Bukal Ng Buhay
Kabanata 7—Sa Pagiging Isang Bata
Ang kabanatang ito ay batay sa Lukas 2:39, 40.
Ang panahon ng pagkabata at pagiging-kabataan ni Jesus ay ginugol Niya sa isang maliit na nayong nasa paanan ng bundok. Walang pook sa lupa na hindi nabigyang-karangalan ng Kaniyang pagkakaparoon. Naging karapatan sana ng mga palasyo ng mga hari na tanggapin Siya bilang isang panauhin. Subali't nilampasan Niya ang mga tahanan ng mayayaman, ang mga bulwagan ng mga hari, at ang mga tanyag na pook ng karunungan, at nanirahan Siya sa isang kubli at hamak na Nazareth. BB 71.1
Nakapagtataka ang kahulugan ng maigsing tala ng Kaniyang pagkabata: “Lumaki ang bata, at lumakas sa espiritu, na puspos ng karunungan: at ang biyaya ng Diyos ay sumasa Kaniya.” Sa kapuspusan ng liwanag na nagbubuhat sa mukha ng Ama, si Jesus ay “lumago sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay-lugod sa Diyos at sa mga tao.” Lukas 2:52. Ang Kaniyang pagiisip ay malusog at mapanuri, at ang Kaniyang katalinuhan at pagkukuro ay higit sa Kaniyang gulang. Maganda pa ang pagkakaanyo ng Kaniyang likas. Banay-banay ang paglusog ng Kaniyang isip at katawan, alinsunod sa mga batas ng pagkabata. BB 71.2
Sa pagiging isang bata, ay kinakitaan si Jesus ng natatanging kaibig-ibig na pag-ugali. Ang masisipag Niyang mga kamay ay laging laang maglingkod sa mga iba. Nagpakita Siya ng pagtitiyaga na hindi marunong mayamot, at ng pagtatapat na hindi nadadala ng pagsisinungaling. Sa simulain ay sintibay Siya ng batong-buhay; ang Kaniyang buhay ay kinahayagan ng biyaya ng di-sakim na paggalang. BB 71.3
Maalab na minatyagan ng ina ni Jesus ang paglago ng Kaniyang mga kakayahan, at namasdan ang pagkakaanyo sa Kaniya ng sakdal na likas. Malugod niyang sinikap na mapaunlad ang matalinong isip Nito. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay tumanggap siya ng karunungan upang makipagtulungan sa mga banal na anghel sa pagtuturo sa bata, na siyang makaaangking Diyos lamang ang Kaniyang Ama. BB 72.1
Buhat pa nang mga unang panahon ay nag-ukol na ng malaking pag-aasikaso ang mga tapat sa Israel sa pagtuturo sa mga bata. Ipinagbilin ng Panginoon na sa pagkasanggol pa lamang ay ituturo na sa mga ito ang Kaniyang kabutihan at ang Kaniyang kadakilaan, gaya ng inihahayag tanging-tangi na sa Kaniyang kautusan, at ipinakikilala sa kasaysayan ng Israel. Ang awit at panalangin at mga araling hango sa mga Banal na Kasulatan ay kailangang ibagay sa murang isip. Ituturo ng mga ama at mga ina sa kanilang mga anak na ang kautusan ng Diyos ay isang anyo ng Kaniyang likas, at pagka tinanggap nila sa kanilang puso ang mga simulain ng kautusang ito, ay nababakas ang likas ng Diyos sa kanilang isip at kaluluwa. Ang karamihan sa pagtuturo ay sa bibig; nguni't natuto rin ang mga kabataan sa pagbasa ng mga sulat Hebreo; at ang mga balumbong pergamino ng Matandang Tipan ay binuksan upang pag-aralan nila. BB 72.2
Noong panahon ni Kristo ay itinuturing na nasa ilalim ng sumpa ng Diyos ang alinmang bayan o lunsod na hindi gumagawa ng paraan upang maturuan ng relihiyon ang mga kabataan. Nguni't nauuwi sa pakitang-tao lamang ang pagtuturo. Mga sali't saling sabi ang inihalili sa Mga Kasulatan. Ang tunay na pagtuturo ay aakay sa mga kabataan na “kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling maapuhap nila Siya, at Siya'y masumpungan.” Mga Gawa 17:27. Nguni't ang inasikaso ng mga gurong Hudyo ay ang mga bagay-bagay ng seremonya. Ang isip ng nag-aaral ay pinuno nila ng mga bagay na hindi kailangan o walang halaga, at hindi naman kinikilala sa lalong mataas na paaralan sa langit. Ang karanasang natatamo sa pansariling pagtanggap ng salita ng Diyos ay hindi kasama sa kanilang paraan ng pagtuturo. Palibhasa'y abalang-abala ang mga nag-aaral sa mga bagay na panlabas, kaya wala silang kapana-panahon sa tahimik na pakikipag-usap sa Diyos. Hindi nila narinig ang tinig Niyang nagsasalita sa kanilang puso. Sa paghanap nila ng karunungan, ay iniwan nila ang Bukal ng karunungan. Ang malaking kailangan ng paglilingkod sa Diyos ay pinabayaan. Ang mga simulain ng kautusan ay pinalabo. Yaong ipinalalagay nilang mataas na karunungan ay naging pinakamalaking hadlang sa tunay na kaunlaran. Ang mga kakayahan ng mga kabataan ay napigil sa ilalim ng pagtuturong ginawa ng mga rabi. Ang kanilang mga isip ay naging kuyom at sikil. BB 72.3
Ang batang si Jesus ay hindi nag-aral sa paaralan ng mga sinagoga. Ang Kaniyang ina ang una Niyang tagapagturo. Sa mga labi nito at sa mga balumbong-sulat ng mga propeta nagbuhat ang lahat ng mga natutuhan Niya tungkol sa mga bagay na ukol sa langit. Ang mga pangungusap na Siya na rin ang nagsalita kay Moises upang sabihin sa Israel ay siya ngayong itinuro sa Kaniya ng Kaniyang ina. At nang Siya'y lumaki at magbinata, ay hindi Niya hinanap ang paaralan ng mga rabi. Hindi Niya kailangan ang karunungang natututuhan sa mga paaralang iyon, sapagka't ang Diyos ay siya Niyang tagapagturo. BB 73.1
Ang itinanong noong panahong nangangaral ang Tagapagligtas na, “Paanong nakaalam ang taong ito ng mga karunungan, gayong hindi naman nag-aral kailanman?” ay hindi nagpapakilalang si Jesus ay hindi maalam na bumasa, kundi hindi lamang Siya tumanggap ng turo ng mga rabi. Juan 7:15. Palibhasa Siya'y natuto na gaya rin nating maaaring matuto, atin ngang mapagkikilala na ang mabuti Niyang pagkaalam sa mga Kasulatan ay bunga ng Kaniyang maagang pagsisikap sa pag-aaral ng Salita ng Diyos noong panahon ng Kaniyang pagkabata. At nakabukas din naman sa harap Niya ang malaking aklatan ng mga nilalang ng Diyos. Siya na Maylikha ng lahat ng bagay ay nag-aral ng mga araling isinulat ng sarili Niyang kamay sa lupa at dagat at langit. Tinipon Niyang buhat sa katalagahan ang malaking kalipunan ng karunungang siyentipiko, na hiwalay sa mga lisyang paraan ng sanlibutan. Pinag-aralan Niya ang buhay ng mga halaman at mga hayop, at pati ng buhay ng tao. Sapul sa Kaniyang pagkabata ay iisa ang layunin Niya: ang mabuhay Siya upang pagpalain ang iba. Sa bagay na ito ay humango Siya sa katalagahan ng mga bagay na magagamit Niya; mga bagong isipan at pamamaraan ang pumasok sa isip Niya samantalang pinag-aaralan Niya ang buhay ng mga halaman at mga hayop. Buhat sa mga bagay na nakikita ay walang-tigil na kumukuha Siya ng mga halimbawang magagamit Niya upang maiharap ang mga buhay na salita ng Diyos. Ang mga talinhagang magiliw Niyang itinuro, noong kasalukuyan ng Kaniyang paglilingkod, upang mailahad ang mga aralin ng katotohapan ay nagpapakilala na kung paanong bukas ang Kaniyang diwa sa mga itinuturo ng katalagahan, at kung paanong tinipon Niya ang mga araling espirituwal buhat sa mga pangyayari at kalagayan ng Kaniyang kabuhayan araw-araw. BB 73.2
Sa ganitong paraan napagkilala ni Jesus ang kahulugan ng salita at mga gawa ng Diyos, nang Kaniyang pagsikapang maunawaan ang mga dahilan kung bakit nangyari at lumitaw ang mga bagay-bagay. Mga banal na anghel ang naglingkod sa Kaniya, at ang Kaniyang mga isipan at pagmumuni ay malinis at banal. Buhat sa unang pagkakaroon Niya ng isip ay patuloy na Siyang lumaki sa biyayang espirituwal at sa pagkakilala sa katotohanan. BB 74.1
Ang alinmang bata ay maaaring matutong gaya ni Jesus. Habang sinisikap nating makilala ang ating Amang nasa langit sa pamamagitan ng Kaniyang salita, ay lalapit naman ang mga anghel, lalakas at tatatag ang ating mga isip, at magiging marangal at mahinhin ang ating likas. Lalo tayong magiging katulad ng ating Tagapagligtas. At habang minamasdan natin ang maganda at dakila sa katalagahan ay mananabik sa Diyos ang ating kalooban. Samantalang ang ating diwa ay humahanga, ang atin namang kaluluwa ay lumalakas dahil sa napapaugnay ito sa Walang-hanggang Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang mga gawa. Ang pakikipag-usap sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin ay nagpapalakas sa isip at sa kalooban, at ang kapangyarihang espirituwal ay lalong lumalakas pagka pinag-iisip ang mga bagay na ukol sa espiritu. BB 75.1
Ang pamumuhay ni Jesus ay isang pamumuhay na kasang-ayon ng Diyos. Noong Siya ay bata, Siya'y nag-isip at nagsalitang gaya ng bata; datapuwa't ang larawan ng Diyos ay hindi nadungisan ng kasalanan. Gayon pa man ay hindi Siya nalayo sa tukso. Naging kasabihan na ang mga katampalasanan ng mga taga-Nazareth. Ang karaniwang hamak na pagtingin sa kanila ay ipinakikilala ni Nathanael nang itanong niya, “Mangyayari bagang lumitaw ang anumang magaling na bagay sa, Nazareth?” Juan 1:46. Si Jesus ay inilagay sa isang pook na masusubok ang likas Niya. Kinailangan Niyang maging laging maingat upang mapamalagi ang Kaniyang kalinisan. Walang humpay ang naging pakikilaban Niya sa mga tuksong sinasagupa natin, upang Siya naman ay maging uliran natin sa pagkabata, sa kabinataan, at sa katandaan. BB 75.2
Walang-tigil at walang kapagud-pagod si Satanas sa mga pagsisikap Niyang madaig ang Batang si Jesus ng Nasaret. Buhat sa pagkasanggol ay binantayan si Jesus ng mga anghel ng langit, gayon pa man, ang buhay Niya ay naging isang mahabang pakikilaban sa mga kapangyarihan ng kadiliman. Kung magkakaroon sa ibabaw ng lupa ng isang kabuhayang hindi narurungisan ng masama ay ito'y isang sumbat at kagulumihanan sa pangulo ng kadiliman. Wala siyang di-sinubok na paraan upang masilo si Jesus. Walang anak ng taong mabubuhay kailan man ng isang banal na kabuhayan sa gitna ng mabangis na pakikilaban sa tukso na gaya ng ating Tagapagligtas. BB 75.3
Ang mga magulang ni Jesus ay mga maralita at nagsisiasa sa kanilang hanapbuhay. Bihasa Siya sa karalitaan, pagtitipid, at kagipitan. Ang ganitong karanasan o pamumuhay ay naging sanggalang sa Kaniya. Sa Kaniyang masipag na pamumuhay ay walang panahong naaksaya na makapag-aanyaya sa tukso. Wala Siyang nasayang na oras para sumama sa masasamang barkada. Sa lahat ng pangyayari ay sinasarhan Niya ang pintuang daraanan ng manunukso. Ni salapi o kalayawan, ni paunlak o banta man, ay hindi nakahimok sa Kaniya na Siya'y gumawa ng kamalian. Matalas ang Kaniyang isip na kumilala ng masama, at malakas ang Kaniyang loob na lumaban. BB 76.1
Si Kristo lamang ang tanging hindi kailanman nagkasala sa lahat ng mga taong nabuhay sa lupa; gayon pa ma'y halos tatlumpung taong Siya ay nakipamayan sa masasamang mamamayan ng Nazareth. Ang pangyayaring ito ay isang sumbat sa mga taong nag-aakala na ang kabuhayang walang-kapintasan ay nasasalig sa lugar, kapalaran, o kasaganaan. Ang tukso, karalitaan, at kagipitan ay disiplina o pansupil na kailangan upang mahubog ang dalisay at matatag na likas. BB 76.2
Si Jesus ay nanirahan sa isang tahanan sa bukid, at matapat at masaya niyang ginaganap ang Kaniyang bahagi sa mga gawain sa bahay. Siya ay dating Pinuno ng kalangitan, at ikinalugod ng mga anghel na talimahin ang Kaniyang salita; ngayon naman ay isa Siyang handang pag-utusan, isang anak na magiliwin at masunurin. Natu- to Siya ng isang hanapbuhay, at ginagamit Niya ang Kaniyang mga kamay sa pag-aanluwage na kasama ni Jose. Nilakad Niya ang mga lansangan ng Kaniyang maliit na bayan na suot ang damit ng karaniwang manggagawa, na paroo't parito sa Kaniyang abang gawain. Hindi Niya ginagamit ang Kaniyang kapangyarihan ng pagka-Diyos upang bawasan ang Kaniyang mga pasanin o pagaanin ang Kaniyang paggawa. BB 76.3
Sa paggawa ni Jesus noong panahong Siya'y maliit pa hanggang sa nagbinata, ay lumusog ang Kaniyang isip at katawan. Hindi Niya ginamit ang lakas ng Kaniyang katawan nang walang-ingat, kundi sa isang paraang ikalulusog, upang magawa Niya ang pinakamabuti sa lahat ng anumang Kaniyang gawin. Hindi Niya ibig mapintasan, maging sa paghawak ng mga kasangkapan. Siya ay sakdal sa pagiging isang manggagawa, kung paano rin namang Siya'y sakdal sa likas. Sa pamamagitan ng sarili Niyang halimbawa ay tinuruan Niya tayo na magpakasipag, na gawin nating may kahustuhan at kaganapan ang ating gawain, at ang ganyang paraan ng paggawa ay marangal. Ang anumang gawain na ginagamit ang mga kamay at sumasanay rin naman sa mga kabataan na magpasan ng mga kapanagutan sa buhay, ay nagpapalakas sa katawan at nagpapalusog sa isip. Lahat ay dapat humanap ng magagawang pakikinabangan ng kanilang sarili at makatutulong din naman sa iba. Itinalaga ng Diyos na ang paggawa ay maging isang pagpapala, at ang masipag lamang na manggagawa ang nakakakasumpong ng tunay na kaluwalhatian at galak sa buhay. Nakangiting sumasang-ayon ang Diyos sa mga bata at mga kabataang masayang gumaganap ng kanilang bahagi sa mga gawain sa loob ng bahay, na tumutulong sa kanilang mga ama at mga ina. Ang ganyang mga bata ay magiging mbubuting bunga ng tahanan na pakikinabangan ng lipunan. BB 77.1
Sa buong buhay ni Jesus sa ibabaw ng lupa, Siya ay naging isang masipag na manggagawa. Malaki ang inasahan Niya; kaya malaki naman ang sinikap Niyang gawin. Nang pumasok na Siya sa Kaniyang ministeryo, ay sinabi Niya, “Kinakailangan nating gawin ang mga gawa niyaong Nagsugo sa Akin, samantalang araw; dumarating ang gabi, na walang taong makagagawa.” Juan 9:4. Hindi iniwasan ni Jesus ang pagtulong at kapanagutan, gaya ng ginagawa ng maraming nagbabansag na sumusunod sa Kaniya. Dahil sa marami ang umiiwas sa ganitong disiplina kaya sila ay mahihina at mga walang-kakayahan. Maaaring nag-aangkin sila ng mahuhusay at kaakit-akit na mga likas, nguni't mahihina ang kanilang loob at halos walang malamang gawin kapag napaharap na sa mahihirap na gawain. Ang katapangan at sigla, ang tibay at lakas ng loob na nakita sa buhay ni Kristo ay dapat makita sa atin, sa pamamagitan ng disiplina ring iyon na Kaniyang tiniis. At ang biyayang tinanggap Niya ay ibibigay rin naman sa atin. BB 77.2
Sa panahong ikinabuhay ng ating Tagapagligtas sa gitna ng mga tao, ay naging kasama-sama Siya ng mga maralita. Alam Niya ang kanilang mga alalahanin at mga kahirapan dahil sa Kaniyang naranasan, at kaya naman Kaniyang naaliw at napalakas ang loob ng lahat ng mga abang manggagawa. Yaong mga may tumpak na pagkakilala sa mga iniaral Niya ay hindi kailanman mag-aakalang dapat lagyan ng pagkakaiba ang uri ng mga tao, na ang mayayaman baga ay pararangalan nang higit kaysa karapat-dapat na mahihirap. BB 78.1
Tinaglay-taglay ni Jesus ang kasayahan at katalinuhan hanggang sa Kaniyang paggawa. Malaking pagtitiis at espirituwal na kabuhayan ang kinakailangan upang ang relihiyon ng Bibliya ay maipasok sa tahanan at sa hanapbuhay, upang mabata ang hirap ng pakikipagkalakalan sa sanlibutan, at gayon pa ma'y mapanatili pa ring tapat ang mata sa ikaluluwalhati ng Diyos. Sa bagay na ito naging isang katulong si Jesus. Kahit na Siya'y abalangabala sa pag-aasikaso sa mga bagay ng lupang ito ay lagi pa rin Siyang may panahon para sa mga bagay ng langit. Ang katuwaan ng Kaniyang puso ay malimit Niyang ipahayag sa pag-awit ng mga imno at iba pang awit na ukol sa Diyos. Malimit marinig ng mga taga-Nasaret ang Kaniyang tinig na pumupuri at nagpapasalamat sa Diyos. Nakipag-usap Siya sa Diyos sa pamamagitan ng awit; at nang ang mga kasamahan Niya ay magsidaing sa pagod sa paggawa, ay inaliw Niya sila ng Kaniyang matamis na pag-awit. Ang Kaniyang pumupuring tinig ay waring nagpapalayas sa masasamang anghel, at tulad ng kamangyan, na pinupuno ang pook ng kabanguhan. Ang mga nakarinig sa Kaniya ay parang naalis sa kanilang pagkakasadlak sa lupa, at napalipat sa tahanang langit. BB 78.2
Si Jesus ang bukal ng kaawaang nagpapagaling sa sanlibutan; at sa buong mga taon ng Kaniyang pagtahan sa Nazareth, ang Kaniyang buhay ay naging parang agos ng pakikiramay at pagkakawanggawa. Ang matatanda, ang mga nagdadalamhati, ang mga nabibigatan sa kasaIanan, ang mga batang masasayang naglalaro, ang maliliit na kinapal na nagliliparan, ang matitiyagang hayop na pantrabaho—lahat ay masayang-masaya kung nasa harap Niya. Siya na ang salita ng kapangyarihan ay umaalalay sa mga sanlibutan ay yuyuko upang lunasan ang isang ibong nasugatan. Walang nalilingid sa Kaniyang pansin, wala Siyang tinatanggihang paglingkuran kahit anong bagay. BB 79.1
Kaya habang si Jesus ay lumalaki sa karunungan at sa pangangatawan, lumalago rin naman Siya sa pagbibigay-lugod sa Diyos at sa mga tao. Nakuha Niya ang pagmamahal ng lahat ng puso dahil sa ipinakilala Niyang Kaniyang minamahal ang lahat. Ang diwa ng pag-asa at lakas ng loob na lumiligid sa Kaniya ay siyang gumawa upang Siya ay maging isang pagpapala sa bawa't tahanan. At malimit na sa loob ng sinagoga kung araw ng Sabado ay tinatawag Siya upang bumasa ng aral na hango sa mga propeta, at ang mga puso ng nagsisipakinig ay halos lumukso sa tuwa dahil sa may natanaw silang bagong liwanag buhat sa banal na salitang karaniwan nilang binabasa. BB 79.2
Gayon ma'y iniwasan ni Jesus ang matanghal. Sa buong panahong itinira Niya sa Nazareth , ay hindi Niya ipinakita o itinanghal ang Kaniyang kapangyarihang gumawa ng kababalaghan. Hindi Siya naghangad ng mataas na katungkulan at ni hindi Siya gumamit ng mga titulo. Ang Kaniyang tahimik at simpleng pamumuhay, at maging ang pananahimik ng Mga Kasulatan sa mga taon ng Kaniyang pagkabata, ay nagtuturo ng isang mahalagang aral. Kung kailan lalong tahimik at simple ang pamumuhay ng bata—samakatwid ay hindi ginagamitan ng anumang karangyaan, kundi yaon lamang naaayon sa kalikasan—lalo naman itong naaayon sa ikalulusog ng katawan at ng pag-iisip at ng kaluluwa. BB 80.1
Si Jesus ang ating huwaran. Marami ang may kasabikang nagtutuon ng pansin sa panahon ng Kaniyang hayagang paglilingkod o ministeryo, samantala'y hindi nila pinapansin ang itinuturo ng Kaniyang murang kabataan. Nguni't sa Kaniyang buhay nga sa loob ng tahanan nagiging huwaran Siya ng lahat ng mga bata at mga kabataan. Ang Tagapagligtas ay nagpakadukha, upang maituro Niya kung paano tayo makalalakad na kasama ng Diyos kahit na tayo ay mga maralita. Siya ay nabuhay upang ang Kaniyang Ama ay bigyang-kaluguran, parangalan, at luwalhatiin sa mga bagay na karaniwan sa buhay. Ang una Niyang ginawa ay itinalaga muna Niya sa Diyos ang mahabang hanap-buhay ng karaniwang manggagawa na nagpapatulo ng pawis upang may maipagtawid-buhay. Itinuring Niyang Siya'y naglilingkod sa Diyos kahit sa Siya'y nag-aanluwage na kagaya rin kung Siya'y gumagawa ng mga kababalaghan para sa maraming tao. At ang bawa't kabataang sumusunod sa halimbawa ng pagtatapat at pagtalima na ipinakita ni Kristo sa Kaniyang maralitang tahanan ay makaaangkin sa mga pangungusap na sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay sinabi ng Ama tungkol sa Kaniya, “Narito ang Aking Lingkod, na Aking inaalalayan; ang Aking hinirang na kinalulugdan ng Aking kaluluwa.” Isaias 42:1. BB 80.2