Bukal Ng Buhay

56/89

Kabanata 55—Hindi sa Panlabas na Pagpapakita

Ang kabanatang ito ay batay sa Lukas 17:20-22.

Lumapit kay Jesus ang ilan sa mga Pariseo na naguusisa kung “kailan darating ang kaharian ng Diyos.” Mahigit nang tatlong taon ang nakalilipas buhat nang ang pabalita ay ibigay ni Juan Bautista sa buong lupain na tulad sa malakas na tunog ng pakakak, “Ang kaharian ng langit ay malapit na.” Mateo 3:2. At gayon pa man ang mga Pariseong ito ay wala pa ring nakikitang tanda na matatatag na ang kaharian. Marami sa mga di-tumanggap kay Juan, at sumalansang naman kay Jesus, ay nagsipagpahayag na bigo ang misyon Niya. BB 725.1

Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ng Diyos ay darating na hindi mapagkikita; ni hindi man nila sasabihin, Narito na! o, naroon! sapagka't, narito, ang kaharian ng Diyos ay nasa kalooban ninyo.” Ang kaharian ng Diyos ay nagsisimula sa loob ng puso. Huwag ninyong abangan dito o doon ang mga pagpapakita ng kapangyarihang makalupa na tanda ng pagdating nito. BB 725.2

“Darating ang mga araw,” wika Niya sa Kaniyang mga alagad, “na inyong iibiging makita ang isa sa mga araw ng Anak ng tao, at hindi ninyo makikita.” Dahil sa ito'y walang kasamang gara o ringal na pansanlibutan, may panganib na hindi ninyo mapagkilala ang kaluwalhatian ng Aking misyon. Hindi ninyo napagkikilala kung gaano kalaki ang inyong karapatan, na sa gitna ninyo ay tumatahan ang Isa, na bagama't nasa anyongtao, ay Siya ang buhay at ilaw ng mga tao. Darating ang mga araw na inyong nanasaing may pananabik ang mga pagkakataong tinatamasa ninyo ngayon na kayo'y lumalakad at nakikipag-usap sa Anak ng Diyos. BB 725.3

Dahil sa kanilang pagiging-makasarili at pagiging-makalupa, ang mga alagad man ni Jesus ay hindi makaunawa ng kaluwalhatiang espirituwal na hangad Niyang ihayag sa kanila. Nang makaakyat na lamang si Kristo sa Kaniyang Ama, at maibuhos na ang Banal na Espiritu sa mga sumasampalataya, saka pa lamang lubos na napagkilala ng mga alagad ang likas at misyon ng Tagapagligtas. Nang matanggap na nila ang bautismo ng Espiritu, ay doon pa lamang nila naintindihan na sila ay napasa harapan ng Panginoon ng kaluwalhatian. Nang mapagalaala nila ang mga sinabi ni Kristo, ay nabuksan ang kanilang mga isip at napag-uunawa nila ang mga hula at ang mga kababalaghang ginawa Niya. Dumaan sa harap nila ang mahihiwagang bagay ng Kaniyang buhay, at ang katulad nila'y mga taong naalimpungatan sa panaginip. Noon nila napagtanto na “ang Verbo ay nagkatawang-tao at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang Kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatiang gaya ng sa bugtong na Anak ng Ama,) na puspos ng biyaya at katotohanan.” Juan 1:14. Si Kristo ay aktuwal na nagbuhat sa Diyos at naparito sa isang sanlibutang salarin upang iligtas ang mga nagkasalang Anak ni Adan. Para bagang ngayon ay lalo silang mga walang kabuluhan kaysa noong dating hindi nila napagtatanto ang bagay na ito. Hindi na sila napagud-pagod sa kauulit ng Kaniyang mga salita at mga gawa. Ang mga aral na itinuro sa kanila, na malabong-malabo sa kanilang pang-unawa, ay naging parang mga bagong turo ngayon. Naging parang isang bagong aklat sa kanila ang Mga Kasulatan. BB 726.1

Nang saliksikin ng mga alagad ang mga hulang nagpapatunay kay Kristo, napaugnay sila sa Diyos, at napagkilala nila Iyong umakyat sa langit upang tapusin ang gawaing sinimulan Niya sa lupa. Napagkilala nilang totoo, na sa Kaniya'y tumahan ang kaalamang hindi kayang unawain ng sinumang tao, kung hindi tutulungan ng Diyos. Kinailangan nila ang tulong ng lsang ipinagpaunang-sinabi ng mga hari, mga propeta at mga banal na tao. May pagkakamanghang muli at muling binasa nila ang mga isinasalaysay ng mga hula tungkol sa Kaniyang likas at gawain. Kaylabo ng kanilang pagkaintindi sa mga salita ng hula! Kaybagal nilang umunawa at tumanggap sa mga dakilang katotohanang nagpatunay kay Kristo! Nang tanawin nila Siya sa Kaniyang pagpapakababa, nang Siya'y lumakad na tulad sa tao sa gitna ng mga tao, hindi naabot ng kanilang unawa ang hiwaga ng Kaniyang pagkakatawang-tao, ang dalawang uri ng Kaniyang likas. Para silang namalikmata, anupa't hindi nila lubos na napagkilalang ang Diyos ay tumatahan sa tao. Nguni't pagkatapos na sila'y matanglawan ng Banal na Espiritu, kaylaki ng kanilang pananabik na sana'y makita Siya uli, at makapaglumagak sila sa Kaniyang paanan! Sabik silang sana'y muli silang makalapit sa Kaniya, at Siya'y papagpaliwanagin ng mga kasulatang hindi nila kayang unawain! Disin sana'y makikinig na sila sa Kaniyang mga salita. Ano kaya ang ibig sabihin ni Kristo nang salitain Niyang, “Marami pa Akong sasabihin sa inyo, nguni't hindi pa ninyo kaya ngayon”? Juan 16:12. Ngayon ay pinananabikan nilang iyon ay maalamang lahat! Ikinalungkot nila na napakahina ng kanilang pananampalataya, na napakalayo ng kanilang iniisip, na anupa't hindi nila naintindihan ang buong katotohanan. BB 727.1

Isang tagapagtanyag ang inutusan ng Diyos upang ibalita ang pagdating ng Kritso, at upang tawagan ang pansin ng bansang Hudyo at ng sanlibutan sa misyon Niya, at nangh sila'y mahanda na tanggapin Siya. Ang kahanga-hangang personang ibinalita ni Juan ay kasama-sama na nilang mahigit na tatlumpung taon, at gayunman ay hindi pa nila nakikilalang Siya ang ipinadala ng Diyos. Paghihimutok ang naghari sa mga alagad dahil sa tinulutan nilang malebadurahan ang kanilang mga kuro-kuro at mapalabo ang kanilang mga isip ng malaganap na dipaniniwala. Ang Ilaw ng madilim na sanlibutang ito ay nagliliwanag na sa gitna ng kadiliman nito, at hindi pa rin nila mapagtanto kung saan naroroon ang mga sinag nito. Sinisi nila ang kanilang mga sarili kung bakit ginawa nila ang gayon na kinailangan tuloy na suwatan sila ni Jesus. Malimit na ulit-ulitin nila ang Kaniyang mga pakikipag-usap, at saka nila idinurugtong, Bakit ba natin binayaang ang mga bagay na makalupa at ang mga pagsalansang ng mga saserdote at ng mga rabi ay makalito sa ating mga pag-iisip, na anupa't hindi natin nahalatang Isang dakila kaysa kay Moises ang nasa gitna na tin, at Isang marunong kaysa kay Salomon ang nagtuturo sa atin? Kayhina ng ating mga pakinig! Kayhina ng ating pang-unawa! BB 727.2

Si Tomas ay hindi naniwala hanggang hindi nito naidaiti ang kaniyang daliri sa sugat na ginawa ng mga kawal na Romano. Ikinaila Siya ni Pedro noong Siya'y hinahamak at itinatakwil. Ang mahahapding alalahaning ito ay biglang-biglang nanariwa sa kanila. Nakasama nila Siya, nguni't hindi nila nakilala o pinahalagahan man Siya. Nguni't ngayong nakilala nila ang kanilang di-paniniwala ay gayon na lamang ang paghihimutok ng kanilang loob! BB 728.1

Dahil sa sila'y pinagtulung-tulungan ng mga saserdote at mga pinuno, at sila'y dinala sa mga hukuman at ipinasok sa mga bilangguan, ang mga alagad ni Kristo ay nangagagalak na “sila'y nangabilang na karapat-dapat mangagtiis ng kaalimurahan dahil sa Kaniyang pangalan.” Mga Gawa 5:41. Ikinagalak nilang patunayan, sa harap ng mga tao at ng mga anghel, na kinilala nila ang kaluwalhatian ni Kristo, at pinili nilang sumunod sa Kaniya kahit na mawala ang lahat ng bagay. BB 728.2

Ang totoo noong panahon ng mga apostol ay totoo rin ngayon, na kung hindi tatanglawan -ng Banal na Espiritu, ay hindi mapagkikilala ng tao ang kaluwalhatian ni Kristo. Ang katotohanan at gawain ng Diyos ay hindi pinahahalagahan ng Kristiyanismong maibigin sa sanlibutan. Hindi sa mga paraang maginhawa, sa karangalang makalupa o sa pakikipagkasundo sa sanlibutan, masusumpungan ang mga alagad ng Panginoon. Siya'y nagpapatuloy pa sa mga landas ng paggawa, pagkadusta, pagpapakumbaba, at pagkahamak, sa unahan ng labanan “laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namumuno ng kadilimang ito sa sanlibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.” Efeso 6:12, R.V. At ngayon, gaya noong panahon ni Kristo, sila'y di-nauunawaan, hinahamak at sinisiil ng mga saserdote at mga Pariseo ng kanilang panahon. BB 729.1

Ang kaharian ng Diyos ay hindi dumarating na may kapangyarihan. Ang ebanghelyo ng biyaya ng Diyos, tag lay ang diwa ng pagkakait-sa-sarili, ay di-kailanman mangyayaring maging kaayon ng diwa ng sanlibutan. Magkalaban ang dalawang simulaing ito. “Ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos: sapagka't ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya: at hindi nauunawa, sapagka't ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.” 1 Corinto 2:14. BB 729.2

Nguni't sa larangan ng relihiyon sa panahong ito ay marami ang naniniwala at nagsisigawa sa ikatatatag ng kaharian ni Kristo sa lupa bilang isang kahariang pansanlibutan. Hangad nilang gawin ang ating Panginoon na hari ng mga kaharian ng sanlibutang ito, pinuno ng mga hukuman at kampo nito, ng mga bulwagan ng batasan nito, ng mga palasyo at mga pamilihan nito. Hangad nilang Siya ang maghari sa pamamagitan ng mga batas na gawa ng tao, na ipinatutupad sa pamamagitan ng kapangyarihan ng tao. At sapagka't wala na rito ngayon si Kristo sa persona Niya, ay sila na rin ang mamumuno sa lugar Niya, upang maipatupad nila ang mga batas ng Kaniyang kaharian. Ang pagtatayo ng gayong kaharian ay siyang minimithi ng mga Hudyo nang panahon ni Kristo. Tinanggap sana nila si Jesus, kung pumayag lamang Siyang magtayo ng isang kahariang pansanlibutan, upang maipasunod ang kinikilala nilang mga utos ng Diyos, at upang sila'y gawing mga tagapagpaliwanag ng Kaniyang kalooban at mga kasangkapan ng Kaniyang kapangyarihan. Subali't sinabi Niya, “Ang Aking kaharian ay hindi sa sanlibutang ito.” Juan 18:36. Ayaw Niyang tanggapin ang luklukang hari sa lupa. BB 729.3

Ang pamahalaang kinabuhayan ni Jesus ay masama at mapaniil; sa lahat ng dako ay labis-labis ang ginagawang mga katampalasanan—pangingikil, paghahari-harian, at walang-awang kalupitan. Gayunman ang Tagapagligtas ay walang ginawang mga reporma o pagbabagong sibil. Wala Siyang tinuligsang mga abusong pambansa, ni nilait mang mga kaaway ng bansa. Hindi Niya pinakialaman ang pamamahala o pangangasiwa ng mga nasa kapangyarihan. Siya na ating halimbawa ay namalaging di-nakialam sa mga pamahalaan sa lupa. Ito'y hindi sa dahilang Siya ay walang asikaso sa mga hirap na binabata ng mga tao, kundi sapagka't ang lunas ay wala sa mga hakbanging pantao at panlabas lamang. Upang maging mabisa ang lunas, kailangan ay maabot ang bawa't isang tao, at dapat magbago ang puso. BB 730.1

Ang kaharian ni Kristo ay hindi matatayo sa pamamagitan ng mga kapasiyahan ng mga hukuman o ng mga kapulungan o ng mga batasan, hindi sa pamamagitan ng pangangasiwa at pagtangkilik ng mga dakilang tao ng sanlibutan, kundi sa pagtatanim ng likas ni Kristo sa tao sa pamamagitan ng paggawa ng Espiritu Santo. “Ang lahat ng sa Kaniya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban Niya sila ng karapatang maging mga anak ng Diyos, samakatwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa Kaniyang pangalan: na mga ipinanganak na hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Diyos.” Juan 1:12, 13. Naririto ang tanging kapangyarihang makapag-aangat sa sangkatauhan. At ang gagamitin ng tao upang maisakatuparan ang gawaing ito ay ang pagtuturo at pagsasagawa ng salita ng Diyos. BB 730.2

Nang pasimulan ni apostol Pablo ang kaniyang ministeryo sa Corinto, na isang bayang matao, mayaman, at masama, na pinarami ng di-mabilang na mga bisyo ng paganismo, ay sinabi niya, “Aking ipinasiyang walang makilalang sinuman sa inyo, maliban na kay Jesukristo, at sa Kaniya na napako sa krus.” 1 Corinto 2:2. Pagkatapos nito nang sumulat siya sa ilang pinasama ng pinakanakaririmarim na mga kasalanan, ay sinabi niya, “Nguni't nangahugasan na kayo, nguni't binanal na kayo, nguni't inaring-ganap na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesukristo, at sa Espiritu ng ating Diyos.” “Nagpapasalamat akong lagi sa aking Diyos tungkol sa inyo, dahil sa biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa inyo sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” 1 Corinto 6:11; 1:4. BB 731.1

Kung paano nang mga araw ni Kristo ay gayundin ngayon, na ang gawain ng kaharian ng Diyos ay wala doon sa mga nagsisihinging sila'y kilalanin at tanggapin ng mga namumuno sa pamahalaan sa pamamagitan ng mga batas ng mga tao, kundi nasa mga nagpapahayag sa mga tao ng mga espirituwal na katotohanan, sa Kaniyang pangalan, na kung kanilang tatanggapin ay magkakaroon sila ng karanasang gaya ng kay Pablo: “Ako'y napako sa krus na kasama ni Kristo: at hindi na ako ang nabubuhay; nguni't hindi ako, kundi si Kristo ang nabubuhay sa akin.” Galaeia 2:20. Kung gayon sila'y magsisigawang tulad ni Pablo upang makinabang ang mga tao. Sinabi niya, “Kami ngayo'y mga sugo sa pangalan ni Kristo, na waring namamanhik ang Diyos sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Kristo, na kayo'y makipagkasundo sa Diyos.” 2 Corinto 5:20. BB 731.2