Bukal Ng Buhay

53/89

Kabanata 52—Ang Diyos na Pastor

Ang kabanatang ito ay batay sa Juan 10:1-30.

“Ako ang Mabuting Pastor: ibinibigay ng mabuting pastor ang kaniyang buhay dahil sa mga tupa.” “Ako ang Mabuting Pastor, at nakikilala Ko ang Aking mga tupa, at nakikilala nila Ako. Kung paanong nakikilala Ako ng Ama, gayundin nakikilala Ko ang Ama: at ibinibigay Ko ang Aking buhay dahil sa mga tupa.” Muli na namang nakapasok si Jesus sa isipan ng mga nakikinig sa Kaniya sa pamamagitan ng halimbawang karaniwan sa kanilang samahan. Itinulad Niya ang impluwensiya ng Espiritu sa malamig at nakagiginhawang tubig, Inilalarawan Niya ang Kaniyang sarili na gaya ng liwanag, na bukal ng buhay at katuwaan sa tao at sa katalagahan. Ngayon naman sa pamamagitan ng larawan ng isang pastor ay inilalarawan Niya ang Kaniyang pakikisama o pagkakaugnay sa mga sumasampalataya sa Kaniya. Wala nang larawang higit na kilala ng mga nakikinig sa Kaniya kaysa rito, at ito'y magpakailanman nang ikinawing sa Kaniyang sarili ng mga salita ni Kristo. At kailanma't makikita ng mga alagad ang mga pastor na nag-aalaga ng kanilang mga tupa, ay naaalaala rin nila ang aral ng Tagapagligtas. Para nilang nakikita si Kristo sa bawa't tapat na pastor. Para rin nilang nakikita ang kanilang mga sarili sa mga walang-kaya't umaasang tupa. BB 687.1

Ang ganitong halimbawa ay ikinapit ni propeta Isaias sa misyon ng Mesiyas, sa mapang-aliw na mga pangungusap, “Oh Siyon, na nagdadala ng mabubuting balita, sumampa ka sa mataas na bundok; Oh Jerusalem, na nagdadala ng mabubuting balita, itaas mo ang iyong tinig na may kalakasan; itaas mo, huwag kang matakot; sabihin mo sa bayan ng Juda, Narito ang iyong Diyos! BB 688.1

... Pakakanin Niya ang Kaniyang kawan na gaya ng pastor: titipunin Niya ang Kaniyang mga batang tupa ng Kaniyang bisig, at dadalhin sila sa Kaniyang sinapupunan.” Isaias 40:9-11. Inawit ni David, “Ang Panginoon ang aking Pastor hindi ako mangangailangan.” Awit 23:1 At sa pamamagitan ni Ezekiel ay nagsalita ang Espiritu Santo: “Maglalagay ako ng isang Pastor sa kanila, at pakakanin Niya sila.” “Hahanapin ko ang nawala, at ibabalik ko ang iniligaw, at tatalian ang napilay, at palalakasin ang maysakit.” “Gagawa ako sa kanila ng tipan ng kapayapaan.” “At hindi na sila magiging pinakahuli sa mga bansa; ... kundi sila'y tatahang tiwasay, at walang tatakot sa kanila.” Ezekiel 34:23, 16, 25, 28. BB 688.2

Ang mga hulang ito ay ikinapit ni Kristo sa Kaniyang sarili, at ipinakilala Niya ang pagkakaiba ng Kaniyang likas at ng likas ng mga pinuno ng Israel. Isa na ang itinawalag ng mga Pariseo sa kawan, sapagka't nangahas siyang sumaksi sa kapangyarihan ni Kristo. Isang kaluluwa ang inihiwalay nila na siya namang kinakabig o inilalapit ng Tunay na Pastor sa Kaniyang sarili. Sa ginawa nilang ito ay ipinakilala nilang sila'y walang kabatid-batid sa gawaing ipinagkatiwala sa kanila, at dikarapat-dapat sa pagiging mga pastor ng kawan. Ngayon ay iniharap sa kanila ni Jesus ang pagkakaiba nila at ng Mabuting Pastor, at itinuro Niyang Siya ang tunay na tagapag-alaga ng kawan ng Panginoon. Nguni't bago Niya ginawa ito, ipinakilala muna Niya ang Kaniyang sarili sa ibang talinghaga. BB 688.3

Ang wika Niya, “Ang pumasok sa kulungan ng mga tupa na hindi nagdaraan sa pintuan, kundi umaakyat sa ibang daan, ay magnanakaw at tulisan. Nguni't ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastor ng mga tupa.” Hindi nahalata ng mga Pariseong sila ang tinutukoy ng mga salitang ito. Nang dili-dilihin nila ang kahulugan, tapatang sinabi sa kanila ni Jesus, “Ako ang Pinto: kung ang sinuman ay pumasok sa pamamagitan Ko, siya'y maliligtas, at papasok at lalabas, at makakasumpong ng pastulan. Ang magnanakaw ay hindi pumapasok kundi upang magnakaw, at pumatay, at manlipol; Ako'y naparito upang sila'y magkaroon ng buhay, at magkaroon ng kasaganaan nito.” BB 689.1

Si Kristo ang Pintuang patungo sa kulungan ng Diyos. Sa Pintuang ito nagsipasok ang lahat Niyang mga anak, magbuhat ng mga unang panahon. Ayon sa ipinakita ng mga anyo at mga anino, ayon sa ipinatanaw sa mga propeta, ayon sa mga aral na ibinigay sa mga alagad, at sa mga kababalaghang ginawa para sa mga anak ng mga tao, ay nakita nilang si Jesus “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan” (Juan 1: 29), at sa pamamagitan Niya'y naipasok sila sa loob ng kulungan ng Kaniyang biyaya. Marami na ang naparito na may mga ibang pinasasampalatayanan sa sanlibutan; may mga rito at seremonyang inayos upang ang mga tao'y makaasang tatanggap ng pagkaaring-ganap at ng kapayapaan sa Diyos, at sa gayo'y makapasok sila sa Kaniyang kulungan. Nguni't si Kristo lamang ang Pinto, at sinumang naglalagay ng iba sa lugar ni Kristo, at sinumang nagpipilit magdaan sa ibang daan upang pumasok sa kulungan, ay pawang magnanakaw at tulisan. BB 689.2

Ang mga Pariseo ay hindi nagsipasok sa Pintuan. Nagsipasok sila sa kulungan sa pamamagitan ng ibang daan na hindi kay Kristo, at hindi nila tinupad ang gawain ng tunay na pastor. Sinira ng mga saserdote at mga pinuno, ng mga eskriba at mga Pariseo, ang mga sariwang pastulan, at dinumhan ang mga bukal ng tubig ng buhay. Tamang-tama ang pagkakalarawan ng kinasihang Kasulatan sa mga bulaang pastor na ito: “Hindi ninyo pinalakas ang payat, o inyo mang pinagaling ang mga maysakit, o inyo mang ibinalik ang mga iniligaw; ... kundi inyong pinagpunuang may karahasan at may kahigpitan.” Ezekiel 34:4. BB 689.3

Sa buong panahon ay inihaharap sa sanlibutan ng mga pilosopo at mga guro ang mga teoryang inaakalang makasisiya sa pangangailangan ng kaluluwa. Bawa't bansang di-Kristiyano ay nagkaroon ng kani-kaniyang mga guro at mga pamamaraan ng relihiyon na nag-aalok ng kaligtasang hindi kay Kristo, na inilalayo ang paningin ng mga tao sa mukha ng Ama, at pinupuno ang kanilang puso ng takot Doon sa nagbibigay sa kanila ng pagpapala. Ang takbo ng kanilang gawain ay nakawan ang Diyos ng karangalang nauukol sa Kaniya bilang Manlalalang at Manunubos. At pati ng tao ay ninanakawan din nila. Angaw-angaw na mga tao ang kuba na sa bigat ng mga maling relihiyon, ang inaalipin ng takot at pagwawalang-bahala, at parang mga hayop na nagpapagal, na walang pag-asa at walang ligaya dito, at ang tanging taglay ay ang pagkalugami sa takot sa hinaharap. Ang tanging nag-aangat sa kaluluwa ay ang ebanghelyo ng biyaya ng Diyos. Ang pagbubulay-bulay sa pag-ibig ng Diyos na ipinakita Niya sa pagkakapag-alay sa Kaniyang Anak, ay kikilos sa puso at aantig sa damdamin ng kaluluwa na hindi magagawa ng ano pa mang bagay. Naparito si Kristo upang likhaing muli sa tao ang larawan at wangis ng Diyos; at sinumang naglalayo ng mga tao kay Kristo ay inihihiwalay sila sa pinagmumulan ng tunay na kaunlaran; pinagkakaitan niya sila ng pagng layunin at ng kaluwalhatian sa buhay. Siya ay isang magnanakaw at tulisan. BB 690.1

“Ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastor ng mga tupa.” Si Kristo ay siyang Pintuan at siya ring Pastor. Pumapasok Siya sa pamamagitan Niya. Siya'y nagiging pastor ng mga tupa dahil sa paghahandog ng Kaniyang sarili. “Siya ay bubuksan ng bantay-pinto; at naririnig ng mga tupa ang Kaniyang tinig: at tinatawag Niya ang Kaniyang sariling mga tupa sa pangalan, at Kaniyang inaakay sila sa paglabas. At kung mailabas na Niya ang sarili Niyang mga tupa, ay nagpapauna Siya sa kanila, at sumusunod sa Kaniya ang mga tupa: sapagka't nakikilala nila ang Kaniyang tinig.” BB 691.1

Sa lahat ng hayop ang tupa ay isa sa pinakamahiyain at walang-kaya, at sa Silangan ang pag-aalaga ng pastor sa kaniyang kawan ay walang katapusan. Kung paano nang una ay gayundin ngayon na hindi gaanong tiwasay sa labas ng mga bayang nakukutaan. May mga tulisang buhat sa ibang mga kahanggang lahi, o kaya'y halimaw na nangungubli sa malalaking bato, at nangakaabang upang dambungin ang kawan. Binabantayan ng pastor ang kaniyang mga alaga, palibhasa'y nababatid niyang nanganganib ang sarili niyang buhay. Si Jacob, na nagalaga ng mga kawan ni Laban sa malawak na pastulan ng Haran, sa paglalarawan ng kaniyang sariling pagpapagal, ay nagsabi, “Sa araw ay nasusunog ako ng init, at sa gabi ay ng lamig; at tinakasan ng antok ang aking mga mata.” Genesis 31:40. At sa ganito ring pagbabantay ng batang si David sa mga tupa ng kaniyang ama, sinagupa niyang nag-iisa ang leon at oso, at inagaw ang tupa mula sa kanilang bibig. BB 691.2

Sa pag-akay ng pastor sa kaniyang kawan sa mababatong mga burol, sa mga gubat at mga bangin, hanggang sa madamong pampang ng mga ilog; habang binabantayan niya sila sa mga kabundukan sa gabing mapanglaw, na ikinukubli sa mga tulisan, at inaalagaang may pagmamahal ang maysakit at mahina, ay natutulad na rin ang buhay niya sa mga ito. Tumitindi at humihigpit ang kaniyang pagmamahal sa mga alaga niya. Gaano man kalaki ang kawan, kilala rin ng pastor ang bawa't lupa. Bawa't isa ay may sarili niyang pangalan, at sumasagot naman pagka tinawag ng pastor. BB 691.3

Kung paanong nakikilala ng taong-pastor ang kaniyang mga tupa, gayon nakikilala ng Diyos na Pastor ang Kaniyang kawan na nakakalat sa buong sanlibutan. “Kayong Aking kawan, kawan ng Aking pastulan, ay mga tao, at Ako ang inyong Diyos, sabi ng Panginoong Diyos.” Ang sabi ni Jesus, “Tinawag kita sa iyong pangalan; ikaw ay Akin.” “Iniukit kita sa mga palad ng Aking mga kamay.” Ezekiel 34:31; Isaias 43:1; 49:16. BB 692.1

Kilala ni Jesus ang bawa't isa sa atin, at Siya'y nahahabag sa ating mga kahinaan. Kilala Niya tayong lahat sa pangalan. Alam Niya ang bahay na ating tinatahanan, at pati ang pangalan ng bawa't tumatahan. Sa panapanahon ay nagbibilin Siya sa Kaniyang mga lingkod na paghanapin ang isa Niyang tupa sa gayong daan, sa gayong lungsod, at sa gayong bahay. BB 692.2

Bawa't tao ay kilalang lubos ni Jesus na parang siya lamang ang kaisa-isang pinagkamatayan ng Tagapagligtas. Ang nakababagabag sa bawa't isa ay nakababagabag din sa puso Niya. Ang daing na humihingi ng tulong ay naririnig Niya. Naparito Siya upang ilapit ang lahat ng tao sa Kaniya rin. Ang atas Niya'y, “Sumunod kayo sa Akin,” at kinikilos ng Kaniyang Espiritu ang kanilang mga puso upang lumapit sila sa Kaniya. Marami ang ayaw lumapit. Kilala ni Jesus kung sino sila. Kilala rin Niya kung sino ang natutuwang makinig ng Kaniyang tawag, at handang paampon sa Kaniyang pag-aalaga. Ang wika Niya, “Nakikilala ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at nakikilala Ko sila, at sumusunod sila sa Akin.” Iniingatan Niya ang bawa't isa na parang wala nang iba pang tao sa ibabaw ng lupa. BB 692.3

“Tinatawag Niya ang Kaniyang sariling mga tupa sa pangalan, at inaakay sila sa paglabas. ... At sumusunod sa Kaniya ang mga tupa: sapagka't nakikilala nila ang Kaniyang tinig.” Hindi itinataboy ng pastor sa Silangan ang kaniyang mga tupa. Hindi siya nananalig sa lakas o panakot; kundi siya ang nagpapauna at saka tinatawag sila. Kilala nila ang kaniyang tinig at tinatalima ang tawag. Ganyan din ang Tagapagligtas na Pastor sa Kaniyang mga tupa. Sinasabi ng Kasulatan, “Iyong pinapatnubayan ang Iyong bayan na parang kawan sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron.” Sa pamamagitan ng propeta ay sinasabi ni Jesus, “Inibig kita ng walang-hanggang pag-ibig: kaya't Ako'y lumapit sa iyo na may kagandahang-loob.” Hindi Niya pinipilit ang sinuman na sumunod sa Kaniya. “Akin silang pinapatnubayan,” wika Niya, “ng mga tali ng tao, ng mga panali ng pag-ibig.” Awit 77:20; Jeremias 31:3; Oseas 11:4. BB 693.1

Hindi dahil sa takot sa parusa, o dahil sa pag-asa sa walang-hanggang gantimpala, kaya sumusunod kay Kristo ang mga alagad Niya. Namamasdan nila ang Kaniyang walang-katulad na pag-ibig, na ipinakita sa Kaniyang pamumuhay sa lupa, buhat sa pasabsaban ng hayop sa Bethlehem hanggang sa krus ng Kalbaryo, at sa tuwi nilang makikita Siya ay ito ang umaakit, nagpapalambot at nagpapasuko sa kaluluwa. Nagigising ang pag-ibig sa puso ng mga tumitingin. Naririnig nila ang Kaniyang tinig, at sila'y sumusunod. BB 693.2

Sa pag-una ng pastor sa kaniyang mga tupa, siya ang unang sumasagupa sa mga panganib ng daan, at ganyan din ang ginagawa ni Jesus sa Kaniyang bayan. “Pagka nailabas na Niya ang Kaniyang mga tupa, Siya'y nagpapauna sa kanila.” Ang daang paakyat sa langit ay itinalaga ng mga bakas ng paa ni Jesus. Ang landas ay maaaring matarik at baku-bako, gayunma'y nakaraan na si Jesus sa daang yaon; napikpik na ng Kaniyang mga paa ang matutulis na tinik, upang maging higit na madali para sa atin ang pagdaan. Ang lahat ng pasaning dadalhin natin ay napasan na Niya. BB 693.3

Bagaman ngayon ay nakaakyat na Siya sa harapan ng Diyos, at kasama na ng Diyos sa luklukan ng santinakpan, hindi pa rin nawawala kay Jesus ang likas na maawain. Hanggang ngayon ay bukas pa rin ang Kaniyang magiliwin at maawaing puso sa lahat ng daing at hirap ng sangkatauhan. Hanggang ngayon ay nakaunat pa rin ang Kaniyang pinakuang mga kamay upang masaganang pagpalain ang Kaniyang bayang nakakalat sa sanlibutan. “At hindi sila mapapahamak kailanman, o aagawin man sila ng sinuman sa Aking kamay.” Ang kaluluwang nagbigay na ng kaniyang sarili kay Kristo ay higit na mahalaga sa Kaniyang paningin kaysa buong sanlibutan. Pipiliin ng Tagapagligtas na dumaan sa mga hirap ng Kalbaryo upang mailigtas lamang ang isang kaluluwa sa Kaniyang kaharian. Hindi Niya pababayaan kailanman ang isang pinagkamatayan Niya. Malibang piliin ng mga sumusunod sa Kaniya na Siya'y iwanan, Kaniyang mahigpit silang pipigilan. BB 694.1

Sa lahat ng mga pagsubok sa atin ay mayroong Tumutulong sa atin na di-kailanman nagkukulang. Hindi Niya binabayaan tayong mag-isang makilaban sa tukso at sa masama, upang magapi at maghinagpis lamang sa katapusan. Bagama't ngayon ay hindi Siya abot ng mata ng tao, gayunman ay naririnig ng tainga ng pananampalataya ang Kaniyang tinig na nagsasabi, Huwag kang matakot; Ako'y kasama mo. “Ako ang nabubuhay at namatay; at narito, Ako'y nabubuhay magpakailanman.” Apocalipsis 1:18. Tiniis Ko ang iyong mga kalungkutan, dinanas Ko ang iyong mga pakikipagpunyagi, at sinagupa Ko ang iyong mga tukso. Alam Ko ang iyong mga pagluha; Ako man ay tumangis din. Alam Ko ang mga kadalamhatiang hindi kayang ihinga ng tao sa pakinig ng kaniyang kapwa. Huwag mong isiping ikaw ay nag-iisa at pinababayaan. Bagama't sa iyo'y walang dumamay na mga taong tagalupa, tumingin ka sa Akin, at ikaw ay mabuhay. “Ang mga bundok ay maaalis, at ang mga burol ay mapapalipat; nguni't ang Aking kagandahangloob ay hindi hihiwalay sa iyo, o ang Akin mang tipan ng kapayapaan ay maaalis, sabi ng Panginoon na naaawa sa iyo.” Isa. 54:10. BB 694.2

Gaano man kalaki ang pagmamahal ng isang pastor sa kaniyang mga tupa, ay higit niyang mahal ang sarili niyang mga anak. Si Jesus ay hindi lamang ating pastor; Siya rin naman ay ating “walang-hanggang Ama.” At sinasabi Niya, “Nakikilala ko ang sariling Akin, at nakikilala rin Ako ng sariling Akin, gaya ng pagkakilala sa Akin ng Ama, at nakikilala Ko ang Ama.” Juan 10:14, 15, R.V. Anong pangungusap ito!—ang tanging bugtong na Anak, Siya na nasa sinapupunan ng Ama, Siya na ipinahayag ng Diyos na “ang Taong Aking kasama” (Zacarias 13:7) —ang pag-uugnayan Niya at ng walang-hanggang Diyos ay itinutulad sa pag-uugnayan ni Kristo at ng Kaniyang mga anak sa lupa! BB 695.1

Sapagka't tayo ay kaloob ng Kaniyang Ama, at ganlimpala sa Kaniyang gawa, kaya iniibig tayo ni Jesus. Minamahal Niya tayo bilang Kaniyang mga anak. Ikaw na bumabasa, iniibig ka Niya. Ni ang langit ay walang maibibigay na higit na dakila at higit na mabuti. Kaya magtiwala ka. BB 695.2

Naalaala ni Jesus ang mga taong nasa ibabaw ng buong lupa na nailigaw ng mga bulaang pastor. Yaong mga minimithi Niyang mapisan o matipon bilang mga tupa ng Kaniyang pastulan ay mga nangangalat sa gitna ng mga lobo, at sinabi Niya, “May iba pa Akong mga tupa, na wala sa kulungang ito: sila'y kailangan din namang dalhin Ko, at kanilang diringgin ang Aking tinig; at sila'y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor.” Juan 10:16, R.V. BB 695.3

“Dahil dito'y iniibig Ako ng Aking Ama, sapagka't iniaalay Ko ang Aking buhay, upang kunin Kong muli.” Sa ibang sabi, inibig kayo nang gayon na lamang ng Aking Ama, na anupa't lalo pa Niya Akong inibig dahil sa ibinigay Ko ang Aking buhay upang tubusin kayo. Nang Ako'y maging inyong kahalili at panagot, sa pamamagitan ng pag-aalay Ko ng Aking buhay, ng pag-ako sa inyong mga utang, at sa inyong mga pagsalansang, ay lalo Akong napamahal sa Aking Ama. BB 696.1

“Iniaalay Ko ang Aking buhay upang kunin Kong muli. Walang kumukuha nito sa Akin, kundi iniaalay Ko ito sa Aking sarili. May kapangyarihan Akong magbigay nito, at may kapangyarihan Akong kunin Kong muli.” Sa Kaniyang pagiging kalahi ng tao, Siya'y mamamatay; nguni't sa pagiging Diyos, Siya ang bukal ng buhay ng sanlibutan. Kaya Niyang labanan ang pamamayani ng kamatayan, at huwag pailalim sa kapangyarihan nito, subali't kusa Niyang ibinigay ang Kaniyang buhay, upang Siya'y makapagdala ng buhay at ng kawalang-kamatayan. Dinala Niya ang kasalanan ng sanlibutan, binata ang sumpa nito, ibinigay ang Kaniyang buhay na pinakaalay upang ang tao'y huwag mamatay ng kamatayang walanghanggan. “Tunay na Kaniyang dinala ang ating karamdaman at dinala ang ating mga kapanglawan. ... Siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsalansang, Siya'y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan: ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa Kaniya; at sa pamamagitan ng Kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo. Tayong lahat na gaya ng mga tupa ay naligaw; tayo ay tumungo bawa't isa, sa kaniyang sariling daan; at pinasan sa Kaniya ng Panginoon ang kasamaan nating lahat.” Isaias 53:4-6. BB 696.2