Bukal Ng Buhay
Kabanata 34—Ang Paanyaya
Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 11:28-30.
“Magsiparito sa Akin, kayong lahat na nangapa-pagal at nangabibigatang lubha, at kayo'y Aking papag-papahingahin.” Ang mga nakaaaliw na salitang ito ay ipinahayag ni Jesus sa karamihang sumunod sa Kaniya. Sinabi ng Tagapagligtas na sa pamamagitan lamang Niya makatatanggap ang mga tao ng isang pagkakilala sa Diyos. Sinabi Niyang ang Kaniyang mga alagad ay siyang biniyayaang makaalam ng tungkol sa mga bagay ng langit. Nguni't hindi Niya pinabayaang madama ng sinuman na sila'y hindi kabilang sa Kaniyang iniingatan at iniibig. Lahat ng nagpapagal at nabibigatang lubha ay malayang makalalapit sa Kaniya. BB 457.1
Ang mga eskriba at mga rabi, sa maingat nilang pagtalima sa mga paraan at ayos ng kanilang pagsamba, ay nakadamang may kulang pa rin na hindi naibibigay ng mga rito ng pagpapakasakit. Ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay maaaring magkunwaring nasisiyahan na sa mga bagay na panlaman at panlupa, subali't sa kaibuturan ng kanilang mga puso ay namamahay ang pag-aalaala at ng pagkatakot. Minasdan ni Jesus ang mga naguguluhan at mga pusong kalong ng panimdim, ang mga naunsiyami ang mga pag-asa, at ang mga taong sa pamamagitan ng mga kaligayahang panlupa ay nagsisipagsikap na patahimikin ang pagmimithi't pananabik ng kaluluwa, at inanyayahan Niya ang lahat na humanap ng kapahingahan sa Kaniya. BB 457.2
Magiliw Niyang inatasan ang mga taong nagsisipagpagal, “Pasanin ninyo ang Aking pamatok, at mag-aral kayo sa Akin; sapagka't Ako'y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.” BB 458.1
Sa mga pangungusap na ito ay nagsasalita si Kristo sa bawa't tao. Sa alam man nila o hindi, lahat ay pagod at nabibigatang lubha. Lahat ay nabibigatan sa mga pasaning si Jesus lamang ang makaaalis. Ang pinakamabigat na pasaning ating dinadala-dala ay ang kasalanan. Kung pababayaan tayo na pasanin ito nang nag-iisa, dudurugin tayo nito. Datapwa't Isang Walang-kasalanan ang kumuha ng ating lugar. “Ipinasan ng Panginoon sa Kaniya ang kasamaan nating lahat.” Isaias 53:6. Pinasan Niya ang bigat ng ating kasalanan. Iibsan Niya ng pasan ang ating mga pagod na balikat. Tayo'y Kaniyang papagpapahingahin. Ang dinadala nating alalahanin at kalungkutan ay Kaniya ring papasanin. Inaanyayahan Niya tayo na ating ilagak sa Kaniya ang lahat nating kabalisahan; sapagka't dinadala Niya tayo sa Kaniyang puso. BB 458.2
Ang Panganay na kapatid ng ating lahi ay nasa tabi ng walang-hangang luklukan. Tinitingnan Niya ang bawa't kaluluwang pumipihit sa Kaniya bilang siya nitong Tagapagligtas. Sa pamamagitan ng karanasan ay nalalaman Niya ang mga kahinaan ng mga tao, kung ano ang ating mga pangangailangan, at kung saan nakasalig ang lakas ng mga pagtukso sa atin; sapagka't Siya rin ay tinukso sa lahat ng paraang gaya naman natin, gayunma'y hindi nagkasala. Binabantayan ka Niya, ikaw na nanginginig na anak ng Diyos. Ikaw ba ay tinutukso? Siya'y magliligtas. Ikaw ba'y mahina? Siya'y magpapalakas. Ikaw ba'y walang-nalalaman? Siya'y magbibigay ng unawa. Ikaw ba'y nasugatan? Siya'y magpapagaling. “Sinasaysay” ng Panginoon “ang bilang ng mga bituin;” at gayunma'y “Kaniyang pinagagaling ang mga may bagbag na puso, at tinatalian Niya ang kanilang mga sugat.” Awit 147:4, 3. “Magsiparito kayo sa Akin,” anyaya Niya. Anuman ang inyong mga kabalisahan at mga pagsubok, ilahad ninyong lahat sa harap ng Panginoon. Palalakasin Niya ang inyong loob upang kayo'y makatagal. Kaniyang bubuksan ang daan para sa inyo upang kayo'y maka-wala sa pagkapahiya at pagkagipit. Kung kailan ninyo nararamdamang kayo'y lalong mahina at lalong walang-kaya, doon naman lalo kayong lalakas sa pamamagitan ng Kaniyang kalakasan. Kung kailan lalong mabigat ang inyong mga pasan, doon naman lalong mapalad ang magpahinga sa pamamagitan ng paglalagak ng pasaning ito sa Tagapagdala ng Pasanin. Ang kapahingahang ini-aalok ni Kristo ay nakasalig sa mga kondisyon, nguni't ang mga kondisyong ito ay malinaw na sinasabi ng tiyak. Ang mga ito ay yaong kaya ng lahat na gampanan. Sinasabi Niya sa atin kung paano masusumpungan ang Kaniyang kapahingahan. BB 458.3
“Pasanin ninyo ang Aking pamatok,” sabi ni Jesus. Ang pamatok ay isang kasangkapan sa paglilingkod. Ang mga baka ay pinapamatukan sa paggawa o pagtatrabaho, at kailangan ang pamatok upang makagawa nang mabisa. Sa pamamagitan ng halimbawang ito ay itinuturo ni Kristo sa atin na tayo'y tinatawagang maglingkod habang nabubuhay. Dapat nating pasanin ang Kaniyang pamatok, upang tayo'y maging mga kamanggagawa Niya. BB 459.1
Ang pamatok na nagpapalakas sa paglilingkod ay ang kautusan ng Diyos. Ang dakilang kautusan ng pag-ibig na inihayag sa Eden, itinanyag sa Sinai, at ayon sa Bagong Tipan ay isinulat sa puso, ay siyang nagpapalakas sa tao upang magawa niya ang kalooban ng Diyos. Kung tayo'y pababayaang sumunod sa sarili nating mga hilig, na yumaon sa bala nating maibigan, ay mahuhulog tayo sa mga kampon ni Satanas at mapapasaatin ang mga likas nito. Dahil nga rito'y kinukulong tayo ng Diyos sa Kaniyang kalooban, na matayog, at marangal, at nagta-taas. Ang nais Niya'y buong katiyagaan at katalinuhan tayong gumawa ng mga gawain ng paglilingkod. Ang pamatok ng paglilingkod na pinasan ni Kristo na rin sa sangkatauhan. Sinabi Niya, “Aking kinalulugurang sundin ang Iyong kalooban, Oh Diyos ko: oo, ang Iyong kautusan ay nasa loob ng Aking puso.” Awit 40:8. “Bumaba Akong mula sa langit, hindi upang gawin Ko ang Aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa Akin.” Juan 6:38. Pag-ibig sa Diyos, pagsisikap sa ikaluluwalhati Niya, at pag-ibig sa mga taong nagkasala, ang nagpababa kay Jesus sa lupa upang magbata ng hirap at upang mamatay. Ito ang sumusupil na kapang-yarihan sa Kaniyang buhay. Ang simulaing ito ang ini-aatas Niya sa atin na gamitin natin. BB 459.2
Maraming tao ang naninimdim ang puso sa bigat ng alalahanin sapagka't pinipilit nilang abutin ang pamantayan ng sanlibutan. Pinili nilang ito ang paglingkuran, tinanggap din nila ang mga dulot nitong kagulumihanan, at kinuha't ginamit ang mga kaugalian nito. Kaya nga nadungisan ang kanilang likas, at ang kanilang buhay ay naging isang kapaguran. Upang mabigyang-kasiyahan ang kanilang ambisyon at mga hangaring makasanlibutan, sinusugatan nila ang kanilang budhi, at dinaragdagan pa nila ang kanilang ipagsisisi. Ang laging pag-aala-ala ay nagpapahina sa lakas ng buhay. Hangad ng ating Panginoon na itabi nila ang pamatok na ito ng pagka-alipin. Inanyayahan Niya silang tanggapin ang Kaniyang pamatok; sinasabi Niyang, “Malambot ang Aking pamatok, at magaan ang Aking pasan.” Inaatasan Niya silang hanapin muna ang kaharian ng Diyos at ang Kaniyang katwiran, at Siya nama'y nangangakong ang lahat ng mga bagay na kailangan nila sa buhay na ito ay idaragdag sa kanila. Ang pag-aalaala ay bulag, at di-nakikita ang dumarating; nguni't nakikita ni Jesus ang wakas buhat sa pasimula. Sa bawa't kahirapan ay may nakhanda Siyang paraan upang makapaghatid ng ginhawa. Ang ating Ama sa langit ay may libong paraan ng pag-tulong sa atin, na hindi natin nalalaman. Ang mga tumatanggap sa tanging simulain na unahin mima ang pag-lilingkod at pagpaparangal sa Diyos ay makakasumpong na ang mga kagulumihanan ay mawawala, at mapapa-tag ang landas sa unahan ng kanilang mga paa. BB 460.1
“Mag-aral kayo sa Akin,” wika ni Jesus, “sapagka't Ako'y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusum-pungan ninyo ang kapahingahan.” Dapat tayong pumasok sa paaralan ni Kristo, upang mag-aral sa Kaniya ng kaamuan at kapakumbabaan. Ang pagtubos ay ang paraang yaon ng pagsasanay sa kaluluwa para sa langit. Ang pagsasanay na ito ay nangangahulugan ng pagkakilala kay Kristo. Ito'y nangangahulugan ng paglaya sa mga kuru-kuro, mga kaugalian, at mga gawaing natutu-han sa paaralan ng prinsipe ng kadiliman. Ang kaluluwa ay kailangang mahango sa lahat na salungat o laban sa pagtatapat sa Diyos. BB 461.1
Sa puso ni Kristo, na pinaghaharian ng sakdal na pakikipagkaisa sa Diyos, ay may sakdal na kapayapaan. Di-kailanman Siya pinapaging-mapagmataas ng mga palakpak, ni pinapanlupaypay man ng tuligsa at pagka-bigo. Sa gitna ng pinakamasidhing pagsalungat at pina-kamalupit na inasal sa Kaniya, nanatili pa ring mabuti at panatag ang Kaniyang loob. Datapwa't ang maraming nagpapanggap na sumusunod sa Kaniya ay may mga pusong balisa at bagabag, sapagka't sila'y natatakot mag-tiwala sa Diyos. Hindi sila gumagawa ng isang lubos o ganap na pagpapasakop sa Kaniya; sapagka't nangungunti sila sa mga ibubunga ng gayong pagpapasakop. Malibang gumawa sila ng ganitong pagpapasakop, ay hindi sila makakasumpong ng kapayapaan. BB 461.2
Pag-ibig sa sarili ang nagdudulot ng kawalang-kapanatagan. Kung tayo'y ipinanganak buhat sa itaas, ang pag-iisip na nasa kay Kristo ay siya ring sasaatin, ang pag-iisip na umakay sa Kaniya na magpakumbaba upang tayo'y maligtas. Hindi nga natin hahangarin ang pinaka-mataas na puwesto. Hahangarin nating maupo sa pa-anan ni Jesus, at mag-aral sa Kaniya. Mapag-uunawa nating ang halaga ng ating gawain ay wala sa pagtatang-hal at pagbabando sa sanlibutan, at wala rin sa pagi-ging masigla at pagiging masigasig sa ating sariling lakas. Ang halaga ng ating gawain ay nasa sukat ng Espiritu Santong ibinibigay Niya. Ang pagtitiwala sa Diyos ay nagdudulot ng lalong banal na mga katangian ng pag-iisip, na anupa't sa pamamagitan ng pagtitiis ay maaari nating masupil ang ating mga kaluluwa. BB 461.3
Ang pamatok ay ipinapasan sa mga baka upang tulu-ngan ang mga ito sa paghila ng dala, at upang mapagaan ang dalahin. Ganyan din ang pamatok ni Kristo. Pagka ang ating kalooban ay ipinasasakop sa kalooban ng Diyos, at ginagamit natin ang mga kaloob Niya upang tumu-long at magpala sa mga iba, ay masusumpungan nating gumagaan ang pasanin sa buhay. Ang taong lumalakad sa daan ng mga utos ng Diyos ay lumalakad na kasama ni Kristo, at sa Kaniyang pag-ibig ay nakakasumpong ng kapahingahan ang puso. Nang si Moises ay manalanging, “Ituro Mo sa akin ngayon ang Iyong mga daan, upang Ikaw ay aking makilala,” ay ganito ang sagot sa kaniya ng Panginoon, “Ako'y sasaiyo, at ikaw ay Aking bibigyan ng kapahingahan.” At sa pamamagitan ng mga propeta ay ibinigay ang pasabing, “Ganito ang sabi ng Panginoon, Magsitayo kayo sa mga daan, at magsiti-ngin kayo, at ipagtanong ninyo ang mga dating landas, kung saan nandoon ang mabuting daan at magsilakad kayo roon, at kayo'y mangakakasumpong ng kapahingahan sa inyong mga kaluluwa.” Exodo 33:13, 14; Jeremias 6:16. At sinasabi Niya, “Oh kung dininig mo ang Aking mga utos! ang iyo ngang kapayapaan ay naging parang ilog, at ang iyong katwiran ay parang mga alon sa dagat.” Isaias 48:18. BB 462.1
Ang mga nananalig sa salita ni Kristo, at nagpapa-sakop ng kanilang mga kaluluwa upang ingatan Niya, at nagpapasakop ng kanilang mga buhay upang isaayos Niya, ay makakasumpong ng kapayapaan at kapanata-gan. Walang anumang bagay sa sanlibutan na makapag-papalungkot sa kanila yamang pinasasaya sila ng paki-kiharap ni Jesus. Sa lubos na pagpapasakop ay may ganap na kapayapaan. Sinasabi ng Panginoon, “Iyong iingatan siya sa lubos na kapayapaan, na ang pag-iisip ay sumasa Iyo: sapagka't siya'y tumitiwala sa Iyo.” Isaias 26:3. Maaaring tila mandin magusot ang ating mga buhay; subali't kapag ipinagkakatiwala natin ang ating mga sarili sa pantas na Gurong Manggagawa, ay lilikha Siya ng huwarang buhay at likas na ikaluluwalhati Niya. At ang likas na yaong naghahayag ng kaluwalhatian—maluwal-hating likas—ni Kristo ay tatanggapin sa Paraiso ng Diyos. Isang lahing binago ang lalakad na kasama Niya na nararamtan ng puti, sapagka't sila'y mga karapat-dapat. BB 463.1
Yamang sa pamamagitan ni Jesus ay pumapasok tayo sa kapahingahan, ang langit ay nagpapasimula na rito. Tumutugon tayo so Kaniyang paanyayang, Magsiparito kayo, mag-aral kayo sa Akin, at sa ganitong paglapit ay pinasisimulan na natin ang buhay na walang-hanggan. Ang langit ay isang walang-tigil na paglapit sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Lalo tayong magtagal sa langit ng lubos na kaligayahan, lalo at lalo namang kaluwalhatian ang mabubuksan sa atin; at kapag lalo nating nakikilala ang Diyos, lalo namang magiging matindi ang ating kaligayahan. Sa paglakad nating kasama ni Jesus sa buhay na ito, ay mapupuno tayo ng Kaniyang pag-ibig, at masisiyahan sa Kaniyang pakikisama. Lahat ng kayang bathin ng likas ng tao, ay maaari nating tanggapin dito. Subali't ano ito kung ihahambing sa buhay na walang-hanggan? Doon “sila'y nasa harapan ng luklukan ng Diyos, at nangaglilingkod sa Kaniya araw at gabi sa Kaniyang templo: at Siyang nakaupo sa luklukan ay lulukuban sila ng Kaniyang tabernakulo. Sila'y hindi na magugutom pa, ni mauuhaw pa man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anumang init. Sapagka't ang Kordero na nasa gitna ng luklukan ay siyang magiging pastor nila, at sila'y pa-patnugutan sa mga bukal ng tubig ng buhay: at papahirin ng Diyos ang bawa't luha sa kanilang mga mata.” Apocalipsis 7:15-17. BB 463.2