nakapangahas ang mga saserdote at mga pinuno na magpakita ng hayagang paglaban sa Kaniya. Bagama't sila'y galit at nangapahiya sa Kaniyang itinugon, ay wala na silang anumang nagawa nang araw na iyon. BB 847.2
Kinabukasan ng umaga ay pinag-usapang muli ng Sanedrin kung ano ang marapat gawin kay Jesus. Noong may tatlong taon na ang nakaraan, humingi sila sa Kaniya ng tanda ng Kaniyang pagiging-Mesiyas. Buhat naman noon ay marami nang mga gawang makapangyarihan ang ginawa Niya sa buong lupain. Nagpagaling Siya ng mga maysakit, buong kababalaghang pinakain ang libu-libong mga tao, lumakad Siya sa ibabaw ng umaalimbukay na mga alon, at pinatahimik Niya ang nagngangalit na karagatan. Paulit-ulit na binasa Niya ang puso ng mga tao na gaya ng isang bukas na aklat; nagpalabas Siya ng mga demonyo, at bumuhay ng mga patay. Kaya lantad sa harap ng mga pinuno ang mga katibayan ng Kaniyang pagiging-Mesiyas. Ngayo'y ipinasiya nilang huwag nang humingi ng anumang tanda ng Kaniyang kapangyarihan, kundi ibig nilang makakuha sa Kaniya ng isang pag-amin o pahayag na sa pamamagitan niyon ay Siya'y kanilang mahahatulan. BB 848.1
Pagbabalik nila sa templo na Kaniyang pinagtuturuan, patuloy nilang tinanong Siya: “Sa anong kapamahalaan ginagawa Mo ang mga bagay na ito? at sino ang nagbigay sa Iyo ng kapamahalaang ito?” Inasahan nilang sasabihin Niya na buhat sa Diyos ang Kaniyang kapangyarihan. Ang gayong pahayag ay balak nilang itatwa. Nguni't sinagot sila ni Jesus ng isang tanong na sa malas ay nauukol sa ibang paksa, at ang Kaniyang sagot ay ibinatay Niya sa isasagot nila sa tanong na ito. “Ang bautismo ni Juan,” wika Niya, “saan baga nagmula? sa langit, o sa mga tao?” BB 848.2
Nakita ng mga saserdoteng sila'y nasa kagipitan at hindi sila makaaalis dito kahit na anong lalang ang kanilang gawin. Kung sabihin nilang ang bautismo ni Juan ay buhat sa langit, mahahalata agad ang di-pagkakatugma ng kanilang mga sinasabi. Masasabi ni Kristong, Bakit nga hindi kayo nagsipaniwala sa kaniya? Si Juan ay nagpatotoo tungkol kay Kristo, “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Juan 1:29. Kung pinaniwalaan ng mga saserdote ang patotoo ni Juan, paano nga nila maitatatwa ang pagiging-Mesiyas ni Kristo? Kung sasabihin naman nila ang tunay nilang paniniwala, na ang ministeryo ni Juan ay sa mga tao, isang bagyo ng galit ang babagsak sa kanila; sapagka't naniwala ang mga tao na si Juan ay isang propeta. BB 848.3
Taglay ang matinding kasabikang naghintay ng kasagutan ang karamihan. Batid nilang ang mga saserdote'y nagpanggap na tinanggap nila't pinaniniwalaan ang ministeryo ni Juan, at inasahan nilang aaminin ng mga ito nang walang pag-aalinlangan na siya'y nagbuhat nga sa Diyos. Nguni't pagkatapos nilang makapag-usap-usap nang lihim, ipinasiya ng mga saserdoteng wala silang dapat na amining anuman. Nagkukunwaring walang nalalaman, sila'y nagwika, “Hindi namin nalalaman.” “Hindi Ko rin naman sasabihin sa inyo,” sabi ni Kristo, “kung sa anong kapamahalaan ginagawa Ko ang mga bagay na ito.” BB 849.1
Natigilan ang mga saserdote, mga eskriba, at mga pinuno. Lito at bigo, sila'y nakatayong tungo ang ulo, at hindi na nakapangahas pang magtanong kay Kristo. Dahil sa kanilang karuwagan at pag-aalanganin sa pagpapasiya ay sinira nila ang paggalang at pagtitiwala ng mga tao, na ngayon ay nangakatayo, at pinagtatawanan ang pagkagapi ng mayayabang at nagbabanal-banalang mga taong ito. BB 849.2
Ang lahat ng mga salita at mga gawang ito ni Kristo ay pawang mahahalaga, at ang lumalaking impluwensiya nito ay nadarama pagkatapos na Siya'y mabayubay sa krus at makaakyat sa langit. Ang marami sa mga naghintay ng sagot sa pagtatanong ni Jesus ay magiging mga alagad Niya sa wakas, na unang nangapalapit sa Kaniya dahil sa mga sinalita Niya nang makabuluhang araw na yaon. Ang tanawing nakita nila sa patyo ng templo ay hindi na kailanman mapapawi sa kanilang mga pag-iisip. Halatang-halata ang pagkakaiba ni Jesus at ng dakilang saserdote nang sila'y nag-usap. Ang mayabang na pinuno ng templo ay nararamtan ng magara at mamahaling damit. Sa kaniyang ulo ay nakasuot ang kumikislap na tiyara. Marangal ang kaniyang tindig, ang kaniyang buhok at mahabang balbas ay pilak na dahil sa taglay niyang gulang. Pinangimian ng mga tumitingin ang kaniyang anyo. Sa harap ng marangal na taong ito ay nakatayo ang Hari ng langit, na walang gayak o gara man. Ang Kaniyang damit ay dungisan dahil sa paglalakbay; maputla ang Kaniyang mukha, at naghahayag ng tinitimping kalungkutan; gayunma'y nakabadha roon ang dangal at kagandahang-loob na kaibang-kaiba sa palalo, mapagtiwala-sa-sarili, at galit na anyo ng dakilang saserdote. Marami sa mga nakasaksi ng mga salita at mga gawa ni Jesus sa templo buhat nang panahong yaon ay idinambana na Siya sa kanilang mga puso bilang isang propeta ng Diyos. Nguni't nang ang damdaming-bayan ay pumanig sa Kaniya, lalo namang nag-ulol ang galit ng mga saserdote kay Jesus. Ang dunong Niya sa pag-iwas sa mga silong inilagay nila sa Kaniyang mga paa, palibhasa'y isa pa itong bagong katibayan ng Kaniyang pagka-Diyos, ay lalo pang nagpatindi sa kanilang galit. BB 849.3
Sa mga pakikitunggali ni Kristo sa mga rabi, ay hindi Niya layunin ang sila'y hiyain o hamakin. Hindi Niya ikinatuwa ang sila'y makitang nagigipit. Ang nais Niya'y makapagbigay at makapagturo ng mahalagang aral. Sinindak Niya ang Kaniyang mga kaaway sa pagpapahintulot na sila'y malagay at masilo sa lambat na patibong na iniumang nila sa Kaniya. Ang kanilang pag-amin na wala silang namamalayan tungkol sa likas ng bautismo ni Juan ay nagbigay sa Kaniya ng pagkakataon na makapagsalita, at mapabuti ang pagkakataon na maiharap sa kanila ang tunay na katayuan o kalagayan nila, at sa ganito'y isa pang babala ang naidagdag sa marami nang naibigay sa kanila. BB 850.1
“Ano sa akala ninyo?” wika Niya. “Isang tao ay may dalawang anak; at lumapit siya sa una, at sinabi, Anak, yumaon ka at gumawa ka ngayon sa aking ubasan. At sumagot siya at sinabi, Ayaw ko: datapwa't nagsisi siya pagkatapos, at naparoon. At siya'y lumapit sa ikalawa, at gayundin ang sinabi. At sumagot siya at sinabi, Ginoo, ako'y paroroon: at hindi naparoon. Alin baga sa dalawa ang gumanap ng kalooban ng kaniyang ama?” BB 851.1
Ang biglang tanong na ito ay ikinabigla't ikinalingat ng mga nakikinig sa Kaniya. Maingat nilang sinundan ang pagsasalaysay ng talinhaga, at ngayo'y kagyat silang sumagot ng, “Ang una.” Itinuon ni Jesus ang Kaniyang mata sa kanila, at nagsalita sa tinig na mabagsik at solemne: “Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Na ang mga maniningil ng buwis at ang mga patutot ay nangauuna sa inyo ng pagpasok sa kaharian ng Diyos. Sapagka't naparito si Juan sa inyo sa daan ng katwiran, at hindi ninyo siya pinaniwalaan: datapwa't pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng mga patutot: at kayo, sa pagkakita ninyo nito, ay hindi man kayo nangagsisi pagkatapos, upang kayo'y magsipaniwala sa kaniya.” BB 851.2
Walang magagawa ang mga saserdote at mga pinuno kundi magbigay ng tamang sagot sa tanong ni Kristo, at kaya nga natamo Niya ang kanilang palagay na pumapanig sa unang anak. Ang anak na ito ay kumakatawan sa mga maniningil ng buwis, na mga hinahamak at kinapopootan ng mga Pariseo. Ang mga maniningil ng buwis ay talagang may masasamang ugali. Talagang sila'y pusakal na mananalansang ng kautusan ng Diyos, na ipinakikita sa kanilang mga kabuhayan ang lubos na paglabag sa lahat Niyang mga iniuutos. Sila'y mga walang-utangna-loob at walang-kabanalan; nang pagsabihang yumaon at gumawa sa ubasan ng Panginoon, sila'y may paghamak na tumanggi. Datapwa't nang dumating si Juan, na nangangaral ng pagsisisi at pagbibinyag, ay tinanggap ng mga maniningil ng buwis ang pabalitang ito at nagsipagpabinyag. BB 851.3
Ang pangalawang anak ay kumakatawan sa mga tanyag na tao ng bansang Hudyo. Ang ilan sa mga Pariseo ay nagsipagsisi at nagsitanggap ng bautismo ni Juan; subali't ang mga namumuno ay ayaw kumilalang siya ay nagbuhat sa Diyos. Ang Kaniyang mga babala at mga pagsansala ay hindi umakay sa kanila na magbago. Kanilang “tinanggihan ang payo ng Diyos laban sa kanilang mga sarili, at hindi napabautismo sa Kaniya.” Lukas 7: 30. Hinamak nila ang Kaniyang pabalita. Katulad ng ikalawang anak, na, nang tawagin, ay nagsabi, “Ginoo, ako'y paroroon,” nguni't hindi naman naparoon, ang mga saserdote at mga pinuno ay nagpanggap na tumatalima, subali't ang ginagawa ay pagsuway. Ipinangalandakan nilang sila'y mga banal, sinabi nilang sila'y nagsisitalima sa kautusan ng Diyos, nguni't ang kanilang ginagawa ay maling pagtalima. Ang mga maniningil ng buwis ay tinuligsa at sinumpa ng mga Pariseo bilang mga di-naniniwalang may Diyos; nguni't ipinakilala nila sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya at mga gawa na sila'y nangauuna na sa kaharian ng langit kaysa mga taong ito na nangagbabanal-banalan at nagsitanggap ng malaking liwanag, subali't ang mga gawa ay hindi natutugma sa sinasabi nilang kabanalan. BB 852.1
Hindi kayang bathin ng mga saserdote at mga pinuno ang mga nananaliksik na katotohanang ito; gayon pa ma'y nagsawalang-imik sila, at nagsiasang si Jesus ay makapagsasalita ng isang bagay na maibabaling nila laban sa Kaniya; nguni't marami pa rin silang babathin. BB 852.2
“Pakinggan ninyo ang isa pang talinhaga,” wika ni Kristo: “May isang tao na puno ng sambahayan, na nagtanim ng isang ubasan, at binakuran niya ng mga buhay na punungkahoy sa palibot, at humukay roon ng isang pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang bantayan, at ipinagkatiwala yaon sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain: at nang malapit na ang panahon ng pamumunga, ay sinugo niya ang kaniyang mga alipin sa mga magsasaka, upang tanggapin ang kaniyang bunga. At pinaghahawakan ng mga magsasaka ang kaniyang mga alipin, at hinampas nila ang isa, at ang isa'y pinatay, at ang isa'y binato. Muling sinugo niya ang ibang mga alipin na mahigit pa sa nangauna: at ginawa rin sa kanila ang gayunding paraan. Datapwa't pagkatapos ay sinugo niya sa kanila ang kaniyang anak na lalaki, na nagsasabi, Igagalang nila ang aking anak. Datapwa't nang makita ng mga magsasaka ang anak, ay nangag-usapan sila, Ito ang tagapagmana; halikayo, siya'y ating patayin, at kunin natin ang kaniyang mana. At siya'y hinawakan nila, at itinaboy siya sa ubasan, at pinatay siya. Pagdating nga ng panginoon ng ubasan, ano kaya ang gagawin sa mga magsasakang yaon?” BB 852.3
Ang pinagsalitaan ni Jesus ay ang lahat ng mga taong naroroon; nguni't sumagot ang mga saserdote at mga pinuno. “Pupuksaing walang awa ang mga tampalasang yaon,” sabi nila, “at ibibigay ang ubasan sa ibang mga magsasaka, na sa kaniya'y mangagbibigay ng mga bunga sa kanilang kapanahunan.” Hindi agad nahagip ng kanilang isip ang pinagkakapitan ng talinhaga, nguni't ngayon ay nahalata nilang sila'y naggawad ng hatol sa kanilang mga sarili. Sa talinhaga ang puno ng sambahayan ay kumakatawan sa Diyos, ang ubasan ay ang bansang Hudyo, at ang bakod ay ang kautusan ng Diyos na siyang sa kanila'y nagsasanggalang. Ang bantayan ay kumakatawan sa templo. Ginawa na ng panginoon ng ubasan ang lahat ng kailangang gawin upang ito'y lumago at sumagana. “Ano pa ang magagawa ko sa aking ubasan,” wika niya, “na hindi ko nagawa?” Isaias 5:4. Sa ganito inilarawan ang walang pagod na pag-iingat at pangangalaga ng Diyos sa Israel. At kung paanong ang mga magsasaka ay dapat magsauli sa kanilang panginoon ng kaukulang bahagi ng mga bunga ng ubasan, ay gayundin namang dapat parangalan ng bayan ang kanilang Diyos sa pamamagitan ng isang kabuhayang tumutugon sa kanilang mga banal na karapatan. Datapwa't kung paanong pinatay ng mga magsasaka ang mga aliping inutusan ng panginoon upang humingi ng bunga, gayundin naman pinatay ng mga Hudyo ang mga propetang inutusan ng Diyos upang sila'y tawagang magsipagsisi. Sugo at sugo ang mga pinatay. Hindi mapag-aalinlanganang tamang-tama ang pagkakakapit ng talinhaga, at sa sumunod pang pangyayari ay gayundin. Sa sinisintang anak na sa huli'y sinugo ng panginoon ng ubasan sa mga tampalasan niyang alipin, at siya nilang hinawakan at pinatay, ay nakita ng mga saserdote at mga pinuno ang isang naiibang larawan ni Jesus at ang sasapitin Niyang kapalaran. Ngayon pa man ay pinapanukala na nilang patayin Siya na sinugo ng Ama sa kanila upang gumawa ng kahuli-hulihang pamanhik. Sa parusang iginawad sa walang utang-na-loob na mga magsasaka ay inilarawan ang parusang tatanggapin ng mga papatay kay Kristo. BB 853.1
May kahabagang sila'y tiningnan ng Tagapagligtas, bago patuloy na nagwika, “Kailanman baga'y hindi ninyo nabasa sa mga Kasulatan, Ang batong itinakwil ng nangagtatayo ng gusali, ang siya ring ginawang pangulo sa panulok: ito'y mula sa Panginoon, at ito'y kagila-gilalas sa harap ng ating mga mata? Kaya nga sinasabi Ko sa inyo, Aalisin sa inyo ang kaharian ng Diyos, at ibibigay sa isang bansang nagkakabunga. At ang mahulog sa ibabaw ng batong ito ay madudurog: datapwa't sinumang kaniyang malagpakan, ay pangangalating gaya ng alabok.” BB 854.1
Ang hulang ito ay malimit ulit-ulitin ng mga Hudyo sa mga sinagoga, at ikinakapit nila sa dumarating na Mesiyas. Si Kristo ang Pangulong Bato sa panulok sa kabuhayan ng mga Hudyo, at sa buong panukala ng pagliligtas. Ang patibayang batong ito ay itinatakwil ngayon ng mga tagapagtayong Hudyo, ng mga saserdote at mga pinuno ng Isarel. Tinawag ng Tagapagligtas ang kanilang pansin sa mga hula na magpapakilala sa kanila ng kanilang panganib. Sinikap Niyang ipaliwanag nang ayon sa buo Niyang makakaya ang uri ng gawaing malapit na nilang gawin. BB 854.2
At may isa pang layunin ang Kaniyang mga pagsasalita. Sa pagtatanong Niya ng, “Pagdating nga ng panginoon ng ubasan, ano kaya ang gagawin sa mga magsasakang yaon?” ay sinadya ni Kristong sumagot ang mga Pariseo nang pagayon. Sinadya Niyang sila na ang humatol sa kanilang mga sarili. Palibhasa'y hindi sila mapukaw na magsisi, ang mga babala Niya ay siyang maglalapat sa kanila ng hatol, at hangad Niyang makita nilang sila ang nagpahamak sa kanilang mga sarili. Sinadya Niyang ipakilala sa kanila na nasa katwiran ang Diyos na bawiin ang mga karapatan nilang pambansa, na noo'y nagpapasimula na, at mawawakasan, hindi lamang sa pagkagiba ng kanilang templo at ng kanilang lungsod, kundi sa pagkakawatak-watak din naman ng bansa. BB 855.1
Napagkilala ng mga nakikinig ang babala. Nguni't bagaman nilapatan na nila ng hatol ang kanilang mga sarili, handa pa rin ang mga saserdote at mga pinuno na gawin ang hinihingi ng larawan sa pamamagitan ng pagsasabi. “Ito ang tagapagmana; halikayo, siya'y ating patayin.” “Nguni't nang sila'y nagsisihanap ng paraang Siya'y mahuli, ay nangatakot sila sa karamihan,” sapagka't ang damdaming bayan ay nasa panig ni Kristo. BB 855.2
Nang sipiin ni Kristo ang hula tungkol sa batong itinakwil, ay talagang isang tunay na pangyayari sa kasaysayan ng Israel ang binanggit Niya. Ang pangyayari ay kaugnay ng pagtatayo ng unang templo. Bagama't ito'y tanging nakakapit sa panahon nang unang pumarito si Kristo, at dapat sana'y nakaantig nang labis sa mga Hudyo, ito'y may aral din naman para sa atin. Nang itayo ang templo ni Solomon, ang malaking bato para sa pader at sa patibayan ay inihanda't tinabas na lahat sa tibagan; matapos madala ang mga ito sa dakong pagtatayuan, wala nang ano pa mang kasangkapang gagamitin sa mga ito; ilalapat na lamang ito ng mga manggagawa sa kanilang kinauukulang lugar. Isang batong di-karaniwan ang laki at kakatwa ang hugis ang dinala upang gamitin sa patibayan; nguni't ang mga manggagawa ay walang makitang lugar na mapaglalagyan nito, at ayaw nilang tanggapin. Kinayamutan nila iyon sa pagkakalagay niyon sa dinaraanan nila na di-nagagamit. Ito'y maluwat na namalaging isang batong itinakwil. Nguni't nang dumating na ang mga tagapagtayo sa panahon ng paglalagay ng bato sa panulok, ay maluwat silang naghanap ng isang batong may sapat na laki at tibay, at may nararapat na hugis, upang mailagay sa tanging lugar na iyon, at magdala ng malaking bigat na mapapasalalay doon. Kapag nakagawa sila ng maling pagpili para sa mahalagang lugar na ito, ay manganganib ang buong gusali. Dapat silang makakuha ng isang batong may kayang tumagal sa init ng araw, sa lamig, at sa bagyo. Ilan nang bato ang sa iba't ibang pagkakataon ay pinili at inilagay, subali't dahil sa bigat ng gusali, ay nagkadurug-durog ang mga ito. Ang iba naman ay hindi tumagal sa biglang mga pagbabago ng panahon. Datapwa't sa wakas ay nabaling ang pansin nila sa batong maluwat nang itinakwil. Nahantad na iyon sa hangin, sa araw at sa bagyo, nang hindi nagkaroon ng anumang bitak. Sinuri ng mga tagapagtayo ang batong ito. Isa na lamang pagsubok ang hindi pa nito nalalampasan. Kung makakaya nitong dalhin ang malaking bigat, ipapasiya nilang tanggapin ito na maging pangulong bato sa panulok. Sinubok nga nila. Inilagay nila ang bato sa lugar na ukol dito, at nasumpungan nilang ito'y hustung-husto doon. Sa pangitaing ukol sa hula, ay ipinakita kay Isaias na ang batong ito ay sumasagisag kay Kristo. Sinasabi niya: BB 855.3
“Ang Panginoon ng mga hukbo, Siya ang inyong ariing banal; at sumakaniya ang inyong takot, at sumakaniya ang inyong pangingilabot. At Siya'y magiging pinakasantuwaryo; nguni't pinaka-Batong katitisuran at pinakamalaking Batong pambuwal sa dalawang sambahayan ng Israel, na pinakabitag at pinakasilo sa mga nananahan sa Jerusalem. At marami ang mangatitisod doon, at mangabubuwal, at mangababalian, at mangasisilo, at mangahuhuli.” Ang propeta ay dinala ng pangitain sa unang pagparito, at ipinakita sa kaniya na magpapasan si Kristo ng mga pagsubok at mga kahirapan na siyang sinasagisagan ng lahat ng pagsubok na gagawin sa pangulong bato sa panulok sa templo ni Solomon. “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, Narito, Aking inilalagay sa Siyon na pinakapatibayan ang isang bato, isang batong subok, isang mahalagang batong panulok, na may matibay na patibayan: ang naniniwala ay hindi magmamadali.” Isaias 8:13-15; 28:16. BB 857.1
Sa walang-hanggang karunungan ng Diyos, ay Siya ang pumili ng batong patibayan, at Siya na rin ang naglagay nito. Tinawag Niya itong “matibay na patibayan.” Maaaring ipatong dito ng buong sanlibutan ang lahat niyang mga pasanin at mga kadalamhatian; kaya nitong dalhin ang lahat nang ito. Makapagtatayo sila sa ibabaw nito nang may ganap na katiwasayan. Si Kristo ay “isang batong subok.” Lahat ng nagtitiwala sa Kaniya ay hindi Niya kailanman binibigo. Nagbata Siya ng lahat ng pagsubok. Binata Niya ang bigat ng kasalanan ni Adan, at ang kasalanan ng kaniyang kaanakan, at lumabas na higit pa kaysa mananagumpay sa mga kapangyarihan ng kasamaan. Nadala Niya ang mga pasaning ibinunton sa Kaniya ng bawa't makasalanang nagsisisi. Ang makasalanang puso ay nakasumpong kay Kristo ng kaginhawahan. Siya ang matibay na patibayan. Lahat ng sa Kaniya'y umaasa at nagtitiwala ay makapagtatamasa ng sakdal na katiwasayan. BB 857.2
Sa hula ni Isaias, si Kristo ay tinatawag na matibay na patibayan at batong katitisuran. Sa pagkakasi ng Espiritu Santo, ay malinaw na ipinakikilala ni apostol Pedro kung kanino isang batong patibayan si Kristo, at kung kanino Siya isang batong pambuwal. BB 858.1
“Kung inyong napagkilala na ang Panginoon ay mapagbiyaya: na kayo'y magsilapit sa Kaniya, na isang batong buhay, na sa katotohana'y itinakwil ng mga tao, datapwa't sa Diyos ay hirang, at mahalaga, kayo rin naman, na gaya ng mga batong buhay, ay natatayong bahay na ukol sa espiritu, upang maging pagkasaserdoteng banal, upang maghandog ng mga hain na ukol sa espiritu, na nangakalulugod sa Diyos sa pamamagitan ni JesuKristo. Sapagka't ito ang nilalaman ng Kasulatan, Narito, aking inilalagay sa Siyon ang isang Batong panulok na pangulo, hirang, mahalaga; at ang sumasampalataya sa Kaniya ay hindi mapapahiya. Sa inyo ngang nangananampalataya Siya'y mahalaga: datapwa't sa hindi nangananampalataya, ang batong itinakwil ng nagsisipagtayo ng bahay, siyang naging pangulo ng panulok, at Batong katitisuran, at Bato na pambuwal, sapagka't sila ay natitisod sa salita, palibhasa'y mga suwail.” 1 Pedro 2:3-8. BB 858.2
Sa mga sumasampalataya, si Kristo ay matibay na patibayan. Sila ang mga nahulog sa ibabaw ng Bato at nangadurog. Ang ipinakikilala nito ay ang pagpapasakop kay Kristo at pagsampalataya sa Kaniya. Ang mahulog sa ibabaw ng Bato at madurog ay nangangahulugang pagtalikod sa ating sariling-pagbabanal-banalan at paglapit kay Kristo nang may pagpapakumbabang tulad ng sa isang maliit na bata, na nagsisisi ng ating mga kasalanan, at naniniwala sa Kaniyang nagpapatawad na pag-ibig. At kaya sa pamamagitan din naman ng pananampalataya at pagtalima tayo'y nakapagtatayo kay Kristo na ating patibayan. BB 858.3
Sa ibabaw ng buhay na Batong ito, ay mangyayaring magtayo ang mga Hudyo at ang mga Hentil. Ito lamang ang tanging patibayan na mapagtatayuan natin nang buong kapanatagan. Sapat ang lapad nito para sa lahat, at sapat din ang tibay upang makaya ang bigat at laki ng pasan ng sanlibutan. At sa pamamagitan ng pagkakaugnay kay Kristo, na Batong buhay, lahat ng mga nagtatayo sa ibabaw ng patibayang ito ay nagiging mga batong buhay. Maraming mga tao ang sa sarili nilang mga pagsisikap ay nahugis, kuminis, at gumanda; subali't hindi sila maaaring maging mga “batong buhay,” sapagka't hindi sila nakaugnay kay Kristo. Kung wala ang ganitong pagkakaugnay, walang taong maliligtas. Kung wala sa atin ang buhay ni Kristo, hindi natin mapaglalabanan ang mga bagyo ng tukso. Ang ating walang-hanggang kapanatagan at kaligtasan ay nakasalig sa ating pagtatayo sa ibabaw ng matibay na patibayang ito. Marami ang nagtatayo ngayon sa ibabaw ng mga patibayang hindi pa nasubok. Kapag bumabagsak ang ulan, at nagngangalit ang bagyo, at dumadagsa ang baha, ang bahay nila ay nabubuwal, sapagka't hindi nakatatag sa ibabaw ng walanghanggang Bato, ang Pangulong Bato sa panulok na si Kristo Jesus. BB 858.4
“Sa mga natitisod sa salita, palibhasa'y mga suwail,” si Kristo ay isang Batong pambuwal. Nguni't “ang batong itinakwil ng nagsisipagtayo ng bahay, ay siyang naging pangulo sa panulok.” Katulad ng batong itinakwil, si Kristo ay nagtiis ng pagkakatakwil at pagkakalapastangan nang Siya'y naglilingkod dito sa lupa. Siya'y “hinamak at itinakwil ng mga tao; isang Taong kapanglawan, at bihasa sa kapighatian: ... Siya'y hinamak, at hindi natin pinahalagahan Siya.” Isaias 53:3. Nguni't malapit na noon ang panahong Siya ay luwalhatiin. Sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli ay Siya'y ipahahayag na “Anak ng Diyos na may kapangyarihan.” Roma 1:4. Sa Kaniyang ikalawang pagparito ay Siya'y mahahayag na Panginoon ng langit at ng lupa. Yaong mga ngayo'y malapit nang magpako sa Kaniya sa krus ay kikilala sa Kaniyang kadakilaan. Sa harap ng santinakpan ay magiging pangulo sa panulok ang Batong itinakwil. BB 859.1
At sa“sinumang kaniyang malagpakan, ay pangangalating gaya ng alabok.” Malapit nang makita ng mga taong tumanggi kay Kristo ang pagkawasak o pagkagiba ng kanilang lungsod at bansa. Masisira ang kanilang kaluwalhatian, at mangangalat na gaya ng alabok pagka humihip ang hangin. At ano nga ang sumira sa mga Hudyo? Iyon ay ang bato, na kung sila lamang ay sa ibabaw nito nagtayo, ito sana ang naging kapanatagan o kaligtasan nila. Iyon ang kabutihan ng Diyos na kanilang hinamak, ang katwiran na kanilang tinanggihan, ang kaawaang kanilang winalang-halaga. Kinalaban ng mga tao ang Diyos, at ang lahat na sana'y sa ikaliligtas nila ay nauwi sa pagkapahamak nila. Ang lahat ng itinalaga ng Diyos sa ikabubuhay ay nasumpungan nilang sa ikamamatay. Nakapaloob sa pagpapako ng mga Hudyo kay Kristo sa krus ang pagkawasak ng Jerusalem. Ang dugong natigis sa Kalbaryo ay siyang bigat na nagpalubog sa kanila sa kapahamakan sa sanlibutang ito at sa sanlibutang darating. Magiging ganyan din sa huling dakilang araw, pagka bumagsak na ang hatol sa lahat ng mga tumanggi sa biyaya ng Diyos. Si Kristo, na sa kanila'y Batong pambuwal, ay pakikita sa kanilang tulad sa isang naghihiganting bundok. Ang kaluwalhatian ng Kaniyang mukha, na sa mga matwid ay buhay, ay magiging apoy na namumugnaw sa mga masasama. Dahil sa pag-ibig na tinanggihan, at sa biyayang hinamak, ay lilipulin ang makasalanan. BB 860.1
Sa pamamagitan ng maraming mga halimbawa at paulit-ulit na mga babala, ay ipinakilala ni Jesus ang magiging bunga sa mga Hudyo ng pagtanggi nila sa Anak ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga pangungusap na ito ay nagsasalita Siya sa lahat ng tao sa bawa't panahon na tumatangging tanggapin Siya bilang kanilang Manunubos. Lahat ng babala ay para sa kanila. Ang templong nilapastangan, ang masuwaying anak, ang masasamang magsasaka, at ang mapanghamak na mga tagapagtayo, ay may kani-kanilang kapareho o katumbas sa karanasan ng bawa't makasalanan. Malibang siya'y magsisi, ang hatol o parusang paunang-umaanino sa mga ito ay sasapit sa kaniya. BB 860.2