Bukal Ng Buhay

58/89

Kabanata 57—“Isang Bagay ang Kulang sa lyo”

Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 19:16-22; Marchos 10:17-22; Lukas 18:18-23.

“At nang Siya'y umalis na lumalakad sa daan, ay may isang tumatakbong lumapit sa Kaniya, at lumuhod sa harap Niya, at Siya'y tinanong, Mabuting Guro, ano ang gagawin ko upang ako'y magmana ng buhay na walang-hanggan?” BB 743.1

Ang binatang nagtanong nito ay isang pinuno. Namasdan niya ang pagmamahal na ipinakita ni Kristo sa mga batang dinala sa Kaniya; namasdan niya kung gaano kagiliw Niyang tinanggap sila at kinalong, at sa sariling puso niya ay tumubo ang pag-ibig sa Tagapagligtas. Naramdaman niya ang paghahangad na maging alagad Niya. Lubhang nakilos ang puso niya na anupa't nang umalis si Kristo ay tumakbo naman siyang sumunod sa Kaniya, at paluhod at tapat sa loob na nagtanong ng katanungang napakahalaga sa kaniyang kaluluwa at sa kaluluwa ng bawa't taong kinapal. “Mabuting Guro, ano ang gagawin ko upang ako'y magmana ng buhay na walanghanggan?” BB 743.2

“Bakit mo Ako tinatawag na mabuti?” ani Kristo, “may Isa lamang na mabuti, ang Diyos.” Ibig ni Kristong subukin ang katapatan ng pinuno, at kung bakit tinatawag niya Siyang mabuti. Napagkilala kaya niya na ang Isang kinakausap niya ay Anak ng Diyos? Ano ang tunay na damdamin ng puso niya? BB 743.3

May mataas na pagpapahalaga ang pinuno sa sarili niyang katwiran. Hindi niya tunay na inaakalang kulang pa siya sa anumang bagay, nguni't hindi naman siya nasisiyahan. Naramdaman niya ang pangangailangan ng isang bagay na wala sa kaniya. Hindi kaya maaaring pagpalain din siya ni Jesus na tulad ng maliliit na bata, at nang masiyahan naman ang kaniyang kaluluwa? BB 744.1

Pagsagot ni Jesus sa tanong na ito ay sinabi Niya sa kaniya na ang pagtalima sa mga utos ay kailangan kung nais niyang magtamo ng buhay na walang-hanggan; at inulit Niya ang ilan sa mga utos na nagpapakilala ng tungkulin ng tao sa kaniyang mga kapwa tao. Ang sagot ng pinuno ay tiyak: “Ang lahat ng mga bagay na ito ay ginanap ko na buhat sa aking pagkabata: ano pa ang kulang sa akin?” BB 744.2

Tinitigan ni Kristo sa mukha ang binata, na para bagang binabasa at sinasaliksik ang kaniyang likas. Iniibig Niya siya, at pinananabikan Niyang siya'y mabigyan ng kapayapaan at biyaya at kaligayahan na siyang lubos na babago sa kaniyang likas. “Isang bagay ang kulang sa iyo,” wika Niya, “yumaon ka ng iyong lakad, ipagbili mo ang iyong tinatangkilik, at ipamahagi mo sa mga dukha, at ikaw ay magkakaroon ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, pasanin mo ang iyong krus, at sumunod ka sa Akin.” BB 744.3

Nabaling ang loob ni Kristo sa binatang ito. Talos Niyang tapat siya sa kaniyang sinabing, “Ang lahat ng mga bagay na ito ay ginanap ko na buhat sa aking pagkabata.” Sabik ang Manunubos na likhaan siya ng pagkakilala na magbibigay-kaya sa kaniya na makita niya ang pangangailangan ng pagtatalaga ng puso ng kabutihang Kristiyano. Sabik Siyang makita sa kaniya ang isang nagpapakababa at nagsisising puso, na nakakikilala sa dakilang pag-ibig na dapat iukol sa Diyos, at ipinapaloob ang kaniyang pagkukulang sa kasakdalan ni Kristo. BB 744.4

Nakita ni Jesus ang tulong na kailangan ng binatang pinunong ito kung nais nitong maging kamanggagawa Niya sa gawain ng pagliligtas. Kung pasasakop lamang siya sa pamamatnubay ni Kristo, ay magiging isa siyang kapangyarihan sa kabutihan. Sa malaking paraan, ang pinuno ay maaaring kumatawan sana kay Kristo; sapagka't may angkin siyang mga kakayahan, na kung siya'y makikiisa lamang sa Tagapagligtas, ay magiging isa siyang banal na kapangyarihan sa gitna ng mga tao. Pagkakita sa kaniyang likas, ay inibig siya ni Kristo. Napupukaw na sa puso ng pinuno ang pag-ibig kay Kristo. sapagka't ang pag-ibig ay nanganganak ng pag-ibig. Sabik si Jesus na siya'y maging kamanggagawa Niya. Ibig Niyang gawin siyang tulad Niya, tulad sa isang salaming kinakikitaan ng larawan ng Diyos. Ibig Niyang paunlarin ang marangal nitong likas, at ito'y pabanalin upang magamit ng Panginoon. Kung noon ay inihandog ng pinuno ang sarili niya kay Kristo, lumago sana siya sa Kaniyang harapan. Kung pinili niya ang ganito, ibang-iba sana ang naging kinabukasan niya! BB 745.1

“Isang bagay ang kulang sa iyo,” sabi ni Jesus. “Kung ibig mong maging sakdal, yumaon ka, at ipagbili mo ang iyong tinatangkilik, at ipamigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka at sumunod ka sa Akin.” Nabasa ni Kristo ang puso ng pinuno. Isa lamang bagay ang kailangan niya, at iyan ay isang simulaing napakahalaga. Kailangan niya sa loob ng kaluluwa ang pag-ibig ng Diyos. Kung hindi malalagyan ang kulang na ito, ay mapapasapanganib siya; ang buong likas niya ay sasama. Sa kaniyang pagpapasasa, lalong titibay ang kasakiman. Kaya upang matanggap niya ang pag-ibig sa Diyos, dapat muna niyang isuko ang lubos na pag-ibig niya sa kaniyang sarili. BB 745.2

Binigyan ni Kristo ang taong ito ng isang pagsubok. Pinapamili Niya siya sa kayamanan sa langit at sa kadakilaang pansanlibutan. Tinitiyak na magiging kaniya ang kayamanan sa langit kung susunod siya kay Kristo. Nguni't dapat isuko ang sarili; ang kaniyang kalooban ay dapat ipasakop sa kalooban ni Kristo. Ang kabanalan mismo ng Diyos ay inialok sa binatang pinuno. Mayroon siyang karapatang maging isang anak ng Diyos, at kasamang: tagapagmana ni Kristo sa kayamanan sa langit. Nguni't dapat niyang pasanin ang krus, at sumunod sa Tagapagligtas sa landas ng pagkakait sa sarili. BB 746.1

Ang mga salita ni Kristo sa pinuno ay isang tunay na paanyaya, “Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran.” Josue 24:15. Ipinaubaya sa kaniya ang pamimili. Sabik si Jesus na siya'y magbago. Itinuro na Niya sa kaniya ang bahaging maysakit sa kaniyang likas, at taglay ang taimtim na kasabikang pinagmasdan Niya kung ano ang ipapasiya't gagawin ng binata! Kung ipinasiya niyang sumunod kay Kristo, kailangang talimahin niya ang Kaniyang mga salita sa lahat ng bagay. Kailangang talikuran niya ang lahat ng iba niyang mga nilalayon. Taglay ang alab ng pananabik at pagkagiliw sa kaluluwa na minasdan ng Tagapagligtas ang binata, na inaasahang siya'y susuko sa anyaya ng Espiritu ng Diyos! BB 746.2

Si Kristo ang may gawa ng tanging kondisyong maglalagay sa pinuno sa isang kalagayang siya'y makakabuo ng isang sakdal na likas Kristiyano. Ang mga salita Niya ay mga salita ng karunungan, bagama't sa biglang dinig ay mahigpit at mabigat. Kung tatanggapin at tatalimahin, ito ang tanging pag-asa sa kaligtasan ng pinuno. Ang mataas niyang karangalan at ang kaniyang mga tinatangkilik ay lumilikha ng masamang impluwensiya sa kaniyang likas. Kung kikimkimin niya ito, darating ang araw na ito ang ihahalili niya sa pag-ibig sa Diyos. Ang pagkakait nang kaunti o marami sa Diyos ay pagpapanatili sa bagay na makababawas ng kaniyang lakas at kakayahang moral; sapagka't kung mamahalin ang mga bagay ng sanlibutang ito, bagama't ang mga ito ay dimaaasahan at di-marapat, ito na lamang ang pag-uubu san ng isip at lakas. BB 746.3

Madaling naintindihan ng pinuno ang buong kahulugan ng mga salita ni Kristo, at siya'y nalungkot. Kung napagkilala lamang niya ang halaga ng iniaalok na kaloob, sana'y karaka-rakang pumasok siya bilang isa sa mga alagad ni Kristo. Isa siyang kagawad ng iginagalang na kapulungan ng mga Hudyo, at tinutukso siya ni Satanas na malaking-malaki ang pag-asa niya sa hinaharap. Ibig niya ang kayamanan sa langit, subali't ibig din niya ang mga kalamangang maidudulot sa kaniya ng kaniyang mga kayamanan. Nalungkot siya na may gayong mga kondisyon; hangad niya ang buhay na walang hanggan, nguni't ayaw naman niyang gumawa ng anumang sakripisyo. Ang halaga ng buhay na walang-hanggan ay tila mandin napakalaki, at siya'y umalis na nalulungkot; “sapagka't may malaki siyang kayamanan.” BB 747.1

Ang sinabi niyang ginanap niya ang mga utos ng Diyos ay isang kabulaanan. Ipinakilala niyang mga kayamanan ang kaniyang dinidiyos. Hindi niya maiingatan ang mga utos ng Diyos samantalang inuuna niyang mahalin ang sanlibutan. Higit niyang ibig ang mga kaloob na ibinibigay ng Diyos kaysa Diyos na nagbibigay. Inalok ni Kristo ang binata ng pakikisama sa Kaniya. “Sumunod ka sa Akin,” wika Niya. Nguni't sa kaniya ay walang anuman ang Tagapagligtas na di-gaya ng sarili niyang pangalan sa gitna ng mga tao o ng kaniyang mga ari-arian. Kung iiwan niya ang kaniyang kayamanan sa lupa, na kaniyang nakikita, na kahalili ng kayamanan sa langit, na hindi niya nakikita, ay napakalaking panganib. Hindi niya tinanggap ang alok ng buhay na walang-hanggan, at siya'y umalis, at buhat noon ay sinamba niya ang sanlibutan. Libu-libo ang dumaraan sa ganitong pagsubok, na inilalagay nila si Kristo at ang sanlibutan sa isang timbangan; at marami ang pumipili sa sanlibutan. Katulad ng binatang pinuno, sila'y tumatalikod sa Tagapagligtas, na sinasabi sa sarili nila, Ayaw kong maging aking lider ang Taong ito. BB 747.2

Ang pakikipag-usap ni Kristo sa binata ay inihaharap na isang halimbawa. Binigyan tayo ng Diyos ng tuntunin ng aasalin na marapat sundin ng bawa't isang sumusunod sa Kaniya. Ito ang pagtalima sa Kaniyang kautusan, hindi iamang pagtalima nang dahil sa utos, kundi isang pagtalimang pumapaloob sa kabuhayan, at nakikita sa likas. Inilagay ng Diyos ang Kaniyang sariling pamantayan ng likas para sa lahat ng mga may ibig tumahan sa Kaniyang kaharian. Yaon lamang magiging mga kamanggagawa ni Kristo, yaon lamang magsisipagsabing, Panginoon, lahat ng nasa akin at ang buo kong sarili ay Iyo, ay sila lamang ang kikilalaning mga anak na lalaki at babae ng Diyos. Dapat isipin ng lahat kung ano ang ibig sabihin ng nasain ang langit, at gayon pa ma'y tatalikod dahil sa mga kondisyong inilagay. Isipin ninyo kung ano ang ibig sabihin ng pagsasabi ng Hindi kay Kristo. Sinabi ng pinuno, Hindi, hindi ko maibibigay sa Iyo ang lahat. Ganyan din ba ang ating sinasabi? Nag-aalok ang Tagapagligtas na tutuiungan tayo sa gawaing ibinigay ng Diyos sa atin na gawin natin. Iminumungkahi Niyang gamitin ang mga kagamitang ibinigay ng Diyos sa atin, upang maitaguyod ang Kaniyang gawain sa sanlibutan. Sa ganitong paraan lamang maililigtas Niya tayo. BB 748.1

Ang mga ari-arian ng pinuno ay ipinagkatiwala sa kaniya upang patunayan niyang siya'y isang tapat na katiwala; dapat niyang ipamahagi ang mga kayamanang ito upang pagpalain ang mga nasa pangangailangan. Kaya ngayon ang mga tao'y pinagkakatiwalaan ng Diyos ng kayamanan, ng mga kakayahan at mga pagkakataon, upang sila'y magamit Niyang mga katulong sa paglilingkod sa mga dukha at sa mga nasa kahirapan. Siyang gumagamit ng mga kaloob na ipinagkatiwala ng Diyos sa kaniya nang alinsunod sa panukala ng Diyos, ay nagiging kamanggagawa ng Tagapagligtas. Nakapaglalapit siya ng mga kaluluwa kay Kristo, sapagka't nakikita sa kaniya ang likas ni Kristo. BB 748.2

Sa mga taong, tulad ng binatang pinuno, ay may matataas na tungkulin at malalaking kayamanan, ay waring totoong malaking sakripisyo kung iiwan nila ang lahat upang sumunod kay Kristo. Nguni't ito ang talagang tuntuning dapat sundin ng lahat na may ibig maging mga alagad Niya. Hindi matatanggap ang hindi sumusunod. Ang pagpapasakop ng sarili ay siyang diwa ng mga turo ni Kristo. Madalas ay inihaharap ito at iniuutos sa tila mandin matinding pangungusap, sapagka't wala nang iba pang paraan upang mailigtas ang tao kundi putulin at ihiwalay yaong mga bagay na magpapahamak sa kaniya, kung hindi yaon maaalis. BB 749.1

Kung ibinabalik ng mga sumusunod kay Kristo ang mga bagay na talagang sa Panginoon, ay nag-iipon sila ng kayamanang isasauli sa kanila sa araw na yaong marinig nila ang mga salitang, “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin; ... pumasok ka sa kagalakan ng iyong Panginoon.” “Na Siya dahil sa kagalakang inilagay sa harapan Niya ay nagtiis ng krus, na niwalangbahala ang kahihiyan, at lumuklok sa kanan ng trono ng Diyos.” Mateo 25:23; Hebreo 12:2. Ang kagalakan na makita ang mga taong tinubos, na mga kaluluwang ligtas na magpakailanman, ay siyang igagantimpala sa lahat ng mga sumunod sa mga bakas Niyang nagsabi, “Sumunod ka sa Akin.” BB 749.2