Bukal Ng Buhay
Kabanata 33—“Sinu-sino ang Aking mga Kapatid?”
Ang kabanatang ito ay balay sa Mateo 12:22-50; Marcos 3:20-35.
Ang mga anak ni Jose ay walang kaloob-loob kay Jesus sa Kaniyang mga ginagawa. Ang mga balitang dumarating sa kanila tungkol sa Kaniyang kabuhayan at mga paggawa ay pumuno sa kanila ng panggigilalas at panlulumo. Nabalitaan nilang magda-magdamag Siya sa panalangin, na sa buong maghapon ay dinadagsaan Siya ng malalaking pulutong ng mga tao, at wala na Siyang panahong maiukol sa Kaniyang sarili at wala na ring panahong kumain. Sa pakiramdam ng mga kaibigan Niya ay pinapatay Niya ang Kaniyang sarili sa walang-tigil Niyang paggawa; hindi nila maipaliwanag ang ginagawa Niyang pakikitungo sa mga Pariseo, at may ilan pa na nag-akalang nasisira ang Kaniyang bait. BB 446.1
Ito'y nabalitaan ng Kaniyang mga kapatid, at pati ang paratang ng mga Pariseo na nagpapalayas Siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Satanas. Labis nilang nadama ang kakutyaang dumating sa kanila dahil sa pagkakaugnay nila kay Jesus. Alam nila ang nililikhang gulo ng Kaniyang mga salita at mga ginagawa, at hindi lamang nababahala sila sa matapang Niyang mga pagsasalita, kundi galit na sila sa Kaniyang pagbatikos sa mga eskriba at mga Pariseo. Ipinasiya nilang dapat Siyang himukin o piliting tumigil sa ganitong paraan ng paggawa, at kanilang hinikayat si Maria na makiisa sa kanila, sa pag-aakalang baka sa pagmamahal Niya sa kaniya ay mapakiusapan nila Siya na maging higit na maingat at matalino. BB 446.2
Hindi pa natatagalang nauna rito ang paggawa ni Jesus ng Kaniyang ikalawang kababalaghan na pagpapagaling sa isang lalaking inaalihan ng demonyo, bulag at pipi, at inulit na naman ng mga Pariseo ang paratang na, “Sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonyo ay nagpapalabas Siya ng mga demonyo.” Mateo 9:34. Malinaw na sinasabi sa kanila ni Kristo na sa pagsasabi nilang ang ginagawa ng Espiritu Santo ay gawa ni Satanas, ay sila na rin ang nagsasara sa kanilang sarili ng bukal ng pag-papala. Ang mga nagsalita nang laban kay Jesus na rin, na hindi napagkikilala ang Kaniyang pagka-Diyos, ay ma-aari pang tumanggap ng kapatawaran; sapagka't sa pa-mamagitan ng Espiritu Santo ay maaari nilang makita ang kanilang pagkakamali at sila'y magsisi. Anuman ang kasalanan, kung nagsisisi at sumasampalataya ang kalu-luwa, ay nahuhugasan ang kasalanan sa dugo ni Kristo; subali't ang tumatanggi sa ginagawa ng Banal na Espiritu ay naglalagay sa sarili niya sa isang kalagayang hindi sasa kaniya ang pagsisisi at ang pagsampalataya. Sa pamamagitan ng Espiritu gumagawa ang Diyos sa puso; pagka sinasadya ng mga tao na tanggihan ang Espiritu, at sinasabi niyang ito ay buhat kay Satanas, ay kanila ngang sinasarhan ang daan na sa pamamagitan nito ma-aaring makipag-usap sa kanila ang Diyos. At pagka lubos nang tinanggihan ang Espiritu, wala nang magagawa pa ang Diyos sa tao. BB 447.1
Ang mga Pariseong pinagsabihan ni Jesus ng babalang ito ay sila mismo'y hindi naniniwala sa ipinaparatang nila sa Kaniya. Wala isa man sa mga mararangal na ta-ong ito na di-nakadama ng pagkaakit sa Tagapagligtas. Narinig nila ang tinig ng Espiritu sa kanilang sariling mga puso na nagsasabing Siya nga ang Pinahiran o ang Mesiyas ng Israel, at sila'y inuudyukang magsipagpaha-yag na sila na rin ay mga alagad Niya. Sa liwanag ng Kaniyang pakikiharap ay nadama nila ang kanilang kawalang-kabanalan, at kinasabikan nilang magtamo ng isang katwirang hindi nila kayang likhain. Subali't pagatapos nilang tanggihan Siya ay magiging totoong kahiya-hiya na tanggapin nila Siya ngayon bilang siyang Mesiyas. Palibhasa'y nakapagpasimula na silang lumakad sa landas ng di-paniniwala, ang labis nilang kapalaluan ang nakahadlang upang aminin nila ang kanilang pagka-kamali. At upang maiwasan nilang aminin o kilalanin ang katotohanan, ay pinagsikapan nilang labanan nang may kasamang karahasan ang turo ng Tagapagligtas. Nakayamot at nakagalit sa kanila ang pagpapakita Niya ng Kaniyang kapangyarihan at kaawaan. Hindi nila mahad-langan ang Tagapagligtas sa paggawa ng mga kababalaghan, hindi nila Siya masawata sa Kaniyang pagtuturo; nguni't ginawa nila ang buo nilang makakaya upang siraan Siya at pabulaanan ang Kaniyang mga salita. Gayunma'y patuloy silang sinundan ng nanunumbat na Espiritu ng Diyos, at kinailangan nilang gumawa ng mara-ming mg hadlang upang mapaglabanan nila ang kapang-yarihan Nito. Ang pinakamakapangyarihang kasangkapan na mapagagawa sa puso ng mga tao ay nakikipagpunyagi sa kanila, nguni't ayaw silang sumuko. BB 447.2
Hindi Diyos ang bumubulag sa mga mata ng mga tao o nagpapatigas man sa kanilang mga puso. Pinadadalhan Niya sila ng liwanag upang maiwasto nila ang kanilang mga pagkakamali, at upang maakay sila sa mga ligtas na landas; ang pagtanggi sa liwanag na ito ang siyang bumubulag sa mga mata at nagpapatigas sa puso. Malimit na ito'y nangyayari nang unti-unti, at halos di-nama-malayan. Ang liwanag ay dumarating sa kaluluwa sa pamamagitan ng salita ng Diyos, sa pamamagitan ng Kaniyang mga lingkod, o kaya'y sa pamamagitan ng tuwirang paggawa ng Kaniyang Espiritu; subali't kapag ang isang sinag ng liwanag ay di-pinansin, ay nagkakaroon ng bahagyang pamamanhid ang pang-unawang espirituwal, at ang ikalawa o sumusunod na paghahayag ng liwanag ay hindi gaanong napagkikilala. Kaya nga lumaki ang dilim, hanggang sa maging gabi na sa kaluluwa. Ganyan ang nangyari sa mga pinunong Hudyo. Naniwala silang kapangyarihan ng Diyos ang umalakbay kay Kristo, nguni't upang malabanan nila ang katotohanan, ay sinabi nilang ang ginagawa ng Banal na Espiritu ay kay Satanas. Sa paggawa nito ay kusa nilang pinili ang sila'y mangadaya; isinuko nila kay Satanas ang kanilang mga sarili, at kaya nga buhat noon ay sumailalim na sila ng kapangyarihan nito. BB 448.1
Malapit na kaugnay ng babala ni Kristo tungkol sa kasalanan laban sa Espiritu Santo ay ang babala laban sa mga walang-kabuluhan at masasamang salita. Ang mga salita ay tagapagpahiwatig ng nilalaman ng puso. “Sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” Nguni't ang mga salita ay higit pa kaysa tagapaghiwatig ng likas; may kapangyarihan din ang mga ito na magkaroon ng impluwensiya sa likas. Ang mga tao ay naiimpluwensiyahan ng kanilang sariling mga salita. Madalas na kapag suman-daling nadadala ng damdaming udyok ni Satanas, sila'y nakakabigkas ng paninibugho o ng masamang haka, at nakapagpapahayag ng bagay na hindi nila tunay na pina-niniwalaan; nguni't ang ipinahahayag ay nakakaimpluwensiya sa pag-iisip. Nadadaya sila ng sarili nilang mga salita, at pinaniniwalaan na tuloy yaong nasabi sa udyok ni Satanas. Palibhasa'y naipahayag na nila ang isang kuru-kuro o kapasiyahan, malimit na nahihiya na silang bawiin ito dahil sa kanilang kapalaluan, at pinagsisikapan na lamang nilang patunayan na sila'y tama o nasa matwid, hanggang sa paniwalaan na rin nilang sila'y tama nga. Mapanganib ang magpahayag ng isang salita ng pag-aalinlangan, mapanganib na pag-alinlanganan at tuligsain ang liwanag na mula sa Diyos. Ang ugaling walang-ingat at walang-galang na pagtuligsa ay nagkakaroon ng impluwensiya sa likas, sa pagpapayabong ng kawalang-pagga-lang at ng di-paniniwala. Ang taong gumagawa ng ugaling ito ay nalululong sa paggawa nito nang di-namamalayan ang panganib, hanggang sa maging handa na siya na tuligsain at tanggihan ang paggawa ng Banal na Espiritu. Sinabi ni Jesus, “Ang bawa't salitang walang-kabuluhang sabihin ng mga tao ay ipagsusulit nila sa araw ng paghuhukom. Sapagka't sa iyong mga salita ikaw ay magi-ging banal, at sa iyong mga salita ay hahatulan ka.” Pagkatapos ay idinagdag Niya ang isang babala sa mga nakintalan ng Kaniyang mga salita, na buong katuwaang nakinig sa Kaniya, nguni't hindi nagpasakop ng kanilang mga sarili upang panahanan ng Espiritu Santo. Hindi dahil lamang sa paglaban kundi dahil din naman sa kapabayaan kung kaya napapahamak ang kaluluwa. “Pagka ang karumal-dumal na espiritu ay lumabas sa tao,” wika ni Jesus, “ay lumalakad sa mga dakong walang tubig, na humahanap ng kapahingahan, at hindi makasumpong. Kung magkagayo'y sinasabi niya, Babalik ako sa aking bahay na nilabasan ko; at pagdating niya, ay nasusumpungan niyang walang laman, walis na, at naga-gayakan. Kung magkagayo'y yumayaon siya, at nagsasama ng pito pang espiritu na lalong masasama kaysa kaniya, at sila'y nagsisipasok at nagsisitahan doon.” BB 449.1
Marami noong panahon ni Kristo, kagaya rin naman ngayon, ang wari mandi'y wala na sa kontrol ni Satanas; sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay pinalaya na sila sa masasamang espiritung nakapangyari sa kaluluwa. Maligaya na nilang tinatamasa ang pag-ibig ng Diyos; su-bali't katulad ng mga tagapakinig na kinakatawan ng batuhang-lupa sa talinhaga, hindi sila nanatili sa Kaniyang pag-ibig. Hindi nila ipinasakop sa Diyos ang kanilang sarili araw-araw, upang nakapanahan sana si Kristo sa kanilang puso; kaya't nang magbalik ang masamang espiritu, na kasama ang “pito pang espiritu na lalong masasama kaysa kaniya,” ay buung-buo silang nalupig ng kapangyarihan ng masama. BB 450.1
Pagka ipinasasakop ng tao ang sarili kay Kristo, isang bagong kapangyarihan ang tumatahan o umaangkin sa bagong puso. Isang pagbabago ang nagagawa na hindi kayang gawin ng tao sa kaniyang sarili. Ito'y isang gawaing hindi sa tao, na nagpapasok sa likas ng tao ng isang elemento o sangkap na hindi sa tao. Ang kaluluwang ipinasasakop kay Kristo ay nagiging sarili Niyang moog, na hinahawakan Niya sa sanlibutang naghihimagsik, at dito'y binabalak Niyang sarili Niyang kapangyarihan ang kikilalanin. Ang isang kaluluwang sa ganitong paraa'y na-aangkin ng kapangyarihan sa langit ay matibay at dimaigugupo ng mga pananalakay ni Satanas. Subali't malibang tunay nating ipinasasakop ang ating mga sarili sa kapangyarihan ni Kristo, ay tayo'y mapaghaharian ng isang masama. Hindi natin maiiwasang mapasailalim ng isa o ng ikalawa sa dalawang malalaking kapangyarihang nagtutunggalian para makapangibabaw sa sanlibutan. Hindi natin kailangang kusang piliin ang paglilingkod sa kaharian ng kadiliman upang mapasailalim ng pagpupuno nito. Ang kailangan lamang nating gawin ay huwag makapanig sa kaharian ng liwanag. Kung hindi tayo nakikipagtulungan sa mga kinakasangkapan ng langit, si Satanas ang aangkin sa puso, at ito'y gagawin niyang taha-nang dako. Ang tangi nating sanggalang laban sa masama ay ang patirahin si Kristo sa puso sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kaniyang katwiran. Malibang tayo'y mapaugnay nang buhay sa Diyos, ay di-kailanman natin mapaglalabanan ang masamang nagagawa ng pag-ibig sa sarili, pagpapairog sa sarili, at ang matukso sa paggawa ng pagkakasala. Maaaring iwan natin ang maraming masasamang kinaugalian, at maaaring may isang panahon ding humiwalay tayo sa pakikisama kay Satanas; subali't kung walang buhay na pagkakaugnay sa Diyos, sa pama-magitan ng pagsusuko ng ating mga sarili sa Kaniya sa bawa't sandali, ay tayo'y madadaig. Kung walang personal na pakikipagkilala kay Kristo, at ng patuloy na pakikipag-usap sa Kaniya, ay mapapasakamay tayo ng ka-away, at gagawin naman niya sa atin ang kaniyang maibigan sa wakas. BB 451.1
“Nagiging lalo pang masama ang huling kalagayan ng taong yaon kaysa una. Gayundin ang mangyayari,” wika ni Jesus, “sa masamang lahing ito.” Wala nang lubhang titigas pa sa kalooban ng mga taong nagwalang-halaga sa paanyaya ng kahabagan ng Diyos, at nagsihamak sa Espiritu ng biyaya. Ang pinakakaraniwang nakikitang kasalanan laban sa Espiritu Santo ay nasa palaging pagwawa-lang halaga o di-pagpansin sa paanyaya ng Langit na magsisi. Ang bawa't hakbang sa pagtatakwil kay Kristo ay hakbang namang patumpa sa pagtanggi sa kaligtasan, at patumpa sa pagkakasala laban sa Banal na Espiritu. BB 452.1
Sa pagtatakwil ng bansang Hudyo kay Kristo ay nakagawa sila ng walang-kapatawarang pagkakasala; at sa pamamagitan naman ng pagtanggi natin sa paanyayang kaawaan ng Diyos, ay maaari rin tayong makagawa ng gayunding pagkakamali. Pagka tayo'y tumatangging makinig sa itinalaga Niyang mga tagapagbalita, at sa halip ay nakikinig tayo sa mga kinakasangkapan ni Satanas, na naglalayo ng kaluluwa kay Kristo, ay hinahamak natin ang Prinsipe ng buhay, at inilalagay natin Siya sa hayag na pagkapahiya sa harap ng sinagoga ni Satanas at sa harap ng sangkalangitan. Habang ganito ang gina-gawa ng isang tao, ay hindi siya makakasumpong ng pag-asa o kapatawaran man, at mawawalan siya sa wakas ng pagnanasang makipagkasundo sa Diyos. BB 452.2
Nang kasalukuyang nagtuturo si Jesus sa mga tao, ay inihatid ng Kaniyang mga alagad ang balitang naroon ang Kaniyang ina at mga kapatid, at nais makipagkita sa Kaniya. Talastas Niya kung ano ang nasa kanilang mga puso, kaya't “Siya'y sumagot at sinabi sa nagsabi sa Kaniya, Sino ang Aking ina? at sinu-sino ang Aking mga kapatid? At iniunat Niya ang Kaniyang kamay sa Kaniyang mga alagad, at sinabi, Narito ang Aking ina at ang Aking mga kapatid! Sapagka't sinumang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit, ay siyang Aking kapatid na lalaki, at Aking kapatid na babae, at ina.” BB 452.3
Lahat ng tatanggap kay Kristo sa pamamagitan ng pananampalataya ay napapaugnay sa Kaniya nang lalo pang malapit kaysa pagkakamag-anak ng tao. Sila'y nagi-ging kaisa Niya, kung paano rin namang Siya at ang Ama ay iisa. Bilang isang sumasampalataya at gumaganap ng Kaniyang mga salita, ang ina Niya ay lalong malapit at lalong ligtas ang pagkakaugnay sa Kaniya kaysa katutubo nilang pagkakamag-anak. Ang mga kapatid Niya sa laman ay walang pakikinabanging anuman sa pagiging kapatid Niya malibang tanggapin nila Siya bilang sarili nilang Tagapagligtas. BB 453.1
Kaylaki sana ng naitulong kay Kristo ng mga kapatid Niya sa laman kung sumampalataya lamang sila sa Kaniya bilang isa na nanggaling sa langit, at kung tumulong lamang sila sa Kaniya sa paggawa ng gawain ng Diyos! Ang kanilang di-paniniwala ay nagpalungkot sa buhay ni Jesus sa lupa. Bahagi ito ng mapait na saro ng kapighatiang Kaniyang ininuman dahil sa atin. BB 453.2
Ang paglaban sa ebanghelyo ng puso ng tao ay matinding naramdaman ng Anak ng Diyos, at lalong matindi ang kirot na naidulot nito sa Kaniya sa Kaniyang tahanan; sapagka't ang puso Niya ay puno ng kagandahang-loob at pag-ibig, at pinahahalagahan Niya ang magiliw na pagsasamahan sa sambahayan. Ibig ng mga kapatid Niyang sumunod Siya sa kanilang mga kuru-kuro, gayong ang ganitong hakbang ay lubos na nasasalungat sa Kaniyang banal na misyon. Ang tingin nila sa Kaniya ay nangangailangan Siya ng payo nila. Hinatulan nila Siya nang ayon sa pananaw ng tao, at inakala nilang kung ang sasalitain lamang Niya ay yaong mga bagay na tatanggapin ng mga eskriba at mga Pariseo, ay maiiwasan Niya ang di-kanais-nais na pagtatalong nilikha ng Kaniyang mga salita. Inakala nilang Siya'y nahihibang sa pagsasabi Niyang angkin Niya ang kapangyarihan ng Diyos, at sa paglalagay Niya sa Kaniyang sarili bilang isang tagasumbat ng mga kasalanan ng mga rabi. Talos nilang humahanap ng pagkakataon ang mga Pariseo upang maparatangan Siya, at sa pakiramdam nila'y nabigyan Niya ang mga ito ng sapat na pagkakataon. BB 453.3
Hindi matarok ng maigsi nilang panukat ang misyong pinarituhan ni Jesus upang gampanan, at dahil dito'y hindi nila magawang makiramay sa Kaniya sa mga pagsubok na sumasapit sa Kaniya. Ang magagaspang at walang-pagpapahalaga nilang mga salita ay nagpakilalang wala silang tunay na pagkakilala sa Kaniyang likas, at hindi nila napag-unawa ang paglalakip ng pagka-Diyos at ng pagka-tao. Malimit nilang makita Siyang lipos ng pagkahapis; nguni't sa halip na Siya'y aliwin, ang diwa nila't mga salita ay nakasugat lamang sa Kaniyang puso. Ang maramdamin Niyang likas ay sinaktan, ang mga layunin Niya'y pinagkamalian at ang Kaniyang gawain ay di-naunawaan. BB 454.1
Madalas gamitin ng Kaniyang mga kapatid ang pilosopiya ng mga Pariseo, na gapok at inuuban sa katandaan, at inakala nilang matuturuan nila Siya na nakauunawa ng lahat ng katotohanan, at nakatatarok ng lahat na mga hiwaga. Malaya nilang hinatulan yaong bagay na hindi mapag-unawa. Dinamdam Niya ang kanilang mga pag-alipusta, at nanlumo at napighati ang Kaniyang kaluluwa. Ipinamarali nilang sila'y sumasampalataya sa Diyos, at inakala pang ipinagsasanggalang nila ang Diyos, gayong ang Diyos ay kasama na nila sa katawan ng tao, at hindi nila Siya nakilala. BB 454.2
Ang mga bagay na ito ang ikinapaging matinik ng landas na Kaniyang dinaanan. Lubhang nasaktan si Kristo sa di-pagkaunawa o maling-palagay sa Kaniya ng mga kasama Niya sa tahanan na anupa't nakaginhawa sa Kaniyang kalooban ang magtungo sa pook na wala nito. May isang tahanang kinagigiliwan Niyang dalawin—ang tahanan nina Lazaro, Maria at Marta; sapagka't nagkakaroon ng kapahingahan ang Kaniyang diwa sa pook na may simoy ng pananampalataya at pag-ibig. Gayunma'y wala isa man sa lupa na nakaunawa ng Kaniyang banal na misyon, o nakadama man ng mabigat na pasaning dinadala Niya alang-alang sa sangkatauhan. Madalas na nakakasumpong lamang Siya ng kaginhawahan kung Siya'y nag-iisa, at kung Siya'y nakikipag-usap sa Kaniyang Amang nasa langit. BB 454.3
Yaong mga tinatawagang magsipagbata alang-alang kay Kristo, na kinakailangang magsipagtiis na di-maunawaan at di-mapagtiwalaan, sa sarili pa nilang tahanan, ay maaaring makasumpong ng kaaliwan kung iisipin nila na si Jesus ay nagtiis din nang gayon. Siya'y nahahabag sa kanila. Inaatasan Niya silang hanapin ang pakikisama Niya, at ang ginhawa sa kinatagpuan Niya nito, sa pakikipag-usap sa Ama. BB 455.1
Ang mga tumatanggap kay Kristo bilang kanilang sariling Tagapagligtas ay hindi pinababayaang parang mga ulila, na papagtitiisin ng mga pagsubok sa buhay nang nag-iisa. Tinatanggap Niya sila bilang mga kaanib ng sambahayan sa langit; inaatasan Niya sila na tawagin nilang Ama ang Kaniyang Ama. Sila ang Kaniyang “mga maliliit,” na mahal sa puso ng Diyos, at nakatali sa Kaniya sa pamamagitan ng mga panali ng pag-ibig at pagmamahal. Pinag-uukulan Niya sila ng lubos na pagmamahal, na higit pa sa pagmamahal sa atin ng ating ama o ina sa ating kawalang-kaya na gaya ng kung paanong ang Diyos ay dakila kaysa tao. BB 455.2
Tungkol sa kaugnayan ni Kristo sa Kaniyang bayan, may isang magandang halimbawa sa mga kautusang ibinigay sa Israel. Kapag dahil sa paghihirap ay mapilitan ang isang Hebreo na ipagbili ang kaniyang mana, at ipagbili pa rin ang kaniyang sarili na bilang isang alipin, ang tungkulin ng pagtubos sa kaniya at sa kaniyang mana ay nahuhulog sa pinakamalapit niyang kamag-anak. Tingnan ang Levitico 25:25, 47-49; Ruth 2:20. Kaya nga ang gawain ng pagtubos sa atin at sa ating mana, na nawala dahil sa kasalanan, ay nahulog sa Kaniya na ating “malapit na kamag-anak.” Upang tayo'y tubusin kaya Siya'y naging ating kamag-anak. Ang Panginoong ating Tagapagligtas ay lalo pang malapit kaysa ama, ina, kapatid, kaibigan, o kasintahan. “Ikaw ay huwag matakot,” wika Niya, “sapagka't tinubos kita, tinawag kita sa iyong pangalan; ikaw ay Akin.” “Yamang ikaw ay naging mahalaga sa Aking paningin, at kagalang-galang, at Aking inibig ka: kaya't magbibigay Ako ng mga tao na pinakatubos sa iyo, at ng mga bayan na pinakatubos sa iyong buhay.” Isaias 43:1, 4. BB 455.3
Iniibig ni Kristo ang mga anghel sa langit na nakapalibot sa Kaniyang luklukan; subali't ano ang maipapa-liwanag sa malaking pag-ibig na iniibig Niya sa atin? Hindi natin ito maunawaan, gayunma'y nalalaman nating ito'y totoo sa ating karanasan. At kung kinikilala nating Siya'y ating kamag-anak, dapat nga nating pakamahalin ang mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae ng ating Panginoon! Hindi ba natin gagawin agad ang mga tungkulin ng ating banal na pagkakamag-anak? Pagka-tapos na mapabilang tayo sa sambahayan ng Diyos, hindi ba natin pararangalan o igagalang ang ating Ama at ang ating mga kamag-anak? BB 456.1