Bukal Ng Buhay
Kabanata 63—“Ang Inyong Hari ay Naparirito”
Ang kabanatang ito ay batay sa Maleo 21:1-11; Marcos 11:1-10; Lukas 19:29-44; Juan 12:12-19.
“Magalak kang mainam, Oh anak na babae ng Siyon; humiyaw ka, Oh anak na babae ng Jerusalem: narito, ang iyong Hari ay naparirito sa iyo: Siya'y ganap, at may pagliligtas; mapagpakumbabang-loob, at nakasakay sa isang asno, sa isang batang asno na anak ng asnong-babae.” Zacarias 9:9. BB 815.1
Limandaang taon pa bago isinilang si Kristo, ipinagpauna nang sinabi ng propeta Zacarias ang pagparito ng Hari ng Israel. Matutupad ngayon ang hulang ito. Siya na malaon nang tumanggi sa mga karangalang panghari ay pumapasok ngayon sa Jerusalem bilang ang ipinangakong tagapagmana sa luklukan ni David. BB 815.2
Unang araw ng sanlinggo nang si Kristo ay matagumpay na pumasok sa Jerusalem. Ang maraming nagsidagsa sa Kaniya upang makita Siya sa Betanya ay nagsisama ngayon sa Kaniya, at pinananabikang masaksihan ang gagawing pagtanggap sa Kaniya. Marami ang pauwi sa siyudad upang ipagdiwang ang Paskuwa, at ang mga ito'y nakisabay sa karamihang nagsisama kay Jesus. Ang buong katalagahan ay waring nagsasaya. Mayayabong ang mga dahon ng mga punungkahoy, at ang mga bulaklak nito ay nagsasaboy ng mabangong halimuyak sa hangin. Isang bagong kabuhayan at kagalakan ang wari'y nagpasigla sa mga tao. Muling sumisibol ang pag-asa tungkol sa bagong kaharian. BB 815.3
Sa hangad ni Jesus na pumasok sa Jerusalem nang nakasakay, inutusan Niya ang dalawa sa Kaniyang mga alagad na dalhan Siya ng isang asno at pati anak nito. Nang isilang ang Tagapagligtas ay umasa Siya sa kagandahang-loob ng mga ibang tao. Ang pasabsabang Kaniyang hinigan ay isang hiram na himlayan. Ngayon, bagaman ang mga baka sa libong burol ay Kaniya, umaasa pa rin Siya sa kagandahang-loob ng iba upang may masakyan Siyang isang hayop sa pagpasok Niya sa Jerusalem na parang Hari nito. Nguni't nahayag na naman ang Kaniyang pagka-Diyos, sa kaliit-liitang mga tagubilin Niya sa Kaniyang mga alagad sa utos na ito. Gaya nang Kaniyang paunang-sinabi, ang pakiusap na, “Kinakailangan sila ng Panginoon,” ay karaka-rakang pinagbigyan. Pinili ni Jesus na sakyan ang batang asnong hindi pa kailanman nasasakyan ng sinumang tao. Taglay ang kagalakang inilatag naman ng mga alagad ang kanilang mga kasuutan sa likod ng hayop, at doo'y naupo ang kanilang Panginoon. Dati-dati ay naglalakad lamang si Jesus sa Kaniyang paglalakbay, at ang mga alagad ay nagtaka sa pasimula kung bakit napili Niya ngayong sumakay. Datapwa't muling nabuhay ang pag-asa sa kanilang mga puso sa pag-aakalang Siya'y papasok sa punong-lungsod, at itatanyag na Hari ang Kaniyang sarili, at pagtitibayin ang kapangyarihan ng Kaniyang pagkahari. Nang sinusunod nila ang Kaniyang utos ay ibinalita nila sa mga kaibigan ni Jesus ang maligaya nilang inaasam-asam, at ang pagkakatuwaan ay namayani sa malayo at sa malapit, hanggang sa umabot sa karurukan ang mga pag-asam ng mga tao. BB 816.1
Sinusunod ni Kristo ang kaugalian ng mga Hudyo pagka pumapasok ang Hari. Ang hayop na Kaniyang sinakyan ay siya ring sinakyan ng mga hari ng Israel, at ipinagpauna nang sinabi ng hula na sa gayong paraan papasok ang Mesiyas sa Kaniyang kaharian. Karakarakang makaupo Siya sa likod ng batang asno ay naghinugong ang himpapawid sa malakas na sigaw ng pagtatagumpay. Ipinagbunyi Siya ng karamihan bilang Mesiyas, na Hari nila. Ngayo'y tinanggap ni Jesus ang parangal na noong una'y hindi Niya ipinahintulot, at ito'y itinuring naman ng mga alagad na isang katunayan na ang masaya nilang mga inaasam-asam ay matutupad at iyon ay ang makita Siyang nakaupo sa trono bilang Hari. Naniwala ang marami na sumapit na ang oras ng kanilang paglaya. Sa kanilang guni-guni'y para nilang nakikita na ang mga hukbo ng Roma ay pinalalayas sa Jerusalem, at ang Israel ay muli na namang naging isang bansang malaya. Lahat ay masaya at walang-malamang gawin; ang mga tao'y nag-uunahan sa pagbubunyi at pagpaparangal sa Kaniya. Wala silang naipakitang ringal at ningning, nguni't inukulan nila Siya ng taos-pusong pagsamba. Wala silang naialay na mga mamahaling handog, nguni't inilatag naman nila ang kanilang mga damit bilang isang alpombra sa Kaniyang daraanan, at sinabugan din nila ito ng madahong mga sanga ng olibo at palma. Nanguna sila sa masayang prusisyon na bagaman walang mga watawat ng hari, ay mayroon namang mga dahon ng palma, na siyang sagisag ng tagumpay, at iniwasiwas ang mga ito nang mataas na kasabay ang malalakas na pagbubunyi at mga hosana. BB 816.2
Sa paglakad ng prusisyon ay lalong dumarami ang mga tao, na nararagdagan ng mga bagong nakarinig tungkol sa pagdating ni Jesus. Patuloy ang dagsa ng mga manonood na nakikisama sa karamihan, at nangagtatanong, Sino ito? Ano ang ibig sabihin ng ganitong pagkakagulo? Lahat sila'y nakabalita na tungkol kay Jesus, at inaasahan nilang Siya'y tutungo sa Jerusalem; nguni't batid din nilang tinanggihan Niya noong una ang Siya'y iluklok sa trono, at kaya nga ngayo'y namangha silang maalaman na ito na Siya. Hindi nila maubos- maisip kung ano ang nagpabago sa Kaniya, Siya na nagsabing ang Kaniyang kaharian ay hindi sa sanlibulang ito. BB 817.1
Ang kanilang mga pagtatanong ay pinatahimik ng isang sigaw ng tagumpay. Ito'y muli at muling inulit ng sabik na karamihan; sinasagot ito ng mga taong nasa malayo, at umalingawngaw sa mga gulod at mga kapatagang nasa palibot. At ngayon ang prusisyon ay dinagsaan pa ng mga taong buhat sa Jerusalem. Sa mga karamihan namang nagkatipon upang dumalo sa Paskuwa, ay libu-libo ang nagsilabas upang sumalubong kay Jesus. Binati nila Siya sa pamamagitan ng pagwawagayway ng mga sanga ng palma at ng sigalbo ng banal na awit. Pinatunog ng mga saserdoteng nasa templo ang pakakak para sa serbisyong panghapon, subali't iilan lamang ang tumugon, at ang mga pinuno ay nababahalang nagwika sa isa't isa, “Ang sanlibutan ay sumusunod na sa Kaniya.” BB 818.1
Kailanman sa buong buhay Niya sa lupa ay ngayon lamang ipinahintulot ni Jesus ang ganitong pagtatanghal. Malinaw Niyang nakita ang ibubunga. Ihahatid Siya nito sa krus. Nguni't sadyang pinanukala Niyang hayagang ipakilala ang Kaniyang sarili bilang siyang Manunubos. Hangad Niyang ipaalam sa lahat ang sakripisyong magiging pinakaputong ng Kaniyang misyon sa sanlibutang nagkasala. Habang nagkakatipon ang mga tao sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskuwa, Siya naman, na sumasagisag sa Tupang ihahandog, ay kusang nagharap ng sarili Niya bilang pinakaalay. Kailangan ng Kaniyang iglesya sa buong panahong dumarating na pag-aralan ang malalim na kahulugan ng Kaniyang pagkamatay dahil sa mga kasalanan ng sanlibutan. Bawa't bagay o pangyayaring kaugnay nito ay dapat linawin at hawiin ang alinlangan. Dahil dito, kinakailangang ang mga mata ng lahat ng mga tao ay mapatuon ngayon sa Kaniya; ang mga pangyayaring nauuna sa Kaniyang malaking sakripisyo ay kailangang maging gayon na anupa't makatatawag ng pansin sa sakripisyo na rin. Pagkatapos ng pagtatanghal na yaon na nasaksihan sa pagpasok Niya sa Jerusalem, lahat ng paningin ay sumubaybay na sa Kaniya hanggang sa katapusang yugto. BB 818.2
Ang mga pangyayaring kaugnay ng Kaniyang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem ay siyang magiging usap-usapan ng lahat ng dila, at si Jesus ang mapapasaisip ng lahat. At pagkatapos na Siya'y mabayubay sa krus, marami ang makakaalaala sa mga pangyayaring ito na kaugnay ng paglilitis at pagpatay sa Kaniya. Maaakay silang magsiyasat ng mga hula, at mahihikayat silang maniwala na si Jesus nga ang siyang Mesiyas; at sa lahat ng mga lupain ay darami ang mga mahihikayat sa pananampalataya. BB 819.1
Sa isang matagumpay na tanawing ito sa Kaniyang buhay sa lupa, ang Tagapagligtas ay maaaring waring inabayan ng mga anghel sa langit, at ipinagbunyi ng pakakak ng Diyos; nguni't ang gayong pagtatanghal ay waring salungat sa layunin ng Kaniyang misyon, salungat sa batas o kautusang sinunod ng Kaniyang buhay. Nanatili Siyang tapat sa abang kapalarang Kaniyang tinanggap. Ang pansin ng sangkatauhan ay dapat Niyang dalhin hanggang sa ang Kaniyang buhay ay maialay para sa ikabubuhay ng sanlibutan. BB 819.2
Ang araw na ito, na sa mga alagad ay siyang pinakamasayang araw sa kanilang mga buhay, ay nalambungan sana ng mga ulap ng kalungkutan kung nabatid lamang nila na ang tanawing ito ng pagkakasayahan ay pasimula lamang ng paghihirap at kamatayan ng kanilang Panginoon. Bagama't paulit-ulit Niyang sinabi sa kanila ang tungkol sa Kaniyang gagawing pagpapakasakit, gayunma'y nawala ito sa kanilang alaala dahil sa masayang tagumpay ng kasalukuyan, at hinintay nila ang Kaniyang masaganang paghahari sa luklukan ni David. BB 819.3
Parami nang parami ang mga nagsisisunod sa prusisyon, at lahat, liban sa ilan, ay sinidlan ng tuwang dulot ng pagkakataon, at sila'y nakisaliw sa pag-aawitan ng mga hosana na nag-inugong at umalingawngaw sa mga burol at kapatagan. Patuloy na pumailanlang ang mga sigaw na, “Hosana sa Anak ni David: Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon; Hosana sa kataas-taasan.” BB 820.1
Kailan man nang una ay walang nakita ang sanlibutan na ganitong matagumpay na prusisyon. Hindi ito katulad ng mga tanyag na mandirigma sa lupa. Walang sumusunod na mga nagsisitangis na bihag, na mga tropeo ng katapangan ng hari, sa tanawing yaon. Nguni't sa paligid ng Tagapagligtas ay naroroon ang maluwalhating mga tropeo ng Kaniyang mga paglilingkod at pag-ibig sa taong makasalanan. Ito ang mga bihag na hinango Niya sa kapangyarihan ni Satanas, na nagsisipuri sa Diyos dahil sa kanilang pagkakaligtas. Ang mga piping Kaniyang pinapagsalita ay siyang pinakamalakas sa pagsigaw ng mga hosana. Ang mga pilay na Kaniyang pinagaling ay nagsisilundag sa katuwaan, at sila ang masiglang-masigla sa pagbali ng mga sanga ng palma at iniwawasiwas ang mga ito sa harapan ng Tagapagligtas. Ibinubunyi ng mga babaeng balo at ng mga ulila ang pangalan ni Jesus dahil sa Kaniyang mga gawang kahabagan sa kanila. Inilalatag ng mga ketonging Kaniyang nilinis ang kanilang malilinis na damit sa landas na Kaniyang daraanan, at ibinunyi Siya bilang Hari ng kalu walhatian. Yaong mga ginising Niya sa tulog ng kamatayan ay naroon din at kasama ng karamihan. Si Lazaro, na nakatikim ang katawan ng kabulukan sa libingan, nguni't ngayon ay natutuwa sa taglay na lakas at lusog ng kabataan, ay siyang umakay sa batang asnong sinasakyan ng Tagapagligtas. BB 820.2
Maraming Pariseo ang nakakita sa tanawing yaon, at udyok ng matinding inggit at pagkagalit, ay sinikap nilang baguhin ang damdamin ng mga tao. Ginamit nila ang kanilang kapangyarihan upang mapatahimik ang mga tao; nguni't ang kanilang mga pakiusap at pagbabanta ay lalo pang nagpasidhi sa sigla ng pagsasaya. Siya'y nangangambang baka ang karamihang ito, sa bisa ng bilang nila, ay magpilit na si Jesus ay gawing hari. Bilang kahuli-hulihang paraan ay nakipaggitgitan sila sa karamihan patungo sa kinaroroonan ng Tagapagligtas, at binati Siya sa pamamagitan ng mga salitang naninisi at nagbabanta: “Guro, sawayin Mo ang Iyong mga alagad.” Sinabi nilang ang gayong maingay na pamamahayag ay ipinagbabawal ng kautusan o ng batas, at hindi ipinahihintulot ng mga maykapangyarihan. Subali't sila'y nangatahimik sa sagot ni Jesus, “Sinasabi Ko sa inyo na, kung hindi mangagsiimik ang mga ito, ang mga bato'y biglang sisigaw.” Ang tanawin ng pagtatagumpay ay itinadhana ng Diyos. Iyon ay hinulaan ng propeta, at walang magagawa ang tao upang pigilin ang panukala ng Diyos. Kung hindi tutupdin ng mga tao ang Kaniyang panukala, bibigyan Niya ng tinig ang mga batong walang-buhay, at ang mga ito'y siyang magbubunyi sa Kaniyang Anak sa pamamagitan ng mga sigaw ng pagpupuri. Nang magsiurong ang nangatahimik na mga Pariseo, ang mga salita ng propeta Zacarias ay ipinagsigawan ng daan-daang mga tinig: “Magalak kang mainam, Oh anak na babae ng Siyon; humiyaw ka, Oh anak na babae ng Jerusalem: narito, ang iyong Hari ay naparirito sa iyo: Siya'y ganap, at may pagliligtas; mapagpakumbabang-loob, at nakasakay sa isang asno, sa isang batang asno na anak ng asnong-babae.” BB 820.3
Nang dumating ang prusisyon sa taluktok ng burol, at malapit nang lumusong patungo sa lungsod, huminto si Jesus, at ang buong karamihang kasama Niya ay huminto rin. Sa harap nila ay nakalatag ang kaluwalhatian ng Jerusalem, na ngayo'y naliligo sa liwanag ng lumulubog ng araw. Napatuon sa templo ang lahat ng mga paningin. Sa marilag na pagkakatindig nito ay mataas ito sa lahat ng iba, na tila mandin nakaturo sa langit at para bagang sinasabi sa mga tao na may iisa lamang tunay at buhay na Diyos. Ang templo ay malaon nang ipinagmamalaki ng bansang Hudyo. Nagmamalaki rin ang mga Romano sa angking karilagan nito. Isang hari ang pinili ng mga Romano upang tulungan ang mga Hudyo na ito'y muling itayo at pagandahin, at ito'y binigyan ng emperador ng Roma ng masagana niyang mga kaloob. Ang tibay, yaman, at karilagan nito ay ginawa itong isa sa mga kamangha-mangha sa sanlibutan. BB 821.1
Samantalang ang namamaalam na araw ay gumuguhit ng mamula-mula't ginintuang kulay sa papawirin, pinagliwanag ng maningning nitong sinag ang dalisay na kaputian ng marmol na pader ng templo, at kumislap sa mga haliging nakakalupkupan ng ginto. Buhat sa taluktok ng burol na kinatatayuan ni Jesus at ng mga sumusunod sa Kaniya, iyon ay mistulang isang malaking bulto ng yelo, na natatamnan ng mga ginintuang taluktok. Sa may pintuan ng templo ay may isang baging ng ubas na ginto at pilak, na may mga luntiang dahon at malalaking kumpol ng ubas na hinugis ng mga dalubhasang artista. Ang disenyong ito ay kumakatawan sa Israel bilang isang malagong baging. Ang ginto, pilak, at buhay na buhay na kaluntian, ay nilangkapan ng pambihirang ayos at dalubhasang pagkakagawa; sa paikot na paggapang nito sa palibot ng maputi at nagkikislapang mga haligi, na may mga ugat na nangagkabit sa mga ginintuang palamuti nito, ay tinamaan ito ng marilag na sinag ng lumulubog na araw, at nagliliwanag na para bagang nanghiram ng kaluwalhatiang buhat sa langit. BB 822.1
Pinagmasdan ni Jesus ang tanawin, at ang malaking karamihan ay natigilan, na waring namalikmata sa nakita nilang kagandahan. Lahat ng paningin ay napabaling sa Tagapagligtas, na nagsisiasang makakakita sa Kaniyang mukha ng paghangang kanila ring nadarama. Nguni't sa halip ay namalas nila sa Kaniya ang ulap ng kalungkutan. Sila'y namangha at nabigo nang makita nilang nangingilid sa Kaniyang mga mata ang luha, at ang Kaniyang katawan ay nanginginig na tulad ng isang punungkahoy na hinahampas ng unos, samantala'y isang daing ng hinagpis ang namulanggos sa Kaniyang nanginginig ng mga labi, na para bagang nagbubuhat sa kaibuturan ng isang pusong wasak. Nakalalagim na tanawin ito na makita ng mga anghel! Ang minamahal niIang Pinuno ay buong paghihirap-ng-lhoob na tumatangis! Kakatwang tanawin ito na makita ng masayang karamihan na sumisigaw ng tagumpay at nagwawasiwas ng mga sanga ng palma na umaabay sa Kaniya patungo sa maluwalhating siyudad, na doo'y inaasahan nilang Siya'y maghahari! Si Jesus ay tumangis sa libingan ni Lazaro, nguni't iyon ay banal na pagtangis dahil sa pakikiramay sa kapighatian ng mga tao. Subali't ang biglang pagkalungkot na ito ay natutulad sa isang daing ng paghihinagpis sa isang dakilang awitan ng pagtatagumpay. Sa gitna ng isang tagpo ng pagkakatuwaan, na doo'y inuukulan Siya ng pagsamba, ang Hari ng Israel ay lumuha; hindi luha ng kagalakan, kundi luha ng paghihinagpis at ng di-mapigil na paghihirap-ng-loob. Ang karamihan ay biglang nilukuban ng kapanglawan. Natahimik ang kanilang mga pagbubunyi. Marami ang nagsitangis din bilang pakikiramay sa isang kapighatiang hindi nila mapag-unawa. BB 822.2
Ang pagluha ni Jesus ay hindi dahil sa dumarating Niyang paghihirap. Sa harap Niya ay naroon ang Gethsemane, na doon ang lagim ng isang makapal na kadiliman ay lulukob sa Kaniya. Natatanaw rin Niya ang pintuan ng kulungan ng mga tupa, na doon itinitigil sa loob ng mga dantaon ang mga hayop na inihahandog. Ang pintuang ito ay malapit nang buksan sa Kaniya, ang dakilang Inaaninuhan, na siyang itinuturo ng lahat ng mga handog na inihain para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Malapit dito ay naroon ang Kalbaryo, ang pook na malapit na Niyang pagdusahan. Nguni't hindi dahil sa mga gunitaing ito ng malupit na kamatayang sasapit sa Kaniya kaya tumangis at naghinagpis ang Manunubos. Ang kalungkutan Niya'y hindi makasariling pagkalungkot. Ang pagkaalaala sa sasapitin Niyang sariling paghihirap ay hindi nakabalino sa marangal at mapagpakasakit na kaluluwang ito. Ang pagkakita sa Jerusalem ay siyang umulos sa puso ni Jesus—ang Jerusalem na tumanggi sa Anak ng Diyos at humamak sa Kaniyang pag-ibig, na tumangging maniwala sa mga kababalaghan Niyang gawa, at ngayo'y siyang malapit nang kumitil sa Kaniyang buhay. Nakita Niyang ito'y nagkasala sa pagtanggi nito sa kaniyang Manunubos, at nakita rin Niya kung ano sana ang magiging kalagayan nito kung tinanggap lamang nito Siya na siya lamang makapagpapagaling sa kaniyang sugat. Siya'y naparito upang ito'y tubusin; paano nga Niya ito mapababayaan? BB 823.1
Ang Israel a.y isang bayang itinangi; ang kanilang templo ay ginawa ng Diyos na Kaniyang tahanang dako; ito'y “maganda sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa.” Awit 48:2. Ang tala tungkol sa sanlibong taong pag-iingat at pag-ibig ni Kristo, na gaya ng pag-aaruga ng isang ama sa kaniyang bugtong na anak, ay naroroon. Sa templong yaon binigkas ng mga propeta ang solemne nilang mga babala. Doon iwinasiwas ang nagbabagang pansuob ng kamanyang, samantalang ang usok ng kamanyang, ay umiilanlang sa Diyos na kasama ang mga panalangin ng mga sumasamba. Doo'y umagos ang dugo ng mga hayop, na kumakatawan sa dugo ni Kristo. Doo'y naglingkod ang mga saserdote, at ang ringal ng sagisag at seremonya ay nagpatuloy sa buong mga panahon. Nguni't ang lahat nang ito ay kailangang magkaroon ng wakas. BB 824.1
Iniunat ni Jesus ang Kaniyang kamay—yaong kamay na madalas nagpapala sa mga maysakit at mga nahihirapan—at pagkakumpas sa dako ng mapapahamak na siyudad, ay pabulalas na nangusap nang pauntul-untol: “Kung sa araw na ito ay nakilala mo sana, sa iyong sarili, ang mga bagay na nauukol sa iyong kapayapaan!—” Dito'y huminto ang Tagapagligtas, at di-sinabi kung ano sana ang magiging kalagayan ng Jerusalem kung tinanggap lamang nito ang tulong na nais ng Diyos ibigay sa kaniya—ang kaloob ng Kaniyang pinakamamahal na Anak. Kung naalaman lamang ng Jerusalem ang bagay na karapatan niyang malaman, at tinanggap ang liwanag na ipinadala sa kaniya ng Langit, nakatayo sana siyang mariwasa, na reyna ng mga kaharian, na malaya't may lakas na bigay ng Diyos. Hindi sana nagkaroon ng mga sandatahang kawal sa kaniyang mga pintuang-bayan, at wala rin sanang mga bandilang Romanong wumawagayway sa kaniyang mga kuta. Ang maluwalhating kapalarang hinantungan sana ng mapalad na Jerusalem kung tinanggap lamang niya ang kaniyang Manunubos, ay nagbangon sa harap ng Anak ng Diyos. Nakita Niyang maaari sanang napagaling siya sa kaniyang mabigat na karamdaman, napalaya sana siya sa kaniyang pagkaalipin, at natatag sana siya bilang pinakamakapangyarihang punong-lungsod ng buong lupa. Sana buhat sa kaniyang mga kuta ay lalabas ang kalapati ng kapayapaan patungo sa lahat ng mga bansa. Siya sana ang naging diyadema ng kaluwalhatian ng sanlibutan. BB 825.1
Datapwa't ang sana'y magandang larawan ng Jerusalem ay naparam sa paningin ng Tagapagligtas. Nakita Niya ngayon ang kalagayan nito na pasan ang pamatok ng Roma, pasan ang pagsusungit ng Diyos, at patungo sa kapahamakan. Ngayo'y itinuloy Niya ang nauntol Niyang panaghoy: “Datapwa't ngayo'y pawang nangatatago sa iyong mga mata. Sapagka't darating sa iyo ang mga araw, na babakuran ka ng kuta ng mga kaaway mo, at kukubkubin ka, at gigipitin ka sa magkabi-kabila, at ilulugso ka sa lupa, at ang mga anak mo na nasa loob mo; at sa iyo'y hindi mag-iiwan ng bato sa ibabaw ng kapwa bato; sapagka't hindi mo nakilala ang panahon ng sa iyo'y pagdalaw.” BB 825.2
Naparito si Kristo upang iligtas ang Jerusalem at pati kaniyang mga anak; nguni't ang maka-Pariseong kayabangan, pagpapaimbabaw, pagkainggit, at pagkagalit ang nakahadlang sa Kaniya sa pagsasakatuparan ng Kaniyang panukala. Batid ni Jesus ang kakila-kilabot na parusang sasapit sa huhukumang siyudad. Nakita Niya ang Jerusalem na naliligid ng mga hukbo, ang nakukulong na mga tao'y mahuhulog sa pagkagutom at sa kamatayan, ang mga ina'y magsisikain sa mga patay na katawan ng kanilang sariling mga anak, at ang mga magulang at mga anak ay mag-aagawan sa kahuli-hulihang piraso ng pagkain, at ang katutubong pagmamahalan ay wawasakin ng ngumangatngat na sigid ng gutom. Nakita Niyang ang katigasan ng ulo ng mga Hudyo, na ipinakikilala ng pagtanggi nila sa Kaniyang pagliligtas, ay aakay din sa kanila na huwag pailalim sa mga hukbong sumasalakay. Namasdan Niya ang Kalbaryo, na doon Siya'y itataas, na punung-puno ng mga krus na parang gubat sa karamihan. Nakita Niya ang kaawa-awang mga mamamayan na pinahihirapan sa mga aparatong parusahan at sa pamamagitan ng pagpapako sa krus, ang magagandang palasyong winasak, ang templong guho, at sa makapal na kuta nito ay wala isa mang batong naiwan sa ibabaw ng kapwa bato, samantalang ang buong lungsod naman ay inararong gaya ng isang bukid. Dapat ngang tumangis nang may paghihirap ng loob ang Tagapagligtas dahil sa kakila-kilabot na tanawing yaon. BB 826.1
Ang Jerusalem ay sanggol na Kaniyang alaga, at gaya ng isang amang naaawa sa isang suwail na anak, kaya tinangisan ni Jesus ang lungsod na Kaniyang sinisinta. Paano ba kita mapababayaan? Paano kita matitiis na makitang mapapahamak? Pababayaan na ba kita upang mapuno ang takalan ng iyong katampalasanan? Ang isang kaluluwa ay napakahalaga, na anupa't ang mga sanlibutan ay nawawalan ng kabuluhan, kung ihahambing dito; nguni't narito ang isang buong bansang mapapahamak. Pagka lumubog na ang araw na matuling nagtatago sa dakong kanluran ng kalangitan, matatapos naman ang araw ng biyaya sa Jerusalem. Kaya samantalang nakahinto ang prusisyon sa taluktok ng bundok ng Olibo, ay hindi pa huli sa Jerusalem ang magsisi. Itinutupi na ngf anghel ng kaawaan ang kaniyang mga pakpak upang bumaba mula sa luklukang ginto at upang maglapat ng katarungan at ng mabilis-na-dumarating na kahatulan. Nguni't ang dakilang pusong umiibig ni Kristo ay namamanhik pa rin para sa Jerusalem, sa Jerusalem na lumibak sa Kaniyang mga kaawaan, humamak sa Kaniyang mga babala, at ngayo'y malapit nang dungisan ang kaniyang mga kamay sa Kaniyang dugo. Kung magsisisi lamang ang Jerusalem, ay hindi pa totoong huli. Habang nakadampulay pa ang mga huling silahis ng lumulubog na araw sa templo, sa tore, at sa taluktok, wala kayang sinumang mabuting anghel na aakay sa kaniya na Iumapit sa pag-ibig ng Tagapagligtas, at nang maiwasan niya ang pagkapahamak? Marikit at di-banal na lungsod, na bumato sa mga propeta, na tumanggi sa Anak ng Diyos, at ngayon ay nagkukulong sa bilangguan ng di-pagsisisi —ang araw ng kaawaan ay halos matatapos na sa kaniya! BB 826.2
Datapwa't muling nagsasalita sa Jerusalem ang Espiritu ng Diyos. Bago magtapos ang araw, ay isa pang saksi ang nagpatotoo kay Kristo. Pumailanlang ang tinig ng saksi, na tumutugon sa tawag ng nakaraang hula. Kung pakikinggan ng Jerusalem ang tawag, kung tatanggapin niya ang Tagapagligtas na ngayo'y pumapasok sa kaniyang mga pintuang-bayan, maaaring maligtas pa siya. BB 827.1
Ang mga balita'y umabot sa mga pinuno sa Jerusalem na si Jesus ay dumarating na sa siyudad na may kasamang malaking pulutong ng mga tao. Nguni't sila'y walang pasalubong sa Anak ng Diyos. Sila'y natatakot na lumabas upang Siya'y salubungin, sa pag-asang mapaghihiwa-hiwalay nila ang malaking karamihan. Nang lumulusong na ang prusisyon sa Bundok ng Olibo, sinalubong ito ng mga pinuno. Kanilang inusisa ang dahilan ng magulong pagkakatuwaan. Nang itanong nila, “Sino ito?” ang mga alagad, na lipos ng pagkasi ng Espiritu, ay nagsisagot sa tanong na ito. Sa matatas na pangungusap ay inulit nilang sabihin ang mga hula tungkol kay Kristo: BB 828.1
Sasabihin sa inyo ni Adan, Siya ang binhi ng babaeng dudurog sa ulo ng ahas. BB 828.2
Tanungin ninyo si Abraham at sasabihin niya sa inyo, Siya'y si “Melchizedek na Hari sa Salem,” ang Hari ng Kapayapaan. Genesis 14:18. BB 828.3
Sasabihin sa inyo ni Jacob, Siya si Shiloh sa angkan ni Juda. BB 828.4
Sasabihin sa inyo ni Isaias, Siya ay si “Emmanuel,” “Kamangha-mangha, Tagapayo, Ang Makapangyarihang Diyos, Ang Walang-hanggang Ama, Ang Prinsipe ng Kapayapaan.” Isaias 7:14; 9:6. BB 828.5
Sasabihin sa inyo ni Jeremias, Siya ang Sanga ni David, “ang Panginoon na ating Katwiran.” Jeremias 23:6. BB 828.6
Sasabihin sa inyo ni Daniel, Siya ang Mesiyas. BB 828.7
Sasabihin sa inyo ni Oseas, Siya “ang Panginoong Diyos ng mga hukbo; ang Panginoon ay Kaniyang alaala.” Oseas 12:5. BB 828.8
Sasabihin sa inyo ni Juan Bautista, Siya “ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Juan 1:29. BB 828.9
Ipinahayag ng dakilang Jehoba mula sa Kaniyang luklukan, “Ito ang sinisinta Kong Anak.” Mateo 3:17. Kami, na Kaniyang mga alagad, ay nagpapahayag, Siya ay si Jesus, ang Mesiyas, ang Prinsipe ng buhay, ang Manunubos ng sanlibutan. BB 828.10
At ang prinsipe ng mga kapangyarihan ng kadiliman ay kumikilala sa Kaniya, na nagsasabi, “Nakikilala kita kung sino Ka, ang Banal ng Diyos.” Marcos 1:24. BB 829.1