Bukal Ng Buhay
Kabanata 49—Sa Pista ng mga Tabernakub
Ang kabanatang ito ay batay sa Juan 7:1-15,. 37-39.
Tatlong beses sa isang taon ang mga Hudyo ay kailangang magkatipon sa Jerusalem para sa mga tanging pulong. Ang di-nakikitang Lider ng Israel, na nakukublihan ng haliging ulap, ay siyang nagbigay ng mga tagubilin tungkol sa mga pagtitipong ito. Nang nasa pagkabihag ang mga Hudyo, hindi nila ito naisagawa; datapwa't nang sila'y makabalik na sa sarili nilang bayan, sinimulan nila uli ang pagsasagawa ng mga alaala o mga pagpipistang ito. Pinanukala ng Diyos na ang mga taunang kapistahang ito ay magpaalaala sa kanila ng tungkol sa Diyos. Nguni't ito'y nalimutan ng mga saserdote at ng mga lider ng bansa, liban sa ilang nakaalaala pa rin. Yaong nagtakda ng mga pagpupulong na ito ng bayan at nakaunawa ng kahulugan ng mga ito ay nakasaksi sa kabalakyutan o pagsinsay nila. BB 637.1
Ang Pista ng mga Tabernakulo ay siyang katapusang pagtitipon ng taon. Ang panukala ng Diyos sa panahong ito ay bulay-bulayin ng mga tao ang Kaniyang kabutihan at kaawaan. Ang buong lupain ay sumailalim ng Kaniyang pamamatnubay, at tumatanggap ng Kaniyang pagpapala. Araw at gabi'y nagpatuloy ang Kaniyang pag-iingat. Ang lupa ay pinapagbunga ng araw at ulan. Buhat sa mga libis at mga kapatagan ng Palestina ay tinipon ang mga inani. Napitas na ang mga bunga ng olibo, at ang mahalagang langis ay naisilid na rin sa mga bote. Ang palma ay namunga na at naikamalig na. Ang mapupulang kumpol ng ubas ay napisa na sa alilisan. BB 637.2
Ang pista ay tumagal nang pitong araw, at maraming nagbuhat sa ibang mga lupain ang nag-iwan ng mga tahanan nila, at nagpunta sa Jerusalem upang dumalo sa kapistahan na kasama ng mga naninirahan sa Palestina. May mga taong nagsirating na nagsipagbuhat sa malayo at sa malapit, na may mga dalang sagisag ng kanilang pagkakatuwa. Matatanda at bata, mayayaman at maralita, lahat ay nagdala ng kaloob na pasasalamat sa Kaniya na nagbigay ng kasaganaan sa buong santaon, at ginawa ang Kaniyang mga landas na tumutulo sa katabaan. Lahat ng nakalulugod tingnan, at nakapagpapasaya sa lahat, ay kinuha sa kagubatan; kaya't ang buong siyudad ay nagmistulang isang maganda't ginayakang kagubatan. BB 639.1
Ang pistang ito ay hindi lamang pasasalamat sa pagaani, kundi pag-aalaala rin sa pag-aalaga at pag-iingat ng Diyos sa Israel doon sa ilang. Bilang paggunita sa buhay nilang nakatira sa tolda, ang mga Israelita ay tumahan sa mga kubol o mga tabernakulong yari sa mga sariwang sanga ng kahoy sa panahon ng kapistahan. Itinayo nila ang mga kubol o mga balag na ito sa mga lansangan, sa mga patyo ng templo, o sa bubungan ng mga bahay. Ang mga burol at mga kapatagang nakapaligid sa Jerusalem ay namutiktik din sa mga balag o madahong tirahang ito, at parang buhay sa mga tao. BB 639.2
Ipinagdiwang ng mga mananamba ang kapistahang ito sa pamamagitan ng banal na awit at pasasalamat. Ilang araw bago dumating ang kapistahan ay ang tinatawag na Araw ng Pagtubos, na sa araw na ito, ay ipinahahayag ng bayan ang kanilang mga kasalanan, at pag- katapos ay sinasabing sila'y pinatawad na ng Langit. Sa ganitong paraan inihanda ang lahat para sa pagdiriwang ng kapistahan. “Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't Siya'y mabuti: sapagka't ang Kaniyang kagandahang-loob ay magpakailanman” (Awit 106:1)—ito ang buong lakas na ipinagsigawan, samantalang lahat ng uri ng tugtugin, na nahahaluan ng mga sigaw na hosana, ay sumaliw sa magkakalakip na pag-aawitan. Ang templo ay siyang sentro ng lahat ng katuwaan. Naririto ang dingal ng mga seremonyang ukol sa paghahain. Nakahanay sa magkabilang panig ng maputing hagdang marmol ng banal na gusali ang koro ng mga Levita na namuno sa pag-aawitan. Ang karamihang sumasamba naman, na nagwawagayway ng kanilang mga sanga ng palma at mirto, ay sumaliw sa himig, at nakisabay sa koro; at ang himig ay muli namang hinagip ng mga tinig na nasa malapit at nasa malayo, hanggang sa ang nakapaligid na mga burol ay nagsipag-inugong sa papuri. BB 639.3
Sa gabi ang templo at ang patyo nito ay nagliliwanag sa sari-saring mga ilaw. Ang tugtugan, ang pagwawasiwas ng mga sanga ng palma, ang masasayang hosana, ang malaking pulutong ng mga tao, na tinatamaan ng liwanag ng nagbiting mga ilawan, ang gayak at ayos ng mga saserdote, at ang kamaharlikaan ng mga seremonya, ay pawang nagkatulung-tulong upang maging lubhang nakaaantig ng damdamin sa mga nanonood ang tanawing yaon. Nguni't ang lalong nakapupukaw ng'loob na seremonya ng pista, isa na siyang nakatatawag ng pinakamalaking pagkakatuwaan, ay ang isa na umaalaala sa isang pangyayari sa pagkakatira nila sa ilang. BB 640.1
Sa unang silahis ng bukang-liwayway, ay humihihip ang mga saserdote ng mahaba at matindi sa pilak nilang mga pakakak, at ang sumasagot na ibang mga pakakak, at ang masasayang sigawan ng mga taong nasa mga balag o mga kubol, na sunud-sunurang nagsisigawan sa buong burol at kapatagan, ay sumasalubong sa araw ng kapistahan. Pagkatapos ay isinasalok ng saserdote ang isang pitsel sa umaagos na batis ng Kedron, at itinataas ito, at habang hinihipan ang mga pakakak, siya'y umaakyat sa malalapad na baytang ng templo, at kasabay ng banayad na tugtog ng musika ang mabagal at mga sukat naman niyang paghakbang, samantala'y inaawit naman ang, “Ang mga paa natin ay nagsisitayo sa loob ng iyong mga pintuang-bayan, Oh Jerusalem.” Awit 122: 2. BB 640.2
Dala niya ang pitsel ng tubig sa dambanang nakatayo sa gitna ng patyo ng mga saserdote. Dito ay may dalawang palangganang pilak, na sa harap ng bawa't isa nito ay nakatayo ang isang saserdote. Ang pitsel ng tubig ay ibinubuhos sa isang palanggana, at isa namang pitsel ng alak ang ibinubuhos sa pangalawang palanggana; at ang laman ng dalawang ito ay umaagos sa tubong patungo sa batis ng Kedron, at humahangga sa Dagat na Patay. Ang ganitong pagtatanghal sa banal na tubig ay nagpapakilala ng paglabas ng tubig sa malaking bato sa utos ng Diyos upang mapatid ang uhaw ng mga anak ni Israel. Pagkatapos ay biglang umaalingawngaw ang masayang awit, “Ang Panginoong si Jehoba ay aking kalakasan at awit;” “kaya't kayo'y iigib ng tubig na may kagalakan sa mga balon ng kaligtasan.” Isaias 12:2, 3. BB 641.1
Nang gumagayak nang dumalo ang mga anak ni Jose sa Pista ng mga Tabernakulo, nakita nilang hindi man lamang kumikilos si Kristo na magpapakilala ng balak Niyang pagdalo. Minasdan nila Siyang may pananabik. Buhat nang pagalingin Niya ang lalaki sa Bethesda ay hindi na Siya dumalo sa mga pambansang pagtitipon. Upang maiwasan ang walang-kabuluhang pakikipagtalo sa mga pinuno sa Jerusalem, ay tinakdaan Niya ang mga paggawa Niya sa Galilea. Ang waring pagpapabaya Niya sa malalaldng pagtitipong ito na ukol sa relihiyon, at ang pagkapoot sa Kaniya ng mga saserdote at ng mga rabi, ay naging sanhi ng kagulumihanan sa mga taong nasa palibot Niya, at maging sa sarili Niyang mga alagad at mga kamag-anak. Pinakaliwanag Niya sa Kaniyang mga pagtuturo ang mga pagpapalang dulot ng pagtalima sa kautusan ng Diyos, at gayon pa man Siya'y waring nagwawalang-bahala sa pagtitipong Diyos ang nagtatag. Ang pakikihalubilo Niya sa mga manimngil ng buwis at iba pang masasamang tao, ang Kaniyang dipagpansin sa mga kaugaliang sinusunod ng mga rabi, at ang Kaniyang pagsasa-isantabi sa mga pinagkaugaliang utos tungkol sa pangingilin ng Sabado, na lahat ng ito ay waring ikinamuhi sa Kaniya ng mga pinuno ng relihiyon, ay nag-udyok ng pag-aalinlangan sa marami. Inakala ng mga kapatid Niya na mali ang paglayo Niya sa mga dakila at matatalinong tao ng bansa. Ang pakiramdam nila ay tama ang mga taong ito, at si Jesus ay mali sa paglaban sa kanila. Nguni't nakita naman nilang walang maipipintas sa Kaniyang kabuhayan, at bagaman hindi pa nila ibinibilang ang kanilang mga sarili na kasama ng mga alagad, sila naman ay lubhang nakikilos ng Kaniyang mga gawa. Ang pagkakabantog Niya sa Galilea ay nakasisiya sa kanilang hangarin; inaasahan pa rin nilang ipakikita Niya ang Kaniyang kapangyarihan na aakay sa mga Pariseong maniwala na Siya nga ang Mesiyas. Ano nga kaya't Siya na ang Mesiyas, ang prinsipe ng Israel! Inisip-isip nila ito nang may kasiya-siyang pagmamalaki. BB 641.2
Lubha nilang ikinasabik ang tungkol sa bagay na ito na anupa't pinilit nilang papuntahin si Kristo sa Jerusalem. “Umalis Ka rito,” wika nila, “at pumaroon Ka sa Judea, upang makita naman ng Iyong mga alagad ang mga gawang Iyong ginagawa. Sapagka't walang taong gumagawa ng anumang bagay na lihim, at nagsisikap ihayag ang kaniyang sarili. Kung ginagawa Mo ang mga bagay na ito ay pakilala Ka sa sanlibutan.” Ang “kung” 2y nagpapakilala ng pag-aalinlangan at di-paniniwala. Inisip nilang Siya'y naduduwag at mahina. Kung talagang alam Niyang Siya nga ang Mesiyas, bakit Siya atubili at di-kumikilos? Kung sadyang Siya'y may kapangyarihan, bakit hindi Siya pumunta sa Jerusalem nang buong katapangan, at ipahayag ang Kaniyang mga inaangkin? Bakit hindi Niya gawin sa Jerusalem ang mga kahangahangang gawang napabalitang ginawa Niya sa Galilea^ Huwag Kang magtago sa mga liblib na lalawigan, sabi nila, at gawin Mo ang makapangyarihan Mong mga gawa upang pakinabangan ng mga magbubukid at mga mamamalakayang walang-muwang. Pakita Ka sa kabisera, papaniwalain Mo ang mga saserdote at mga pinuno sa bayan, at papagkaisahin Mo ang bansa sa pagtatatag ng bagong kaharian. BB 642.1
Ang mga katwiran ng mga kapatid na ito ni Jesus ay sa adhikaing makasarili na laging namamahay sa puso ng mga may hangaring matanghal. Ang diwang ito ay siyang naghahari sa sanlibutan. Sila'y nangagagalit sapagka't, sa halip na hangarin ni Kristo ang kahariang panlupa, ay itinanyag Niyang Siya ang tinapay ng buhay. Sila'y bigung-bigo nang iwanan Siya ng marami sa Kaniyang mga alagad. Sila man ay nagsitalikod din upang iwasan ang kahihiyan sa pagkilala sa inihahayag ng Kaniyang mga gawa—na Siya nga ang Isinugo ng Diyos. BB 643.1
“Nang magkagayo'y sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi pa dumarating ang Aking panahon: datapwa't ang inyong panahon ay laging nahahanda. Hindi mangyayaring kayo'y kapootan ng sanlibutan; nguni't Ako'y kinapopootan, sapagka't ito'y Aking pinatototohanang masasama ang kaniyang mga gawa. Mangagsiahon kayo sa pista: Ako'y hindi aahon sa pistang ito; sapagka't hindi pa nagaganap ang Aking panahon. Nang masabi na Niya sa kanila ang mga salitang ito, ay nanahan pa Siya sa Galilea.” Nagsalita sa Kaniya ang Kaniyang mga kapatid sa himig na pautos, na sinasabi ang hakbang na dapat Niyang gawin. Ibinalik Niya sa kanila ang suwat nila, at itinuring silang hindi nabibilang sa Kaniyang natatalagang mga alagad, kundi sa sanlibutan. “Hindi mang yayaring kayo'y kapootan ng sanlibutan,” sinabi Niya, “nguni't Ako'y kinapopootan, sapagka't ito'y Aking pinatototohanang masasama ang kaniyang mga gawa.” Hindi napopoot ang sanlibutan sa mga katulad nito ang diwa; bagkus minamahal pa nga sila. BB 643.2
Ang sanlibutan sa ganang kay Kristo ay hindi isang pook ng pagpapaginhawa at pagtatanghal ng sarili. Hindi Siya nag-aabang ng pagkakaton upang agawin ang kapangyarihan at kaluwalhatian nito. Wala itong ibinibigay na gayong gantimpala sa Kaniya. Ito ang pook na pinagsuguan sa Kaniya ng Kaniyang Ama. Siya'y ibinigay upang maging kahalili ng buhay ng sanlibutan, upang gawin ang dakilang panukala ng pagtubos. Ginagampanan Niya ang Kaniyang gawain para sa nagkasalang sangkatauhan. Nguni't hindi Siya dapat maging pangahas, hindi Siya dapat sumugba agad sa panganib, hindi Niya dapat papagmadaliin ang isang krisis. Bawa't pangyayari sa Kaniyang gawain ay may kaniyang takdang oras. Dapat Siyang maghintay na may pagtitiis. Alam Niyang Siya'y kapopootan ng sanlibutan; alam Niyang ang Kaniyang gawain ay hahantong sa Kaniyang kamatayan; nguni't kung isusubo Niya ang Kaniyang sarili sa kamatayan nang wala sa panahon ay hindi ito magiging kalooban ng Kaniyang Ama. BB 644.1
Magbuhat sa Jerusalem ay lumaganap hanggang sa malalayong pook na pinangalatan ng mga Hudyo ang balita tungkol sa mga kababalaghan ni Kristo; at bagama't marami nang buwang hindi Siya dumadalo sa mga kapistahan, ay sabik pa rin sa Kaniya ang mga tao. Marami ang umahon sa Pista ng mga Tabernakulo buhat sa lahat ng mga dako ng sanlibutan sa pag-asang makikita Siya roon. Sa pasimula ng pista ay marami ang nangag-usisa ukol sa Kaniya. Ang mga Pariseo at mga pinuno ay nagsipag-abang sa pagdating Niya, na nagsisiasang magkakaroon ng pagkakataong mahatulan Siya. Masidhi silang nagsipagtanong, “Saan naroon Siya?” nguni't walang makaalam. Siya ang nasa isip ng lahat. Dahil sa takot sa mga saserdote at mga pinuno, ay walang sinumang nangahas kumilalang Siya nga ang Mesiyas, nguni't sa lahat ng dako ay tahimik na pinag-uusapusapan Siya. Marami ang nagtanggol sa Kaniya na Siya nga ay isang sugong buhat sa Diyos, samantalang ang iba naman ay tinuligsa Siya bilang mandaraya ng mga tao. BB 644.2
Samantala'y tahimik na dumating si Jesus sa Jerusalem. Pinili Niya ang landas na bihirang daanan, upang maiwasan ang mga nagsisipaglakbay patungo sa siyudad na buhat sa lahat ng dako. Kung Siya'y nakisabay sa alinmang langkay-langkay na pulutong na nagsiahon sa pista, makikita Siya ng madla sa pagpasok Niya sa siyudad, at mangyayaring Siya'y ipagbunyi ng lahat na ikagagalit namang walang-pagsala ng mga maykapangyarihan. Upang maiwasan ang pangyayaring ito kaya minabuti Niyang maglakbay nang nag-iisa. BB 645.1
Noong nangangalahati na ang pista, nang kasalukuyang abalang-abala ang mga tao sa paghahanap sa Kaniya, pumasok Siya sa patyo ng templo na nakikita ng karamihan. Dahil sa wala Siya sa pista, ipinalagay na Siya'y natatakot na hulihin ng mga saserdote at mga pinuno. Ngayo'y namangha ang Iahat nang Siya'y makita. Nagtaka ang lahat sa dangal at tapang ng Kaniyang pagkakatayo sa gitna ng makapangyarihang mga kaaway na nauuhaw sa Kaniyang dugo. BB 645.2
Sa gayong pagkakatayo, na sa Kaniya nakatuon ang pansin ng malaking karamihan, ay nagsalita si Jesus sa kanila sa paraang di-kailanman natularan ninuman. Ang mga pangungusap Niya ay nagpakilalang nalalaman Niya ang mga kautusan at mga kaugalian ng Israel, ang mga tuntunin ng paghahandog at ang mga turo o aral ng mga propeta, nang higit pa kaysa nalalaman ng mga saserdote at mga rabi. Iginiba Niya ang mga kuta ng pormalismo o patay na anyo at ng sali't-saling sabi. Ang mga pangyayari sa buhay na darating ay inilarawan Niyang parang nakahantad sa harap Niya. Palibhasa'y nakita Niya ang Di-nakikita ninuman, ay nasalita Niya nang may tiyak na kapangyarihan ang mga bagay na ukol sa lupa at ang mga bagay na ukol sa langit, at ang mga bagay ng tao at ang mga bagay ng Diyos. Ang mga salita Niya'y napakalilinaw at kapani-paniwala; at sa Capernaum, ang mga tao ay muling nangagtaka sa Kaniyang pangangaral; “sapagka't may kapangyarihan ang Kaniyang salita.” Lukas 4:32. Sa ilalim ng iba't ibang paghahalimbawa ay binabalaan Niya ang mga nakikinig sa Kaniya tungkol sa kapahamakang darating sa mga tumatanggi sa mga pagpapalang siya Niyang ipinarito upang maibigay sa kanila. Binigyan Niya sila ng bawa't katibayang nagpapatunay na Siya'y nagbuhat sa Diyos, at ginawa na rin Niya ang lahat ng pagsisikap upang sila'y maakay sa pagsisisi. Sana'y hindi Siya itatakwil at ipapapatay ng sarili Niyang mga kababayan kung napigil o nasansala lamang Niya sila sa ganyang nakamumuhing kasalanan. BB 645.3
Nanggilalas ang lahat sa lawak ng nalalaman Niya tungkol sa kautusan at mga hula; at isa't isa'y nagtanong, “Paanong nakaaalam ang Taong ito ng mga karunungan, gayong hindi naman nag-aral kailanman?” Wala isa mang itinuturing na karapat-dapat maging guro sa relihiyon kung hindi siya nag-aral sa paaralan ng mga rabi, at kaya nga si Jesus at si Juan Bautista ay itinuring na walang-nalalaman sapagka't hindi sila nakapagaral sa mga paaralang ito. Ang mga nakarinig sa kanila ay nangagtaka sa karunungan o kaalaman nila sa mga Kasulatan, “gayong hindi naman nag-aral kailanman.” Kung sa paaralan ng mga tao, tunay na hindi nga; subali't ang Diyos ng langit ay siyang nagturo sa kanilang dalawa, at sa Kaniya nagbuhat ang pinakamataas na uri ng karunungang tinanggap nila. BB 646.1
Nang magsalita si Jesus sa patyo ng templo, ay nangaumid ang mga tao. Ang mga taong lubhang mararahas sa Kaniya ay nakadamang hindi nila kayang pinsalain Siya. Sandaling nalimutan nila ang lahat. BB 647.1
Sa araw-araw ay nagturo Siya sa mga tao, hanggang sa kahuli-hulihang araw, “na dakilang araw ng pista.” Nang umagang ito ang mga tao ay hapo dahil sa haba o tagal ng kapistahan. Di-kaginsa-ginsa'y sumigaw si Jesus nang malakas, na nag-inugong sa buong patyo ng templo. BB 647.2
“Kung ang sinuman ay nauuhaw, ay pumarito sa Akin, at uminom. Ang sumasampalataya sa Akin, gaya ng sinasabi ng kasulatan, buhat sa kaniyang tiyan ay aagos ang mga ilog ng tubig ng buhay.” Ang kalagayan ng mga tao ay nagpatindi sa pamanhik na ito. Nagpatuloy sila sa pagmamarangya at pagsasaya, nasilaw ang kanilang mga mata sa liwanag at sari-saring kulay, at ang kanilang mga pandinig ay naaliw ng nag-iinamang tugtugin; nguni't ang lahat ng mga seremonyang ito ay hindi nakapagdulot ng kinakailangan ng espiritu, hindi nakapagdulot ng makasisiya sa pagkauhaw ng kaluluwa sa bagay na hindi lumilipas. Inanyayahan sila ni Jesus na magsilapit at magsiinom sa bukal ng buhay, na sa kanila ay magiging isang balon ng tubig, na bumubukal hanggang sa walang-hanggang buhay. BB 647.3
Nang umagang yaon ay ginanap ng saserdote ang seremonyang nagpapaalaala sa pagkakahampas ng bato sa ilang. Ang batong yaon ay sagisag Niyaong sa pamamagitan ng Kaniyang pagkamatay ay dadaloy ang mga buhay na agos ng kaligtasan sa lahat ng mga nangauuhaw. Ang mga salita ni Kristo ay siyang tubig ng buhay. Doon sa gitna na karamihang yaong nagkakatipon ay itinulot Niyang Siya'y hampasin, upang ang tubig ng buhay ay umagos sa sanlibutan. Sa paghampas kay Kristo, ay inakala ni Satanas na mapupuksa niya ang Prinsipe ng buhay; nguni't mula sa Batong hinampas ay lumabas at umagos ang tubig ng buhay. Nang makapagsalitang gayon si Jesus sa mga tao, sinidlan ang kanilang puso ng kakaibang damdamin, at marami ang noon din ay handa nang magsabi, tulad ng babaing Samaritana, ng “Ibigay Mo sa akin ang tubig na ito, upang ako'y huwag mauhaw.” Juan 4:15. BB 647.4
Alam ni Jesus ang mga pangangailangan ng kaluluwa. Ang karingalan, mga kayamanan, at karangalan ay hindi makasisiya sa puso. “Kung ang sinuman ay nauuhaw, ay pumarito sa Akin.” Ang mayaman, ang dukha, ang mataas, at ang aba, ay para-parang inaanyayahan. Siya'y nangangakong iibsan ng alalahanin ang isipang nag-aalaala, aaliwin ang nalulumbay, at bibigyan ng pag-asa ang nanlulupaypay. Ang marami sa mga nakinig kay Jesus ay mga tumatangis sa pagkabigo, marami ang nagkikimkim ng lihim na pamimighati, marami ang nagsisikap na mabigyang-kasiyahan ang walang-humpay nilang pagmimithi ng mga bagay ng sanlibutan at ng papuri ng mga tao; subali't kung makamtan na ang lahat, nasusumpungan nilang ang tinamo lamang nila ay isang basag na sisidlang walang laman, na di-makapapatid ng kanilang kauhawan. Sa gitna ng kaakit-akit na pagkakasayahan ay naroon silang nakatayo, na di-nasisiyahan at malungkot. Ang biglang sigaw na, “Kung ang sinuman ay nauuhaw,” ay gumitla sa kanilang malungkot na pagninilay-nilay, at nang marinig nila ang sumunod na mga pangungusap, ay nabuhay na muli sa kanilang isip ang isang bagong pag-asa. Iniharap sa kanila ng Espiritu Santo ang sagisag hanggang sa makilala nilang ito ang alok na kaligtasang di-matutumbasan ang halaga. BB 648.1
Ang anyaya ni Kristo sa nauuhaw na kaluluwa ay patuloy pa ring isinisigaw hanggang ngayon, at ito'y namamanhik sa atin nang lalong malakas kaysa sa mga nakarinig nito sa templo noong huling araw ng pista. Ang bukal ay bukas sa lahat. Ang mga napapagal at nahahapo ay inaalok ng nagpapaginhawang lagok ng buhay na walang-hanggan. Si Jesus ay patuloy pa ring nananawagan, “Kung ang sinuman ay nauuhaw, ay pumarito sa Akin, at uminom.” “Ang nauuhaw ay pumarito. At ang may ibig, ay kumuhang walang-bayad ng tubig ng buhay.” “Ang sinumang uminom ng tubig na sa kaniya'y Aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailanman; nguni't ang tubig na sa kaniya'y Aking ibibigay ay magiging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang-hanggan.” Apoealipsis 22:17; Juan 4:14. BB 649.1