Bukal Ng Buhay

63/89

Kabanata 62—Ang Piging sa Bahay ni Simon

Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 26:6-13; Marcos 14:3-11, Lukas 7:36-50; Juan 11:55-57; 12:1-11.

Si Simong taga-Betanya ay ibinilang na isang alagad ni Jesus. Siya'y isa sa ilang Pariseo na lantarang nakisama sa mga tagasunod ni Kristo. Kinilala niyang si Jesus ay isang guro, at inasahan niyang Siya nga ang Mesiyas, subali't hindi naman niya Siya tinanggap na isang Tagapagligtas. Ang kaniyang likas ay hindi pa nababago; ang kaniyang mga simulain ay hindi pa nag-iiba. BB 795.1

Si Simon ay pinagaling sa sakit na ketong, at ito ang naglapit sa kaniya kay Jesus. Hangad niyang ipakita ang kaniyang pagtanaw ng utang-na-loob, at kaya nga sa huling pagdalaw ni Kristo sa Betanya ay ipinaghanda niya ng isang piging ang Tagapagligtas at ang Kaniyang mga alagad. Ang piging na ito ay dinaluhan ng maraming mga Hudyo. Nang panahong ito ay nagkaroon ng malaking alingasngas sa Jerusalem. Si Kristo at ang Kaniyang mga kilos ay matamang minatyagan ng maraming nagsidalo, at ang mga iba nito ay pasukab kung tumingin. BB 795.2

Nang dumating ang Tagapagligtas sa Betanya ay anim na araw pa bago magpaskuwa, at gaya ng pinagkaugalian Niya ay namahinga muna Siya sa tahanan nina Lazaro. Ang mga lipumpon ng mga naglalakbay na dumaan sa lungsod ay siyang nagkalat ng balitang Siya'y nasa daan nang patungo sa Jerusalem, at Siya'y titigil sa Betanya upang magpahinga sa araw ng Sabbath. Masiglang-masigla ang mga tao. Marami ang nagsidagsa sa Betanya, ang mga iba ay dahil sa pakikiramay kay Jesus, at ang iba naman ay sa paghahangad na makita ang isa na binuhay sa mga patay. BB 795.3

Marami ang umasang sila'y makakarinig kay Lazaro ng kahanga-hangang paglalahad ng mga pangyayaring nasaksihan sa panahon ng kaniyang kamatayan. Sila'y nagtaka nang siya'y walang maibalita. Wala siyang masabing anuman na may ganitong uri. Sinasabi ng kinasihang Salita, “Ang patay ay walang nalalamang anumang bagay. ... Ang kanilang pag-ibig, at ang kanilang pagtatanim, at ang kanilang pananaghili, ay nawala na ngayon.” Eclesiastes 9:5, 6. Datapwa't may kahanga-hangang sinabi si Lazaro tungkol sa ginawa ni Kristo. Dahil sa bagay na ito kaya siya binuhay mula sa mga patay. May katiyakan at kapangyarihang sinabi niya na si Jesus ay Anak ng Diyos. BB 796.1

Ang mga balitang ibinalik sa Jerusalem ng mga nagsidalaw sa Betanya ay lalong nagpalala sa alingasngas. Sabik ang mga tao na makita at marinig si Jesus. Ang tanung-tanungan ng lahat ay kung sasama si Lazaro sa Kaniya sa Jerusalem, at kung ang propeta ay puputungan ng korona bilang hari sa panahon ng Paskuwa. Nahalata ng mga saserdote at ng mga pinuno na humihina na ang kanilang impluwensiya sa bayan, at kaya nga lalong tumindi ang kanilang pagkapoot kay Jesus. Hindi na halos sila makapaghintay sa pagkakataon na Siya'y mawala na sa kanilang landas magpakailanam. Nang lumipas ang mga oras, nagpasimula silang mangamba na maaaring hindi na Siya paroroon sa Jerusalem. Naalaala nilang madalas Niyang biguin ang kanilang mga tangkang pagpatay sa Kaniya, at nangamba sila na ngayo'y nabasa na naman Niya ang kanilang mga iniisip laban sa Kaniya, kaya hindi Siya dumarating, Hindi nila maipaglihim ang kanilang pag-aalaala, kaya't sila'y nagtanung-tanungan, “Anong akala ninyo, hindi na kaya Siya paririto sa pista?” BB 796.2

Tumawag ng pulong ang mga saserdote at mga Pariseo. Buhat nang buhayin si Lazaro ay napapanig nang lubos kay Kristo ang damdamin ng bayan na anupa't magiging mapanganib kung Siya'y lantarang darakpin. Kaya ipinasiya ng mga maykapangyarihan na Siya'y hulihin nang palihim, at litisin din nang palihim. Inasahan nilang pagka nalantad na ang hatol sa Kaniya, ang pabagu-bagong damdamin ng mga tao ay mapapasapanig nila. BB 797.1

Sa ganitong paraan binalak nilang patayin si Jesus. Datapwa't batid ng mga saserdote at ng mga rabi, na hangga't nabubuhay si Lazaro ay hindi sila namamanatag. Habang humihinga ang lalaking apat na araw nang nailibing, at sa pamamagitan ng isang salita ni Jesus ay binuhay na muli, ay malao't madali'y lilikha ng reaksiyon. Maghihiganti ang bayan sa kanilang mga lider dahil sa pagkitil sa buhay ng Isang gumawa ng gayong himala. Dahil dito'y ipinasiya rin ng Sanedrin na pati si Lazaro ay dapat mamatay. Hanggang sa ganito inaakay ng pananaghili at pagkagalit ang kanilang mga alipin. Naragdagan ang poot at di-paniniwala ng mga pinunong Hudyo hanggang sa ibig pa nilang kitlin ang buhay ng isang hinango sa libingan ng walang-hanggang kapangyarihan ng Diyos. BB 797.2

Samantalang ang ganitong lihim na pakana at pagsasabuwatan ay nagaganap sa Jerusalem, naanyayahan naman si Jesus at ang Kaniyang mga kaibigan sa piging ni Simon, na pinagaling Niya sa nakapandidiring sakit, ito'y nasa isang panig, at sa kabilang panig naman ay naroon si Lazaro, na binuhay Niya mula sa mga patay. Si Marta ang naglilingkod sa hapag kainan, nguni't si Maria naman ay matamang nakikinig sa bawa't salitang namumutawi sa mga labi ni Jesus. Ayon sa malaki Niyang awa, ay ipinatawad ni Jesus ang mga kasalanan ni Maria, tinawag ang minamahal niyang kapatid mula sa libingan, at kaya nga nalipos ang puso ni Maria ng malaking utang na loob at pasasalamat. Narinig niyang sinabi ni Jesus ang tungkol sa nalalapit Niyang kamatayan, at sa malabis niyang pag-ibig at pagkalungkot ay ninais niyang Siya'y parangalan. Sa malaking sakripisyo ay bumili siya ng isang kahong alabastro ng “ungguwentong taganas na nardo, na totoong mahalaga,” upang ibuhos sa katawan ni Jesus. Subali't ngayon ay marami ang nagsasabing Siya'y puputungan na ng korona upang gawing hari. Ang kalungkutan niya ay nahalinhan ng katuwaan, at sabik na sabik siyang siya ang maunang makapagparangal sa kaniyang Panginoon. Binasag niya ang kaniyang kahon ng ungguwento, at ibinuhos niya ang laman nitong pabango sa ulo at mga paa ni Jesus; pagkatapos, nanikluhod siyang umiiyak, na binabasa ang mga ito ng kanyang mga luha, at pinunasan ang mga paa ni Jesus ng kaniyang mahaba't alun-along buhok. BB 797.3

Sinikap niyang makaiwas sa mata ng lahat, at ang mga kilos naman niya ay nakalampas nang di-napansin, nguni't ang silid ay pinuno ng humahalimuyak na kabanguhan ng ungguwento, at ito ang naglantad sa lahat ng ginagawa niya. Ganap na di-naibigan ni Judas ang gawang ito. Sa halip na hintayin ang sasabihin ni Kristo tungkol sa bagay na iyon, agad niyang ibinulong sa mga kalapit niya ang kaniyang pagtutol sa bagay na iyon, at ibinunton kay Kristo ang sisi sa pagpapabaya sa gayong pag-aaksaya. May katusuhang ginawa niya ang mga mungkahi na malamang na lumikha ng pagkawalang pagtingin. BB 799.1

Si Judas ang taga-ingat ng salapi ng mga alagad, at sa maliit nilang naiipon ay palihim siyang kumukuha para sa sarili niyang pangangailangan, kaya naman ka- karampot na ang natitira. Ibig niyang maisilid sa supot ang lahat niyang makukuha. Ang laman ng supot ay madalas gamitin upang iabuloy sa mga dukha; at pagka may biniling sa palagay ni Judas ay hindi kailangan, ay sinasabi niyang, Bakit nag-aaksaya nang ganito? bakit hindi isinilid ang salapi sa supot na dala-dala ko para sa mga dukha? Ngayon ang ginawa ni Maria ay ibangiba sa masakim na asal ni Judas, kaya ito'y napahiya; at ayon sa kaugalian nito, sinikap nitong magbigay ng karapat-dapat na dahilan ng kaniyang pagtutol. Binalingan nito ang mga alagad, at nagwika, “Bakit hindi ipinagbili ang ungguwentong ito ng tatlong daang denaryo, at ibigay sa mga dukha? Ito'y sinabi nga niya, hindi sapagka't ipinagmamalasakit niya ang mga dukha; kundi sapagka't siya'y magnanakaw, at yamang nasa kaniya ang supot, ay kinukuha niya ang doon ay inilalagay.” Si Judas ay walang pag-ibig sa mga dukha. Kung ipinagbili ni Maria ang ungguwento, at ibinigay sa kaniya ang pinagbilhan, ay hindi rin makikinabang ang mga dukha. BB 799.2

Mataas ang palagay ni Judas sa kaniyang sariling kakayahan. Ang akala niya'y higit siyang mahusay humawak ng salapi kaysa sa mga kapwa niya alagad, at naakay niya silang gayon ang ipalagay sa kaniya. Nakuha na niya ang kanilang pagtitiwala, at malakas ang kaniyang impluwensiya sa kanila. Ang pakunwari niyang pagmamahal sa mga dukha ay siyang dumaya sa kanila, at ang tuso niyang pamamarali ang naging sanhi upang pag-alinlanganan nila ang pagtatalaga at katapatan ni Maria. Kaya't nagpalipat-lipat ang bulung-bulungan sa palibot ng hapag, “Ano ang layon ng pag-aaksayang ito? Sapagka't ang ungguwentong ito'y maipagbibili sa malaking halaga, at maibibigay sa mga dukha.” BB 800.1

Naulinigan ni Maria ang mga salitang pumupuna. Nagimbal ang loob niya. Natatakot siyang baka siya'y sisihin ng kaniyang kapatid at sabihing siya'y nagtata- pon ng salapi. Maaari rin namang siya'y ituring ng Panginoon na walang pagtitipid. Tatalilis na sana siya nang walang kasali-salita, nang marinig niya ang tinig ng kaniyang Panginoon, “Pabayaan ninyo siya; bakit ninyo siya binabagabag?” Nakita ng Panginoong siya'y napahiya at nag-aalaala. Batid Niyang sa ginawang ito ay ibig ni Mariang ipakilala ang kaniyang pasasalamat sa pagkakapagpatawad sa kaniyang mga kasalanan, at inaliw Niya ang loob nito. Inilakas-lakas Niya ang Kaniyang tinig upang mangibabaw sa bulong ng pamumuna, na sinabi, “Mabuting gawa ang ginawa niya sa Akin. Sapagka't laging nasa inyo ang mga dukha, at kung kailanman ibigin ninyo ay nangyayaring magawan ninyo sila ng magaling: datapwa't Ako'y hindi laging nasa inyo. Ginawa niya ang kaniyang nakaya; nagpauna na siya na pahiran ang katawan Ko sa paglilibing sa Akin.” BB 800.2

Ang humahalimuyak na kaloob na binalak ni Mariang ipahid sa bangkay ng Tagapagligtas ay ibinuhos na niya ngayon sa Kaniyang buhay na katawan. Kung sa libingan ito ibubuhos ay sa loob lamang ng nitso hahalimuyak ang bango nito; nguni't ngayo'y pinaligaya nito ang puso ni Jesus sa pagkatiyak sa kaniyang pananampalataya at pag-ibig. Si Jose na taga-Arimatea at si Nicodemo ay hindi naghandog ng kanilang kaloob kay Jesus nang Siya'y nabubuhay pa. May mapapait na lu hang inialay nila ang kanilang mga mamahaling espesya sa Kaniyang malamig at walang-buhay na anyo. Ang sadya ng mga babaing nagdala sa libingan ng kanilang mga espesya ay nawalan ng kabuluhan, sapagka't Siya'y nabuhay na. Datapwa't si Mariang nagbuhos ng kaniyang pag-ibig sa Tagapagligtas samantalang Siya'y nabubuhay at nakakadama ng kaniyang pagmamahal, ay pinahiran Siya para sa paglilibing sa Kaniya. At sa paglusong ni Jesus sa kadiliman ng kaniyang malaking pagsubok, ay tinaglay Niya ang alaala ng gawang yaon isang patinga ng pag-ibig na magiging Kaniya buhat sa Kaniyang mga tinubos magpakailanman. BB 801.1

Marami ang nagdadala ng kanilang mahahalagang kaloob sa mga patay. Samantalang sila'y nakatayo sa tabi ng malamig at tahimik na bangkay, malaya silang bumibigkas ng mga salita ng pagmamahal. Ang mga salita ng paggiliw, pagpapahalaga, at pagtatapat, ay maluwag na iniuukol sa isang hindi na nakakakita ni hindi na rin nakakarinig. Kung ang mga pananalitang ito lamang ay binigkas nang panahong ang mga ito ay ka'langan ng lupaypay na diwa, nang panahong nakakarinig pa ang pandinig at nakakaramdam pa ang puso, disin sana'y naging napakahalaga ang bango ng mga ito! BB 802.1

Hindi nataho ni Maria ang buong kahulugan ng gawa ng pag-ibig na ginawa niya. Hindi niya nasagot ang mga namumuna sa kaniya. Hindi niya naipaliwanag kung bakit pinili niya ang gayong pagkakataon sa pagpapahid ng ungguwento kay Jesus. May panukala ang Espiritu Santo para sa kaniya, at sinunod niya ang mga iniuudyok Nito. Nagpakababa ang Espiritu sa di-pagbibigay ng anumang paliwanag. Isang di-nakikita ang bumubulong sa isip at kaluluwa, at kinilos ang puso na sumunod. Ito'y sarili nitong pagbibigay-katwiran. BB 802.2

Sinabi ni Kristo kay Maria ang kahulugan ng ginawa nito, at dito'y lalong malaki ang ibinigay Niya rito kaysa Kaniyang tinanggap. “Sa pagbubuhos niya nitong ungguwento sa Aking katawan,” wika Niya, “ay ginawa niya ito upang ihanda Ako sa paglilibing.” Kung paanong ang sisidlan ng alabastro ay binasag, at ang buong bahay ay pinuno ng bango nito, gayundin naman si Kristo'y dapat mamatay, at ang Kaniyang katawan ay dapat mabugbog at masugatan; gayunma'y babangon Siya mula sa libingan, at ang kabanguhan ng Kaniyang buhay ay pupuno sa lupa. Si Kristo ang “umibig sa atin, at ibinigay ang Kaniyang sarili na hain at handog sa Diyos upang maging samyo ng masarap na amoy.” Efeso 5:2. BB 802.3

“Katotohanang sinasabi Ko sa inyo,” wika ni Kristo, “Saanman ipangaral ang ebanghelyong ito sa buong sanlibutan, ay sasaysayin din ang ginawa ng babaeng ito sa pag-aalaala sa kaniya.” Nang tumingin ang Tagapagligtas sa dakong hinaharap, nagsalita Siyang may katiyakan tungkol sa Kaniyang ebanghelyo. Ito'y ipangangaral sa buong sanlibutan. At hanggang saanman makarating ang ebanghelyo, ang handog ni Maria ay magsasabog ng angkin nitong halimuyak, at ang mga puso'y pagpapalain sa pamamagitan ng kaniyang ginawa. Babangon at babagsak ang mga kaharian; malilimutan ang mga pangalan ng mga hari at mga manlulupig; nguni't ang ginawa ng babaeng ito ay mananatiling buhay sa mga dahon ng banal na kasaysayan. Hanggang sa matapos ang panahon, ang nabasag na sisidlang yaon ng alabastro ay magsasaysay pa rin ng kasaysayan ng masaganang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhang nagkasala. BB 803.1

Ang ginawa ni Maria ay kaibang-kaiba sa malapit nang gawin ni Judas. Mahayap na aral ang sana'y naibigay ni Kristo sa kaniya na nagpunla ng binhi ng pamumuna at ng masamang isipan sa diwa ng mga alagad! Matwid sana na ang umuupasala ay siyang upasalain! Siya na nakababasa ng mga nilalayon ng bawa't puso, at nakauunawa ng bawa't kilos, ay may kayang maglantad sa harap ng mga nasa piging ng madidilim na kabanata sa karanasan ni Judas. Ang mababaw na pagpapakunwari na idinahilan ng taksil ay maaari sanang naibunyag; sapagka't sa halip na siya'y mahabag sa mga dukha, ay siya pa nga ang nagnanakaw ng salaping sadyang inilalaan upang maitulong sa kanila. Dapat sanang siya'y pagbuntunan ng galit dahil sa kaniyang pagsiil sa mga babaeng balo, sa mga ulila, at sa mga nagpapaupa. Datapwa't kung inilantad ni Kristo si Judas, ito ang igigiit na dahilan ng pagkakapagkanulo sa Kaniya. At kahit na siya paratangang magnanakaw, mayroon pa ring papanig kay Judas, sa gitna ng mga kapwa niya alagad. Hindi siya sinuwatan ng Tagapagligtas, kaya naiwasang mabigyan siya ng maidadahilan sa kaniyang pagtataksil. BB 803.2

Nguni't ang tinging iniukol ni Jesus kay Judas ay nagpaunawa sa kaniya na batid ng Tagapagligtas ang lahat niyang pagpapaimbabaw, at nababasa ang hamak at nakaririmarim niyang likas. At sa pagpuri sa ginawa ni Maria, na lubhang pinalibhasa, ay para na ring sinaway ni Kristo si Judas. Noong hindi pa nangyayari ito, di-kailanman siya tuwirang pinangusapan ng Tagapagligtas. Ngayo'y labis niyang dinamdam ang saway. Ipinasiya niyang maghiganti. Buhat sa paghapon ay tuwi ran siyang nagtungo sa palasyo ng dakilang saserdote, na doo'y nasumpungan niyang kasalukuyang nagkakatipon ang kapulungan, at inalok niyang ipagkanulo si Jesus sa kanilang mga kaaway. BB 804.1

Gayon na lamang ang pagkatuwa ng mga saserdote. Ang mga lider na ito ng Israel ay binigyan ng karapatang tanggapin si Kristo na kanilang Tagapagligtas, nang walang salapi at walang bayad. Subali't tinanggihan nila ang mahalagang kaloob na inialok sa kanila sa pinakamagiliw na diwa ng pumipilit na pag-ibig. Tinanggihan nilang tanggapin ang kaligtasang yaon na higit pang mahalaga kaysa ginto, at binili nila ang kanilang Panginoon sa halagang tatlumpung putol na pilak. BB 804.2

Nagpakalulong si Judas sa kasakiman hanggang sa mapaibabawan nito ang lahat ng mabuting likas ng kaniyang pagkatao. Nanghinayang siya sa alok na ibinigay kay Jesus. Nanaghili ang kaniyang puso sa pangyayari na kung bakit tatanggap ang Tagapagligtas ng isang kaloob na nababagay lamang sa mga hari sa lupa. Sa halagang lubha pang mababa kaysa halaga ng kahon ng ungguwento, ay ipinagkanulo niya ang kaniyang Panginoon. BB 804.3

Ang mga alagad ay hindi katulad ni Judas. Mahal nila ang Tagapagligtas. Nguni't hindi tumpak ang kanilang pagkakapagpahalaga sa Kaniyang marangal at mabunying likas. Kung nadama lamang nila ang ginawa Niya para sa kanila, napagkilala sana nila na walang nasayang sa anumang inialay sa Kaniya. Ang mga Pantas na Lalaking buhat sa Silangan, na walang nalalaman kamunti man tungkol kay Jesus, ay nagpakita ng higit na tunay na pagpapahalaga sa pagpaparangal na dapat iukol sa Kaniya. Nagdala sila sa Tagapagligtas ng mahahalagang kaloob, at magalang na lumuhod sa harap Niya nang Siya'y isa pa lamang maliit na sanggol, na nakahiga sa isang pasabsaban. BB 805.1

Pinahahalagahan ni Kristo ang mga gawa ng paggalang na taos-sa-puso. Kung Siya'y ginagawan ng sinuman ng isang kagandahang-loob, pinagpapala Niya ang gumagawa nito nang may makalangit na paggalang. Hindi Niya tinanggihan ang pinakasimpleng bulaklak na pinupol ng isang maliit na bata, at inihandog sa Kaniya nang may paggiliw. Tinanggap Niya ang mga handog ng mga bata, at pinagpala ang mga nagkaloob, at isinulat ang kanilang mga pangalan sa aklat ng buhay. Sa mga Kasulatan, ang pagkakapagbuhos ni Maria kay Jesus ng pabango ay binabanggit bilang ikinaiiba niya sa iba pang mga Maria. Ang mga gawa ng pag-ibig at paggalang kay Jesus ay isang katibayan ng pagsampalataya sa Kaniya na Siya'y Anak ng Diyos. At sinasabi rin ng Espiritu Santo, na ang mga katunayan ng katapatan ng babae kay Kristo ay ito: “Kung siya'y naghugas ng mga paa ng mga banal, kung siya'y umabuloy sa mga napipighati, kung ginanap niya na may kasipagan ang bawa't mabuting gawa.” 1 Timoteo 5:10. BB 805.2

Nalugod si Kristo sa maalab na hangarin ni Maria na gawin ang kalooban ng kaniyang Panginoon. Tinanggap Niya ang masagana at wagas na pag-ibig na hindi naunawaan, at hindi mauunawaan, ng Kaniyang mga alagad. Ang paghahangad ni Maria na gawin ang paglilingkod na ito sa kaniyang Panginoon ay may higit na kahalagahan kay Kristo kaysa lahat ng mahalagang ungguwento sa sanlibutan, sapagka't ipinahahayag nito ang kaniyang pagpapahalaga sa Manunubos ng sanlibutan. Pag-ibig ni Kristo ang pumilit sa kaniya. Ang walangkapantay na kagalingan ng likas ni Kristo ay pumuno sa kaniyang kaluluwa. Ang ungguwento ay sumasagisag sa puso ng nagbigay. Ito ang hayagang pagpapakita ng isang pag-ibig na pinasagana ng mga bukal ng langit hanggang sa ito'y mag-umapaw. BB 805.3

Ang ginawa ni Maria ay siyang sadyang aral na kailangan ng mga alagad upang ipakilala sa kanila na kung ipinahahayag nila ang kanilang pag-ibig sa Kaniya ay makalulugod yaon kay Kristo. Siya na ang lahat sa kanilang buhay, at hindi nila napagtantong sandali na lamang at mawawala na Siya sa kanila, na malapit nang hindi sila makapagpakita ng tanda ng kanilang pagkilala ng utang-na-loob sa Kaniyang dakilang pag-ibig. Ang pagiisa at kalungkutan ni Kristo, sa pagkakalisan Niya sa langit, na namumuhay ng kabuhayan ng tao, ay di-kailanman naunawaan o napahalagahan man ng mga alagad na gaya ng nararapat. Madalas Siyang nahapis dahil sa hindi ibinigay sa Kaniya ng Kaniyang mga alagad ang bagay na dapat sana'y matanggap Niya sa kanila. Talos Niya na kung sila'y sumasailalim ng impluwensiya ng mga anghel sa langit na sumama sa Kaniya, sila man ay maniniwalang walang handog na may sapat na halaga upang maipahayag ang tapat na pag-ibig na sumasapuso. BB 806.1

Pagkatapos na mapag-isip nila at maliwanagan ay saka sila nagkaroon ng tunay na pagkadama na marami sanang bagay ang magagawa nila para kay Jesus na magpapahayag ng pag-ibig at pagpapasalamat ng kanilang mga puso, samantalang malapit pa sila sa Kaniya. Nang mahiwalay na Siya sa kanila, at tunay nilang nadamang sila'y parang mga tupang walang pastor, ay saka nila nakitang dapat sana'y nagpamalas na sila sa Kaniya ng mga pag-aasikaso na ikinaligaya sana ng Kaniyang puso. Kaya hindi na nila sinisi si Maria, kundi ang kanilang mga sarili. Oh, kung mababawi lamang nila ang kanilang paninisi o pamumuna, ang kanilang pagsasabi na ang dukha ay lalo pang dapat kay Kristo! Naramdaman nila ang matinding suwat nang ibaba na nila mula sa krus ang sugatang bangkay ng kanilang Panginoon. BB 806.2

Iyan din ang kulang sa sanlibutan ngayon. Subali't iilan lamang ang nag-uukol ng buong pagpapahalaga kay Kristo. Kung tunay at buo ang pagpapahalaga nila sa Kaniya, ang malaki ngang pag-ibig ni Maria ay ipakikita nila, at ang pagbubuhos ng ungguwento ay magiging masagana. Ang mahal na ungguwento ay hindi sasabihin o tatawaging pag-aaksaya. Ang anumang bagay na ihahandog kay Kristo ay hindi iisiping napakamahal, at walang pagkakait sa sarili o pagpapakasakit sa sarili na magiging napakalaki upang matiis alang-alang sa Kaniya. BB 807.1

Ang mga salitang binigkas nang may pagkagalit, “Ano ang layon ng pag-aaksayang ito?” ay buhay na buhay na nagpaalaala kay Kristo ng pinakamalaking sakripisyong ginawa na kailanman—ang pagbibigay ng Kaniyang sarili bilang pampalubag-loob para sa isang sanlibutang nawaglit. Labis-labis ang pagbibigay ng Panginoon sa mga taong kaanib ng Kaniyang sambahayan na anupa't hindi na masasabi sa Kaniya na Siya'y makapagbibigay pa. Nang ibigay si Jesus, ay ibinigay ng Diyos ang buong kalangitan. Sa kaisipan ng tao, ang ganitong sakripisyo o paghahandog ay isang ganap na pag-aaksaya. Kung susundin ang katwiran ng tao ang buong panukala ng pagliligtas ay isang pag-aaksaya ng mga kahabagan at mga pagpapala. Ang pagkakait sa sarili at ang buong-pusong pagsasakripisyo ay nakikita natin sa lahat ng dako. Dapat ngang manggilalas ang buong langit sa mga taong tumatanggi sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo na mag-aangat at magpapasagana sa kanila. Dapat nga silang bumulalas, Bakit ginagawa ang ganito kalaking pag-aaksaya? BB 807.2

Datapwa't ang pagtubos sa nawaglit na sanlibutan ay dapat maging lubos, masagana, at ganap. Ang handog ni Kristo ay dapat maging labis at labis upang maabot ang bawa't kaluluwang nilalang ng Diyos. Hindi ito mahihigpitan upang huwag lumampas sa bilang ng mga tatanggap ng dakilang Kaloob. Hindi lahat ng mga tao ay ligtas; gayunman ang panukala ng pagtubos ay hindi isang pag-aaksaya nang dahil sa hindi nagaganap ang lahat ng pinaglaanan ng kagandahang-loob. Dapat itong maging sagana at labis. BB 808.1

Si Simong may piging ay naimpluwensiyahan ng pamumuna ni Judas sa handog ni Maria, at siya'y nagtaka sa ginawa ni Jesus. Nasaktan ang kaniyang damdamin at diwang maka-Pariseo. Batid niyang nakatingin kay Kristo ang marami sa Kaniyang mga panauhin na taglay ang di-pananalig at di-pagkalugod. Sinabi ni Simon sa kaniyang sarili, “Ang Taong ito, kung Siya'y isang propeta, ay nakikilala Niya sana kung sino at kung ano ang babaeng ito na sa Kaniya'y humihipo: sapagka't siya'y isang makasalanan.” BB 808.2

Sa pagkakapagaling kay Simon sa sakit na ketong, ay iniligtas siya ni Kristo sa kalagayang nabubuhay na patay. Nguni't ngayon ay pinag-aalinlanganan niya kung ang Tagapagligtas ay propeta nga. Dahil sa pinahintulutan ni Kristo ang babaeng ito na lumapit sa Kaniya, dahil sa hindi Niya pagalit na tinalikuran o tinanggihan ito bilang isa na ang mga pagkakasala ay napakalaki upang patawarin, dahil sa hindi Niya ipinakilalang nalalaman Niyang ito'y nagkasala, natukso nga si Simon na maghinuha na Siya'y hindi isang propeta. Inisip niyang walang nalalaman si Jesus tungkol sa babaeng ito na malayang-malayang nagpapakilala ng pag-ibig nito, sapagka't kung alam Niya ay hindi Niya papayagang Siya'y hipuin nito. BB 808.3

Nguni't ang di-pagpakilala ni Simon sa Diyos at kay Kristo ay siyang umakay sa kaniya na mag-isip nang gayon. Hindi niya inisip na ang Anak ng Diyos ay dapat gumawa nang ayon sa paraan ng Diyos, na may pagdamay, pagkagiliw, at pagkahabag. Ang paraan ni Simon ay huwag pansinin ang paglilingkod ni Mariang may bagbag-na-loob. Ang ginawa nitong paghalik sa mga paa ni Kristo at pagbubuhos ng ungguwento sa mga ito ay naging kayamut-yamot sa matigas niyang puso. Inisip niya na kung si Kristo ay talagang propeta, makikilala Niya ang mga makasalanan at sasansalain sila. BB 809.1

Sa di-binigkas na isipang ito ay sumagot ang Tagapagligtas: “Simon, Ako'y may isang bagay na sasabihin sa iyo. ... Isang may pautang ay may dalawang may utang sa kaniya: ang isa'y may utang na limandaang denaryo, at ang isa'y limampu. At nang sila'y walang maibayad, ay kapwa pinatawad niya. Sabihin mo nga sa Akin, Alin kaya sa kanila ang lalong iibig sa kaniya? Sumagot si Simon at sinabi, Inaakala ko na yaong pinatawad niya nang lalong malaki. At sinabi Niya sa kaniya, Matwid ang paghatol mo.” BB 809.2

Gaya nang ginawa ni Nathan kay David, ipinaloob ni Kristo sa isang talinghaga ang Kaniyang pagsansala o pagsaway. Pinabayaan Niyang ang nagpiging sa Kaniya ay siyang maggawad ng hatol sa sarili nito. Si Simon ang umakay sa pagkakasala sa babaeng itong ngayo'y hinahamak niya. Mabigat ang pagkakasalang ginawa niya sa babae. Ang dalawang may utang sa talinghaga, ay kumakatawan kay Simon at sa babae. Hindi ang ibig ituro ni Jesus ay maramdaman ng dalawang taong ito ang magkaibang bigat ng pagkakautang, sapagka't bawa't isa sa kanila ay may utang na loob na di-kailanman mababayaran. Nguni't inakala ni Simong siya'y lalong matwid kaysa kay Maria, na kung gaano kalaki ang kahigtan ng utang na limandaang denaryo sa utang na limampung denaryo. BB 809.3

Ngayon ay nakita na ni Simon ang sarili niya sa isang bagong liwanag. Nakita niya kung gaano pinahahalagahan si Maria ng Isang higit pa kaysa propeta. Nabatid niyang nabasa ni Kristo sa pamamagitan ng paninging matalas pa kaysa paningin ng propeta ang puso ni Mariang puno ng pag-ibig at pagtatalaga. Sinakbibi siya ng pagkapahiya, at napagkilala niyang siya'y nasa harapan ng Isang lalong mataas kaysa kaniya. BB 810.1

“Pumasok Ako sa iyong bahay,” patuloy na wika ni Kristo, “hindi mo Ako binigyan ng tubig na ukol sa Aking mga paa;” nguni't sa pamamagitan ng mga luha ng pagsisising iniudyok ng pag-ibig, ay hinugasan ni Maria ang Aking mga paa, at pinunasan ang mga ito ng buhok ng kaniyang ulo. “Hindi mo Ako binigyan ng halik: datapwa't ang babaeng ito,” na iyong hinahamak, “buhat nang Ako'y pumasok ay hindi humihinto ng paghalik sa Aking mga paa.” Inisa-isa ni Kristo ang mga pagkakataong maipakilala niya ang kaniyang pag-ibig sa kaniyang Panginoon, at ang kaniyang pasasalamat sa mga bagay na ginawa sa kaniya. Malinaw, nguni't maingat na sinabi ng Tagapagligtas sa Kaniyang mga alagad na nalulungkot ang Kaniyang loob pagka ang mga anak Niya ay hindi nagpapakita ng kanilang pasasalamat sa Kaniya sa pamamagitan ng mga salita at mga gawa ng pag-ibig. BB 810.2

Nababasa ng Mananaliksik ng Puso ang adhikaing umakay kay Maria na gawin ang ginawa nito, at nakita rin Niya ang diwang nag-udyok kay Simon na magsalita. “Nakikita mo baga ang babaeng ito?” ang wika Niya sa kaniya. Siya'y isang makasalanan. “Sinasabi Ko sa ryo, Ipinatatawad ang kaniyang maraming kasalanan; sapagka't siya ay umibig nang malaki: datapwa't sa pinatatawad nang kaunti, ay kakaunti ang pag-ibig.” BB 810.3

Ang malamig na pakikitungo at pagpapabaya ni Simon sa Tagapagligtas ay nagpakilala kung gaano kaliit pinahalagahan niya ang kaawaang kaniyang tinanggap. Inakala niyang pinarangalan niya si Jesus sa pagkakapag-anyaya niya sa Kaniya sa bahay niya. Subali't ngayo'y nakita niya ang sarili niya sa talagang siya. Samantalang ang akala niya'y nababasa niya ang kaniyang Panauhin, ang Panauhin pala niya ang nakakabasa sa kaniya. Nakita niya kung gaano katotoo ang pagkakahatol sa kaniya ni Kristo. Ang kaniyang relihiyon ay isang balabal lamang ng mga Pariseo. Hinamak niya ang kahabagan ni Jesus. Hindi niya nakilala Siya bilang siyang kinatawan ng Diyos. Samantalang si Maria ay isang makasalanang pinatawad, siya naman ay isang makasalanang di-pinatawad. Ang mahigpit na tuntunin ng katarungang nais niyang ipatupad laban kay Maria ay siyang humatol sa kaniya. BB 811.1

Si Simon ay naantig ng kagandahang-loob ni Jesus sa hindi hayagang paghiya sa kaniya sa harap ng mga panauhin. Hindi ginawa sa kaniya ang gaya ng ibig sana niyang gawin ni Jesus kay Maria. Nahalata niyang hindi ibig ni Jesus na ilantad sa iba ang kaniyang kasalanan, kundi sinikap ni Jesus na papaniwalain siya sa pamamagitan ng wastong pagpapaliwanag, at sa pamamagitan ng maawaing kagandahang-loob ay pasukin ang kaniyang puso. Ang mahigpit na pagtuligsa ay nakapagpatigas sana sa puso ni Simon na magsisi, subali't ang matiyagang pagbibigay ng payo ay nakahikayat sa kaniya upang maniwala na siya'y mali. Nakita niya ang laki ng utang niya sa kaniyang Panginoon. Humapay ang kaniyang kataasan, siya'y nagsisi, at ang mayabang na Pariseo ay naging isang mapagpakumbabang-loob at mapagsakripisyong alagad. BB 811.2

Si Maria ay itinuring na isang lubhang makasalanan, nguni't batid ni Kristo ang mga pangyayaring nagbulid sa kaniya sa gayong kabuhayan. Magagawa ni Jesus na patayin ang bawa't kislap ng pag-asa sa kaniyang kaluluwa, subali't hindi Niya ito ginawa. Siya pa nga ang nagangat sa kaniya mula sa kawalang-pag-asa at pagkapahamak. Makapitong narinig niya ang pagsaway ni Jesus sa mga demonyong sumusupil sa kaniyang puso at pag-iisip. Napakinggan niya ang malalakas na daing ni Kristo sa Ama alang-alang sa kaniyang kapakanan. Batid niya kung gaano nakamumuhi ang kasalanan sa Kaniyang di-nadurumhang kadalisayan, at sa Kaniyang kalakasan siya'y nanagumpay. BB 812.1

Nang sa tingin ng tao ay waring wala na siyang pagasa, nakita ni Kristo ang mabubuting magagawa ni Maria. Nakita Niya ang mabubuting katangian ng likas nito. Ang panukala ng pagtubos ay nagkaloob sa mga tao ng malalaking pagkakataon, at kay Maria ang mga pagkakataong ito ay dapat maging katotohanan. Sa pamamag itan ng biyaya ng Diyos ay tumanggap siya ng banal na likas. Ang babaeng nagkasala, na ang pag-iisip ay naging tahanan ng mga demonyo, ay ganap na nailapit sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikisama at paglilingkod. Siya ang Mariang umupo sa paanan Niya at nagaral sa Kaniya. Siya ang Mariang nagbuhos sa Kaniyang ulo ng mahalagang ungguwento, at pinaliguan ang Kaniyang mga paa sa pamamagitan ng kaniyang mga luha. Siya ang Mariang tumayo sa tabi ng krus, at sumunod sa Kaniya hanggang sa libingan. Siya ang Mariang nauna sa libingan pagkatapos na Siya'y mabuhay na maguli. Siya ang Mariang unang nagbalita na bumangon na ang Tagapagligtas. BB 812.2

Nalalaman ni Jesus ang mga pangyayari sa bawa't kaluluwa. Maaaring sabihin ninyo, Ako'y makasalanan, napakamakasalanan. Maaaring kayo'y gayon nga; subali't kung kailan kayo lalong masama, lalo namang kailangan ninyo si Jesus. Hindi Niya itinataboy ang sinumang tumatangis at nagsisising kaluluwa. Hindi Niya sinasabi sa kaninuman ang lahat ng maaaring ihayag Niya, gayunma'y pinalalakas Niya ang loob ng bawa't natatakot na kaluluwa. Malaya Niyang patatawarin ang lahat ng mga lumalapit sa Kaniya na humihingi ng kapatawaran at kagalingan. BB 812.3

Maaaring utusan ni Kristo ang mga anghel ng langit na ibuhos ang mga saro ng kagalitan sa ating sanlibutan, upang lipulin ang mga napopoot sa Diyos. Kaya Niyang pawiin sa Kaniyang santinakpan ang madilim na sanlibutang ito. Datapwa't hindi Niya ito ginagawa. Nakatindig Siya ngayon sa siping ng dambana ng kamanyang, at inihaharap sa Diyos ang mga panalangin ng mga humihingi ng Kaniyang tulong. BB 813.1

Ang mga taong nanganganlong sa Kaniya, ay iniaangat ni Jesus sa ibabaw ng matatalas at mapagparatang na mga dila. Walang tao ni masamang anghel man na makapagparatang sa mga kaluluwang ito. Isinasanib ni Kristo ang mga ito sa Kaniyang Diyos-taong kalikasan. Nakatayo sila sa siping ng dakilang Tagapagdala ng Kasalanan, sa liwanag na nanggagaling sa luklukan ng Diyos. “Sino ang magsasakdal ng anuman laban sa mga hirang ng Diyos? Ang Diyos ang umaaring-ganap. Sino ang humahatol? Si Kristo Jesus na namatay, oo, yaong nabuhay na mag-uli sa mga patay, na siyang nasa kanan ng Diyos, na siya namang namamagitan dahil sa atin.” Roma 8:33, 34. BB 813.2