Bukal Ng Buhay
Kabanata 51—Ang Ilaw ng Kabuhayan
Ang kabanatang ito ay batay sa Juan 8:12-59; 9.
“Nang magkagayo'y nagsalitang muli sa kanila si Jesus, na sinasabi, Ako ang Ilaw ng sanlibutan: ang sumusunod sa Akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.” BB 665.1
Nang bigkasin ni Jesus ang mga salitang ito, Siya ay nasa patyo ng templo, na tangi nang pinagdarausan ng Kapistahan ng mga Balag. Sa gitna ng patyong ito ay may dalawang matataas na watawat, na kinabibitinan ng malalaking kandelero. Pagkatapos ng paghahandog sa hapon, sinisindihan na ang lahat ng ilawan, na nililiwanagan ang buong Jerusalem. Ang seremonyang ito ay bilang pag-alaala sa haliging apoy na pumatnubay sa Israel nang maglakbay sila sa ilang, at ipinalalagay ring tumuturo sa pagdating ng Mesiyas. Sa gabi pagka nasindihan na ang mga ilawan, ang patyo ay nagiging isang tagpo ng dakilang pagkakatuwaan. Mga lalaking ubanin, mga saserdote ng templo at mga pinuno ng bayan, ay sama-samang nagsisipagsayaw ng sayaw ng pista sa saliw ng tugtog ng mga instrumento at ng awit ng mga Levita. BB 665.2
Ang paglaganap ng liwanag sa Jerusalem, ay nagpapahayag ng pag-asa ng bayan na kapag dumating na ang Mesiyas ay Siya ang magsasabog ng Kaniyang liwanag sa buong Israel. Nguni't sa ganang kay Jesus, ito ay may lalong malawak na kahulugan. Kung paanong ang lahat ay nililiwanagan ng nagniningning na mga kandelero ng templo, gayundin naman si Kristo, na pinagbubuhatan ng espirituwal na liwanag, ay siyang tumatanglaw sa kadiliman ng sanlibutan. Gayon pa man, kulang pa rin ang sagisag. Yaong malaking tanglaw na sarili Niyang kamay ang naglagay sa mga langit ay siyang lalong angkop o tunay na kinatawan ng kaluwalhatiian ng Kaniyang misyon. BB 665.3
Umaga noon, kapapamitak pa lamang ng araw sa ibabaw ng Bundok ng mga Olibo, at ang liwanag nitong nakasisilaw sa mata ay tumatama sa mga palasyong marmol, at pinakikislap ang gintong nakakalupkop sa mga pader ng templo, nang kaginsa-ginsa'y itinuro ito ni Jesus at sinabi, “Ako ang Ilaw ng sanlibutan.” BB 666.1
Mga pangungusap itong napakinggan at pagkaraan ng maluwat na panahon ay muling inulit sa dakilang pahayag na, “Nasa Kaniya ang buhay; at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao. At ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman; at ito'y hindi napag-unawa ng kadiliman.” “Iyan ang tunay na ilaw, na lumiliwanag sa bawa't tao na pumaparito sa sanlibutan.” Juan 1:4, 5, 9. At maka raan ang malaong panahong si Jesus ay nakaakyat sa langit, ay inulit din ni Pedro, sa pagkasi sa kaniya ng Espiritu Santo, ang sagisag na ginamit ni Kristo, na aniya: “Mayroon kaming lalong panatag na salita ng hula; na mabuti ang inyong ginagawa, kung ito'y inyong sinusundan na gaya ng isang ilawang lumiliwanag sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukang-liwayway, at ang tala sa umaga ay sumilang sa inyong mga puso.” 2 Pedro 1:19. BB 666.2
Sa pagpapakita ng Diyos sa Kaniyang bayan, ay liwanag ang lagi Niyang ginagamit na sagisag ng Kaniyang pakikiharap. Nang simulan ang paglalang, sa utos ng Diyos ay lumitaw ang liwanag buhat sa kadiliman. Liwanag ang lumukob sa haliging alapaap kung araw at sa haliging apoy kung gabi, na umakay sa malalaking hukbo ng Israel. Liwanag ang nagliyab na may kakilakilabot na kaningningan sa palibot ng Panginoon sa Bundok ng Sinai. Liwanag ang namahinga sa ibabaw ng luklukan ng awa sa tabernakulo. Liwanag ang pumuno sa templo ni Salomon nang iyon ay italaga. Liwanag ang sumilang sa mga gulod ng Bethlehem nang ang balita ng pagtubos ay dalhin ng mga anghel sa mga pastor na nagpupuyat sa kawan. BB 666.3
Ang Diyos ay liwanag; at nang sabihin ni Kristo, “Ako ang ilaw ng sanlibutan,” ay ipinahayag Niya ang Kaniyang pakikipagkaisa sa Diyos, at ang Kaniyang pakikisama o pagkakaugnay sa buong sambahayan ng mga tao. Siya nga ang nang pasimula ay “nagpalitaw ng liwanag buhat sa kadiliman.” 2 Corinto 4:6. Siya ang liwanag ng araw at ng buwan at ng mga bituin. Siya ang espirituwal na liwanag na sumikat sa Israel sa pamamagitan ng sagisag at anyo at hula. Nguni't hindi lamang sa bansang Hudyo ibinigay ang liwanag. Kung paanong ang mga sinag ng araw ay nakapaglalagos hanggang sa kaliblibliblibang mga sulok ng lupa, gayundin ang liwanag ng Araw ng Katwiran ay sumisilang sa bawa't kaluluwa. BB 667.1
“Siya ang tunay na ilaw, na lumiliwanag sa bawa't taong naparirito sa sanlibutan.” Ang sanlibutan ay nagkaroon ng kaniyang mga dakilang guro, mga taong higante ang isip at kamangha-mangha ang pang-unawa, mga taong ang mga pangungusap ay pinag-aralang masinop, at nagbukas ng malalawak na sangay ng karunungan; at ang mga taong ito ay pinarangalan bilang mga patnubay at mga tagapagpala ng kanilang lahi. Nguni't mayroong Isa na lalong mataas kaysa kanila. “Lahat ng sa Kaniya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban Niya sila ng karapatang maging mga anak ng Diyos.” “Walang taong nakakita kailanman sa Diyos, ang bugtong na Anak na nasa sinapupunan ng Ama, Siya ang nagpakilala sa Kaniya.” Juan 1:12, 18. Maiisa-isa natin ang mahabang talaan ng mga dakilang guro ng sanlibutan na iniuulat ng kasaysayan; nguni't ang Liwanag ay una pa sa kanila. Kung paanong ang buwan at mga bituin ng sistema solar ay lumiliwanag sa pamamagitan ng liwanag na hinihiram sa araw, gayundin ang mga dakilang palaisip ng sanlibutan ay humihiram lamang sa Araw ng Katuwiran, habang ang kanilang itinuturo ay tunay. Bawa't hiyas ng isipan, bawa't kislap ng talino, ay galing sa Ilaw ng sanlibutan. Sa mga araw na ito ay madalas nating marinig ang tinatawag na “lalong mataas na karunungan.” Ang tunay na “lalong mataas na karunungan” ay yaong ibinibigay ng “kinatataguan ng lahat ng mga kayamanan ng karunungan at kaalaman.” “Nasa Kaniya ang buhay; at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao.” Colosas 2:3; Juan 1:4. “Ang sumusunod sa Akin,” wika ni Jesus, “ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.” BB 667.2
Sa mga salitang, “Ako ang Ilaw ng sanlibutan,” ay ipinakilala ni Jesus na Siya ang Mesiyas. Sa loob ng templong ngayon ay pinagtuturuan ni Kristo, ay dito nagsalita ang matandang si Simeon tungkol sa Kaniya, na Siya ang “ilaw na tatanglaw sa mga Hentil, at ang kaluwalhatian ng Iyong bayang Israel.” Lukas 2:32. Sa mga salitang ito ay ikinakapit ni Simeon kay Kristo ang isang hula na alam ng buong Israel. Sa pamamagitan ni propeta Isaias ay nagsalita ang Espiritu Santo, “Magaan ang bagay na Ikaw ay naging Aking lingkod upang ibangon ng mga lipi ni Jacob, at isauli ang iningatan ng Israel: Ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga Hentil, upang Ikaw ay maging Aking kaligtasan hanggang sa wakas ng lupa.” Isaias 49:6. Ang hulang ito ay karaniwan nang nangangahulugang sinalita ng Mesiyas, at nang sabihin ni Jesus, “Ako ang Ilaw ng sanlibutan,” ay di-mapigil ng mga tao na kilalanin ang Kaniyang pahayag na Siya nga ang Ipinangako. BB 668.1
Sa ganang mga Pariseo at mga pinuno, ang pahayag na ito ay isang paghahambog. Hindi nila mapahihintulutan na ang isang taong tulad nila ay magbansag nang gayon. Waring di-pinapansin ang Kaniyang mga salita, sila'y nag-usisa,“Sino Ka baga?” Ibig nilang piliting Siya ang magsabing Siya ang Kristo. Ang Kaniyang ayos at ang Kaniyang gawain ay ibang-iba sa mga inaasahang makita ng mga tao, na anupa't, gaya ng paniniwala ng Kaniyang tusong mga kaaway, kung tuwiran Niyang ipapahayag na Siya nga ang Mesiyas, ay Siya'y tatanggihan bilang isang mapagkunwari o bulaan. BB 669.1
Datapwa't sa tanong nilang, “Sino Ka baga?” ay sumagot si Jesus ng, “Iyon ding sinalita Ko sa inyo buhat pa nang una.” Juan 8:25. Yaong nahayag sa Kaniyang mga salita ay siya ring nahayag sa Kaniyang likas. Siya ang kabuuan ng mga katotohanang Kaniyang itinuro. “Wala Akong ginagawa ng sa ganang Aking sarili,” patuloy Niya; “kundi kung ano ang itinuro sa Akin ng Aking Ama, yaon ang mga bagay na Aking sinasalita. At ang nagsugo sa Akin ay kasama Ko: hindi Ako iniwang nag-iisa ng Ama; sapagka't lagi Kong ginagawa ang mga bagay na nakalulugod sa Kaniya.” Hindi na Niya tinangkang patunayan na Siya nga ang Mesiyas, kundi ipinakilala Niya ang Kaniyang pakikipagkaisa sa Diyos. Kung naging bukas lamang ang kanilang mga isip sa pag-ibig ng Diyos, tinanggap sana nila si Jesus. BB 669.2
Sa gitna ng mga nakikinig sa Kaniya ay marami ang napalapit sa Kaniya sa pananampalataya, at sa kanila'y ganito ang sinabi Niya, “Kung kayo'y mananatili sa Aking salita, kayo nga'y mga alagad Kong tunay; at makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” BB 669.3
Ang mga salitang ito ay ikinapoot ng mga Pariseo. Inalintana nila ang malaon nilang pagkaalipin sa ibang bansa, at pagalit silang sumigaw, “Kami ay mga lahi ni Abraham, at di-kailanman naalipin ng sinuman: bakit nga sinasabi Mo, Kayo ay gagawing malaya?” Minasdan ni Jesus ang mga taong ito, na mga alipin ng hinala, na ang mga isip ay gumon sa paghihiganti, at Siya'y malungkot na sumagot, “Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Sinumang gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan.” Sila'y nasa pinakamasamang uri ng pagkaalipin—na pinagpupunuan ng diwa ng masama. BB 669.4
Bawa't kaluluwang tumatangging pasakop sa Diyos ay sumasailalim ng pagpupuno ng ibang kapangyarihan. Hindi siya sa kaniyang sarili. Maaaring siya'y nagsasalita tungkol sa kalayaan, nguni't siya ang nasa pinakaimbing pagkabusabos. Hindi siya tinutulutang kaniyang makita ang kagandahan ng katotohanan, sapagka't ang isip niya ay nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Bagama't ipinagyayabang niyang siya'y sumusunod sa mga udyok ng kaniyang sariling kalooban, gayunma'y tinatalima niya ang kalooban ng prinsipe ng kadiliman. Kaya naparito si Kristo ay upang lansagin ang tanikala ng pang-aalipin ng kasalanan na gumagapos sa kaluluwa. “Kung kayo nga'y palalayain ng Anak, kayo'y magiging malalayang tunay.” “Ang kautusan ng Espiritu ng buhay na na kay Kristo Jesus” ay pinalalaya tayo “sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.” Roma 8:2. BB 670.1
Sa gawain ng pagtubos ay walang ginagamit na pamimilit. Hindi ito ginagamitan ng anumang lakas na panlabas. Sa tulong ng Espiritu ng Diyos, malayang makapamimili ang tao kung sino ang kaniyang paglilingkuran. Sa pagbabagong nagaganap sa tao pagka isinusuko niya ang kaniyang kaluluwa kay Kristo, ay naroon ang lubos na pagkadama ng kalayaan. Ang pagwawaksi ng kasalanan ay sariling gawa ng kaluluwa. Totoo ngang wala tayong lakas na makawala sa kontrol ni Satanas; subali't kapag hinahangad nating makalaya sa kasalanan, at sa matindi nating paghahangad ay dumating tayo sa Diyos at humingi ng kapangyarihang hiwalay at malakas kaysa ating sarili, ang lakas ng kaluluwa ay napupuspos ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, at ito ay tumatalima sa mga iniuudyok ng kalooban ng Diyos. BB 670.2
Ang tanging kondisyong ikaaaring malaya ng isang tao ay ang siya'y maging kaisa ni Kristo, “Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo;” at si Kristo ang katotohanan. Makapagwawagi lamang ang kasalanan kung mapahihina ang isip, at masisira ang kalayaan ng kaluluwa. Ang pagsuko sa Diyos ay pananauli sa sarili—sa tunay sa kaluwalhatian at karangalan ng tao. Ang kautusan ng Diyos, na ating sinusukuan, ay siyang “kautusan ng kalayaan.” Santiago 2:12. BB 671.1
Ipinahayag ng mga Pariseo na sila ang mga anak ni Abraham. Sinabi ni Jesus sa kanila na ang ganito nilang inaangkin ay mapatutunayan lamang kung ginagawa nila ang mga gawa ni Abraham. Ang mga tunay na anak ni Abraham ay mamumuhay ng gaya ng buhay ni Abraham, isang kabuhayang tumatalima sa Diyos. Hindi nila pagsisikapang patayin ang Isa na nagsasalita ng katotohanang buhat sa Diyos. Sa pagsasabuwatan nila laban kay Kristo, ang mga rabi ay hindi gumagawa ng mga gawa ni Abraham. Ang pagiging-galing sa lahi ni Abraham ay walang halaga. Kung wala ang espirituwal na pagkakaugnay sa kaniya, na ito'y makikita sa pagkakaroon ng diwa at mga gawa ni Abraham, sila'y hindi niya mga anak. BB 671.2
Ang simulaing ito ay siya ring gumagalaw sa suliraning malaon nang lumiligalig sa sanlibutang Kristiyano—ang suliranin ng paghahali-halili ng mga apostol. Ang pagiging-buhat-sa-angkan ni Abraham ay mapatutunayan, hindi sa pangalan ni sa lahi man, kundi sa pagiging-katulad ng likas. Gayundin naman, ang paghahalihalili ng mga apostol ay hindi nasasalig sa pagsasalinsalin ng kapangyarihang pansimbahan o kapangyarihang eklesiyastiko, kundi sa kaugnayang espirituwal. Ang kabuhayang kinilos ng diwa ng mga apostol, ang paniniwala at pagtuturo ng katotohanang kanilang itinuro, ito ang tunay na katibayan ng pagiging Ikahalili ng mga apostol. Ito ang ibig sabihin ng maging mga kahalili ng unang mga tagapagturo ng ebanghelyo. BB 671.3
Itinatuwa ni Jesus na ang mga Hudyo ay mga anak ni Abraham. Sinabi Niya, “Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.” May pangungutyang sila'y nagsisagot, “Kami ay mga hindi anak sa pakikiapid; may isa kaming Ama, ang Diyos.” Ang mga salitang ito ay isang parunggit nila sa pagkapanganak kay Jesus, at kanilang sinabi sa harap ng mga nagsisimulang maniwala sa Kaniya upang Siya'y siraan. Hindi pinansin ni Jesus ang hamak na parunggit, sa halip ay sinabi Niya, “Kung ang Diyos ang siya ninyong Ama, ay iibigin ninyo Ako: sapagka't Ako'y nagbuhat at nanggaling sa Diyos.” BB 672.1
Ang kanilang mga gawa ay nagpatunay na sila'y mga kamag-anak niyaong sinungaling at mamamatay-tao. “Kayo'y sa inyong amang diyablo, at ang mga nasa ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa nang pasimula, at hindi tumatayo sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya. ... Dahil sa sinasabi Ko ang katotohanan, ay hindi kayo sumasampalataya sa Akin.” Juan 8:44, 45, R.V. Ang pagsasabi ni Jesus ng katotohanan, at nang may katiyakan, ay siyang dahilan kaya hindi Siya tinanggap ng mga pinuno ng mga Hudyo. Katotohanan ang nagpagalit sa nagbabanal-banalang mga taong ito. Inihayag ng katotohanan ang kabulaanan ng kamalian; hinatulan nito ang kanilang turo at gawain, kaya hindi nila matanggap. Sa ganang kanila'y mabuti pa ang magbulagbulagan sa katotohanan kaysa magpakumbaba at amining sila'y namamali. Hindi nila iniibig ang katotohanan. Ayaw nila nito, kahit na ito ang katotohanan. BB 672.2
“Sino sa inyo ang makasusumbat sa Akin tungkol sa kasalanan? (Revised Version) At kung ang sinasabi Ko sa inyo ay katotohanan, bakit hindi kayo sumasampalataya sa Akin?” Tatlong taong singkad na araw-araw ay sinundan-sundan si Kristo ng Kaniyang mga kaaway, sa pagsisikap na makakita ng maipupula sa Kaniyang likas. Mapilit na pinagsikapan ni Satanas at ng buong hukbo ng mga demonyo na Siya'y madaig; nguni't wala silang nasilip na isa mang kapintasan sa Kaniya. Pati mga demonyo ay napilitang magsiaming, “Ikaw ang Banal ng Diyos.” Marcos 1:24. Isinakabuhayan ni Jesus ang kautusan sa paningin ng langit, sa paningin ng mga sanlibutang di-nagkasala, at sa paningin ng mga taong salarin. Sa harap ng mga anghel, mga tao, at mga demonyo, ay nagsalita Siya ng mga pangungusap na di-mapasisinungalingan ninuman, mga salitang kung sa ibang bibig namutawi ay magiging pamumusong: “Palagi Kong ginagawa ang mga bagay na nakalulugod sa Kaniya.” Ang katunayan na si Kristo'y ayaw tanggapin ng mga Hudyo bagama't wala silang masilip na anumang kasalanan sa Kaniya, ay nagpapakilalang wala silang anumang kaugnayan sa Diyos. Hindi nila nakilala ang Kaniyang tinig sa pabalita ng Kaniyang Anak. Inakala nilang hinahatulan nila si Kristo; nguni't ang totoo sa pagtanggi nila sa Kaniya ay hinahatulan nila ang kanilang mga sarili. “Ang sa Diyos,” sabi ni Jesus, “ay nakikinig ng mga salita ng Diyos: kayo nga ay hindi nangakikinig, sapagka't kayo ay hindi sa Diyos.” BB 673.1
Ang aral na makukuha ay kapit sa buong panahon. Marami ang natutuwang manuligsa, manuya at manuri sa anumang bagay sa salita ng Diyos, sa pag-aakalang dito'y ipinakikilala niyang siya'y matalino at walang kinikilingan. Ipinalalagay niyang siya ay hukom at nilalapatan niya ng hatol ang Biblia, nguni't sa katotohanan ay hinahatulan niya ang kaniyang sarili. Inihahayag niyang di niya kayang pahalagahan ang mga katotohanang bigay ng langit at sumasaklaw sa panahong walanglianggan. Sa harap ng di-matingkalang katwiran ng Diyos, ay hindi nangingimi at nanliliit ang kaniyang diwa. Abalang-abala siya sa paghanap ng mga yagit at mga dayami, at dito'y ipinakikilala niyang siya'y may likas na makasarili at makalupa, at isang pusong mabilis na nawawalan ng pagpapahalaga sa Diyos. Ang taong may pusong tumutugon sa tawag ng Diyos ay magsisikap na. humanap ng mga pagkakataong magpapalawak ng pagkakilala niya sa Diyos, at magpapakinis at magpapadakila sa kaniyang likas. Kung paanong ang bulaklak ay humaharap sa araw, upang paghalik ng maliliwanag na sinag ay madampulayan ito ng sari-saring magagandang kulay, gayundin haharap ang kaluluwa sa Araw ng Katwiran, upang ang likas ay mapaganda ng liwanag ng langit sa pamamagitan ng mga biyaya ng likas ni Kristo. BB 673.2
Ipinagpatuloy ni Jesus ang paliwanag, na inilalarawan ang pagkakaiba ng paniniwala ng mga Hudyo at ni Abraham: “Natuwa ang inyong amang si Abraham na makita ang Aking araw: at nakita nga niya, at nagalak.” BB 674.1
Mahigpit na minithi ni Abraham na makita ang ipinangakong Tagapagligtas. Nagpailanlang siya ng lubhang maalab na mga dalangin na bago man lamang siya pumanaw ay makita sana niya ang Mesiyas. At nakita nga niya ang Kristo. Isang di-pangkaraniwang liwanag o pagkakilala ang ibinigay sa kaniya, at kinilala niya ang likas na pagka-Diyos ni Kristo. Nakita niya ang araw ni Kristo at siya'y nagalak. Ipinatanaw sa kaniya ang paghahain ng Diyos patungkol sa kasalanan. Tungkol sa paghahaing ito ay nagkaroon siya ng halimbawa sa kaniyang sariling karanasan. Dumating sa kaniya ang utos, “Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal, ...,at ihain mo siyang ... isang handog na susunugin.” Genesis 22:2. ipinatong niya ang anak sa pangako sa ibabaw ng dambanang sunugan, ang anak na kinatutuunan ng lahat niyang pag-asa. At samantalang siya'y nakatayo sa tabi ng dambana na nakataas ang kamay upang sundin ang bilin ng Diyos, ay narinig niya ang isang tinig buhat sa langit na nagsasabi, “Huwag mong pagbuhatan ng kamay ang bata, ni huwag mo siyang gawan ng anuman: sapagka't talastas ko ngayon na ikaw ay natatakot sa Diyos, sa paraang hindi mo ikinait sa Akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak.” Genesis 22:12. Ang kakila-kilabot na pagsubok na ito ay ipinataw kay Abraham upang makita niya ang kaarawan ni Kristo, at madama o mapagtanto ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, isang pag-ibig na napakadakila na anupa't upang maibangon ang sanlibutan sa kaaba-abang kalagayan nito, ay kinailangang ibigay Niya ang Kaniyang bugtong na Anak sa kahiya-hiyang kamatayan. BB 674.2
Itinuro ng Diyos kay Abraham ang pinakadakilang aral na ibinigay sa tao kailanman. Ang kaniyang dalangin na makita muna niya ang Kristo bago siya mamatay ay ipinahintulot. Nakita niya si Kristo; nakita niya ang lahat ng maaaring makita ng tao at mabuhay pa. Sa pamamagitan ng lubos na pagpapasakop sa Diyos, nangyaring naabot ng kaniyang unawa ang pangitaing ibinigay sa kaniya tungkol kay Kristo. Ipinakita sa kaniya na sa pagbibigay ng Diyos ng Kaniyang bugtong na Anak upang iligtas ang mga makasalanan sa kapahamakang walang-hanggan, ay gumawa ang Diyos ng isang paghahandog na lalong malaki at lalong kahanga-hanga kaysa magagawa ng sinumang tao. BB 676.1
Ang karanasan ni Abraham ay sagot sa katanungang: “Ano ang aking ilalapit sa harap ng Panginoon, at iyuyukod sa harap ng mataas na Diyos? Paroroon baga ako sa harap Niya na may mga handog na susunugin, na may guyang isang taon ang gulang? Kalulugdan baga ng Panginoon ang mga libu-libong tupa, o ang mga sampu-sampung libong ilog ng langis? Ibibigay ko baga ang aking panganay dahil sa aking pagsalansang, ang bunga ng aking katawan dahil sa kasalanan ng aking kaluluwa?” Mikas 6:6, 7. Sinabi ni Abraham, “Anak ko, Diyos ang maghahanda ng korderong handog na susunugin” (Genesis 22:8), at nang ilaan ng Diyos ang isang haing kahalili ni Isaac, ay ipinahayag na walang taong makatutubos sa kaniyang sarili. Ang paraan ng paghahandog ng mga pagano ay ganap na hindi tinatanggap ng Diyos. Walang amang maghahandog ng kaniyang anak na lalaki o anak na babae na pinakahandog patungkol sa kasalanan. Anak ng Diyos lamang ang makapagdadala ng kasalanan ng sanlibutan. BB 676.2
Sa pamamagitan ng sariling hirap na kaniyang binata, ay natanaw ni Abraham ang misyon ng sakripisyo ng Tagapagligtas. Nguni't tumanggi ang Israel na unawain ang bagay na di-minamasarap ng kanilang mga palalong puso. Ang mga salita ni Kristo tungkol kay Abraham ay walang inihatid na malalim na kahulugan sa mga nakikinig sa Kaniya. Itinuring ng mga Pariseo na ito'y bago na namang paksang ipangungutya. Sumagot silang may paglibak, na para bagang mapatutunayan nilang si Jesus ay nababaliw, “Wala Ka pang limampung taong gulang, at nakita Mo na si Abraham?” BB 677.1
May solemneng karangalang sumagot si Jesus, “Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Bago si Abraham ay AKO NGA.” BB 677.2
Katahimikan ang lumukob sa malaking karamihan. Ang pangalan ng Diyos, na sinabi kay Moises na nagpapahayag ng walang-hanggang pakikiharap, ay inangkin ng Rabing Galileong ito. Itinanyag Niya na Siya iyong Isa na may-buhay sa sarili, na Siya ang ipinangako sa Israel, na “ang pinagbuhatan ay mula nang una, mula nang walang-hanggan.” Mikas 5:2. BB 677.3
Muling nagsigawan ang mga saserdote at mga rabi na si Jesus ay isang mamumusong. Ang Kaniyang pag-aangkin na Siya'y kaisa ng Diyos ay nag-udyok sa kanila na kitlin ang Kaniyang buhay, at makaraan ang ilang buwan ay malinaw nilang sinabi, “Hindi dahil sa mabuting gawa ay binabato ka namin, kundi sa pamumusong; at sapagka't ikaw, bagaman ikaw ay tao, ay nagpapakunwari kang Diyos.” Juan 10:33. Sapagka't Siya'y Anak ng Diyos, at pinatutunayan Niyang Siya'y gayon nga, sila'y mapilit na patayin Siya. Ngayo'y nagsidampot ng bato ang marami sa mga taong nakikipanig sa mga saserdote at mga rabi upang ipukol sa Kaniya. “Nguni't nagkubli si Jesus at lumabas sa templo, na nagdaan sa gitna nila, at yumaon.” BB 678.1
Ang Ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman; nguni't “hindi ito napagkikilala ng kadiliman.” Juan 1:5, R.V. BB 678.2
“Pagdaraan ni Jesus, nakita Niya ang isang lalaking bulag na buhat sa pagkapanganak. At tinanong Siya ng Kaniyang mga alagad, na sinasabi, Panginoon, sino ba ang nagkasala, ang taong ito, o ang kaniyang mga magulang, kaya siya ipinanganak na bulag? Sumagot si Jesus, Hindi sa nagkasala ang taong ito, ni ang kaniyang mga magulang man: kundi upang mahayag sa kaniya ang mga gawa ng Diyos. ... Nang masalita Niya ang ganito, dumura Siya sa lupa at pinapagputik, at ipinahid Niya ang putik sa mga mata ng lalaking bulag, at sinabi dito, Yumaon ka, at maghugas ka sa tangke ng Siloam (na ang kahulugan ay, Sinugo). Kaya't siya'y yumaon at naghugas, at bumalik na nakakakita.” BB 678.3
Pinaniniwalaan ng lahat ng mga Hudyo na ang kasalanan ay pinarurusahan na sa buhay na ito. Bawa't sakit ay itinuturing na isang parusa sa pagkakamaling ginawa ng may-katawan o ng pagsuway sa kautusan ng Diyos, nguni't ang katotohanang ito ay isininsay. Si Satanas, na pasimuno ng kasalanan at ng mga ibinunga nito, ay inakay ang mga tao na kilalaning ang sakit at kamatayan ay buhat sa Diyos—na ito'y pinararating ng Diyos sa mga tao na pinakaparusa sa kanilang kasalanan. Dahil dito, ang sinumang datnan ng malaking kapighatian o kasakunaan ay tumatanggap ng isa pang karag dagang pula na siya'y ituring na isang dakilang makasalanan. BB 678.4
Sa ganitong paraan nahanda ang daan upang itakwil ng mga Hudyo si Jesus. Siya “na nagdala ng lahat nating mga kapighatian, at nagpasan ng ating mga kalungkutan” ay ipinalagay ng mga Hudyo na “pinarusahan, hinampas ng Diyos, at dinalamhati;” at ikinubli nila sa Kaniya ang kanilang mga mukha. BB 679.1
Nagbigay ang Diyos ng aral upang ito'y maiwasan. Ang kasaysayan ni Job ay nagturo na ang pagkakasakit ay gawa ni Satanas, nguni't pinipigil ng Diyos sapagka't Siya'y naaawa. Datapwa't hindi naunawaan ng Israel ang aral. Ang pagkakamali ring ito na isinuwat ng Diyos sa mga kaibigan ni Job ay inulit ng mga Hudyo nang itakwil nila si Kristo. BB 679.2
Ang paniniwala ng mga Hudyo tungkol sa pagkakaugnay-ugnay ng kasalanan at ng pagkakasakit ay siya ring paniniwala ng mga alagad ni Kristo. Bagama't isinaayos ni Jesus ang ganito nilang pagkakamali, hindi naman Niya ipinaliwanag ang pinagbubuhatan ng pagkakasakit, kundi sinabi na lamang sa kanila ang ibubunga. Dahil nga rito ay mahahayag ang mga gawa ng Diyos. “Habang Ako ay nasa sanlibutan,” sabi Niya, “Ako ang Ilaw ng sanlibutan.” At nang mapahiran na Niya ang mata ng lalaking bulag, inutusan Niya itong maghugas sa tangke ng Siloam, at nagbalik ang paningin ng lalaki. Sa ganitong paraan sinagot ni Jesus ang tanong ng mga alagad sa kanilang pag-uusisa. Hindi na kinailangan pang ipaliwanag kung sino ang nagkasala o hindi nagkasala, kundi unawain ang kapangyarihan at awa ng Diyos sa pagkakaloob ng paningin sa bulag. Maliwanag na walang bisang nagpapagaling ang putik, o ang tangkeng pinaghugasan ng bulag, kundi ang bisa ay na kay Kristo. BB 679.3
Hindi napigil ng mga Pariseo ang sarili nila na hangaan ang pagkakapagpagaling. Gayunma'y lalo pa silang nalipos ng pagkagalit; sapagka't ang kababalaghan ay ginawa sa araw ng Sabbath. BB 680.1
Ang mga kapitbahay ng binata, at ang mga nakakakilala sa kaniya noong siya'y bulag pa, ay nagsipagsabi, “Hindi ba ito yaong dating nauupo at nagpapalimos?” Pinag-alinlanganan nila siya; sapagka't nang madilat na ang kaniyang mga mata ay nabago't nagliwanag ang kaniyang mukha, at nagmukha siyang ibang tao. Nagtanung-tanungan ang mga tao. May nagsabi, “Ito nga siya;” ang wika naman ng iba, “Kahawig lamang niya.” Nguni't siya na tumanggap ng malaking pagpapala ay siya na ring nagpatunay, “Ako nga.” Saka niya ibinalita si Jesus, at kung paano siya pinagaling, at sila'y nangagtanong “Saan naroon Siya?” Sinabi niya, “Hindi ko alam.” BB 680.2
Nang magkagayo'y dinala nila siya sa harap ng kapulungan ng mga Pariseo. Dito'y muli nilang tinanong ang binata kung paano nagbalik ang kaniyang paningin. “Sinabi niya sa kanila, Nilagyan Niya ng putik ang aking mga mata, at ako'y naghugas, at ngayo'y nakakakita. Dahil dito'y sinabi ng iba sa mga Pariseo, Ang taong ito'y hindi sa Diyos, sapagka't hindi Siya nangingilin ng Sabbath.” Ang pag-asa ng mga Pariseo ay maipakikilala nila si Jesus na isang makasalanan, at samakatwid ay hindi siyang Mesiyas. Hindi nila batid na Siya na nagpagaling sa bulag ay siya ring maygawa sa Sabbath at nakaaalam ng buong utos na ito. Sa malas ay masikap na masikap sila sa pangingilin ng Sabbath, nguni't nagsisipagpanukala namang pumatay nang araw ding iyon. Gayon pa ma'y marami ang lubhang naantig nang mabalitaan ang kababalaghang ito, at sila'y naniwalang isang di-pangkaraniwang tao ang nagpamulat ng mga mata ng bulag. Bilang tugon sa paratang na si Jesus ay isang makasalanan sapagka't hindi Siya nangilin ng Sabado, ay sinabi nila, “Paano nga makagagawa ng mga gayong kababalaghan ang isang taong makasalanan?” BB 680.3
Muling nakiusap ang mga rabi sa bulag, “Anong sinasabi mo tungkol sa Kaniya, na nagpadilat ng iyong mga mata? Sinabi niya, Siya'y isang propeta.” Nang magkagayon ay ipinilit ng mga Pariseo na hindi siya ang ipinanganak na bulag at hindi siya ang pinadilat. Tinawag nila ang kaniyang mga magulang, at tinanong sila, “Ito nga ba ang inyong anak na sinasabi ninyong ipinanganak na bulag?” BB 681.1
Naroon ang lalaking umaamin na siya'y naging bulag, at ngayo'y pinagaling; nguni't ibig pa ng mga Pariseong tanggihan ang nakikita ng kanilang mga mata kaysa amining sila'y namamali. Napakamakapangyarihan ng maling-pagkakilala, at napakaliko ng katwiran ng mga Pariseo. BB 681.2
May isang pag-asang natitira pa sa mga Pariseo, at iyan ay ang takutin ang mga magulang ng lalaki. Waring may katapatang sila'y nagtanong, “Paanong siya'y nakakakita ngayon?” Natakot ang mga magulang na magsabi ng katotohanan; sapagka't naibalita na, na sinumang kumilalang si Jesus ay siyang Kristo ay “palalayasin sa sinagoga;” na ang ibig sabihin ay eskomulgado sa sinagoga sa loob ng tatlumpung araw. Sa buong panahong iyan ay walang sanggol na matutuli ni walang patay na matatangisan sa tahanan ng nagkasala. Ang parusa ay itinuturing na isang mabigat na kapahamakan; at kung ito'y hindi pa makapagpabago o makagawa ng pagsisisi, ay lalo pang mabigat na parusa ang susunod. Ang malaking kababalaghang ginawa sa kanilang anak ay nagbigay sa mga magulang ng malaking paniniwala, gayunma'y sila'y sumagot, “Alam naming ito ay aming anak, at siya'y ipinanganak na bulag: nguni't kung paanong siya'y nakakakita o kung sino ang nagpadilat sa kaniya, ay hindi namin alam: may gulang na siya; siya ang inyong tanungin; may kaya siyang magsalita para sa kaniyang sarili.” Sa ganito inilipat nila ang buong kapanagutan sa kanilang anak; sapagka't wala silang lakas ng loob na lantarang kilalanin si Kristo. BB 681.3
Ang kagipitang kinalalagyan ng mga Pariseo, ang kanilang pag-aalinlangan at hinala, at ang kanilang di-paniniwala sa tunay na mga nangyari, ay nagpamulat sa mga paningin ng karamihan, lalo na ng mga karaniwang tao. Madalas gawin ni Jesus ang Kaniyang mga kababalaghan sa hayag na daan, at ito'y laging sa hangad na magbigay ng ginhawa. Ang katanungang nasa isip ng marami ay, Itutulot kaya ng Diyos na isang manghuhuwad ang gumawa ng gayong mga dakilang kababalaghan, sapagka't ipinipilit ng mga Pariseo na si Jesus ay isa ngang manghuhuwad? Humihigpit ang pagtatalo ng magkabilang panig. BB 682.1
Napagkilala ng mga Pariseong sila na rin ang nagpapalaganap ng ginawa ni Jesus. Hindi nila maikaila ang kababalaghan. Ang bulag ay lipos ng tuwa at pasasalamat; namasdan niya ang mga kahanga-hangang bagay ng katalagahan, at nag-umapaw sa loob niya ang kasiyahan dahil sa kagandahan ng lupa at ng langit. Malaya niyang isinalaysay ang kaniyang naranasan, at muli nilang sinaway siya, na sinasabi, “Purihin mo ang Diyos: alam naming ang Taong ito ay makasalanan.” Ang ibig nilang sabihin ay, Huwag mo nang sabihing ang Taong ito ang nagsauli ng iyong paningin; Diyos ang may gawa niyan. BB 682.2
Tumugon ang bulag, “Kung Siya ay isang makasalanan o hindi, ay hindi ko nalalaman: isang bagay ang aking nalalaman, na dati ako'y bulag, ngayon ako'y nakakakita.” BB 682.3
Muli nga silang nagtanong, “Anong ginawa Niya sa iyo? Paano Niya pinadilat ang iyong mga mata?” Sinikap nilang siya'y lituhin sa maraming katatanong upang akalain niyang siya'y nadaya. Si Satanas at ang kaniyang masasamang anghel ay nasa panig ng mga Pariseo, at inilakip nila ang kanilang lakas at katusuhan sa pagmamatwid ng tao upang ilaban sa impluwensiya ni Kristo. Pinapanghina nila ang paniniwalang unti-unting nagtutumiim sa isip ng marami. Nguni't naroon din ang mga anghel ng Diyos upang patibayin ang loob ng lalaking sinaulian ng paningin. BB 683.1
Hindi inakala ng mga Pariseong mayroon pa silang ibang pakikitunguhan bukod sa di-nag-aral na lalaking inianak na bulag; hindi nila kilala Siya na kinakatalo nila. Liwanag na buhat sa langit ang tumanglaw sa mga silid ng kaluluwa ng lalaking bulag. Habang pinipilit ng mga mapagpaimbabaw na ito na siya'y papag-alinlanganin, tinulungan naman siya ng Diyos na maipakilala niya, sa pamamagitan ng mabisa at tiyak na mga sagot, na siya'y hindi maaaring madaya. Siya'y sumagot, “Sinabi ko na sa inyo, at hindi ninyo pinakinggan: bakit ibig ninyong pakinggang muli? Ibig ba ninyong maging mga alagad Niya? Nang magkagayo'y hinamak nila siya, at sinabi, Ikaw ang alagad Niya; nguni't kami ay mga alagad ni Moises. Alam naming ang Diyos ay nagsalita kay Moises: nguni't tungkol sa taong ito, hindi namin alam kung saan siya buhat.” BB 683.2
Alam ng Panginoong Jesus ang mahigpit na pagtatalong nangyari sa kalooban ng taong ito, at binigyan Niya ito ng biyaya at dunong sa pananalita, anupa't ito'y naging saksi para kay Kristo. Ang sagot nito sa mga Pariseo ay isang mahayap na sumbat sa mga mapag-usisang ito. Inaangkin nilang sila ang mga tagapagpaliwanag ng Kasulatan, ang mga patnubay na ukol sa relihiyon ng bansa; at gayon pa ma'y narito ang Isang gumagawa ng mga kababalaghan, at hinding-hindi nila nalalaman kung saan nagmumula ang Kaniyang kapangyarihan, at pati ng Kaniyang likas at mga inaangkin. “Ito ang nakapagtataka,” anang lalaki, “na hindi ninyo nalalaman kung saan Siya nanggaling, at pinagaling Niya ang aking mga mata. Nalalaman namin na hindi dinidinig ng Diyos ang mga makasalanan: nguni't kung ang isang tao ay mananamba sa Diyos, at ginaganap ang Kaniyang kalooban, siya'y dinidinig Niya. Narinig na ba buhat nang lalangin ang sanlibutan na napadilat ang mga mata ng isang taong ipinanganak na bulag? Kung ang Taong ito ay hindi sa Diyos, wala Siyang magagawang anuman.” BB 683.3
Hinarap ng lalaki ang mga nang-uusig sa kaniya sa sarili nilang batayan ng paniniwala. Ang kaniyang katwiran ay hindi kayang sagutin. BB 684.1
Nabalitaan ni Jesus ang nangyari; at karaka-rakang siya'y nakita ay sinabi sa kaniya, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Diyos?” BB 684.2
Sa unang pagkakataon nakita ng buiag ang mukha ng sa kaniya'y Nagpagaling. Nakita niyang bagabag at takot ang kaniyang magulang; nakasimangot ang mga rabi; ngayo'y nakatingin siya sa payapa at mapagmahal na mukha ni Jesus. Ngayon, kimkim niya ang pag-aming si Jesus ay may kapangyarihan ng Diyos at lalo pang mataas na pagkakilala ang ibinigay sa kaniya. BB 684.3
Sa tanong ng Tagapagligtas na, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Diyos?” ay sumagot ang bulag sa pamamagitan ng tanong na, “Sino Siya, Panginoon, upang ako'y sumampalataya sa Kaniya?” At sinabi ni Jesus, “Nakita mo na Siya, at ang nakikipag-usap sa iyo ay Siya nga.” Nagpatirapa ang lalaki sa paanan ng Tagapagligtas at sumamba. Hindi lamang ang mga mata niya ang naidilat, kundi nabuksan din ang mga mata ng kaniyang pag-iisip. Napakilala ang Kristo sa kaniyang kaluluwa, at tinanggap niya Siya bilang ang Isinugo ng Diyos. BB 684.4
Isang pulutong ng mga Pariseo ang nagkatipon, at nang makita sila ni Jesus ay napag-alaala Niya ang bisa ng Kaniyang mga salita at mga gawa. Ang wika Niya, “Dahil sa paghatol ay naparito Ako sa sanlibutan, upang ang di nakakakita ay makakita; at ang mga nakakakita ay mangabulag.” Naparito si Kristo upang idilat ang mga mata ng bulag, upang hatdan ng liwanag ang mga nauupo sa kadiliman. Sinabi Niyang Siya ang Ilaw ng sanlibutan, at ang kababalaghang ginawa Niya ay katunayan ng Kaniyang misyon. Ang mga taong nakakita sa Tagapagligtas noong Siya'y pumarito ay binigyan ng lalong malaking paghahayag ng pakikiharap ng Diyos kaysa tinamasa ng alinmang ibang lahi nang una. Lalong ganap na nakilala nila ang Diyos. Datapwa't sa pahayag na ito ay inilalapat sa kanila ang hatol. Ang likas nila ay sinubok, at ang kanilang kahihinatnan ay pinasiyahan. BB 685.1
Ang ipinakitang kapangyarihan ng Diyos na nagsauli sa bulag ng kaniyang paninging katutubo at paninging espirituwal, ay naglagay sa mga Pariseo sa lalong makapal na kadiliman. Ang iba sa mga nakikinig, na nag-akalang sila ang tinutukoy ni Kristo, ay nag-usisa, “Kami ba naman ay mga bulag din?” Sumagot si Jesus, “Kung kayo'y mga bulag, hindi sana kayo nagkasala.” Kung itinulot sana ng Diyos na hindi ninyo makilala ang katotohanan, ang hindi ninyo pagkaalam ay hindi magiging kasalanan. “Nguni't ngayo'y sinasabi ninyo, Kami ay nakakakita.” Naniniwala kayong kayo'y may kayang tumingin at tumanggi sa tanging paraang sa pamamagitan nito kayo ay makakakita. Sa lahat ng nakadarama ng kanilang kailangan, si Kristo'y naparitong taglay ang walang-hanggang tulong. Subali't ayaw aminin ng mga Pariseong sila'y nangangailangan; ayaw silang lumapit kay Kristo, at dahil nga rito sila'y nanganatili sa pagiging-bulag—isang pagkabulag na kanilang ipinagkasala. Sinabi ni Jesus, “Ang inyong kasalanan ay nananatili.” BB 685.2