Bukal Ng Buhay
Kabanata 37—Ang Unang mga Ebanghelista
Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 10; Marcos 6:6-11; Lukas 9:1-6.
Ang mga apostol ay mga kasambahay ni Jesus, at sinamahan nila Siya nang Siya'y maglakbay nang lakad sa buong Galilea. Naging karamay-ramay Niya sila sa mga pagpapagal at mga kahirapang sinapit nila. Nakinig sila sa Kaniyang mga sermon, lumakad sila at nakipag-usap sa Anak ng Diyos, at buhat sa araw-araw Niyang pagtuturo ay natutuhan nila kung paano gagawa para sa ikabubuti ng sangkatauhan. Habang naglilingkod si Jesus sa malaking karamihan na natitipon sa palibot Niya, ay naroon din ang Kaniyang mga alagad, na handang tumalima sa anumang ipag-uutos Niya at upang mapagaan ang Kaniyang paggawa. Tumulong sila sa pagsasaayos ng mga tao, na inilalapit ang mga maysakit sa Tagapag-ligtas, at gumagawa ng ikagiginhawa ng lahat. Minatyagan nila ang mga interesadong nakikinig, ipinaliwanag ang mga Kasulatan sa kanila, at sa iba't ibang paraan ay gumawa para sa kanilang espirituwal na kapakinaba-ngan. Itinuro nila ang napag-aralan nila kay Jesus, at araw-araw ay nagtatamo sila ng mayamang karansan. Nguni't kailangan din nila ang karanasan sa paggawa nang nag-iisa. Patuloy pa rin silang nangangailangan ng maraming turo, ng malaking pagtitiis at ng pagiging-ma-giliw. Ngayon, habang kasama pa nila Siya, na maituturo ang kanilang mga pagkakamali, at mapapayuhan at maiwawasto sila, ay isinugo sila ng Tagapagligtas bilang mga kinatawan Niya. BB 488.1
Nang ang mga alagad ay kasama-sama pa Niya, malimit na sila'y binagabag ng turo ng mga saserdote at mga Pariseo, nguni't dinala nila kay Jesus ang mga iki-nababagabag nila. Ipinakilala Niya sa kanila na ang mga katotohanan ng Kasulatan ay katuwas ng sali't saling sabi o tradisyon. Sa ganitong paraa'y pinatibay Niya ang kanilang pagtitiwala sa salita ng Diyos, at sa malaking sukat ay pinalaya Niya sila sa kanilang pagkatakot sa mga rabi at sa kanilang pagkaalipin sa sali't saling sabi. Sa pagtuturo sa mga alagad ay naging higit na mabisa ang halimbawa ng kabuhayan ng Tagapagligtas kaysa alinmang turong ukol sa doktrina. Nang sila'y mahiwalay na sa Kaniya, ang bawa't tingin at himig at salita ay nagunita nila. Madalas na pagka sila'y napapaharap sa mga kaaway ng ebanghelyo, ay inuulit-ulit nila ang Kaniyang mga salita, at kapag nakikita nila ang nagagawa nito sa mga tao, ay lubha silang nagagalak. BB 489.1
Nang matawag na ni Jesus ang Labindalawa, ay inatasan Niya sila na humayo nang dala-dalawa sa mga bayan at mga nayon. Walang pinalakad na nag-iisa, kundi ang kapatid ay isinama sa kapatid, at ang kaibigan ay sa kaibigan. Sa ganitong paraan ay magkakatulungan sila at magkakapalakasan ng loob sa isa't isa, na magpapayuhan at magdadalanginan, upang ang lakas ng isa ay maitulong sa kahinaan ng kasama. Sa ganito ring paraan isinugo Niya ang pitumpu nang dakong huli. Sadyang panukala ng Tagapagligtas na ang mga tagapagbalita ng ebanghelyo ay dapat magkasama sa ganitong paraan. At sa kapanahunan man natin ay magiging higit na mata-gumpay ang gawain ng pangangaral ng ebanghelyo kung ang halimbawang ito ang maingat na susundin. BB 489.2
Ang pabalita ng mga alagad ay tulad din ng kay Juan Bautista at ng kay Kristo na rin: “Ang kaharian ng langit ay malapit na.” Hindi sila makikipagtalo sa mga tao tungkol sa kung si Jesus na taga-Nazareth ay siyang Mesiyas; kundi sa Kaniyang pangalan ay gagawa sila ng mga gawa ng kaawaan na ginawa rin Niya. Inatasan Niya silang, “Mangagpagaling kayo ng mga maysakit, mangaglinis kayo ng mga demonyo: tinanggap ninyong walang-bayad, ay ibigay ninyong walang-bayad.” BB 489.3
Noong panahon ng ministeryo ni Jesus ay naglaan Siya ng maraming oras sa pagpapagaling ng mga maysakit kaysa pangangaral. Ang mga kababalaghang ginawa Niya ay nagpatotoo sa katotohanan ng Kaniyang mga sinabi, na hindi Siya naparito upang mamuksa kundi upang magligtas. Ang Kaniyang katwiran ay nagpauna sa Kaniya, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay siyang naging bantay-likod Niya. Saanman pumaroon, ay nagpauna na sa Kaniya ang mga balita ng Kaniyang kaawaan. Sa mga pook na Kaniyang naraanan, ang mga pinag-ukulan Niya ng Kaniyang kahabagan ay nangagsasaya sa tinamong kalusugan, at sinusubukang gamitin ang kanilang bagong-katatanggap na kalakasan. Nagkakalipumpon sa palibot nila ang maraming tao upang pakinggan sa kanilang mga labi ang mga bagay na ginawa sa kanila ng Panginoon. Ang tinig Niya ay siyang unang tinig na napakinggan ng marami, ang pangalan Niya ay siyang unang salitang binigkas nila, at ang mukha Niya ay siyang unang pinagmasdan nila. Bakit hindi nila iibigin si Jesus, at ipagsisigawan ang pagpuri sa Kaniya? Sa pagdaan Niya sa mga bayan at mga siyudad ay para Siyang isang agos ng buhay, na nagbibigay ng buhay at galak saanman Siya magtungo. BB 490.1
Ang mga sumusunod kay Kristo ay dapat gumawang gaya ng ginawa Niya. Dapat nating pakanin ang mga nagugutom, paramtan ang mga hubad, at aliwin ang mga naghihirap at mga maysakit. Dapat nating paglingkuran ang mga nanlulupaypay, at pasiglahin ang loob ng mga nawawalan ng pag-asa. At kung magkagayon ay tutuparin din naman sa atin ang pangakong, “Ang iyong katwiran ay mangunguna sa iyo; ang kaluwalhatian ng Panginoon ay magiging iyong bantay-likod.” Isaias 58:8. Ang pag-ibig ni Kristo, na nakikita sa paglilingkod na di-makasarili, ay magiging lalong mabisa sa pagbago sa taong gumagawa ng masama kaysa magagawa ng patalim o ng hukuman. Ang mga ito ay kailangan upang maisilid ang takot sa lumalabag sa batas, subali't ang maibiging misyonero ay makagagawa nang higit kaysa rito. Kadalasan ang puso ay nagmamatigas pagka sinasaway; nguni't ito'y naaagnas sa pag-ibig ni Kristo. Hindi lamang mapagagaling ng misyonero ang mga karamdaman sa katawan ng tao, kundi makaaakay din naman siya ng makasalanan patungo sa Dakilang Manggagamot, na makalilinis ng kaluluwa sa ketong ng kasalanan. Panukala ng Diyos na sa pamamagitan ng Kaniyang mga lingkod ay makarinig ng Kaniyang tinig ang mga maysakit, ang mga kapuspalad, at ang mga inaalihan ng masasamang espiritu. Sa pamamagitan ng mga taong ginagamit Niya ay nais Niyang Siya'y maging isang Mang-aaliw na hindi pa nakikilala ng sanlibutan. BB 490.2
Sa unang paglalakbay misyonero ng mga alagad ay sila'y paroroon lamang sa “mga tupang nangawaglit sa bahay ni Israel.” Kung una nila ngayong pinangaralan ng ebanghelyo ang mga Hentil o ang mga Samaritano, ay nawalan sana sila ng impluwensiya sa mga Hudyo. Sa paggising nila sa maling hinala ng mga Pariseo ay napasuong sana sila sa pakikipagtalo na di-sasalang magpapahina ng kanilang loob sa pasimula pa lamang ng kanilang mga paggawa. Ang mga apostol man ay makupad sa pag-unawa na ang ebanghelyo ay dapat ipangaral sa lahat ng mga bansa. Hangga't hindi nila nahahagip ang katotohanang ito ay hindi pa sila handang gumawa para sa mga Hentil. Kung tatanggapin ng mga Hudyo ang ebanghelyo, panukala ng Diyos na sila'y gawin Niyang mga tagapagbalita Niya sa mga Hentil. Kaya nga sila ang unang dapat munang makarinig ng pabalita. BB 492.1
Sa buong bukirang ginawan ni Kristo ay may mga kaluluwang nakadama ng kanilang kailangan, at nangagugutom at nangauuhaw sa katotohanan. Dumating na ang panahong dapat ipadala sa mga nangasasabik na pusong ito ang pabalita ng Kaniyang pag-ibig. Sa lahat ng mga ito ay paroroon ang mga alagad bilang mga kinatawan Niya. Sa gayon ay titingnan sila ng mga nagsisisampalataya bilang mga tagapagturong hinirang ng Diyos, at sa panahong aalisin na sa kanila ang Tagapagligtas ay hindi sila maiiwanang walang mga tagapagturo. BB 493.1
Sa unang paglilibot na ito ng mga alagad ay paroroon lamang sila sa mga dakong napuntahan na ni Jesus, at doo'y nagkaroon na Siya ng mga kaibigari. Ang kanilang paghah^nda para sa paglalakbay na ito ay napakasimpie lamang. Walang anumang bagay na dapat pahintulutang makapaghiwalay ng kanilang isip sa kanilang dakilang gawain, o kaya sa anumang paraan ay makalikha sila ng pagsalungat ng mga tao at ng makahahadlang sa patuloy nilang paggawa. Hindi nila dapat tularan ang damit ng mga tagapagturo ng relihiyon, ni magbibihis man ng naiiba sa kasuutan ng mga karaniwang mamamayan. Hindi rin sila dapat pumasok sa mga sinagoga at tumawag ng pulong pangmadla; bahay-bahay na pangangaral ang gagawin nila. Hindi nila dapat aksayahin ang kanilang panahon sa mga di-kailangang pagbabatian, o sa pagpunta sa bahay-bahay upang maglibang o makipagsaya. Kundi sa bawa't dakong kanilang paroonan ay dapat nilang tanggapin ang kagandahang-loob na maiaalay ng kanilang matutuluyan, niyaong mga tatanggap sa kanila nang buong-puso na parang si Kristo na rin ang kanilang pinatutuloy at tinatanggap. Papasok sila sa bahay na taglay ang magandang bating, “Kapayapaan nawa ang mapasabahay na ito.” Lukas 10:5. Ang tahanang yaon ay pagpapalain ng kanilang mga panalangin, ng kanilang mga awit ng pagpupuri, at ng pagbubuklat ng mga Kasulatan sa sambahayang pagsamba. BB 493.2
Ang mga alagad na ito ay dapat maging mga tagapagbalita ng katotohanan, upang ihanda ang daan para sa pagdating ng kanilang Panginoon. Ang pabalitang dapat nilang dalhin ay ang salita ng walang-hanggang buhay, at ang magiging kapalaran ng mga tao ay mapapabatay sa kanilang pagtanggap o pagtanggi dito. Upang maikintal sa mga tao ang kasolemnihan nito, ay tinagubilinan ni Jesus ang Kaniyang mga alagad na, “Sinumang hindi tumanggap sa inyo, ni duminig sa inyong mga pananalita, pag-alis ninyo sa bahay o bayang yaon, ay ipagpag ninyo ang alabok ng inyong mga paa. Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Higit na mapagpapaumanhinan ang lupa ng Sodoma at Gomorra sa araw ng paghuhukom, kaysa bayang yaon.” BB 494.1
Ngayo'y nakita ng Tagapagligtas ang hinaharap; natanaw Niya ang lalong malalawak na bukirang doon, pagkamatay Niya, ang mga alagad ay magiging mga saksi Niya. Sa Kaniyang natanaw ay kasama ang magiging karanasan ng Kaniyang mga lingkod sa buong panahon hanggang sa dumating ang Kaniyang ikalawang pagparito. Ipinatalastas Niya sa Kaniyang mga tagasunod ang mga pakikilabang masasagupa nila; inihayag Niya ang uri at paraan o plano ng pagbabaka. Inilantad Niya sa harap nila ang mga panganib na kanilang makakaharap, at ang pagtanggi-sa-sarili na kakailanganin nila. Nais Niyang maintindihan nila ang magiging halaga ng pagtalima, upang hindi sila masubukan ng kaaway. Ang kanilang pakikipagbaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi “laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanlibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.” Efeso 6:12. Makikipaglaban sila sa mga lakas o puwersang hindi sa tao, gayunma'y tinitiyak sa kanila na sila'y tutulungan ng Diyos. Lahat ng mga anghel sa langit ay kasama sa tutulong na hukbong ito. At higit pa kaysa mga anghel ay nasa hanay ng mga tutulong. Ang Banal na Espiritu, na kinatawan ng Kapitan ng hukbo ng Panginoon, ay bumababa upang siyang mangasiwa sa pagbabaka. Maaaring marami ang ating mga kahinaan, at maaaring napakabigat ng ating mga kasalanan at mga kamalian; gayunma'y ang biyaya ng Diyos ay ibinibigay sa lahat ng humihingi na may pagsisisi. Ang di-masukat na kapangyarihan ng Diyos ay nakalaan sa mga nagtitiwala sa Kaniya. BB 494.2
“Narito,” wika ni Jesus, “sinusugo Ka kayong gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo: mangagpakatalino nga kayong gaya ng mga ahas, at mangagpakatimtimang gaya ng mga kalapati.” Isa mang salita ng katotohanan ay hindi sinikil ni Kristo, bagkus sinalita Niya itong lagi nang may pag-ibig. Gumamit Siya ng napakalaking katalinuhan, at ng maalalahani't mabait na pakikitungo sa Kaniyang pakikipag-usap sa mga tao. Di-kailanman Siya naging marahas, di-kailanman Siya nagsalita ng dikailangang mabagsik na salita, at di-kailanman nanakit ng isang maramdaming kaluluwa. Hindi Niya pinuna o pinagwikaan ang kahinaan ng tao. Walang-takot na tinuligsa Niya ang pagpapaimbabaw, di-paniniwala, at ang kasamaan, gayunma'y nasa Kaniyang tinig ang kalungkutan nang bigkasin Niya ang umiiwa Niyang mga pagsuwat. Tinangisan Niya ang Jerusalem, ang bayang Kaniyang pinakaiibig, na tumangging tanggapin Siya, na siyang daan, katotohanan, at buhay. Tinanggihan nila Siya, na Tagapagligtas, gayunma'y buong pagmamahal na kinaawaan Niya sila, at gayon na lamang katindi ang Kaniyang kalumbayan na anupa't winasak nito ang Kaniyang puso. Bawa't kaluluwa ay mahalaga sa Kaniyang paningin. Bagama't lagi Niyang taglay sa Kaniyang sarili ang dangal ng pagka-Diyos, gayunma'y nagpakababa Siyang taglay ang pinakamagiliw na pagtingin sa bawa't kaanib ng sambahayan ng Diyos. Sa lahat ng mga tao ay nakita Niya ang mga nagkasalang kaluluwa na siyang layunin Niyang mailigtas. BB 495.1
Hindi susundin ng mga lingkod ni Kristo ang balang maibigan ng kanilang pusong likas na masama. Kailangan nilang magkaroon ng malapit na pakikipag-ugnay sa Diyos, baka, sa pagkagalit, ang sarili ay maghumindig, at sila'y magbuga ng isang agos ng mga salitang di-nararapat, na hindi katulad ng hamog na nagpapanariwa sa nangaluluoy na pananim. Ito ang ibig ni Satanas na gawin nila; sapagka't* ito ang mga paraan niya. Ang dragon ay siyang nagagalit; at espiritu ni Satanas ang siyang nahahayag kapag nagagalit at nagpaparatang ang tao. Datapwa't ang mga lingkod ng Diyos ay dapat maging mga kinatawan Niya. Nais Niyang sila'y gumamit ng bagay na tinatanggap sa langit, ng katotohanan na nagtataglay ng sarili Niyang larawan at tatak. Ang kapangyarihang sa pamamagitan niyon mapagtatagumpayan nila ang masama ay ang kapangyarihan ni Kristo. Ang kaluwalhatian ni Kristo ay siya nilang kalakasan. Dapat nilang ipako ang kanilang mga mata sa Kaniyang kagandahan. Kung magkagayon ay maipakikilala nila ang ebanghelyo nang may banal na katalinuhan at kahinhinan. At ang espiritu o diwang napapanatiling maamo't mabanayad sa ilalim ng pagkagalit, ay makapagsasalita nang higit na mabisa na kakatig sa katotohanan kaysa alinmang pakikipagkatwiranan, gaanuman kahusay. BB 496.1
Ang mga napapasuong sa pakikipagtunggali sa mga kaaway ng katotohanan ay kailangang humarap, hindi lamang sa mga tao, kundi kay Satanas din naman at sa mga kampon nito. Dapat nilang alalahanin ang pangungusap ng Tagapagligtas na, “Narito, sinusugo Ko kayong gaya ng mga kordero sa gitna ng mga lobo.” Lukas 10:3. Dapat silang sumandig sa pag-ibig ng Diyos, at ang espiritu ay mapananatiling mahinahon, kahit na sila'y pagmalabisan. Bibihisan sila ng Panginoon ng damit ng kabanalan. Ang Kaniyang Banal na Espiritu ang gagawa sa kanilang isip at kalooban, upang huwag nilang mapansin ang mga panunuligsa ng sumisigaw na mga lobo. BB 496.2
Sa pagpapatuloy ng Kaniyang pagtuturo sa mga alagad Niya, ay sinabi ni Jesus, “Mangagpakaingat kayo sa mga tao.” Hindi nila dapat ilagak ang lubos nilang pagtitiwala sa mga hindi kumikilala sa Diyos, ni humingi man ng payo sa kanila; sapagka't ito ang magbibigay ng kalamangan sa mga kinakasangkapan ni Satanas. Ang mga gawa ng mga tao ay malimit na sumasalungat sa mga panukala ng Diyos. Ang mga nagtatayo ng templo ng Panginoon ay dapat magsipagtayo nang ayon sa huwarang ipinakita sa bundok—sa wangis ng Diyos. Ang Diyos ay nalalapastangan at ang ebanghelyo ay naipagkakanulo pagka ang mga lingkod Niya ay nagsisiasa sa payo ng mga taong wala sa ilalim ng pamamatnubay ng Espiritu Santo. Ang karunungan ng sanlibutan ay kamangmangan sa Diyos. Ang mga umaasa dito ay tiyak na magkakamali. BB 497.1
“Kayo'y ibibigay nila sa mga Sanedrin, ... oo at kayo'y dadalhin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa Akin, sa pagpapatotoo sa kanila at sa mga Hentil.” Mateo 10:17, 18. Ang pag-uusig ay siyang magpapalaganap ng liwanag. Ang mga lingkod ni Kristo ay dadalhin sa harap ng mga dakilang tao ng sanlibutan, na, kundi dahil dito, ang mga ito ay hindi kailanman makakarinig ng ebanghelyo. Ang katotohanan ay binigyan ng maling pagpapakilala sa mga taong ito. Napakinggan nila ang mga bulaang paratang tungkol sa pananampalataya ng mga alagad ni Kristo. Madalas na ang tanging paraan upang mabatid nila ang tunay na uri nito ay ang patotoo ng mga dinadala sa harap ng hukuman upang litisin sila dahil sa kanilang pananampalataya. Sa ilalim ng pagsisiyasat ang mga ito ay kinakailangang magsisagot, at ang mga huhukom naman sa kanila ay kailangang makinig sa kanilang patotoo. Ang saganang biyaya ng Diyos ay ibibigay sa Kaniyang mga lingkod sa ganitong pangyayari o kagipitan. “Sa oras na yaon,” sinasabi ni Jesus, “ay ipagkakaloob sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagka't hindi kayo ang mangagsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang sa inyo'y magsasalita.” Kapag pinapagliwanag na ng Espiritu ng Diyos ang isip ng Kaniyang mga lingkod, ang katotohanan ay maipakikilala sa banal na kapangyarihan at kahalagahan nito. Ang mga tatanggi sa katotohanan ay magsisitayo upang paratangan at siilin ang mga alagad. Nguni't kahit na sila mawalan at mahirapan, o kahit na sila mamatay, ay ihahayag pa rin ng mga anak ng Panginoon ang kaamuan ng Diyos na kanilang Uliran. Sa ganitong paraan ay makikita ang pagkakaiba ng mga kinakasangkapan ni Satanas at ng mga kinatawan ni Kristo. Matataas ang Tagapagligtas sa harap ng mga pinuno at ng mga tao. BB 497.2
Ang mga alagad ay hindi nilangkapan ng tapang at tibay ng mga martir hanggang di-kinailangan ang gayong biyaya. Noon tinupad ang pangako ng Tagapagligtas. Nang si Pedro at si Juan ay magsipagpatotoo sa harap ng kapulungan ng Sanedrin, ang mga tao “ay nangagtaka; at nangagpagkilala nila, na sila'y nangakasama ni Jesus.” Mga Gawa 4:13. Tungkol kay Esteban ay nasusulat na “ang lahat ng nangakaupo sa Sanedrin, na nagsisititig sa kaniya, ay kanilang nakita ang kaniyang mukha na katulad ng mukha ng isang anghel.” Hindi nagawa ng mga 'tao na “makalaban sa karunungan at sa Espiritu na kaniyang ipinangusap.” Mga Gawa 6:15, 10. At nang sulatin naman ni Pablo ang tungkol sa paglilitis sa kaniya sa hukuman ni Cesar, ay sinabi niya, “Sa aking unang pagsasanggalang sinuman ay walang kumampi sa akin, bagkus pinabayaan ako ng lahat. ... Datapwa't ang Panginoon ay sumaakin, at ako'y pinalakas; upang sa pamamagitan ko ang mabuting balita ay maitanyag nang ganap, at upang mapakinggan ng lahat ng mga Hentil: at ako'y iniligtas sa bibig ng leon.” 2 Timoteo 4:16, 17. BB 498.1
Ang mga lingkod ni Kristo ay hindi maghahanda ng nakasulat na talumpati pagka sila'y dinala na sa paglilitis. Ang kanilang paghahanda ay dapat gawin nang araw-araw sa pamamagitan ng pag-iimpok ng mahahalagang katotohanan ng salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng panalangin ay pinalalakas ang kanilang pananampalataya. Pagka sila'y iniharap na sa paglilitis, ang Banal na Espiritu ang magpapaalaala sa kanila ng mga katotohanang kanilang kinakailangan. BB 498.2
Ang araw-araw at masigasig na pagsusumikap na makilala ang Diyos, at si Jesukristong Kaniyang isinugo, ay magbibigay ng kapangyarihan at kakayahan sa kaluluwa. Ang kaalamang natatamo sa pamamagitan ng masikap na pagsasaliksik ng mga Kasulatan ay kagyat na ipaalaala sa tumpak na panahon. Nguni't kung kinaligtaan ng sinuman na pag-aralan ang mga salita ni Kristo, kung hindi pa nila natitikman kailanman na subukin ang kapangyarihan ng Kaniyang biyaya sa panahon ng pagsubok, ay hindi nga nila maaasahang ipaaalaala sa kanila ng Banal na Espiritu ang Kaniyang mga salita. Kailangan nilang paglingkuran ang Diyos nang lubos araw-araw, at saka magtiwala sa Kaniya. BB 499.1
Napakahigpit ang magiging pakikipaglaban sa ebanghelyo na anupa't ang pinakamalapit na pagkakaugnayan sa lupa ay di-papansinin. Ang mga alagad ni Kristo ay ibibigay sa kamatayan ng mga sarili nilang kasambahay. “Kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa Aking pangalan,” idinugtong pa Niya; “datapwa't ang magtitiis hanggang sa wakas, ay siyang maliligtas.” Marcos 13:13. Gayunma'y pinagbilinan Niya silang huwag ilantad ang kanilang mga sarili sa pag-uusig. Siya na rin ay madalas umalis sa isang bukirang ginagawan at lumilipat sa iba, upang matakasan ang mga nagbabanta sa Kaniyang buhay. Nang Siya'y tanggihan sa Nazareth, at nang Siya'y pag-isipang patayin ng sarili Niyang mga kababayan, ay lumusong Siya saCapernaum, at doo'y nangamangha ang mga tao sa Kaniyang turo; “sapagka't may kapangyarihan ang Kaniyang salita.” Lukas 4:32. Kaya nga ang mga lingkod Niya ay hindi dapat papanlupaypayin ng paguusig—kundi dapat silang humanap ng pook na doo'y makagagawa pa rin sila sa pagliligtas ng mga kaluluwa. BB 499.2
Ang alipin ay hindi mataas sa kaniyang panginoon. Ang Prinsipe ng langit ay tinawag na Beelzebub, at ang Kaniyang mga alagad ay sa gayunding maling-ipakikilala. Datapuwa't anuman ang panganib, ang mga sumusunod kay Kristo ay dapat hayagang magpahayag ng kanilang mga simulain. Dapat nilang kamuhian ang pagkukubli. Hindi sila magpipigil na sabihin ang katotohanan kahit na sila'y nanganganib. Sila'y inilagay na mga bantay, upang babalaan ang mga tao tungkol sa panganib nila. Ang katotohanang tinanggap kay Kristo ay kailangang ibigay sa lahat, nang walang-bayad at nang hayagan. Sinabi ni Jesus, “Ang sinasabi Ko sa inyo sa kadiliman, ay sabihin ninyo sa kaliwanagan: at ang narinig ninyo sa bulong, ay inyong ipagsigawan sa mga bubungan.” BB 500.1
Si Jesus ay di-kailanman nakipagkasundo sa masama upang makamtan ang kapayapaan. Umaapaw sa Kaniyang puso ang pag-ibig sa buong sangkatauhan, gayunma'y di-kailanman Siya nagpapairog sa Kanilang mga kasalanan. Siya'y tunay nilang kaibigan kaya hindi Siya mapalagay' pagka sila'y gumagawa ng isang bagay na ikapapahamak ng kanilang mga kaluluwa—mga kaluluwang binili Niya ng sarili Niyang dugo. Siya'y nagpagal upang ang tao ay maging tapat sa kaniyang sarili, tapat sa lalong mataas at walang-hanggan niyang kagalingan. Ang mga lingkod ni Kristo ay tinatawag sa ganito ring gawain, at dapat silang magsipag-ingat sapagka't baka, sa pagsisikap nilang maiwasan ang pakikipagtalo, ay isuko naman nila ang katotohanan. Dapat nilang “sundin ang mga bagay na makapapayapa” (Roma 14:19); subali't di-kailanman matatamo ang tunay na kapayapaan kung isinusuko ang simulain. At walang tao'ng makapagtatapat sa simulain nang hindi magkakaroon ng sasalungat. Ang Kristiyanismong espirituwal ay sasalungatin at lalabanan ng mga anak ng pagsuway. Nguni't pinagbilinan ni Jesus ang Kaniyang mga alagad na, “Huwag mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapwa't hindi nangakapapatay ng kaluluwa.” Hindi dapat katakutan ng mga tapat sa Diyos ang kapangyarihan ng mga tao ni ang galit man ni Satanas. Kay Kristo ay tiyak na panatag ang kanilang walang-hanggang buhay. Ang tangi nilang dapat katakutan ay baka isuko nila ang katotohanan, at sa gayo'y maipagkanulo ang pagtitiwalang ibinigay sa kanila ng Diyos. BB 500.2
Gawain ni Satanas na punuin ng alinlangan ang mga puso ng mga tao. Pinapaniniwala niya sila na ang Diyos ay isang mahigpit o mabagsik na hukom. Tinutukso niya silang magkasala, at pagkatapos ay ituring ang kanilang mga sarili na napakaimbi upang maging karapat-dapat na lumapit sa kanilang Amang nasa langit o upang mahingi ang Kaniyang kaawaan. Nauunawaan ng Panginoon ang lahat nang ito. Tinitiyak ni Jesus sa Kaniyang mga alagad ang pagtulong at pakikiramay ng Diyos sa kanila sa mga pangangailangan at mga kahinaan nila. Walang buntunghininga, walang kirot, walang dalamhating tumitimo sa kaluluwa, na hindi dinaramdam ng puso ng Ama. BB 501.1
Ipinakikilala sa atin ng Bibliya na ang Diyos ay nasa Kaniyang mataas at banal na dako, hindi nasa kalagayang walang-ginagawa, na tahimik at nag-iisa, kundi Siya ay napaliligiran ng sampung libong tigsasampung libo at libu-libong mga banal na anghel, na lahat ay nagsisipaghintay na gumanap ng Kaniyang kalooban. Sa pamamagitan ng mga kawaning hindi natin nakikita ay lagi Siyang nakikipagtalastasan sa bawa't bahagi ng Kaniyang kaharian. Datapwa't sa munting patak na ito ng sanlibutan, sa mga taong pinagkalooban Niya ng Kaniyang bugtong na Anak upang iligtas, ay dito nakasentro ang pagmamalasakit ng Diyos at ang pagmamalasakit ng buong sangkalangitan. Siya'y yumuyuko buhat sa Kaniyang luklukan upang pakinggan ang daing ng mga naaapi. Sa bawa't tapat na panalangin ay sumasagot Siya ng, “Narito Ako.” Ibinabangon Niya ang mga lugami at mga niyurakan. Sa lahat ng ating mga kapighatian ay napipighati Siya. Sa bawa't tukso at sa bawa't pagsubok ay malapit at nagliligtas ang anghel ng Kaniyang pakikiharap. BB 501.2
Kahit isang maya ay hindi nahuhulog sa lupa nang dinalalaman ng Ama. Ang pagkapoot ni Satanas sa Diyos ay umaakay sa kaniya upang kapootan ang bawa't kinakalinga ng Tagapagligtas. Pinagsisikapan niyang sirain ang mga gawa ng Diyos, at ikinatutuwa niyang lipulin pati ng mga di-makapagsalitang nilalang. Dahil lamang sa nagsasanggalang na pangangalaga ng Diyos kung kaya naiingatan ang mga ibon na nagpapasaya sa atin sa pamamagitan ng kanilang mga awit ng kagalakan. Nguni't hindi Niya kinalilimutan pati ng mga maya. “Huwag nga kayong mangatakot, kayo'y lalong mahalaga kaysa maraming maya.” BB 502.1
Patuloy na wika ni Jesus: Kapag Ako'y ipinahayag ninyo sa harap ng mga tao, kayo naman ay Aking ipahahayag sa harap ng Diyos at ng mga banal na anghel. Kayo'y dapat maging mga saksi Ko sa ibabaw ng lupa, mga kasangkapang dadaluyan ng Aking biyaya upang pagalingin ang sanlibutan. Kaya Ako ang magiging kinatawan ninyo sa langit. Hindi tinitingnan ng Ama ang inyong maykapintasang likas, kundi tinitingnan Niya kayo na parang kayo'y nararamtan ng Aking kasakdalan. Sa pamamagitan Ko dadaloy sa inyo ang mga pagpapala ng Langit. At ang bawa't isang nagpapahayag sa Akin sa pamamagitan ng pakikibahagi sa Aking pagpapakasakit para sa mga nawawaglit ay ipahahayag din naman siya bilang kabahagi sa kaluwalhatian at kagalakan ng mga tinubos. BB 502.2
Ang sinumang nag-iibig ipahayag si Kristo ay kailangang tumatahan sa kaniya si Kristo. Hindi niya maipatatalastas yaong bagay na hindi pa niya natatanggap. Maaaring buong husay na makapagsalita ang mga alagad tungkol sa mga doktrina o mga aral, at maaaring maulit pa nila ang mga sinalita ni Kristo; subali't kung wala sa kanila ang kaamuan at pag-ibig ni Kristo, ay hindi nila ipinahahayag Siya. Ang isang diwang salungat sa diwa ni Kristo ay ikakaila Siya, anuman ang sabihin. Maaaring ikaila ng mga tao si Kristo sa pamamagitan ng pagsasalita ng masama, ng pagsasabi ng kamangmangan, at ng mga salitang walang-katotohanan o may-kalupitan. Maikakaila nila Siya sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga pasanin sa buhay, sa pamamagitan ng paghahangad at paggawa ng makasalanang kalayawan. Maikakaila nila Siya sa pamamagitan ng pakikiayon sa sanlibutan, ng di-magalang na asal, ng pag-ibig sa sarili nilang mga opinyon, ng pagbibigay-katwiran sa sarili, ng pagkikimkim ng alinlangan, paggawa ng kaguluhan, at pananatili sa dilim. Sa lahat ng mga paraang ito ay ipinahahayag nilang si Kristo'y wala sa kanila. At “sinumang sa Aki'y magkaila sa harap ng mga tao,” wika Niya, “ay ikakaila Ko naman siya sa harap ng Aking Ama na nasa langit.” Pinagbilinan ng Tagapagligtas ang Kaniyang mga alagad na huwag nilang asahang mawawakasan ang pagsalungat o paglaban sa ebanghelyo, na pagkaraan ng isang panahon ay mawawala na ang paglabang ito. Sinabi Niya, “Hindi Ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi ng tabak.” Ang pagkakaroon ng pag-aalitan ay hindi gawa ng ebanghelyo, kundi bunga ito ng paglaban dito. Sa lahat ng pag-uusig ang pinakamahirap tiisin ay ang pagkakahidwaan sa tahanan, ang pagkakalayo o paghihiwalay ng mga pinakamamahal sa lupa. Nguni't sinasabi ni Jesus na, “Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit kaysa Akin ay hindi karapat-dapat sa Akin: at ang umiibig sa anak na lalaki o sa anak na babae nang higit kaysa Akin ay hindi karapat-dapat sa Akin. At ang hindi nagpapasan ng kaniyang krus, at sumusunod sa Akin, ay hindi karapat-dapat sa Akin.” BB 503.1
Ang misyon ng mga lingkod ni Kristo ay isang mataas na karangalan, at isang banal na tiwala. “Ang tumatanggap sa inyo,” sinasabi Niya, “ay Ako ang tinatanggap, at ang tumatanggap sa Akin ay tinatanggap ang nagsugo sa Akin.” Ang anumang kagandahang-loob na gawin sa kanila alang-alang sa Kaniyang pangalan ay walang-pagsalang kikilalanin at gagantihin. At sa magiliw na pagkilala ring ito ay isinasama Niya ang pinakamahina at pinakaaba sa sambahayan ng Diyos: “Sinumang magpainom sa isa sa maliliit na ito”—yaong mga parang bata sa kanilang pananampalataya at sa kanilang pagkakilala kay Kristo—“ng kahit isang sarong tubig na malamig sa pangalan ng isang alagad, ay katotohanang sinasabi Ko sa inyo, na hindi mawawala ang ganti sa kaniya.” BB 504.1
Sa ganito tinapos ng Tagapagligtas ang Kaniyang pagtuturo. Sa pangalan ni Kristo ay nagsihayo ang piniling Labindalawa, gaya ng paghayo Niya, “upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha, ... upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, at sa mga bulag ang pagkakita, upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi, upang itanyag ang kaaya-ayang taon ng Panginoon.” Lukas 4:18, 19. BB 504.2