Bukal Ng Buhay
Kabanata 46—“Siya'y Nagbagong-Anyo”
Ang kabanalang ito ay batay sa Mateo 17:1-8; Marcos 9:2-8; Lukas 9:28-36.
Nagdadapit-hapon na nang tawagin ni Jesus ang tatlo sa Kaniyang mga alagad, si Pedro, si Santiago, at si Juan, at magkakasama nilang binagtas ang mga bukid, at sinalunga ang isang baku-bakong landas, na humahantong sa isang mapanglaw na bundok. Maghapong naglalakad at nagtuturo ang Tagapagligtas at ang Kaniyang mga alagad, at ang pag-ahon sa bundok ay nakaragdag sa kanilang kapaguran. Inibsan ni Kristo ng mga dalahin ng isip at katawan ang maraming may karamdaman; pinapanalaytay Niya sa kanilang mahihinang katawan ang daloy ng buhay; ngun't Siya man naman ay nababatbat ng katawang-tao, at Siya kasama ng Kaniyang mga alagad ay napagod sa pagsalunga. BB 599.1
Ang huling silahis ng lumulubog na araw ay nananatili pa ring nasa taluktok ng bundok, at nilalatagan ng namamaalam nitong sinag ang landas na nilalakaran nila. Datapwa't di-nagluwat at nilamon na rin ng dilim ang liwanag sa burol at sa kapatagan, nagtago ang araw sa sugpungang-guhit ng langit at lupa sa kanluran, at ang mga naglalakbay ay nilukuban ng kadiliman ng gabi. Ang dilim ng kanilang mga paligid ay waring umaayon sa kanilang mapanglaw na buhay, na noo'y binabalot na ng makakapal na ulap ng kalumbayan. BB 599.2
Hindi nangahas ang mga alagad na magtanong kay Kristo kung saan Siya patungo, o kung sa anong layunin Siya paroroon. Madalas na gumugugol Siya ng buong magdamag sa pananalangin sa bundok. Siya na nag-anyo ng mga bundok at kapatagan ay bihasa sa piling ng katalagahan, at Siya'y nasisiyahan sa katahimikan nito. Sumusunod ang mga alagad sa pangunguna ni Kristo sa daan; gayunma'y hindi nila maubos-maisip kung bakit isinasama pa sila ng kanilang Panginoon sa nakapapagod na pagsalungang ito sa bundok gayong sila'y pagod na, at Siya man naman ay nangangailangan na rin ng pahinga. BB 600.1
Kaginsa-ginsa'y sinabi ni Kristo sa kanila na hanggang doon lamang sila. Nang makalayu-layo Siya nang kaunti sa kanila, ay ipinailanlang ng Taong bihasa sa Kalungkutan ang Kaniyang mga pamanhik na may matitinding daing at pagluha. Idinalangin Niyang bigyan Siya ng lakas upang mapagtiisan Niya ang pagsubok sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Kailangan Niya ang bagong panghahawak sa Makapangyarihang Diyos, sapagka't sa gayon lamang Niya mapagninilay ang hinaharap. At ibinuhos Niya ang buo Niyang pakiusap para sa Kaniyang mga alagad, upang sa oras na mamayani ang kapangyarihan ng kadiliman ay huwag magkulang ang kanilang pananampalataya. Basang-basa ng hamog ang anyo niyang nakapanikluhod, nguni't hindi Niya iyon pinansin. Ang dilim ng gabi ay kumakapal sa palibot Niya, nguni't hindi rin Niya inalintana. Sa gayon mabagal na lumipas ang mga oras. Sa pasimula ay nakiisa sila sa Kaniya sa mataos na pananalangin, nguni't makaraan ang ilang sandali ay nadaig sila ng matinding kapaguran, at kahit na pinagsisikapan nilang sila'y makapanatili sa kalagayang nananalangin, ay nakatulog din sila. Ipinagtapat sa kanila ni Jesus ang Kaniyang mga paghihirap; isinama Niya sila upang makiisa sa Kaniya sa pananalangin; ngayon pa man ay idinadalangin Niya sila. Nakita ng Tagapagligtas ang pamamanglaw ng Kaniyang mga alagad, at minithi Niyang pagaanin ang kanilang pagkahapis sa pamamagitan ng pagtiyak sa kanila na hindi mawawalan ng kabuluhan ang kanilang pananampalataya. Hindi lahat, samakatwid baga'y ang Labindalawa, ay makatatanggap ng pangitaing nais Niyang ipakita. Yaon lamang tatlong makasasaksi sa Kaniyang paghihirap sa Gethsemane ang mga pinili upang maging kasama Niya sa bundok. Ang laman ng Kaniyang dalangin ngayon ay yaong sila'y mapagpakitaan sana ng kaluwalhatiang nasa Kaniya na kasama ng Ama noong bago pa lalangin ang sanlibutan, upang ang Kaniyang kaharian ay mahayag sa paningin ng mga tao, at upang kung ito'y makita nila ay magsilakas ang loob ng Kaniyang mga alagad. Ipinamanhik din Niya na sana'y masaksihan nila ang pagpapakita ng Kaniyang matinding paghihirap na taglay ang pagkakilala na Siya nga ang tunay na Anak ng Diyos, at ang Kaniyang kahiya-hiyang kamatayan ay bahagi ng panukala ng pagtubos. BB 600.2
Ang panalangin Niya ay pinakinggan. Samantalang Siya'y nagpapakababang nakapanikluhod sa mabatong lupa, bigla na lamang nahawi ang langit, nabuksan nang maluwang ang mga ginintuang pintuan ng Siyudad ng Diyos, at lumapag sa bundok ang banal na sinag, at bumalot sa kabuuang anyo ng Tagapagligtas. Ang pagkaDiyos na nasa loob ay naglagusan sa buong pagkatao, at sinalubong ang kaluwalhatiang bumababang mula sa itaas. Pagtindig Niya sa Kaniyang pagkakapatirapa, tumayo si Kristo na mistulang Diyos. Ang paghihirap ng kaluluwa ay napawi. Ang Kaniyang mukha ngayon ay nagliliwanag “na gaya ng araw,” at ang Kaniyang mga damit ay “kasimputi ng liwanag.” BB 601.1
Nagising ang mga alagad at nakita nilang ang bundok ay binabahaan ng liwanag ng kaluwalhatian. May pagkatakot at pagtatakang minasdan nila ang nagniningning na anyo ng kanilang Panginoon. Nang magawa na nilang tiisin ang pagkasilaw sa kagila-gilalas na liwanag, nakita nilang si Jesus ay hindi nag-iisa. Kapiling Niya ang dalawang taong buhat sa langit, na masinsinang nakikipag-usap sa Kaniya. Ang mga ito ay si Moises, na nakipag-usap sa Diyos doon sa bundok sa Sinai; at si Elias, na binigyan ng mataas na karapatan—karapatang sa isa lamang sa mga anak ni Adan ipinagkaloob—ang hindi kailanman sumailalim ng kapangyarihan ng kamatayan. BB 601.2
Noon may labinlimang dantaong nakararaan, tumayo si Moises sa bundok ng Pisgah na tinatanaw ang Lupang Pangako. Subali't dahil sa siya'y nagkasala sa Meribah, ay hindi siya tinulutang pumasok doon. Hindi ibinigay sa kaniya ang karapatang pangunahang may kagalakan ang hukbo ng Israel sa pagpasok sa mana ng kanilang mga magulang. Ang kaniyang matinding pakiusap na, “Paraanin Mo nga ako, isinasamo ko sa Iyo, at aking makita ang mabuting lupain na nasa dako roon ng Jordan, yaong mainam na bundok, at ang Libano” (Deuteronomio 3:25), ay tinanggihan, o hindi pinagbigyan. Ang pag-asang inasam-asam sa loob ng apatnapung taong paglalakbay sa ilang ay kinailangang ipagkait. Isang libingan sa ilang ay hinantungan ng mga taong yaon ng paggawa at ng nakawiwindang-ng-pusong pag-aalaala. Datapwa't Siya na “makapangyarihang gumawa nang lubhang sagana nang higit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip” (Efeso 3:20), ay siya ring nagbigay o tumugon sa idinalangin ng Kaniyang lingkod. Si Moises ay dumaan sa ilalim ng kapangyarihan ng kamatayan, gayunma'y siya'y namalagi sa libingan. Si Kristo na rin ang tumawag sa kaniya upang siya'y mabuhay. Inangkin ng manunuksong si Satanas ang katawan ni Moises dahil sa ito'y nagkasala; nguni't inilabas siya sa libingan ni Kristong Tagapagligtas. Judas 9. BB 603.1
Sa bundok ng pagbabagong-anyo ay isang saksi si Moises sa pagtatagumpay ni Kristo laban sa kasalanan at kamatayan. Siya ang kumakatawan sa mga magsisila- bas sa libingan sa pagkabuhay na mag-uli ng mga banal. Si Elias naman, na dinala sa langit nang hindi nakatikim ng kamatayan, ay kumakatawan sa mga taong nabubuhay sa ibabaw ng lupa sa panahon ng ikalawang pagdating ni Kristo, at sila'y “babaguhin, sa isang sandali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng pakakak;” pagka “itong may kamatayan ay magbihis ng walang-kamatayan,” at “itong may kasiraan ay magbihis ng walangkasiraan.” 1 Corinto 15:51-53. Si Jesus ay nararamtan ng liwanag ng langit, pagka Siya'y napakita na sa “ikalawa na hiwalay sa kasalanan sa ikaliligtas ng mga nagsisipaghintay sa Kaniya.” Sapagka't Siya'y pariritong “nasa kaluwalhatian ng Kaniyang Ama na kasama ng mga banal na anghel.” Hebreo 9:28; Marcos 8:38. Ito na ang katuparan ng ipinangako ng Tagapagligtas sa mga alagad. Sa bundok ay ipinakita ang kahawig ng dumarating na kaharian ng kaluwalhatian—si Kristo ang Hari, si Moises ang kumakatawan sa mga dinala sa langit na di-nakatikim ng kamatayan. BB 603.2
Sa sandaling ito ay hindi pa napag-unawa ng mga alagad ang kahulugan ng tanawing kanilang nakikita; gayunma'y natutuwa sila na ang matiisin nilang Guro, ang isa na maamo at mapagpakumbabang-puso, na nagpagala-gala sa iba't ibang dako na parang abang estranghero, ay pinararangalan ng mga itinatangi sa langit. Naniniwala silang si Elias ay nanaog upang ipatalastas ang paghahari ng Mesiyas, at malapit nang itayo sa lupa ang kaharian ni Kristo. Ang alaala ng kanilang pagkatakot at pagkabigo ay papawiin na nila magpakailanman. Dito, sa pook na kinahayagan ng kaluwalhatian ng Diyos, ay nin?:s nilang tumigil pa. Sinabi ni Pedro, “Panginoon, mabuti sa atin ang tayo'y dumito: at magsigawa tayo ng tatlong tabernakulo; isa ang sa Iyo, at isa ang kay Moises at isa ang kay Elias.” Nananalig ang mga alagad na si Moises at si Elias ay mga isinugo upang ipagsanggalang ang kanilang Panginoon, at upang itatag ang Kaniyang kapangyarihan bilang Hari. BB 604.1
Nguni't bago ang korona ay ang krus muna. Ang paksa ng pakikipag-usap nila kay Jesus ay hindi ang pagpapasinaya sa pag-upo ni Kristo bilang hari, kundi ang pagkamatay Niya na magaganap sa Jerusalem. Si Jesus ay lumakad sa gitna ng mga tao na taglay ang kahinaang katutubo sa tao, at pasan-pasan ang kalungkutan at kasalanan nito. Samantalang sikil Siya ng dilim ng dumarating na pagsubok, ay giyagis ang Kaniyang diwa ng kalungkutan, sa isang sanlibutang hindi kumilala sa Kaniya. Maging ang Kaniyang minamahal na mga alagad, na giyagis ng sarili nilang alinlangan, kalungkutan at matatayog na pag-asa, ay hindi nakaunawa sa hiwaga ng Kaniyang misyon. Tumahan Siya sa gitna ng pagmamahal at pakikisama ng langit; nguni't sa sanlibutang Siya ang gumawa, ay Siya'y nag-iisa sa kalungkutan. Sa sandaling ito'y nagpadala ang langit ng mga sugo kay Jesus; hindi mga anghel, kundi mga taong nagbata ng hirap at lungkot, mga taong makadadamay sa Tagapagligtas sa panahon ng pagsubok sa Kaniyang buhay sa lupa. Si Moises at si Elias ay naging mga kamanggagawa ni Kristo. Taglay din nila ang Kaniyang maalab na hangaring magligtas ng mga kaluluwa. Si Moises ay namanhik para sa Israel: “Gayunma'y ngayon, kung Iyong ipatatawad ang kanilang kasalanan—; at kung hindi, ay alisin Mo ako, isinasamo ko sa Iyo, sa Iyong aklat na sinulat Mo.” Exodo 32:32. Alam ni Elias ang diwa ng pagkalungkot at pag-iisa, sapagka't sa loob ng tatlong taon at kalahati ng pagkakagutom ay tiniis niya ang poot at sumpa ng buong bansa. Nag-iisa siyang nanindigan para sa Diyos sa Bundok ng Carmelo. Nag-iisa siyang tumakas sa ilang na naghihimutok at nawawalan ng pag-asa. Ang mga taong ito, at hindi ang sinumang anghel na nakapaligid sa luklukan ng Diyos ang siyang mga pinili, upang makipagusap kay Jesus tungkol sa Kaniyang mga ipaghihirap, at upang aliwin Siya sa pamamagitan ng katiyakang sasa Kaniya ang pakikiramay ng langit. Ang pag-asa ng sanlibutan, ang kaligtasan ng bawa't taong kinapal, ay siyang paksa ng kanilang pagpapanayam. BB 605.1
Palibhasa'y nadaig ng antok, kaunti lamang ang narinig ng mga alagad sa mga pinag-usapan ni Kristo at ng mga sugong buhat sa langit. Sa hindi nila pagpupuyat at pananalangin, ay hindi nila tinanggap ang hangad ng Diyos na ibigay sa kanila—ang maalaman nila ang tungkol sa mga paghihirap ni Kristo, at ang kaluwalhatiang susunod dito. Hindi nila tinanggap ang pagpapalang sana'y napasakanila kung nakibahagi lamang sila sa Kaniyang pagpapakasakit. Ang mga alagad na ito ay makupad ang pusong magsipaniwala, at kakaunti ang pagpapahalaga sa kayamanang sinikap ng Langit na ipagkaloob sa kanila. BB 606.1
Gayon pa ma'y tumanggap sila ng malaking liwanag. Tiniyak sa kanila na alam ng buong langit ang tungkol sa kasalanan ng bansang Hudyo sa pagtatakwil kay Kristo. Binigyan sila ng lalong malinaw na pagkaunawa sa gawain ng Manunubos. Nakita ng kanilang mga mata at narinig ng kanilang mga tainga ang mga bagay na hindi kayang unawain ng tao. Sila'y “naging mga saksing nakakita ng Kaniyang karangalan” (2 Pedro 1:16), at napagtanto nilang si Jesus ay siyang tunay na Mesiyas, na siyang pinatunayan ng mga patriarka at mga propeta, at Siya'y kinilala rin naman bilang gayon ng buong sangkalangitan. BB 606.2
Samantalang pinanonood nila ang tanawin sa ibabaw ng bundok, “isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang sinisinta Kong Anak, na siya Kong kinalulugdan; Siya ang inyong pakinggan.” Nang kanilang mamasdan ang alapaap ng kaluwalhatian, na higit pang maningning kaysa ulap na pumatnubay at nagpauna sa mga angkan ni Israel sa ilang; nang kanilang mapakinggan ang tinig ng Diyos na nagsalitang may kakila-kilabot na karangalan na nagpayanig sa bundok, ay nangatimbuwang sa lupa ang mga alagad. Nanatili silang nangakadapa, na nangakasubsob ang kanilang mga mukha, hanggang sa sila'y lapitan ni Jesus, at sila'y tinapik, at ang kanilang takot ay pinawi ng Kaniyang kilalang-kilalang tinig, “Mangagbangon kayo, at huwag kayong mangatakot.” Nang imulat nila ang kanilang mga mata, ay wala na ang kaluwalhatian ng langit, at wala na rin ang mga anyo nina Moises at Elias. Sila'y nasa bundok, na nag-iisang kasama ni Jesus. BB 606.3