Bukal Ng Buhay

40/89

Kabanata 39—“Bigyan Ninyo Sila ng Makakain”

Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 14:13-21; Marcos 6:32-44; Lukas 9:10-17; Juan 6: 1-13.

Namahinga si Kristo sa isang liblib na pook na kasama ang Kaniyang mga alagad, nguni't ang bibihirang pagkakataong ito ng mapayapang katahimikan ay madaling nasira. Ang akala ng mga alagad ay hindi na sila magagambala sa dakong kanilang pinamamahingahan; nguni't kapagkaraka ring hindi makita ng karamihan ang banal na Guro, ay nagsipagtanong sila, “Saan naroon Siya?” Ang ilan sa gitna nila ay nakapansin sa dakong pinuntahan ni Kristo at ng mga alagad Niya. Marami ang nagsipaglakad upang sundan sila, samantalang ang iba naman ay nagsisunod sa pamamagitan ng pagtawid sa dagat na lulan ng kanilang mga bangka. Malapit na noon ang Paskuwa, at, buhat sa malayo at malapit, ay makikita ang mga pulutong ng mga nagsisipaglakbay sa daang patungo sa Jerusalem na nagsipagkatipon upang makita si Jesus. Naragdagan nang naragdagan ang bilang nila, hanggang sa ang mga nagkakatipon ay umabot sa bilang na limang libong lalaki bukod ang mga babae at mga bata. Bago sumapit si Kristo sa pampang, ay isang malaking karamihan ang naghihintay na sa Kaniya. Nguni't nakalunsad Siya nang walang nakamalay sa kanila, at sandaling panahong bumukod na kasama ng mga alagad. BB 514.1

Buhat sa tabi ng burol ay tinanaw Niya ang kumikilos na karamihan, at nalipos ng habag ang Kaniyang puso. Bagama't Siya'y nagambala, at hindi nakapamahinga, ay hindi Siya nayamot. Napagkilala Niya ang isang lalong malaking pangangailangan na humihingi ng Kaniyang pag-aasikaso nang matanaw Niya ang mga tao na dating at dating. “Nahabag Siya sa kanila, sapagka't sila'y gaya ng mga tupa na walang pastor.” Iniwan Niya ang Kaniyang pamamahinga, at humanap Siya ng isang magandang lugar na doo'y mapaglilingkuran Niya sila. Wala silang matanggap na tulong mula sa mga saserdote at mga pinuno; gayunma'y dumaloy naman buhat kay Kristo ang nagpapagaling na mga tubig ng buhay nang ituro Niya sa karamihan ang daan ng kaligtasan. BB 515.1

Nakinig ang mga tao sa mga salita ng awang lumalabas nang buong laya sa mga labi ng Anak ng Diyos. Kanilang napakinggan ang mabiyayang mga salita, napakapayak at napakalinaw na anupa't ang mga iyon ay parang balsamo ng Gilead sa kanilang mga kaluluwa. Ang pagpapagaling ng Kaniyang banal na kamay ay naghatid ng ligaya at buhay sa mga nangag-aagaw-buhay, at ginhawa at kalusugan sa mga pinahihirapan ng karamdaman. Ang maghapong yaon ay wari bagang langit nila sa iupa, at ganap nilang di-namalayang sila pala'y maluwat nang hindi nagsisikain. BB 515.2

Nagtatakipsilim na. Lumulubog na ang araw sa kanluran, at gayon pa ma'y hindi pa rin nag-aalisan ang mga tao. Maghapong gumagawa si Jesus nang walang pagkain at walang pahinga. Namumutla na Siya sa pagod at gutom, kaya pinamanhikan na Siya ng mga alagad na huminto na Siya sa Kaniyang paggawa. Nguni't hindi Niya maiwan ang maraming nagsisiksikan sa Kaniya. BB 515.3

Katapus-tapusa'y nilapitan na Siya ng mga alagad, at sinabing alang-alang na rin sa mga tao ay dapat na silang pauwiin. Marami ang nagbuhat pa sa malayo, at walang kinakaing anuman mula pa nang umaga. Sa mga nakapaligid na mga bayan. at mga nayon ay maaaring makabili sila ng makakain. Datapwa't sinabi ni Jesus, “Bigyan ninyo sila ng makakain,” at pagkatapos, ay binalingan si Felipe at nagtanong, “Saan tayo magsisibili ng tinapay, upang mangakakain ang mga ito?” Ito'y sinabi Niya upang subukin ang pananampalataya ng alagad. Tinanaw ni Felipe ang dagat ng mga ulo, at naisip nitong ang gayong karaming tao ay hindi mabibigyan ng sapat na pagkaing makasisiya sa mga pangangailangan ng mga yaon. Sumagot ito at sinabing ang dalawandaang denaryong tinapay ay hindi makasasapat upang makakain ng tigkakaunti ang bawa't isa. Itinanong ni Jesus kung gaano karaming pagkain ang maaaring matagpuan sa pulutong ng mga tao. “May isang batang lalaki rito,” wika ni Andres, “na mayroong limang tinapay na sebada, at dalawang maliliit na isda: datapwa't gaano na ang mga ito sa ganyang karamihan?” Ipinag-utos ni Jesus na dalhin sa Kaniya ang mga tinapay at mga isdang ito. Saka Niya inatasan ang mga alagad na paupuin sa damuhan ang mga tao nang lima-limampu o manda-mandaan, upang maging maayos, at upang masaksihan ng lahat ang Kaniyang gagawin. Nang ito'y matapos, ay kinuha ni Jesus ang pagkain, “at pagtingala sa langit, ay Kaniyang pinagpala, at pinagputul-putol, at ibinagay ang miga tinapay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga karamihan.” “At nagsikain silang lahat, at nangabusog. At kanilang pinulot ang mga pinagputul-putol, labindalawang bakol na puno ng tinapay at mga isda.” Siya na nagturo sa mga tao ng daan upang makapagtamo ng kapayapaan at kaligayahan ay maalalahanin din naman sa kanilang mga pangangailangang pangkabuhayan at sa kanilang pangangailangang espirituwal. Ang mga tao'y pagal at lupaypay. May mga inang may kalong na mga sanggol sa kanilang mga bisig, at mayroon pang maliliit na batang nangakakapit sa kanilang mga saya. Marami ang namalaging nangakatayo sa loob ng maraming oras. Gayon na lamang katindi ang kasabikan nila sa mga salita ni Kristo na anupa't hindi man lamang nila naisip na maupo kahit sandali, at ang mga tao naman ay lubhang napakarami na anupa't nanganganib na magkayapakan sila sa isa't isa. Ibig ni Jesus na bigyan sila ng pagkakataong makapamahinga, kaya nga iniutos Niyang sila'y magsiupo. Malawak ang damuhan sa dakong yaon, at ang lahat ay maginhawang makapagpapahinga. BB 515.4

Di-kailanman gumawa si Kristo ng isang himala o kababalaghan kundi sadyang tunay na kailangan, at ang bawa't himala ay may uring makaaakay sa mga tao sa punungkahoy ng buhay, na ang mga dahon ay pampagaling sa mga bansa. Ang sinpleng pagkaing ipinamahagi ng mga alagad ay mayamang-mayaman sa mga aral. Dukhang pagkain lamang ang ibinigay; ang tinapay at isda ay siyang abang pagkain sa araw-araw ng mga mangingisdang nasa paligid-ligid ng Dagat ng Galilea. Magagawa ni Kristong ihain sa harap ng mga tao ang mayama't masasarap na pagkain, subali't ang pagkaing inihanda para sa kasiyahan lamang ng panlasa ay hindi makapaghahatid ng anumang aral na para sa ikabubuti nila. Dito'y itinuro ni Kristo sa kanila na ang katutubong pagkaing inihanda ng Diyos para sa tao ay pinasama. At di-kailanman nakapagtamasa ang mga tao ng maluhong mga pagkaing inihanda sa ikasisiya ng sumamang panlasa na digaya ng tinamasang kapahingahan at simpleng pagkain ng mga taong ito na inilaan ni Kristo sa mga tahanan ng mga tao. BB 518.1

Kung ang mga tao lamang ngayon ay simple sa kanilang mga pag-uugali, na namumuhay na kaayon ng mga batas ng katalagahan, na gaya nina Adan at Eba noong pasimula, sana'y nagkaroon ng saganang maitutustos sa mga pangangailangan ng sambahayan ng mga tao. Sana'y dadalang o uunti ang mga iniisip na kailangan, at mararagdagan ang mga pagkakataong gumawa sa mga paraan ng Diyos. Subali't ang pagkamakasarili at ang pagpapairog sa di-likas na panlasa ay naghatid ng kasalanan at kahirapan sa sanlibutan, sa isang dako'y dahil sa pagmamalabis, at sa kabilang dako'y dahil sa pagsasalat o kakulangan. BB 518.2

Hindi pinagsikapan ni Jesus na maakit Niya ang mga tao sa pamamagitan ng pagbibigay-kasiyahan sa nais nilang luho. Sa malaking karamihang yaon, na pagod at gutom pagkatapos ng matagal at nakatitigatig-ng-damdaming maghapon, ang simpleng pagkain ay hindi lamang nagpapakilala ng Kaniyang kapangyarihan, kundi ng Kaniya rin namang magiliw na pag-aasikaso sa kanila sa mga karaniwang pangangailangan nila sa buhay. Hindi ipinangangako ng Tagapagligtas sa Kaniyang mga tagasunod ang mga luho ng sanlibutan; ang pagkain nila ay maaaring maging simple, at kakaunti pa; maaaring kapalaran nilang maging maralita; gayunman ang Kaniyang salita ay nangangakong ibibigay Niya ang kanilang pangangailangan, at lalo pang mabuti kaysa mga bagay ng sanlibutan ang Kaniyang ipinangangako—ang nananatiling pag-aliw ng sarili Niyang pakikiharap. BB 519.1

Sa pagpapakain sa limang libo, ay inaangat ni Jesus ang lambong na tumatabing sa sanlibutan ng katalagahan, at inihahayag ang kapangyarihang laging gumagawa sa ikabubuti natin. Sa pagpapasagana sa mga inaani sa lupa ay gumagawa ang Diyos ng kababalaghan araw-araw. Sa pamamagitan ng mga bagay ng katalagahan ay naisasagawa ang gawain ding iyon na ginawa sa pagpapakain sa karamihan. Inihahanda ng mga tao ang lupa at inihahasik ang binhi, datapwa't ang buhay na mula sa Diyos ang nagpapatubo sa binhi. Ulan at hangin at sikat ng araw ng Diyos ang siyang nagpapasibol, “una-una'y usbong, saka uhay, pagkatapos ay butil na humihitik sa uhay.” Mareos 4:28. Diyos ang nagpapakain sa mga angaw-angaw na buhat sa mga inaani sa bukid ng lupa. Ang mga tao'y tinatawagang makipagtulungan sa Diyos sa pag-aalaga ng mga butil at sa paghahanda ng tinapay, at dahil dito kaya hindi nila nakikita ang kamay ng Diyos. Hindi nila ibinibigay sa Diyos ang papuri o pagluwalhating marapat sa Kaniyang banal na pangalan. Ang paggawa ng Kaniyang kapangyarihan ay ikinakapit nila sa mga bagay na katutubo o sa mga taong kinakasangkapan. Tao ang niluluwalhati at hindi ang Diyos, at ang mahahalaga Niyang mga kaloob ay pinasasama sa pamamagitan ng makasariling mga paggamit, at ginagawa tuloy na isang sumpa sa halip na isang pagpapala. Sinisikap ng Diyos na baguhin ang lahat nang ito. Nais Niyang patalasin ang ating mapupurol na diwa upang maunawaan ang Kaniyang mahabaging kagandahang-loob at upang papurihan Siya't luwalhatiin sa paggawa ng Kaniyang kapangyarihan. Hangad Niyang kilalanin natin Siya sa Kaniyang mga ipinagkakaloob, upang ang mga ito, gaya ng panukala Niya, ay maging isang pagpapala sa atin. Sa ikatutupad o ikagaganap ng panukalang ito kaya ginawa ang mga himala o mga kababalaghan ni Kristo. BB 519.2

Pagkatapos mapakain ang karamihan, ay may natira pang saganang pagkain. Datapwa't Siya na kinaroroonan ng lahat na mga kayamanan ng walang-hanggang kapangyarihan ay nagwika, “Pulutin ninyo ang mga pinagputulputol na lumabis, upang walang anumang masayang.” Ang mga salitang ito ay hindi lamang nangangahulugang ilalagay sa mga basket o mga bakol ang mga lumabis na putol ng tinapay. Dalawa ang ibinibigay nitong aral. Walang dapat na masayang. Hindi natin dapat sayangin ang anumang pakikinabangan. Wala tayong dapat kaligtaan o pabayaang anumang bagay na maaaring pakinabangan ng isang taong kinapal. Sikaping tipunin ang lahat ng bagay na makapagpapaginhawa o makalulunas sa pangangailangan ng mg nagugutom sa lupa. At dapat ding magkaroon ng gayunding pagkamaingat sa mga bagay na espirituwal. Nang maipon na sa mga bakol ang mga putul-putol na tinapay, ay naalaala ng mga tao ang kanilang mga kaibigan sa tahanan. Nais nilang ang mga iyon man ay makakain din ng tinapay na pinagpala ni Kristo. Ang laman ng mga bakol ay ipinamahagi sa sabik na karamihan, at dinala ang mga ito sa lahat ng purok na nakapalibot doon. Kaya ang mga nasa piging din naman ay dapat mamahagi sa iba ng tinapay na nagbubuhat sa langit, upang busugin ang nagugutom na kaluluwa. Dapat nilang ulitin ang natutuhan nilang mga kahanga-hangang bagay ng Diyos. Walang dapat masayang. Isa mang salitang nauukol sa kanilang walang-hanggang ikaliligtas ay hindi dapat mahulog sa lupa at mawalan ng kabuluhan. BB 520.1

Ang kababalaghan tungkol sa mga tinapay ay nagtuturo ng isa pang aral ng pag-asa sa Diyos. Nang pakanin ni Kristo ang limang libo, ang pagkain ay wala sa Kaniyang kamay. Maliwanag na nakikitang wala Siyang mapagkukunan. Narito Siya sa ilang, na kasama ang limang libong mga lalaki, bukod sa mga babae at mga bata. Hindi Niya inanyayahan ang malaking karamihang ito na magsisunod sa Kaniya; nagsiparoon ang mga ito nang hindi inanyayahan o inutusan man; nguni't talastas Niyang pagkaraan ng maluwat na pakikinig sa Kaniyang pagtuturo, ay mangangugutom at manganghihina ang mga ito; sapagka't Siya man naman ay katulad din ang mga ito; sapagaka't Siya man ay katulad din naman nila sa pangangailangan ng pagkain. Malayo sila sa kanikanilang tahanan, at dumaratal na ang gabi. Ang marami sa kanila ay walang salaping maibibili ng pagkain. Siya na alang-alang sa kanila ay nag-ayunong apatnapung araw sa ilang ay hindi makatitiis na pauwiin sila nang di-kumakain. Narito Siya sa talaga ng Diyos; at Siya'y umasa sa Ama Niyang nasa langit na siyang gagawa ng paraan upang matugunan ang pangangailangan ng mga tao. BB 521.1

At pagka tayo'y napapalagay sa mga kagipitan, dapat tayong umasa sa Diyos. Dapat nating gamitin ang ating isip at kuru-kuro sa bawa't gawa ng buhay, upang hindi natin mailagay ang ating mga sarili sa mahirap na katayuan nang dahil sa ating walang-pakundangang mga pagkilos. Huwag tayong susubong kusa sa mga kahirapan, na kinaliligtaan ang paraang inilaan ng Diyos, at di-ginagamit nang wasto ang mga kakayahang ipinagkaloob Niya sa atin. Ang mga manggagawa ni Kristo ay dapat tumalima sa Kaniyang mga turo nang walang-pagaalinlangan. Ang gawain ay sa Diyos, at kung nais nating pagpalain ang mga iba ay dapat sundin ang Kaniyang mga panukala. Ang sarili ay hindi dapat gawing sentro; ang sarili'y hindi dapat patanggapin ng karangalan. Kung tayo'y nagpapanukala nang ayon sa sarili nating mga kuru-kuro, ay pababayaan tayo ng Panginoon sa ating sariling mga pagkakamali. Subali't, kung pagkatapos nating sundin ang Kaniyang mga tagubilin, ay napasuong tayo sa mga kagipitan, ay ililigtas Niya tayo. Hindi tayo dapat padala at padaig sa panlulupaypay, kundi sa bawa't kagipitan natin ay dapat tayong humingi ng tulong sa Kaniya na siyang kinaroroonan ng walang-hanggang mga pantaguyod. Madalas na tayo'y mapaliligiran ng mahihigpit na pangyayari, at kung magkagayon, sa lubos na pagtitiwala, ay dapat tayong umasa sa Diyos. Iingatan Niya ang bawa't kaluluwang dahil sa pagsisikap na lumakad sa daan ng Panginoon ay napapasuot sa kagipitan. BB 521.2

Sa pamamagitan ng propeta ay inaatasan tayo ni Kristong, “Magbahagi ng iyong tinapay sa gutom,” at “iyong sisiyahan ng loob ang nadadalamhating kaluluwa;” “pagka nakakakita ka ng hubad, na iyong bihisan,” at “dalhin mo sa iyong bahay ang dukha na walang tuluyan.” Isaias 58:7-10. Tinagubilinan Niya tayong, “Magsiyaon kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng kinapal.” Marcos 16:15. Datapwa't kaylimit na nanlulumo ang ating puso, at nawawalan tayo ng pananampalataya, kapag ating nakikita ang laki ng pangangailangan, at napakaliit naman ng salaping nasa ating mga kamay. Katulad kay Andres na nakatingin sa limang tinapay at dalawang maliliit na isda, ay napapabulalas tayo ng, “Gaano na ang mga ito sa ganyang karamihan?” Kaydalas na tayo'y nag-aatubili, di-handang ibigay ang lahat ng nasa atin, at nangangambang gumugol at pagugol sa mga iba. Nguni't tayo'y inaatasan ni Jesus, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” Ang Kaniyang utos ay isang pangako; at sa likod nito ay naroon ang kapangyarihan ding yaon na nagpakain sa karamihan sa tabi ng dagat. BB 522.1

Sa ginawa ni Kristong pagbibigay ng mga kailangang pangkabuhayan sa nagugutom na karamihan ay nakapaloob doon ang isang malalim na liksiyong espirituwal para sa lahat Niyang mga manggagawa. Si Kristo ay tumanggap sa Ama; namahagi Siya sa mga alagad; ang mga ito naman ay namahagi sa karamihan; at ang mga tao nama'y namahagi sa isa't isa. Kaya ang lahat din naman ng mga nakikiisa at nakikilakip kay Kristo ay tatanggap sa Kaniya ng tinapay ng buhay, ng pagkain ng langit, at ipamamahagi ito sa mga iba. BB 523.1

Sa lubos na pagtitiwala sa Diyos, ay kinuha ni Jesus ang maliliit na tinapay; at bagaman may maliit na bahagi lamang para sa Kahiyang sariling mga alagad, ay hindi Niya inanyayahan silang kumain, kundi pinasimulan Niyang bigyan sila, na inatasan silang bigyan ang mga tao. Ang pagkain ay dumami sa Kaniyang mga kamay; at ang mga kamay naman ng mga alagad, na umaabot kay Kristo, na Siya na ring Tinapay ng Buhay, ay di-kailanman nawalan ng laman. Ang iilang tinapay ay nakasapat sa lahat. At nang mabusog na ang mga tao, ang mga putul-putol na lumabis ay tinipon, at si Kristo at ang mga alagad Niya ay magkakasalong kumain ng mahalagang pagkaing bigay ng Langit. BB 523.2

Ang mga alagad ay siyang pinakadaan ng pakikipagtalastasan ni Kristo sa mga tao. Ito'y dapat maging isang malaking pampasigla sa mga alagad Niya ngayon. Si Kristo ang dakilang sentro, ang pinagmumulan ng lahat nang lakas. Ang mga alagad Niya ay magsisitanggap sa Kaniya ng kanilang mga gagamitin. Ang pinakamatalino, ang pinakaespirituwal, ay makapagbibigay niyaon lamang kanilang tinatanggap. Sa ganang sarili nila ay wala silang maibibigay na anumang bagay para sa mga pangangailangan ng kaluluwa. Makapagbibigay lamang tayo niyaong ating tinatanggap kay Kristo; at makatatanggap lamang tayo habang tayo'y nagbibigay sa mga iba. Kapag patuloy tayong nagbibigay, patuloy din naman tayong tatanggap; at lalong marami ang ating ibibigay, lalo rin namang marami ang ating tatanggapin. Sa ganitong paraan lagi tayong makapaniniwala, makapagtitiwala, makatatanggap, at makapagbibigay. BB 523.3

Ang gawaing pagtatayo ng kaharian ni Kristo ay magpapatuloy, bagaman sa malas ay mabagal ang pagkilos at waring lahat ng mga bagay ay humahadlang sa pagsulong nito. Ang gawain ay sa Diyos, at Siya'y magbibigay ng salapi, at magpapadala ng mga tutulong, na mga tunay at tapat na alagad, na ang mga kamay rin naman ay mapupuno ng pagkain para sa nagugutom na karamihan. Hindi nililimot ng Diyos yaong mga gumagawang may pag-ibig upang maibigay ang salita ng buhay sa mga kaluluwang napapahamak, na ang mga ito naman ay naguunat ng kanilang mga kamay sa pag-abot ng pagkaing ukol naman sa iba pang nagugutom na mga kaluluwa. BB 524.1

Sa ating paggawa para sa Diyos ay may panganib na tayo'y lubhang umasa sa magagawa ng taong may mga talento at kakayahan. Sa ganitong paraan ay nawawala sa ating paningin ang isang Punong Manggagawa. Napakadalas na hindi nadarama ng manggagawa ni Kristo ang sarili niyang kapanagutan. May panganib na ilipat niya ang kaniyang pasanin o pananangutan sa mga organisasyon, sa halip na magtiwala sa Kaniya na siyang pinanggagalingan ng lahat nang lakas. Sa gawain ng Diyos ay isang malaking pagkakamali ang magtiwala sa karunungan ng tao o sa bilang kaya ng tao. Ang matagumpay na paggawa para kay Kristo ay hindi gasinong nakasalig sa mga bilang o sa talento kundi sa kadalisayan ng hangarin, sa tunay na kapayakan ng maalab at umaasang pananampalataya. Ang mga pansariling kapanagutan ay dapat balikatin, ang mga pansariling gawain o tungkulin ay dapat gampanan, at dapat gumawa ng pansariling mga pagsisikap para sa mga hindi pa nakakakilala kay Kristo. Sa halip na ilipat ang inyong kapanagutan sa ibang sa akala ninyo'y may higit na kakayahan kaysa inyo, ay gumawa kayo nang ayon sa inyong kakayahan. BB 524.2

Kapag pumasok sa inyong puso ang katanungang, “Saan tayo magsisibili ng tinapay, upang mangakakain ang mga ito?” ang inyong katugunan sana ay huwag maging gaya ng sa di-sumasampalataya. Nang marinig ng mga alagad ang tagubilin ng Tagapagligtas na, “Bigyan ninyo sila ng makakain,” ay nagbangon sa isip nila ang lahat nang katanungan. Nagtanong sila, Paroroon ba tayo sa mga nayon upang bumili ng tinapay? Gayundin naman ang nangyayari ngayon, kapag ang mga tao'y nagsasalat sa tinapay ng buhay, ay nagsisipagtanong ang mga anak ng Panginoon, Magpapautos ba tayo ng sinumang buhat sa malayo, upang pumarito at pakanin sila? Nguni't ano ang sinabi ni Kristo? “Inyong paupuin ang mga tao,” at Kaniyang pinakain sila doon. Kaya nga pagka kayo'y napaliligiran ng mga kaluluwang nangangailangan, alamin ninyong naroroon si Kristo. Makipag-usap kayo sa Kaniya. Dalhin ninyo kay Jesus ang inyong mga tinapay na sebada. BB 525.1

Ang salaping inyong hawak ay maaaring tila mandin hindi sapat para sa gawain; nguni't kung tayo'y magpapatuloy na may pananampalataya, na nananalig sa buong magagawa ng kapangyarihan ng Diyos, ay mabubuksan sa harap natin ang masaganang kayamanan. Kung ang gawain ay sa Diyos, Siya na rin ang maglalaan ng salapi sa ikatatapos nito. Gagantimpalaan Niya ang tapat at payak na pananalig sa Kaniya. Ang kaunti nguni't maykatalinuhan at may katipirang ginamit sa paglilingkod sa Panginoon ng langit ay dadami sa paggawa na rin ng gawaing pagbibigay. Ang kaunting pagkaing nasa kamay ni Kristo ay nanatiling di-naubos hanggang sa mabusog ang gutom na karamihan. Kung tayo'y lalapit sa Pinagmumulan ng lahat nang kalakasan, na ang ating mga kamay ay may pananampalatayang nakaunat upang tumanggap, ay masasapatan tayo sa ating gawain, kahit sa ilalim man ng kagipit-gipitang mga pangyayari, at magagawa nating mamigay sa mga iba ng tinapay ng buhay. BB 525.2

Sinabi ng Panginoon, “Magbigay kayo, at kayo'y bibigyan.” “Ang naghahasik nang bahagya na ay mag-aani namang bahagya na; at ang naghahasik na may mga pagpapala ay mag-aani namang may mga pagpapala. ... At maaaring gawin ng Diyos na ang lahat ng biyaya ay magsisagana sa inyo; upang kayo, na mayroong laging buong kaya sa lahat, ay magsisagana sa bawa't mabuting gawa: gaya ng nasusulat— BB 526.1

“Siyang nagsabog nang malawak, ay nagbigay siya sa mga dukha: Ang kaniyang katwiran ay nananatili magpakailanman.” BB 526.2

“At ang nagbibigay ng binhi sa naghahasik at ng tinapay na pinakapagkain, ay magbibigay at magpaparami ng inyong binhi upang ihasik, at magdaragdag ng mga bunga ng inyong katwiran: yamang kayo'y pinayaman sa lahat ng mga bagay na ukol sa lahat ng kagandahangloob, na nagsisigawa sa pamamagitan naman ng pagpa pasalamat sa Diyos.” Lukas 6:38; 2 Corinto 9: 6-11, R.V. BB 526.3