Bukal Ng Buhay

41/89

Kabanata 40—Isang Gabi sa Dagat

Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 14:22-33; Marcos 6:45-52; Juan 6:14-21.

Isang takipsilim ng panahon ng tagsibol, ay lupasay na nangakaupo ang mga tao sa madamong kapatagan, at nangagsisikain ng pagkaing inihanda ni Kristo. Ang mga salitang napakinggan nila nang araw na yaon ay dumating sa kanila na parang tinig ng Diyos. Ang mga pagpapagaling na kanilang nasaksihan ay nadama nilang kapangyarihan lamang ng Diyos ang makagagawa. Datapwa't ang hiwaga tungkol sa mga tinapay ay nakaakit ng higit sa lahat sa bawa't isang nasa malaking karamihang yaon. Lahat sila ay nakinabang. Noong mga kaarawan ni Moises, ay Diyos ang nagpakain sa Israel ng mana sa ilang; at sino pa kaya itong nagpakain sa kanila nang araw na yaon kundi Siya na hinulaan ni Moises? Walang kapangyarihan ng taong makalilikha mula sa limang tinapay na sebada at dalawang maliliit na isda ng pagkaing sapat na maipakain sa libu-libong mga gutom na tao. At kaya nga sinabi nila sa isa't-isa, “Totoong ito nga ang Propeta na paririto sa sanlibutan.” BB 527.1

Sa buong maghapon ay tumibay ang paniniwalang iyan. Ang pinakapamutong na ginawang iyon ay isang katiyakan na dumating na sa kanila ang maluwat-nang-inaasahang Manunubos. Pataas nang pataas ang mga pagasa ng mga tao. Ito nga Yaong siyang gagawa sa Judea na maging isang paraiso sa lupa, isang Iupaing binubukalan ng gatas at pulot. Maibibigay Niya ang hangad ng bawa't isa. Malulupig Niya ang kapangyarihan ng kinapopootang mga Romano. Mahahango Niya ang Juda at ang Jerusalem. Mapagagaling Niya ang mga kawal na nasugatan sa labanan. Mapapakain Niya ang buong mga hukbo. Malulupig Niya ang mga bansa, at maibibigay sa Israel ang maluwat-nang inaasam na paghahari. BB 527.2

Sa kanilang kasiglahan ay handa na ang mga taong putungan Siya ng korona upang gawing hari. Nakikita nilang hindi Siya gumagawa ng pagsisikap na makaakit ng pansin o kaya'y makapagtamo ng karangalan sa sarili. Sa bagay na ito ay naiiba Siya sa mga saserdote at mga pinuno, at sila'y nag-aalaalang baka hindi na Siya kailanman gumawa ng pag-angkin sa karapatan Niya sa luklukan ni David. Sa kanilang sama-samang pagsasanggunian, ay pinagkasunduan nilang Siya'y agawin sa pamamagitan ng dahas, at Siya'y itanyag na hari ng Israel. Nakiisa ang mga alagad sa karamihan sa pagsasabing ang trono ni David ay siyang talagang mana ng kanilang Panginoon. Kahinhinan lamang ni Kristo, wika nila, ang dahilan kung kaya tinatanggihan Niya ang gayong karangalan. Bayaang ipagbunyi ng mga tao ang kanilang Tagapagligtas. Bayaang ang mayayabang na saserdote at mga pinuno ay mapilitang parangalan Siya na pumaparitong nararamtan ng kapangyarihan ng Diyos. BB 528.1

Buong kasabikan nilang inayos na isagawa ang kanilang panukala; nguni't nahalata ni Jesus ang kanilang binabalak, at nalalaman Niya kung ano ang ibubunga ng gayong kilusan, na siyang hindi naman nila nalalaman. Ngayon pa man ay pinagmimithian na ng mga saserdote at mga pinuno ang Kaniyang buhay. Pinararatangah nila Siya na inilalayo Niya ang mga tao sa kanila. Karahasan at paghihimagsik ang ibubunga ng pagsisikap na ilagay Siya sa trono, at ito ang makapipigil sa gawain ng espirituwal na kaharian. Kailangang pigilin agad ang kilusan. Tinawag Niya ang Kaniyang mga alagad, at inatasan silang sumakay sa daong at bumalik karaka-raka sa Capernaum, at Siya nama'y naiwan upang pauwiin ang ang mga tao. BB 528.2

Di-kailanman nag-utos si Kristo nang una ng wari'y napakahirap tupdin. Matagal nang hinihintay ng mga alagad ang isang kilusang pambayan na maglalagay kay Jesus sa trono; hindi nila kayang isipin kung bakit ang lahat ng kasiglahang ito ay mauuwi sa wala. Ang mga karamihang nangagkakatipon upang dumalo sa Paskuwa ay nangasasabik na makita ang bagong propeta. Sa ganang mga sumusunod sa Kaniya ay waring ito ang ginintuang pagkakataon upang mailuklok ang minamahal nilang Panginoon sa trono ng Israel. Sa kislap ng ganitong bagong hangarin ay mahirap sa ganang kanila na umalis, at iwan si Jesus nang nag-iisa sa mapanglaw na dalampasigang yaon. Sila'y tumutol sa iniaatas sa kanila; subali't ngayo'y nagsalita si Jesus na taglay ang isang kapangyarihang di-kailanman Niya ginamit sa kanila nang una. Talastas nilang mawawalan ng kabuluhan ang sila'y tumutol pa, kaya tahimik na nilang tinumpa ang dagat. BB 529.1

Inatasan ngayon ni Jesus ang karamihan na magsialis na; at ang anyo Niya ng pag-uutos ay lubhang mahigpit at tiyak na anupa't hindi sila nakapangahas na sumuway. Napatigil ang mga awit ng pagpuri at pagbubunyi. Sa sandali mismong aagawin na nila Siya ay nangaudlot ang kanilang mga paghakbang, at ang kagalakan at kasabikang nakabadha sa kanilang mga mukha ay napawi. Sa karamihang iyon ay may mga lalaking matitibay ang loob at matatag magsipagpasiya; nguni't ang makaharing tindig o anyo ni Jesus, at ang ilang banayad Niyang pangungusap na nag-uutos, ay pumayapa sa kaguluhan, at bumigo sa kanilang mga panukala. Napagkilala nilang mayroon Siyang kapangyarihang nakahihigit sa lahat ng kapangyarihan sa lupa, at kaya nga tungo ang ulong sila'y sumunod. BB 529.2

Nang si Jesus ay nag-iisa na, Siya'y “umakyat sa bundok upang manalangin.” Sa loob ng maraming oras ay nagpatuloy Siya sa parnamanhik sa Diyos. Hindi para sa Kaniya kundi para sa mga tao ang mga panalanging iyon. Sa dalangin ay hiningi Niyang bigyan Siya ng kapangyarihan na maihayag sa mga tao ang banal na likas o uri ng Kaniyang misyon, upang hindi mabulag ni Satanas ang kanilang pang-unawa at mapasama ang kanilang paghatol. Talos ng Tagapagligtas na malapit nang matapos ang mga araw ng Kaniyang ministeryo sa lupa, at iilan lamang ang tatanggap sa Kaniya bilang kanilang Manunubos. Buong paghihirap ng loob na idinalangin Niya ang Kaniyang mga alagad. Buong bangis na sila'y susubukin. Ang malaon na nilang kimkim-kimkim na pagasa, na nakasalig sa malaganap na maling haka-haka, ay mabibigo sa paraang pinakamasakit at kadusta-dusta. Sa lugar ng Kaniyang pagluklok sa trono ni David ay masasaksihan nila ang pagpapako sa Kaniya sa krus. Ito ang magiging tunay na pagpuputong sa kaniya. Nguni't ito'y hindi nila napag-unawa, at dahil nga rito'y darating sa kanila ang malalakas na tukso, na magiging mahirap para sa kanila na makilalang iyon ay mga tukso. Kung walang Banal na Espiritung tatanglaw sa isip at magpapalawak ng pang-unawa ay mabibigo ang pananampalataya ng mga alagad. Masaklap isipin sa ganang kay Jesus na ang kanilang mga pagkaunawa tungkol sa Kaniyang kaharian, ay nabubuo sa karangyaan at karangalang pansanlibutan. Ang Kaniyang pag-aalaala sa kanila ay totoong matindi, at kaya nga ibinuhos Niya ang laman ng Kaniyang puso nang may matinding paghihinagpis at pagluha. BB 530.1

Hindi kaagad tumulak ang mga daong ng mga alagad, ayon sa iniutos sa kanila ni Jesus. Nagpaumat-umat muna sila, sa pag-asang darating Siya. Nguni't nang makita nilang lumalaganap na ang dilim, sila'y “sumakay sa isang daong, at tumawid na patungong Capernaum.” Iniwan nila si Jesus na mabigat ang kanilang puso, at higit na masama ang loob nila sa Kaniya kaysa noong bago nila Siya kilalaning Panginoon. Nagbubulong sila dahil sa hindi Niya sila tinulutang Siya'y maibunying hari. At sarili din nila ang kanilang sinisi sa pagsunod kaagad sa Kaniyang utos. Sinabi nilang kung sila lamang ay naging mapilit, kaipala'y naisagawa nila ang kanilang panukala. BB 530.2

Di-paniniwala ang naghahari sa kanilang mga isip at puso. Binulag sila ng pag-ibig sa karangalan. Alam nilang si Jesus ay kinamumuhian ng mga Pariseo, at kinasasabikan nilang makita Siya na ipinagbubunyi gaya ng iniisip nilang dapat sanang mangyari. Ang makasama ng isang gurong nakagagawa ng makapangyarihang mga kababalaghan, at gayunma'y kinukutyang gaya ng mga magdaraya, ay isang pagsubok na hindi nila kayang tiisin. Lagi na lamang ba silang ituturing na mga tagasunod ng isang bulaang propeta? Hindi na kaya ipakikilala ni Kristo ang Kaniyang kapangyarihan bilang hari? At yamang mayroon Siyang gayong kapangyarihan ay bakit nga hindi Niya ipinakilala ang tunay Niyang likas, at nang hindi naman sila mangapahiya? Bakit hindi Niya iniligtas si Juan Bautista sa isang marahas na pagkamatay? Ganyan ang mga pangangatwiran ng mga alagad noon hanggang sa sila'y malukuban ng malaking kadilimang espirituwal. Si Kristo kaya ay isang mapagpanggap, gaya ng sinasabi ng mga Pariseo? tanung-tanungan nila. BB 531.1

Nang araw na yaon ay nasaksihan ng mga alagad ang mga kahanga-hangang gawa ni Kristo. Para bagang ang langit ay nanaog sa lupa. Ang alaala ng mahalaga at marilag na araw na yaon ay dapat sanang lumipos sa kanila ng pananampalataya at pag-asa. Kung sila lamang, sa pag-uumapaw ng kanilang mga puso, ay nagsipag-usap tungkol sa mga bagay na ito, disin sana'y hindi sila nahulog sa tukso. Nguni't ang kanilang pagkabigo ang pumuno sa kanilang mga isip. Hindi nila dininig ang mga salita ni Kristong, “Tipunin ninyo ang mga labis, ... upang walang masayang.” Sa mga alagad ay mga oras iyon ng malaking pagpapala, nguni't nalimutan nila ang lahat. Nasa gitna sila ngayon ng mga bagabag. Ang mga isip nila ay binabagyo at di-makatwiran, at binigyan sila ng Panginoon ng ibang bagay na magpapahirap sa kanilang mga kaluluwa at aabala sa kanilang mga isip. Madalas na ito'y ginagawa ng Diyos pagka lumilikha ang mga tao ng sarili nilang mga pasanin at mga bagabag. Hindi na kailangang gumawa ang mga alagad ng kabagabagan. Matulin nang dumarating ang panganib. BB 531.2

Isang marahas na unos ang namiminto sa kanila, at sila'y mga di-handa. Iyon ay isang biglang-biglang pagiiba ng panahon, sapagka't sa maghapong nakaraan ay maliwanag at maganda ang lagay ng panahon; at kaya nga nang bumugso sa kanila ang malakas na hangin, sila'y nangatakot. Nalimutan nila ang kanilang di-kasiyahan, ang kanilang di-paniniwala, at ang kanilang pagkayamot. Bawa't isa ay gumawa upang huwag lumubog ang sasakyan. Buhat sa Bethsaida ay malapit lamang ang dakong doon nila tatagpuin si Jesus, at sa karaniwang lagay ng panahon ay inaabot ng ilang orass lamang ang paglalakbay; nguni't ngayo'y napapalayo sila nang napapalayo sa dakong pagtatagpuan nila. Hanggang sa magiikaapat na pagbabanlay sa gabi ay walang-humpay ang kanilang kagagaod. Pagkatapos, inakala ng mga pagod na pagod na mga alagad na wala na silang magagawa. Ang bagyo at kadiliman ng dagat ay nagturo sa kanilang sila'y mga walang-kaya, at hinangad nilang sana'y kasama nila ang kanilang Panginoon. BB 532.1

Hindi sila kinalimutan ni Jesus. Nakita ng Nagbabantay sa pampang ang piyapis-ng-takot na mga lalaking nakikipaglaban sa bagyo. Ni isang saglit ay hindi nawala sa Kaniyang paningin ang Kaniyang mga alagad. Taglay ang malaking pagmamahal na sinundan ng Kaniyang mga mata ang daong na sinisiklot ng bagyo na may mahahalagang lulan; sapagka't ang mga lalaking lulan nito ay siyang magiging ilaw ng sanlibutan. Kung paanong ang isang inang may mairog na pagmamahal ay nagbabantay sa kaniyang sanggol, gayon binabantayan ng mahabaging Panginoon ang Kaniyang mga alagad. Nang sumuko na ang kanilang mga puso, nang mapatahimik na ang kanilang di-banal na hangarin, at nang sa kapakumbabaan ay manalangin sila upang sila'y tulungan, ang tulong na ito ay ipinagkaloob sa kanila. BB 532.2

Nang sandaling inaakala nilang sila'y napahamak na, isang tilamsik ng liwanag ang naghayag sa kanila ng isang mahiwagang aninong lumalapit sa kanila sa ibabaw ng tubig. Nguni't hindi nila alam na iyon ay si Jesus. Ang Isang dumarating upang sumaklolo sa kanila ay itinuring nilang isang kaaway. Dinaig sila ng takot. Ang mga kamay nilang parang bakal na nakahawak sa mga gaod ay nakabitiw. Ang daong ay gumiwang-giwang sa hampas ng mga alon; ang lahat ng mga paningin ay napabaling sa anyong ito ng isang taong lumalakad sa ibabaw ng nagngangalit na karagatan. BB 533.1

Ipinalalagay nilang ito'y isang multo na nagpapahiwatig ng kanilang kapahamakan, at sila'y nagsisigaw sa takot. Si Jesus ay nagpatuloy sa paglakad na parang lalampas sa kanila; nguni't nakilala nila Siya, at sila'y sumigaw, at humingi ng saklolo. Pumihit ang kanilang mahal na Guro, at ang tinig Niya'y pumawi ng kanilang takot, “Lakasan ninyo ang inyong loob: Ako nga; huwag kayong matakot.” BB 533.2

Karaka-rakang makilala nila ito, walang pagsidlan sa tuwa si Pedro. At para bagang hindi pa siya naniniwala, siya'y sumigaw, “Panginoon, kung Ikaw nga, ay papariyanin Mo ako sa tubig. At sinabi Niya, Halika.” BB 533.3

Nakatingin kay Jesus, si Pedro ay lumakad nang panatag; nguni't nang sa kaniyang kasiyahan ay sulyapan niya ang kaniyang mga kasamang nasa daong, ang kaniyang mga mata ay nahiwalay sa pagkakatuon sa Tagapagligtas. Maugong ang hangin. Nagtataasan ang mga alon, at ang mga ito ay dumarating na tuwirang lumalagay sa pagitan niya at ng Panginoon; at siya ay natakot. Sandaling nawala sa kaniyang paningin si Kristo, at gumuho ang kaniyang pananampalataya. Unti-unti siyang lumubog. Datapwa't samantalang ang mga alon ay nagsasalita ng kamatayan, itiningin ni Pedro ang kaniyang mga mata nang palihis sa nagngangalit na mga alon, at nang maipako ang mga ito kay Jesus, ay siya'y sumigaw, “Panginoon, iligtas Mo ako.” Karaka-rakang hinawakan ni Jesus ang nakaunat na kamay, na sinasabi, “Oh, ikaw na kakaunti ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?” BB 533.4

Magkaagapay na sila'y lumakad, na ang palad ni Pedro ay kadaop ng palad ng Panginoon, at sila'y lumulan sa daong. Nguni't si Pedro'y tahimik na ngayon. Wala na siyang dahilan upang magmalaki pa sa kaniyang mga kasamahan, sapagka't dahil sa kaniyang kawalang-pananampalataya at pagyayabang ay kamuntik na siyang napahamak. Nang alisin niya ang kaniyang tingin kay Jesus, ay nawala ang kaniyang tinatapakan, at siya'y lumubog sa gitna ng mga alon. BB 535.1

Pagka dumarating sa atin ang kabagabagan, napakadalas na katulad tayo ni Pedro! Tinitingnan natin ang mga alon, sa halip na ipako ang ating paningin sa Tagapagligtas. Dumudulas ang ating mga hakbang, at tinatabunan ng palalong tubig ang ating mga kaluluwa. Hindi pinalapit ni Jesus si Pedro upang mapahamak; hindi Niya tayo tinatawagan na sumunod sa Kaniya, upang pagkatapos ay pabayaan tayo. “Ikaw ay huwag matakot,” sinasabi Niya; “sapagka't tinubos kita, tinawag kita sa iyong pangalan; ikaw ay Akin. Pagka ikaw ay dumaraan sa tubig, Ako'y sasaiyo; at sa mga ilog, ay hindi ka tatakpan niyaon: pagka ikaw ay lumalakad sa apoy, hindi ka masusunog; o magniningas man ang alab sa iyo. Sapagka't Ako ang Panginoon mong Diyos, ang Banal ng Israel, ang Tagapagligtas mo.” Isaias BB 535.2

Nabasa ni Jesus ang likas ng Kaniyang mga alagad. Talos Niya kung gaano kahigpit susubukin ang kanilang pananampalataya. Sa nangyaring ito sa dagat ay nais Niyang ipakita kay Pedro ang sarili nitong kahinaan—ipakilala na ang kaligtasan nito ay nasa laging pagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos. Sa gitna ng mga bagyo ng tukso ay makalalakad lamang siya ng panatag kung siya ay mananalig sa Tagapagligtas at hindi sa kaniyang sarili. Doon sa bagay na inaakala niyang siya ay malakas ay doon mahina si Pedro; at nang makilala na lamang niya ang kaniyang kahinaan saka niya nadama na kailangan niyang umasa at magtiwala kay Kristo. Kung natutuhan lamang niya ang aral na ibig ituro ni Jeus sa kaniya sa karanasang yaon sa dagat, disin sana'y hindi siya nabigo o nagkulang nang dumating na sa kaniya ang malaking pagsubok. BB 536.1

Araw-araw ay tinuturuan ng Diyos ang Kaniyang mga anak. Sa pamamagitan ng mga nangyayari sa buhay arawaraw ay inihahanda Niya sila sa pagganap ng kani-kanilang bahagi sa lalong malawak na tanghalan ng buhay na itinakda Niya sa kanila. Ang ibinubunga ng pagsubok sa araw-araw ay siyang nagpapakilala o tumitiyak ng kanilang pagtatagumpay o pagkatalo sa malaking krisis ng buhay. BB 536.2

Yaong mga ayaw kumilalang kailangan nilang laging umasa sa Diyos ay madadaig ng tukso. Maaaring ipinalalagay natin ngayon na tayo'y nakatayong matatag, at hindi na tayo makikilos. Maaaring sinasabi natin nang may pagtitiwala, Nakikilala ko ang aking sinasampalatayanan; walang makaliligalig ng aking pananampalataya sa Diyos at sa Kaniyang salita. Subali't binabalak ni Satanas na samantalahin ang ating mahihinang likas na minana at nalinang, at binabalak din niyang bulagin ang ating mga mata upang huwag nating makita ang sarili nating mga pangangailangan at mga kapintasan. Sa pamamagitan lamang ng ating pagkadama ng sarili nating kahinaan at ng laging pagtingin kay Jesus magagawa nating lumakad nang panatag. BB 536.3

Karaka-rakang makatuntong si Jesus sa daong ay tumigil na ang hangin, “at noon din ay dumating sila sa kanilang dadaungan.” Ang gabi ng lagim ay sinundan ng pamamanaag ng bukang-liwayway. Ang mga alagad, at ang iba pang nasa daong, ay nagsiluhod sa paanan ni Jesus na taglay ang taos-pusong pasasalamat, na nagsasabi, “Sa katotohanan, Ikaw ay Anak ng Diyos!” BB 537.1