Bukal Ng Buhay

37/89

Kabanata 36—Ang Hipo ng Pananampatataya

Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 9:18-26; Marcos 5:21:43; Lukas 8:40-56.

Pagkagaling sa Gergesa patungong kanlurang baybayin, ay natagpuan ni Jesus ang isang karamihang nagkakatipon upang tumanggap sa Kaniya, at buong katuwaang binati nila Siya. Sandali munang namalagi Siya sa tabing-dagat, na nagtuturo at nagpapagaling, at pagkatapos ay tumuloy sa bahay ni Levi-Mateo upang makisalo sa mga maniningil ng buwis. Dito Siya natagpuan ni Jairo, na pinuno ng sinagoga. BB 480.1

Ang pinunong ito ng mga Hudyo ay lumapit kay Jesus na taglay ang malaking kabagabagan, at kaya nga ito'y nagpatirapa sa Kaniyang paanan, na nagsasabi, “Ang aking munting anak na babae ay naghihingalo: ipinamamanhik ko sa Iyo, na Ikaw ay pumaroon at ipatong Mo ang Iyong kamay sa kaniya, upang siya'y gumaling; at siya'y mabubuhay.” BB 480.2

Karaka-rakang gumayak si Jesus ng pagsama sa pinuno patungo sa tahanan nito. Bagama't ang mga alagad ay marami nang nakitang mga gawa Niya ng kaawaan, ay ipinagtaka rin nila ang pagsunod Niya sa pakiusap ng palalong rabi; gayunma'y sumama rin sila sa kanilang Panginoon, at nagsisunod naman ang mga tao, na sabik at umaasam. BB 480.3

Hindi kalayuan ang bahay ng pinuno, nguni't hindi makapagmadali sa paglakad si Jesus at ang Kaniyang mga kasama, dahil sa mga taong sumisiksik sa Kaniya sa lahat ng panig. Ang balisang ama ay inip na sa kabagalan; nguni't palibhasa'y nahahabag sa mga tao, kung kaya paminsan-minsa'y tumitigil si Jesus upang lunasan ang isang may karamdaman, o kaya'y upang aliwin ang isang pusong nababagabag. BB 480.4

Habang sila'y nasa daan pa, isang utusan ang naki-paggitgitan sa karamihan, upang sabihin kay Jairo na patay na ang anak na babae nito, at hindi na kailangang abalahin pa ang Panginoon. Naulinigan iyon ni Jesus. Sinabi Niya, “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang, at siya'y gagaling.” BB 481.1

Lalong nagpakalapit-lapit si Jairo sa Tagapagligtas, at silang dalawa ay nagmadali nang paglakad patungo sa tahanan ng pinuno. Naroon na ang mga inupahang tagatangis at ang mga manunugtog ng plauta, at namama-ibabaw ang nalilikhang ingay ng mga ito. Ang karamihan ng naroong mga tao at ang labis na kaingayan ay naka-gimbal sa diwa ni Jesus. Pinagsikapan Niyang patahimikin sila, na sinasabi, “Bakit kayo'y nangagkakagulo, at nagsisitangis? Ang dalaga ay hindi patay, kundi natutulog.” Nagalit sila sa mga sinabi ni Jesus. Nakita nilang bangkay na ang dalaga, at pinagtawanan nila Siya nang may paglibak. Inutusan silang manaog ng bahay, at ipi-nagsama Niya ang ama at ina ng dalaga, at ang tatlong alagad na sina Pedro, Santiago, at Juan, at magkakasama silang nagsipasok sa silid na kinaroroonan ng patay. BB 481.2

Lumapit si Jesus sa tabi ng higaang kinaroroonan ng patay, at pagkahawak sa kamay ng dalaga, ay marahan Siyang nangusap, sa wikang siyang ginagamit sa tahanan nito, “Dalaga, sinasabi Ko sa iyo, Magbangon ka.” BB 481.3

Karaka-rakang gumalaw ang walang-malay na anyo. Tumibok na muli ang mga pintig ng buhay. Ang mga la-bi'y napunit sa isang ngiti. Dumilat ang mga matang parang bagong gising mula sa pagkakatulog, at ang dalaga'y nagtatakang napatingin sa pulutong ng mga taong nasa tabi niya. Siya'y bumangon, at niyakap siya ng kaniyang mga magulang, na naluluha sa laki ng kagalakan. BB 481.4

Sa daang patungo sa bahay ng pinuno, ay may isang kaawa-awang babaing may labindalawang taon nang pinahihirapan ng isang karamdamang naging pasanin na nito sa buhay, na nasalubong ni Jesus. Naubos na niyang lahat ang buo niyang kabuhayan sa mga manggagamot at sa mga gamot, upang sa wakas ay sabihin lamang sa kaniya na siya'y hindi na gagaling. Nguni't muling nabuhay ang pag-asa niya nang mabalitaan niya ang mga pagpapa-galing na ginawa ni Kristo. Nakadama siya ng katiyakan na kung makalalapit lamang siya sa Kaniya ay gagaling siyang walang-pagsala. Sa gitna ng panghihina at paghihirap ay nakarating din siya sa tabing-dagat na doon nagtuturo si Jesus, at pinagsikapan niyang makigitgit sa karamihan, nguni't walang mangyari. Muling sinundan niya Siya buhat sa bahay ni Levi-Mateo, nguni't hindi rin siya makalapit sa Kaniya. Nagpasimula na siyang mawalaan ng pag-asa, nang, sa patuloy niyang pakikipaggitgitan sa karamihan, ay napalapit si Jesus sa kaniyang kinaroroonan. BB 483.1

Dumating din ang pagkakataong kaniyang pinakahihintay-hintay. Nasa harap na siya ng Dakilang Manggagamot! Nguni't sa gitna ng pagkakagulo ay hindi siya makapagsalita sa Kaniya, ni makita man ang buo Niyang anyo. Sa pangambang mawala sa kaniya ang kaisa-isang pagkakataong ito na gumaling, siya'y muling nagpatuloy sa pakikipagitgitan, na sinasabi sa kaniyang sarili, “Kung mahipo ko man lamang ang Kaniyang damit, ay gagaling ako.” At kaya nga nang magdaan si Jesus, siya'y dumukwang, at bahagyang-bahagya lamang siyang nagtagumpay na mahipo ang laylayan ng damit Niya. Napisan sa isang hipong yaon ang buong pananampalataya ng kaniyang buhay, at nang sandali ring yaon ay kagyat na nawala ang kirot at panghihinang nararamdam niya at ang humalili ay ang kalakasan ng sakdal na kalusugan. BB 483.2

Nang magkagayon taglay sa puso ang pasasalamat na siya'y nagpaiwan sa karamihan; datapuwa't biglang-big-lang huminto si Jesus, at ang mga tao'y huminto ring kasama Niya. Siya'y lumingon, at lilinga-lingang nagtanong sa tinig na maliwanag na maririnig sa ibabaw ng kaingayan at pagkakagulo ng karamihan, “Sino ang humipo sai Akin?” Ang naging tugon ng mga tao sa tanong na ito ay ang Siya'y tingnang may pagtataka. Siya'y sinisiksik at ginigitgit sa magkabi-kabila, kaya ang tanong na iyon ay nakapagtataka. BB 484.1

Si Pedro na laging handang magsalita, ay nagsabi, “Panginoon, ginigitgit Ka at sinisiksik ng karamihan, at sasabihin mo, Sino ang humipo sa Akin?” Sumagot si Jesus, “May humipo sa Akin, sapagka't naramdaman Ko na may umalis na bisa sa Akin.” Kilala ng Tagapagligtas ang pagkakaiba ng hipo ng pananampalataya sa di-sinasad-yang hipo na bunga ng paggigitgitan ng karamihan. Ang gayon kalaking pananalig ay hindi nararapat palampasin nang hindi napag-uukulan ng pansin. Nais Niyang mag-salita sa abang babae ng mga salitang makaaaliw na magiging isang bukal ng kaligayahan dito-mga salitang magiging isang pagpapala sa mga sumusunod sa Kaniya hanggang sa katapusan ng panahon. BB 484.2

Humarap si Jesus sa dakong kinaroroonan ng babae, at pinilit Niyang alamin kung sino ang humipo sa Kaniya. Nang madama ng babaing walang mangyari sa kaniyang pagtatago, ay nangangatal sa takot na siya'y lumapit, at nagpatirapa sa Kaniyang paanan. May mga luha ng pagpapasalamat na isinalaysay niya ang kaniyang paghihirap, at kung paano siya nakasumpong ng kaginhawahan. Banayad na sinabi ni Jesus, “Anak, laksan mo ang iyong loob: pinagaling ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa.” Hindi Niya binigyan ng pagkakataong ma-angkin ng pamahiin ang nagpapagaling na bisa sa pag-hipo lamang sa Kaniyang damit. Hindi nga sa panlabas na paghipo o pagkakaugnay sa Kaniya, kundi sa pamamagitan ng pagsampalataya sa kapangyarihan ng Kaniyang pagka-Diyos, kung kaya nangyaring gumaling ang babae. BB 484.3

Ang nagtatakang karamihan na nagsisiksikan sa palibot ni Kristo ay hindi nakadama ng pagtanggap ng bumubuhay na kapangyarihan. Datapwa't nang iunat ng babaing may karamdaman ang kaniyang kamay upang Siya'y hipuin, sa paniniwalang siya'y gagaling, ay naram-daman niya ang nagpapagaling na bisa. Ganyan din sa mga bagay na espirituwal. Ang magsalita ng tungkol sa relihiyon sa isang pasumala o di-kinukusang paraan, at ang manalangin nang walang pagkagutom ang kaluluwa at walang buhay na pananampalataya, ay walang kabuluhan. Ang pananampalataya kay Kristong sa pangalan lamang, na tinatanggap Siya lamang sa Tagapagligtas ng sanlibutan, ay di-kailanman makapagdudulot ng kaga-lingan sa kaluluwa. Ang pananampalatayang sa ikaliligtas ay hindi isa lamang pinag-aralang pag-ayon sa katotoha-nan. Siya na naghihintay na maalaman muna ang lahat bago niya gamitin ang kaniyang pananampalataya ay hindi makakatanggap ng pagpapala sa Diyos. Hindi sapat ng maniwala tungkol kay Kristo; dapat tayong sumampa-lataya sa Kaniya. Ang tanging pananampalatayang paki-kinabangan natin ay yaong tinatanggap Siya bilang isang personal na Tagapagligtas; na tinatanggap ang Kaniyang mga kagalingan sa ating mga sarili. Marami ang nag-aaka-lang ang pananampalataya ay isang opinyon o isang pa-lagay. Ang pananampalatayang nagliligtas ay isang paki-kipagkasundo na sa pamamagitan nito ang mga tuma-tanggap kay Kristo ay nakikipagtipan sa Diyos. Ang tunay na pananampalataya ay buhay. Ang buhay na pana-nampalataya ay nangangahulugang nararagdagan ang lakas, nalulubos ang pagtitiwala, na sa pamamagitan nito ang kaluluwa'y nagiging isang nananagumpay na kapang-yarihan. BB 485.1

Pagkatapos pagalingin ang babae, ninais ni Jesus na kilalanin nito ang pagpapalang tinanggap nito. Ang mga kaloob na iniaalok ng ebanghelyo ay hindi makakamtan o matatamasa nang palihim. Kaya nga hinihiling ng Panginoon sa atin na ipahayag natin ang Kaniyang kabutihan. “Kayo ang Aking mga saksi, sabi ng Panginoon, na Ako ang Diyos.” Isaias 43:12. BB 485.2

Ang pagpapahayag natin ng Kaniyang katapatan ay siyang piniling kasangkapan ng Langit upang maipakilala si Kristo sa sanlibutan. Dapat nating kilalanin ang Kaniyang biyaya gaya ng pagkakapagpakilala nito sa mga banal na tao nang una; subali't ang magiging pinakama-bisa ay ang patotoo ng sarili nating karanasan. Tayo'y mga saksi ng Diyos habang ating ipinakikita sa mga kabuhayan natin ang paggawa ng kapangyarihan ng Diyos. Bawa't tao ay may kabuhayang kaiba sa lahat ng mga iba, at may karanasang lubhang naiiba sa kanila. Hina-hangad ng Diyos na ang ating papuri ay pumailanlang sa Kaniya, na natatatakan ng sarili nating kakanyahan. Ang ganitong mahahalagang pagkilala sa kapurihan ng maluwalhati Niyang biyaya, pagka itinataguyod ng isang kabuhayang katulad-ng-kay-Kristo, ay nagtataglay ng di-mapaglalabanang kapangyarihan na gumagawa sa ikali-ligtas ng mga kaluluwa. BB 486.1

Nang ang sampung ketongin ay dumulog kay Jesus upang sila'y pagalingin, inatasan Niya silang yumaon at pakita sa saserdote. Sa daan ay gumaling sila, nguni't isa lamang ang nagbalik upang mag-ukol ng pagluwal-hati sa Kaniya. Ang mga iba'y yumaon na ng kanilang lakad, na kinalimutan Siya na nagpagaling sa kanila. Gaano nga karami ang gumagawa ng ganito ring bagay! Ang Panginoon ay walang-likat na gumagawa ng mabuti sa mga tao. Patuloy Siyang nagbibigay ng masagana Niyang biyaya. Ibinabangon Niya ang mga maysakit mula sa kinararatayang mga banig ng karamdaman, inililigtas Niya ang mga tao sa panganib na hindi nila nakikita, inu-utusan Niya ang mga anghel sa langit na iligtas sila sa kasakunaan, na ingatan sila sa “salot na dumarating sa kadiliman” at “sa paggiba man na sumisira sa katanghaliang-tapat” (Awit 91:6); subali't ni hindi man naaantig ang kanilang mga puso. Ibinigay na Niya ang buong ka-yamanan ng langit upang matubos sila, at gayon pa ma'y hindi nila pinapansin ang Kaniyang dakilang pag-ibig. Dahil sa kanilang kawalang-utang-na-loob ay isinasara nila ang kanilang puso sa pagpasok ng biyaya ng Diyos. Katulad ng kugon sa ilang ay hindi nila nalalaman pagka ang mabuti ay dumarating, at tumatahan ang kanilang mga kaluluwa sa mga tuyong dako ng ilang. BB 486.2

Sa atin ding sariling kapakinabangan kaya dapat panatilihing sariwa sa ating alaala ang bawa't kaloob ng Diyos. Sa ganitong paraan ay lumalakas ang pananam-palataya na humingi at tumanggap nang higit at higit. May lalong malaking lakas ng loob na naidudulot sa atin ang kaunting pagpapalang tinatanggap natin sa Diyos kaysa lahat ng mga salaysaying ating nababasa tungkol sa pananampalataya at karanasan ng mga iba. Ang kaluluwang tumutugon sa biyaya ng Diyos ay magiging katulad ng isang halamanang nadidilig. Ang kaniyang kalusu-gan ay mabilis na lilitaw; ang kaniyang liwanag ay sisikat sa kadiliman, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay makikita sa kaniya. Kaya nga alalahanin natin ang kagandahang-loob ng Panginoon, at ang karamihan ng Kaniyang magiliw na mga kaawaan. Gaya ng bayang Israel, magtayo tayo ng mga bato ng patotoo, at iukit natin doon ang mahalagang kasaysayan na ginawa ng Diyos sa atin. At kapag sinasariwa natin sa alaala ang Kaniyang mga pakikitungo sa atin sa ating paglalakbay sa buhay na ito, ay sabihin nga natin mula sa kaibuturan ng ating mga pusong nagpapasalamat na, “Ano ang aking ibaba-yad sa Panginoon dahil sa lahat Niyang kabutihan sa akin? Aking kukunin ang saro ng kaligtasan, at tatawag ako sa pangalan ng Panginoon. Aking babayaran ang mga panata ko sa Panginoon, oo, sa harapan ng buo Niyang bayan.” Awit 116:12-14 BB 487.1