Bukal Ng Buhay
Kabanata 59—Mga Lihim na Pakana ng mga Saserdote
Ang kabanatang ito ay batay sa Juan 11:47-54.
Ang Betanya ay napakalapit sa Jerusalem kaya ang balita tungkol sa pagkabuhay kay Lazaro ay nakasapit agad sa lungsod. Sumakamay agad ng mga pinunong Hudyo ang mga bagay na nangyari sa pamamagitan ng mga tiktik na nakasaksi sa kababalaghan. Madaling tumawag ng pulong ang Sanedrin upang pagpasiyahan kung ano ang nararapat gawin. Lubos ngayong ipinakilala ni Kristo na hawak ng Kaniyang kapangyarihan ang kamatayan at ang libingan. Ang makapangyarihang kababalaghang yaon ay siyang pinakapamutong na katibayang maibibigay ng Diyos sa mga tao na sinugo Niya ang Kaniyang Anak sa sanlibutan upang sila'y iligtas. Isang pagpapakita iyon ng kapangyarihan ng Diyos na sapat magpapaniwala sa bawa't taong may malinaw na pag-iisip at may budhing naliwanagan. Maraming nakakita sa pagbuhay na muli kay Lazaro na nagsisampalataya kay Jesus. Nguni't ang galit naman ng mga saserdote sa Kaniya ay lalong sumidhi. Tinanggihan na nila ang lahat ng maliliit na katibayan ng Kaniyang pagka-Diyos, at ang bagong kababalaghang ito ay nagpaalab na lalo ng kanilang galit. Ang patay ay binuhay sa buong liwanag ng araw, at sa harap ng maraming nakakita. Ang ganitong pangyayari ay hindi maipaliliwanag na isang salamangka lamang. At dahil nga dito kaya lalong tumindi at nag-ulol ang galit ng mga saserdote. Lalo nilang ipinasiya't pinagpilitang mapatigil ang paggawa ni Kristo. BB 770.1
Ang mga Sadueeo, bagama't hindi kaayon ni Kristo, ay hindi naman galit na galit sa Kaniyang tulad ng mga Pariseo. Hindi napakatindi ang galit nila sa Kaniya. Nguni't ngayon ay lubos silang nag-alaala. Hindi sila naniniwala sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay. Sa pamamagitan ng tinatawag nilang siyensiya, ay ikinatwiran nilang hinding-hindi mangyari na ang isang patay na katawan ay pagsaulian pa ng buhay. Nguni't sa mga ilang salita lamang ni Kristo ay nadaig na ang kanilang teorya. Napagkilalang sila'y walang kaalam-alam sa mga Kasulatan at sa kapangyarihan ng Diyos. Wala silang makitang paraan upang mapawi sa isip ng mga tao ang kababalaghan. Paano nga nila maihihiwalay sa Kaniya ang mga tao ngayong matagumpay Niyang naagaw ang isang patay mula sa libingan? Ikinalat nila ang mga bulaang balita, gayunma'y hindi napasinungalingan ang kababalaghan, at hindi nila maalaman kung paano mahahadlangan ang bisang nagagawa nito. Hanggang sa mga sandaling ito ay hindi pa rin mapahinuhod ang mga Sadueeo sa panukalang ipapatay si Kristo. Subali't nang buhayin na si Lazaro ay ipinasiya nilang sa pamamagitan lamang ng pagpapatay kay Kristo mapatitigil ang walang-takot Niyang mga pagtuligsa o pagsaway sa kanila. BB 771.1
Ang mga Pariseo naman ay naniniwala sa pagkabuhay na mag-uli, at malinaw nilang nakikita na ang kababalaghang ito ay isang katibayang Siya nga ang Mesiyas. Datapwa't buhat pa sa pasimula ay sinalungat na nila ang mga paggawa ni Kristo. Sa pasimula pa ay galit na sila sa Kaniya dahil sa inilantad Niya ang kanilang mapagpaimbabaw na mga pagkukunwari. Sinira Niya't isinaisantabi ang balabal ng mahihigpit na mga rito at mga seremonyang pinagkukublihan nila ng kanilang mga pangit na kaugalian. Ang dalisay na relihiyong Kaniyang itinuro ay humatol sa kanilang mababaw na pagpapanggap ng kabanalan. Kinauuhawan nilang makapaghiganti sa Kaniya dahil sa matatalim Niyang sumbat sa kanila. Pinagsikapan nilang mamungkahi Siya na magwika o gumawa ng anumang bagay na makapagbibigay sa kanila ng pagkakataong Siya'y mahatulan. Makailang pinagtangkaan nilang Siya'y batuhin, nguni't Siya'y tahimik na nakatatalilis, at Siya'y nawawala sa kanilang paningin. BB 771.2
Ang mga kababalaghang ginawa Niya sa araw ng Sabbath ay pawang sa ikagiginhawa ng mga may karamdaman, nguni't sinikap ng mga Pariseong Siya'y hatulang lumalabag sa Sabbath. Pinagsikapan nilang mapagalit ang mga Herodiano laban sa Kaniya. Sinabi nilang Siya ay nagtatayo ng isang kalabang kaharian, at nakipagsanggunian sa mga ito kung paano nila Siya mapupuksa. Upang magalit naman sa Kaniya ang mga Romano, inilarawan nila Siya na nagsisikap salungatin ang kanilang kapangyarihan. Ginawa nila ang lahat ng paraan upang hindi Niya maimpluwensiyahan ang mga tao. Nguni't bigo rin ang lahat nilang mga panukala at mga pagtatangka. Napatunayan ng maraming nakakita ng Kaniyang mga gawa ng kaawaan at nakarinig ng Kaniyang dalisay at banal na mga turo na ang mga iyon ay hindi mga gawa at mga salita ng isang manlalabag sa Sabbath o ng isang mamumusong. Maging ang mga kawal na inutusan ng mga Pariseo ay naimpluwensiyahan nang gayon na lamang ng Kaniyang mga salita na anupa't hindi nila nagawang Siya'y pagbuhatan ng kamay. Palibhasa'y wala na silang malamang gawin ay pinagkaisahan nilang ipag-utos na sinumang taong magpahayag ng pagsampalataya kay Jesus ay ititiwalag o palalayasin sa sinagoga. BB 772.1
Kaya, nang magtipun-tipon ang mga saserdote, ang mga pinuno, at ang mga matatanda upang magsanggunian sa dapat nilang gawin, matibay nilang pinagkaisahan na patahimikin Siya na gumawa ng mga gayong ka gila-gilalas na mga gawang pinagtakhan ng lahat. Lalong malaki ang pagkakaisa ngayon ng mga Pariseo at mga Saduceo kaysa nang una. Bagama't magkalaban sila noon, ngayon nama'y nagkaisa na sila sa paglaban kay Kristo. Sa mga kapulungan ng Sanedrin noong una, si Nicodemo at si Jose ay siyang tumutol na mahatulan si Jesus, at dahil sa pangyayaring ito ay hindi na sila ipinatawag ngayon. May mga ibang taong maimpluwensiya na kaharap sa kapulungan na naniniwala kay Jesus, nguni't hindi nanaig ang impluwensiya nila laban sa nag-iinapoy na mga Pariseo. BB 773.1
Gayunman ang mga kagawad ng kapulungan ay hindi nagkaisang lahat. Nang panahong ito ang Sanedrin ay hindi isang kapulungang itinakda ng batas. Umiiral ito sa kagandahang-loob o kapahintulutan ng Roma. Ang iba sa mga kagawad nito ay hindi naniwalang dapat ipapatay si Kristo. Nangamba silang baka ito lumikha ng isang gulo o paghihimagsik ng mga tao, at sa gayo'y bawiin tuloy ng mga Romano sa mga saserdote ang pagtinging iniuukol sa kanila, at alisin ang kapangyarihang hawak na nila. Ang mga Saduceo naman ay buo ang pagkakaisa sa kanilang pagkapoot kay Kristo, nguni't nag-iingat din sila sa kanilang mga pagkilos, palibhasa'y nangangamba silang alisin sa kanila ng mga Romano ang mataas nilang katayuan. BB 773.2
Sa kapulungang ito, na sadyang tinawag upang balakin ang pagpatay kay Kristo, ay kaharap ang Saksing nakarinig ng mga paghahambog ni Nabueodonosor, na nakasaksi sa piging sa mga diyos-diyusan ni Belsasar, na naroon nang ipahayag ni Kristo sa Nazareth na Siya nga ang Pinahiran. Ang Saksing ito ay siya ngayong nagsasabi o nag-uudyok sa mga pinuno ng gawaing dapat nilang gawin. Ang mga pangyayari sa buhay ni Kristo ay nagbangong muli sa harap nila nang buong linaw na anupa't ikinabahala nila. Naalaala nila ang nangyari sa templo, nang si Jesus, na noo'y bata pang lalabindalawahing taon ang gulang, ay tumayo sa harap ng mga dalubhasa sa kautusan, at tinanong sila ng mga katanungang ipinagtaka't ipinanggilalas nila. Ang kababalaghang kagagawa pa lamang ay nagpatunay na si Jesus nga ang siyang talagang Anak ng Diyos. Biglang dumating sa kanilang pag-iisip ang tunay na kahulugan ng mga sinabi ng mga Kasulatan ng Matandang Tipan tungkol kay Kristo. Sa kagulumihanan at kabagabagan, ang mga pinuno ay nagtanung-tanungan, “Ano ang ginagawa natin?” Nagkabaha-bahagi ang kapulungan. Palibhasa'y sumasailalim ng pagkikintal ng Banal na Espiritu, hindi maalisalis sa kalooban ng mga saserdote at mga pinuno ang paniniwalang sila'y lumalaban sa Diyos. BB 773.3
Nang ang kapulungan ay walang-wala nang maisipang gawin, tumindig si Caifas na dakilang saserdote. Si Caifas ay isang taong mayabang at malupit, mabalasik at walang-katwiran. Kabilang sa kaniyang mga kamag-anakan ay mga Saduceo, mayayabang, matatapang, walangpakundangan, puno ng ambisyon at kalupitan, na ang lahat ng ito ay itinatago nila sa loob ng balabal na pakunwaring kabanalan. Pinag-aralan ni Caifas ang mga hula, at bagaman hindi niya batid ang tunay na kahulugan ng mga ito, ay nagsalita siyang taglay ang dakilang kapangyarihan at katiyakan: “Kayo'y walang nalalamang anuman, ni inyo mang niwawari na sa inyo'y nararapat na ang isang tao ay mamatay dahil sa bayan, at hindi ang buong bansa ay mapahamak.” Kahit na si Jesus ay walang-kasalanan, giit ng dakilang saserdote, ay dapat din Siyang mamatay. Siya'y manggugulo, na pinalalapit ang mga tao sa Kaniya, at pinahihina tuloy ang kapangyarihan ng mga namumuno. Iisa lamang Siya; mabuti pang di palak ang Siya'y mamatay kaysa manghina ang kapangyarihan ng mga namumuno. Kung mawawalan ng tiwala ang bayan sa mga namumuno sa kanila, babagsak ang kapangyarihan ng bansa. Iginiit ni Caifas na pagkatapos ng kababalaghang ito ay malamang na maghimagsik ang mga alagad ni Jesus. Kung magkagayo'y magsisipasok ang mga Romano, wika niya, at isasara ang ating templo, at aalisin ang ating mga batas o mga kautusan, at tayo'y lilipulin bilang isang bansa. Ano na nga ang halaga ng isang Galileong ito kung ihahambing sa buhay ng bansa? Kung Siya'y nakahahadlang sa ikabubuti ng Israel, hindi ba isang paglilingkod sa Diyos na alisin Siya? Higit na mabuting ang isang tao ay mamatay kaysa ang buong bansa ay malipol. BB 774.1
Sa pagsasabi ni Caifas na dapat mamatay ang isang tao para sa bansa, ipinakilala niyang siya'y may bahagyang kabatiran sa mga hula. Nguni't nang saysayin ni Juan ang pangyayaring ito, ay tinalakay niya ang hula, at ipinakilala ang malawak at malalim na kahulugan nito. Sinasabi niya, “At hindi dahil sa bansa lamang, kundi upang matipon din naman Niya sa isa ang mga anak ng Diyos na nagsisipangalat.” Kaylabo nga ng pagkakilala ng palalong si Caifas sa misyon ng Tagapagligtas! BB 775.1
Sa mga labi ni Caifas ay nabaligtad ang mahalagang katotohanang ito at naging isang kasinungalingan. Ang palakad na kaniyang ipinayo ay salig sa isang simulaing hiniram sa paganismo. Sa mga pagano, ang malabong pagkakilala na ang isa ay dapat mamatay para sa sangkatauhan ay humantong sa paghahandog ng mga buhay ng tao bilang mga hain. Kaya nga iminungkahi ni Caifas na ihandog si Jesus upang ang bansang salarin ay iligtas, hindi mula sa kasalanan, kundi sa kasalanan, upang sila'y makapagpatuloy sa pagkakasala. At sa ganito niyang pangangatwiran ay inisip niyang patahimikin ang mga pagtutol ng mga magsisipangahas na magsabing hanggang ngayon ay wala pang nasusumpungang karapat-dapat na kadahilanan upang patayin si Jesus. BB 775.2
Sa kapulungang ito ay nasumbatang lubha ang mga kaaway ni Kristo. Kinintalan ng Espiritu Santo ang kanilang mga pag-iisip. Nguni't sinikap ni Satanas na sila'y supilin. Ipinaalaala nito sa kanila na marami nang kapinsalaan o mga kapighatian ang tiniis nila dahil kay Kristo. Babahagya Niyang pinansin o iginalang ang kanilang kabanalan. Ipinakita Niya ang isang kabanalang higit na dakila, na dapat taglayin at maangkin ng lahat ng may ibig maging mga anak ng Diyos. Hindi Niya pinansin ang kanilang mga rito at mga seremonya, kundi bagkus itinuro Niyang lumapit sila nang tuwiran sa Diyos na isang maawaing Ama, at sabihin ang kanilang mga kailangan. Kaya nga, sa palagay nila, ay isinaisantabi at niwalang halaga Niya ang tungkulin ng saserdote. Tinanggihan Niyang kilalanin ang teolohiya ng mga paaralan ng mga rabi. Ibinunyag Niya ang mga masasamang gawa ng mga saserdote, at lubos na sinira ang kanilang impluwensiya. Sinira Niya ang bisa ng mga salawikain at mga sali't saling sabi nila, na sinasabing bagama't mahigpit nilang ipinatutupad ang kautusang rituwal, ay niwawalang-bisa naman nila ang kautusan ng Diyos. Ang lahat ng ito ay ipinaalaala ngayon ni Satanas sa kanila. BB 776.1
Sinabi ni Satanas sa kanila na upang mapamalagi nila ang kanilang kapangyarihan, ay dapat nilang ipapatay si Jesus. Ang payong ito ay siya nilang sinunod. Ang pangyayaring baka sila mawalan ng kapangyarihang hawak na nila noon, naisip nila, ay sapat na itong dahilan upang gawin nila ang ganitong kapasiyahan. Maliban sa ilang ayaw mangahas magsalita ng kanilang mga niloloob, tinanggap ng Sanedrin ang mga salita ni Caifas na parang mga salita ng Diyos. Pumayapa ang kapulungan; nahinto ang pagtatalo. Ipinasiya nilang ipapatay si Kristo sa unang pagkakataon. Nang tanggihan ng mga saserdote at mga pinunong ito ang katunayan ng pagka-Diyos ni Jesus, ay nilukuban sila ng salimuot na kadiliman. Sumailalim silang lubos sa kapangyarihan ni Satanas, upang ibulid nito sa walang-hanggang kapahamakan. Gayon pa ma'y gayon na lamang ang pagkakadaya sa kanila na anupa't nasiyahan sila sa kanilang mga sarili. Itinuring nilang sila'y mga bayani, na ang sinisikap ay ang ikaliligtas ng bansa. BB 776.2
Gayunman, nangamba pa rin ang Sanedrin na gumawa ng mararahas na hakbang laban kay Jesus, sapagka't baka magalit ang mga tao, at sila ang bagsakan ng karahasang binabalak nila kay Jesus. Dahil dito ay iniliban muna ng kapulungan na ipatupad ang hatol o kapasiyahang pinagtibay nila. Batid ng Tagapagligtas ang lihim na pinapakana ng mga saserdote. Batid Niyang talagang pinagmimithian nilang Siya'y maipapatay, at malapit nang matupad ang kanilang panukala. Nguni't hindi naman Niya tungkuling papagmadaliin ang mahigpit na kalagayang ito, at kaya nga Siya'y umalis sa dakong yaon, at isinama ang Kaniyang mga alagad. Kaya sa pamamagitan ng sarili Niyang halimbawa ay muling tinupad ni Jesus ang tagubiling ibinigay Niya sa Kaniyang mga alagad, “Pagka kayo'y pinag-usig nila sa bayang ito, ay magsitakas kayo tungo sa kasunod na bayan.” Mateo 10:23. Malawak ang bukirang dapat gawan para sa pagliligtas ng mga kaluluwa; at malibang pagtatapat sa Kaniya ang humihingi nito, ay hindi dapat ipain ng mga lingkod ng Panginoon ang kanilang mga buhay. BB 777.1
Ngayon ay tatlong taon nang naglilingkod si Jesus sa sanlibutan. Ang ipinakita Niyang halimbawa ng pagkakait sa sarili at mapagtiis at mapagtapat, ay batid ng lahat. Datapuwa't ang maigsing panahong ito ng tatlong taon ay siyang haba ng panahong kayang matiis ng sanlibutan ang pakikiharap ng kaniyang Manunubos. BB 777.2
Ang buhay Niya ay isa na lipos ng pag-uusig at paghamak. Pinalayas sa Bethlehem ng isang haring mapanaghiliin, itinakwil sa Nazareth ng sarili Niyang mga kababayan, hinatulang mamatay nang walang kadahi-dahilan sa Jerusalem, si Jesus, kasama ang ilang mga tapat Niyang alagad, ay nakasumpong ng pansamantalang tuluyan sa ibang bayan. Siya na laging nahahabag sa pamimighati ng mga tao, na nagpagaling ng mga maysakit, nagpadilat ng mata ng mga bulag, nagsauli ng pandinig sa mga bingi, nagpasalita sa mga pipi, na nagpakain sa mga nagugutom at umaliw sa mga nalulumbay, ay pinalayas ng mga taong sinikap Niyang paglingkuran upang mailigtas. Siya na lumakad sa ibabaw ng naglalakihang mga alon, at sa isang salita lamang ay pinatahimik ang nagngangalit nitong mga ugong, na nagpalayas ng mga demonyo na nagsikilalang Siya nga ang Anak ng Diyos, na gumising sa pagkakahimbing ng patay, na pinatigagal ang mga libu-libo sa pamamagitan ng Kaniyang mga salita ng karunungan, ay walang nagawa upang maantig ang mga puso ng mga binulag ng maling-pagkakilala at pagkapoot, at buong katigasan-ng-ulong nagsitanggi sa liwanag. BB 777.3