Bukal Ng Buhay
Kabanata 60—Ang Kautusan ng Bagong Kaharian
Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 20:20-28; Marcos 10:32-45; Lukas 18:31-34.
Lumalapit na ang panahon ng Paskuwa, at muling pumihit si Jesus papuntang Jerusalem. Nasa Kaniyang puso ang kapayapaan ng ganap na pakikipagkaisa sa kalooban ng Ama, at may kasabikan sa mga paghakbang na nagpatuloy Siya patungo sa pook na paghahandugan. Nguni't isang damdamin ng kahiwagaan, ng pag-aalinlangan at pagkatakot ang lumukob sa mga alagad. Ang Tagapagligtas ay “nangunguna sa kanila: at sila'y nangagtaka; at habang sila'y nagsisisunod, ay sila'y nangatakot.” BB 779.1
Muling tinawag ni Kristo ang Labindalawa sa palibot Niya, at inilahad Niya sa kanila nang tiyak na tiyak, na Siya ay ipagkakanulo at maghihirap. “Narito,” winika Niya, “nagsisiahon tayo sa Jerusalem, at ang lahat ng mga bagay na isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng tao ay mangagaganap. Sapagka't Siya'y ibibigay sa mga Hentil, at Siya'y aalimurahin, at duduwahaginin, at luluraan: at kanilang papaluin Siya, at papatayin Siya: at sa ikatlong araw ay muling magbabangon Siya. At wala silang napag-unawa sa mga bagay na ito: at ang sabing ito ay nalingid sa kanila, at hindi nila napagtalastas ang sinabi.” BB 779.2
Hindi ba't kapapahayag pa lamang nila sa lahat ng dako na, “Ang kaharian ng langit ay malapit na”? Hindi ba't si Kristo na rin ang nangako na marami ang uupong kasama ni Abraham at ni Isaac at ni Jacob sa kaharian ng Diyos? Hindi ba Siya ang nangako na ang lahat ng nag-iwan ng anuman alang-alang sa Kaniya ay tatanggap nang makasandaang higit sa buhay na ito, at may bahagi pa sa Kaniyang kaharian? At hindi ba Siya ang nagbigay sa labindalawa ng tanging pangako ng matataas na tungkulin ng karangalan sa Kaniyang kaharian—na uupo sa mga luklukan o mga trono upang humatol sa labindalawang angkan ni Israel? Ngayon pa man ay kasasabi pa Niya na ang lahat ng mga bagay na nasusulat sa mga propeta ay dapat matupad. At hindi ba hinulaan ng mga propeta ang maluwalhating paghahari ng Mesiyas? Sa liwanag ng mga isiping ito, ay parang malabo at madilim ang mga salita Niya tungkol sa pagkakanulo, paguusig at pagkamatay Niya. Sa palagay niJa, ano pa mang kahirapan ang humadlang ay malapit na ring matayo at matatag ang kaharian. BB 780.1
Si Juan, na anak ni Zebedeo, ay isa sa unang dalawang alagad na sumunod kay Jesus. Siya at ang kapatid niyang si Santiago ay kabilang sa unang pulutong na nag-iwan ng lahat upang maglingkod sa Kaniya. Buong kagalakang iniwan nila ang kanilang tahanan at mga kaibigan upang makasama lamang Niya; lumakad silang kasama Niya at nakipag-usap sa Kaniya; nakasama nila Siya sa mga tahanan, at sa mga kapulungang pambayan. Pinayapa Niya ang kanilang mga pangamba, iniligtas sila sa panganib, nilunasan ang kanilang mga pagdurusa, inaliw ang kalungkutan nila, at tinuruan silang may pagtitiyaga at pagmamahal, hanggang sa ang mga puso nila ay waring napakawing sa Kaniyang puso, at sa init ng kanilang pag-ibig ay minithi nilang maging pinakamalapit sa Kaniya sa Kaniyang kaharian. At sa tuwing magkakaroon ng pagkakataon, laging lumalagay si Juan sa tabi ng Tagapagligtas, at si Santiago naman ay nagnasa ring magkaroon ng karangalan na mapaugnay nang malapit sa Kaniya. BB 780.2
Ang kanilang ina ay isang alagad ni Kristo, at ipinaglingkod nito sa Kaniya ang buong kaya nito. Dala ng pag-ibig at hangarin ng ina para sa mga anak, ay hinangad nitong maibigay sa kanila ang pinakamarangal na lugar sa bagong kaharian. Dahil sa bagay na ito ay inudyukan nito sila na gumawa ng kahilingan ukol dito. BB 781.1
Ang mag-iina ay magkakasamang lumapit kay Jesus, at hiningi nilang ipagkaloob Niya ang kahilingang minimithi ng kanilang puso. BB 781.2
“Ano ang ibig ninyong sa inyo'y Aking gawin?” tanong Niya. BB 781.3
Ang ina ay sumagot, “Ipagkaloob Mo na itong aking dalawang anak ay magsiupo, ang isa ay sa Iyong kanan, at ang isa ay sa Iyong kaliwa, sa Iyong kaharian.” BB 781.4
Sila'y magiliw na pinagtiisan ni Jesus, na di-pinagwikaan ang kanilang kasakiman sa paghahangad na matampok sa ibabaw ng kanilang mga kapatid. Nababasa Niya ang kanilang mga puso, at alam Niya ang lalim ng kanilang pag-ibig sa Kaniya. Ang pag-ibig nila ay hindi isa lamang karaniwang pag-ibig ng tao; na bagama't pinarumi ng pagiging-makalupa ng taong dinadaluyan nito, ito nama'y isang agos na nagbubuhat sa bukal ng Kaniyang sariling tumutubos na pag-ibig. Hindi Siya susuwat, kundi bagkus ito'y palalalimin Niya at dadalisayin. Sinabi Niya, “Mangakaiinom baga kayo sa sarong Aking iinuman, at mangababautismuhan sa bautismo na ibinautismo sa Akin?” Naalaala nila ang Kaniyang mahihiwagang mga salita, na tumutukoy sa pagsubok at paghihirap, gayunma'y buong pagtitiwala silang sumagot, “Mangyayari.” Ituturing nilang kataas-taasang karangalan na patunayan ang kanilang pagkamatapat sa pamamagitan ng pakikibahagi sa lahat ng sasapitin ng kanilang Panginoon. BB 781.5
“Katotohanang iinuman ninyo ang Aking saro, at sa bautismo na ibinautismo sa Akin ay babautismuhan kayo,” wika Niya; sa harap Niya'y naroon ang krus at hindi trono, dalawang makasalanan ang kasama Niya na isa'y sa Kaniyang kanan at isa'y sa Kaniyang kaliwa. Si Juan at si Santiago ay kapwa magkakaroon ng bahagi sa paghihirap ng kanilang Panginoon; ang isa, na una sa mga kapatid ay mamamatay sa tabak; ang isa pa, ay magtitiis ng pinakamatagal sa lahat ng paghihirap, at pagkadusta, at pag-uusig. BB 782.1
“Datapwa't ang maupo sa Aking kanan, at sa Aking kaliwa,” patuloy Niya, “ay hindi sa Akin ang pagbibigay, kundi yaon ay para sa kanila na pinaghandaan ng Aking Ama.” Sa kaharian ng Diyos, ang tungkulin ay hindi natatamo sa pamamagitan ng paboritismo o pagtatangi. Hindi ito nakakamtan, ni tinatanggap man sa pamamagitan ng sapilitan. Ito ay bunga ng likas. Ang korona at ang trono ay mga tanda ng isang kalagayang naabot; ang mga ito ay tanda ng pagtatagumpay-sa-sarili sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesukristo. BB 782.2
Pagkaraan ng maluwat na panahon, nang maparamay na ang mga alagad sa mga hirap ni Kristo, ay ipinakita ng Panginoon kay Juan kung ano ang kalagayan ng pagiging-malapit sa Kaniyang kaharian. “Ang magtagumpay,” sinabi ni Kristo, “ay Aking pagkakaloobang umupong kasama Ko sa Aking luklukan, gaya Ko naman na nagtagumpay, at umupong kasama ng Aking Ama sa Kaniyang luklukan.” “Ang magtagumpay ay gagawin Kong haligi sa templo ng Aking Diyos, at hindi na siya lalabas pa doon: at isusulat Ko sa kaniya ang pangalan ng Aking Diyos,.. at ang Aking sariling bagong pangalan.” Apocalipsis 3:21, 12. Kaya si Pablong apostol ay sumulat, “Sapagka't ako'y iniaalay na, at ang panahon ng aking pagpanaw ay dumating na. Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: buhat ngayon ay natataan sa akin ang korona ng katwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon, na tapat na Hukom, sa araw na yaon.” 2 Timoteo 4:6-8. BB 782.3
Ang isang tatayo sa pinakamalapit kay Kristo ay ang sa lupa'y iinom ng pinakamarami sa diwa ng Kaniyang mapagsakripisyong pag-ibig—pag-ibig na “hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo, ... hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama” (1 Corinto 13:4, 5)—pag-ibig na nagpapakilos sa alagad, gaya nang kilusin nito ang ating Panginoon, na ibigay ang lahat, na mamuhay at gumawa at magpakasakit, hanggang sa kamatayan, sa ikaliligtas ng sangkatauhan. Ang diwang ito ay siyang nahayag sa buhay ni Pablo. Sinabi niya, “Sapagka't sa ganang akin ang mabuhay ay si Kristo;” sapagka't inihayag ng kaniyang buhay si Kristo sa mga tao; “at ang mamatay ay pakinabang”—pakinabang kay Kristo; ang kamatayan na rin ay maghahayag ng kapangyarihan ng Kaniyang biyaya, at magtitipon ng mga kaluluwa sa Kaniya. “Dadakilain si Kristo sa aking katawan,” wika niya, “maging sa papamagitan ng kabuhayan o sa pamamagitan ng kamatayan.” Filipos 1:21, 20. BB 783.1
Nang marinig ng sampu ang kahilingan ni Santiago at ni Juan, lubha silang nayamot. Ang kataas-taasang tungkulin sa kaharian ay siyang minimithing kamtin ng bawa't isa sa kanila, at ikinagalit nila ang pangyayari na tila mandin nakalamang sa kanila ang dalawang alagad. BB 783.2
Waring babangon na naman ang pagtatalo tungkol sa kung sino ang magiging pinakadakila, kaya ng tawagin Niya sila, ay sinabi Niya sa nagagalit na mga alagad, “Nalalaman ninyo na yaong mga inaaring mga pinuno ng mga Hentil ay nangapapanginoon sa kanila; at ang sa kanila'y mga dakila ay nagsisigamit ng kapamahalaan sa kanila. Datapwa't sa inyo ay hindi gayon.” BB 783.3
Sa mga kaharian ng sanlibutan, ang tungkulin ay nangangahulugang pagpapadakila sa sarili. Ang mga tao ay ipinalalagay na nabubuhay sa kapakinabangan ng mga namumuno. Ang impluwensiya, kayamanan, at pinagaralan, ay siyang mga paraang ginagamit ng mga lider upang makontrol nila ang mga tao. Ang mga nakatataas ay siyang umiisip, nagpapasiya, nagtatamasa, at nagpupuno; at ang mabababa naman ay dapat sumunod at maglingkod. Ang relihiyon, katulad ng lahat ng mga iba pang bagay, ay isang bagay na sa lakasan. Ang mga tao'y inaasahang maniniwala at gaganap nang ayon sa iniuutos ng mga nakatataas sa kanila. Ang karapatan ng tao bilang tao, na umiisip at gumagawa sa ganang kaniyang sarili, ay lubos na di-kinikilala. BB 784.1
Nagtatatag si Kristo ng isang kaharian sa iba namang mga simulain. Tumawag Siya ng mga tao, hindi sa kapangyarihan, kundi sa paglilingkod, na ang malakas ay dapat magbata ng mga kahinaan ng mga mahihina. Ang kapangyarihan, tungkulin, talento. at pinag-aralan, ay inilalagay ang nagtataglay nito sa ilalim ng lalong malaking sagutin na maglingkod sa kaniyang mga kapwa. Maging sa pinakamababa sa mga alagad ni Kristo ay sinasabi, “Ang lahat ng mga bagay ay dahil sa inyo.” 2 Corinto 4:15. BB 784.2
“Ang Anak ng tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang Kaniyang buhay na pantubos sa marami.” Sa gitna ng Kaniyang mga alagad, si Kristo ay isang tunay na katiwala, isang tagapasan ng dalahin. Nakisama Siya sa kanilang kahirapan, nagkait Siya sa Kaniyang sarili dahil sa kanila, nagpauna Siya sa kanila upang ayusin ang mahihirap na mga lugar, at wawakasan Niya ang Kaniyang gawain sa lupa sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kaniyang buhay. Ang simulaing isinakatuparan ni Kristo ay ginawa Niya upang magpakilos sa mga kaanib ng iglesya na siya Niyang katawan. Ang panukala at saligan ng kaligtasan ay pag-ibig. Sa kaharian ni Kristo ang mga pinakadakila ay yaong mga nagsisisunod sa halimbawang Kaniyang ibinigay, at gumaganap bilang mga pastor ng Kaniyang kawan. BB 784.3
Ang mga salita ni Pablo ay naghahayag ng tunay na dignidad at karangalan ng kabuhayang Kristiyano: “Bagaman ako ay malaya sa lahat ng mga tao, gayunma'y napaalipin ako sa lahat,” “na hindi ko hinahanap ang aking sariling kapakinabangan, kundi ang sa marami, upang sila'y mangaligtas.” 1 Corinto 9:19; 10:33. BB 785.1
Sa mga bagay na ukol sa budhi ay hindi dapat panghimasukan ang tao. Walang sinumang dapat kumontrol sa isip ng iba, dapat humatol sa iba, o dapat mag-atas ng kaniyang tungkulin. Nagbibigay ang Diyos sa bawa't kaluluwa ng layang umisip, at sumunod sa sarili niyang mga paniniwala. “Bawa't isa sa atin ay magbibigay-sulit sa Diyos ng kaniyang sarili.” Walang karapatan ang sinumang ipaloob ang kaniyang sarili sa pagkatao ng iba. Sa lahat ng mga bagay na may kinalaman sa simulain, “bawa't isa'y magtibay sa kaniyang sariling pag-iisip.” Roma 14:12, 5. Sa kaharian ni Kristo ay walang paniniil ng namumuno, ni wala rin namang pamimilit. Ang mga anghel sa langit ay hindi nananaog sa lupa upang mamuno, at upang mag-atas na sila'y igalang o sambahin, kundi bilang mga sugo ng kaawaan, ay upang makipagtulungan sa mga tao sa ikaaangat ng kalagayan ng sangkatauhan. BB 785.2
Ang mga simulain at ang mga salita ng turo ng Tagapagligtas, sa banal na kagandahan ng mga ito, ay napaukit sa alaala ng minamahal na alagad. Hanggang sa mga huling araw niya ang naging diin ng patotoo ni Juan sa mga iglesya ay, “Ito ang pasabing inyong narinig bu- hat nang pasimula, na mangag-ibigan tayo sa isa't isa.” “Dito'y nakikilala natin ang pag-ibig ng Diyos, sapagka't Kaniyang ibinigay ang Kaniyang buhay dahil sa atin: at nararapat nating ibigay ang ating mga buhay dahil sa mga kapatid.” 1 Juan 3:11, 16. BB 785.3
Ito ang diwang umiral at namayani sa unang iglesya. Nang maibuhos na ang Espiritu Santo, “ang karamihan ng mga nagsisampalataya ay nangagkakaisa ang puso at kaluluwa: sinuma'y walang nagsabing kaniyang sarili ang anuman sa mga bagay na kaniyang inaari.” “Walang sinumang nagsasalat sa kanila.” “At pinatotohanan ng mga apostol na may dakilang kapangyarihan ang pagkabuhay na mag-uli ng Panginoong Jesus: at dakilang biyaya ang sumasakanilang lahat.” Mga Gawa 4:32, 34, 33. BB 786.1