Bukal Ng Buhay
Kabanata 41—Ang Krisis sa Galilea
Ang kabanatang ito ay batay sa Juan 6:22-71.
Nang pagbawalan ni Kristo ang mga tao na itanyag Siyang hari, batid Niyang dumating na ang makahulugang pagbabago sa Kaniyang kasaysayan. Ang mga karamihang naghahangad na ibunyi Siya ngayon sa trono ay tatalikod sa Kaniya sa kinabukasan. Ang pagkabigo ng kanilang masakim na hangarin ay siyang gagawa upang ang kanilang pag-ibig ay maging pagkapoot, at ang kanilang mga papuri ay maging mga sumpa. Nguni't bagaman alam Niya ito, hindi rin Siya gumawa ng mga hakbang upang maiwasan ang krisis. Sa simula pa ay hindi na Niya pinaasa ang mga sumusunod sa Kaniya sa mga gantimpalang makalupa. Sa isang lumapit na nagnanasang maging alagad Niya ay Kaniyang sinabi, “May mga lungga ang mga sora, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapwa't ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang Kaniyang ulo.” Mateo 8:20. Kung makakamtan ng mga tao ang sanlibutan na kasama si Kristo, lubhang marami ang susunod sa Kaniya; subali't ang gayong paglilingkod ay hindi Niya matatanggap. Sa mga kasama na Niya ngayon ay marami ang naakit ng pag-asa sa kahariang makasanlibutan. Dapat malinawan ng mga ito ang katotohanan. Ang malalim na aral ukol sa espiritu sa himala tungkol sa mga tinapay ay hindi napag-unawa. Ito'y kailangang ipaliwanag. At ang bagong paghahayag na ito ay maghahatid ng lalong mahigpit na pagsubok. BB 538.1
Ang himala tungkol sa mga tinapay ay nabalita sa malayo at sa malapit, at kaya nga maagang-maaga pa kinabukasan ay nagdagsaan na ang mga tao sa Bethsaida upang makita si Jesus. Malalaking bilang sila na nagsidating na lulan ng mga daong at ang iba nama'y nangaglalakad. Yaong mga nagsialis nang sinundang gabi ay nagsipagbalik, na nagsisiasang Siya'y naroroon pa rin; dahil sa wala namang daong na magtatawid sa Kaniya sa kabilang ibayo. Datapwa't nawalang-saysay ang kanilang paghahanap, at marami ang nagsipagbalik sa Capernaum, na nagsisipaghanap pa rin sa Kaniya. BB 539.1
Samantala'y dumating Siya sa Genesaret, pagkaraan ng isang araw na pagkawala roon. Pagkabalitang-pagkabalita na Siya'y dumaong doon, nilibot ng mga tao na “nagtutumulin ang buong lupaing yaon, at nagpasimulang dalhin sa Kaniya ang mga maysakit na nasa kanilang higaan, saanman nila marinig na naroon Siya.” Marcos 6:55. BB 539.2
Pagkaraan ng ilang sandali ay nagtungo Siya sa sinagoga, at doon Siya natagpuan ng mga nanggaling sa Bethsaida. Napag-alaman nila sa Kaniyang mga alagad kung paano Siya tumawid sa dagat. Ang bangis ng bagyo, at ang maraming oras ng walang-saysay na paggaod na pasalunga sa hangin, ang paglitaw ni Kristo na lumalakad sa ibabaw ng tubig, ang pagkatakot ng mga nasa daong, ang mga salita Niyang pumapayapa at nagpapalakas ng loob, ang pangangahas ni Pedro na lumakad sa tubig at ang nangyari rito, at ang biglang pananahimik ng bagyo at ang pagsadsad sa pampang ng daong, ay buong tapat na inilahad na muli sa namamanghang karamihan. Nguni't waring hindi pa nasisiyahan sa balitang ito, marami ang nagkatipon sa palibot ni Jesus, na nagtatanong, “Rabi, kailan Ka pa dumating dito?” Ibig nilang marinig sa sarili Niyang mga labi ang dagdag na pagsasalaysay tungkol sa nangyaring kababalaghan. BB 539.3
Hindi pinaunlakan ni Jesus ang kanilang pag-uusisa. Malungkot Siyang nagwika, “Ako'y inyong hinahanap, hindi dahil sa inyong nangakitang mga tanda, kundi dahil sa kayo'y nagsikain ng tinapay, at kayo'y nangabusog.” Hindi nila Siya hinanap dahil sa anumang marangal na hangarin o adhikain; kundi dahil sa sila'y pinakain ng mga tinapay, ay inasahan nilang makikinabang pa sila ng ibang mga bagay sa pamamagitan ng pakikisama nila sa Kaniya. Kaya sinabi sa kanila ng Tagapagligtas, “Magsigawa kayo hindi dahil sa pagkaing napapanis, kundi dahil sa pagkaing tumatagal sa buhay na walang-hanggan.” Huwg ninyong hanapin lamang ang kapakinabangang materyal. Huwag ninyong unang sisikapin ang maglaan o maghanda ng ukol sa buhay na ito, kundi hanapin ninyo ang pagkaing espirituwal, samakatwid baga'y yaong karunungang tumatagal hanggang sa buhay na walang-hanggan. Ang Anak ng Diyos lamang ang makapagbibigay nito; “sapagka't Siya ang tinatakan ng Ama.” BB 540.1
Sandaling nagising ang interes ng mga nakikinig. Nangapabulalas sila, “Ano ang kinakailangan naming gawin, upang aming magawa ang mga gawa ng Diyos?” Gumagawa sila ng marami at mabibigat na gawain upang magpagindapat sa kanila sa Diyos; at handa pa rin silang makinig at tumanggap ng anumang nababagong bilin o utos na sa pamamagitan niyon ay makatatanggap sila ng lalo pang malaking pagpapala. Ang ibig sabihin ng kanilang tanong ay, Ano ang kinakailangan naming gawin upang magindapat kami sa langit? Ano ang halagang kailangan naming ibayad upang makamtan namin ang buhay na darating? BB 540.2
“Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Ito ang gawa ng Diyos, na inyong sampalatayanan Yaong Kaniyang sinugo.” Ang halaga ng langit ay si Jesus. Ang daang patungo sa langit ay sa pamamagitan ng pagsampalataya sa “Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Juan 1:29. BB 540.3
Datapwa't hindi minarapat ng mga taong tanggapin ang pahayag na ito ng banal na katotohanan. Ginawa ni Jesus ang gawaing paunang-sinabi ng hula na gagawin ng Mesiyas; nguni't hindi nila nakita ang inaasam-asam nilang makikita na Kaniyang gagawin. Totoo ngang pinakain ni Kristo ang karamihang tao sa pamamagitan ng ilang tinapay na sebada; nguni't nang mga kaarawan ni Moises ay pinakain ng mana ang Israel sa loob ng apatnapung taon, at kaya nga lalong maraming pagpapala ang inaasahan sa Mesiyas. Itinanong ng mga puso nilang dinasisiyahan na, kung nakagagawa si Jesus ng lubhang maraming mga kababalaghang gawa gaya nang kanilang nasaksihan, hindi ba Siya makapagbibigay ng kalusugan, kalakasan, at ng mga kayamanan sa lahat Niyang mga tao, na palayain sila sa mga sumisilo o umaapi sa kanila, at tuloy iluklok sila sa kapangyarihan at karangalan? Ang pangyayaring inaangkin Niyang Siya ay Anak ng Diyos, at gayon pa ma'y tumatanggi Siyang maging hari ng Israel, ay isang hiwagang hindi nila malurok-lurok. Ang Kaniyang pagtanggi ay binigyan nila ng malingpakahulugan. Marami ang nag-akala na ang dahilan nito ay sapagka't Siya na rin ay nag-aalinlangang Siya'y isinugo ng Diyos sa ganitong banal na gawain. Sa ganitong paraan ay binuksan nila ang kanilang mga puso sa pagpasok ng alinlangan o di-paniniwala, at ang binhing ipinunla ni Satanas ay nagbunga ng di-pagkaunawa at ng pagtalikod. BB 541.1
Ngayon, may halong panlilibak, na nagtanong ang isang rabi, “Ano nga ang Iyong ginagawa na pinakatanda, upang aming makita, at sampalatayanan Ka namin? ano ang ginagawa Mo? Nagsikain ang aming mga magulang ng mana sa ilang; gaya ng nasusulat, Tinapay na galing sa langit ang sa kanila'y Kaniyang ipinakain.” BB 541.2
Dinakila ng mga Hudyo si Moises bilang siyang nagbigay ng mana, na inukulan ng papuri ang ginamit na kasangkapan ng Diyos, nguni't hindi pinansin Siya na sa pamamagitan Niya nagampanan ang gawain. Bumulong-bulong laban kay Moises ang kanilang mga magulang, at pinag-alinlanganan at tinanggihan ang misyon ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Ngayon sa gayunding diwa tinanggihan ng mga anak ang Isa na naghatid ng pabalita ng Diyos sa kanila. “Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit.” Ang nagbigay ng mana ay nakatayo sa gitna nila. Si Kristo mismo ang umakay sa mga Hudyo sa ilang, at nagpakain sa kanila arawaraw ng tinapay na mula sa langit. Ang pagkaing iyon ay kauri ng tunay na tinapay na mula sa langit. Ang nagbibigay-buhay na Espiritu, na dumadaloy mula sa walang-hanggang kapuspusan ng Diyos, ay siyang tunay na mana. Sinabi ni Jesus, “Ang Tinapay ng Diyos ay yaong bumababang mula sa langit, at nagbibigay buhay sa sanlibutan.” Juan 6:33. BB 541.3
Inaakala pa ring ang sinasabi ni Jesus ay ang tinapay na ukol sa buhay na ito, ay sumigaw ang iba sa mga nakikinig, “Panginoon, bigyan Mo kaming palagi ng tinapay na ito.” Nang magkagayo'y malinaw na sinabi ni Jesus: “Ako ang Tinapay ng Kabuhayan.” BB 542.1
Ang pangungusap na ginamit ni Kristo ay karaniwan na sa mga Hudyo. Sa pagkakasi ng Espiritu Santo, ay sinabi ni Moises, “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawa't salitang lumalabas sa bibig ng Panginoon.” At isinulat naman ni propeta Jeremias, “Ang Iyong mga salita ay nangasumpungan, at aking kinain; at ang Iyong mga salita sa ganang akin ay katuwaan at kagalakan sa aking puso.” Deuteronomio 8:3; Jeremias 15:16. Ang mga rabi na rin ay may kasabihan, na ang pagkain ng tinapay, sa kahulugang espirituwal nito, ay ang pag-aaral ng kautusan at ang paggawa ng mabubuting gawa; at naging palasak na kasabihan na sa pagdating ng Mesiyas ay pakakanin ang buong Israel. Ang turo ng mga propeta ay nagpapaliwanag ng malalim na liksiyong espirituwal sa himalang tungkol sa mga tinapay. Ang liksiyon o aral na ito ay siyang sinisikap ni Kristong buksan sa pang-unawa ng mga nakikinig sa Kaniya sa sinagoga. Kung napag-unawa lamang nila ang mga Kasulatan, sana'y naunawaan nila ang Kaniyang mga salita nang Kaniyang sabihing, “AKO ang Tinapay ng Kabuhayan.” Nitong sinundang araw lamang, ang malaking karamihang pagal at lupaypay, ay pinakain ng tinapay na Kaniyang ibinigay. Kung paanong sa tinapay na yaon ay tumanggap sila ng kalakasan at kasiglahan ng pangangatawan, gayundin naman kay Kristo ay makatatanggap sila ng espirituwal na kalakasang hanggang sa buhay na walang-hanggan. “Ang lumalapit sa Akin,” wika Niya “ay hindi magugutom; at ang sumasampalataya sa Akin ay kailanma'y hindi mauuhaw.” Nguni't idinugtong din naman Niya, “Nakita ninyo ako, at gayunma'y hindi kayo nagsisampalataya.” BB 542.2
Nakita nila si Kristo na sinaksihan sa kanila ng Espiritu Santo, at inihayag ng Diyos sa kanilang mga kaluluwa. Ang mga buhay na katunayan ng Kaniyang kapangyarihan ay napalantad sa harap nila araw-araw, nguni't humihingi pa sila ng isa pang tanda. Kung ito'y ibinigay sa kanila, mananatili pa rin silang di-naniniwala na gaya nang una. Kung hindi sila nagsipaniwala sa mga bagay na kanilang nakita at narinig, ay wala ring kabuluhang magpakita pa sa kanila ng lalong mga kababalaghang gawa. Ang di-paniniwala ay laging makakasumpong ng dahilan upang mag-alinlangan, at mangangatwiran upang mapawalang-saysay ang pinakamatibay na katunayan. BB 543.1
Muling nakiusap si Kristo sa mga matitigas ang pusong ito. “Ang lumalapit sa Akin sa anumang paraan ay hindi Ko itataboy.” Lahat ng tumatanggap sa Kaniya sa pananampalataya, wika Niya, ay magkakaroon ng buhay na walang-hanggan. Walang isa mang mawawaglit. Hindi na kailangang magtalo pa ang mga Pariseo at mga Saduceo tungkol sa kabilang buhay. Hindi na kailangang managhoy ang tao ng walang-pag-asang panaghoy sa kanilang mga yumao. “Ito ang kalooban Niyaong nagsugo sa Akin, na ang bawa't nakakakita sa Anak, at sa Kaniya'y sumampalataya, ay magkaroon ng buhay na walang-hanggan: at Aking siyang ibabangon sa huling araw.” BB 543.2
Datapwa't nagalit ang mga pinuno ng bayan, “at kanilang sinabi, Hindi baga ito si Jesus, ang anak ni Jose, na nakikilala natin ang Kaniyang ama at ina? Paano ngang sinasabi Niya, Ako'y bumabang galing sa langit?” Sinikap nilang lumikha ng di-mabuting damdamin at dimabuting pagkakilala sa pamamagitan ng palibak na pagtukoy sa hamak at abang pinagmulan ni Jesus. Dinusta nila ang Kaniyang buhay sa Kaniyang pagiging isang manggagawang Galileo, at ang Kaniyang pamilyang pinagbuhatan sa pagiging maralita at aba. Ang mga inaangkin ng di-nag-aral na anluwaging ito, sabi nila, ay di-karapat-dapat pansinin. At dahil sa kahiwagaan ng Kaniyang pagkakasilang, ay ipinamarali nilang Siya'y hindi nakatitiyak kung sino ang tunay Niyang ama, at sa ganitong paraan ang mga pangyayari tungkol sa Kaniyang pagkakasilang ay inilarawang isang batik sa Kaniyang kasaysayan. BB 544.1
Hindi tinangka ni Kristong ipaliwanag ang hiwaga ng pagkapanganak sa Kaniya. Hindi Siya sumagot sa mga tanong tungkol sa Kaniyang pagkakababa buhat sa langit, gaya ng hindi rin Niya pagsagot sa mga pagtatanong tungkol sa Kaniyang paglakad sa dagat. Hindi Niya ipinagunita ang mga kababalaghang naging kaakibat ng Kaniyang buhay. Kusa Niyang winalang-halaga ang Kaniyang sarili, at Siya'y nag-anyong isang hamak na alipin. Nguni't ang Kaniyang mga salita at mga gawa ay naghayag ng Kaniyang likas. Lahat ng mga pusong niliwanagan ng Diyos ay kikilalanin Siyang “ang bugtong ng Ama, na puspos ng biyaya at katotohanan.” Juan 1:14. BB 544.2
Ang pagkayamot ng mga Pariseo ay nakaugat nang higit na malalim kaysa inihahayag ng kanilang mga pagtatanong; nakaugat iyon sa kabalakyutan ng kanilang mga puso. Bawa't salita at kilos ni Jesus ay sinasalungat nila; sapagka't ang diwang naghahari sa kanilang kalooban ay kasalungat ng diwa Niya. BB 544.3
“Walang taong makalalapit sa Akin, maliban nang ang Amang nagsugo sa Akin ang sa kaniya'y magdala sa Akin: at siya'y Aking ibabangon sa huling araw. Nasusulat sa mga propeta, at tuturuan silang lahat ng Diyos. Ang bawa't nakarinig nga sa Ama, at natuto, ay lumalapit sa Akin.” Wala kailanmang lalapit kay Kristo, kundi yaong mga tumutugon sa umaakit na pag-ibig ng Ama. Datapwa't inaakit ng Diyos ang lahat ng mga puso sa Kaniya, at ang mga lumalaban lamang sa Kaniyang pag-akit ang tanging lumapit kay Kristo. BB 545.1
Sa mga salitang, “Tuturuan silang lahat ng Diyos,” ay tinutukoy ni Jesus ang hula ni Isaias na: “Lahat mong mga anak ay tuturuan ng Panginoon; at magiging malaki ang kapayapaan ng iyong mga anak.” Isaias 54:13. Ang talatang ito ng Kasulatan ay iniaangkop ng mga Hudyo sa kanilang mga sarili. Ipinagyayabang nila na ang Diyos ay siya nilang Tagapagturo. Subali't ipinakilala ni Jesus na di-tunay ang inaangking ito, sapagka't sinabi Niya, “Ang bawa't nakarinig nga sa Ama, at natuto, ay lumalapit sa Akin.” Sa pamamagitan lamang ni Kristo makatatanggap sila ng pagkakilala sa Ama. Hindi makakayang tingnan ng tao ang Kaniyang kaluwalhatian. Yaong mga nakakilala sa Diyos ay nakikinig sa tinig ng Kaniyang Anak, at kay Jesus na taga-Nazareth ay makikilala nila Siya na sa pamamagitan ng katalagahan at ng pahayag ay ipinahayag ang Ama. BB 545.2
“Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ang sumasampalataya sa Akin ay may buhay na walang-hanggan.” Sa pamamagitan ng minamahal na si Juan, na nakarinig ng mga pangungusap na ito, ay ganito ang sinabi ng Espiritu Santo sa mga iglesya, “Ito ang patotoo, na tayo'y binigyan ng Diyos ng buhay na walang-hanggan, at ang buhay na ito ay nasa Kaniyang Anak. Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay.” 1 Juan 5:11, 12. At sinabi ni Jesus, “Siya'y Aking ibabangon sa huling araw.” Si Kristo ay naging kaisa natin sa pagkatao, upang tayo naman ay maging kaisa Niya sa espiritu. Sa bisa ng pagkakaisang ito tayo'y magsisilabas sa libingan— hindi lamang bilang pagpapakita ng kapangyarihan ni pananampalataya, ay naging atin ang Kaniyang buhay. Yaong mga nakakakita kay Kristo sa tunay Niyang likas, at sa puso nila'y kanilang tinatanggap Siya, ay may buhay na walang-hanggan. Sa pamamagitan ng Espiritu tumatahan si Kristo sa atin; at ang Espiritu ng Diyos, na tinatanggap sa puso sa pamamagitan ng pananampalataya, ay siyang pasimula ng buhay na walang-hanggan. BB 545.3
Binanggit ng mga tao kay Kristo ang manang kinain ng kanilang mga magulang sa ilang, na para bagang ang pagkakapagbigay ng pagkaing yaon ay isang lalong malaking kababalaghan kaysa ginawa ni Jesus; nguni't ipinakikilala Niyang yaon ay napakaliit na bagay kung ihahambing sa mga pagpapalang ipinarito Niya upang ibigay. Ang binuhay lamang ng mana ay ang katawang-lupang ito; hindi nito nahadlangan ang pagdatal ng kamatayan, ni hindi rin ito nakapagbibigay ng walang-hanggang buhay; nguni't ang Tinapay na buhat sa langit ay makabubusog sa kaluluwa hanggang sa buhay na walanghanggan. Sinabi ng Tagapagligtas, “Ako ang Tinapay ng Kabuhayan. Nagsikain ang inyong mga magulang ng mana sa ilang, at sila'y nangamatay. Ito ang Tinapay na bumababang galing sa langit, na makakain ng tao, at hindi mamamatay. Ako ang Tinapay na buhay na bumabang galing sa langit: kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito, siya'y mabubuhay magpakailanman.” Sa pahayag na ito ay may isa pang idinugtong ngayon si Kristo. Sa pamamagitan lamang ng Kaniyang pagkamatay makapagbibigay Siya ng buhay sa mga tao, at sa sumusunod na mga pangungusap ay ipinakikilala Niya na ang Kaniyang kamatayan ay siyang paraan upang maligtas. Sinasabi Niya, “Ang tinapay na Aking ibibigay ay ang Aking laman, na Aking ibibigay para sa ikabubuhay ng sanlibutan.” BB 546.1
Noo'y malapit nang idaos ng mga Hudyo ang Paskuwa sa Jerusalem, bilang pag-alaala sa gabi ng pagkaligtas ng Israel sa Ehipto, nang lipulin ng mamumuksang anghel ang mga panganay sa mga tahanan ng mga Ehipsiyo. Hangad ng Diyos na makilala nila na ang kordero ng paskuwa ay kumakatawan sa Kordero ng Diyos, at sa pamamagitan ng sagisag na ito ay tanggapin nila Siya na nagbigay ng Kaniyang sarili sa ikabubuhay ng sanlibutan. Nguni't sa ganang mga Hudyo ang sagisag ay ginawa nilang siyang pinakamahalaga sa lahat, samantala'y hindi na pinansin ang kahulugan niyon. Hindi nila nakilala ang katawan ng Panginoon. Ang katotohanan ding iyon na sinagisagan ng paghahain ng kordero ng paskuwa ay itinuro sa mga salita ni Kristo. Subali't hindi pa rin ito napag-unawa. BB 547.1
Ngayo'y pagalit na sumigaw ang mga rabi, “Paanong maipakakain sa atin ng Taong ito ang Kaniyang laman?” Pilit nilang inunawa ang Kaniyang mga salita sa literal na paraang gaya rin ng pagkaunawa ni Nicodemo nang itanong nito na, “Paanong maipanganganak ang tao kung siya'y matanda na?” Juan 3:4. Sa isang hangga ay naunawaan nila ang ibig sabihin ni Jesus, subali't hindi sila handang kilalanin o aminin iyon. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng maling-pakahulugan sa Kaniyang mga salita, ang pag-asa nila'y magkakaroon ng di-mabuting pagkakilala sa Kaniya ang mga tao. BB 547.2
Hindi binago ni Jesus ang Kaniyang masagisag na pagpapahayag. Inulit Niya ang katotohanan sa lalo pang matinding pananalita: “Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng tao, at inumin ang Kaniyang dugo, ay wala kayong buhay sa inyong sarili. Ang kumakain ng Aking laman, at umiinom ng Aking dugo, ay may buhay na walang-hanggan; at siya'y Aking ibabangon sa huling araw. Sapagka't ang Aking laman ay tunay na pagkain, at ang Aking dugo ay tunay na inumin. Ang kumakain ng Aking laman, at umiinom ng Aking dugo, ay nananahan sa Akin, at Ako'y sa kaniya.” BB 547.3
Ang ibig sabihin ng kanin ang laman at inumin ang dugo ni Kristo ay tanggapin Siya bilang isang personal na Tagapagligtas, na sumasampalatayang ipinatatawad Niya ang ating mga kasalanan, at tayo'y nagiging ganap sa Kaniya. Sa pamamagitan ng pagtingin sa Kaniyang pag-ibig, ng pagbubulay-bulay sa pag-ibig na ito, at ng pag-inom, tayo'y magiging mga kabahagi ng Kaniyang likas. Kung ano ang pagkain sa katawan, dapat maging gayon si Kristo sa kaluluwa. Hindi natin pakikinabangan ang pagkain malibang ito'y kanin natin, malibang ito'y maging bahagi ng ating pagkatao. Gayundin naman, si Kristo ay walang halaga sa atin kung hindi natin Siya nakikilalang isang personal na Tagapagligtas. Ang isang pagkakilalang bunga ng teorya ay walang kabutihang magagawa sa atin. Kailangang Siya'y kanin natin, tanggapin Siya sa puso, upang ang Kaniyang kabuhayan ay maging ating kabuhayan. Ang Kaniyang pag-ibig, at ang Kaniyang biyaya, ay dapat maging bahagi ng ating buong katauhan. BB 548.1
Datapwa't ang mga paglalarawang ito ay hindi pa rin sapat magpakilala ng karapatan ng pagkakaugnay kay Kristo ng sumasampalataya. Sinabi ni Jesus, “Kung paanong sinugo Ako ng Amang buhay, at Ako'y nabubuhay sa pamamagitan ng Ama; gayundin naman ang kumakain sa Akin, siya nama'y mabubuhay sa pamamagitan Ko.” Kung paanong ang Anak ng Diyos ay nabuhay sa pamamagitan ng pananampalataya sa Ama, gayundin naman tayo'y dapat mabuhay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo. Gayon na lamang kaganap ang pagkakapagpasakop ni Jesus sa kalooban ng Diyos na anupa't ang Ama lamang ang nahayag sa Kaniyang buhay. Bagaman tinukso sa lahat ng paraang katulad natin, Siya'y tumayo sa harap ng sanlibutan na di-nadungisan ng kasamaang nakapaligid sa Kaniya. Sa ganitong paraan din dapat tayong managumpay na gaya ni Kristo na nagtagumpay. BB 548.2
Kayo ba ay isang tagasunod ni Kristo? Kung gayon ang lahat ng nasusulat tungkol sa kabuhayang espirituwal ay isinusulat para sa inyo, at maaaring maabot sa pamamagitan ng pakikiisa ninyo kay Jesus. Nawawalan ba ng alab ang sigla ng inyong loob? Lumalamig na ba ang inyong unang pag-ibig? Tanggapin ninyong muli ang iniaalok na pag-ibig ni Kristo. Kanin ninyo ang Kaniyang laman, inumin ninyo ang Kaniyang dugo, at kayo'y magiging kaisa ng Ama at ng Anak. BB 549.1
Hindi tinanggap ng mga di-sumasampalatayang Hudyo ang anuman kundi ang pinakaliteral na kahulugan sa mga salita ng Tagapagligtas. Ang kanilang kautusang rituwal ay nagbabawal na sila'y uminom ng dugo, at ngayon ang salita ni Kristo ay itinuring nilang isang kalapastangan, at kaya nga ito'y kanilang pinagtalun-tunan. Marami pa nga sa mga alagad ang nagsabing, “Matigas ang pananalitang ito; sino ang makaririnig noon?” BB 549.2
Sinagot sila ng Tagapagligtas: “Ito baga'y nakapagpapatisod sa inyo? Ano nga kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng tao sa kinaroroonan Niya nang una? Ang Espiritu nga ang bumubuhay; sa laman ay walang anumang pinakikinabang: ang mga salitang sinalita Ko sa inyo, ay pawang espiritu, at pawang buhay.” BB 549.3
Ang buhay ni Kristo na nagbibigay ng buhay sa sanlibutan ay nasa Kaniyang salita. Sa pamamagitan ng Kaniyang salita nagpagaling si Jesus ng sakit at nagpalayas ng mga demonyo; sa pamamagitan ng Kaniyang salita pinatahimik Niya ang dagat, at binuhay ang patay; at pinatotohanan ng mga tao na ang Kaniyang salita ay may taglay na kapangyarihan. Sinalita Niya ang salita ng Diyos, gaya ng pagkakapagsalita Niya sa lahat ng mga propeta at mga guro ng Matandang Tipan. Ang buong Bibliya ay isang paghahayag ni Kristo, at hangad ng Tagapagligtas na mapatuon sa salita ng Diyos ang pananampalataya ng Kaniyang mga tagasunod. Pagka Siya'y wala na at hindi na nila makikita, ang salita ng Diyos ang dapat nilang pagkunan ng kapangyarihan. Tulad ng kanilang Panginoon, sila'y dapat mabuhay “sa bawa't salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.” Mateo 4:4. BB 549.4
Kung paanong ang ating katawan ay binubuhay ng pagkain, ay gayundin namang binubuhay ng salita ng Diyos ang ating kabuhayang ukol sa espiritu. At bawa't kaluluwa ay dapat tumanggap ng buhay buhat sa salita ng Diyos para sa kaniyang sarili. Kung paanong ang bawa't isa sa atin ay dapat kumain upang tumanggap ng sustansiya ng pagkain, gayundin naman dapat nating tanggapin ang salita ng Diyos. Hindi marapat na ito'y tanggapin natin sa pamamagitan ng isip ng iba. Dapat nating maingat na pag-aralan ang Bibliya, na hinihingi sa Diyos ang tulong ng Banal na Espiritu, upang ating maunawaan ang Kaniyang salita. Dapat nating basahin ang isang talata, at matamang bulayin ang isipang inilagay ng Diyos sa talatang iyon para sa atin. Dapat nating nilay-nilayin ang isipang naroroon hanggang sa iyon ay maging sariling atin, at ating matiyak kung ano “ang sinasabi ng Panginoon.” BB 550.1
Ang mga pangako at mga babala ni Jesus ay iniuukol sa akin. Gayon na lamang ang pagsinta ng Diyos sa sanlibutan, na ibinigay Niya ang Kaniyang bugtong na Anak, upang ako, sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kaniya, ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan. Ang mga karanasang nakalahad sa salita ng Diyos ay dapat maging aking mga karanasan. Ang panalangin at pangako, ang utos at babala, ay akin. “Ako'y napako sa krus na kasama ni Kristo: at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Kristo ang nabubuhay sa akin: at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman, ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya, ang pananampalataya na ito'y sa Anak ng Diyos, na sa akin ay umibig, at ibinigay ang Kaniyang sarili dahil sa akin.” Galaeia 2:20. Pagka ganyang tinatanggap at ginagamit ng pananampalataya ang mga simulain ng katotohanan, ang mga ito ay nagiging bahagi ng pagkatao at nagiging siyang gumaganyak na kapangyarihan sa buhay. Ang salita ng Diyos, na tinanggap sa kaluluwa, ay siyang nag-aayos ng mga iniisip, at tumutulong sa ikabubuti ng likas. BB 550.2
Sa lagi nating pagtingin kay Jesus sa pamamagitan ng mata ng pananampalataya, ay tayo'y lalakas. Gagawa ang Diyos ng napakamahahalagang pahayag sa Kaniyang nagugutom at nauuhaw na bayan. Masusumpungan nilang si Kristo ay isang personal na Tagapagligtas. Sa pagkain nila ng Kaniyang salita, nasusumpungan nilang ito'y espiritu at buhay. Pinupuksa ng salita ang katutubo't makalupang likas, at nagbibigay ng bagong buhay na nasa kay Kristo Jesus. Ang Banal na Espiritu ay tumatahan sa kaluluwa bilang isang Mang-aaliw. Sa pamamagitan ng bumabago Niyang biyaya, ang larawan ng Diyos ay naisasalin sa mga alagad, sila'y nagiging isang bagong nilalang. Pag-ibig ang humahalili sa poot, at ang puso ay tumatanggap ngwangis ng Diyos. Ito ang ibig sabihin ng mabuhay “sa bawa't salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.” Ito ang pagkain ng tinapay na bumababang buhat sa langit. BB 551.1
Sinalita ni Kristo ang isang banal, walang-hanggang katotohanan tungkol sa pagkakaugnay Niya at ng mga sumusunod sa Kaniya. Kilala Niya ang likas niyaong mga nagsasabing alagad Niya, at sinubok ng Kaniyang mga salita ang kanilang pananampalataya. Sinabi Niyang dapat nilang paniwalaan at gawin ang Kaniyang turo. Lahat ng tumanggap sa Kaniya ay magkakaroon ng Kaniyang likas, at magiging kaayon ng Kaniyang kaugalian. Saklaw nito ang pag-iiwan ng pinapangarap nilang mga hangarin. Kinakailangan nito ang lubos na pagpapasakop kay Jesus ng kanilang mga sarili. Sila'y tinawag upang maging mga mapagkait-sa-sarili, maamo at mapagpakumbabang puso. Dapat silang lumakad sa makipot na landas na nilakaran ng Tao ng Kalbaryo, kung ibig nilang tumanggap ng kaloob ng buhay at ng kaluwalhatian ng langit. BB 551.2
Napakalaki ang pagsubok. Ang kasiglahan ng mga nagbalak na umagaw sa Kaniya upang gawin Siyang hari ay lumamig. Ang sinalita Niyang ito sa sinagoga, wika nila, ay siyang nagpadilat ng kanilang mga mata. Ngayon ay hindi na sila malilinlang. Sa ganang isip nila ang mga sinalita Niya ay isang tuwirang pag-amin na hindi Siya ang Mesiyas, at wala silang matatamong kapakinabangan sa patuloy na pakikiugnay o pakikisama sa Kaniya. Gusto nila ang kapangyarihan Niyang gumagawa ng kababalaghan; sabik silang maalis sa pagkakasakit at paghihirap; subali't ayaw nilang makipagtiis sa buhay Niyang mapagpakasakit. Winalang-halaga nila ang mahiwagang kahariang espirituwal na Kaniyang ipinahayag. Ang mga di-tapat, ang mga makasarili, na nagsihanap sa Kaniya, ay ayaw na ngayon sa Kaniya. Kung hindi rin lamang Niya gagamitin ang Kaniyang kapangyarihan at impluwensiya upang sila'y makalaya sa mga Romano, hindi na sila makikisama pa sa Kaniya. BB 552.1
Malinaw na sinabi sa kanila ni Jesus, “May ilan sa inyo ang hindi nagsisisampalataya;” at idinugtong pa Niya, “Dahil dito'y sinabi Ko sa inyo, na walang taong makalalapit sa Akin, maliban na ipagkaloob sa kaniya ng Ama.” Nais Niyang maunawaan nila na kung kaya sila'y hindi naaakit na lumapit sa Kaniya ay sapagka't ang mga puso nila'y hindi nabubuksan sa pagpasok ng Espiritu Santo. “Ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos: sapagka't ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya: at hindi niya nauunawa ang mga ito, sapagka't ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.” 1 Corinto 2:14. Sa pamamagitan ng pananampalataya namamasdan ng kaluluwa ang kaluwalhatian ni- Jesus. Natatago ang kaluwalhatiang ito, hanggang sa, ang pananampalataya ay papag-alabin sa kaluluwa, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. BB 552.2
Nang hayag na suwatan ni Jesus ang di-paniniwala ng mga alagad na ito ay lalo nang lumayo sila sa Kaniya. Labis silang nagalit, at sa pagnanasang magantihan ang Tagapagligtas at mabigyang-kasiyahan ang pagkapoot ng mga Pariseo, ay tinalikuran nila Siya, at iniwan Siya nang may paghamak. Ginawa na nila ang kanilang pagpili—kinuha na nila ang anyo na walang buhay, at ang ipa na walang laman. Ang kapasiyahan nilang ito ay hindi na kailanman nabago; sapagka't hindi na sila lumakad na kasama ni Jesus. BB 553.1
“Nasa Kaniyang kamay ang Kaniyang kalaykay, at lilinisin Niyang lubos ang Kaniyang giikan, at titipunin Niya ang Kaniyang trigo sa bangan.” Mateo 3:12. Ito ang isa sa mga panahon ng paglilinis. Sa pamamagitan ng mga salita ng katotohanan, ang ipa ay inihihiwalay sa butil. Dahil sa sila'y totoong mayayabang at mapagbanal-banalan na ayaw nilang tumanggap ng payo at saway, totoong makasanlibutan na anupa't ayaw nilang tumanggap ng isang kabuhayang may pagpapakumbaba, ay marami nga ang humiwalay kay Jesus. Marami ang gumagawa pa rin ngayon ng ganitong bagay. Sinusubok Niya ngayon ang mga kaluluwa na gaya rin ng mga alagad na sinubok sa sinagoga sa Capernaum. Pagka ang katotohanan ay inihahatid at tumitimo sa puso, ay nakikita nila na ang kabuhayan nila ay hindi naaayon sa kalooban ng Diyos. Nakikita nila ang pangangailangan nila ng lubos na pagbabago; nguni't ayaw nilang gumawa ng gawaing pagtanggi-sa-sarili. Kaya nga nagagalit sila pagka natutuklasan at nalalantad ang kanilang mga kasalanan. Nagsisialis silang masasama ang loob, tulad din naman ng mga alagad na nagsihiwalay kay Jesus, na bumulung-bulong, “Matigas ang pananalitang ito; sino ang makaririnig noon?” BB 553.2
Nakalulugod sa kanilang mga pakinig ang papuri at panghihimok; subali't ang katotohanan ay masaklap sa loob nilang tanggapin; hindi nila ito naririnig. Pagka napakaraming tao ang nagsisisunod, at libu-libo ang pinakakain, at ang mga sigaw ng tagumpay ay naririnig, ay malalakas ang kanilang mga tinig sa pagpuri; subali't pagka sinisiyasat na ng Espiritu ng Diyos at inililitaw ang mga kasalanan nila, at inaatasan silang iwan ang mga iyon, ay tinatalikuran nila ang katotohanan, at hindi na lumalakad na kasama ni Jesus. BB 554.1
Nang humiwalay na kay Kristo ang mga alagad na yaon, ay iba nang espiritu ang naghari sa kanila. Wala na silang nakitang anumang nakaaakit sa Kaniya na datirati'y lubha nilang kinasasabikan at kinawiwilihan. Hinanap nila ang Kaniyang mga kaaway, sapagka't sila'y kaisa nila sa diwa at gawain. Binigyan nila ng maling-pakahulugan ang Kaniyang mga salita, pinilipit ang mga pangungusap Niya, at pinulaan ang Kaniyang mga adhikain. Itinaguyod nila ang kanilang hakbangin sa pamamagitan ng pagtitipon ng bawa't bagay na magagamit nila laban sa Kaniya; at nakalikha ng gayon na lamang kalaking galit sa mga tao ang mga di-tunay na balitang ito na anupa't napalagay sa panganib ang Kaniyang buhay. BB 554.2
Mabilis na kumalat ang balitang si Jesus na taga-Nazareth ang siya na ring umamin na hindi nga Siya ang Mesiyas. At kaya nga ang damdaming-bayan ay naging laban sa Kaniya, gaya rin ng nangyari sa Judea, noong isang taong lumipas. Sa aba ng Israel! Itinakwil nila ang kanilang Tagapagligtas, dahil sa ang hinihintay nila ay isang manlulupig na magbibigay sa kanila ng kapangyarihang ukol sa lupang ito. Ang ibig nila ay ang pagkaing napapanis, at hindi yaong tumatagal hanggang sa buhay na walang-hanggan. BB 554.3
Nagdurugo ang pusong sinundan ng tanaw ni Jesus yaong mga dati Niyang alagad na humihiwalay at lumalayo sa Kaniya, na Buhay at Ilaw ng mga tao. Ang pagkadama Niya na ang Kaniyang pakikiramay ay di-pinahahalagahan, na ang Kaniyang pag-ibig ay di-tinutugon, ang Kaniyang kahabagan ay di-pinapansin, ang Kaniyang pagliligtas ay tinatanggihan, ay lumipos sa Kaniya ng dimabigkas na kalungkutan. Ang mga ganitong pangyayari sa Kaniyang buhay ang naging dahilan kung kaya Siya'y tinawag na Tao ng mga kapanglawan, at bihasa sa kadalamhatian. BB 554.4
Walang pagtatangkang pigilin ang mga umaalis sa Kaniya, na binalingan ni Jesus ang Labindalawa Niyang alagad at sinabi, “Ibig baga ninyong magsialis din naman?” BB 555.1
Sumagot si Pedro nang patanong, “Panginoon, kanino kami magsisiparoon?” Idinugtong pa niya, “Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang-hanggan.” “At kami'y nagsisisampalataya at nakatitiyak na Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” BB 555.2
“Kanino kami magsisiparoon?” Ang mga guro ng Israel ay mga alipin ng pormalismo. Ang mga Pariseo at mga Sadueeo ay laging nagtatalu-talo. Kung iwan nila si Jesus ay mahuhulog sila sa mga kamay ng mga patay na seremonya at mga rito ng mga Hudyo, at sa mga taong ambisyoso na ang hanap ay ang sarili nilang kapurihan. Nakasumpong ang mga alagad ng higit na kapayapaan at katuwaan buhat nang tanggapin nila si Kristo kaysa sa buo nilang naunang kabuhayan. Paano pa sila makababalik sa mga lumibak at umusig sa Kaibigan ng mga makasalanan? Maluwat na nilang hinihintay ang Mesiyas; ngayo'y narito na Siya, at hindi na nila Siya maiiwan upang bumalik sa mga umusig sa kanila dahil sa sila'y naging mga tagasunod Niya. BB 555.3
“Kanino kami magsisiparoon?” Hindi sila makaaalis sa turo ni Kristo, sa Kaniyang mga aral ng pag-ibig at kaawaan, upang lumipat sa kadiliman ng di-paniniwala, sa katampalasanan ng sanlibutan. Bagaman at ang Tagapagligtas ay iniwan ng maraming nakasaksi ng Kaniyang mga kababalaghang gawa, ipinahayag naman ni Pedro ang pananampalataya ng kaniyang mga kasamang alagad—“Ikaw ang Kristo.” Ang isiping mawawala ang sinipeteng ito ng kanilang mga kaluluwa ay pumuno sa kanila ng takot at hirap ng kalooban. Ang mawalan ng Tagapagligtas ay gaya ng pagkaanod sa isang madilim at maunos na dagat. BB 555.4
Marami sa mga salita at mga gawa ni Jesus ay lumilitaw na mahiwaga sa pahat na isip ng tao, subali't ang bawa't salita at gawang ito ay may tiyak na layunin sa gawain ng pagtubos sa atin; bawa't isa ay pinanukala upang magbigay ng sarili nitong bunga. Kung kaya lamang nating unawain ang Kaniyang misyon. BB 556.1
Bagama't ngayo'y hindi pa natin mauunawaan ang mga gawa at mga paraan ng Diyos, atin namang nakikita ang Kaniyang dakilang pag-ibig, na pinagsasaligan ng lahat Niyang mga pakikitungo sa mga tao. Ang sinumang namumuhay nang malapit kay Jesus ay makakaunawa nang malaki sa hiwaga ng kabanalan. Makikilala niya ang kahabagan na nakalangkap sa pagsaway, na sumusubok sa likas, at nagpapalitaw sa nilalayon ng puso. BB 556.2
Nang iharap ni Jesu§ ang pansubok na katotohanan na siyang naging sanhi ng pagtalikod sa Kaniya ng lubhang marami Niyang mga alagad, ay talos Niya ang magiging bunga ng Kaniyang mga salita; subali't Siya'y may isang layunin ng kaawaan na dapat tuparin. Nakita Niyang sa panahon ng tukso ay mahigpit na susubukin ang bawa't isa sa Kaniyang mga minamahal na alagad. Ang Kaniyang paghihirap sa Gethsemane, ang pagkakanulo at pagpapako sa Kaniya sa krus, ay magiging napakabigat na pagsubok sa kanila. Kung hindi muna Niya sinubok sila, disin sana'y maraming may mga sakim na adhikain ang patuloy na makikisama sa kanila. Nang hatulan na ang kanilang Panginoon sa bulwagan ng hukuman; nang sigawan na Siya at alipustahin ng mga dati'y nagbunyi sa Kaniya bilang kanilang hari; nang ang nagsisipanuyang karamihan ay magsigawan na ng, “Ipako Siya sa krus!”—nang mabigo na ang kanilang mga makasanlibutang hangarin, ang mga makasariling ito, sa pamamagitan ng pagtatakwil kay Jesus, ay nagdulot sa mga alagad ng mapait at matinding kapighatian, bukod pa sa kahapisan at kabiguang bunga ng pagguho ng kanilang mga pinangarap na pag-asa. Sa panahong yaon ng kadiliman, ang halimbawa ng mga nagsitalikod sa Kaniya ay mangyayaring nakahikayat pa sana ng iba upang sumama sa kanila. Datapwa't ang pagsubok o ang krisis na ito ay pinasapit na ni Jesus samantalang Siya'y personal pang kasama nila at mapalalakas pa Niya ang pananampalataya ng mga tapat Niyang tagasunod. BB 556.3
Maawaing Manunubos, na bagaman lubos na nakatatalos ng sasapitin Niyang kapalaran, ay buong pagmamahal pa ring pinatag ang daan para sa mga alagad, inihanda sila sa pinakatampok na pagsubok na darating sa kanila, at pinalakas sila para sa pangwakas na pagsusulit! BB 557.1