Bukal Ng Buhay
Kabanata 47—Ang Ministeryo
Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 17:9-21; Marcos 9:9-29; Lukas 9:37-45.
Lumipas sa kanila ang buong magdamag sa bundok; at nang sumikat na ang araw, ay lumusong si Jesus at ang Kaniyang mga alagad sa kapatagan. Puno ng mga iniisip, ang mga alagad ay ngimi at tahimik. Maging si Pedro ay walang sinasabing anuman. Ikatutuwa sana nilang maglumagak sa banal na pook na iyon na dinampulayan ng liwanag ng langit, at pook na pinaghayagan ng Anak ng Diyos ng Kaniyang kaluwalhatian; datapwa't may gawaing dapat gawin sa mga tao, na nagsisipaghanap na kay Jesus sa kung saan-saang lugar na malayo at malapit. BB 609.1
Sa paanan ng bundok ay nagkatipon ang isang malaking pulutong ng mga tao, na ipinagsama ng mga alagad na naiwan, nguni't nakaaalam naman ng pook na pinaroonan ni Jesus. Nang malapit na ang Tagapagligtas, pinagbilinan Niya ang tatlo Niyang kasama na huwag ipagmamakaingay ang kanilang nakita, na sinasabi, “Huwag ninyong sabihin kaninumang tao ang pangitain, hanggang sa ang Anak ng tao ay magbangong mag-uli sa mga patay.” Ang ipinakita sa mga alagad ay bubulayin nila sa kanilang sariling mga puso, at hindi ibabalita sa iba. Kung ito'y sasabihin sa karamihan ay kukutyain lamang sila at pagtatawanan. At maging ang siyam na apostol ay hindi makauunawa sa pangitain hanggang sa si Kristo'y magbangong mag-uli sa mga patay. Kung gaano kakupad makaunawa pati ng tatlong napatanging mga alagad, ay makikita sa pangyayari na sa kabila ng lahat na sinabi ni Kristo tungkol sa mangyayari sa Kaniya, ay nagtanung-tanungan pa rin sila kung ano kaya ang ibig sabihin ng pagbangon sa mga patay. Gayunma'y hindi sila humingi ng paliwanag kay Jesus. Ang mga sinabi Niya tungkol sa hinaharap ay nagdulot sa kanila ng lungkot; hindi na sila humingi pa ng paliwanag tungkol sa bagay na inaasahan nilang di-kailanman mangyayari. BB 609.2
Karaka-rakang natanawan si Jesus ng mga taong nasa kapatagan, ay patakbong sinalubong nila Siya, at binati Siyang may paggalang at pagkagalak. Gayunman ang matalas Niyang paningin ay agad nakapansing sila'y nasa malaking kagulumihanan. Ang mga alagad ay waring bagabag. Kapapangyari pa lamang ng isang bagay na nagdulot sa kanila ng masaklap na pagkabigo at pagkapahiya. BB 610.1
Samantalang sila'y nagsisipaghintay sa paanan ng bundok, isang ama ang nagdala sa kanila ng kaniyang anak na lalaki, upang pagalingin nila sa piping espiritu na nagpapahirap sa kaniya. Nang suguin ang Labindalawa na magsipangaral sa buong Galilea, ay binigyan sila ng kapangyarihan laban sa maruruming espiritu, at upang mapalayas ang mga ito. Nang sila'y magsihayong may malakas na pananampalataya, ay nagsitalima sa kanilang salita ang masasamang espiritu. Ngayon sa pangalan ni Kristo ay inutusan nila ang nagpapahirap na espiritu na umalis sa biktima nito; nguni't tinuya lamang sila ng demonyo sa pamamagitan ng panibagong pagpapakita ng kapangyarihan nito. Sa pagkabigo nilang ito, na hindi naman nila maalaman ang dahilan, ay nadama nilang hindi nila napararangalan ang kanilang mga sarili at ang kanilang Panginoon. At sa lipumpon ng mga tao ay naroon din ang mga eskriba na sinamantala ang pagkakataong ito upang sila'y hiyain. Nagsisiksikang pinaligiran ng mga ito ang mga alagad, at sila'y pinaulanan ng mga tanong, na pinagsisikapang palitawin na sila at ang kanilang Panginoon ay mga magdaraya. Buong pagmamalaking sinabi ng mga rabi, na narito, ang isang masamang espiritu na hindi magapi ng mga alagad o ni Kristo man. Ang mga tao'y pumapanig na sa mga eskriba, at isang damdamin ng paghamak at paglibak ang naghari sa karamihan. BB 610.2
Datapwa't biglang-biglang nahinto ang mga pagpaparatang. Si Jesus at ang tatlong alagad ay natanawan nilang dumarating, at sa kapusukan ng loob ay sinalubong sila ng mga tao. Ang magdamag na pakikipag-usap sa kaluwalhatian ng langit ay nag-iwan ng bakas sa Tagapagligtas at sa Kaniyang mga kasama. Sa kanilang mga mukha ay may liwanag na kinasindakan ng mga tumitingin. Nangapaurong sa takot ang mga eskriba, habang masaya namang sinasalubong si Jesus ng mga tao. BB 611.1
Lumapit ang Tagapagligtas na para bagang nasak sihan Niya ang lahat ng nangyari, at pagkatapos ituon ang Kaniyang paningin sa mga eskriba Siya ay nagtanong, “Ano ang ipinakikipagtalo ninyo sa kanila?” BB 611.2
Napipi ngayon ang mga tinig na dati'y napakatatapang at napakararahas. Lumukob sa lahat ang isang paikpik na katahimikan. Ngayo'y nagmamadaling gumitgit ang ama sa karamihan, at pagkatapos magpatirapa sa paanan ni Jesus, ay inihinga nito ang kaniyang bagabag at pagkabigo. BB 611.3
“Guro,” wika nito, “dinala ko sa Iyo ang aking anak na lalaki na may isang espiritung pipi; at saanman siya alihan nito, ay ibinubuwal siya: ... at sinabi ko sa lyong mga alagad na siya'y palabasin; at hindi nila ma-gawa.” BB 611.4
Nilibot ng tingin ni Jesus ang nababaghang karamihan, ang nang-uupasalang mga eskriba, at ang nagugulumihanang mga alagad. Nabasa Niya sa puso ng bawa't isa ang kawalang-pananampalataya; at sa tinig na tigib ng lungkot ay napabulalas Siya, “Oh, lahing walang pananampalataya, hanggang kailan makikisama Ako sa inyo? hanggang kailan titiisin Ko kayo?” Saka Niya inatasan ang namimighating ama, “Dalhin mo rito ang anak mo.” BB 612.1
Ang bata ay dinala, at nang ito'y matamaan ng tingin ng Tagapagligtas, ito'y ibinuwal ng masamang espiritu sa lupa na pinapangisay nang buong paghihirap. Ito'y nagpagulung-gulong na bumubula ang bibig, at pinupunit ang himpapawid sa nakapangingilabot na mga tili. BB 612.2
Muling nagpanagpo ang Prinsipe ng buhay at ang prinsipe ng mga kapangyarihan ng kadiliman sa larangan ng tunggalian—si Kristo'y sa pagtupad ng Kaniyang misyon na “itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, ... upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi” (Lucas 4:18), at si Satanas nama'y sa pagsisikap na mapanatiling nasa ilalim ng kaniyang kapangyarihan ang kaniyang biktima. Ang mga anghel ng kaliwanagan at ang mga hukbo ng masasamang anghel, na di-nakikita, ay nangagdudumali sa paglapit upang masaksihan ang labanan. Sandaling tinulutan ni Jesus ang masamang espiritu na magpamalas ng kapangyarihan nito, upang mapag-unawa ng mga nanonood ang pagliligtas na malapit nang gawin. BB 612.3
Hindi halos humihingang nakatingin ang karamihan, at ang ama ay giyagis ng magkalangkap na pag-asa at pagkatakot. Nagtanong si Jesus, “Kailan pang panahon nangyayari sa kaniya ito?” Ipinagtapat ng ama ang mahabang panahon ng paghihirap ng anak, at pagkatapos, parang hindi na siya makapagtitiis pa, ay nagwika, “Kung mayroon Kang magagawang anumang bagay, ay maawa Ka sa amin, at tulungan Mo kami.” “Kung mayroon kang magagawa!” Pinag-aalinlanganan pa rin ng ama ang kapangyarihan ni Kristo. BB 612.4
Sumagot si Jesus, “Kung ikaw ay makasasampalataya, ang lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa kaniya na nananampalataya.” Hindi kulang ng kapangyarihan si Kristo; ang paggaling ng anak ay nakabatay sa pananampalataya ng ama. Napaluha ang ama, pagkadama sa sarili niyang kahinaan, at naglumuhod sa paghingi ng awa ni Kristo, na humihibik, “Panginoon, nananampalataya ako; tulungan Mo ang kakulangan ko ng pananampalataya.” BB 613.1
Binalingan ni Jesus ang batang pinahihirapan, at ang wika, “Ikaw na bingi at piping espiritu, iniuutos Ko sa iyo, na lumabas ka sa kaniya, at huwag ka nang pumasok na muli sa kaniya.” Isang sigaw ang narinig, na sinundan ng matinding paghihirap ng bata. Sa paglabas ng demonyo, ay waring pupugtuin na nito ang buhay ng kaniyang biktima. Pagkatapos ay nalugmok ang bata na walang kakilus-kilos, at mistulang patay. Nag-anasan ang karamihan, “Patay na siya.” Nguni't hinawakan ni Jesus ang kamay nito, at nang ito'y maitindig na, ay iniharap ito sa ama nito, na lubusan nang magaling ang isip at ang katawan. Sa ganito ang ama at ang anak ay kapwa pumuri sa pangalan ng kanilang Tagapagligtas. Ang karamihan ay “nangagtaka sa dakilang kapangyarihan ng Diyos,” samantala'y malungkot namang nagsialis ang mga eskriba, na talunan at hiyang-hiya. BB 613.2
“Kung mayroon Kang magagawang anumang bagay, ay maawa Ka sa amin, at tulungan Mo kami.” Gaano karaming tigib-salang kaluluwa ang nagpailanlang ng panalanging iyan. At sa lahat, ang sagot ng mahabaging Tagapagligtas ay, “Kung ikaw ay makasasampalataya, ang lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa kaniya na nananampalataya.” Pananampalataya ang nag-uugnay sa atin sa langit, at nagdudulot sa atin ng lakas upang malabanan ang mga kapangyarihan ng kadiliman. Kay Kristo, ang Diyos ay naglaan ng bagay na maipansusupil sa bawa't masamang likas, at mailalaban sa bawa't tukso, gaano man ito kalakas. Subali't nadarama ng marami na sila'y kulang ng pananampalataya, kaya lumalayo sila kay Kristo. Sa kanilang kahabag-habag na kawalangkabuluhan, ay magsidulog nga ang mga kaluluwang ito sa kanilang maawaing Tagapagligtas. Huwag sa sarili kayo tumingin, kundi kay Kristo. Siya na nagpagaling ng mga maysakit at nagpalabas ng mga demonyo nang Siya'y lumakad sa gitna ng mga tao ay Siya ring makapangyarihang Manunubos ngayon. Ang pananampalataya ay nanggagaling sa salita ng Diyos. Kaya panghawakan ninyo ang Kaniyang pangakong, “Ang lumapit sa Akin sa anumang paraan ay hindi Ko itataboy.” Juan 6:37. Magpatirapa kayo sa Kaniyang paanan at kayo'y humibik, “Panginoon, nananampalataya ako; tulungan Mo ang ka-/ kulangan ko ng pananampalataya.” Kayo'y di-kailanman mapapahamak habang ginagawa ninyo ito—hinding-hindi. BB 613.3
Sa loob ng sasandaling panahon ay nasaksihan ng napatanging mga alagad ang kasukdulan ng kaluwalhatian at ng pagpapakababa. Nakita nila nang ang katawang-tao ni Jesus ay nabagong tulad sa 'wangis ng Diyos, at nang ito'y maging hamak at abang kawangis ni Satanas. Buhat sa bundok na doo'y nakipag-usap Siya sa mga isinugo ng langit, at doo'y itinanyag Siyang Anak ng Diyos ng tinig na mula sa nagniningning na kaluwalhatian, ay nakita nila si Jesus na bumaba o lumusong upang harapin ang nakababagabag at nakapaghihimagsik na panoorin, na isang batang lalaking inaalihan ng demonyo, nakangiwi ang mukha, nagngangalit ang mga ngipin pagka sinusumpong ng napakahirap na pangangatal o pangingisay na hindi kayang pagalingin ng ka pangyarihan ng tao. At ang makapangyarihang Manunubos na ito, na nang ilang oras na nagdaan ay nakatayong maluwalhati sa harap ng namamangha't nanggigilalas Niyang mga alagad, ay yumuko upang itindig ang pinahihirapan ni Satanas mula sa lupang kinalulugmukan nito, at ibinalik sa ama at tahanan nito na may malusog nang pag-iisip at pangangatawan. BB 614.1
Iyon ay isang nakapagtuturong halimbawa ng pagtubos—ang Isang Banal na buhat sa kaluwalhatian ng Ama ay yumukong nagpakababa upang iligtas ang nawawala. Inilalarawan din nito ang misyon ng mga alagad. Ang buhay ng mga lingkod ni Kristo ay hindi lamang dapat gugulin sa mga oras ng espirituwal na kaliwanagang kasama ni Jesus doon sa bundok. May gawain din sila sa kapatagan. Ang mga kaluluwang binusabos ni Satanas ay nagsisipaghintay ng salita ng pananampalataya at panalangin upang mangakalaya sila. BB 615.1
Pinag-iisip-isip pa ng siyam na alagad ang mapait na karanasan ng kanilang pagkabigo; at nang muli nilang makaniig si Jesus nang sarilinan, ay kanilang itinanong, “Bakit baga hindi namin napalabas yaon?” Sinagot sila ni Jesus, “Dahil sa inyong di-pananampalataya: sapagka't katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Kung magkaroon kayo ng pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mustasa, ay masasabi ninyo sa bundok na ito, Lumipat ka mula rito hanggang doon; at ito'y lilipat; at walang bagay na di-may-pangyayari sa inyo. Datapwa't ang ganito'y hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.” Ang kanilang di-pananampalataya, na nagpahiwalay sa kanila sa lalong mataimtim na pakikisama kay Kristo, at ang kawalang-ingat nila sa banal na gawaing ipinagkatiwala sa kanila, ay siyang naging sanhi ng kanilang pagkabigo sa pakikilaban sa mga kapangyarihan ng kadiliman. BB 615.2
Ang mga salita ni Kristong tumutukoy sa Kaniyang pagkamatay ay nagdulot ng lungkot at alinlangan. At ang pagkakapili sa tatlong alagad upang sumama kay Jesus sa bundok ay lumikha ng pagkainggit o pananaghili sa siyam. Sa halip na palakasin nila ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pananalangin at pagbubulay-bulay ng mga salita ni Kristo, ang kanilang inisip nang inisip ay ang kanilang mga pagkabigo at mga pansariling sama-ng-loob. Nasa ganito silang madilim na kalagayan nang gawin nila ang pakikilaban kay Satanas. BB 616.1
Upang sila'y makapagwagi sa gayong pakikilaban ay dapat silang gumawa sa gawain na taglay ang ibang diwa. Ang pananampalataya nila ay dapat palakasin sa pamamagitan ng maalab na panalangin at pag-aayuno, at ng pagpapakababa ng puso. Dapat mawala sa kanila ang pagkamakasarili, at dapat silang mapuspos ng Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos. Maningas at matiyagang pakikiusap sa Diyos na may pananampalataya—pananampalatayang nauuwi sa ganap na pagsandig o pag-asa sa Diyos, at lubos na pagkakatalaga sa Kaniyang gawain —ang siya lamang makapaghahatid sa mga tao ng tulong ng Espiritu Santo sa pakikilaban sa mga pamunuan at mga kapangyarihan, sa mga namumuno sa kadiliman ng sanlibutang ito, at sa masasamang espiritu sa mga dakong kaitaasan. BB 616.2
“Kung magkaroon kayo ng pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mustasa,” wika ni Jesus, “ay masasabi ninyo sa bundok na ito, Lumipat ka mula rito hanggang doon; at ito'y lilipat.” Bagama't ang binhi ng mustasa ay napakaliit, ay nagtataglay ito ng mahiwagang simulain ding iyon ng buhay na nagpapalaki sa pinakamatayog na punungkahoy. Pagka ang binhi ng mustasa ay inihasik sa lupa, ang katiting na binhi nito ay kumakapit sa bawa't elementong inilaan ng Diyos sa ikalulusog at ikabubuhay nito, at ito'y mabilis na tumutubo at lumalaki. Kung mayroon kayong pananampalatayang tulad nito, ay manghahawak kayo sa salita ng Diyos, at sa lahat ng mga bagay na makatutulong na itinalaga ng Diyos. Sa ganito lalakas ang inyong pananampalataya, at maibibigay sa inyo ang tulong na kapangyarihan ng langit. Ang mga hadlang na ibinubunton ni Satanas sa inyong landas, na parang di-maiigpawang gaya ng walang-hanggang mga burol, ay mapaparam sa bisa ng pananampalataya. “Walang bagay na di-may-pangyayari sa inyo.” BB 616.3