Bukal Ng Buhay

62/89

Kabanata 61—Si Zaqueo

Ang kabanatang ito ay batay sa Lukas 19:1-10.

Sa daang patungo sa Jerusalem “si Jesus ay pumasok at nagdaan sa Jerico.” Mga ilang milya buhat sa Jordan, sa kanlurang hangganan ng libis na doo'y nakalatag ang isang kapatagan, ay naroon ang siyudad sa gitna ng luntiang kalikasan at ng masaganang kagandahan. Sa taglay nitong mga punong palma at nagyayabungang mga halamanan na dinidilig ng mga buhay na bukal, ito'y kumikislap na tulad ng isang esmeralda sa gitna ng mabatong mga gulod at mapanglaw na mga banging nakapagitan sa Jerusalem at sa siyudad ng kapatagan. BB 787.1

Maraming pulutong ng mga manlalakbay na patungo sa pista ang nagdaraan sa Jerico. Ang pagdating ng mga ito ay lagi nang isang panahon ng pagsasaya, nguni't ngayon ay isang lalong matiim na kasabikan ang nakaligalig sa mga tao. Nabalita na ang Rabing Galileo na hindi pa nalalaunang bumuhay kay Lazaro ay kabilang sa mga pulutong na ito; at bagama't malaganap ang mga bulung-bulungan tungkol sa mga lihim na pinapakana ng mga saserdote, gayunma'y sabik pa rin ang marami na Siya'y ukulan ng paggalang o pagsamba. BB 787.2

Ang Jerico ay isa sa mga lungsod na ibinukod nang unang panahon para sa mga saserdote, at nang panahong ito ay malaking bilang ng mga saserdote ang naninirahan doon. Nguni't sa lungsod ay marami pang iba't ibang mga namamayan. Ito ay siyang krus na daan, at doo'y nasusumpungan ang mga pinuno at mga kawal na Romano, at mga iba pang nagbuhat sa kung saan-saang dako, samantala'y ginawa rin itong tahanan ng maraming mga maniningil ng buwis dahil sa narito ang adwana. BB 787.3

“Ang pinuno ng mga maniningil ng buwis,” na si Zaqueo, ay isang Hudyo, at siya'y kinamumuhian ng kaniyang mga kababayan. Ang kaniyang kalagayan at kayamanan ay gantimpala ng isang hanap-buhay na kinasusuklaman nila, at ito'y itinuturing nilang isa pang tawag o pangalan sa kawalang-katarungan at panghuhuthot. Nguni't ang mayamang maniningil ng buwis na ito ay hindi naman lubos na masamang tao ng sanlibutan na gaya ng inaakala. Sa ilalim ng anyong makasanlibutan at palalo ay naroon ang isang pusong madaling maantig ng kapangyarihan ng Diyos. Nabalitaan na ni Zaqueo si Jesus. Ang balitang Siya'y maawain at mapitagan sa mga taong kaawaawa ay lumaganap nang lubos. Ito ang gumising sa damdamin ng pinunong ito ng mga maniningil ng buwis na maghangad ng isang higit na mabuting kabuhayan. Ang Jordan ay ilang milya lamang ang layo buhat sa Jerico, na doon nangangaral si Juan Bautista, at napakinggan ni Zaqueo ang panawagan sa pagsisisi. Ang bilin sa mga maniningil ng buwis na, “Huwag na kayong sumingil pa nang higit kaysa utos sa inyo” (Lukas 3:13), bagama't hayagang di-pinapansin, ay nakapukaw sa kaniyang isip. Batid niya ang mga Kasulatan, at naniniwala siyang mali ang kaniyang ginagawa. Ngayon, pagkarinig niya ng mga salita na ibinalitang buhat sa Dakilang Guro, naramdaman niyang siya'y isang makasalanan sa paningin ng Diyos. Nguni't ang mga nabalitaan niya tungkol kay Jesus ay siyang bumuhay ng ka- niyang pag-asa. Maaari pa rin siyang magsisi at magbago ng kabuhayan; hindi ba't ang isa sa mga bago't pinagtitiwalaang alagad ng Guro ay isang maniningil ng buwis? Dahil dito'y sinunod agad ni Zaqueo ang iniuudyok ng kaniyang budhi, at pinasimulan niyang isauli ang mga dinaya niya sa mga pinagkasalahan niya. BB 788.1

Pinasimulan na niyang magbalik sa kaniyang nilakaran, nang sa buong Jerico ay dumating ang balita na si Jesus ay pumapasok na sa bayan. Ipinasiya ni Zaqueo na Siya'y makita. Nagpapasimula nang madama niya kung gaano kapait ang mga bunga ng kasalanan, at kung gaano kahirap ang landas na tatahakin ng isang nagsisikap na umalis sa daan ng kamalian. Ang mapagkamalan, mapaghinalaan at di-pagtiwalaan sa pagsisikap na iwasto ang kaniyang mga pagkakamali, ay napakahirap bathin. Minithi ng puno ng maniningil ng buwis na mamasdan ang mukha Niyaong nagbigay ng pag-asa sa kaniyang puso. BB 789.1

Siksikan sa mga tao ang mga daan, at si Zaqueo, palibhasa'y pandak, ay wala siyang makita kundi panay na mga ulo ng tao. Walang may ibig magparaan sa kaniya; kaya, siya'y tumakbong nagpauna sa karamihan, sa dakong mayroong malaking puno ng igos na ang malabay na sanga ay nakayungyong sa daan, at doo'y umakyat ang mayamang maniningil ng buwis at naupo sa malabay na sanga, at mula roo'y minasdan niya ang pagdaraan ng karamihan sa ilalim ng kinaroroonan niyang sanga. Lumapit ang karamihan, dumaraan, at sabik na nilisa ng mga mata ni Zaqueo ang isang taong pinagmimithian niyang makita. BB 789.2

Sa ibabaw ng mga ungol ng mga saserdote at mga rabi at ng mga sigaw ng pagtanggap buhat sa karamihan, ang di-mabigkas na pagnanasang yaon ng puno ng maniningil ng buwis ay nagsalita sa puso ni Jesus. Walang anu-ano, sa ilalim ng nakayungyong na puno ng igos, ay biglang tumigil ang isang pulutong, ang pulutong na nasa unahan at nasa hulihan ay nangapatda rin, at may Isan'g tumingala na ang titig ay waring nanunuot at nakababasa ng kaluluwa. Halos di-makapaniwala sa kaniyang mga nadarama, ang lalaking nasa itaas ng punungkahoy ay nakarinig ng mga salitang, “Zaqueo, magmadali ka, at bumaba ka; sapagka't ngayo'y kinakailangang Ako'y tumuloy sa bahay mo.” BB 789.3

Bumaba si Zaqueo at nagbigay ng daan ang karamihan, at parang nananaginip na siya'y lumakad na pauwi sa kaniyang sariling tahanan. Datapwa't ang mga rabi ay pawang nangakasimangot, at sa pagkainis ay palibak na nangagbubulungan, “Siya'y pumasok na nanunuluyan sa isang taong makasalanan.” BB 791.1

Si Zaqueo ay nagulumihanan, namangha, at natigilan sa pag-ibig at pagpapakababang ipinamalas ni Kristo sa pakikitungo sa kaniya, na isang lubhang di-karapat-dapat. Ngayon ang pag-ibig at pagtatapat sa kaniyang bagongnatagpuang Panginoon ay nagbukas ng kaniyang mga labi. Gagawa siya nang hayagang pagpapahayag ng kaniyang kasalanan at ng kaniyang pagsisisi. BB 791.2

Sa harap ng karamihan, “si Zaqueo ay nagtindig, at sinabi sa Panginoon, Narito, Panginoon, ang kalahati ng aking mga pag-aari ay ibinibigay ko sa mga dukha; at kung sakali't nakasingil akong may daya sa kaninumang tao, ay isinasauli ko nang makaapat. BB 791.3

“At sinabi sa kaniya ni Jesus, Dumating sa bahay na ito ngayon ang pagkaligtas, sapagka't siya'y anak din naman ni Abraham.” BB 791.4

Nang ang mayamang binatang pinuno ay tumalikod kay Jesus, ay nangamangha ang mga alagad sa sinabi ng kanilang Panginoon, “Kayhirap na magsipasok sa kaharian ng Diyos ang mga nagsisiasa sa mga kayamanan!” Sila'y nangapabulalas sa isa's isa, “Sino nga kaya ang makaliligtas?” Ngayo'y ipinakita sa kanila ang katoto- hanan ng mga salita ni Kristo, “Ang mga bagay na dimangyayari sa mga tao ay may pangyayari sa Diyos.” Marcos 10:24, 26; Lukas 18:27. Nakita nila ngayon, kung paanong sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ang isang mayaman ay makapapasok sa kaharian. BB 791.5

Bago tumingin si Zaqueo sa mukha ni Kristo, ay sinimulan na muna niyang gawin ang bagay na nagpakilalang siya'y tapat na nagsisisi. Bago siya paratangan ng sinumang tao, ay ipinahayag na niya ang kaniyang kasalanan. Sumuko siya sa isinusumbat ng Banal na Espiritu, at sinimulan na niyang isagawa ang turong isinulat para sa matandang Israel at para sa atin din naman. Noon pa mang unang panahon ay sinabi na ng Panginoon, “Kung maghirap ang iyong kapatid at manlupaypay sa iyong piling, ay iyo siyang aalalayan na patutuluyin mo, na manunuluyan sa iyong parang tagaibang-bayan at nakikipamayan. Huwag kang kukulia sa kaniya ng patubo o pakinabang, kundi matakot ka sa iyong Diyos: patuluyin mo ang iyong kapatid. Ang iyong salapi ay huwag mong ibibigay sa kaniya na may patubo, ni ibibigay mo man sa kaniya na may pakinabang ang iyong pagkain.” “Huwag kayong magdadayaan; kundi matakot kayo sa inyong Diyos.” Levitico 25:35-37, 17. Ang mga pangungusap na ito ay sinalita mismo ni Kristo nang Siya'y nalulukuban ng haliging ulap, at kauna-unahang tugon ni Zaqueo sa pag-ibig ni Kristo ay ang magpakita ng kahabagan sa mga dukha at mga naghihirap. BB 792.1

May samahan ang mga naniningil ng buwis, kaya sila'y nakasisingil sa mga tao nang labis at labis, at wala namang makatutol sa kanilang mga pagdaraya. Sa kanilang panghuhuthot o paniningil nang labis ay isinasakatuparan lamang nila ang bagay na naging isa nang malaganap na kaugalian. Pati mga saserdote at mga rabi na nagsisihamak sa kanila ay nagkakasala rin ng pagpapayaman sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng mga gawang pagdaraya na tinatakpan ng kanilang banal na tungkulin. Nguni't si Zaqueo naman kapag karakang siya'y sumuko sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, ay kaniya nang isinaisantabi o iniwan ang lahat ng gawang labag sa kalinisang-budhi. BB 792.2

Ang pagsisisi ay hindi tunay kung hindi gumagawa ng pagbabago. Ang katwiran o kabanalan ni Kristo ay hindi isang balabal na itatakip sa kasalanang hindi ipinahahayag at hindi iniiwan; ito'y isang simulain ng buhay na bumabago sa likas at kumukontrol sa pag-uugali. Ang kabanalan ay pagiging-buo sa Diyos; ito ay ang buong pagpapasakop ng puso at buhay upang mapanirahanan ng mga simulain ng langit. BB 793.1

Sa paghahanap-buhay ng Kristiyano ay ipakikita niya sa sanlibutan ang paraan ng gagawing paghahanap-buhay ng ating Paginoon. Sa bawa't transaksiyon o pagbibilihan ay ipakikita niyang Diyos ang kaniyang guro. “Kabanalan sa Panginoon” ang siyang mga salitang dapat masulat sa mga “libro de entrada,” sa mga katibayan, sa mga resibo, at sa mga salaping panukli. Ang mga nagsasabing sila'y mga alagad ni Kristo, at naghahanap-buhay sa likong pamamaraan, ay mga nagsisinungaling laban sa likas ng isang banal, makatarungan, at maawaing Diyos. Bawa't taong nahihikayat, tulad ni Zaqueo, ay magpapakilalang pinapapasok niya si Kristo sa kaniyang puso sa pamamagitan ng pagtalikod sa mga likong gawain na nakita sa dati niyang pamumuhay. Katulad ng pinuno ng mga maniningil ng buwis, patutunayan niya ang kaniyang katapatan sa pagsasauli ng kaniyang mga dinaya. Sinasabi ng Panginoon, “Kung isauli ng masama ang sanla, ibigay uli ang kinuha sa pagnanakaw, lumakad sa mga palatuntunan ng buhay, na di-gumagawa ng kasamaan; ... wala sa kaniyang mga kasalanan na kaniyang nagawa na babanggitin laban sa kaniya: ... siya'y walang pagsalang mabubuhay.” Ezekiel 33:15, 16. BB 793.2

Kung nakapinsala tayo sa iba sa alinmang likong transaksiyon sa hanapbuhay, kung nagmalabis o nanlamang tayo sa pagbibilihan, o kaya'y nandaya sa sinumang tao, kahit na ito'y ipinahihintulot ng batas, ay dapat nating ipagtapat o ipahayag ang ating kasalanan, at tayo'y gumawa ng pagsasauli sa abot ng aling makakaya. Matwid na isauli natin hindi lamang ang kinuha natin, kundi ang lahat din naman ng magiging kabuuan kung sakaling ito'y ginamit sa mabuti at wastong paghahanapbuhay sa loob ng panahong ito'y napasaatin. BB 794.1

Kay Zaqueo ay sinabi ng Tagapagligtas, “Dumating sa bahay na ito ngayon ang pagkaligtas.” Hindi lamang si Zaqueo ang tumanggap ng pagpapala, kundi ang buong kasambahay din naman niya. Tumuloy si Kristo sa kaniyang bahay upang bigyan siya ng mga aral ng katotohanan, at upang turuan ang kaniyang mga kasambahay sa mga bagay ng kaharian. Sila'y itiniwalag na sa mga sinagoga dahil sa yamot ng mga rabi at ng mga sumasamba; nguni't ngayon, sila ang pinakamapalad sa lahat ng sambahayan sa buong Jerico, sila'y nagkatipon sa sarili nilang tahanan sa palibot ng banal na Guro, at sila'y nakinig sa mga salita ng buhay. BB 794.2

Pagka si Kristo'y tinatanggap bilang personal na Tagapagligtas ay saka dumarating ang kaligtasan sa kaluluwa. Tinanggap ni Zaqueo si Jesus, hindi lamang bilang isang pansamantalang panauhin sa kaniyang tahanan, kundi bilang Isa na tatahan sa kaluluwang templo. Pinaratangan siyang isang makasalanan ng mga eskriba at mga Pariseo, nangagbulung-bulungan sila laban kay Kristo sa pagiging panauhin niya, subali't kinilala siya ng Panginoon bilang isang anak ni Abraham. Sapagka't “ang mga sa pananampalataya, ang mga yaon ay mga anak ni Abraham.” Galacia 3:7. BB 794.3