Bukal Ng Buhay
Kabanata 38—“Magsiparito Kayo at Magpahingang Sandali”
Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 4:1,2,12,13; Marcos 6:30-32; Lukas 9:7-10.
Nang sila' magsipagbalik buhat sa paglalakbay misyonero, “ang mga apostol ay nangagpisan kay Jesus, at isinaysay nila sa Kaniya ang lahat ng mga bagay na kanilang ginawa, at ang lahat ng kanilang itinuro. At sinabi Niya sa kanila, Magsiparito kayo nang bukod sa isang dakong ilang, at mangagpahinga kayo nang kaunti: sapagka't marami ang nangagpaparoo't parito, at sila'y hindi man lamang mangagkapanahon na magsikain.” Nagsilapit kay Jesus ang mga alagad at sinabi sa Kaniya ang lahat ng mga bagay. Ang matalik nilang pagkakaugnay sa Kaniya ay nagpalakas ng loob nila upang ilahad sa Kaniya ang kalugud-lugod at di-kalugud-lugod na mga karanasan nila, ang kanilang tuwa na makita ang mga bunga ng kanilang mga pagpapagal, at ang kanilang kalungkutan sa mga pagkabigo nila, mga pagkakamali nila, at mga kahinaan nila. Nakagawa sila ng mga kamalian sa una nilang paggawa bilang mga ebanghelista, at habang matapat nilang isinasalaysay kay Kristo ang kanilang mga karanasan, ay nakita Niyang kailangan pa nilang turuan nang marami. Nakita rin Niya, na sila'y lubhang napagod sa kanilang mga paggawa, na anupa't kailangan nilang makapamahinga. BB 505.1
Datapwa't sa kinaroroonan nila noon ay hindi sila magkaroon ng kinakailangang bukod at sarilinang paguusap; “sapagka't marami ang nangagpaparoo't parito, at sila'y hindi man lamang mangagkapanahon na magsikain.” Dumadagsa kay Kristo ang mga tao, na sabik magpagamot, at sabik ding makinig ng Kaniyang mga salita. Marami ang nahihilang lumapit sa Kaniya; sapagka't sa ganang kanila'y para bagang Siya'y isang bukal ng mga pagpapala. Marami sa mga nagsidagsa sa palibot ni Kristo noon upang tanggapin ang mahalagang biyaya ng kalusugan ay tinanggap din Siya bilang Tagapagligtas nila. Marami pa ring iba, na takot noong kilalanin Siya, dahil sa mga Pariseo, ay nangahikayat nang bumaba ang Banal na Espiritu, at, sa harap ng mga nagagalit na saserdote at mga pinuno, ay kinilala Siya bilang Anak ng Diyos. BB 505.2
Datapwa't ngayo'y nais ni Kristong magkaroon sila ng bukod na lugar na mapagpapahingahan, upang makaniig Niya nang sarilinan ang Kaniyang mga alagad; sapagka't marami pa Siyang sasabihin sa kanila. Sa paggawa nila ay dumaan sila sa mahigpit na pagsubok ng pakikipagtunggali, at sila'y nakasagupa ng iba't ibang uri ng pagtutol at pagsalungat. Hanggang sa panahong ito ay sumangguni sila kay Kristo sa lahat ng bagay; nguni't may ilang panahong sila ay napag-isa, at manaka-nakang sila'y nagkaroon ng suliranin tungkol sa kung ano kaya ang mabuting gawin. Nakasumpong sila ng lakas ng loob sa kanilang paggawa; sapagka't hindi sila pinahayo ni Kristo nang hindi kasama ang Kaniyang Espiritu, at sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kaniya ay gumawa sila ng maraming kababalaghan; nguni't ngayo'y kailangan nilang kumain ng Tinapay ng Buhay. Kailangan nilang pumunta sa isang bukod na lugar na mapagpapahingahan, na doo'y makakausap nila si Jesus ng sarilinan at matatanggap ang turo Niya't tagubilin para sa gagawin nila sa haharapin. BB 506.1
“At sinabi Niya sa kanila, Magsiparito kayo nang bukod sa isang dakong ilang, at mangagpahinga kayo nang kaunti.” Si Kristo ay lipos ng paggiliw at kahabagan sa lahat na nagsisipaglingkod sa Kaniya. Nais Niyang ipakilala sa Kaniyang mga alagad na ang Diyos ay hindi humihingi ng hain, kundi habag. Idinumog nila ang buo nilang kaluluwa sa paggawa para sa mga tao, at ito ang umubos ng lakas ng kanilang katawan at isip. Tungkulin nilang magpahinga. BB 506.2
Nang makita ng mga alagad ang tagumpay ng kanilang mga paggawa, nanganib silang kanilang angkinin ang karangalan, nanganib silang mag-aruga sa puso ng espirituwal na pagmamataas, at sa gayo'y mahulog sa mga tukso ni Satanas. Nasa unahan nila ang isang malaking gawain, at una sa lahat ay dapat nilang maunawaan na ang kanilang lakas ay wala sa kanilang sarili, kundi nasa Diyos. Tulad ni Moises sa ilang ng Sinai, tulad ni David sa mga burol ng Judea, o tulad ni Elias sa batis ng Cherith, kailangan ng mga alagad na umalis sa mga pook ng kanilang masigasig na paggawa, upang makipagniig kay Kristo, sa katalagahan, at sa kanilang sariling mga puso. BB 507.1
Samantalang ang mga alagad ay wala at nasa kanilang paglalakbay misyonero, dinalaw naman ni Jesus ang ibang mga bayan at mga nayon, na ipinangangaral ang ebanghelyo ng kaharian. Halos nang mga panahong ito dumating sa Kaniya ang balita ng pagpatay kay Juan Bautista. Ang pangyayaring ito ang buhay na buhay na nagharap sa Kaniya ng kahahantungan ng sarili Niyang mga hakbang. Makapal nang nag-iipon ang dilim sa Kaniyang landas. Ang mga saserdote at mga rabi ay nagsisipag-abang ng pagkakataon upang Siya'y maipapatay, nakamatyag ang mga tiktik sa Kaniyang mga hakbang, at sa Iahat ng dako ay dumarami ang mga sabuwatan para sa Kaniyang ikapapahamak. Umabot kay Herodes ang balita ng pangangaral ng mga apostol sa buong Galilea, kaya't si Jesus at ang Kaniyang gawain ay tumawag sa pansin nito. “Ito'y si Juan Bautista,” wika niya; “siya'y muling nagbangon sa mga patay;” at nagpahayag siya ng pagnanais na makita si Jesus. Laging nangangamba si Herodes na baka bumangon ang isang paghihimagsik, na ang layunin ay mapaalis siya sa luklukan ng kapangyarihan, at maibagsak ang pamatok ng Roma sa bansang Hudyo. Nag-iinapoy sa bayan ang diwa ng kawalang-kasiyahan at paghihimagsik. Maliwanag na ang hayagang mga paggawa ni Kristo sa Galilea ay hindi na maipagpapatuloy nang matagal. Nalalapit na ang yugto ng Kaniyang paghihirap, at kaya nga nais Niyang mapahiwalay na sandali sa kaguluhan at ingay ng karamihan. BB 507.2
Sakbibi ng kalungkutang dinala sa libingan ng mga alagad ni Juan Bautista ang walang-ulong bangkay nito. Pagkatapos ay “sila'y nagsialis at isinaysay kay Jesus.” Ang mga alagad na ito ay nainggit kay Kristo nang waring nahihila Niya ang mga taong palayo kay Juan. Pumanig sila sa mga Pariseo sa pagpaparatang sa Kaniya nang Siya'y umupong kasalo ng mga maniningil ng buwis sa piging ni Mateo. Pinag-alinlanganan nila ang Kaniyang banal na misyon dahil sa hindi Niya pinalaya si Juan Bautista. Datapwa't ngayong patay na ang kanilang guro, at kailangan nila ang kaaliwan sa matinding kalungkutan nila, at kailangan din nila ang kaukulang patnubay tungkol sa gagawin nila sa hinaharap, ay nagsilapit sila kay Jesus, at nakipagkaisa sa Kaniya. Kailangan din naman nila ang isang panahon ng matahimik na pakikipagniig at pakikipag-usap sa Tagapagligtas. BB 508.1
Sa malapit sa Bethsaida, sa hilagang dulo ng dagat, ay may isang liblib na dako, na ngayo'y marikit sa taglay na sariwang kaluntian ng tagsibol, na naghahandog kay Jesus at sa mga alagad Niya ng isang mainam at karapat-dapat na mapagpapahingahan. Ito ang nasa isip nilang puntahan, kaya tumawid sila sa dagat na lulan ng daong. Sa lugar na ito'y magiging malayo sila sa mga lansangan, at sa ingay at gulo ng siyudad. Sa mga tanawin lamang ng katalagahan ay nadudulutan na sila ng kapahingahan, isang tunay na pagbabago ng kapaligirang maipagpapasalamat at nakagiginhawa sa pakiramdam. Sa pook na ito'y makakapakinig sila sa mga salita ni Kristo nang hindi mapapakinggan ang mga pagalit at paangil na pagtatanong, ang mga pakli't paratang ng mga eskriba at mga Pariseo. Dito'y makapagtatamasa sila ng isang maigsing panahon ng mahalagang pakikisama at pakikipagniig sa kanilang Panginoon. BB 508.2
Ang pagpapahingang ginawa ni Kristo at ng Kaniyang mga alagad ay hindi pamamahingang pagpapairog o pagpapalayaw sa sarili. Ang panahong ginugol nila sa pagpapahinga ay hindi ginamit sa pag-aaliw at paglilibang. Nag-usap sila tungkol sa gawain ng Diyos, at kung paano lalong mapagbubunga nang malaki ang gawain. Nakasama na ni Kristo ang mga alagad, kaya't nauunawaan nila Siya; hindi na Niya kailangang magsalita pa sa pamamagitan ng mga talinhaga. Iwinasto Niya ang kanilang mga pagkakamali, at niliwanag sa kanila ng matwid na paraan ng paglapit sa mga tao. Lubos Niyang binuksan sa kanila ang mahahalagang kayamanan ng banal na katotohanan. Sila'y pinalakas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, at pinasigla sa pag-asa at lakas ng loob. BB 509.1
Bagama't si Jesus ay makagagawa ng mga kababalaghan, at binigyan din naman Niyang kapangyarihan ang mga alagad Niya na gumawa ng mga kababalaghan, gayon ma'y pinagbilinan Niya ang Kaniyang mga pagod na lingkod na magsilabas ng bayan at magsipagpahinga. Nang sabihin Niyang malaki ang aanihin, at kakaunti ang mga manggagawa, ay hindi Niya pinilit ang Kaniyang mga alagad na magsigawang walang-tigil, kundi sinabi Niyang, “Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng aanihin, na magpadala Siya ng mga manggagawa sa Kaniyang aanihin.” Mateo 9:38. Itinakda ng Diyos sa bawa't tao ang kaniyang gawain, alinsunod sa kaniyang kakayahan (Efeso 4:11-13), at hindi Niya nais na ang ilan ay mabigatan sa mga kapanagutan samantalang ang iba'y walang anumang dinadalang pasanin sa mga kaluluwa. BB 509.2
Ang mga salita ng kahabagang binigkas ni Kristo sa Kaniyang mga alagad nang una ay sinasabi rin Niya sa mga manggagawa Niya ngayon. “Magsiparito kayo nang bukod, ... at mangagpahinga kayo nang kaunti,” sinasabi Niya sa mga nahahapo at napapagal. Hindi mabuti na lagi na lamang sumasailalim ng hirap ng paggawa at ng pag-aalaala, kahit na sa paglilingkod na ukol sa mga pangangailangang espirituwal ng mga tao; sapagka't sa ganitong paraan ay napapabayaan ang pansariling ikababanal, at labis na napahihirapan ang mga kapangyarihan o kalakasan ng isip at kaluluwa at katawan. Ang pagtanggi o pagkakait sa sarili ay hinihingi sa mga alagad ni Kristo, at kailangan din ang gumawa ng mga pagpapakasakit o pagsasakripisyo; subali't kailangan din namang gumawa ng pag-iingat baka sa kanilang labis na kasipagan ay mapagsamantalahan ni Satanas ng kahinaan ng tao, at tuloy madungisan ang gawain ng Diyos. BB 510.1
Sa palagay ng mga rabi ang tunay na relihiyon ay ang laging masikap at masigla sa paggawa. Sa panlabas nilang paggawa sila umaasa upang maipakilala ang kanilang nakahihigit na kabanalan. Sa ganitong paraan nila inihiwalay ang mga kaluluwa nila sa Diyos, at sila'y nangasiyahan na sa kanilang sarili. Nananarili pa rin ang panganib na ito. Habang nararagdagan ang gawain at nagiging matagumpay naman ang mga tao sa kanilang paggawa ng anumang gawain para sa Diyos, ay may panganib na magtiwala ang mga tao sa kanilang mga panukala at mga pamamaraan. Nagkakaroon ng hilig na bawasan ang pananalangin, at magkulang ng pananampalataya. Katulad ng mga alagad, tayo'y nanganganib na hindi natin madamang sa Diyos tayo dapat umasa, at gagawin nating isang tagapagligtas ang ating mga ginagawa. Kailangan nating laging tumingin kay Jesus, na kinikilalang ang kapangyarihan Niya ang gumagawa ng gawain. Bagama't dapat tayong gumawa nang buong sikap sa pagliligtas ng mga waglit, gayunma'y dapat din naman tayong mag-ukol ng panahon sa pagbubulay-bulay, sa pananalangin, at sa pag-aaral ng salita ng Diyos. Ang gawaing ginawa lamang nang may kasamang maraming pananalangin, at pinabanal ng biyaya ni Kristo, ang sa wakas ay magiging mabisa at mabuti. BB 510.2
Wala nang buhay ng taong nabuntunan ng dami ng gawain at ng bigat ng kapanagutan na gaya ng kay Jesus; gayunma'y kaydalas Siyang masumpungan sa pananalangin! Kaylimit Niyang makipag-usap sa Diyos! Paulit-ulit na sa kasaysayan ng Kaniyang buhay sa lupa ay nasusumpungan ang mga talang gaya nito: “Nagbangon Siya nang madaling-araw, na malalim pa ang gabi, at lumabas, at napasa isang dakong ilang, at doo'y nanalangin.” “Nangagkatipon ang lubhang maraming tao upang makinig, at upang pagalingin sa kanilang mga sakit. At Siya'y lumigpit sa mga ilang, at nanalangin.” “At nangyari nang mga araw na ito, na Siya'y napasa bundok upang manalangin, at sa buong magdamag ay nanatili Siya sa pananalangin sa Diyos.” Marcos 1:35; Lukas 5:15, 16; 6:12. BB 511.1
Sa isang kabuhayang ganap na nakatalaga sa ikabubuti ng mga iba, ay nasumpungan ng Tagapagligtas na kailangan Niyang umalis sa mga lansangan at lisanin ang maraming taong sumusunod sa Kaniya araw-araw. Kailangang tumigil Siya sa walang-humpay na paggawa at sa pakikipag-ugnay sa mga taong nangangailangan, upang mamahinga at magkaroon ng walang-patid na pakikiugnay sa Kaniyang Ama. Bilang isa na kasama natin, isa na nakikibahagi sa ating mga pangangailangan at mga kahinaan, Siya'y lubos na umasa sa Diyos, at sa lihim na dakong panalanginan ay humingi Siya sa Diyos ng kalakasan, upang magampanan Niya ang tungkulin at masagupa ang pagsubok. Sa sanlibutan ng kasalanan ay nagbata si Jesus ng mga pakikilaban at pahirap ng kaluluwa. Sa Kaniyang pakikipag-usap sa Diyos ay naibulalas Niya ang mga kalungkutang dumudurog sa Kaniyang kaluluwa. Dito'y nakasumpong Siya ng kaaliwan at kagalakan. BB 511.2
Sa pamamagitan ni Kristo ay nakaaabot sa Ama ng walang-hanggang kaawaan ang daing ng sangkatauhan. Bilang isang tao ay nakiusap Siya sa luklukan ng Diyos hanggang sa ang buo Niyang katauhan ay daluyan ng kapangyarihan ng langit na mag-uugnay sa mga tao at sa Diyos. Sa pamamagitan ng patuloy na pakikipag-usap ay tumanggap Siya ng buhay mula sa Diyos, upang makapagbigay naman Siya ng buhay sa sanlibutan. Ang karanasan Niya ay dapat maging atin. BB 512.1
“Magsiparito kayo nang bukod,” atas Niya sa atin. Kung pakikinggan natin ang Kaniyang salita, tayo'y magiging lalong malakas at lalong kapaki-pakinabang. Hinanap si Jesus ng mga alagad, at sinabi sa Kaniya ang lahat ng mga bagay; at sila'y Kaniyang pinalakas ang loob at tinuruan. Kung ngayo'y maglalaan tayo ng panahon sa paglapit kay Jesus at sasabihin natin sa Kaniya ang ating mga pangangailangan, ay hindi tayo mabibigo; Siya'y sasaating kanan at tutulungan tayo. Nangangailangan tayo ng higit na kasimplihan, ng higit na pagtitiwala at pananalig sa ating Tagapagligtas. Siya na ang pangalan ay tinatawag na “Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan;” Siya na tungkol sa Kaniya ay nasusulat na, “ang pamamahala ay maaatang sa Kaniyang balikat,” ay siyang Kahanga-hangang Tagapayo. Tayo'y inaanyayahang humingi ng karunungan sa Kaniya. Siya'y “nagbibigay nang sagana sa lahat ng mga tao, at hindi nanunumbat.” Isaias 9:6; Santiago 1:5. BB 512.2
Sa lahat ng mga sumasailalim ng pagtuturo ng Diyos ay dapat mahayag ang isang kabuhayang hindi nakikiayon sa sanlibutan, sa mga kaugalian nito, o sa mga ginagawa nito; at bawa't isa ay kailangang magkaroon ng pansariling karanasan na makaalam ng kalooban ng Diyos. Ang bawa't isa sa atin ay dapat makinig sa Kaniya sa pagsasalita Niya sa bawa't puso natin. Kapag tahimik ang tinig ng iba, at sa katahimikan ay naghihitay tayo sa Kaniya, ang pananahimik ng ating kaluluwa ay pinagiging lalong malinaw ang tinig ng Diyos. Pinagbibilinan Niya tayong, “Kayo'y magsitigil, at kilalanin ninyo na Ako ang Diyos.” Awit 46:10. Dito lamang natatagpuan ang tunay na kapahingahan. At ito ang mabisang paghahanda para sa lahat ng mga naglilingkod sa Diyos. Sa gitna ng nagdudumaling karamihan, at sa hirap ng mahihigpit na gawain sa buhay, ang kaluluwang sa ganitong paraa'y napalakas at naipasigla ay mapaliligiran ng impluwensiya ng kaliwanagan at kapayapaan. Ang buhay ay magbibigay ng mabangong halimuyak, at maghahayag ng isang banal na kapangyarihang aabot sa mga puso ng mga tao. BB 512.3