Bukal Ng Buhay
Kabanata 5—Ang Pagtatalaga
Ang kabanatang ito ay batay sa Lukas 2:21-38. BB 47.1
Makaraan ang apatnapung araw buhat nang ipanganak si Kristo, ay dinala Siya ni Jose at ni Maria sa Jerusalem, upang iharap Siya sa Panginoon, at upang maghandog ng hain. Ito ay pag-alinsunod sa kautusan ng mga Hudyo, at bilang kahalili ng tao si Kristo'y dapat umalinsunod sa kautusan sa lahat ng paraan. Isinagawa na sa Kaniya ang rito ng pagtutuli, na pinakapangako ng Kaniyang pagtalima sa kautusan. BB 47.2
Hinihingi ng kautusan, na ang handog para sa ina ay isang tupang iisahing taon na handog na susunugin, at isa namang kalapati o isang batu-bato na handog sa kasalanan. Nguni't itinatagubilin din ng kautusan na kung sakaling maralita ang mga magulang at hindi kayang maghandog ng tupa, ay maaari nang tanggaping kahalili ang dalawang batu-bato o dalawang kalapati, ang isa'y para sa handog sa susunugin, at ang isa pa'y para sa handog na patungkol sa kasalanan. BB 47.3
Ang mga handog na hain sa Panginoon ay dapat na walang kapintasan. Ang mga handog na ito'y kumakatawan kay Kristo, at dito nga'y mapagkikilalang si Jesus ay talagang walang kapintasan sa pangangatawan. Siya “ang korderong walang kapintasan at walang dungis.” 1 Pedro 1:19. Ang Kaniyang pangangatawan ay hindi nadungisan ng anumang kapintasan; ang katawan Niya ay malakas at malusog. At buong buhay Niya ay umalinsunod Siya sa mga batas ng katalagahan. Sa pangangatawan at sa espiritu, Siya ay isang halimbawa ng kung ano ang panukala ng Diyos na mangyari sa lahat ng tao sa pamamagitan ng pagtalima sa Kaniyang mga kautusan. BB 47.4
Ang pagtatalaga sa panganay na anak ay nagsimula noon pang mga unang panahon. Nangako ang Diyos na ibibigay Niya ang Panganay ng langit upang iligtas ang makasalanan. Ang pagbibigay na ito'y dapat kilanlin ng bawa't sambahayan sa pamamagitan ng pagtatalaga sa panganay na anak na lalaki. Siya'y itatalaga sa pagkasaserdote, bilang kinatawan ni Kristo sa gitna ng mga tao. BB 48.1
Nang ilabas na ng Diyos ang Israel buhat sa Ehipto, ay muling ipinag-utos ang pagtatalaga sa mga panganay. Noong alipin pa ng mga Ehipsiyo ang Israel, ay pinagbilinan ng Panginoon si Moises na pumaroon kay Paraong hari ng Ehipto, at sabihing, “Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang Israel ay Aking anak, Aking panganay: at Aking sinabi sa iyo, Pahintulutan mong ang Aking anak ay yumaon, upang Siya'y makapaglingkod sa Akin; at ayaw mo siyang payaunin, narito, aking papatayin ang iyong anak, ang iyong panganay.” Exodo 4:22, 23. BB 48.2
Ipinahayag ni Moises ang ipinasasabi sa kaniya; subali't ang sagot ng palalong hari ay “Sino ang Panginoon, na aking pakikinggan ang Kaniyang tinig, upang pahintulutan kong yumaon ang Israel? Hindi ko nakikilala ang Panginoon, at saka hindi ko pahihintulutang yumaon ang Israel.” Exodo 5:2. Sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan ay gumawa ang Panginoon para sa Kaniyang bayan, na nagpadala ng kakila-kilabot na mga parusa kay Paraon. Sa wakas ang anghel na mamumuksa ay pinagbilinang lipulin ang mga panganay ng tao at hayop sa buong Ehipto. Nguni't upang maligtas ang Israel, sila'y pinagbilinang magpahid o maglagay ng dugo ng tupa sa itaas ng mga haligi ng pinto. Bawa't bahay ay lalagyan ng tanda, upang pagdaan ng anghel sa pakay niyang manlipol, ay lampasan niya ang mga bahay ng mga Israelita. BB 48.3
Nang maipadala na ang hatol na ito sa Ehipto, ay nagsalita ang Panginoon kay Moises, “Pakabanalin mo sa Akin ang lahat ng mga panganay, ... maging sa tao at maging sa hayop ay Akin;” “sapagka't nang araw na Aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, ay Aking pinapaging banal sa Akin, ang lahat ng mga panganay sa Israel, maging tao at maging hayop: sila'y magiging Akin; Ako ang Panginoon.” Exodo 13:2; Mga Bilang 3:1. Nang maitatag na ang paglilingkod sa tabernakulo, ay pinili ng Panginoon ang lahi ni Levi na kahalili ng lahat ng panganay ng Israel upang ito ang maglingkod sa tabernakulo. Gayon pa man ang mga panganay ay itinuturing pa ring sa Panginoon, at kailagang tubusin upang sila'y mabawi. BB 49.1
Dahil dito kaya ginawang tangi nang makahulugan ang paghahandog sa mga panganay. Kung bagaman ito'y nagpaalaala ng kahanga-hangang pagliligtas ng Panginoon sa mga anak ni Israel, ito ay naging sagisag din ng lalong dakilang pagliligtas, na gagawin ng bugtong na Anak ng Diyos. Kung paanong ang dugong iwinisik sa mga haligi ng pintuan ay nakapagligtas sa mga panganay ng Israel, ay gayundin naman may kapangyarihang magligtas sa sanlibutan ang dugo ni Kristo. BB 49.2
Kaydakila nga ng kahulugang nakakapit sa paghahain kay Kristo! Datapwa't ang tingin ng saserdote ay hindi lumampas sa handog; hindi niya nabasa ang hiwagang nasa likod niyon. Ang paghahandog ng mga sanggol ay karaniwan nang tanawing nakikita noon. Arawaraw ay tumatanggap ang saserdote ng salaping panubos sa tuwing ihahain sa Panginoon ang mga sanggol. Arawaraw ay karaniwan ang kaniyang ginagawa, na di-gasi- nong pinapansin ang mga magulang o ang mga anak, malibang may makita siya sa gayak at ayos ng mga magulang na sila'y mga mariwasa at may mataas na katungkulan. Sina Jose at Maria ay maralita; at nang sila'y magsidulog na dala ang kanilang Sanggol, ang nakita lamang ng mga saserdote ay isang lalaki at isang babaing nakagayak Galileo, at nakadamit maralita. Wala sa ayos nila ang makatatawag ng pansin, at ang inihandog lamang nila ay ang haing karaniwang ibinibigay ng maraiitang mga tao. BB 49.3
Ginawa ng saserdote ang seremonyang iniaatas ng kaniyang katungkulan. Hinawakan niya ang Sanggol, at itinaas Ito sa harap ng dambana. Pagkatapos na Ito'y maibalik sa Kaniyang ina, ay itinala niya sa talaan ng mga panganay ang pangalang “Jesus.” Hindi man lamang sumagi sa kaniyang isip, nang hawak niya ang Bata, na Ito ang Hari ng langit, ang Hari ng kaluwalhatian. Hindi nasok sa isip ng saserdote na ang Sanggol na ito ay siyang isinulat ni Moises na aniya'y, “Ang Panginoon ninyong Diyos ay magtitindig sa inyo ng isang Propetang gaya ko, mula sa gitna ng inyong mga kapatid; Siya ang inyong pakinggan sa lahat ng mga bagay na sasalitain Niya sa inyo.” Mga Gawa 3:22. Hindi niya napagisip na ang Sanggol na ito ay Siya na ang angking kaluwalhatian ay siyang hiniling ni Moises na makita. Nguni't Isang higit na dakila kaysa kay Moises ang hawak ng mga kamay ng saserdote; at nang itala niya ang ngalan ng Sanggol sa talaan ng mga panganay, ay itinala niya roon ang pangalan ng Isa na siyang pinagsasaligan ng buong bansang Hudyo. Ang pangalan yaon ay siya nilang magiging hatol na pamatay; sapagka't ang buong utos tungkol sa paghahain at paghahandog ay lumilipas na; halos magtatagpo na ang anino at ang inaaninuhan, ang sagisag at ang katunayan. BB 50.1
Ang Shekinah (Pakikiharap ng Diyos sa lupa) ay nawala na sa santuwaryo, datapwa't sa Sanggol ng Bethlehem ay natatago ang kaluwalhatiang sinasamba ng mga anghel. Ang walang-malay na Sanggol na ito ay siyang binhing ipinangako, na siyang itinuro ng kaunaunahang dambanang itinayo sa may pintuan ng Eden. Ito ang Shiloh,ang tagapagbigay ng kapayapaan. Ito ang nagpahayag kay Moises na Siya ang AKO NGA. Siya ang naging patnubay ng Israel sa pamamagitan ng haliging ulap at haliging apoy. Siya ang malaon nang hinulaan ng mga propeta. Siya ang Nasa ng lahat ng mga bansa, ang Ugat at Supling ni David, at ang maningning na Tala sa umaga. Ang pangalan ng maliit at walangmagagawang Sanggol na iyon, na itinala sa talaan ng Israel, na nagsasabing Siya'y ating kapatid, ay siyang pag-asa ng nagkasalang sangkatauhan. Ang Sanggol na binayaran ng salaping pantubos ay Siyang nagbayad ng pantubos sa mga kasalanan ng buong sanlibutan. Siya ang tunay na “dakilang saserdote sa bahay ng Diyos,” ang pangulo ng “di-nababagong pagkasaserdote,” ang tagapamagitang “nasa kanang kamay ng Karangalan sa kaitaasan.” Hebreo 10:21; 7:24; 1:3. BB 50.2
Ang mg bagay na ukol sa espiritu ay napagkikilala sa pamamagitan ng espiritu. Ang Anak ng Diyos ay itinalaga sa loob ng templo sa gawaing pinarituhan Niyang gawin. Siya'y tiningnan ng saserdote na gaya rin ng pagtingin nito sa ibang mga sanggol. Nguni't bagama't wala itong nakita o naramdamang anumang di-karaniwan, gayunma'y ang ginawa ng Diyos na pagbibigay ng Kaniyang Anak sa sanlibutan ay kinilala rin. Ang pagtatalagang ito ay hindi nakalampas na di-kinilala si Kristo. “May isang lalaki sa Jerusalem, na nagngangalang Simeon; at ang lalaking ito ay matwid at banal, na naghihintay ng kaaliwan ng Israel; at ang Espiritu Santo ay sumasa kaniya. At inihayag sa kaniya ng Espiritu Santo, na hindi siya makakatikim ng kamatayan, bago niya makita ang Kristo ng Panginoon.” BB 51.1
Pagpasok ni Simeon sa templo, nakita niya ang isang mag-anak na iniharap sa saserdote ang kanilang panganay na anak. Ang anyo nila ay nagpapakilala ng karukhaan; subali't talastas ni Simeon ang mga pasabi ng Espiritu, at siya'y inudyukan na ang sanggol na kasalukuyang inihahandog sa Panginoon ay siyang Kaaliwan ng Israel, ang Isa na pinagmimithian niyang makita. Sa tingin ng namanghang saserdote, si Simeon ay tulad sa isang lalaking natitigilan. Ang sanggol ay naiabot nang muli ng saserdote kay Maria, at ito'y kinuha ni Simeon at inihandog niya sa Diyos, samantala'y isang malaking katuwaang di-kailanman niya naramdaman nang una ang pumasok sa kaniyang puso. Nang buhatin niyang pataas ang sanggol na Tagapagligtas, ay kaniyang sinabi, “Ngayon nga, Oh Panginoon, papanawin Mo nang payapa ang Iyong lingkod, ayon sa Iyong sinalita: sapagka't nakita ng Aking mga mata ang Iyong pagliligtas, na Iyong inihanda sa harap ng Iyong buong bayan; isang ilaw na tatanglaw sa mga bansa, at ang kaluwalhatian ng Iyong bayang Israel.” BB 51.2
Ang espiritu ng panghuhula ay kumasi sa lalaking ito ng Diyos, at samantalang nakatayo sina Jose at Maria na natitigilan sa kaniyang mga sinasabi, ay pinagpala niya sila, at kay Maria'y sinabi niya, “Narito, ang Sanggol na ito ay inilagay sa ikabubuwal at ikababangon ng marami sa Israel; at pinakatandang tudlaan ng paglaban; (oo, at paglalampasanan ng isang tabak ang iyong sariling kaluluwa rin naman,) upang mangahayag ang mga pag-iisip ng maraming puso.” BB 53.1
Si Ana rin naman na propetisa, ay pumasok at pinagtibay ang mga sinabi ni Simeon tungkol kay Kristo. Nang magsalita si Simeon, ay nagliwanag ang mukha ni Ana sa kaluwalhatian ng Diyos, at ibinulalas niya ang kaniyang buong-pusong pasasalamat na siya'y tinulutang makita niya ang Kristong Panginoon. BB 53.2
Hindi nawalan ng kabuluhan ang pag-aaral ng hula ng mga abang taong ito. Datapwa't yaong mga may ha- wak ng katungkulang pagka-pangulo at pagkasaserdote sa Israel, bagama't kaharap-harap nila ang mga mahahalagang pangungusap ng hula, ay hindi naman nagsisilakad sa daan ng Panginoon, kaya't hindi namulat ang kanilang mga mata upang makita ang Ilaw ng kabuhayan. BB 53.3
Ganyan pa rin ang nangyayari hanggang ngayon. Ang mga pangyayaring mahalagang-mahalaga sa buong langit ay hindi napagkikilala; ang tiyak na pangyayari ng mga ito ay hindi napapansin ng mga namumuno sa relihiyon at ng mga sumasamba sa bahay ng Diyos. Kinikilala ng mga tao ang Kristo ng kasaysayan, samantala'y tinatalikuran naman nila ang Kristong nabubuhay. Ang Kristong namamanhik sa Kaniyang salita na ang tao'y magpakasakit, na sumaklolo sa mga maralita at nasa karamdaman, at dumamay sa matwid na pangangailangan ng mga nasa kagipitan at paghihirap at pagkadusta, ay hindi higit na Siya'y tinatanggap kaagad ngayon na gaya noong may sanlibo't walongdaang taon na ang nakararaan. BB 54.1
Inisip ni Maria ang malawak na naaabot ng hula ni Simeon. Habang sinasalamin niya ang mukha ng Sanggol na kaniyang kalong, at ginugunita ang mga pangungusap na binigkas ng mga pastor ng Bethlehem, ay nag-uumapaw sa kaniyang puso ang tuwa, pasasalamat at pag-asa. Ang mga salita ni Simeon ay nagpaalaala sa kaniya ng hula ni Isaias na: “At lalabas na usbong sa puno ni Isai, at isang Sanga mula sa kaniyang mga ugat ay magbubunga: at ang Espiritu ng Panginoon ay sasa Kaniya, ang diwa ng karunungan at ng kaunawaan, ang diwa ng payo at katibayan, ang diwa ng kaalaman at ng takot sa Panginoon. ... At katwiran ang magiging bigkis ng Kaniyang baywang, at pagtatapat ang pamigkis ng Kaniyang mga balakang.” “Ang bayan na lumakad sa kadiliman ng kamatayan, sa kanila sumilang ang liwanag. ... Sapagka't sa atin ay ipinanganak ang isang Bata, sa atin ay ibinigay ang isang Anak na lalaki: at ang pamamahala ay maaatang sa Kaniyang balikat: at ang Kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-mangha, Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan.” Isaias 11:1-5; 9:2-6. BB 54.2
Gayon pa man ay hindi pa rin naunawaan ni Maria ang layunin o misyon ni Kristo. Ang hula ni Simeon tungkol sa Kaniya ay Siya'y isang ilaw na tatanglaw sa mga Hentil, at magiging kaluwalhatian sa Israel. Ganyan ang ipinahayag ng mga anghel noong ibalita nila ang pagkapanganak sa Tagapagligtas, na nagbigay ng katuwaan sa lahat ng mga bayan. Sinisikap noong itumpak ng Diyos ang makitid na paniniwala ng mga Hudyo tungkol sa gawain ng Mesiyas. Hangad Niyang tingnan Siya ng mga tao, hindi lamang bilang Tagapagligtas ng Israel, kundi bilang Manunubos din naman ng sanlibutan. Nguni't kinailangang marami munang taon ang lumipas bago naunawaan maging ng ina ni Jesus ang tunay Niyang misyon. BB 55.1
Inasahan ni Maria na maghahari ang Mesiyas sa luklukan ni David, datapwa't hindi niya natanaw ang bautismo ng paghihirap na dapat munang daanan. Ipinahayag sa pamamagitan ni Simeon na hindi maginhawa ang daraanan ng Mesiyas sa sanlibutan. Sa sinabi kay Maria na, “Paglalampasanan ng isang tabak ang iyong sariling kaluluwa rin naman,” ay ipinahiwatig ng Diyos sa ina ni Jesus, ayon sa malumanay Niyang kaawaan, ang kadalamhatiang dinaranas na niya noon pa man alang-alang sa Kaniya. BB 55.2
“Narito,” winika ni Simeon, “ang Sanggol na ito ay inilagay sa ikabubuwal at ikababangon ng marami sa Israel; at pinakatandang tudlaan ng paglaban.” Dapat munang mabuwal yaong mga magsisibangong muli. Dapat muna tayong mahulog sa Bato at madurog bago tayo maiangat kay Kristo. Dapat munang alisin ang pagkamakasarili, dapat munang magpakumbaba ang kayabangan, kung ibig nating makilala ang kaluwalhatian ng kahariang espirituwal. Hindi matatanggap ng mga Hudyo ang karangalang tinatamo sa pamamagitan ng pagpapakababa. Kaya nga hindi nila matanggap ang kanilang Manunubos. Siya'y isang tanda na pag-uukulan ng paglaban. BB 55.3
“Upang mangahayag ang mga pag-iisip ng maraming puso.” Sa liwanag ng kabuhayan ng Tagapagligtas, ay mangahahayag ang mga pag-iisip ng puso ng lahat, buhat sa pag-iisip ng Maykapal hanggang sa pag-iisip ng prinsipe ng kadiliman. Inilarawan ni Satanas ang Diyos bilang makasarili at mapaniil, na inaangkin ang lahat, at di nagbibigay ng anuman, na humihinging Siya'y paglingkuran ng Kaniyang nilalang para sa Kaniyang sariling ikaluluwalhati, at walang ginawang anumang pagpapakasakit para sa ikabubuti nila. Datapwa't ang pagkakapagbigay kay Kristo ay naghahayag ng puso ng Ama. Nagpapatunay ito na ang mga iniisip ng Diyos sa atin ay “mga pag-iisip tungkol sa kapayapaan, at hindi tungkol sa kasamaan.” Jeremias 29:11. Ipinakikilala nito na bagaman ang pagkapoot ng Diyos sa kasalanan ay kasintindi ng kamatayan, ang pag-ibig naman Niya sa nagkasala ay higit na makapangyarihan kaysa kamatayan. Yamang sinimulan na Niya ang pagtubos sa atin, ay wala nang makapipigil na anuman sa Kaniya, kahit yaong pinakamahal Niya, matapos lamang Niya ang Kaniyang gawain. Wala Siyang ikinakait na katotohanan kailanma't kailangan sa ikaliligtas, walang kababalaghan ng kaawaan na Kaniyang kinaliligtaan, walang tulong na diginagamit. Awa at awa ang pinasasagana, kaloob at kaloob ang ibinibigay. Ang buong kabang-yaman ng langit ay nakabukas para sa mga pinagsisikapan Niyang mailigtas. Pagkatapos matipon ang mga kayamanan ng santinakpan, at mabuksan naman ang lahat ng taguan ng walang-hanggang kapangyarihan, ay ibinibigay Niya ang lahat ng ito sa mga kamay ni Kristo, at sinasabi, Ang lahat ng ito ay para sa tao. Gamitin Mo ang mga kaloob na ito upang mapapaniwala ang tao na walang pag-ibig sa langit o sa lupa na hihigit pa sa Aking pagibig. Ang pinakamalaki niyang kaligayahan ay masusumpungan sa pag-ibig sa Akin. BB 56.1
Sa krus ng Kalbaryo, ay nagkaharap ang pag-ibig at ang kasakiman. Dito ay kitang-kita ang kanilang anyo. Si Kristo'y nabuhay Iamang upang umaliw at magpala, at nang Siya'y patayin, ay inihayag ni Satanas ang kalupitan ng poot niya sa Diyos. Kaniyang ipinakilala na ang tunay niyang layunin sa kaniyang paghihimagsik ay ang mapaalis ang Diyos sa trono, at tuloy lipulin Siya na kinahayagan ng pag-ibig ng Diyos. BB 57.1
Sa pamamagitan ng buhay at kamatayan ni Kristo, ay nahayag din naman ang mga iniisip ng mga tao. Buhat sa pasabsaban ng mga hayop hanggang sa krus, ang buhay ni Jesus ay isang panawagan na isuko ang sarili, at makiisa sa kahirapan. Ito ang naghayag ng mga layunin ng mga tao. Si Jesus ay naparitong dala ang katotohanan ng langit, at ang lahat ng nangakinig sa tinig ng Banal na Espiritu ay nailapit sa Kaniya. Ang mga sumasamba sa sarili ay mga kabilang sa kaharian ni Satanas. Sa kanilang ipakikitungo kay Kristo, ay ipakikiIala ng lahat kung kanino sila pumapanig. At sa ganito'y hinatulan ng bawa't isa ang kaniyang sarili. BB 57.2
Sa huling araw ng paghatol, ay mapag-uunawa ng bawa't nawagli't na tao ang uri ng kaniyang sariling pagtanggi sa katotohanan. Ihaharap ang krus, at ang tunay na kahulugan nito ay mapagkikilala ng bawa't isip na binulag ng kasalanan. Sa harap ng pangitaing iyan ng Kalbaryo na kinababayubayan ng mahiwagang Hain, ay tatayong mangahahatulan ng mga makasalanan. Mahahawi ang lahat ng bulaang pagdadahilan. Lilitaw ang karumal-dumal na uri ng pagtataksil ng tao sa katotohanan. Makikita ng mga tao kung ano ang kanilang pinili. Doon nga maliliwanagan kung alin ang tama at kung alin ang mali sa mga suliraning maluwat nang pinaglalabanan. Sa panahon ng paghatol sa santinakpan, ang Diyos ay hindi masisisi sa pagkakasipot o pamamalagi ng kasamaan. Mapatutunayan na ang mga utos ng Diyos ay hindi siyang pinagbubuhatan ng kasalanan. Walang maipipintas sa pamahalaan ng Diyos, walang sukat maging dahilan ng di-kasiyahan. Pagka nahayag na ang mga pag-iisip ng lahat ng mga puso, ang mga nagtapat at ang mga naghimagsik ay magkakaisa sa pagsasabing, “Matuwid at tunay ang Iyong mga daan, Ikaw na Hari ng mga bansa. Sinong hindi matatakot sa Iyo, Oh, Panginoon, at luluwalhatiin ang Iyong pangalan? ... sapagka't ang iyong mga matuwid na gawa ay nangahayag ang Iyong mga hatol.” Apokalipsis 15:3, 4. BB 57.3