Bukal Ng Buhay

7/89

Kabanata 6—“Aming Nakita ang Kaniyang Bituin”

Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 2.

“Nang ipanganak nga si Jesus sa Bethlehem ng Judea sa mga kaarawan ng haring si Herodes, narito, ang mga pantas na lalaki ay nagsidating sa Jerusalem mula sa Silanganan, na nagsisipagsabi, Saan naroon ang ipinanganak na Hari ng mga Hudyo? Sapagka't aming nakita ang Kaniyang bituin sa Silanganan, at naparito kami upang Siya'y sambahin.” BB 59.1

Ang mga pantas na lalaking buhat sa Silanganan ay mga pilosopo. Kabilang sila sa isang malaki at maimpluwensiyang angkan, na kasama ng lahing hari, at sila ang bumubuo sa mayayaman at marurunong ng kanilang bansa. Nabibilang dito ang marami sa mga nagpapasampalataya sa mga tao. Ang mga iba naman ay mga lalaking matwid na nagsipag-aral ng mga ipinahihiwatig ng Diyos sa pamamagitan ng kalikasan o katalagahan, at sila'y mga iginagalang dahil sa kanilang karunungan at walang-dungis na pamumuhay. May ganitong likas ang mga pantas na lalaking dumalaw kay Jesus. BB 59.2

Ang liwanag ng Diyos ay laging nagniningning sa gitna ng kadiliman ng paganismo. Habang pinag-aaralan ng mga Magong ito ang mabituing kalangitari, at nililirip ang hiwagang itinatago ng nagliliwanag nilang mga landas, ay nakita nila ang kaluwalhatian ng Manlalalang. Sa paghanap nila ng lalong mabuting paliwanag, ay bumaling sila sa mga Kasulatan ng mga Hebreo. May mga kasulatan sila ng hula sa sarili nilang lupain na nagbabalitang may darating na gurong buhat sa Diyos. Si Balaam ay nabibilang sa mga mahiko, bagama't noong minsa'y isa siyang propeta ng Diyos; sa udyok ng Espiritu Santo ay hinulaan niyang mananagana ang Israel at pakikita ang Mesiyas; at ang mga hula niya ay nagpasalin-salin sa bibig ng mga sumunod na lahi ng lumipas na mga daan-daang taon. Datapuwa't sa Matandang Tipan ay lalong malinaw na inihahayag ang pagdating ng Tagapagligtas. Masayang tinanggap ng mga Mago ang turong malapit na Siyang dumating, at ang buong sanlibutan ay mapupuno ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Panginoon. BB 59.3

Ang mga pantas na lalaki ay nakakita sa langit ng isang mahiwagang liwanag noong gabing bumaha ang kaluwalhatian ng Diyos sa mga burol ng Bethlehem. Nang mapawi na ang liwanag, isa namang makinang na bituin ang lumitaw, at nanatili sa kalangitan. Hindi iyon isang tala ni isang planeta man, at ang di-pangkaraniwang pangyayaring iyon ay lumikha ng napakalaking pagtataka. Ang bituing iyon ay isang nasa malayong pulutong ng nagliliwanag na mga anghel, nguni't ito'y hindi alam ng mga lalaking pantas. Nag-usisa sila sa mga saserdote at sa mga pilosopo, at tuloy sinaliksik nila ang mga balumbon ng matatandang kasulatan. Ang hula ni Balaam ay nagpahayag, “Lalabas ang isang Bituin sa Jacob, at may isang Setro na lilitaw sa Israel.” Mga Bilang 24:17. Ito kayang naiibang bituing ito ang siyang inutusang magbalita ng Isang Ipinangako? Tinanggap ng mga Mago ang liwanag tungkol sa katotohanang ipinadala ng langit; ngayo'y lalo itong nagliwanag sa kanila. Sa pamamagitan ng mga panaginip ay inutusan silang hanapin nila ang kasisilang na Prinsipe. BB 60.1

Kung paanong sa pananampalataya ay yumaon si Abraham sa tawag ng Diyos, na “hindi nalalaman kung saan siya paroroon” (Hebreo 11:8); at kung paanong sa pananampalataya ay sinundan ng Israel ang haliging ulap hanggang sa pumasok sila sa Lupang Pangako, ay gayundin nagsiyaon ang mga Hentil na ito upang hanapin ang ipinangakong Tagapagligtas. Ang lupain sa Silanganan ay masagana sa mahahalagang bagay, at ang mga Mago'y hindi lumakad nang walang mga dala. Kinaugalian na ang mag-alay ng mga kaloob sa mga pinuno ng bayan at sa mga taong may matataas na katungkulan bilang tanda ng paggalang, at dinala nila ang pinakamahal na mga kaloob na madadala nila upang ialay sa Kaniya na magbibigay ng pagpapala sa lahat ng mga angkan sa lupa. Ang paglalakbay nila ay kinailangang gawin sa gabi upang lagi nilang matanaw ang bituin; nguni't ang mahabang oras ng gabi ay kanilang pinaraan sa pag-uusapusap ng tungkol sa malaganap na mga kasabihan at mga hulang nauukol sa Isa na kanilang hinahanap. Sa tuwing sila'y hihinto upang mamahinga ay sinasaliksik nila ang mga hula; at dahil dito'y lalong tumindi ang kanilang paniniwala na sila'y pinapatnubayan ng Diyos. Samantalang ang bituing natatanaw nila ay isang tandang panlabas, nasa kanilang kalooban din naman ang patotoo ng Espiritu Santo, na nagsasalita sa kanilang mga puso, at bumubuhay sa kanilang pag-asa. Sa ganang kanila, ang paglalakbay, bagama't maluwa't, ay masaya naman. BB 60.2

Di-kawasa'y sinapit nila ang lupain ng Israel, at kasalukuyang lumulusong sila sa Bundok ng mga Olibo, na natatanaw ang Jerusalem, nang di-kaginsa-ginsa, ang bituing pumapatnubay sa kanila sa mahaba nilang paglalakbay ay biglang tumigil sa may ibabaw ng templo, at pagkaraan ng ilang saglit ay biglang nawala. Binilisan nila ang kanilang lakad, na nagsisiasang masayang pinaguusapan na ng lahat ang pagkapanganak sa Mesiyas. Datapuwa't nabigo sila sa kanilang mga pagtatanong. Pagpasok nila sa Bayang Banal, ay tumuloy sila sa templo. Sila'y labis na nanggilalas nang wala silang makitang isa mang nakakaalam na may bagong Haring ipinanganak. Ang kanilang mga pagtatanong ay hindi man ikinatuwa ng mga tao, kundi ikinamangha pa at ikinatakot, at hayag na ikinamuhi. BB 62.1

Inuusal ng mga saserdote ang kanilang mga sali't saling sabi. Itinatanyag nila ang kanilang relihiyon at ang kanilang kabanalan, samantala'y hinahamak naman nila ang mga Griyego at ang mga Romano at itinuturing ang mga ito na mga walang Diyos, at mga makasalanang higit kaysa mga iba. Ang mga pantas na lalaki ay hindi mga mananamba sa mga diyus-diyosan, at sa paningin ng Diyos ay lalo silang marangal kaysa mga ito, na mga nagpapanggap na sumasamba sa Kaniya; gayon pa man ay tulad sa mga walang Diyos ang turing sa kanila ng mga Hudyo. Maging sa gitna ng mga piniling tagapag-ingat ng mga Salita ng Diyos ay hindi man nakaantig ang kanilang maalab na mga pagtatanong. BB 63.1

Ang pagdating ng mga Mago ay madaling nabalita sa buong Jerusalem. Ang nakapagtataka nilang sadya ay lumikha ng alingasngas sa bayan, na umabot sa palasyo ng Haring Herodes. Naghinala ngayon ang tusong Edomita na mayroon siyang kaagaw sa paghahari. Di-mabilang na buhay ang sinawi niya bago siya naluklok sa trono ng kaharian. Siya'y kinapopootan ng mga taong kaniyang pinaghaharian sapagka't siya'y hindi nila kalahi. Kaya lamang siya hindi natitigatig ay sapagka't tinutulungan siya ng Roma. Nguni't ang bagong Prinsipeng ito ay may lalong mataas na karapatan. Siya'y tubo sa kaharian. BB 63.2

Naghinala si Herodes na ang mga saserdote ay nakikipagsabuwatan sa mga taga-ibang lupang ito upang lumikha ng gulo at nang sa gayo'y mapaalis siya sa trono. Gayunma'y hindi niya ipinahalata ang kaniyang hinala, ipinasiya niyang sirain ang kanilang mga pakana sa pamamagitan ng lalong nakahihigit na katusuhan. Ipinatawag niya ang mga pinunong saserdote at ang mga eskriba, at inusisa niya sa kanila kung ano ang turo ng mga Banal na Aklat tungkol sa dakong sisilangan ng Mesiyas. BB 63.3

Ang pag-uusisang ito ng mangangamkam sa luklukanghari, sa kahilingan ng mga tagaibang-lupa, ay sumakit sa damdamin ng mga gurong Hudyo. Ang matamlay na pagbuklat nila sa mga aklat ng hula ay nagpagalit sa mapag hinalang maniniil. Inisip niyang inililihim nila ang kanilang nalalaman tungkol sa kaniyang itinatanong. Taglay ang kapangyarihang hindi nila masusuway, inutusan niya sila na maingat na magsaliksik, at tuloy sabihin nila sa kaniya kung saang dako nila inaasahang ipanganganak ang kanilang Hari. “At sinabi nila sa kaniya, Sa Bethlehem ng Judea: sapagka't ganito ang pagkasulat ng propeta, BB 64.1

“At ikaw Bethlehem, na lupa ng Juda,
Sa anumang paraan ay hindi ikaw ang pinakamaliit
Sa mga pangulong-bayan ng Juda:
Sapagka't mula sa iyo ay lalabas ang isang gobernador,
Na siyang magiging pastor ng Aking bayang Israel.” R.V.
BB 64.2

Inanyayahan ngayon ni Herodes ang mga Mago sa isang sarilinang pag-uusap. Naglalatang ang galit at takot sa loob niya, gayunma'y banayad din ang kaniyang kilos, at magalang ang kaniyang pagtanggap sa kanila. Inusisa niya kung kailan nila nakitang lumitaw ang bituin, at nagkunwaring siya'y natutuwang mapagbalitaan ng pagsilang ng Kristo. Pinagbilinan niya ang kaniyang mga panauhin, “Ipagtanong ninyo nang buong ingat ang tungkol sa Sanggol; at pagkasumpong ninyo sa Kaniya, ay ipagbigay-alam ninyo sa akin, upang ako nama'y makaparoon at siya'y aking sambahin.” Pagkasabi nito'y pinaalis niya sila upang magpatuloy sa kanilang lakad sa Bethlehem. BB 64.3

Ang mga saserdote at ang mga matatanda sa Jerusalem ay hindi mga tangang gaya ng kanilang inasal tungkol sa pagkapanganak kay Kristo. Umabot na sa Jerusalem ang balitang dinalaw ng mga anghel ang mga pastor ng kawan, nguni't itinuring iyon ng mga rabi na isang bagay na hindi nila dapat pansinin. Sila sana ang dapat makakita kay Jesus, at sila sana ang dapat maging handa na ihatid ang mga Mago sa dakong sinilangan Niya; nguni't hindi gayon ang nangyari, ang mga pantas na lalaki pa nga ang nagpagunita sa kanila na inianak na ang Mesiyas. “Saan naroon Yaong ipinanganak na Hari ng mga Hudyo?” wika nila; “sapagka't aming nakita ang Kaniyang bituin sa Silanganan, at naparito kami upang Siya'y sambahin.” BB 65.1

Kapalaluan at pananaghili ang siya ngayong nagpinid sa kanilang kalooban upang huwag makapasok ang liwanag ng katotohanan. Kung paniniwalaan ang mga balita ng mga pastor at ng mga lalaking pantas, ay malalagay sa pangit na katayuan ang mga saserdote at mga rabi, at mapabubulaanan ang kanilang mga ipinamamaraling sila ang mga tagapaghayag ng katotohanan ng Diyos. Hindi maatim ng marurunong na gurong ito na sila'y maturuan ng itinuturing nila na mga pagano o taga-ibang bansa. Hindi mangyayari, anila, na sila'y nilampasan ng Diyos, upang sa mga mangmang na pastor o sa mga dituling Hentil makipag-usap. Ipinasiya nilang kanilang ipakikita ang kanilang paghamak sa mga balitang gumugulo kay Herodes at sa buong Jerusalem. Ni hindi pa nila ibig magtungo sa Jerusalem upang tingnan kung may katotohanan nga ang mga balitang ito. At sila ang nanguna sa bayan sa pagtuturing na ang mga bali-balita tungkol kay Jesus ay isang kahalingan. Dito nagsimula ang dipagkilala kay Kristo ng mga saserdote at ng mga rabi. Buhat sa pangyayaring ito ang kanilang kapalaluan at katigasan ay sumidhi at naging tiyak nang pagkapoot sa Tagapagligtas. Sa gayon samantalang ibinubukas ng Diyos ang pintuan para sa mga Hentil, ay isinasara naman ito ng mga pangulong Hudyo sa kanila na ring mga sarili. BB 65.2

Nagsialis sa Jerusalem ang mga pantas na lalaki nang walang kasama. Lumalaganap na ang dilim nang sila'y lumabas sa mga pintuang-bayan, nguni't nag-umapaw sa kanilang puso ang malaking katuwaan nang muli nilang matanaw ang bituin, at sinundan nila ito hanggang sa Bethlehem. Wala silang natatanggap na balita na napakaaba ang kalagayan ni Jesus gaya ng sinabi sa mga pastor. Pagkaraan ng mahaba nilang paglalakbay ay binigo sila ng pagwawalang-bahala ng mga pinunong Hudyo, at nilisan nila ang Jerusalem na higit silang lupaypay kaysa nang sila'y pumasok dito. Sa Bethlehem ay wala silang nakitang isa mang kawal ng hari na nagtatanod upang pangalagaan ang kasisilang na Hari. Wala roong mga taong dinadakila ng sanlibuan. Si Jesus ay nakahiga sa isang pasabsaban. Ang tanging mga nakatanod sa Kaniya ay ang Kaniyang mga magulang at ang mga di-nagsipagaral na mga taong-bukid. Ito ba kaya Siya na tungkol sa Kaniya ay nasusulat, na Kaniyang “ititindig ang mga lahi ng Jacob,” at “isasauli ang iningatan sa Israel;” upang Siya'y maging “isang ilaw sa mga Hentil,” at “kaligtasan hanggang sa wakas ng lupa?” Isaias 49:6. BB 66.1

“Nang sila'y mangakapasok na sa bahay, ay nangakita nila ang Sanggol na kasama ang Kaniyang inang si Maria, at sila'y nangagpatirapa, at nangagsisamba sa Kaniya.” Sa likod ng abang anyo ni Jesus ay nakilala nila roon ang Diyos. Inialay nila ang kanilang mga puso sa Kaniya bilang pagkilala na Siya ang kanilang Tagapagligtas, at saka nila ibinuhos ang kanilang mga handog—“ginto, at kamanyang, at mira.” Kaylaking pananampalataya nila! Masasabi nga tungkol sa mga lalaking pantas na buhat sa Silanganan, ang gaya ng nasabi tungkol sa senturyong Romano, “Hindi Ako nakasumpong ng ganito kalaking pananampalataya, kahit sa Israel man.” Mateo 8:10. BB 66.2

Hindi nataho ng mga lalaking pantas ang lihim na binabalak ni Herodes kay Jesus. Nang maganap na nila ang kanilang sadya sa pagdalaw, ay gumayak na silang bumalik sa Jerusalem, sa hangad na ipagbigay-alam kay Herodes na natagpuan nila ang kanilang sadya. Datapwa't sa isang panaginip ay tumanggap sila ng isang pasabi buhat sa Diyos na huwag na silang makipag-usap pa sa kaniya. Kaya umuwi na sila sa kanilang sariling bayan, na hindi na dumaan pa sa Jerusalem, kundi tumahak na sa ibang daan. BB 66.3

Sa ganito ring paraan tumanggap si Jose ng babala na sila'y tumakas patungong Ehipto na kasama si Maria at ang Sanggol. At sinabi ng anghel, “Dumoon ka hanggang sa sabihin ko sa iyo: sapagka't hahanapin ni Herodes ang Sanggol upang patayin Siya.” Kagyat na tuma-ima si Jose, na hindi nagpaliban at palihim na umalis nang gabi ring iyon. BB 67.1

Sa pamamagitan ng mga lalaking pantas ay ipinaalaala ng Diyos sa bansang Hudyo ang pagsilang ng Kaniyang Anak. Ang mga pag-uusisang ginawa nila sa Jerusalem, ang pagkakilos ng damdaming-bayan, at pati ang pananaghili ni Herodes, na siyang naging dahil kaya pilit na natawagan ang pansin ng mga saserdote at ng mga rabi, ay siyang umakay sa mga tao upang isipin ang mga hula tungkol sa Mesiyas, at sa dakilang pangyayaring kagaganap pa lamang. BB 67.2

Mapilit si Satanas na pawiin sa sanlibutan ang liwanag ng Diyos, at iniubos niya ang lahat niyang mga lalang upang maipapatay ang Tagapagligtas. Datapuwa't ang Diyos na hindi umiidlip ni natutulog man ay nagbabantay sa Kaniyang sinisintang Anak. Siya na nagpaulan ng manang buhat sa langit para sa Israel at nagpakain naman kay Elias nang panahon ng kagutom ay naglaan ng isang kublihang-dako sa ibang lupain para kay Maria at sa Sanggol na si Jesus. At sa pamamagitan ng mga alay na handog ng mga Magong buhat sa ibang lupain, ay tinustusan ng Panginoon ang paglalakbay na patungong Ehipto at ang pagtira sa ibang lupain. BB 67.3

Ang mga Mago ay kabilang sa mga unang tumanggap sa Manunubos. Ang mga alay nila ay siyang mga unang inilagay sa Kaniyang paanan. At sa pamamagitan ng alay na yaon, kay-inam ngang karapatan ng paglilingkod ang napasakanila! Ang paghahandog na buhat sa pusong nagmamahal, ay kinalulugdan ng Diyos na parangalan, at pinapagbubunga ito nang malaki sa paglilingkod sa Kaniya. Kung naipagkaloob na natin ang ating mga puso kay Jesus, ay dadalhin din naman natin sa Kaniya ang ating mga handog. Ang ating ginto at pilak, ang ating pinakamahahalagang ari-arian sa lupa, ang ating pinakamatataas na kakayahang pangkaisipan at pang-espiritu, ay lubos na maitatalaga sa Kaniya na umibig sa atin, at nagbigay ng Kaniyang sarili dahil sa atin. BB 68.1

Buong pagkainip na naghintay si Herodes sa Jerusalem sa pagbabalik ng mga lalaking pantas. Nang makalipas ang mga araw, at hindi pa sila dumarating, ay nagkaroon siya ng hinala. Sinapantaha niya na kaipala'y n pag-alaman ng mga rabi ang kaniyang lihim na balak dahil sa kanilang pagpapaumat-umat na ituro ang dakong sisilangan ng Mesiyas, at sinadya naman ng mga Magong siya'y iwasan. Nag-alab ang kaniyang poot sa isipang iyon. At sapagka't nabigo ang kanilang lalang, ay iisa na lamang ang nalalabing dapat gawin at iyon ay ang paggamit ng lakas o dahas. Ipakikita niya ngayon kung ano ang mangyayari sa haring-sanggol. Makikita rin ng mga palalong Hudyo kung ano ang maaari nilang asahan sa mga pagtatangka nilang magpaupo ng ibang hari sa luklukan. BB 68.2

Nagpadala siya agad ng mga kawal sa Bethlehem, taglay ang utos na lipulin ang lahat ng batang dadalawahing taong gulang at pababa. Nasaksihan ngayon ng mga tahimik na tahanan ng siyudad ni David ang nakapanghi hilakbot na mga pangyayari na, noong nakaraang anim na raang taon ay inihayag ng Diyos sa propeta. “Isang tinig ang narinig sa Rama, panaghoy, at pagtangis, at kalagim-lagim na iyak. Tinatangisan ni Rachel ang kaniyang anak, at ayaw siyang maaliw, sapagka't sila'y wala na.” BB 68.3

Mga Hudyo na rin ang nagpasapit sa kanila ng malagim na kapahamakang ito. Kung sila lamang ay lumakad na may pagtatapat at may kababaan sa harap ng Diyos, sana'y pinapangyari ng Diyos na sa katangi-tanging paraan ay huwag makapinsala sa kanila ang poot ng hari. Nguni't inihiwalay nila sa Diyos ang kanilang sarili dahil sa kanilang mga kasalanan, at tinanggihan din nila ang Espiritu Santo, na siya nilang tanging pananggalang. Hindi nila pinag-aralan ang mga Kasulatan sa hangad na tumalima sa kalooban ng Diyos. Sinaliksik nila ang mga hula na maipaliliwanag nila sa paraang magtatanghal sa kanilang mga sarili, at magpapakilalang hinahamak ng Diyos ang lahat ng ibang mga bansa. Buong kayabangan nilang ipinagmalaki na ang darating na Mesiyas ay isang hari, na magpapasuko sa lahat Niyang mga kaaway, at dudurog o yuyurak sa mga bansang di-kumikilala sa Diyos na Kaniyang kinapopootan. Ito nga ang ikinagalit ng kanilang mga pinuno. Dahil sa mali nilang pagpapakilala sa layunin ni Kristo, binalak ni Satanas na maipahamak ang Tagapagligtas; nguni't hindi ito ang nangyari, kundi ang sarili rin nila ang kanilang ipinahamak. BB 69.1

Ang katampalasang ito ni Herodes ay isa sa mga huling gawa niya na nagpasama sa kaniyang paghahari. Hindi nagluwat pagkaraan ng paglipol na ito sa mga walangmalay na sanggol, ay napilitan siyang sumuko sa kapalarang hindi maiiwasan. Namatay siya ng isang nakasisindak na kamatayan. BB 69.2

Si Jose, na nang panahong ito ay nasa Ehipto pa, ay pinagsabihan ng anghel ng Diyos na bumalik na sa lupain ng Israel. Dahil sa pagkakilala ni Jose na si Jesus ay siyang tagapagmana ng luklukan ni David, hinangad niyang manahan sa Bethlehem; nguni't nang mabalitaan niyang si Archelaus ang naghahari sa Judea na kahalili ng ama niyang si Herodes, ay nangamba siyang baka ipagpatuloy ng anak ang buktot na balak ng ama laban kay Kristo. Sa lahat ng mga anak ni Herodes, ay si Archelaus ang kahawig na kahawig ng ama sa likas. Pag-upung-pag-upo niya sa trono ng pamamahala ay nagkaroon agad ng gulo sa Jerusalem, at libu-libong mga Hudyo ang pinuksa ng mga kawal Romano. BB 69.3

Muli na namang pinagsabihan si Jose na tumungo sa isang pook na tiwasay. Nagoalik siya sa Nazareth,na dati niyang bayan, at dito nanirahan si Jesus sa loob ng tatlumpung taon, “upang matupad ang sinalita ng mga propeta, Siya'y tatawaging Nasareno.” Ang Galilea noon ay pinamumunuan din ng isang anak ni Herodes, nguni't doo'y tumitira ang lalong maraming halu-halong lahi kaysa sa Judea. Kaya doon ay hindi gasinong inaasikaso ang mga suliraning may kaugnayan sa mga Hudyo, at ang mga sasabihin ni Jesus ay hindi gaanong kaiinggitan o paghihinalaan ng mga nasa kapangyarihan. BB 70.1

Gayon ang pagtanggap na ginawa sa Tagapagligtas nang Siya'y manaog dito sa lupa. Wari'y walang dakong tahimik o tiwasay para sa Sanggol na Manunubos. Hindi maipagkatiwala ng Diyos sa mga tao ang Kaniyang sinisintang Anak, bagama't ang itinataguyod Niya ay ang kanilang ikaliligtas. Nagbilin Siya sa mga anghel na bantayan si Jesus at ipagsanggalang Siya hanggang sa maganap Niya ang Kaniyang layunin sa lupa, at mamatay sa mga kamay niyaong pinarituhan Niya upang iligtas. BB 70.2