Bukal Ng Buhay

5/89

Kabanata 4—Sa Inyo ay Isang Tagapagligtas

Ang kabanatang ito ay batay sa Lukas 2:1-20.

Ang hari ng kaluwalhatian ay nagpakababa upang makuha ang sangkatauhan. Hamak at nakaririmarim ang naging mga kapaligiran Niya sa lupa. Ang Kaniyang kaluwalhatian ay nilambungan, upang ang karilagan ng Kaniyang kaanyuang-panlabas ay huwag makatawag ng pansin. Iniwasan Niya ang lahat ng panlabas na karangyaan. Ang mga kayamanan, karangalang pansanlibutan, at kadakilaang pantao ay di-kailanman makapagliligtas sa tao sa kamatayan; sinadya ni Jesus na alinman sa mga pang-akit na makalupa ay huwag maging dahil ng paglapit sa Kaniya ng mga tao. Tanging ganda lamang ng katotohanang makalangit ang dapat makaakit sa mga tao sa pagsunod sa Kaniya. Ang likas ng Mesiyas ay malaon nang paunang-sinabi ng hula, at ang hangad Niya'y tanggapin Siya ng mga tao nang alinsunod sa patotoo ng salita ng Diyos. BB 39.1

Hinangaan ng mga anghel ang maluwalhating panukala ng pagtubos. Minatyagan nila kung paano tatanggapin ng bayan ng Diyos ang Kaniyang Anak, na nababalot ng katawan ng tao. Nanaog ang mga anghel sa lupain ng bayang hinirang. Ang ibang mga bansa'y nanalig sa mga katha ng tao at nagsisamba sa mga diyos na hindi totoo. Nguni't sa lupaing kinahayagan ng kaluwalhatian ng Diyos at sinilayan ng liwanag ng hula, ay doon nanaog ang mga banal na anghel. Di-nakikitang dumating sila sa Jerusalem, sa mga piniling tagapagpaliwanag ng mga Banal na Orakulo, at sa mga naglilingkod sa bahay ng Diyos. Kay Zacarias na saserdote, ay naibalita na ang kalapitan ng pagdating ni Kristo, noong ito'y kasalukuyang naglilingkod sa harap ng dambana sa templo. Ang unang tagapagbalita ay isinilang na, at ang kaniyang pangangaral at pagtuturo ay pinagtibay ng kababalaghan at ng hula. Ang balitang siya'y ipinanganak at ang kahanga-hangang kahulugan ng kaniyang pangangaral ay inilaganap na hanggang sa malayo. Gayon pa man ang Jerusalem ay hindi naghandang tumanggap sa kaniyang Manunubos. BB 39.2

Namangha ang mga sugong tagalangit nang matanaw nila ang pagwawalang-bahala ng mga taong tinawag ng Diyos upang ipatalastas sa sanlibutan ang liwanag ng banal na katotohanan. Ang bansang Hudyo ay iningatan upang gamiting patotoo na si Kristo'y manggagaling sa lahi ni Abraham at sa lipi ni David; gayunma'y wala silang kaalam-alam na ang Kaniyang pagdating ay malapit na. Sa templo ang ginawang paghahandog sa umaga at sa hapon ay tumutuon araw-araw sa Kordero ng Diyos; gayunman kahit dito ay wala ring ginawang paghahanda. Ang mga saserdote at mga guro ng bansa ay hindi nangakaalam na napipinto na ang kadaki-dakilaan sa lahat ng mga pangyayari sa buong panahon. Inusal-usal nila ang kanilang walang-kahulugang mga panalangin, at ginanap ang mga rito ng pagsamba upang makita ng mga tao, nguni't dahil sa sila'y abalang-abala sa pagpapaya-man at sa paghahangad ng karangalan ng sanlibutan ay hindi sila nangahanda nang pakita na ang Mesiyas. Ang gayunding pagwawalang-bahala ang naghari sa buong lupain ng Israel. Mga pusong makasarili at gumon sa sanlibutan ay hindi man lamang nakigalak sa pagsasaya ng buong kalangitan. Iilan lamang ang nanabik na mamasdan ang Di-nakikita. Sa mga ito inutusan ang mga sugo ng langit. BB 40.1

Mga anghel ang sumama kina Jose at Maria nang sila'y maglakbay mula sa kanilang tahanan sa Nazareth, hanggang sa Bayan ni David. Ang utos ng imperyo ng Roma na patala ang lahat ng taong sakop ng kaniyang malawak na kaharian ay umabot hanggang sa mga tumatahan sa mga kabundukan ng Galilea. Kung paanong noong unang panahon ay tinawag ng Diyos si Ciro na lumuklok sa trono ng kahariang pansanlibutan upang mapalaya niya ang mga bihag ng Panginoon, gayundin naman si Augusto Cezar ay ginamit ng Diyos na kasangkapan Niya upang tupdin ang panukalang madala sa Bethlehem ang ina ni Jesus. Siya ay buhat sa lipi ni David, at ang Anak ni David ay dapat isilang sa bayan ni David. Mula sa Bethlehem, anang propeta, “ay lalabas ... ang Isa na magpupuno sa Israel; na ang pinagbuhatan Niya ay mula nang una, mula nang walang-hanggan.” Mikas 5:2. Datapuwa't sa bayan ng kanilang lahing makahari, ay walang kumilala at walang gumalang kina Jose at Maria. Mga pata ang katawan at walang matuluyan, kanilang nilakad ang buong kahabaan ng makitid na lansangan, magbuhat sa pintuan ng siyudad hanggang sa silangang-dulo ng bayan, nguni't wala rin silang makitang mapagpapahingahan sa gabi. Wala silang lugar sa punung-puno nang bahay-tuluyan. Sa isang walang ayos na kamalig na sinisilungan ng mga hayop, nakakita rin sila sa wakas ng matutuluyan, at dito iniluwal ang Manunubos ng sanlibutan. BB 41.1

Ang buong langit ay nag-umapaw sa pagkakatuwaan, nguni't ang mga tao sa lupa ay walang kamalay-malay. Ang mga banal na nilalang na buhat sa sanlibutan ng kaliwanagan ay nagsilapit sa lupa na taglay ang lalong masidhi at lalong magiliw na kasabikan. Lalong nagliwanag ang sanlibutan dahil sa Kaniyang pakikiharap. Sa ibabaw ng mga gulod ng Bethlehem ay nagkatipon ang di-mabilang na mga anghel. Hinihintay nila ang hudyat upang isigaw nila sa sanlibutan ang mabuting balita. Kung nagtapat lamang ang mga pangulo ng Israel sa ipinagkatiwala sa kanila, sana'y nalasap nila ang ligaya ng pagbabalita ng pagkapanganak kay Jesus. Nguni't ngayo'y nilampasan sila. BB 41.2

Ang wika ng Diyos, “Ipagbubuhos Ko ng tubig siya na uhaw, at ng mga bukal ang tuyong lupa.” “Sa matwid ay bumabangon ang liwanag mula sa kadiliman.” Isaias 44:3; Awit 112:4. Yaong mga naghahanap ng liwanag, at masaya itong tinatanggap, sa kanila'y sisikat ang maningning na liwanag na nagbubuhat sa luklukan ng Diyos. BB 43.1

Sa mga parang na pinagpastulan ng batang si David sa kaniyang kawan, ay may mga pastor na nagpupuyat pa rin sa gabi sa kanilang mga kawan. Sa buong katahimikang oras ng gabi ay napag-usapan nila ang ipinangakong Tagapagligtas, at kanilang idinalanging dumating na sana ang Haring uupo sa luklukan ni David. “At narito, tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila: at sila'y totoong nangatakot. At sinabi ng anghel sa kanila, Huwag kayong mangatakot: sapagka't narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan. Sapagka't ipinanganak sa inyo ngayon sa Bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Kristong Panginoon.” BB 43.2

Sa mga salitang ito, mga tanawin ng kaluwalhatian ang pumuno sa pag-iisip ng mga pastor na nakikinig. Dumating na ang Tagapagligtas sa Israel! Kapangyarihan, pagkakabunyi, at tagumpay ang kalakip ng Kaniyang pagparito. Nguni't dapat silang ihanda ng anghel na kilalanin ang kanilang Tagapagligtas sa karalitaan at kababaan. “Ito ang magiging tanda sa inyo,” anang anghel, “masusumpungan ninyo ang Sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban.” BB 43.3

Pinawi ng sugong tagalangit ang kanilang mga pangamba. Inihimaton niya sa kanila kung paano makikita si Jesus. Taglay ang mapagmahal na pagsasaalang-alang sa kahinaan nila bilang mga tao, binigyan niya sila ng panahong mabihasa sa kaniyang banal na kaningningan. Nang magkagayo'y hindi na naikubli ang katuwaan at kaluwalhatian. Ang buong kaparangan ay nagliwanag sa nakasisilaw na kaningningan ng mga hukbo ng Diyos. Natahimik ang lupa, at ang langit ay yumuko upang pakinggan ang awit na— BB 43.4

“Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan,
At sa lupa'y kapayapaan,
Sa mga taong may mabuting kalooban.”
BB 44.1

O kung sana'y makikilala ngayon ng sangkatauhan ang awit na yaon! Ang mga salitang ipinahayag noon, at ang notang inihimig noon, ay mag-iinugong nga hanggang sa dulo ng panahon, at aalingawngaw hanggang sa mga wakas ng lupa. Kapag bumangon na ang Araw ng Katwiran, na may kagalingan sa Kaniyang mga pakpak, ang awit na iyon ay muling iaalingawngaw ng isang lubhang karamihan, na gaya ng tinig ng maraming tubig, na nagsasabing, “Aleluya: sapagka't naghahari ang Panginoong ating Diyos na makapangyarihan sa lahat.” Apocalipsis 19:6. BB 44.2

Nang mawala na ang mga anghel, naparam na rin ang liwanag, at lumatag nang muli ang kadiliman ng gabi sa mga burol ng Bethlehem. Subali't ang pinakamaningning na larawang kailanma'y nakita na ng mga mata ng mga tao ay di-nakatkat sa alaala ng mga pastor. “At nangyari, nang lisanin sila ng mga anghel na nangapasa langit, ang mga pastor ay nangagsang-usapan, Magsiparoon nga tayo ngayon hanggang sa Bethlehem, at ating tingnan itong bagay na nangyari, na ipinagbigay-alam sa atin ng Panginoon. At sila'y dali-daling nagsiparoon, at nasumpungan kapwa si Maria at si Jose, at ang Sanggol na nakahiga sa pasabsaban.” BB 44.3

Tuwang-tuwa silang nagsiuwi, na ibinabalita ang mga bagay na kanilang nakita at narinig. “At lahat ng nangakarinig nito ay nangagtaka sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga pastor. Datapwa't iningatan ni Maria ang lahat ng mga pananalitang ito, at pinagbulay-bulay sa kaniyang puso. At nangagbalik ang mga pastor, na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos.” BB 45.1

Ang layo ng langit at lupa ngayon ay gaya rin noong mapakinggan ng mga pastor ang awit ng mga anghel. Ang mga tao'y sinusuyo pa rin ng Langit hanggang ngayon na gaya noong magtagpo isang tanghaling-tapat ang mga anghel at ang mga karaniwang taong may karaniwang hanapbuhay, at sa kanila'y makipag-usap ang mga sugong tagalangit sa mga ubasan at kaparangan. Sa atin na mga karaniwang tao, ang langit ay maaaring maging napakalapit. Mga anghel na buhat sa mga korte sa langit ang magsisipagbantay o sasama sa mga paglakad niyaong mga masunurin sa mga iniuutos ng Diyos. BB 45.2

Ang kasaysayan ng Bethlehem ay isang paksang dikumukupas. Dito natatago “ang malalalim na mga kayamanan ng karunungan at kaalaman ng Diyos.” Roma 11:33. Hinahangaan nati't ipinagtataka ang pagkakapagpakasakit ng Tagapagligtas nang ipagpalit Niya ang trono ng langit sa isang pasabsaban, nang ipagpalit Niya ang pakikisama ng sumasambang mga anghel sa pakikisama ng mga hayop ng isang pasabsaban. Sa harap Niya ay nasusuwatan ang kataasan at kapalaluan ng tao. Nguni't ito'y simula pa lamang ng Kaniyang kahanga-hangang pagpapakababa. Maituturing na ngang halos sukdulan na ng pagpapakababa na ang Anak ng Diyos ay magbihis ng likas ng tao, kahit na noong si Adan ay wala pang kasalanan sa Eden. Nguni't tinanggap ni Jesus ang pagkakatawang-tao nang ang sangkatauhan ay apat na libong taon nang pinahina ng kasalanan. Tulad ng bawa't isang anak ni Adan ay tinanggap Niya ang mga bunga ng paggawa ng dakilang batas ng pagmamana. Kung ano nga ang mga bungang ito ay siyang ipinakikita sa kasaysayan ng Kaniyang mga ninuno dito sa lupa. Naparito Siyang taglay ang ganyang mga minana upang magawa Niyang makiramay sa mga dumarating na dalamhati at tukso sa atin, at upang makapagbigay sa atin ng halimbawa ng isang di-nagkakasalang pamumuhay. BB 45.3

Sa langit ay kinamuhian ni Satanas si Kristo dahil sa Kaniyang katayuan sa mga palasyo ng Diyos. Lalo nang nag-ulol ang pagkamuhi nito sa Kaniya nang ito'y mapalayas na. Gayunma'y tinulutan ng Diyos na sa sanlibutang itong inangkin ni Satanas na sakop nito ay pumarito ang Kaniyang Anak, na tulad sa isang mahinang sanggol, na batbat ng kahinaan ng tao. Tinulutan Niya Siyang sumagupa sa mga panganib ng buhay na gaya ng lahat ng tao, na makibakang tulad ng bawa't anak ng tao, na maaaring mabigo at mawaglit magpasawalang-hanggan. BB 46.1

Ang puso ng amang tao ay nagigiliw sa kaniyang anak. Tinititigan niya ang mukha ng maliit niyang sanggol, at nangingilabot siya kung kaniyang naiisip na nabibingit sa panganib ang buhay nito. Nilulunggati niyang maikanlong ang kaniyang mahal na anak sa kapangyarihan ni Satanas, upang maiiwas ito sa tukso at pakikilaban. Nguni't ang Diyos naman, upang sagupain ang lalong mahigpit na pakikilaban at ang lalong nakatatakot na panganib, ay ibinigay ang Kaniyang bugtong na Anak, nang sa gayo'y matiyak ang kaligtasan sa landas ng buhay ng ating maliliit na anak. “Naririto ang pag-ibig.” Humanga ka, O langit! at manggilalas ka, O lupa! BB 46.2