Bukal Ng Buhay
Kabanata 56—Pinagpala ang mga Bata
Ang kabanalang ito ay batay sa Mateo 19:13-15.; Marcos 10:13-16; Lukas 18:15-17.
Lagi nang maibigin si Jesus sa mga bata. Tinanggap Niya ang kanilang makabatang pakikisama at ang kanilang lantaran at walang-halong pagmamahal. Ang papuring may pasasalamat mula sa kanilang malilinis na labi ay naging parang musika sa Kaniyang mga pandinig, at nagpaginhawa sa Kaniyang diwa sa panahong Siya'y nahihirapan sa pakikisama sa mga tuso at mapagpaimbabaw na mga tao. Saanman pumaroon ang Tagapagligtas, ang Kaniyang maluwalhating mukha, at ang Kaniyang banayad at mabait na pag-uugali, ay umakit ng pagmamahal at pagtitiwala ng mga bata. BB 733.1
Kaugalian na sa mga Hudyo na ang mga bata ay dinadala sa isang rabi, upang maipatong nito ang kaniyang mga kamay sa ulo nila at sila'y pagpalain; nguni't inakala ng mga alagad ng Tagapagligtas na totoong mahalaga ang Kaniyang gawain at hindi na dapat magambala pa ng ganitong maliliit na bagay. Nang lumapit sa Kaniya ang mga inang dala ang kanilang maliit na anak, hindi iyon minabuti ng mga alagad. Inakala nilang totoong musmos pa ang mga batang ito upang makinabang sa pakikipagkita kay Jesus, at inisip pa rin na ang pagkakaparoon ng mga ito ay hindi Niya maiibigan. Subali't ang hindi naibigan ni Jesus ay ang ginawang ito ng mga alagad. Talos ng Tagapagligtas ang pag-asikaso at hirap ng mga ina na nagsisipagsikap na maturuan ang kanilang mga anak nang ayon sa salita ng Diyos. Narinig Niya ang kanilang mga panalangin. Siya na rin ang umakay sa kanilang lumapit sa Kaniya. BB 733.2
Isang ina na dala ang kaniyang anak ang umalis ng tahanan upang hanapin si Jesus. Sa daan ay sinabi nito sa isang nakitang kapit-bahay ang kaniyang pakay, at ibig din ng kapit-bahay na ito na pagpalain ni Jesus ang kaniyang mga anak. Sa ganitong paraan nagkaipun-ipon ang maraming mga ina, na dala ang kanilang maliliit na anak. Ang iba sa mga bata ay lampas na sa pagkasanggol at malalaki na at mga talubata na. Nang ipagtapat ng mga ina kay Jesus ang kanilang hangad, dininig Niyang may pakikiramay ang kanilang kimi at may luhang pakiusap. Nguni't pinakiramdaman muna Niya kung ano kaya ang gagawin ng mga alagad. Nang makita Niyang pinauuwi ng mga ito ang mga ina, sa pag-aakalang iyon ay isang tulong sa Kaniya, ay ipinakilala Niya ang kanilang pagkakamali, na sinasabi, “Pabayaan ninyong lumapit sa Akin ang maliliit na bata, at huwag ninyong pagbawalan sila: sapagka't sa mga ganito ang kaharian ng Diyos.” Niyakap Niya ang mga bata, ipinatong sa kanila ang Kaniyang mga kamay, at ibinigay sa kanila ang pagpapalang kanilang hinihingi. BB 735.1
Natuwa't naaliw ang mga ina. NagsiUwi sila sa kanikanilang mga tahanan na pinalakas at pinagpala ng mga salita ni Kristo. Lumakas ang kanilang loob na isabalikat na may kasayahan ang kanilang mga kapanagutan, at gumawang umaasa para sa kanilang mga anak. Dapat ding tanggapin ng mga ina sa ngayon ang Kaniyang mga salita nang may gayunding pananampalataya. Si Kristo ay tunay na isang personal na Tagapagligtas ngayon na gaya noong narito Siya sa lupa na nakipamuhay sa mga tao. Siya rin ang tumutulong sa mga ina ngayon tulad noong tipunin Niya ang maliliit na bata sa Kaniyang kandungan doon sa Judea. Ang maliliit na bata ng ating mga tahanan ay mga binili rin ng Kaniyang dugo na gaya ng mga bata noong unang panahon. BB 735.2
Talos ni Jesus ang damdamin ng puso ng bawa't ina. Siya na may inang nakipagpunyagi sa karalitaan at kagipitan ay nakikiramay sa mga paghihirap ng bawa't ina. Siya na naglakad nang malayo upang maibsan ng mabigat na alalahanin ang isang inang Cananea, ay gayundin ang gagawin sa mga ina ngayon. Siya na nagbigay ng buhay sa anak ng babaing-balong taga-Nain, at nang naghihirap na Siya sa krus, ay umalaala sa sarili Niyang ina, ay nahahabag din ngayon sa mga inang nangalulumbay. Sa bawa't kalumbayan at pangangailangan ay magbibigay Siya ng tulong at aliw. BB 736.1
Magsilapit nga kay Jesus ang mga ina na taglay ang kanilang mga suliranin. At sila'y bibigyan ng biyayang sapat na makatutulong upang mapamahalaan ang kanilang mga anak. Ang pinto ay bukas para sa bawa't inang mag-iiwan ng kaniyang pasang suliranin sa paanan ng Tagapagligtas. Siya na nagsabing, “Pabayaan ninyong magsilapit sa Akin ang maliliit na bata, at huwag ninyong pagbawalan sila,” ay nag-aanyaya pa rin hanggang ngayon sa mga ina na dalhin sa Kaniya ang kanilang maliliit na anak upang Kaniyang mapagpala. Ang maliit mang sanggol na kalong ng kaniyang ina ay maaaring tumahan sa lilim ng Makapangyarihan sa lahat sa pamamagitan ng pananampalataya ng inang mapanalanginin. Si Juan Bautista ay napuspos na ng Espiritu Santo buhat pa sa pagkapanganak. Kung sa buhay natin ay makikipag-unawaan tayo sa Diyos, maaasahan din natin, na ang buhay ng ating maliliit na anak ay huhubugin na ng Espiritu Santo buhat pa sa kanilang kasanggulan. BB 736.2
Sa mga batang inilapit kay Jesus, ang nakita Niya ay mga lalaki at mga babaing magmamana ng Kaniyang biyaya at mga tahanan sa Kaniyang kaharian, at ang mga iba sa kanila ay magiging mga martir dahil sa kaniya. Talos Niya na ang mga batang ito ay higit na madaiing makikinig sa Kaniya at tatanggapin Siya kaysa mga maygulang na ang marami ay mga pantas ng sanlibutan at matitigas ang ulo. Sa Kaniyang pagtuturo ay nakibagay Siya sa kanila. Siya na Hari ng langit, ay hindi tumangging sagutin ang kanilang mga tanong at pagaanin ang Kaniyang mahahalagang turo upang matugunan ang kanilang murang pang-unawa. Itinanim Niya sa isip nila ang mga binhi ng katotohanan, na pagkaraan ng ilang taon ay sisibol, at magbubunga sa buhay na walang-hanggan. BB 736.3
Totoo pa rin hanggang ngayon na ang mga bata ay siyang pinakamadaling turuan ng ebanghelyo; ang mga puso nila ay bukas sa mga banal na impluwensiya, at mabuting magtanda ng mga aral na tinanggap. Ang maliliit na bata ay maaaring maging mga Kristiyano, na nagkakaroon ng karanasan na ayon sa kanilang mga gulang. Kailangan silang turuan at sanayin sa mga bagay na espirituwal, at dapat silang bigyan ng mga magulang ng bawa't pagkakataon, upang magkaroon sila ng mga likas na gaya ng likas ni Kristo. BB 737.1
Dapat tingnan ng mga ama at ina ang kanilang mga anak na tulad sa mga batang kaanib ng sambahayan ng Panginoon, na ipinagkatiwala sa kanila upang turuan para sa langit. Ang mga aral na natutuhan natin kay Kristo ay dapat naman nating ituro sa ating mga anak, nang ayon sa kayang tanggapin ng mga murang isip nila, na unti-unting ipinapasok sa kanila ang magagandang simulain ng langit. Sa ganitong paraan nagiging isang paaralan ang tahanang Kristiyano, na dito ang mga magulang ay siyang mga guro, samantalang si Kristo naman ay siyang punong-guro. BB 737.2
Sa paggawa natin sa ikapagbabago ng ating mga anak, huwag nating hintaying tayo'y makakita sa kanila ng sigalbo ng damdamin na pinakamahalagang katunayan ng pagkilala nila sa kasalanan. Ni hindi rin naman kailangang maalaman pa ang hustong panahon kung kailan sila nangagbago. Dapat nating turuan sila na kanilang dalhin kay Jesus ang kanilang mga kasalanan, na humihingi ng tawad, at naniniwalang Siya'y nagpapatawad at sila'y tinatanggap na gaya ng pagtanggap Niya sa mga bata noong naririto pa Siya sa lupa. BB 738.1
Kung paanong tinuturuan ng ina ang kaniyang mga anak na siya'y sundin dahil sa minamahal nila siya, ga yon tinuturuan niya sila ng mga unang aral sa buhay Kristiyano. Ang pag-ibig ng ina ay naglalarawan sa bata ng pag-ibig ni Kristo, at ang mga batang maliliit na nagtitiwala at tumatalima sa kanilang ina ay natututong magtiwala at tumalima sa Tagapagligtas. BB 738.2
Si Jesus ang parisan ng mga bata, at Siya rin ang parisan ng ama. Nagsalita Siyang tulad sa may kapamahalaan, at ang salita Niya ay may kapangyarihan; gayunman sa lahat Niyang mga pakikipag-ugnay sa magagaspang at mararahas na tao ay hindi Siya gumamit ng matalim o walang-pakundangang pangungusap. Ang biyaya ni Kristong tumatahan sa puso ay siyang magbibigay ng karangalang makalangit at ng pagkadama ng kawas tuan. Ito ang magpapalambot sa anumang marahas, at magpapasuko sa anumang magaspang at mabalasik. Ito ang aakay sa mga ama at mga ina na tratuhin ang .kanilang mga anak na tulad sa mga taong may hustong pagiisip, na gaya rin ng ibig nilang itrato sa kanila. BB 738.3
Mga magulang, sa pagtuturo ninyo sa inyong mga anak, ay pag-aralan ninyo ang mga aral na ibinibigay ng Diyos sa katalagahan. Kung ibig ninyong alagaan o hutukin ang isang rosas o isang liryo, paano ninyo ito gagawin? Magtanong kayo sa maghahalaman kung paano niya napagaganda at napalalago ang bawa't sanga at dahon, at kung pano niya napalulusog nang timbang sa laki at kagandahan. Sasabihin niya sa inyo na hindi sa marahas na paghipo, o sa pabigla-biglang paghawak: sapagka't makababali iyon sa maseselang sanga at tangkay. Iyon ay sa unti-unting pag-aasikaso, na madalas na inuulit-ulit. Binabasa niya ang lupa, at ikinukubli ang mga halaman sa malalakas na hangin at matinding init ng araw, at Diyos ang nagpapalago at nagpapabulaklak nang buong kariktan. Sa pakikitungo ninyo sa inyong mga anak, sundin ninyo ang paraan ng maghahalaman. Sa pamamagitan ng mga banayad na hipo, sa pamamagitan ng maibiging pag-aasikaso, sikapin ninyong hubugin ang kanilang likas ayon sa parisang likas ni Kristo. BB 738.4
Pasiglahin ang pagsasabi ng pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa isa't isa. Ang dahilan kung bakit napakaraming lalaki at babae sa sanlibutan ang may matitigas na puso ay sapagka't itinuturing nila na ang tunay na pagmamahal ay isang kahinaan, at ito'y pinapanlulupaypay at pinipigil. Ang mabuting likas ng mga taong ito ay napigil nang sila'y mga sanggol pa; at malibang tunawin ng liwanag ng pag-ibig ng Diyos ang kanilang malamig na pagkamakasarili, ay magpakailanman ngang mawawasak ang kanilang kaligayahan. Kung nais nating makita sa ating mga anak ang maibiging diwa ni Jesus, at ang pagmamalasakit sa atin ng mga anghel, ay dapat nating pasiglahin ang mapagbigay at maibiging udyok ng damdamin na katutubo sa mga bata. BB 739.1
Turuan ninyo ang mga bata na makita si Kristo sa katalagahan. Ipasyal ninyo sila sa kaparangan, sa lilim ng malalaking punungkahoy, sa mga halamanan; at sa lahat ng mga kahanga-hangang gawa ng paglalang ay ituro ninyong makita nila ang pagpapahayag ng pag ibig ng Diyos. Ituro ninyo sa kanila na Siya ang gumawa ng mga utos na sumasaklaw sa lahat ng mga bagay na nabubuhay, na Siya'y gumawa ng mga utos sa atin, at ang mga utos na ito ay para sa ating ikatutuwa at ikaliligaya. Huwag ninyong inipin sila sa mahahabang panalangin at nakapapagod na mga pangaral, kundi sa pamamagitan ng mga pakay na aral na hango sa katalaga han ay ituro ninyo sa kanila ang pagtalima sa kautusan ng Diyos. BB 739.2
Kung makuha na ninyo ang kanilang tiwala bilang mga tagasunod ni Kristo, madali nang ituro sa kanila ang malaking pag-ibig na iniibig Niya sa atin. Sa pagsisikap ninyong malinaw na maipaliwanag ang mga katotohanan ng kaligtasan, at maituro ang mga bata kay Kristo bilang isang personal na Tagapagligtas, ay sasainyong piling ang mga anghel. Bibigyan ng Panginoon ang mga ama at mga ina ng sapat na biyaya upang kanilang mapawili ang kanilang maliliit na anak sa mainam na kasaysayan ng Sanggol sa Bethlehem, na siyang tunay na pag-asa ng sanlibutan. BB 740.1
Nang sawayin ni Jesus ang mga alagad na huwag pagbawalan ang mga bata na lumapit sa Kaniya, ay nagsasalita Siya sa mga tagasunod Niya sa lahat ng panahon—sa mga namumuno sa iglesya, sa mga ministro at mga katulong nila, at sa lahat ng mga Kristiyano. Pinalalapit ni Jesus ang mga bata, at inuutusan Niya tayo na, Bayaan ninyo silang magsilapit; na para bagang sinasabi Niya, Sila'y lalapit kung hindi ninyo hahadlangan. BB 740.2
Huwag ninyong bayaang ang inyong pangit na likas ay lumagay na parang siyang likas ni Jesus. Huwag ninyong ilayo sa Kaniya ang maliliit na bata sa pamamagitan ng inyong pagwawalang-bahala at kabagsikan. Huwag ninyo silang bigyang-katwirang mag-sikap na sila'y hindi liligaya sa langit kung naroroon kayo na kanilang mga magulang. Huwag ninyong pag-usapan ang relihiyon na parang isang bagay na hindi mauunawaan ng mga bata, o kaya'y huwag kayong kumilos na parang hindi ninyo inaasahang tatanggapin nila si Kristo dahil sa sila'y mga bata pa. Huwag ninyong bigyan sila ng maling impresyon na ang relihiyon ni Kristo ay panay na kalungkutan, at kung lalapit sila sa Tagapagligtas ay kailangang iwan nila ang lahat na nagpapaligaya sa buhay. BB 740.3
Pagka gumagawa ang Espiritu Santo sa puso ng mga bata, makipagtulungan kayo. Sabihin ninyong si Kristo ang tumatawag sa kanila, at wala nang makapagbibigay ng higit na malaking kagalakan sa Kaniya kundi ang ihandog nila sa Kaniya ang mga sarili nila samantalang nasa kamuraan at kasariwaan pa sila ng buhay. BB 741.1
Pinakamamahal ng Tagapagligtas ang mga kaluluwang binili Niya ng Kaniyang sariling dugo. Sila'y mga inaangkin ng Kaniyang pag-ibig. Siya'y nananabik sa kanila ng matinding pananabik. Ang Kaniyang puso ay uhaw, hindi lamang sa mga batang may mabubuting ugali, kundi sa mga may pangit na likas din naman. Maraming magulang ang di-nakaaalam kung gaano kalaki ang kanilang kapanagutan sa mga ugaling ito ng kanilang mga anak. Kulang sila sa dunong at pagmamahal upang pakitunguhan ang mga nagkakamaling batang ito, na sila na rin ang maykapanagutan sa ikinapaging gayon nila. Nguni't tinitingnan ni Jesus ang mga batang ito nang may pagkahabag. Tinutunton Niya ang sanhi at pinagmulan. BB 741.2
Ang tagapagturong Kristiyano ay maaaring isang kasangkapang ginagamit ni Kristo upang mapalapit sa Tagapagligtas ang mga batang ito. Sa pamamagitan ng dunong at paraan ay maitatali niya sila sa kaniyang puso, mabibigyan ng pag-asa at tapang ng loob, at sa pamamagitan ng biyaya ni Kristo ay makikita niya silang mga binago ang likas, na anupa't tungkol sa kanila ay masasabing, “Sa mga ito ang kaharian ng Diyos.” BB 741.3