Bukal Ng Buhay

51/89

Kabanata 50—Sa Gitna ng mga Silo

Ang kabanatang ito ay batay sa Juan 7:16-36, 40-53; 8:1-11.

Sa buong panahon ng pista na si Jesus ay nasa Jerusalem ay minanmanan Siya ng mga tiktik. Arawaraw ay bago at bagong mga paraan ang sinubok nila upang Siya'y mapatahimik. Ang mga saserdote at mga pinuno ay nangagmamatyag upang Siya'y mabitag. May balak silang Siya'y patigilin sa pamamagitan ng dahas. Nguni't hindi lamang ito. Hangad din nilang hiyain ang Rabing ito ng Galilea sa harap ng mga tao. BB 650.1

Nang unang araw ng pagdalo Niya sa pista, nagsilapit sa Kaniya ang mga pinuno ng bayan, na nagtatanong ng kung sa anong kapangyarihan Siya nagtuturo. Ibig nilang maalis sa Kaniya ang pansin ng mga tao at malipat sa kung may karapatan Siyang magturo, at sa ganito'y lumitaw na sila ang mahalaga at makapangyarihan. BB 650.2

“Ang turo Ko ay hindi Akin,” wika ni Jesus, “kundi Doon sa nagsugo sa Akin. Kung ang sinumang tao ay nagiibig gumawa ng Kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito'y sa Diyos, o kung Ako'y nagsasalita na mula sa Aking sarili.” Juan 7:16, 17. Ang tanong ng mga mapagtutol na ito ay hindi sinagupa ni Jesus sa pamamagitan ng pagsagot sa tutol, kundi sa pamamagitan ng pagbubukas ng katotohanang mahalaga sa ikaliligtas ng kaluluwa. Ang pagkilala at pagpapahalaga sa katotohanan, wika Niya, ay hindi gasinong nababatay sa isip kundi sa puso. Ang katotohanan ay dapat tanggapin sa kaluluwa; dapat itong igalang ng kalooban. Kung ang isip ay sapat na upang isuri sa katotohanan, ang pagmamataas ay hindi magiging sagabal sa pagtanggap nito. Nguni't ang pagtanggap sa katotohanan ay gawain ng biyaya sa puso; at ang pagtanggap nito ay nakabatay sa pagtatakwil ng bawa't kasalanang ipinakikilala ng Espiritu ng Diyos. Ang mga kalamangan ng tao upang makaalam ng katotohanan, gaanoman kalaki ang mga kalamangang ito, ay hindi pakikinabangan malibang ang puso niya ay bukas upang tumanggap ng katotohanan, at malibang may iniuudyok-ng-budhing pagpapasakop ng lahat ng ugali at gawaing salungat sa mga simulain nito. Sa mga gayong napasasakop sa Diyos, na may tapat na hangaring maalaman at ganapin ang Kaniyang kalooban, ang katotohanan ay nahahayag na siyang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas nila. Mapagkikilala nila kung sino ang nagsasalita para sa Diyos, at kung sino ang nagsasalita ng sa ganang kaniyang sarili. Hindi ipinanig ng mga Pariseo ang kanilang kalooban sa kalooban ng Diyos. Hindi nila pinagsisikapang makilala ang katotohanan, kundi ang pinagsisikapan nila ay ang makasumpong ng maidadahilan upang ito'y maiwasan; ipinakilala ni Kristo na ito ang dahilan kung bakit hindi nila naintindihan ang Kaniyang turo. BB 650.3

Ngayo'y ibinigay Niya ang isang pagsubok na pagkakakilanlan ng pagkakaiba ng isang tunay na tagapagturo at ng isang magdaraya: “Ang nagsasalita ng sa ganang kaniyang sarili ay humahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian: datapuwa't ang humahanap ng kaluwalhatian Niyaong sa kanya'y nagsugo, ang gayon ay totoo, at sa kaniya'y walang kalikuan.” Juan 7:18. Ang humahanap ng sarili niyang kaluwalhatian ay nagsasalita ng sa ganang kaniyang sarili lamang. Ang diwa ng pagtatanyag sa sarili ay nagkakanulo sa pinagmulan nito. Nguni't ang hinahanap ni Kristo ay ang ikaluluwalhati ng Diyos. Sinalita Niya ang mga salita ng Diyos. Ito ang katibayan ng Kaniyang kapangyarihan bilang isang tagapagturo ng katotohanan. BB 651.1

Nagbigay si Jesus sa mga rabi ng isang katibayan ng Kaniyang pagka-Diyos sa pagbasa Niya sa nilalaman ng kanilang mga puso. Buhat nang pagalingin Niya ang lalaki sa Bethesda ay binalak na nilang Siya'y patayin. Kaya nga sila rin ang manlalabag ng kautusan na ipinamamarali nilang kanilang ipinagtatanggol. “Hindi baga ibinigay sa inyo ni Moises ang kautusan,” wika Niya, “at gayunma'y wala sa inyong gumaganap ng kautusan? Bakit ninyo pinagsisikapang Ako'y patayin?” BB 652.1

Tulad sa mabilis na kislap ng kidlat na inihayag ng mga salitang ito sa mga rabi ang balon ng kapahamakang malapit na nilang kahulugan. Bigla silang kinilabutan. Nadama nilang sila'y lumalaban sa Isang Walanghanggang Kapangyarihan. Nguni't ayaw silang pasaway. Upang mapamalagi nila ang impluwensiya nila sa mga tao, kailangang ilihim nila ang kanilang mga panukala ng pagpatay. Iniiwasan ang tanong ni Jesus na sila'y bumulalas, “Mayroon Kang demonyo: sino ang nagsisikap na Ikaw ay patayin?” Ipinakakahulugan nilang ang mga kababalaghang gawa ni Jesus ay pawang udyok ng isang masamang espiritu. BB 652.2

Ang ganitong pakahulugan ay hindi pinansin ni Kristo. Patuloy Niyang ipinakilala na ang ginawa Niyang pagpapagaling sa Bethesda ay naaayon sa utos na ukol sa Sabbath, at iyon ay nabigyang-katuwiran ng paliwanag na ibinibigay ng mga Hudyo na rin sa kautusan. Sinabi Niya, “Ibinigay sa inyo ni Moises ang pagtutuli; ... at tinutuli ninyo sa araw ng Sabbath ang isang Ialaki.” Alinsunod sa kautusan, bawa't sanggol na lalaki ay dapat tuliin sa ikawalong araw. Sakaling tumama sa Sabbath ang takdang panahon o ang ikawalong araw, kailangan ngang tupdin din ang seremonya. Gaano pa nga lubhang naaayon sa diwa ng kautusan na ang isang tao'y “lubos na pagalingin sa araw ng Sabbath.” At pinagsabihan Niya sila na “huwag kayong magsihatol ayon sa anyo, kundi magsihatol kayo nang matwid na paghatol.” BB 652.3

Natahimik ang mga pinuno; at marami sa mga tao ang napabulalas, “Hindi ba Ito ang kanilang pinagsisikapang patayin? Nguni't, narito, Siya'y nagsasalitang may katapangan, at walang anumang sinasabi sila sa Kaniya. Napagkikilala kayang tunay ng mga pinuno na ito ang Kristo?” BB 653.1

Sa mga nagsisipakinig kay Kristo ay marami ang tumatahan sa Jerusalem, at natatalos nila ang mga pagsasabwatan ng mga pinuno laban sa Kaniya, at nadama nilang sila'y naaakit Niya sa pamamagitan ng isang dimapaglabanang kapangyarihan. Nagsumiksik sa kanilang diwa ang paniniwala na Siya nga ang Anak ng Diyos. Nguni't nakaabang naman si Satanas na handang magmungkahi ng alinlangan; at ang sarili nilang mga maling pala-palagay tungkol sa Mesiyas at sa Kaniyang pagparito ay siyang tumulong sa kanila upang mangyari ito. Lahat ay naniniwala na ang Kristo ay isisilang sa Bethlehem, subali't Siya'y isang panahong mawawala, at sa Kaniyang ikalawang pagpapakita ay walang makaaalam kung saan Siya nanggaling. Hindi kakaunti ang naniniwalang ang Mesiyas ay walang katutubong pagkakamag-anak sa mga tao. At sapagka't ang malaganap na paniniwala tungkol sa kaluwalhatian ng Mesiyas ay hindi nila nakita kay Jesus na taga-Nazareth, ang marami ay nakinig sa mungkahing, “Gayunman ay nalalaman namin kung saan nanggaling ang Taong ito: datapwa't pagparito ni Kristo, sinuma'y walang makakaalam kung saan Siya nanggaling.” BB 653.2

Habang sila'y ipinagtutulak-tulakan ng alinlangan at pananampalataya, inagaw ni Jesus ang kanilang isipan at sinagot sila: “Ako'y inyong nakikilala, at nalalaman din naman ninyo kung saan Ako galing: at hindi Ako naparito sa Aking sarili, datapwa't ang nagsugo sa Akin ay tunay, na hindi ninyo nakikilala.” Sinasabi nilang alam nila kung saan dapat manggaling ang Kristo, nguni't ang totoo'y lubos silang walang nalalaman tungkol dito. Kung namuhay lamang sila nang ayon sa kalooban ng Diyos, nakilala sana nila ang Kaniyang Anak nang Siya ay pakita sa kanila. BB 654.1

Nalinawan ng mga nagsisipakinig ang mga salita ni Kristo. Maliwanag na inulit lamang Niya ang sinabi Niya sa harap ng Sanedrin marami nang buwan ang nakaraan, nang Siya na rin ang nagsabing Siya ang Anak ng Diyos. At kung paanong noon ay binalak ng mga pinuno na Siya'y patayin, gayundin naman sinisikap nila ngayon na Siya'y hulihin; nguni't hinadlangan sila ng isang kapangyarihang di-nakikita, na siyang pumigil sa kanilang galit. na nagsasabi, Hanggang diyan ka na lamang, at huwag ka nang magpatuloy pa. BB 654.2

Sa gitna ng mga tao ay maraming naniwala sa Kaniya, at kanilang sinabi, “Pagparito ng Kristo, ay gagawa pa baga Siya ng lalong maraming kababalaghan kaysa mga ginawa ng Taong ito?” Sabik na hinihintay ng mga lider ng mga Pariseo kung ano ang mangyayari, at narinig nila ang mga pahayag ng pagsang-ayon ng karamihan. Nagmadali silang nagtungo sa mga pangulong saserdote, at inilahad nila ang kanilang mga panukala na Siya'y hulihin. Gayunman, pinagkaisahan nilang Siya'y hulihin nang nag-iisa; sapagka't hindi nila mapangahasang hulihin Siya sa harap ng mga tao. Muling ipinakilala ni Jesus na nababasa Niya ang kanilang panukala o binabalak. “Makikisama pa Ako sa inyong sandaling panahon.” sabi Niya, “at Ako'y paroroon sa nagsugo sa Akin. Hahanapin ninyo Ako, at hindi Ako masusumpungan: at kung saan Ako naroroon, ay hindi kayo makaparoroon.” Sandali na lamang at makukubli na Siya sa dakong hindi maaabot ng kanilang pangungutya at pagkapoot. Aakyat na Siya sa Ama, upang muli na namang sambahin ng mga anghel; at doo'y di-kailanman makararating ang mga nagbabanta sa Kaniyang buhay. BB 654.3

Pakutyang nagsabi ang mga rabi, “Saan paroroon ang Taong ito, na hindi natin Siya masusumpungan? Siya kaya'y paroroon sa nagsipangalat sa gitna ng mga Hentil, at magtuturo sa mga Hentil?” Bahagya nang sumagi sa diwa ng mga mapagtutol at mga mangungutyang ito na ang kanilang mga panlilibak at paghamak ay naglalarawan ng misyon ni Kristo! Sa buong maghapon ay iniunat Niya ang Kaniyang mga kamay sa mga taong masuwayin at mapagtutol; gayunman Siya'y masusumpungan sa kanila na hindi nagsisihanap sa Kaniya; sa gitna ng mga taong hindi nagsisitawag sa Kaniyang pangalan ay pakikita Siya. Roma 10:20, 21. BB 655.1

Marami sa mga napaniwalang si Jesus ay siya ngang Anak ng Diyos ay nailigaw ng sinsay na pagmamatuwid ng mga saserdote at mga rabi. Malaki ang nagawa ng paulit-ulit na pagsasabi ng mga gurong ito na ang mga hula tungkol sa Mesiyas ay nagbabadyang Siya ay “maghahari sa Bundok ng Siyon, at sa Jerusalem, at sa harap ng Kaniyang mga matanda nang may buong kaluwalhatian;” at Siya'y “magtataglay ng kapamahalaan mula sa dagat at dagat, at mula sa ilog hanggang sa mga wakas ng lupa.” Isaias 24:23; Awit 72:8. Saka pakutya nilang inihambing ang kaluwalhatiang ito sa abang anyo at kaayusan ni Jesus. Isininsay nila ang mga salita ng hula na anupa't parang tama ang mali nilang pakahulugan. Kung masikap lamang na pinag-aralan ng mga tao ang mga salita ng hula, hindi sana sila naililigaw. Ang ikaanimnapu't isang kabanata ng Isaias ay nagpapatunay na gagawin nga ni Kristo ang gawang ginawa Niya. Ang ikalimampu't tatlong kabanata ay siya namang nagsasabing Siya ay itatakwil at maghihirap sa sanlibutan, at ang ikalimampu't siyam na kabanata ay naglalarawan ng likas ng mga saserdote at ng mga rabi. BB 655.2

Hindi pinipilit ng Diyos ang mga taong iwan ang kanilang di-paniniwala. Nasa harap nila ang liwanag at ang kadiliman, ang katotohanan at ang kamalian. Nasa kanila ang pagpapasiya kung alin ang kanilang tatanggapin. Ang isip ng tao ay binigyan ng kapangyarihang makakilala ng pagkakaiba ng tama at ng mali. Hindi panukala ng Diyos na ang mga tao ay magpapasiya ng buhat sa simbuyo ng kanilang kalooban, kundi nang ayon sa bigat ng katibayan, na buong ingat na inihahambing ang talata sa kapwa talata. Kung isinaisantabi lamang ng mga Hudyo ang mali nilang pagkakilala at saka inihambing ang hulang nasusulat sa mga pangyayaring natutupad sa buhay ni Jesus, napagkilala sana nila ang magandang pagkakatugma ng mga hula at ng mga nangyari sa buhay at ministeryo ng mapagpakumbabang-pusong taga-Galilea. BB 656.1

Marami ang nadadaya ngayon tulad ng mga Hudyo. Ang mga guro sa relihiyon ay bumabasa sa Bibliya nang alinsunod sa liwanag ng sarili nilang pagkaunawa at mga sali't saling sabi; at ang mga tao ay hindi naman nagsasaliksik ng mga Kasulatan sa ganang kanilang mga sarili, upang alamin kung ano ang katotohanan; kundi ipinauubaya nila ang kanilang kapasiyahan at ang kanilang mga kaluluwa sa mga namumuno sa kanila. Ang pangangaral at pagtuturo ng Kaniyang salita ay isa sa mga paraang itinalaga ng Diyos upang maikalat arig liwanag; subali't dapat nating subukin ang bawa't itinuturo ng tao sa itinuturo naman ng Kasulatan. Sinumang magaaral ng Bibliya nang may pananalangin, na ninanasang makilala ang katotohanan, upang ito'y matalima niya, ay tatanggap ng liwanag na buhat sa Diyos. Mapag-uunawa niya ang mga Kasulatan. “Kung ang sinumang tao ay nagiibig gumawa ng Kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo.” Juan 7:17. BB 656.2

Nang huling araw ng pista, ang mga kawal na inutusan ng mga saserdote at mga pinuno upang dakpin si Jesus, ay nagsibalik nang hindi Siya kasama. Pagalit silang tinanong, “Bakit hindi ninyo Siya dinala?” Nakabadha sa mukha ang matiim na pagninilay na sila'y sumagot, “Kailanma'y walang taong nagsalita na gaya ng Taong ito.” BB 657.1

Matitigas man ang kanilang mga puso, pinalambot din iyon ng Kaniyang mga salita. Samantalang Siya'y nagsasalita sa patyo ng templo, tumigil silang sumandali, upang makinig ng anumang mailalaban nila sa Kaniya. Nguni't habang sila'y nakikinig, ang pakay ng pagkakapagsugo sa kanila roon ay nalimutan nila. Nakatayo sila roon na parang mga taong namalikmata. Inihayag ni Kristo ang sarili Niya sa kanilang mga kaluluwa. Nakita nila ang bagay na ayaw tingnan ng mga saserdote at ng mga pinuno—ang pagkataong umaapaw sa kaluwalhatian ng Diyos. Nagsialis silang punung-puno ng ganitong isipan, na lubhang nakintalan ng Kaniyang mga salita, na anupa't sa tanong na, “Bakit hindi ninyo Siya dinala?” ay wala silang naisagot kundi, “Kailanma'y walang taong nagsalita na gaya ng Taong ito.” BB 657.2

Nang unang lumapit kay Kristo ang mga saserdote at mga pinuno, nagkaroon sila ng gayunding paniniwala. Labis na nakilos ang kanilang mga puso, at pilit na nagtumiim sa kanilang diwa ang isipang, “Kailanma'y walang taong nagsalita na gaya ng Taong ito.” Nguni't pinatay nila ang paniniwalang udyok ng Espiritu Santo. At ngayon, sa galit nila dahil sa pati mga alagad ng batas ay naimpluwensiyahan na ng taga-Galileang ito, sila'y sumigaw, “Kayo baga naman ay nangailigaw rin? Su- mampalataya baga sa Kaniya ang sinuman sa mga pinuno o ang sinuman sa mga Pariseo? Datapwa't ang karamihang ito na hindi nakaaalam ng kautusan ay sinumpa.” BB 657.3

Ang mga taong binabalitaan ng katotohanan ay bihirang magtanong ng, “Totoo ba?” kundi, “Sino ba ang nagbabalita?” Ang pinahahalagahan ng karamihan ay kung maraming bilang ng mga tao ang tumatanggap nito; at kaya nga itinatanong pa rin hanggang ngayon ang, “Sumampalataya baga ang sinuman sa mga nag-aral na tao o sa mga pinuno ng relihiyon?” Ang mga tao ngayon ay gaya rin ng mga tao nang panahon ni Kristo, na di-mahilig sa tunay na kabanalan. Sila'y masisigasig sa mga kabutihang makalupa, kaya nakakaligtaan ang mga kayamanang di-lumilipas; at hindi isang argumento o kapulaan laban sa katotohanan, kung marami mang bilang ng mga tao ang hindi handang tumanggap nito, o kung hindi man ito tinatanggap ng mga dakilang tao ng sanlibutan, o ng mga lider man ng relihiyon. BB 658.1

Naglagay uli ang mga saserdote at mga pinuno ng mga panukala upang madakip si Jesus. Iginiit nila na kung pahihintulutan nila Siyang nakalalaya, ay mailalayo Niya ang mga tao sa mga kinikilalang lider, at dahil dito ang tanging panatag na paraan ay mapatahimik Siya agad. Sa kainitan ng kanilang pagtatalo, ay biglang-bigla silang natigilan. Si Nicodemo ay nagtanong, “Hinahatulan baga ng ating kautusan ang isang tao, nang hindi muna siya dinidinig, at nang hindi pa natatalastas kung ano ang kaniyang ginagawa?” Natahimik ang kapulungan. Ang mga salita ni Nicodemo ay nanuot sa kanilang mga budhi. Hindi nila maaaring hatulan ang isang tao nang hindi pa siya napapakinggan. Nguni't hindi dahil sa bagay na ito lamang kaya natigilan ang mayayabang na pinuno, na tinititigan ang nangahas magsalita nang ayon sa katarungan. Sila'y nangagulat at nangapahiya dahil sa ang isa sa mga kasamahan nila ay nakintalan ng likas ni Jesus na anupa't ipinagtanggol nito Siya. Nang mapawi ang kanilang panggigilalas, pinagwikaan nila si Nieodemo nang may umiiwang pang-uuyam, “Ikaw baga'y taga-Galilea rin? Siyasatin mo at tingnan mo: sapagka't sa Galilea ay walang lumitaw na propeta.” BB 658.2

Gayon pa man ang pagtutol ay nakapigil sa pagpapasiya ng kapulungan. Hindi nagawang isakatuparan ng mga pinuno ang kanilang balak na hatulan si Jesus nang hindi muna pinakikinggan. Sa sandaling pagkagapi nila, “bawa't tao'y umuwi sa kani-kaniyang sariling bahay. Datapwa't si Jesus ay napasa Bundok ng mga Olibo.” BB 659.1

Nilisan ni Jesus ang alingasngas at kaguluhan ng siyudad, ang sabik na karamihan at ang mga taksil na rabi, at tinungo Niya ang tahimik na olibuhan, na doo'y magisa Niyang makakausap ang Diyos. Nguni't umagangumaga kinabukasan ay bumalik Siya sa templo, at nang magkatipon ang mga tao sa palibot Niya, ay umupo Siya at sila'y tinuruan. BB 659.2

Hindi naluwatan at Siya'y nagambala. Isang pulutong ng mga Pariseo at mga eskriba ang lumapit sa Kaniya, na kinakaladkad ang isang takot-na-takot na babae, na matigas nilang sinisigawan ng paratang na nilabag ang ikapitong utos. Nang maitulak na ito sa harap ni Jesus, may paimbabaw na pagpapakita ng paggalang, na sinabi nila sa Kaniya, “Sa kautusan nga ay ipinag-utos sa amin ni Moises, na batuhin ang mga ganyan: nguni't ano ang masasabi Mo?” BB 659.3

Tinakpan ng kanilang pakunwaring paggalang ang pailalim na pakana para sa Kaniyang ikapapahamak. Sinamantala nila ang pagkakataong ito upang Siya ay mahatulan, sa pag-aakalang anuman ang gawin Niyang pasiya, ay mayroon din silang maipararatang sa Kaniya. Kung pawalang-sala Niya ang babae, mapararatangan Siyang hinahamak Niya o niwawalang-halaga ang kautusan ni Moises. Kung sabihin naman Niyang ito'y karapat-dapat patayin, Siya'y maisusumbong nila sa mga Romano na umaangkin sa kapangyarihang sa kanila lamang nauukol. BB 659.4

Sandaling minasdan ni Jesus ang tanawing nasa harap Niya—ang nanginginig na babaing halos matunaw sa kahihiyan, ang mga mahal na taong kababakasan sa mukha ng batong-damdamin, at mga walang-awa sa kapwa. Ang Kaniyang diwang walang-bahid-dungis ay nanliit sa gayong tanawin. Alam Niya ang dahilan kung bakit iniharap sa Kaniya ang kasong ito. Nababasa Niya ang puso, at nakikilala Niya ang likas at kabuhayan ng bawa't isang nasa harap Niya. Ang mga nagkukunwaring-bantay na ito ng katai;ungan ay siya na ring nagbulid sa babae sa pagkakasala, upang maiumang nila kay Jesus ang silo. Wala Siyang ipinakitang tanda na narinig Niya ang kanilang tanong, Siya'y yumuko, itinuon ang Kaniyang mga mata sa lupa, at Siya'y nagpasimulang sumulat sa alikabok. BB 660.1

Sa kanilang pagkainip sa Kaniyang pagluwat at waring pagwawalang-bahala, lalo silang nagpakalapit-lapit, at inulit ang sumbong. Nguni't nang sundan ng kanilang tingin ang tinititigan ni Jesus, at mapatuon ang kanilang mga mata sa pabimentong nasa Kaniyang paanan, ay nagbago ang anyo ng kanilang mga mukha. Naroon, isinulat Niya sa harap nila, ang mga lihim na kasalanan ng kanilang sariling mga kabuhayan. Nakita ng mga taong nanonood ang biglang pagbabago ng anyo ng kanilang mukha, kaya't ang mga ito ay nakigitgit upang maalaman nila kung ano ang dahil at sila'y nabaghan at mandi'y napahiya. BB 660.2

Sa kabila ng lahat nilang pagpapanggap na paggalang sa kautusan, ang mga rabing ito, sa kanilang paghaharap ng paratang laban sa babae, ay siya na ring nagsisilabag sa mga itinatadhana ng kautusan. Tungkulin ng lalaking tunay na asawa ng babae na siya ang magsumbong laban sa kaniyang asawa, at ang mga maysala ay pareparehong dapat parusahan. Ang ginawa ng mga nagsumbong ay lubos na di-ipinahihintulot. Gayon pa man, sinagupa sila ni Jesus sa sarili nilang katuwiran. Tiyak na sinasabi ng kautusan na sa parusang pagbato, ang mga saksing nakakita sa gumawa ng pagkakasala ay siyang dapat na unang bumato sa nagkasala. Ngayo'y tumindig Siya, at pagkapako ng Kaniyang paningin sa mga nagsasabwatang matatanda, ay sinabi ni Jesus, “Ang walang kasalanan sa inyo, ay siyang unang bumato sa kaniya.” At pagkayuko Niyang muli, Siya'y nagpatuloy sa pagsulat sa lupa. BB 660.3

Hindi Niya isinaisantabi ang kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises, at ni hindi Niya sinalansang ang kapangyarihan ng Roma. Bigong-bigo ang mga nagsumbong. Ngayon, sa pagkahubad ng ibinabalabal nilang pakunwaring kabanalan, ay sila'y nangakatayong maysala at mayhatol, sa harap ng Isang Kalinis-linisan. Kinilabutan sila nang maisip nilang baka ang lihim na kasalanan ng kanilang mga kabuhayan ay malantad sa karamihan; kaya nga sila'y isa-isang nagsialis, na nangakatungo at di-nag-aangat ng paningin, at iniwan ang babae sa harap ng nahahabag na Tagapagligtas. BB 662.1

Tumindig si Jesus, at pagtingin Niya sa babae ay nagwika, “Babae, saan nangaroroon ang nangagpaparatang sa iyo? wala bagang taong humatol sa iyo? Sinabi ng babae, Walang sinuman, Panginoon. At sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako man ay hindi hahatol sa iyo: humayo ka ng iyong lakad, at huwag ka nang magkasala pa.” BB 662.2

Nakatayo ang babae sa harap ni Jesus, na nanginginig sa takot. Ang mga salita Niyang, “Ang walang kasalanan sa inyo, ay siyang unang bumato sa kaniya,” ay dumating sa kaniya na parang hatol na kamatayan. Ayaw niyang tingnan ang mukha ng Tagapagligtas, kundi tahimik niyang hinintay ang parusang igagawad sa kaniya. Sa kaniyang pagkakamangha'y nakita niyang ang mga nagpaparatang o nagsusumbong laban sa kaniya ay walangimik at nangababaghang nagsisipag-alisan; pagkatapos ay sumapit sa kaniyang pandinig ang mga salitang yaong puno ng pag-asa, “Ako man ay hindi rin hahatol sa iyo; humayo ka ng iyong lakad, at huwag ka nang magkasala pa.” Nabunsol ang kaniyang damdamin, at siya'y nagpatirapa sa paanan ni Jesus, na ibinubuhos sa kaniyang pagtangis ang pag-ibig niyang kumikilala ng utang-naloob, at sa pamamagitan ng kaniyang mga luha'y ipinahayag niya ang kaniyang mga kasalanan. BB 662.3

Sa ganang kaniya'y ito ang pasimula ng isang bagong buhay, isang buhay na malinis at mapayapa, na itinalaga sa paglilingkod sa Diyos. Nang itindig ni Jesus ang nagkasalang kaluluwang ito, ay isang kababalaghan ang ginawa Niya na higit pang dakila kaysa pagpapagaling sa pinakamabigat na sakit ng katawan; pinagaling Niya ang sakit sa espiritu na ikamamatay sa walang-hanggang kamatayan. Ang nagsising babaing ito ay naging isa sa mga pinakamatapat Niyang tagasunod. Ang mapagpatawad Niyang kaawaan ay sinuklian nito ng mapagsakripisyong pag-ibig at pagtatalaga. BB 663.1

Sa pagkakapagpatawad Niya sa babaing ito at sa pagkakapagpalakas ng loob nito na ito'y mamuhay ng isang lalong mabuting kabuhayan, ang likas ni Jesus ay nagningning sa kagandahan ng sakdal na katwiran. Bagama't hindi Niya pinagpapaumanhinan ang kasalanan, ni binabawasan man ang pagkadama ng pagkakasala, hindi naman Siya nagsisikap na humatol, kundi ang pinagsisikapan Niya ay ang magligtas. Ang alay ng sanlibutan sa makasalanang babaing ito ay paghamak at paglibak; subali't si Jesus ay nagsalita ng mga salita ng pag-aliw at pag-asa. Ang Isang Walang-sala ay nahahabag sa makasalanan, at inilalawit dito ang tulong na kailangan. Samantalang ang mga mapagpaimbabaw na Pariseo ay tumutuligsa at humahatol, ang iniaatas naman ni Jesus ay, “Humayo ka ng iyong lakad, at huwag ka nang magkasala pa.” BB 663.2

Hindi alagad ni Kristo yaong, hindi na tumitingin sa nagkakasala, ay tinatalikuran pa ang mga ito, at pinababayaang magpatuloy sa pababang hakbangin nang dipinaaalalahanan. Yaong mga mabibilis magparatang sa mga iba, at masisigasig na sila'y maihatid sa kahatulan, ay madalas na sa sarili nilang mga kabuhayan ay higit pang makasalanan kaysa mga ito. Kinapopootan ng mga tao ang makasalaman, subali't iniibig naman nila ang kasalanan. Kinapopootan ni Kristo ang kasalanan, subali't iniibig naman Niya ang makasalanan. Ito ang magiging diwa o espiritu ng lahat ng sumusunod sa Kaniya. Ang pag-ibig Kristiyano ay makupad sa panunuligsa, mabilis kumilala ng pagsisisi, handang magpatawad, magpalakas-ng-loob, maglagay sa naliligaw sa landas ng kabanalan, at magpatatag sa mga paa nito sa paglakad doon. BB 664.1