Bukal Ng Buhay

49/89

Kabanata 48—“Sino ang Pinakadakila?”

Ang kabanaiang ito ay batay sa Mateo 17:22-27; 18:1-20; Marcos 9:30-50; Lukas 9:46-48.

Nang bumalik si Jesus sa Capernaum, hindi na Siya dumaan sa mga tanyag na pook na pinagturuan Niya sa mga tao, kundi tahimik na humanap Siya ng bahay na pansamantala Niyang tutuluyan na kasama ang Kaniyang mga alagad. Sa nalolooban ng nalalabing panahong ititigil Niya sa Galilea ay naging layunin Niya na turuan ang mga alagad sa halip na gumawa sa mga karamihan. BB 618.1

Sa paglalakad nila sa buong Galilea, ay muling sinikap ni Kristo na ihanda ang mga pag-iisip ng Kaniyang mga alagad sa mga pangyayaring nasa unahan Niya. Sinabi Niya sa kanila na Siya'y aahon sa Jerusalem upang doon Siya patayin at upang muling mabuhay. At idinugtong Niya ang kakatwa at solemneng pahayag na Siya'y ipagkakanulo sa mga kamay ng Kaniyang mga kaaway. Hanggang ngayo'y hindi pa napag-uunawa ng mga alagad ang mga sinasabi Niya. Bagama't ang lambong ng malaking kalungkutan ay lumukob sa kanila, ang diwa naman ng pagpapang-agawan ang naghahari sa kanilang mga puso. Pinagtatalunan nila kung sino kaya ang ituturing na pinakadakila sa kaharian. Ang pagtatalu-talong ito ay inisip nilang itago o ilihim kay Jesus, at kaya nga sila'y hindi na gaya nang dati na nagsisiksikan sa Kaniyang tabi, kundi sila'y nagpahuli, na anupa't nang sila'y pumasok sa Capernaum ay nauuna si Jesus sa kanila. Nabasa ni Jesus ang kanilang mga iniisip, at hinangad Niyang sila'y mapayuhan at matagubilinan. Nguni't naghintay Siya nang may isang oras para sa bagay na ito, sa sandaling magiging bukas ang mga puso nila sa pagtanggap ng Kaniyang mga salita. BB 618.2

Pagdating na pagdating nila sa bayan, lumapit kay Pedro ang maniningil ng buwis para sa templo at nagtanong, “Hindi ba nagbabayad ng buwis ang iyong Panginoon?” Ang buwis na ito ay hindi buwis sa pagiging isang mamamayan, kundi kontribusyon o abuloy na panrelihiyon, na hinihinging bayaran ng bawa't Hudyo sa taun-taon para sa pagtataguyod sa templo. Ang hindi pagbabayad ng buwis na ito ay ituturing na pagtataksil sa templo—na sa palagay ng mga rabi ay isang napakabigat na kasalanan. Ang pananayuan ng Tagapagligtas tungo sa mga kautusan ng mga rabi, at ang lantaran Niyang mga pagsuwat sa mga tagapagtanggol ng sali't saling sabi, ay siyang nagbigay ng dahilan upang Siya'y paratangang sinisikap Niyang sirain o ibagsak ang paglilingkod sa templo. Nakakita ngayon ang Kaniyang mga kaaway ng isang pagkakataon upang Siya'y masiraan. Nakakuha sila ng isang handang katulong sa katauhan ng maniningil ng buwis. BB 619.1

Nahalata ni Pedro sa tanong ng maniningil ng buwis ang pag-aalinlangan sa katapatan ni Kristo sa templo. Sa maalab niyang pagmamalasakit sa karangalan ng kaniyang Panginoon, agad siyang sumagot, nang hindi na sumangguni muna sa Kaniya, na si Jesus nga ay magbabayad ng buwis. BB 619.2

Nguni't hindi gaanong napag-unawa ni Pedro ang layunin ng nagtatanong. May ilang uri ng mga taong kinikilalang hindi dapat magbayad ng buwis. Noong panahon ni Moises, nang ibukod ang mga Levita upang maglingkod sa santuwaryo, sila'y hindi binigyan ng mana sa gitna ng mga tao. Sinabi ng Panginoon, “Ang Levi ay walang bahagi ni mana sa kasamahan ng kaniyang mga kapatid; ang Panginoo'y siyang kaniyang mana.” Deuteronomio 10:9. Noong mga kaarawan ni Kristo ang mga saserdote at mga Levita ay itinuturing pa ring mga tanging itinalaga sa templo, at hindi sila pinagbayad ng taunang kontribusyon para sa pagtataguyod nito. Ang mga propeta ay hindi rin pinapagbayad ng buwis na ito. Sa pagsingil ng buwis kay Jesus, ay pinawawalang-halaga ng mga rabi ang Kaniyang pag-aangking Siya'y propeta o guro, at Siya'y pinakikitunguhang gaya ng isang karaniwang tao. Ang pagtanggi Niyang magbayad ng buwis ay ituturing na kawalan-ng-pagtatapat sa templo; samantala, sa kabilang dako naman, kung magbabayad Siya ay nangangahulugan iyon na tama sila sa hindi nila pagkilala sa Kaniya na Siya'y isang propeta. BB 619.3

Hindi pa natatagalan, kinilala ni Pedro si Jesus bilang Anak ng Diyos; nguni't ngayon ay hindi niya sinamantala ang pagkakataon na itanyag ang likas ng kaniyang Panginoon. Sa kaniyang isinagot sa maniningil, na si Jesus ay magbabayad ng buwis, ay para niyang sinang-ayunan ang maling paniniwala tungkol sa Kaniya na sinisikap palaganapin ng mga saserdote at mga pinuno. BB 620.1

Nang pumasok si Pedro sa bahay, walang binanggit ang Tagapagligtas tungkol sa nangyari, kundi Siya'y nagtanong, “Anong akala mo, Simon? ang mga hari sa lupa ay kanino baga sila nanganiningil ng kabayaran ng buwis? sa kanilang mga anak baga, o sa nangaiiba?” Sumagot si Pedro, “Sa nangaiiba.” At sinabi ni Jesus, “Kung gayo'y hindi nangagbabayad ang mga anak.” Bagama'l ang mga mamamayan ng isang bansa ay nangagbabayad ng buwis upang masustento ang hari nila, ang mga anak naman ng hari ay hindi sinisingil. Kaya ang Israel, na nagpapanggap na bayan ng Diyos, ay pinag-utusang tangkilikin ang paglilingkod sa Kaniya; nguni't si Jesus, na Anak ng Diyos, ay walang ganitong sagutin. Kung ang mga saserdote at mga Levita ay hindi pinapagbabayad dahil sa paglilingkod nila sa templo, gaano pa nga Siya na ang templo ay bahay ng Kaniyang Ama. BB 620.2

Kung si Jesus ay nagbayad ng buwis nang walang tutol, ay para na rin Niyang inaming tama ang inaangkin nila, at sa gayo'y hindi sana naipakilala ang Kaniyang pagka-Diyos. Nguni't bagama't nakita Niyang mabuting tugunin ang hinihingi, tinutulan naman Niya ang pag-aangking pinagbabatayan nito. Sa paglalaan Niya ng salaping pambayad sa buwis ay ipinakilala Niya ang Kaniyang likas na pagka-Diyos. Nahayag na Siya'y isang kasama-sama ng Diyos, at hindi nga Siya dapat bumuwis na tulad ng isang taong nasasakop ng kaharian. BB 621.1

“Pumaroon ka sa dagat,” utos Niya kay Pedro, “at ihulog mo ang kawil, at kunin mo ang unang isdang lumitaw; at pagka naibuka mo na ang kaniyang bibig, ay masusumpungan mo ang isang siklo (o isang putol na salapi): kunin mo, at ibigay mo sa kanila sa ganang Akin at sa iyo.” BB 621.2

Bagama't binihisan Niya ng pagka-tao ang Kaniyang pagka-Diyos, ay ipinakita Niya sa kababalaghang ito ang Kaniyang kaluwalhatian. Malinaw na ito nga Yaong sinabi sa pamamagitan ni David, “Bawa't hayop sa gubat ay Akin, at ang hayop sa libong burol. Nakikilala Ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok: at ang mga mababangis na hayop sa parang ay Akin. Kung Ako'y magugutom, ay hindi Ko sasaysayin sa iyo: sapagka't ang sanlibutan ay Akin, at ang buong narito.” Awit 50:10-12. BB 621.3

Bagama't niliwanag ni Jesus na hindi Niya tungkulin ang magbayad ng buwis, hindi naman Siya nakipagtalo sa mga Hudyo tungkol sa bagay na ito; dahil sa babaligtarin lamang nila ang mga salita Niya, at ilalaban sa Kaniya. At upang hindi Siya makapagbigay ng dahilang su- kat nilang ikagalit na gaya ng di-pagbibigay ng buwis, ay ginawa Niya ang bagay na hindi tamang ipagawa sa Kaniya. Ang aral na ito ay magiging mahalaga sa mga alagad Niya. Malalaking pagbabago ang malapit nang mangyari sa kaugnayan nila sa gawain sa templo, at kaya nga binilinan sila ni Kristo na di-kailangang tuligsain nila ang matandang kaayusan. Hangga't mangyayari, iiwasan nilang may masabi laban sa kanilang pananampalataya. Bagama't hindi dapat isakripisyo ng mga Kristiyano ang kahit isang simulain ng katotohanan, ay totoo namang dapat nilang iwasan ang pakikipagtalo hangga't maaari. BB 621.4

Nang si Kristo at ang mga alagad ay nag-iisa na sa bahay, samantalang si Pedro naman ay napasa dagat, tinawag ni Jesus ang ibang mga alagad at sila'y tinanong, “Ano ang pinagkakatwiranan ninyo sa daan?” Ang pakikiharap ni Jesus, at ang Kaniyang pagtatanong, ay nagbigay sa suliraning kanilang pinag-uusapan sa daan ng kakaibang liwanag kaysa inaakala nila. Pinatahimik sila ng pagkapahiya at ng sumbat ng kanilang sarili. Sinabi ni Jesus sa kanila na Siya'y mamamatay dahil sa kanila, at ang makasarili nilang hangarin ay nakasasakit sa Kaniyang walang-pag-iimbot na pag-ibig. BB 623.1

Nang sabihin ni Jesus sa kanila na Siya'y ipapapatay at muling mabubuhay, ay pinagsisikapan Niyang sila sana'y makausap tungkol sa malaking pagsubok na susubok sa kanilang pananampalataya. Kung naging handa lamang sila na tumanggap ng bagay na nais Niyang maipabatid sa kanila, hindi sana nila dinanas ang mapait na kahirapan at panlulupaypay. Sana'y nakapaghatid ng kaaliwan ang mga salita Niya sa oras ng kanilang kalungkutan at pagkabigo. Datapwa't bagama't buong linaw na Niyang sinabi ang tungkol sa mangyayari o sasapit sa Kaniya, ang muling pagbanggit Niya sa katotohanan na Siya'y malapit nang pumaroon sa Jerusalem ay nagpasiglang muli sa kanilang pag-asa na itatayo na nga ang kaharian. Humantong ito sa pagtatanungan na kung sino kaya sa kanila ang uupo sa pinakamatataas na tungkulin. Nang magbalik na si Pedro buhat sa dagat, sinabi sa kaniya ng mga alagad ang tanong ng Tagapagligtas, at sa wakas ay may isang nangahas na magtanong kay Jesus, “Sino nga baga ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” BB 623.2

Tinipon ng Tagapagligtas ang mga alagad Niya sa Kaniyang palibot, at sinabi sa kanila, “Kung sinuman ang ibig na maging una, ay siyang mahuhuli sa lahat, at lingkod ng lahat.” Sa mga salitang ito ay naroon ang kasolemnihan at ang diin na hindi napag-unawa ng mga alagad. Ang nakikita ni Kristo ay hindi nila makita. Hindi nila napag-unawa ang likas ng kaharian ni Kristo, at ang di-pagkaunawang ito ang waring siyang sanhi ng kanilang pagtatalu-talo. Nguni't ang tunay na dahilan ay lubhang malalim ang pagkakabaon. Kung ipaliliwanag ni Kristo ang uri ng kaharian, maaaring pansamantala Niyang masawata ang kanilang pagtatalo; subali't hindi nito masasaklaw ang tunay na dahilang pinagbubuhatan. Kahit na maintindihan nilang lubos, ay muling uulit ang pagtatalo sa oras na dumating ang pagkakataon. Sa gayo'y maaaring dumating ang kapahamakan sa iglesya pagkaalis ni Kristo. Ang pagtatalu-talo para sa pinakamataas na tungkulin ay gawain ng espiritu ding iyon na siyang pinagmulan ng malaking tunggalian sa mga sanlibutang nasa itaas, at siyang nagiging dahilan ng pagpanaog ni Kristo sa lupa mula sa langit upang dito mamatay. May tumindig sa harap Niya na isang pangitain tungkol kay Lucifer, ang “anak ng umaga,” na ang kaluwalhatian ay nakahihigit sa lahat ng mga anghel na nakapalibot sa luklukan ng Diyos, at buong higpit na nakikipagkaisa sa Anak ng Diyos. Sinabi ni Lucifer, “Ako'y magiging gaya ng Kataas-taasan” (Isaias 14:12, 14); at ang paghahangad na mataas ang sarili'y siyang nagdulot o lumikha ng pagaalitan sa mga korte sa langit, at siyang ikinapalayas ng karamihang mga hukbo ng anghel ng Diyos. Kung ang talagang hangad ni Lucifer ay ang maging katulad ng Kataas-taasan, ay hindi sana niya iniwan ang itinakdang dako niya sa langit; sapagka't ang espiritu ng Kataas-taasan ay nahahayag sa di-makasariling paglilingkod. Ang ibig ni Lucifer ay ang kapangyarihan ng Diyos, at hindi ang Kaniyang likas. Pinagsikapan niyang makuha ang pinakamataas na tungkulin, at ang bawa't kinapal na kinikilos ng espiritu niyang ito ay gagawa rin ng ganito. Kaya nga hindi maiiwasan ang pagkakahidwaan, pagtatalu-talo, at ang pag-aalitan. Pagpupuno ang nagiging gantimpala sa pinakamalakas. Ang kaharian ni Satanas ay isang kaharian ng dahas; itinuturing ng isa't isa na ang kaniyang kapwa ay isang balakid sa daan ng kaniyang pagsulong, o kaya'y isang tuntungang-bato upang ang sarili niya ay makaakyat sa lalong mataas na kalagayan. BB 624.1

Samantalang itinuturing ni Lucifer na isang bagay na mananasa ang makapantay ng Diyos, si Kristo naman, na Isang Dakila, ay “hinubad Niya ito, at nag-anyong alipin, at nakitulad sa mga tao: at palibhasa'y nasumpungan sa anyong tao, Siya'y nagpakababa sa Kaniyang sarili, at nagmasunurin hanggang sa kamatayan, samakatwid baga'y sa kamatayan sa krus.” Filipos 2:7, 8. Ngayo'y nasa unahan na Niya ang krus; at ang sarili Niyang mga alagad ay punung-puno ng diwang makasarili—ang diwang umiiral sa kaharian ni Satanas—na anupa't hindi nila magawang makiisa at makiramay sa kanilang Panginoon, ni hindi rin nila maunawaan Siya nang sabihin Niya ang gagawin Niyang pagpapakababa dahil sa kanila. BB 625.1

Buong paggiliw, nguni't may solemneng pagkikintal. na pinagsikapan ni Jesus na iwasto ang kamaliang ito. Ipinakilala Niya kung anong simulain ang umiiral sa kaharian ng langit, at kung ano ang bumubuo sa tunay na kadakilaan, ayon sa pamantayan ng mga korte sa langit. Yaong mga pinaghaharian at kinikilos ng kapalaluan at ng pag-ibig na matanghal ay walang mga iniisip kundi ang kanilang mga sarili, at ang mga gantimpalang kanilang tatamuhin, sa halip na ang isipin ay kung paano nila maibabalik sa Diyos ang mga kaloob na kanilang tinanggap. Hindi sila magkakaroon ng lugar sa kaharian ng langit, sapagka't sila'y kabilang sa hukbo ni Satanas. BB 625.2

Bago karangalan ay kapakumbabaan muna. Ang pinipili ng Langit na ilagay sa mataas na tungkulin sa harap ng mga tao, ay ang manggagawang tulad ni Juan Bautista, na nagpapakababa sa harapan ng Diyos. Ang alagad na lalong katulad ng bata ay siyang pinakamahusay at pinakamabunga sa paglilingkod sa Diyos. Ang mga anghel sa langit ay makikipagtulungan sa tao na ang sinisikap, ay hindi ang pagtataas ng sarili, kundi ang pagliligtas ng mga kaluluwa. Siya na lubhang nakadarama ng pangangailangan niya ng tulong ng Diyos ay mamamanhik ukol dito; at ipakikita naman ng Espiritu Santo si Jesus na magpapalakas at magtataas sa kaluluwa. Buhat sa pakikipag-usap niya kay Kristo ay hahayo siya upang gumawa at maglingkod para sa mga nangapapahamak dahil sa kanilang mga pagkakasala. Siya ay pinahiran o itinalaga sa kaniyang misyon; at siya'y nagtatagumpay sa lugar na kinabiguan ng maraming nagsipagaral at marurunong. BB 626.1

Nguni't pagka itinataas ng mga tao ang kanilang mga sarili, na inaakalang sila ay kailangan sa ikapagtatagumpay ng dakilang panukala ng Diyos, sila'y isinasaisantabi o inaalis ng Panginoon. Malinaw na mapaguunawang hindi umaasa ang Panginoon sa kanila. Hindi humihinto ang gawain sa pagkakaalis nila, kundi nagpapatuloy na may lalong malaking kapangyarihan. BB 626.2

Hindi sapat na ang mga alagad ni Jesus ay maturuan ng tungkol sa likas ng kaharian. Ang kailangan nila ay isang pagbabago ng puso na maghahatid sa kanila sa pakikitugma sa mga simulain nito. Pagkatawag sa isang maliit na bata, pinatayo ito ni Jesus sa gitna nila; pagkatapos ay buong giliw na niyakap ito at sinabi, “Malibang kayo'y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.” Ang kasimplihan, ang pagkadi-mapagtanim, at ang mapagtiwalang pag-ibig ng isang maliit na bata ay mga likas na pinahahalagahan ng Langit. Ito ang mga likas ng tunay na kadakilaan. BB 627.1

Muling ipinaliwanag ni Jesus sa mga alagad na ang kaharian Niya ay hindi napagkikilala sa pamamagitan ng makalupang karangalan at pagkatanghal. Sa paanan ni Jesus ay nalilimutan ang lahat ng mga pagkakaibaibang ito. Ang mayaman at dukha, ang nag-aral at dinag-aral, ay nagkakasalu-salubong, na di-naiisip ang pagkakaiba-iba ng uri nila o ang makasanlibutang kahigitan ng isa't isa sa kanila. Lahat ay nagtatagpong gaya ng mga kaluluwang binili ng dugo, na para-parang umaasa sa Isa na tumubos sa kanila sa Diyos. BB 627.2

Ang tapat na nagsisising kaluluwa ay mahalaga sa paningin ng Diyos. Inilalagay Niya ang sarili Niyang tanda o tatak sa kanila, hindi dahil sa kanilang mataas na kalagayan, hindi dahil sa sila'y mayaman, hindi dahil sa kalakhan ng kanilang karunungan, kundi dahil sa kanilang pagiging-isa kay Kristo. Nasisiyahan ang Panginoon ng kaluwalhatian sa mga maaamo at mga mapagpakumbabang puso. “Iyo namang ibinigay sa akin,” wika ni David, “ang kalasag na Iyong panligtas: ... at ang Iyong kahinahunan”—bilang isang sangkap sa likas ng tao—ay “pinadakila ako.” Awit 18:35. BB 627.3

“Ang sinumang tumanggap sa isa sa mga ganitong maliliit na bata sa Aking pangalan,” sinabi ni Jesus, “ay Ako ang tinatanggap: at ang sinumang tumanggap sa Akin, ay hindi Ako ang tinatanggap, kundi Yaong sa Aki'y nagsugo.” “Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang langit ay Aking luklukan, at ang lupa ay Aking tuntungan: ... nguni't ang taong ito ay titingnan Ko, samakatwid bagay siyang dukha at may pagsisising loob, at nanginginig sa Aking salita.” Isaias 66:1, 2. BB 627.4

Ang mga salita ng Tagapagligtas ay nakapukaw sa mga alagad ng isang damdamin ng di--pagtitiwala sa sarili. Wala Siyang tinukoy na sinuman sa Kaniyang isinagot; nguni't si Juan ay naakay na magtanong kung tumpak ang ginawa niya minsan. Taglay ang espiritu ng isang batang inilahad niya ang bagay na iyon sa harap ni Jesus. “Guro,” sabi niya, “nakita namin ang isa na sa pangalan Mo'y nagpapalabas ng mga demonyo; at pinagbawalan namin siya, sapagka't siya'y hindi sumusunod sa atin.” BB 628.1

Inisip ni Santiago at ni Juan na ang pagpigil nila sa taong iyon ay sa ikararangal ng kanilang Panginoon, subali't nahalata nilang ang ipinagmamalasakit nila ay ang kanilang mga sarili. Kinilala nila ang kanilang pagkakamali, at tinanggap ang suwat ni Jesus. “Huwag ninyong pagbawalan siya: sapagka't walang taong gumagawa ng makapangyarihang gawa sa pangalan Ko, na pagdaka'y makapagsasalita nang masama tungkol sa Akin.” Wala ni isa mang nakikipagkaibigan kay Kristo na itataboy. Marami ang lubhang nabagbag ang loob dahil sa likas at gawain ni Kristo, na ang mga puso'y binubuksan sa Kaniya sa pananampalataya; at ang mga alagad, na hindi nakababasa ng mga adhikain, ay kailangang maging maingat na huwag mapapanlupaypay ang mga kaluluwang ito. Pagka si Jesus ay hindi na nila kasama, at ang gawain ay maiwan na sa kanilang mga kamay, hindi sila dapat magmaramot na sarili na lamang nila ang titingnan, kundi magpapamalas sila ng pakikiramay ding iyon na nakita nila sa kanilang Panginoon. BB 628.2

Kahit na ang isang tao ay hindi umaayon sa lahat ng mga bagay na ating pinaniniwalaan o inaakala ay hindi ito nagbibigay-katwiran sa atin na pagbawalan siya na gumawa para sa Diyos. Si Kristo ang Dakilang Guro; hindi tayo dapat humatol o dapat mag-utos, kundi buong kapakumbabaang bawa't isa sa atin ay maupo sa paanan ni Jesus, at mag-aral sa Kaniya. Lahat ng kaluluwang pinaging-handa ng Diyos ay isang kasangkapang sa pamamagitan nito ihahayag ni Kristo ang Kaniyang nagpapatawad na pag-ibig. Gaano nga dapat tayong magingat baka mapahina natin ang loob ng isa sa mga tagadala ng ilaw ng Diyos, at sa gayo'y mahadlangan ang mga silahis ng liwanag na nais Niyang mapasikat sa sanlibutan! BB 629.1

Ang marahas o ang malamig na pakikitungo ng isang alagad sa isang pinalalapit ni Kristo—gaya ng ginawa ni Juan na pinagbabawalan niya ang isa sa paggawa ng mga himala sa pangalan ni Kristo—ay maaaring humantong sa pagbaling ng mga paa nito patungo sa landas ng kaaway, at maging sanhi ng pagkawaglit ng isang kaluluwa. Sa halip na gumawa nito ang isang tao, wika ni Jesus, “ay mabuti pa sa kaniya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang malaking gilingang-bato, at siya'y ibulid sa dagat.” At ang dugtong pa Niya, “Kung ang kamay mo ay makapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pingkaw, kaysa may dalawang kamay kang mapasa impiyerno, sa apoy na hindi mapapatay. At kung ang paa mo'y makapagpapa tisod sa iyo, ay putulin mo: mabuti pa sa iyo ang pumasok kang pilay sa buhay, kaysa may dalawang paa kang mabulid sa impiyerno.” Marcos 9:43-45. BB 629.2

Bakit ganitong matinding pangungusap ang ginamit? Sapagka't “ang Anak ng tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang nawala.” Ang mga alagad ba Niya ay magpapakita ng lalong maliit na pagpapahalaga sa mga kaluluwa ng kanilang mga kapwa tao kaysa ipinakita ng Hari ng kalangitan? Ang bawa't kaluluwa ay nagkahalaga ng di-matatayang halaga, at napakabigat ngang kasalanan ang magtaboy ng isang kaluluwa na palayo kay Kristo, na anupa't nawawalan ng kabuluhan sa kaniya ang pag-ibig at pagpapakumbaba at paghihirap ng Tagapagligtas. BB 629.3

“Sa aba ng sanlibutan dahil sa mga kadahilanan ng pagkatisod! sapagka't kinakailangang dumating ang mga kadahilanan.” Mateo 18:7. Ang sanlibutan, palibhasa'y inuudyukan ni Satanas, ay tiyak na sasalansang sa mga sumusunod kay Kristo, at sisikaping ilugso ang kanilang pananampalataya; nguni't sa aba niya na tumanggap sa pangalan ni Kristo, nguni't nasusumpungang gumagawa ng gawaing ito. Ang Panginoon natin ay inilalagay sa kahihiyan ng mga nagsisipag-angking naglilingkod sa Kaniya, subali't hindi naman nagpapakita ng Kaniyang likas; at napakarami ang nangadaraya, at naaakay sa mga maling landas. BB 630.1

Anumang pag-uugali o gawain na magbubulid sa pagkakasala, at magdudulot ng kapulaan kay Kristo, ay mabuti pang ito'y alisin o iwaksi, anuman ang maging pagpapakasakit. Anumang di-makapagpaparangal sa Diyos ay hindi makabubuti sa kaluluwa. Ang pagpapala ng langit ay hindi igagawad sa sinumang tao na lumalabag sa mga walang-hanggang simulain ng katwiran. At ang isang kasalanang kinikimkim ay sapat na upang gumawa ng pagpapababa sa likas, at magsinsay sa iba. Kung ang paa o ang kamay ay puputulin, o kung ang mata ay siyang dudukitin, upang mailigtas ang katawan sa kamatayan, gaano pa nga lalo tayong dapat magsumikap na alisin ang kasalanan, na siyang pumapatay sa kaluluwa! BB 630.2

Sa seremonya ng paghahandog, ang bawa't hain ay nilalagyan ng asin. Ito, katulad ng handog na kamanyang, ay nangangahulugang katwiran lamang ni Kristo ang magpapagindapat upang ang paghahandog ay tanggapin ng Diyos. Sa pagbanggit sa paghahandog na ito, ay ganito ang sinabi ni Jesus, “Bawa't hain ay aasnan.” “Taglayin ninyo sa inyong sarili ang asin, at kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa isa't isa.” Lahat ng mga nagnanais na ihandog ang kanilang mga sarili na “isang haing buhay, banal, na kaya-aya sa Diyos” (Roma 12:1), ay dapat tumanggap ng nagliligtas na asin, ang katwiran ng ating Tagapagligtas. Sa gayon sila'y nagiging “asin ng lupa,” na pumipigil ng kasamaan sa gitna ng mga tao, na tulad ng asin na nakahahadlang sa pagkabulok. Mateo 5:13. Subali't kung ang asin ay tumabang; kung ang kabanalan ay isang pagpapanggap lamang, kung wala ang pag-ibig ni Kristo, ay wala itong kapangyarihan para gumawa xig mabuti. Ang ganiyang kabuhayan ay hindi makalilikha ng nagliligtas na impluwensiya sa sanlibutan. Ang iyong lakas at kasanayan sa pagtatayo ng Aking kaharian, sinasabi ni Jesus, ay nakasalig sa inyong pagtanggap ng Aking Espiritu. Dapat kayong maging mga kabahagi ng Aking biyaya, upang kayo'y maging mabangong samyo ng buhay sa ikabubuhay. Kung magkagayo'y hindi magkakaroon ng pagpapang-agaw, ng pagkamakasarili, ng pagnanasa ng pinakamataas na lugar o tungkulin. Mapapasainyo ang pag-ibig na yaon na hindi-hinahanap ang sa kaniyang sarili, kundi ang sa ikasasagana ng iba. BB 630.3

Ipako nga ng nagsisising makasalanan ang kaniyang mga paningin sa “Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan” (Juan 1:29); at sa pamamagitan ng kaniyang pagtingin, siya'y mababago. Ang kaniyang pagkatakot ay mahahalinhan ng katuwaan, at ang kaniyang mga alinlangan ay mapapalitan ng pag-asa. Bubukal sa kaniyang puso ang pasasalamat at pagkilala ng utang-na-loob. Maaagnas ang batong puso. Isang alon ng pag-ibig ang lalagom sa kaluluwa. Sa ganang kaniya si Kristo ay isang balon ng tubig na bumubukal sa buhay na walang-hanggan. Pagka nakikita natin si Jesus, na isang Tao sa Kapanglawan at bihasa sa kadalamhatian, ay gumagawa upang iligtas ang mga waglit, na inuuyam, nililibak, kinukutya, at pinalalayas mula sa isang siyudad hanggang sa iba pang mga siyudad hanggang sa maganap ang Kaniyang misyon; pagka nakikita natin Siya sa Gethsemane, na pinapawisan ng malalaking patak ng dugo, at sa krus ay namamatay sa paghihirap —pagka nakikita natin ito, ang sarili ay hindi na maghahangad na matanyag o kilalanin. Pagtingin natin kay Jesus, ay mahihiya tayo sa ating kawalan-ng-sigla, sa ating pagkakatulog, at sa ating pagkamakasarili. Magiging handa tayo sa anuman, upang ating mapaglingkuran nang buong puso ang Panginoon. Ikatutuwa nating magpasan ng krus na kasunod ni Jesus, magtiis ng pagsubok, ng pagkapahiya, o ng pag-uusig alang-alang sa Kaniyang kamahalan. BB 631.1

“Tayo ngang malalakas ay nararapat mangagbata ng kahinaan ng mahihina, at huwag tayong mangagbigaylugod sa ating sarili.” Roma 15:1. Walang sinumang kaluluwa na sumasampalataya kay Kristo, bagama't mahina ang kaniyang pananampalataya, at nag-uulik-ulik ang kaniyang mga hakbang na tulad ng sa isang maliit na bata, na dapat hamak-hamakin. Anuman ang ating kalamangan sa mga iba,—iyon man ay sa pinag-aralan at kalinangan, sa kadakilaan ng likas, kasanayang Kristiyano, at karanasang panrelihiyon—ay mayroon tayong utang sa mga hindi gasinong tumanggap ng pagpapala; at, sa abot ng ating makakaya, ay dapat tayong maglingkod sa kanila. Kung tayo'y malalakas, dapat nating alalayan ang mga kamay ng mahihina. Ang mga anghel ng kaluwalhatian, na laging nakakakita ng mukha ng Ama sa langit, ay naliligayahan sa paglilingkod sa maliliit Niyang kinapal na ito. Ang mga nanginginig na kaluluwa, na may iba't ibang kapintasan ng likas, ay siya nilang tanging pinaglilingkuran. Ang mga anghei ay lagi nang naroroon sa dakong sila'y lalong kailangan, na kasama niyaong mga may pinakamahihirap na pakikipagbakang ginagawa laban sa sarili, at may mga kapaligi rang lubos na nakapanghihina ng loob. At sa paglilingkod na ito ay makikipagtulungan ang mga tunay na taga sunod ni Kristo. BB 632.1

Kung ang isa sa malilit na ito ay madaig, at makagawa ng pagkakasala sa inyo, tungkulin nga ninyo na pagsikapang siya'y mapanumbalik. Huwag ninyong hintaying siya ang maunang lumapit sa inyo upang makipagkasundo. “Ano ang akala ninyo?” sabi ni Jesus; “kung ang isang tao ay may sandaang tupa, at maligaw ang isa sa mga yaon, hindi baga iiwan niya ang siyamnapu't siyam, at pasasa kabundukan, at hahanapin ang naligaw? At kung mangyaring masumpungan niya, ay katotohanang sinasabi Ko sa inyo, na magagalak nang higit dahil dito, kaysa siyamnapu't siyam na hindi nangaligaw. Gayundin naman na hindi nga kalooban ng inyong Amang nasa langit, na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.” BB 633.1

Sa espiritu ng kaamuan, “na iyong pagwariin ang iyong sarili, baka ikaw naman ay matukso” (Galacia 6:1), lapitan mo o puntahan mo ang nagkakasala, at “ipakilala mo sa kaniya ang kaniyang kasalanan na ikaw at siyang mag-isa.” Huwag mo siyang hihiyain sa pamamagitan ng pagbubunyag sa iba ng kaniyang pagkakamali, ni huwag mo ring pawawalang-karangalan si Kristo sa pamamagitan ng paghahayag sa madla ng pagkakasala o pagkakamali ng isa na nagtataglay ng pangalan Niya. Kadalasan ang katotohanan ay kailangang buong linaw na masabi sa nagkakamali; kailangang siya'y maakay na makita niya ang kaniyang pagkakamali, upang siya'y magbago. Subali't hindi mo siya dapat husgahan o hatulan. Huwag ninyong tatangkaing ipakilala na kayo'y walang-kasalanan sa nangyari. Gawin ninyo ang inyong buong pagsisikap sa ikapanunumbalik niya. Sa paggamot sa mga sugat ng kaluluwa, ay kailangan ang lalong maingat na dampi o hipo ng kamay. Pag-ibig lamang na dumadaloy mula sa Isang Naghirap sa Kalbaryo ang kailangan dito. Taglay ang mahabaging paggiliw, na lumapit ang kapatid sa kapatid, yamang natatalastas na kung kayo'y magtagumpay ay kayo'y “magliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan,” at “magtatakip ng karamihang kasalanan.” Santiago 5:20. BB 633.2

Subali't ang paraan mang ito ay maaari ding mabigo. Kaya nga sinabi ni Jesus, “magsama ka pa ng isa o dalawa.” Baka sakaling ang magkalakip ng impluwensiya nila ay manaig at makabuti yamang ang unang paraan ay di-nagtagumpay. Palibhasa'y hindi sila kasangkot sa usapan, malamang na sila'y hindi kikiling o papanig sa kaninuman, at ang pangyayaring ito ay magbibigay ng lalong malaking bigat at bisa sa payo nila sa nagkakamali. BB 634.1

Kung hindi pa rin niya sila pakikinggan, kung gayon, ang bagay ay dapat nang dalhin sa harap ng buong kapulungan ng mga sumasampalataya. Ang mga kaanib ng iglesya, bilang mga kinatawan ni Kristo, ay dapat magkaisa sa panalangin at sa mapagmahal na pakikiusap upang ang nagkasala ay mapanumbalik. Magsasalita ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng Kaniyang mga lingkod, at makikiusap sa naliligaw upang siya'y manumbalik sa Diyos. Si apostol Pablo, nang magsalita sa ilalim ng pagkasi ng Espiritu Santo, ay nagwika, “Waring namamanhik ang Diyos sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Kristo, na kayo'y makipagkasundo sa Diyos.” 2 Corinto 5:20. Siyang tumatanggi sa magkakasamang pakikiusap na ito ay lumalagot sa panaling bumibigkis sa kaniya kay Kristo, at sa ganito'y inihihiwalay ang kaniyang sarili sa pakikisama o kapatiran ng iglesya. Mula ngayon, sabi ni Jesus, “ay ipalagay mo siyang tulad sa Hentil at maniningil ng buwis.” Gayunma'y hindi naman siya dapat ituring na hiwalay na sa kahabagan ng Diyos. Huwag nga siyang hamakin o pabayaan ng kaniyang dating mga kapatid, kundi siya'y dapat pakitunguhan nang may pag-ibig at may pagkahabag, bilang isang nawaglit na tupa na patuloy pa ring hinahanap ni Kristo upang maibalik sa Kaniyang kulungan. BB 634.2

Ang tagubilin ni Kristo tungkol sa marapat ipakitungo sa nagkakasala ay pag-uiit lamang sa lalong tiyak na paraan sa turong ibinigay sa Israel sa pamamagitan ni Moises: “Huwag ninyong kapopootan ang inyong kapatid sa inyong puso: tunay na inyong sasawayin ang inyong kapwa, upang huwag kayong magtaglay ng kasalanan dahil sa kaniya.” Levitico 19:17. Samakatwid baga'y, kung hindi gawin ng isang tao ang tungkuling itinagubilin ni Kristo, na pagsikapang mapanumbalik ang mga nagkakamali at nagkakasala, ay nakakaramay siya sa pagkakasala. Sapagka't ang mga kasamaang dapat sana'y nasansala natin, ay sagutin din natin na para bagang tayo na rin ang gumagawa. BB 635.1

Datapwa't sa gumawa ng pagkakasala dapat nating ipakilala ang kamaliang kaniyang ginawa. Hindi natin ito dapat pag-usap-usapan at tuli-tuligsain sa ating mga sari-sarili; ni pagkatapos mang ito'y naihayag sa iglesya, ay malaya na tayong ito'y ulit-ulitin sa iba. Kung malalaman ng mga di-sumasampalataya ang mga kasalanan ng mga Kristiyano ay magiging katitisuran lamang ito sa kanila; at kung ito naman ay lagi nating pag-uusapusapan, ay makapipinsala ito sa atin; sapagka't sa pagtingin ay nababago tayo. Samantalang sinisikap nating ituwid ang mga kamalian ng isang kapatid, ang Espiritu ng Diyos ang aakay sa atin na ipagsanggalang siya sa panunuligsa ng kaniyang mga kapatid, at lalo na nga sa panunuligsa ng mga di-sumasampalataya. Tayo man ay nagkakamali rin, at nangangailangan ng awa at kapatawaran ni Kristo, at kung ano ang nais nating ipakitungo Niya sa atin, ay inaatasan Niya tayong gayon ang gawin nating pakikitungo sa isa't isa. BB 635.2

“Ang lahat ng mga bagay na inyong talian sa lupa ay tatalian sa langit: at ang lahat ng mga bagay na inyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.” Kayo'y gumaganap bilang mga sugo ng langit, at ang mga ibubunga ng iyong gawain ay pangwalang-hanggan. BB 636.1

Nguni't hindi tayo nag-iisa sa pagpasan ng ganitong mabigat na kapanagutan. Saanman tinatalima ang Kaniyang salita na may tapat na puso, ay tumatahan doon si Kristo. Hindi lamang Siya humaharap sa mga kapulungan ng iglesya, kundi saanman nagtitipon ang mga alagad sa Kaniyang pangalan, iilan man iyon, ay doroon din naman Siya. At sinasabi Niyang, “Kung pagkasunduan ng dalawa sa inyo sa lupa ang nauukol sa anumang bagay na kanilang hihingin, ay gagawin sa kanila ng Aking Ama na nasa langit.” BB 636.2

Sinasabi ni Jesus, “Aking Ama na nasa langit,” na parang ipinaaalaala sa Kaniyang mga alagad na bagama't sa Kaniyang pagkatao ay Siya'y nakakawing sa kanila, na kasama-sama sa mga pagsubok, at karamay-damay nila sa kanilang mga paghihirap, sa Kaniya namang pagka-Diyos ay Siya'y nakaugnay sa luklukan ng Walanghanggang katiyakan! Ang mga anghel ng langit ay nakikiisa sa mga tao sa kanilang pakikiramay at paggawa para sa ikaliligtas ng mga nawawaglit. At ang buong kapangyarihan ng langit ay tumutulong sa kakayahan ng tao upang mailapit kay Kristo ang mga kaluluwa. BB 636.3