Bukal Ng Buhay

59/89

Kabanata 58—“Lazaro, Lumabas Kal”

Ang kabanatang ito ay batay sa Lukas 10:38-42; Juan 11:1-44.

Si Lazaro ng Betanya ay nabibilang sa matitibay na alagad ni Kristo. Buhat sa una nilang pagkikita ay lumakas na ang kaniyang pananampalataya kay Kristo; malalim ang pag-ibig niya sa Kaniya, at siya naman ay lubhang minalial ng Tagapagligtas. Alang-alang kay Lazaro kaya ginawa ang pinakadakila sa lahat ng mga kababalaghan ni Kristo. Pinagpala ng Tagapagligtas ang lahat ng humingi ng Kaniyang tulong; iniibig Niya ang buong sangkatauhan, nguni't may mga ibang tangi Niyang pinakamamahal. Ang puso Niya ay itinali ng matibay na panali ng pagmamahal sa sambahayang nasa Betanya, at isa sa kanila ang ginawan Niya ng lubhang kahanga-hangang gawa. BB 751.1

Sa tahanan ni Lazaro ay malimit mamahinga si Jesus. Ang Tagapagligtas ay walang sariling tahanang inuuwian; umasa lamang Siya sa mga kaibigan at mga alagad Niya na nagpapatuloy sa Kaniya, at madalas na kung Siya'y hapo na, at uhaw sa pagmamahal ng tao, ay maligaya Siyang tumutuloy sa mapayapang sambahayang ito, na malayo sa hinala, pagkainggit at galit ng mga Pariseo. Dito'y nakasumpong Siya ng isang matapat na pagtanggap, at ng isang tunay at banal na paki- kipagkaibigan. Dito'y nakapagsasalita Siya nang may kapayakan at kalayaan, palibhasa'y natatalastas Niyang ang mga salita Niya'y mauunawaan at mamahaling tulad sa isang yaman. BB 751.2

Pinahahalagahan ng ating Tagapagligtas ang isang tahanang tahimik at ang tapat na mga nakikinig. Nasasabik Siya sa pagmamahal, paggalang at pag-ibig ng mga tao. Yaong mga tumanggap ng turo ng langit na laging handa Niyang ibigay ay mga pinagpalang lubha. Nang sundan si Kristo ng mga karamihan sa luwal na kaparangan, ay inilahad Niya sa kanila ang kagandahan ng sanlibutan ng katalagahan. Iminulat Niya ang kanilang pag-iisip upang makita nilang kamay ng Diyos ang umaalalay sa sanlibutan. Upang mapukaw ang loob ng tao na pasalamatan ang kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos, tinawag Niya ang pansin ng mga nakikinig sa marahang pumapatak na hamog, sa marahang ambon at sa maliwanag na sikat ng araw, na ibinibigay sa masama at sa mabuti. Ibig Niyang makilala nila ang pagpapahalaga ng Diyos sa mga taong ginagamit Niyang pinakakasangkapan. Subali't makupad sa pakikinig ang mga karamihan, at sa tahanan sa Betanya ay nakasumpong si Kristo ng kapahingahan sa Kaniyang nakapapagod na paglilingkod sa mga tao. Dito'y nabubuksan Niya sa harap ng sambahayang nagpapahalaga ang balumbon ng pamamatnubay at kalooban ng Diyos. Sa mga bukod na pakikipag-usap na ito ay inihayag Niya sa mga nakikinig yaong mga bagay na hindi Niya masabi sa halu-halong karamihan. Hindi na Niya kinailangang magsalita sa Kaniyang mga kaibigan sa pamamagitan ng mga talinhaga. BB 752.1

Nang ituro ni Kristo ang Kaniyang mga kahanga-hangang aralin, si Maria ay nakaupo sa paanan Niya, isang magalang at tapat na tagapakinig. Sa isang pangyayari, si Marta, na hindi malaman kung ano ang gagawin sa pag-aasikaso ng inihahandang pagkain, ay lumapit kay Kristo, at nagsabi, “Panginoon, walang anuman ba sa Iyo na ako'y pabayaang mag-isa ng aking kapatid na maglingkod? Sabihin Mo nga sa kaniyang tulungan ako.” Ito ang unang pagdalaw ni Kristo sa Betanya. Kararating pa lamang ng Tagapagligtas at ng mga alagad Niya sa mahabang paglalakad buhat sa Jerico. Sabik si Martang madulutan sila ng ikagiginhawa nila, at sa kaniyang pag-aasikaso ay nalimutan niya ang paggalang na karampatan sa kaniyang Panauhin. Sinagot siya ni Jesus nang banayad, “Marta, ikaw ay maingat at naliligalig sa maraming bagay: nguni't isang bagay lamang ang kinakailangan: at pinili ni Maria ang magaling na bahagi, na hindi aalisin sa kaniya.” Itinatanim ni Maria sa kaniyang isip ang mahahalagang butil ng salitang namumutawi sa mga labi ng Tagapagligtas, mga salitang sa ganang kaniya'y totoong mahalaga kaysa mga pinakamamahaling hiyas. BB 752.2

Ang “isang bagay” na kailangan ni Marta ay isang mahinahon at nakatalagang diwa, isang lalong masigasig na pananabik na maalaman ang hinaharap na buhay na hindi na mamamatay, at ang mga biyayang kailangan upang lumago sa kabuhayang espirituwal. Hindi niya gaanong kailangan ang pag-aasikaso sa mga bagay na lumilipas, at ang kailangang dagdagan ay ang pagaasikaso sa mga bagay na tumatagal nang magpakailanman. Ibig ituro ni Jesus sa Kaniyang mga anak na samantalahin nila ang lahat ng pagkakataon na ikapagtatamo nila ng karunungang ukol sa kaligtasan. Ang gawain ni Kristo ay nangangailangan ng maiingat at masisipag na manggagawa. Malawak ang lugar para sa mga Marta, na ang sikap ay gagamitin sa gawain ng relihiyon. Nguni't kailangan munang sila'y makiupo kay Maria sa paanan ni Jesus. Ang sipag, liksi, at lakas ay bayaang pabanalin muna na biyaya ni Kristo; kung magkagayon ang buhay ay magiging isang malaking kapangyarihan sa paggawa ng mabuti. BB 753.1

Pumasok ang kalungkutan sa payapang tahanang pinamahingahan ni Jesus. Si Lazaro ay dinapuan ng biglang karamdaman, at ang mga kapatid niyang babae ay nagpasabi kay Jesus, “Panginoon, narito, siya na Iyong minamahal ay maysakit.” Nakita nila ang karahasan ng sakit na dumapo sa kanilang kapatid, nguni't batid nilang kaya ni Kristo na pagalingin ang lahat ng uri ng karamdaman. May paniwala silang daramay Siya sa kanilang kasaliwaang-palad; dahil dito'y hindi na sila nagpautos na sila'y dalawin agad ng Panginoon, kundi nagpadala na lamang ng nagtitiwalang pasabing, “Siya na Iyong minamahal ay may-sakit.” Inakala naman nilang Siya'y magmamadaling tutugon sa kanilang pasabi, at dadalawin sila agad pagdating Niya sa Betanya. BB 754.1

Buong kasabikang naghintay sila ng balita buhat kay Jesus. Habang humihinga pa ang kanilang kapatid, ay dumalangin sila't naghintay sa pagdating ni Jesus. Nguni't bumalik na ang inutusan nang hindi Siya kasama. Gayunma'y may dalang pasabi ang inutusan, “Ang sakit na ito ay hindi sa ikamamatay,” at nanghawak sila sa pag-asang si Lazaro ay mabubuhay. Magiliw nilang binulungan ang halos wala nang malay na maysakit ng mga salitang bumubuhay ng pag-asa at nagpapalakas ng loob. Nang mamatay si Lazaro ay gayon na lamang ang kanilang pagkabigo; gayunma'y naramdam nila ang umaalalay na biyaya ni Kristo, kaya hindi sila nagpataw ng sisi sa Tagapagligtas. BB 754.2

Nang matanggap ni Kristo ang pasabi, inakala ng mga alagad na ito'y hindi Niya pinansin. Hindi siya nagpahalata ng pagkalungkot na siya nilang inaasahang makikita sa Kaniya. Pagtingin Niya sa kanila, ay sinabi Niya, “Ang sakit na ito ay hindi sa ikamamatay, kundi sa ikaluluwalhati ng Diyos, upang ang Anak ng Diyos ay luwalhatiin din naman.” Dalawang araw Siyang naglumagak sa dakong iyon. Ang pagluluwat na ito ay naging isang hiwaga sa mga alagad. Kaylaking kaaliwan sana ang maibibigay sa nagdadalamhating magkakapatid kung Siya lamang ay naroroon, naisip nila. Alam ng mga alagad na malaki ang pagmamahal Niya sa sambahayan sa Betanya, at sila'y nangagtaka kung bakit hindi Siya tumugon sa malungkot na pasabing, “Siya na Iyong minamahal ay may-sakit.” BB 754.3

Sa nagdaang dalawang araw ay waring nawala na sa isip ni Kristo ang pasabi; sapagka't hindi man lamang Niya nabanggit si Lazaro. Naalaala ng mga alagad si Juan Bautista, na una kay Jesus. Nagtaka sila kung bakit sa taglay ni Jesus na kapangyarihang gumawa ng mga kahanga-hangang kababalaghan, ay pinahintulutan Niyang magtiis si Juan sa bilangguan, at mamatay sa dahas. Sa pagkakaroon ng gayong kapangyarihan, bakit hindi iniligtas ni Kristo ang buhay ni Juan? Ang tanong na ito ang malimit ulitin ng mga Pariseo, na iniharap nilang isang di-masagot na tutol sa inaangkin ni Kristong Siya'y Anak ng Diyos. Binigyang-babala na ni Jesus ang Kaniyang mga alagad tungkol sa darating na mga pagsubok, kawalan, at pag-uusig. Pababayaan ba Niya sila pagsapit ng pagsubok? May mga nag-alalang baka pinagkamalian nila ang Kaniyang misyon. Lahat ay naligalig na mabuti. BB 755.1

Makaraan ang dalawang araw ng paghihintay, sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Bumalik uli tayo sa Judea.” Itinanong ng mga alagad, na kung talagang si Jesus ay babalik sa Judea, ay bakit pa sila naghintay ng dalawang araw. Datapwa't ngayon ay bigla silang nag-alaala kay Kristo at sa kanila mang mga sarili. Sa gagawin ni Jesus ay wala silang nakikita kundi panganib. “Panginoon,” anila, “nito lamang kailan ay pinagsikapan Kang batuhin ng mga Hudyo; at paroroon Ka uli?” Sumagot si Jesus, “Hindi ba may labindalawang oras sa isang araw?” Ako'y nasa pag-iingat ng Aking Ama; habang ginaganap Ko ang Kaniyang kalooban, Ako'y ligtas. Ang Aking labindalawang oras ay hindi pa natatapos. Nasa mga huling oras na Ako ng Aking araw; nguni't hanggang may natitira pa, ay wala Akong panganib. BB 755.2

“Kung ang sinuman ay lumalakad sa araw,” ang patuloy Niya, “ay hindi siya natitisod, sapagka't nakikita niya ang ilaw ng sanlibutang ito.” Ang gumaganap ng kalooban ng Diyos, na lumalakad sa landas na iginuhit ng Diyos, ay hindi matitisod at mabubuwal. Ang liwanag ng namamatnubay na Espiritu ng Diyos ay nagbibigay sa kaniya ng malinaw na pagkakilala sa kaniyang tungkulin, at siyang matwid na umaakay sa kaniya hanggang sa matapos niya ang kaniyang gawain. “Datapwa't kung ang sinuman ay lumalakad sa gabi, siya'y natitisod, sapagka't wala sa kaniya ang liwanag.” Siyang lumalakad sa landas na siya ang pumili, na hindi siyang pinalalakaran sa kaniya ng Diyos, ay matitisod. Sa kaniya ang araw ay nagiging gabi, at saanman siya maparoon, ay hindi siya tiwasay. BB 756.1

“Ang mga bagay na ito ay sinabi Niya: at pagkatapos nito ay sinabi Niya sa kanila, Si Lazarong ating kaibigan ay natutulog; nguni't paroroon Ako, upang gisingin siya sa kaniyang pagkakatulog.” “Si Lazarong ating kaibigan ay natutulog.” Kaylambing na mga salita! Puno ng pagmamahal! Sa pag-aalaalang may panganib na naghihintay sa kanilang Panginoon sa pagparoon sa Jerusalem, ay halos nalimutan na ng mga alagad ang nangungulilang sambahayan sa Betanya. Nguni't si Kristo ay hindi. Parang nasumbatan ang mga alagad. Nabigo na sila dahil sa hindi agad tumugon si Kristo sa pasabi. Natutukso na silang mag-akala na wala Siyang magiliw na pagmamalasakit kay Lazaro at sa mga kapatid nito, sapagka't kung mayroon Siyang pagtingin gaya ng palagay nila, ay disin sana'y sumama Siya agad sa inutusan. Nguni't ngayon ang sinabi Niyang, “Si Lazarong ating kaibigan ay natutulog,” ay lumikha sa kanilang loob ng wastong damdamin. Nagtibay na sa kanila ang paniniwalang hindi nga nalilimot ni Kristo ang Kaniyang mga nagdurusang kaibigan. BB 756.2

“Sinabi nga ng Kaniyang mga alagad, Panginoon, kung siya'y natutulog, siya'y gagaling. Gayunman ang sinalita ni Jesus ay ang tungkol sa kaniyang kamatayan: nguni't sinapantaha nilang ang sinalita Niya ay ang pamamahinga sa pagtulog.” Sa mga anak Niyang sumasampalataya ay ipinakikilala ni Kristo na ang kamatayan ay katulad ng pagtulog. Ang buhay nila ay natatagong kasama ni Kristo sa Diyos, at hanggang sa dumating ang huling pagtunog ng pakakak, ang lahat ng nangamamatay ay matutulog sa Kaniya. BB 757.1

“Nang magkagayon ay sinabi sa kanila ni Jesus nang malinaw, Si Lazaro ay patay. At Ako'y nagagalak na dahil sa inyo ay waia Ako roon, upang kayo'y magsisampalataya; gayunma'y magsiparoon tayo sa kaniya.” Sa ganang kay Tomas ay wala kundi kamatayan lamang ang naghihintay sa kaniyang Panginoon kung siya'y pupunta sa Judea; gayunma'y tinibayan niya ang kaniyang loob, at sinabi niya sa ibang mga alagad, “Magsiparoon din naman tayo, upang tayo'y mamatay na kasama Niya.” Batid niyang galit ang mga Hudyo kay Kristo. Ang talagang hangad nila ay patayin Siya, nguni't hindi pa naisasagawa ang hangaring ito, dahil sa may natitira pa sa panahong itinaan sa Kaniya. Sa buong panahong ito ay binabantayan si Jesus ng mga anghel ng langit; at sa mga paligid man ng Judea, na doon ay pinagsasabuwatan ng mga rabing Siya ay hulihin at patayin, ay walang panganib na darating sa Kaniya. BB 757.2

Namangha ang mga alagad sa mga salita ni Kristo nang sabihin Niyang, “Si Lazaro ay patay. At Ako'y nagagalak ... na wala Ako roon.” Sinadya kayang talaga ng Tagapagligtas na iwasan ang tahanan ng mga nagdurusa Niyang kaibigan? Sa malas ay waring iniwang magisa sina Maria at Marta at ang naghihingalong si Lazaro. Nguni't hindi sila iniwang mag-isa. Natanaw ni Kristo ang buong pangyayari, at pagkamatay ni Lazaro ay inalalayan ng Kaniyang biyaya ang naulilang magkapatid. Nasaksihan ni Jesus ang kapighatian ng kanilang mga puso, nang nakikipaglaban ang kanilang kapatid sa malakas niyang kaaway, ang kamatayan. Naramdaman Niya ang hapdi ng kanilang kapighatian, nang sabihin Niya sa Kaniyang mga alagad, “Si Lazaro ay patay.” Nguni't hindi lamang ang mga minamahal Niya sa Betanya ang dapat Niyang isipin; kailangan din naman Niyang isaalang-alang ang pagtuturo Niya sa Kaniyang mga alagad. Sila ang magiging mga kinatawan Niya sa sanlibutan, upang lumukob sa lahat ang pagpapala ng Ama. Alangalang sa kanila ay pinahintulutan Niyang mamatay si Lazaro. Kung pinagaling Niya siya, hindi sana naisagawa ang kababalaghan, na siyang tiyak na katunayan ng Kaniyang pagka-Diyos. BB 757.3

Kung nagtungo't namalagi si Kristo sa silid ng maysakit, hindi sana namatay si Lazaro; sapagka't hindi magkakaroon si Satanas ng kapangyarihan dito. Hindi maitutudla ni Kamatayan ang kaniyang palaso kay Lazaro kung kaharap ang Nagbibigay-ng-buhay. Kaya nga nanatiling malayo si Kristo. Pinahintulutan Niyang gamitin ng kaaway ang kapangyarihan nito, upang pagkatapos ay mapalayas Niya ito na isang talunan. Pinahintulutan Niyang si Lazaro ay pumailalim sa kapangyarihan ng kamatayan; at nakita ng nagdadalamhating magkapatid na babae ang kapatid nilang lalaki na ipinasok at inilagak sa libingan. Talos ng Tagapagligtas na sa pagtingin nila sa bangkay na mukha ng kanilang kapatid ay masusubok nang mahigpit ang pananampalataya nila sa kanilang Manunubos. Nguni't batid din Niya na dahil sa pakikipagpunyaging dinaranas nila, ay lalong titingkad at lalakas ang kanilang pananampalataya. Binata Niya ang bawa't timo ng kalungkutang kanilang tiniis. Hindi nagkulang ang Kaniyang pag-ibig nang dahil lamang sa Siya'y nagluwat; kundi batid Niyang kailangang matamo ang tagumpay para sa kanila, para kay Lazaro, para sa Kaniya rin, at para sa Kaniyang mga alagad. BB 758.1

“Dahil sa inyo,” “upang kayo'y magsisampalataya.” Sa lahat ng nag-uunat ng kanilang kamay upang damahin ang umaakay na kamay ng Diyos, ang sandali ng pinakamalaking panghihinawa at panlulupaypay ay ang sandali o panahong napakalapit na ang tulong ng Diyos. Paglingon nila sa kadilim-dilimang bahagi ng kanilang lakad ay magpapasalamat sila. “Nalalaman ng Panginoon na iligtas ang mga banal.” 2 Pedro 2:9. Mula sa bawa't tukso at bawa't pagsubok ay ilalabas Niya silang may lalong matibay na pananampalataya at may lalong masaganang karanasan. BB 759.1

Sa pagpapaliban ni Kristo ng pagparoon kay Lazaro, mayroon Siyang panukala ng kaawaan para doon sa mga hindi tumanggap sa Kaniya. Siya'y nagluwat, upang pagbuhay Niya kay Lazaro sa mga patay, ay mabigyan Niya ang Kaniyang bayang matigas ang ulo at ayaw maniwala ng isa pang katunayan na Siya nga “ang pagkabuhay na mag-uli, at ang kabuhayan.” Masaklap sa loob Niyang talikdan ang bayang kaawa-awa, na siyang naliligaw na mga tupa sa sambahayan ni Israel. Nadudurog ang Kaniyang puso sa di nila pagsisisi. Sa Kaniyang malaking awa'y binalak Niyang bigyan sila ng isa pang katunayan na Siya nga ang Nagpapagaling, ang Isa na siya lamang makapagbibigay ng buhay at ng kawalang-kamatayan. Ito'y isang katunayang hindi maisisinsay ng mga saserdote. Ito ang dahilan ng Kaniyang pagluluwat ng pagbalik sa Betanya. Ang pinakapamutong na kababalaghang ito, ang pagbuhay kay Lazaro, ay siyang magiging tatak ng Diyos sa Kaniyang gawain at sa Kaniyang pagaangking Siya ay Diyos. BB 759.2

Sa paglalakad Niya patungo sa Betanya, ay ginawa ni Jesus ang ayon sa ugali Niyang maglingkod sa mga maysakit at nangangailangan. Pagpasok Niya ng bayan ay nagpasabi Siya sa magkapatid na babae na Siya'y dumating na. Hindi Siya agad pumasok sa bahay, kundi namahinga muna Siya sa isang tahimik na lugar sa may daan. Ang malaking panlabas na pagpapakita ng pagtangis na ginagawa ng mga Hudyo sa pagkamatay ng mga kaibigan o mga kamag-anak ay hindi ayon sa espiritu ni Kristo. Narinig Niya ang ingay ng iyakan ng mga upahang tagaiyak, at hindi Niya ibig kausapin ang magkapatid na babae sa dakong magulo. Kabilang sa nagsisitangis na mga kaibigang ito ay mga kamag-anak ng pamilya, na ang iba ay may matataas na tungkulin sa Jerusalem. Nabibilang dito ang ilan sa mahihigpit na kaaway ni Kristo. Batid ni Kristo ang kanilang mga sadya, at dahil nga rito'y hindi agad Siya nagpakilala. BB 759.3

Tahimik na tahimik na nakarating kay Marta ang pasabi na anupa't walang ibang nakamalay. Dahil sa lubos na paghihinagpis ni Maria, ay hindi niya narinig ang pasabi. Nagtindig agad si Marta upang salubungin ang Panginoon, nguni't sa pag-aakala ni Mariang si Marta ay nagtungo sa libingan ni Lazaro, siya'y nakaupo na tahimik na tumatangis. BB 760.1

Giyagis ng naglalaban-labang damdaming si Marta ay nagmadali upang salubungin si Jesus. Natanaw niya sa magiliwing mukha ni Jesus ang dati ring pag-ibig at pagmamahal na lagi nang naroroon. Hindi kumukupas ang kaniyang pagtitiwala sa Kaniya, subali't naalaala niya ang kaniyang mahal na kapatid na lalaki, na mahal din naman ni Jesus. Taglay ang gumigiyagis na dalamhati sa kaniyang puso dahil sa di-agad pagdating ni Kristo, gayon pa ma'y umaasa pa ring kahit ngayon ay maaaring gumawa Siya ng anuman upang sila'y maaliw, siya ay nagwika, “Panginoon, kung naririto Ka, disin sana'y hindi namatay ang aking kapatid.” Muli at muling inulit ng magkapatid ang mga salitang ito, sa gitna ng kaingayan at kaguluhan ng mga tagatangis. BB 760.2

Taglay ang kahabagang tiningnan ni Jesus ang kaniyang hapis at nangangalumatang mukha. Hindi nais ni Martang ulitin pang sabihin ang malungkot na nagdaan; ang lahat ay ipinahayag na lamang sa malungkot na pangungusap na, “Panginoon, kung naririto Ka, disin sana'y hindi namatay ang aking kapatid.” Nguni't sa pagtingin sa mapagmahal na mukhang yaon, ay idinugtong niyang winika, “Nalalaman ko na ngayon man, anuman ang Iyong hingin sa Diyos, ay ibibigay ng Diyos sa Iyo.” Pinalakas ni Jesus ang kaniyang pananampalataya, sa pagsasabing, “Ang iyong kapatid ay muling babangon.” Ang sagot Niyang ito ay hindi upang magbigay ng pag-asa tungkol sa kagyat na pagbabago. Dinala Niya ang isipan ni Marta sa ibayo pa roon ng kasalukuyang pagsasauling-buhay sa kaniyang kapatid, at itinuon sa pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid. Ito'y ginawa Niya upang makilala ni Marta na ang pagkabuhay na muli ni Lazaro ay isang pangako ng pagkabuhay na muli ng lahat ng mga banal na namatay, at isang katiyakan o kasiguruhan na iyon ay gagawin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Tagapagligtas. BB 760.3

Sumagot si Marta, “Talastas kong siya'y babangong muli sa pagkabuhay na mag-uli sa huling araw.” BB 761.1

Pinagsisikapan pa ring mabigyan ng tunay na pamamatnubay ang kaniyang pananampalataya, ay sinabi ni Jesus, “Ako ang pagkabuhay na mag-uli at ang kabuhayan.” Na kay Kristo ang buhay, buhay na orihinal, dihiram, walang-pinagkunan. “Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay.” 1 Juan 5: 12. Ang pagkaDiyos ni Kristo ay siyang pag-asa o kasiguruhan ng sumasampalataya sa buhay na walang hanggan. “Ang sumasampalataya sa Akm,” ani Jesus, “bagama't siya'y patay, gayunma'y mabubuhay: at ang sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa Akin ay hindi na kailanman mamamatay.” Sinasampalatayanan mo ba ito? Ang tinitingnan dito ni Kristo ay ang panahon ng Kaniyang ikalawang pagparito. Sa panahong yaon ang mga banal ay babangong walang-kasiraan, at ang mga banal na buhay ay dadalhin sa langit na di-rnakakatikim ng kamatayan. Ang kababalaghang malapit nang gawin ni Kristo, na pagbuhay kay Lazaro, ay siyang kumakatawan sa pagkabuhay na mag-uli ng lahat ng mga banal na nangamatay. Sa pamamagitan ng Kaniyang salita at mga gawa ay tahasan Niyang ipinahayag na Siya ang Maygawa ng pagkabuhay na mag-uli. Siya na malapit nang mamatay sa krus ay nakatayong taglay ang mga susi ng kamatayan, isang mananagumpay sa libingan, at pinatutunayan ang Kaniyang karapatan at kapangyarihan na magbigay ng buhay na walang-hanggan. BB 761.2

Sa mga salita ng Panginoong, “Sumasampalataya ka ba?” ay sumagot si Marta, “Oo, Panginoon: ako'y sumasampalataya na Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos, na paririto sa sanlibutan.” Hindi niya natanto ang buong kahulugan ng mga salitang binitiwan ni Kristo, gayon pa man ay ipinagtapat niya ang kaniyang pananampalataya sa Kaniyang pagka-Diyos. at ang kaniyang pagtitiwala na kaya Niyang gawin ang anumang Kaniyang magalingin. BB 762.1

“At nang masabi niya ito, siya'y umalis, at tinawag na palihim si Mariang kapatid niya, na sinabi, Dumating na ang Panginoon, at tinatawag ka.” Pabulong niyang sinabi ang balita, dahil sa nakahanda ang mga saserdote at ang mga pinuno na dakpin si Jesus sa sandaling magkaroon sila ng pagkakataon. Ang hagulhol ng mga tagapanangis ay siyang lumunod sa mga salita ni Marta kaya hindi narinig. BB 762.2

Pagkarinig ng balitang ito, madaling nagtindig si Maria, taglay ang kasabikang nakabadya sa mukha niya na siya'y lumabas ng silid. Sa pag-aakalang siya'y nagtungo sa libingan upang doon tumangis, nagsisunod sa kaniya ang mga tagapanangis. Nang dumating siya sa dakong tinigilan ni Jesus, nanikluhod siya sa paanan Niya, at nagwikang nanginginig ang mga labi, “Panginoon, kung narito Ka disin sana'y hindi namatay ang aking kapatid.” Ang mga iyak ng mga tagapanangis ay masakit sa kaniya; sapagka't kinasasabikan niya na sila lamang dalawa ni Jesus ang sana'y magkapalitan ng ilang banayad na pangungusap. Nguni't alam niya ang pagkainggit at pananaghili kay Kristo ng ilan sa mga naroroon, at hindi niya lubos na maipahayag ang kaniyang dalamhati. BB 762.3

“Nang makita nga siya ni Jesus na tumatangis, at ang mga Hudyo rin namang dumating na kasama niya na tumatangis, dumaing Siya sa espiritu, at nabagabag.” Nabasa Niya ang puso ng lahat ng nagkakatipon. Nakita Niyang sa ganang marami, ang pag-iyak na iyon ay pakitang-tao lamang. Batid Niyang ang iba sa karamihang iyon, na ngayon ay nagpapamalas ng paimbabaw na pagkalungkot, ay hindi magtatagal at magbabantang patayin, hindi lamang ang manggagawa ng kababalaghan, kundi pati ng bubuhayin sa mga patay. Magagawa ni Kristong hubdan sila ng balabal ng paimbabaw na pagkalungkot. Subali't tinimpi Niya ang Kaniyang banal na kagalitan. Ang mga masasabi Niyang may buong katotohanan, ay Kaniyang pinigil, alang-alang sa isang minamahal na nakaluhod at tumatangis sa Kaniyang paanan, na tapat na sumasampalataya sa Kaniya. BB 763.1

“Saan ninyo siya inilibing?” tanong Niya. “Sinabi nila sa Kaniya, Panginoon, halika at tingnan Mo.” Samasama silang nagtungo sa libingan. Kahambal-hambal na tanawin iyon. Si Lazaro ay lubhang pinakamamahal, at dahil sa kamya'y halos mawasak ang puso ng kaniyang mga kapatid sa pagtangis, samantala'y pati ng kaniyang mga naging kaibigan ay nagsisitangis ding kasama ng magkapatid na babae. Dahil sa ganitong kapighatian ng tao, at dahil sa pangyayaring nagsisitangis din ang nagdadalamhating mga kaibigan bagama't nakatayo roon ang Tagapagligtas ng sanlibutan—“tumangis si Jesus.” Bagama't Siya ay Anak ng Diyos, gayunma'y ibinihis Niya ang likas ng tao, at Siya'y naantig sa pagdadalamhati ng tao. Ang Kaniyang magiliwin at maawaing puso ay laging nakakaramdam ng pakikiramay sa mga nagdurusa. Siya'y nakikitangis sa mga nagsisitangis at nakikigalak sa mga nagagalak. BB 763.2

Nguni't hindi lamang dahil sa Kaniyang pakikiramay kay Maria at kay Marta kaya tumangis si Jesus. Sa Kaniyang mga pagiuha ay may kalungkutang lalong mataas kaysa kalungkutan ng tao na gaya ng langit na lalong mataas kaysa lupa. Ang tinangisan ni Kristo ay hindi si Lazaro sapagka't sandali na lamang at tatawagin na Niya siya buhat sa libingan. Siya'y tumangis sapagka't ang maraming noo'y tumatangis dahil kay Lazaro ay agad magbabalak na patayin Siya na siyang pagkabuhay na mag-uli at ang kabuhayan. Nguni't hinding-hindi kayang ipaliwanag nang tumpak ng mga di-sumasampalatayang Hudyo ang Kaniyang mga pagluha! Ang mga iba na walang nakikitang dahilan ng Kaniyang pagtangis kundi ang mga pangyayaring hayag na nakikita sa harap nila, ay marahang nagsipagsabi, “Masdan ninyo kung gaanong iniibig Niya siya!” Mayroon namang iba, na ang hangad ay magpunla ng binhi ng di-pananampalataya sa puso ng mga kaharap, ay pakutyang nagsalita, “Itong Taong ito na nagpadilat ng mga mata ng mga bulag, hindi kaya Niya kaya na ang taong ito ay huwag mamatay?” Kung may kapangyarihan si Kristo na iligtas si Lazaro, bakit Niya pinayagang siya'y mamatay? BB 764.1

Taglay ang paningin ng hula, nakita ni Kristo ang pagkagalit ng mga Pariseo at mga Saduseo. Batid Niyang binabalak nilang Siya'y patayin. Batid Niya na ang ibang sa malas ay parang mga kaibigan ngayon ay malapit nang magpinid laban sa kanila na ring mga sarili ng pinto ng pag-asa at ng mga pintuan ng Siyudad ng Diyos. Malapit nang maganap ang isang pangyayari, na ang Kaniyang pagkaduhagi at pagkapako sa krus, ay hahantong sa pagkagiba ng Jerusalem, at sa panahong yaon ay wala nang tatangis sa mga patay. Malinaw na malinaw ang pagkakalarawan sa harap Niya ng dumarating na kagalitang bubugso sa Jerusalem. Natanaw Niyang ang Jerusalem ay nakukubkob ng mga kawal na Romano. Talos Niyang ang maraming ngayo'y tumatangis kay Lazaro ay mamamatay sa pagkubkob na ito, at tuloy mawawalan ng pag-asa sa kanilang pagkamatay. BB 764.2

Hindi lamang dahil sa mga natatanaw Niyang ito kaya tumatangis si Kristo. Ang bigat ng mga kadalamhatian ng lahat ng mga panahon ay pasan Niya. Natanaw Niya ang kakila-kilabot na mga bunga ng pagsuway sa kautusan ng Diyos. Natanaw Niya ang kasaysayan ng sanlibutan, buhat sa pagkamatay ni Abel, na walang humpay ang paglalaban ng mabuti at masama. Sa pagtanaw Niya sa mga panahong dumarating, ay namasdan Niya ang kahirapan at kalungkutan, ang mga pagluha at kamatayan, na siyang magiging palad ng buhay ng tao. Ang daing ng sangkatauhan sa buong panahon sa lahat ng lupain ay tumimo sa Kaniyang puso. Ang mga hirap ng nagkasalang sangkatauhan ay matindi ang bigat sa Kaniyang kaluluwa, at nabuksan ang balong ng Kaniyang mga luha sa paghahangad Niyang mahatdan sila ng ginhawa. BB 765.1

“Si Jesus nga ay muling nagbuntung-hininga at nagtungo sa libingan.” Si Lazaro ay inilibing sa isang yungib na bato, at isang malaking bultong bato ang inilagay sa bunganga ng libingan. “Alisin ninyo ang bato,” ani Kristo. Sa pag-aakala ni Martang hangad lamang Niyang makita ang bangkay, ay sinabi niyang ang bangkay ay apat na araw nang nalilibing, at nagpapasimula nang mabulok. Ang mga salitang ito, na sinabi bago binuhay si Lazaro, ay siyang hindi nagpahintulot sa mga kaaway na kanilang masabing si Kristo'y nagdaya. Sa nakaraan ay namalita ang mga Pariseo ng mga kabulaanan tungkol sa mga kahanga-hangang pagkakahayag ng kapangyarihan ng Diyos. Nang buhayin ni Kristo ang dalagang anak ni Jairo, ay sinabi Niya, “Ang dalaga ay hindi patay, kundi natutulog.” Marcos 5:39. Sapagka't sandali lamang siyang nagkasakit, at binuhay kaagad pagkamatay, ipinamalita ng mga Pariseong hindi talagang patay ang dalaga; at si Kristo na rin ang nagsabing siya'y natutulog lamang. Sinikap nilang ipakilala na talagang hindi nagpapagaling ng sakit si Kristo, na ang sinasabing mga kababalaghan ay hinahaluan ng daya o lalang. Nguni't sa pangyayaring ito, walang makapagkakailang si Lazaro ay talagang patay. BB 765.2

Pagka ang Panginoon ay may isang bagay na gagawin may isa namang inuudyukan si Satanas upang tumutol. “Alisin ninyo ang bato,” sabi ni Kristo. Ayon sa inyong magagawa, humanda kayong tumulong sa Akin. Nguni't iginiit ni Marta ang katigasan ng kaniyang ulo. Ayaw ni yang ipalabas ang nabubulok na katawan. Ang puso ng tao ay makupad umunawa ng mga salita ni Kristo, at hindi nahagip ng pananampalataya ni Marta ang tunay na kahulugan ng Kaniyang pangako. BB 766.1

Sinansala ni Kristo si Marta, nguni't ang mga salita Niya ay binigkas nang napakabanayad. “Hindi ba sinabi Ko sa iyo, na kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” Bakit mo pag-aalinlanganan ang Aking kapangyarihan? Bakit ka pa nangangatwiran bilang pagtutol sa Aking mga iniuutos? Paniwalaan mo ang Aking sinabi. Kung ikaw ay sasampala taya, makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos. Ang mga katutubong hadlang ay hindi makapipigil sa gawain ng Isang Makapangyarihan. Ang pag-aalinlangan at di-paniniwala ay hindi kapakumbabaan. Ang wagas na paniniwala sa salita ni Kristo ay siyang tunay na kapakumbabaan, tunay na pagsuko. BB 766.2

“Alisin ninyo ang bato.” Maaaring utusan ni Kristong umalis ang bato, at tatalima iyon sa Kaniyang tinig. Maaari Niyang utusan ang mga anghel sa tabi Niya na gawin ito. Magsalita lamang Siya, ay mga kamay na dinakikita ang mag-aalis ng bato. Nguni' ang kailangan ay mga kamay ng tao ang mag-alis. Sa ganito nais ipakilala ni Kristo na ang tao'y dapat makipagtulungan sa Diyos. Ang magagawa ng tao ay hindi na kailangang gawin ng Diyos. Hindi niwawalang-halaga ng Diyos ang tulong ng tao. Bagkus pinalalakas siya, na tinutulungan siya habang ginagamit niya ang lakas at kakayahang ibi nibigay sa kaniya. BB 766.3

Ang utos ay tinalima. Iginulong ang bato. Lahat ay ginawang lantaran at may pagkukusa. Lahat ay binigyan ng pagkakataong makakita na walang kadayaang ginawa. Naroo't nakahiga ang bangkay ni Lazaro sa batong libingan, malamig at tahimik sa kamatayan. Napatigil ang mga iyak at hagulhol ng mga tagatangis. Gulat at natigilan, ang pulutong ng mga tao ay nagsitayo sa paligid ng libingan, na naghihintay ng kung ano pa ang susunod. BB 767.1

Tahimik na nakatindig si Kristo sa harap ng libingan. Isang banal na katahimikan ang naghari sa lahat na naroroon. Saka humakbang si Kristo palapit sa libingan. Tumingala Siya sa langit, at nagsabi, “Ama, Ako'y nagpapasalamat sa Iyo na Ako'y dinirinig Mo.” Hindi pa naluluwatang pinaratangan si Kristo ng pamumusong ng Kaniyang mga kaaway, at nagsidampot sila ng mga bato upang ipukol sa Kaniya dahil sa inangkin Niyang Siya ay Anak ng Diyos. Pinagbintangan nila Siya na ang ginagawa Niyang mga kababalaghan ay sa kapangyarihan ni Satanas. Nguni't dito'y inaangkin ni Kristong ang Diyos ay siya Niyang Ama, at may ganap na pagtitiwalang sinasabi Niya na Siya ang Anak ng Diyos. BB 767.2

Sa lahat ng mga ginawa Niya, si Kristo'y nakikipagtulungan sa Kaniyang Ama. Laging matapat Niyang pinag-ingatang ipamalas na hindi Siya nag-iisang gumagawa; ang lahat ng mga kababalaghan ay ginawa Niya sa pamamagitan ng pananampalataya at pananalangin. Hangad Niyang matalos ng lahat ang Kaniyang pagkakaugnay sa Kaniyang Ama. “Ama,” ang wika Niya, “Ako'y nagpapasalamat sa Iyo na Ako'y dinirinig Mo. At batid Kong Ako'y lagi Mong dinirinig: nguni't dahil sa mga taong nakatayo ngayon ay sinabi Ko ito, upang sila'y magsisampalatayang Ako'y sinugo Mo.” Dito'y bibigyan Niya ang mga alagad at ang mga tao ng lalong kapanipaniwalang katibayan ng pagkakaugnay ni Kristo at ng Diyos. Ipakikilala sa kanila na ang inaangkin ni Kristo ay hindi kadayaan. BB 767.3

“At nang masabi na Niya ito, ay sumigaw Siya nang malakas, Lazaro, lumabas ka.” Ang Kaniyang tinig na malinaw at nanunuot ay naglagos sa tainga ng patay. Nang Siya'y magsalita, ang kaluwalhatian ng pagka-Diyos ay kumislap at naglagusan sa Kaniyang katawang-tao. Sa Kaniyang mukha, na pinapagliliwanag ng kaluwalhatian ng Diyos, ay namasdan ng mga tao ang katiyakan ng Kaniyang kapangyarihan. Lahat ng mata ay nakapako sa pinto ng libingan. Lahat ng tainga ay nakakiling upang mapakinggan ang kahina-hinalang kaluskos. Lahat ay naghihintay na taglay ang masidhi at nakaiinip na pananabik sa ikasusubok sa pagka-Diyos ni Kristo, na siyang katibayang magpapatunay sa Kaniyang inaangking Siya'y Anak ng Diyos, o kaya'y mamatay na ang kanilang pagasa magpakailanman. BB 768.1

May kumaluskos sa loob ng tahimik na libingan, at yaong namatay ay nakatayo sa pinto ng libingan. Ang mga galaw nito ay napipigilan ng mga damit na ibinihis dito nang ito'y mamatay, kaya sinabi ni Kristo sa mga nagulat na nagsisipanood, “Kalagan ninyo siya at pawalan.” Dito ay muling ipinakikilala sa kanila na ang tao ay dapat makipagtulungan sa Diyos. Ang tao ay dapat gumawa sa tao. Si Lazaro ay pinalaya na, at nakatindig sa harap ng pulutong ng mga tao, hindi na payat dahil sa pagkakasakit, hindi na nanginginig ang mga paa't kamay, kundi isang lalaking nasa kasiglahan ng buhay, malusog at marangal na lalaki. Ang kaniyang mga mata ay kumikislap sa katalinuhan at pagmamahal sa kaniyang Tagapagligtas. Siya'y nagpatirapa at sumamba sa paanan ni Jesus. BB 768.2

Sa pasimula'y naumid sa pagtataka ang mga nanonood. Pagkatapos ay sumunod ang di-mailarawang pagkakatuwa at pasasalamat. Tinanggap ng magkapatid na babae ang kanilang kapatid na lalaking nabuhay sa mga patay na parang aginaldo ng Diyos, at may luha ng katuwaang sila'y nagpasalamat sa Tagapagligtas sa paputolputol na pangungusap. Datapwa't samantalang ang magkakapatid ay nagkakatuwa sa ganitong pagsasama-samangmuli, si Jesus naman ay umalis doon. Nang hanapin nila ang Nagbigay-buhay, ay hindi nila Siya masumpungan. BB 769.1