Bukal Ng Buhay
Kabanata 35—“Pumayapa Ka, Tumahimik Ka”
Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 8:23-34; Marcos 4:35-41; 5:1-20; Lukas 8:22-39.
Putos ng mga pangyayari ang araw na iyon sa buhay ni Jesus. Sinalita Niya sa tabi ng Dagat ng Galilea ang Kaniyang unang mga talinhaga, at sa pamamagitan ng mga karaniwang halimbawa ay muli Niyang ipinaliliwanag sa mga tao ang uri ng Kaniyang kaharian at ang paraan ng pagtatatag nito. Itinulad Niya sa manghahasik ang Kaniyang sariling gawain; ang paglaki ng Kaniyang kaharian ay itinulad Niya sa pagtubo at paglago ng binhi ng mustasa at ang nagagawa ng lebadura sa isang takal na arina. Ang pagbubukud-bukod na gagawin sa huling panahon sa mga matwid at sa mga masasama ay inila-rawan Niya sa mga talinhaga ng trigo at ng mga pansirang-damo at ng lambat na pamalakaya. Ang walang-katulad na kahalagahan ng mga katotohanang itinuro Niya ay inilarawan sa pamamagitan ng natatagong kayamanan at ng mahalagang perlas, samantalang sa talinhaga naman ng puno ng sambahayan ay itinuro Niya sa Kaniyang mga alagad kung paano sila magsisigawa bilang mga kinatawan Niya. BB 465.1
Buong maghapon Siyang nagtuturo at nagpapagaling; at nang lumalaganap na ang dilim ng gabi ay patuloy pa ring nagsisiksikan sa Kaniya ang mga tao. Araw-araw ay naglingkod Siya nang gayon sa kanila, na halos hindi na makatigil para kumain o magpahinga. Ang masasamang panunuligsa at maling hinala na ikinakalat ng mga Pariseo saanman Siya pumaroon ay lalong nagpahirap sa Kaniyang paggawa; at ngayon sa pagtatapos ng maghapon ay masusumpungan Siyang pagal na pagal na anupa't ipinasiya Niyang maghanap ng mapagpapahingahan sa isang liblib na pook sa kabila ng dagat. BB 465.2
Ang silangang baybayin ng Genesaret ay pinaninira-hanan din ng mga tao, sapagka't may mga bayan dito at doon sa tabi ng dagat; nguni't kung itutulad sa dakong kanluran ay ito'y parang isang ilang. Sa mga taong nani-nirahan dito ay higit na marami ang mga pagano kaysa mga Hudyo, at walang gaanong pakikipagtalastasan sa Galilea. Kaya nga ito ang naghandog kay Jesus ng mapag-papahingahang hinahanap Niya, at ngayon nga'y niyaya Niya ang mga alagad Niya na Siya'y samahan hanggang doon. BB 466.1
Nang mapauwi na Niya ang mga karamihan, ay pinalulan nila Siya sa daong, at sila'y nagmamadaling umalis. Nguni't hindi sila lamang ang umalis. May iba pang mga pangisdang bangka na nangakahimpil sa malapit sa bay-bayin, at ang mga ito ay karaka-rakang napuno ng mga taong nagsisunod kay Jesus, na sabik pa ring makita Siya at marinig. BB 466.2
Sa wakas ay nakalaya ang Tagapagligtas sa nagsisik-sikang karamihan, at, palibhasa'y gapi ng matinding gutom at pagod, Siya'y nahiga sa mga hulihan ng daong, madaling nakatulog. Tahimik at kaiga-igaya ang gabi, at payapa ang dagat; datapuwa't di-kaginsa-ginsa'y lumaganap ang dilim sa himpapawid, ang hangin ay humampas nang buong karahasan sa kahabaan ng buong silangang baybayin, at isang nag-aalimpuyong unos ang sumambulat sa dagat. BB 466.3
Lubog na ang araw, at ang maitim na kumot ng gabi ay Iumatag na sa ibabaw ng nagngangalit na dagat. Ang mga alon, na hinahagupit nang buong bangis ng nag-iinu- gong na hangin, ay marahas na sumasampa sa ibabaw ng daong ng mga alagad, at nagtatangkang tabunan ito. Sa dagat na tumanda ang matitibay na mga mangingisdang ito, at ang kanilang daong ay di-iilang beses na nailigtas nila sa maraming bagyo; datapuwa't ngayo'y nawalang-kabuluhan ang kanilang kalakasan at kasanayan. Wala silang magawa sa pagkakadaklot sa kanila ng bagyo, at pinanawan na rin sila ng pag-asa nang makita nilang napupuno na ng tubig ang kanilang daong. BB 466.4
Palibhasa'y buhos na buhos ang kanilang isip sa pagsisikap na mailigtas ang kanilang mga sarili, nalimutan na nilang si Jesus ay kasama nila sa daong. Ngayon, nang kanilang makitang walang mangyayari sa kanilang pag-papakapagod at nasa unahan na lamang nila ang kamatayan, ay nagunita nila ang nag-utos sa kanila na tumawid ng dagat. Si Jesus na lamang ang tangi nilang pag-asa. Sa kanilang kawalang-kaya at kawalang-pag-asa ay sumigaw sila, “Panginoon! Panginoon!” Nguni't hindi nila Siya makita sa pusikit na kadiliman. Ang mga tinig nila ay nilunod ng nag-uumangil at nag-iinugong na bagyo, at wala silang narinig na sagot. Sinakbibi sila ng pag-aalin-langan at pagkatakot. Pinabayaan na kaya sila ni Jesus? Siya kaya na gumapi sa mga sakit at sa mga demonyo, at pati sa kamatayan, ay walang-kapangyarihan upang matulungan ang Kaniyang mga alagad ngayon? Hindi kaya Niya sila inaalaala sa kanilang matinding kabagaba-gan? BB 467.1
Muli silang tumawag, nguni't wala ring sagot silang napakinggan liban sa pag-iinugong ng nag-aalimpuyong hampas ng hangin. Lumulubog na ang kanilang daong. Sasandali na lamang, at sa malas ay lalamunin na sila ng hayok na tubig ng dagat. BB 467.2
Di-kaginsa-ginsa'y gumuhit sa kadiliman ang matalim na kidlat, at nakita nila si Jesus na nakahigang natutulog, at di-naliligalig sa kanilang pagkakagulo. Buong pagtataka at kawalang-pag-asang sila'y napabulalas, “Panginoon, wala bagang anuman sa Iyo na mapahamak tayo?” Paano kaya Siya buong kapayapaang nakakatulog samantalang sila'y nasa panganib at nakikipaglaban sa kamatayan? BB 467.3
Ginising si Jesus ng kanilang sigaw. Sa kislap ng kidlat ay natanaw nila Siya, at nakita nila ang kapayapaan ng langit na nakabadha sa Kaniyang mukha; nabasa nila sa Kaniyang sulyap ang paglimot sa sarili at ang magiliw na pagmamahal, at, sa pagbaling nila sa Kaniya ay humibik ang kanilang mga puso, “Panginoon, iligtas Mo kami: kami'y mangamamatay.” BB 469.1
Di-kailanman sumigaw nang gayon ang isang kaluluwa na di-pinakinggan. Nang hawakang muli ng mga alagad ang kanilang mga gaod upang gumawa ng kahuli-hulihang pagsisikap, ay tumindig si Jesus. Tumayo Siya sa gitna ng Kaniyang mga alagad, samantalang patuloy ang pagngangalit ng bagyo, sumasabog sa ibabaw nila ang mga alon, at nililiwanagan ng kidlat ang Kaniyang mukha. Itinaas Niya ang Kaniyang kamay, na kaydalas na ginamit Niya sa mga gawa ng kaawaan, at sinabi sa nagnga-ngalit na karagatan, “Pumayapa ka, tumahimik ka.” BB 469.2
Humimpil ang bagyo. Natahimik ang mga alon. Nahawi ang mga ulap, at sumikat ang mga bituin. Napanatag ang daong sa payapang dagat. Pagkatapos ay binalingan ni Jesus ang Kaniyang mga alagad, at sila'y malungkot na tinanong, “Bakit kayo nangatakot? wala pa baga kayong pananampalataya?” Mareos 4:40. BB 469.3
Pikpik na katahimikan ang naghari sa mga alagad. Maging si Pedro ay hindi nangahas na magpahayag ng sindak at pangingiming lumipos sa kaniyang puso. Ang ibang mga daong na sumabay sa kanila upang sundan si Jesus ay napasa gayunding panganib. Takot at kawalang-pag-asa ang sumaklot sa mga nakalulan doon; datapwa't ang utos ni Jesus ang nagpatahimik sa lugar ng kali-galigan. Dahil sa bangis ng bagyo ay nagkalapit-lapit ang mga daong, at nasaksihan ng lahat na nakasakay doon ang kababalaghan. Sa kapayapaang sumunod, ay napawi na ri't nalimutan ang takot. Nagbulung-bulungan ang mga tao, “Sino nga ito, na pati ng hangin at ng dagat ay tumatalima sa Kaniya?” BB 469.4
Nang magising si Jesus upang harapin ang bagyo, Siya'y payapang-payapa. Walang bakas ng takot sa Kaniyang anyo at pananalita, sapagka't walang takot na tumatahan sa Kaniyang puso. Datapwa't hindi Siya nama-hinga nang dahil sa hawak Niya ang walang-hanggang kapangyarihan. Hindi dahil sa Siya ang “Panginoon ng lupa at dagat at langit” kaya Siya nakatulog nang tahi-mik. Binitiwan na Niya ang kapangyarihang yaon, at ang wika Niya “Hindi Ako makagagawa ng anuman sa Aking sarili.” Juan 5:30. Sa kapangyarihan ng Ama Siya nagti-wala. Pananampalataya—pananampalataya sa pag-ibig at pag-iingat ng Diyos—kung kaya nakapagpahinga si Jesus, at ang kapangyarihan ng salitang yaon na nagpatahimik sa bagyo ay ang kapangyarihan ng Diyos. BB 470.1
Kung paanong si Jesus sa pamamagitan ng pananam-palataya ay namahinga sa pag-iingat ng Ama, ay gayundin naman tayo'y makapamamahinga sa pag-iingat ng ating Tagapagligtas. Kung ang mga alagad lamang ay nagtiwala sa Kaniya, sila sana'y naingatan sa kapayapaan. Ang kanilang pagkatakot sa panahon ng panganib ay nag-pakilala ng kanilang di-pagsampalataya. Sa pagsusumikap nilang mailigtas ang kanilang mga sarili, ay nalimutan nila si Jesus; at nang mawalan na lamang sila ng pag-asa sa kanilang sarili, saka sila lumapit o bumaling sa Kaniya upang sila'y tulungan Niya. BB 470.2
Kaydalas na ang karanasan ng mga alagad ay siya ring nagiging karanasan natin! Pagka ang bagyo ng mga tukso ay sumasasal, at nagtataliman ang mga kislap ng kidlat, at ang mga alon ay marahas na tinatabunan tayo, ay mag-isa tayong nakikilaban sa bagyo, at nalilimutan nating may Isang makatutulong sa atin. Nananalig tayo sa sarili nating lakas hanggang sa mawala ang ating pag-asa, at mapapahamak na tayo. Saka naman natin maaalaala si Jesus, at kung tatawag tayo sa Kaniya upang tayo'y iligtas, ay hindi mabibigo ang ating daing. Bagama't malungkot Niya tayong pinangungusapan dahil sa ating dipagsampalataya sa Kaniya at sa ating pananalig sa ating sarili, di-kailanman naman Niya tayo binibigo sa tulong na ating kailangan. Nasa lupa man tayo o nasa dagat, kung ang Tagapagligtas ay nasa ating mga puso, ay wala tayong dapat ipangamba. Ang nabubuhay na pananampa lataya sa Manunubos ay siyang magpapatahimik sa dagat ng buhay, at magliligtas sa atin sa panganib sa paraang alam Niyang siyang pinakamabuti. BB 470.3
My isa pang aral na espirituwal sa himalang ito ng pagpapatigil o pagpapatahimik sa bagyo. Ang karanasan ng bawa't tao ay nagpapatunay na totoo ang mga salita ng kasulatan. “Ang masama ay parang maunos na dagat, sapagka't hindi maaaring humusay. ... Walang kapaya-paan, sabi ng aking Diyos, sa mga masama.” Isaias 57:20, 21. Sinira ng kasalanan ang ating kapayapaan. Habang ang sarili'y di-nasusupil, ay hindi tayo makakasumpong ng kapayapaan. Ang matitinding simbuyo ng damdamin ay hindi masusupil ng kapangyarihan ng tao. Sa bagay na ito ay wala tayong magagawa tulad din ng mga alagad na walang nagawa sa nagngangalit na bagyo. Nguni't Siya na nagpatahimik sa mga alon ng dagat ng Galilea ay siya ring makapapayapa sa bawa't kaluluwa. Gaanuman kabangis ang bagyo, ay maliligtas ang mga la-lapit kay Jesus na may kasamang daing na, “Panginoon, iligtas Mo kami.” Ang biyaya Niya, na ipinakikipagka-sundo ang kaluluwa sa Diyos, ay pinatatahimik ang nag-aalab na damdamin ng tao, at sa Kaniyang pag-ibig ay nakapamamahinga ang puso. “Kaniyang pinahihimpil ang bagyo, na anupa't ang mga alon niyaon ay nagsisitahimik. Kung magkagayo'y natutuwa sila dahil sa sila'y tiwasay; sa gayo'y Kaniyang dinadala sila sa daungang kanilang ibigin.” Awit 107:29, 30. “Yaman nga na mga inaaring-ganap sa pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesukris-to.” “Ang gawain ng katwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng katwiran ay katahimikan at pagkakatiwala kailanman.” Roma 5:1; Isaias 32:17. BB 471.1
Maagang-maaga kinabukasan ay sinapit ng Tagapag-ligtas at ng mga kasama Niya ang pampang, at ang liwanag ng sumisikat na araw ay nakadampulay sa dagat at lupa na parang may taglay na biyaya ng kapayapaan. Nguni't hindi pa halos nagtatagal na sila'y nakalulunsad sa lupa ay sinalubong na ang kanilang mga mata ng isang tanawing higit na nakapangingilabot kaysa alimpuyo ng bagyo. Buhat sa isang pinagtataguang pook sa gitna ng mga nitso ng libingan, ay dalawang baliw ang dumaluhong sa kanila na para bagang sila'y lulurayin. Nakabitin pa sa katawan ng mga taong ito ang mga bahagi ng mga tanikalang nilagot nila sa kanilang pagtakas sa kinapipiitan. Sugat-sugatan ang kanilang katawan at nagdurugo sa pagkakahiwa na rin ng kanilang mga sarili sa matatalim na bato. Nanlilisik ang kanilang mga mata sa pagitan ng mahaba, gusot at nakasabog nilang buhok, ang wangis mismo ng mga tao na tila mandin pinawi na ng mga demonyong umaali sa kanila, at ang anyo nila'y higit pang katulad ng maiilap at mababangis na hayop kaysa mga tao. BB 472.1
Nagsitakas ang mga alagad at ang mga kasama nila dahil sa takot; nguni't napansin nilang hindi nila kasama si Jesus, kaya't sila'y nagsipihit upang hanapin Siya. Nakita nilang Siya'y nakatayo sa lugar na pinag-iwanan nila sa Kaniya. Siya na nagpatahimik sa bagyo, na suma-gupa kay Satanas nang una at nanagumpay dito, ay hindi tumakas sa demonyong ito. Nang ang mga lalaking ito, na nagsisipagngalit ang mga ngipin, at bumubula ang bibig, ay nagsidaluhong kay Jesus, ay itinaas Niya ang kamay Niyang yaon na nagpahimpil sa mga alon, at ang mga lalaki ay hindi na nakalapit pa. Nangangaykay sila sa galit nguni't wala namang magawa sa harap Niya. BB 472.2
Taglay ang kapangyarihang inutusan Niya ang masa-samang espiritu na magsilabas sa kanila. Ang mga salita Niya'y naglagos sa nadirimlang mga pag-iisip ng mga sawimpalad na lalaki. May kalabuan ng unawang nadama nila na narito ang Isa na makapagliligtas sa nagpapahirap na mga demonyo. Nagpatirapa sila sa pa-anan ng Tagapagligtas upang sambahin Siya; nguni't nang bukhin nila ang kanilang mga labi upang humingi sa Kaniya ng awa, ay nagsalita ang mga demonyo sa pamamagitan nila, na sumisigaw nang malakas, “Ano ang pakialam namin sa iyo, Jesus, Ikaw na Anak ng Diyos na Kataas-taasan? Ipinamamanhik namin sa Iyo, na huwag Mo kaming pahirapan.” BB 473.1
“Ano ang pangalan mo?” tanong ni Jesus. At ang sagot ay, “Pulutong ang pangalan ko: sapagka't marami kami.” Sa pamamagitan ng mga taong inaalihan na siya nilang ginamit na tagapagsalita, ay pinakiusapan nila si Jesus na huwag silang paalisin sa bayan. Sa libis ng bundok na hindi kalayuan ay naroon ang isang malaking kawan ng mga baboy na nanginginain. Sa mga ito hiniling ng mga demonyo na sila'y papasukin, at sila'y tinu-lutan ni Jesus. Karaka-rakang nagkagulo ang mga baboy. Ang mga ito'y nangapadaluhong sa bangin at, nang hindi magawang mangakaahon sa pampang, ay nangapasugba sila sa dagat, at nangalunod. BB 473.2
Samantala'y isang kahanga-hangang pagbabago ang naganap sa mga inalihan ng mga demonyo. Nagliwanag ang kanilang mga pag-iisip. Nangislap ang kanilang mga mata sa pagkaunawa. Ang mga mukha nila, na malaon nang naging kamukha ni Satanas, ay biglang-biglang umamo, ang mga kamay na nababahiran ng dugo ay natahimik, at sa nangagagalak na tinig ay pinuri nila ang Diyos sa pagkakaligtas sa kanila. BB 473.3
Buhat sa itaas ng bangin ay natanaw na lahat ng mga nag-aalaga ng baboy ang buong nangyari, at nag-mamadali silang nagsialis upang ibalita ito sa mga mayari at sa lahat ng mga tao. Natatakot at nanggigilalalas na dumagsa ang buong bayan upang salubungin si Jesus. Ang dalawang inalihan ng mga demonyo ay malaon ng pinagkatakutan sa bayan. Walang taong makaraan sa kinaroroonan ng mga ito; sapagka't dinadaluhong nila ang bawa't nagdaraan na taglay ang bangis ng mga demonyo. Nguni't ngayo'y may bihis nang damit ang mga lalaking ito at nasa wasto nang lagay ang pag-iisip, na nangakaupo sa paanan ni Jesus, nakikinig sa mga salita Niya, at niluluwalhati ang pangalan Niyaong nagpagaling sa kanila. Nguni't hindi nangatuwa ang mga taong nakasaksi ng kahanga-hangang tanawing ito. Ang pag-kalipol ng mga baboy ay waring higit na matimbang sa kanila kaysa pagkaligtas ng mga bihag na ito ni Satanas. BB 473.4
Dahil sa habag sa may-ari ng baboy kaya ipinahintulot na dumating sa kanila ang ganitong pagkalugi. Abala sila sa mga bagay na makalupa, at wala silang pag-aasikaso sa malalaking bagay na ukol sa kabuhayang espirituwal. Hinangad ni Jesus na sirain ang diwa ng makasariling pagwawalang-bahala, upang matanggap nila ang Kaniyang biyaya. Datapwa't ang panghihinayang at ang malaking galit sa kanilang pagkalugi ang bumulag sa kanila kaya hindi nila nakita ang kaawaan ng Tagapagligtas. BB 474.1
Ang pagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos ay na-kagising sa mga pamahiin ng mga tao, at lumikha sa kanila ng pag-aagam-agam. Maaaring may dumating pang ibang mga kasakunaan kung tutulutan nilang mamalagi sa gitna nila ang Taong ito. Nag-alaala silang baka bumagsak ang kanilang hanapbuhay, at kaya nga ipinasiya nilang Siya'y paalisin. Ang mga nagsitawid sa dagat na kasama ni Jesus ay nagsabing lahat ng mga nangyari nang sinundang gabi, ng naging panganib nila sa bagyo, at kung paanong pinahimpil ang bagyo at ang dagat. Nguni't hindi nagkaroon ng bisa ang kanilang mga salita. Dahil sa takot ay pinagkalipumpunan ng mga tao si Jesus, na pinakiusapan Siya na umalis na, at napa-hinuhod naman Siya, na karaka-rakang lumulan sa da-ong at tumawid sa kabilang pampang. BB 474.2
Napaharap sa mga tao ng Gergesa ang buhay na katibayan ng kapangyarihan at kaawaan ni Kristo. Nakita nila ang mga taong sinaulian ng matinong pag-iisip; datapwa't lubha nilang kinatakutan ang pagbagsak ng kanilang mga hanapbuhay sa lupa na anupa't Siya na na-kita nilang gumapi sa prinsipe ng kadiliman ay itinu-ring nilang isang mapakialam, at pinagsarhan nila ng pinto ang dakilang Kaloob ng langit. Wala sa atin ang pagkakataong palayasin si Kristo nang mukhaan na gaya ng ginawa ng mga taga-Gergesa; subali't marami rin ang tumangging tumalima sa Kaniyang salita, sapagka't ang pagtalima nila ay mangangahulugan ng pagsasakripisyo ng makasanlibutang pakinabang. Dahil sa baka ang Kaniyang pakikisama ay maging sanhi ng kanilang pangu-ngulugi sa salapi, kaya marami ang tumatanggi sa Kani-yang biyaya, at pinalalayas nila ang Kaniyang Espiritu. BB 475.1
Nguni't ibang-iba ang pakiramadam ng mga pinaga-ling na inalihan ng mga demonyo. Nais nilang sumama sa Nagpagaling sa kanila. Kung Siya'y kasama nila ay nararamdaman nilang sila'y ligtas sa mga demonyong nagpahirap sa kanilang buhay at umaksaya sa kanilang pagkatao. Nang si Jesus ay lululan na sa daong, nagsi-lapit sila sa Kaniyang piling, nanikluhod sa Kaniyang paanan, at pinamanhikan Siyang ipagsama na sana sila, upang lagi nilang mapakinggan ang Kaniyang mga salita. Datapwa't inatasan sila ni Jesus na magsiuwi at ibalita ang mga dakilang bagay na ginawa sa kanila ng Panginoon. BB 475.2
Narito ang gawaing magagawa nila—magtungo sa isang tahanang di-nakakikilala sa tunay na Diyos, at ibalita roon ang pagpapalang tinanggap nila kay Jesus. Mahirap sa ganang kanila na humiwalay sa Tagapagligtas. Tiyak na malalaking kahirapan ang masasagupa nila sa pakikisama nila sa kanilang mga kababayang pagano. At ang malaon nilang pagkakahiwalay sa lipunan ng mga tao ay waring di-nagpapagindapat sa kanila sa gawaing ipinahiwatig ni Jesus. Datapwa't kapagkarakang naituro Niya ang tungkulin nila ay gumayak na sila sa pagtalima. Hindi lamang ibinalita nila si Jesus sa sarili nilang mga sambahayan at mga kapitbahay, kundi nilibot pa nila ang buong Decapolis, at sa lahat ng dako ay itinanyag nila ang Kaniyang kapangyarihang nakapagliligtas, at isinaysay kung paano sila pinalaya sa mga demonyo. Sa paggawa ng gawaing ito ay tumanggap sila ng lalong malaking pagpapala kaysa kung nanatili silang kasama Niya, upang sila lamang ang makinabang. Sa pagpapala-ganap natin ng mabubuting balita ng kaligtasan napapa-lapit tayo sa Tagapagligtas. BB 475.3
Ang dalawang pinagaling na inalihan ng demonyo ay siyang unang mga misyonerong isinugo ni Kristo upang mangaral ng ebanghelyo sa dako ng Decapolis. Ang mga taong ito ay ilang saglit lamang na nakarinig ng mga turo ni Kristo. Ni isa mang sermon Niya ay wala pa silang naririnig. Hindi sila makapagtuturong tulad ng kayang gawin ng mga alagad na kasama ni Kristo araw-araw. Nguni't taglay nila sa katawan ang katunayang si Jesus ay siyang Mesiyas. Yaon lamang alam nila ang kanilang masasabi; kung ano ang kanilang nakita, at narinig, at nadama sa kapangyarihan ni Kristo. Ito ang magagawa ng sinumang ang puso'y kinilos ng biyaya ng Diyos. Si Juang minamahal na alagad ay sumulat: “Ya-ong buhat sa pasimula, yaong aming narinig, yaong nakita ng aming mga mata, yaong namasdan, at nahipo ng aming mga kamay, tungkol sa Salita ng buhay; ... yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming ibinabalita sa inyo.” 1 Juan 1:1-3. Bilang mga saksi ni Kristo, ay dapat nating sabihin kung ano ang ating nalalaman, kung ano ang ating nakita at narinig at nadama. Kung sinusundan na natin si Jesus nang hakbang-hakbang, ay mayroon tayong tiyak na masasabi tungkol sa paraan ng pagkaakay Niya sa atin. Masasabi natin kung paano natin sinubok ang Kaniyang pangako, at kung pa-ano natin nasumpungang totoo ang Kaniyang pangako. Makapagpapatotoo tayo sa ating nalalaman tungkol sa biyaya ni Kristo. Ito ang pagsaksing hinihingi ng ating Panginoon, at dahil sa kawalan nito kung kaya napa-pariwara ang sanlibutan. BB 476.1
Bagama't si Jesus ay hindi tinanggap ng mga taga-Gergesa, hindi rin Niya sila iniwan sa kadilimang pinili nila. Nang sabihin nilang Siya'y umalis, ay hindi na nila narinig ang Kaniyang mga salita. Hindi nila batid kung ano ang kanilang tinanggihan. Dahil nga rito'y ipina-dala Niyang muli sa kanila ang liwanag, at ito'y sa pa-mamagitan ng mga hindi nila matatanggihang pakinggan. BB 477.1
Ang pagkalipol ng mga baboy ay isang paraan ni Satanas upang mailayo ang mga tao sa Tagapagligtas, at tuloy mahadlangan ang pangangaral ng ebanghelyo sa pook na iyon. Nguni't ang nangyaring ito ay siyang gumising sa buong bayan na hindi magagawa ng ano pamang bagay, at naging dahil upang kay Kristo mapatuon ang pansin. Bagama't umalis na ang Tagapagligtas, ay naiwan namang mga saksi ng Kaniyang kapangyarihan ang mga lalaking Kaniyang pinagaling. Ang mga naging kasangkapan ng prinsipe ng kadiliman ay naging mga daluyan ng liwanag, mga tagapagbalita ng Anak ng Diyos. Nanggilalas ang mga tao nang kanilang mapakinggan ang kahanga-hangang balita. Nabuksan ang pintuan para sa ebanghelyo sa buong lupaing iyon. Nang si Jesus ay bumalik sa Deeapolis, pinagkalipumpunan Siya ng mga tao, at sa loob ng tatlong araw, ay hindi lamang mga tao sa isang bayan ang nakinig sa pabalita ng kalig-tasan, kundi ang mga libu-libo pang buhat sa nakapali-bot na mga lupain. Pati kapangyarihan ng mga demonyo ay supil ng kapangyarihan ng ating Tagapagligtas, at ang gawain ng masama ay ginapi ng mabuti. BB 477.2
Ang pagkakasalubong sa mga inaalihan ng demonyo sa Gergesa ay nag-iwan ng isang aral sa mga alagad. Ito ang nagpapakilala kung hanggang saan kaaba sini-sikap dalhin ni Satanas ang buong sangkatauhan, at ang layunin naman ni Kristo na mapalaya sila sa kapangya-rihan nito. Ang mga abang taong yaon, na tumatahan sa mga libingan, inaalihan ng mga demonyo, at alipin ng di-masupil na mga damdamin at ng nakaririmarim na mga pita ng laman, ay naglalarawan ng kung magiging ano ang mga tao kung ipauubaya sa kapangyanhan ni Satanas. Patuloy na ginagamit ni Satanas ang kaniyang impluwensiya upang sirain ang mga pandama ng mga tao, supilin ang pag-iisip sa paggawa ng masama, at ud-yukang gumawa ng karahasan at krimen. Kaniyang pi-nahihina ang katawan, pinadidilim ang isip, at ibinababa ang uri ng kaluluwa. Sa tuwing tatanggihan ng mga tao ang paanyaya ng Tagapagligtas, ay sumusuko sila kay Satanas. Napakaraming tao sa ibat-ibang uri ng pamumuhay, sa tahanan, sa hanapbuhay, maging sa iglesya, ang nagsisigawa nito ngayon. Ito ang dahilan kung bakit ang karahasan at ang krimen ay lubhang laganap sa lupa, at ang kadilimang moral, tulad ng makapal na panakip sa kabaong, ay lumulukob sa mga tahanan ng mga tao. Sa pamamagitan ng kaniyang nakapanlilinlang na mga tukso ay inaakay ni Satanas ang mga tao sa pasama nang pasamang paggawa ng mga katampalasanan, hang-gang sa ang maging bunga ay ganap na kadustaan at kapahamakan. Ang tanging pananggalang laban sa ka-niyang kapangyarihan ay natatagpuan lamang sa hara-pan ni Jesus. Sa harap ng mga tao at ng mga anghel ay naihayag na si Satanas ay kaaway at mamumuksa ng mga tao; at si Kristo naman ay kaibigan at tagapaglig-tas ng mga ito. Ang Espiritu ni Kristo ay magpapatubo sa tao ng lahat na magpaparangal sa likas at magpapa-dakila sa katutubo ng tao. Huhubugin nito ang tao para sa ikaluluwalhati ng Diyos sa katawan, sa kaluluwa at sa espiritu. “Sapagka't hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan, at ng pag-ibig, at ng kahusayan.” 2 Timoteo 1:7. Tinawag Niya tayo “upang magkamit ng kaluwalhatian”—likas—“ng ating Panginoong Jesukristo;” tinawag tayo upang “maging katulad ng larawan ng Kaniyang Anak.” 2 Tesalonica 2:14; Roma 8:29. BB 478.1
At ang mga kaluluwang naging mga hamak na kasang-kapan ni Satanas ay patuloy pa ring binabago ng kapang-yarihan ni Kristo na ginagawa silang mga tagapagbalita ng katwiran, at isinusugo ng Anak ng Diyos upang sabihin kung gaano “kadakilang mga bagay ang ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paanong kinaawaan ka Niya.” BB 479.1