Bukal Ng Buhay
Kabanata 31—Ang Sermon sa Bundok
Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 5;6;7.
Bihirang tipunin ni Kristo ang mga alagad Niya nang sila-sila lamang upang tumanggap ng Kaniyang mga salita. Hindi Niya piniling maging tagapakinig Niya yaon lamang nakaaalam ng daan ng buhay. Ang Kaniyang gawain ay maabot ang maraming di-nangakaaalam at nangamamali. Ibinibigay Niya ang Kaniyang mga aral ng katotohanan sa mga pook na maririnig ng mga may nadirimlang pag-iisip. Siya na rin ang Katotohanan, na nakatayong may bigkis ang baywang at nakaunat na lagi ang mga kamay upang magpala, at sa mga salita ng pag-bababala, pamamanhik, at pagpapalakas-loob, ay sinisikap Niyang maiangat ang lahat na may ibig lumapit sa Kaniya. BB 409.1
Ang Sermon sa Bundok, bagama't tanging iniukol sa mga alagad, ay binigkas na naririnig ng maraming tao. Pagkatapos maitalaga (maordinahan) ang mga apostol, ay sumama si Jesus sa kanila sa tabi ng dagat. Dito umagang-umaga pa lamang ay nagpasimula nang magkatipon ang mga tao. Bukod sa karaniwang mga pulutong na buhat sa mga bayan ng Galilea, ay may mga tao pang nanggagaling sa Judea, at may mula pa sa Jerusalem; may buhat sa Perea, sa Deeapolis, sa Idumea, hanggang sa malayong timog ng Judea; at may buhat sa Tiro at Sidon, na mga lungsod ng Fenecia sa baybayin ng Mediteraneo. “Nang mabalitaan nila ang lubhang mga dakilang bagay na Kaniyang ginawa” ay sila'y “nangagsidalo upang magsipakinig sa Kaniya, at upang pagalingin sa kanilang mga sakit: ... lumabas sa Kaniya ang makapangyarihang bisa, at nagpagaling sa kanilang lahat.” Marcos 3:8; Lucas 6:17-19. BB 409.2
Ang makitid na dalampasigan ay hindi nakasapat upang matayuan man lamang ng lahat na may nais makinig sa Kaniya, kaya pinangunahan ni Jesus ang lahat patungo sa tabi ng bundok. Pagsapit Niya sa isang patag na pook na mainam pagtipunan para sa napakalaking kapulungan, Siya'y umupo sa damuhan at gayundin naman ang ginawa ng mga alagad at ng buong karamihan. BB 410.1
Ang lugar ng mga alagad ay laging katabi ni Jesus. Ang mga tao ay laging nagsisiksikan sa Kaniya, gayon ma'y talos ng mga alagad na hindi sila dapat mapalayo sa harapan Niya. Sila'y magkakatabing naupo sa paligid Niya, upang walang mawaglit na isa mang salita sa Kaniyang turo. Mabubuti silang mga tagapakinig, na kinasasabikang maunawaan ang mga katotohanang itatanyag nila sa lahat ng mga lupain at sa lahat ng mga panahon. BB 410.2
Taglay ang pakiramdam na mayroong higit kaysa karaniwang maaaring sabihin ang kanilang Panginoon, sila ngayo'y nagsiksikang mabuti sa paligid Niya. May paniniwala silang madali nang itatayo ang kaharian, at batay sa mga pangyayari noong umaga ay nakatitiyak sila na may gagawing pagpapahiwatig tungkol dito. Isang damdamin ng pag-asam ang naghari din naman sa karamihan, at ang kasabikang nakabadha sa mga mukha nila ay nagpatunay ng matindi nilang pananabik. Habang nangakaupo ang mga tao sa luntiang gulod, na hinihintay ang mga salita ng banal na Guro, ang kanilang mga puso ay nalipos ng mga guniguni tungkol sa hinaharap na kaluwalhatian. Naroon ang mga eskriba at mga Pariseo na nagsisiasang darating ang araw na sila naman ang makasasakop sa kinamumuhian nilang mga Romano, at sila ang magmamay-ari ng mga kayamanan at kaluwal-hatian ng dakilang imperyong pansanlibutan. Ang maralita namang mga magbubukid at mga mangingisda ay nagsiasang makakarinig ng mga salitang tumitiyak na ang mga dampa nilang tahanan, ang pagdarahop sa pagkain, hirap ng paggawa, at pag-aalaala sa pangangailangan sa buhay, ay mahahalinhan ng mga mansiyon ng kasaganaan at ng mga araw ng kaginhawahan. Inasahan nilang kahalili ng isang magaspang na damit na panakip nila kung araw, at ng blangket kung gabi, ay ibibigay ni Kristo sa kanila ang mga mamahalin at maiinam na kasuutan ng mga lumupig sa kanila. Nag-umapaw sa puso ng lahat ang palalong pag-asa na sandali na lamang at ang Israel ay pararangalan sa harap ng mga bansa bilang siyang pinili ng Panginoon, at ang Jerusalem ay matatanghal bilang pangulo ng isang kahariang pansanlibutan. BB 410.3
Binigo ni Kristo ang pag-asa na maging dakila sa sanlibutan. Sa Sermon sa Bundok ay sinira Niya ang gawaing ginawa ng maling pagtuturo, at ibinigay Niya sa mga nakikinig ang tumpak na pagkakilala sa Kaniyang kaharian at sa Kaniyang sariling likas. Gayunma'y hindi Siya gumawa ng tuwirang pagtuligsa sa mga pagkakamali ng mga tao. Nakita Niya ang kaawa-awang kalagayan ng sanlibutan dahil sa kasalanan, gayunma'y hindi Niya iniharap sa kanila ang malinaw na kaanyuan ng kanilang kaabaan. Itinuro Niya sa kanila ang lalo pang mabuti kaysa nalalaman nila. Hindi na Niya sinalungat ang mga paniniwala nila tungkol sa kaharian ng Diyos, kundi isinaysay Niya sa kanila ang mga kondisyon ng pagpasok doon, at ipinaubaya na sa kanila ang pagbibigay ng sarili nilang kapasiyahan tungkol sa kung ano ang uri nito. Ang mga katotohanang itinuro Niya ay mahalaga sa atin gaya ng pagiging-mahalaga rin nito sa karamihang nagsisunod sa Kaniya. Tayo at sila ay ka- ilangang mag-aral ng mga simulaing pinagbabatayan ng kaharian ng Diyos. BB 411.1
Ang pambungad na pangungusap ni Kristo sa mga tao doon sa bundok ay mga salita ng pagpapala. Mapapalad sila, wika Niya, na kumikilala sa kanilang karalitaang espirituwal, at nakadarama ng pangangailangan nila ng katubusan. Ang ebanghelyo ay dapat ipangaral sa mga dukha. Hindi ito inihahayag sa mga mayabang ang diwa, sa mga nagbabansag na mayaman at di-nangangailangan ng anuman, kundi sa mga mapagpakumbaba at may bagbag na loob. Isang bukal lamang ang nabuksan para sa kasalanan, ang bukal para sa mapagpakumbabang-loob. BB 413.1
Ang mapagmataas na puso ay nagsisikap na gumawa upang matamo ang kaligtasan; subali't ang ating titulo sa langit at ang ating pagiging-naaangkop doon ay kapwa matatagpuan sa katwiran o kabanalan ni Kristo. Ang Panginoon ay walang magagawang anuman sa ikahaha-ngo ng tao, maliban na kung mapagkilala niya ang sarili niyang kahinaan, at mahubad ang lahat niyang pagma-mataas, ay isuko niya ang kaniyang sarili sa pangangasiwa o kontrol ng Diyos. Kung magkagayo'y matatanggap niya ang kaloob na handang ibigay ng Diyos sa kaniya. Sa kaluluwang nakadarama ng kaniyang pangangailangan, ay walang inililingid. Malayang-malaya siyang makalalapit sa Kaniya na tinatahanan ng buong kapuspusan. “Sapagka't ganito ang sabi ng Mataas at Matayog na tuma-tahan sa walang-hanggan, na ang pangalan ay Banal; Ako'y tumatahan sa mataas at banal na dako, na kasama rin niya na may pagsisisi at pagpapakumbabang-loob, upang bumuhay ng loob ng nagpapakumbaba, at upang bumuhay ng puso ng nagsisisi.” Isaias 57:15. BB 413.2
“Mapapalad ang nangahahapis: sapagka't sila'y aaliwin.” Sa mga salitang ito ay hindi itinuturo ni Kristo na ang pagkahapis ay may kapangyarihang mag-alis ng pagiging-sala ng kasalanan. Hindi Niya sinasang-ayunan ang pagkukunwari o sinasadyang pagpapakumbaba. Ang pagkahapis na Kaniyang sinasabi ay hindi binubuo ng pagkalumbay at pananaghoy. Bagaman tayo'y nalulungkot nang dahil sa kasalanan, ay dapat naman tayong magalak sa mahalagang karapatan ng pagiging mga anak ng Diyos. BB 413.3
Madalas na tayo'y nalulungkot dahil sa ang masasama nating gawa ay nagdudulot sa atin ng di-maiinam na bunga; subali't hindi ito pagsisisi. Ang tunay na pagkalungkot dahil sa kasalanan ay bunga ng paggawa ng Banal na Espiritu. Inihahayag ng Espiritu ang pusong walang-utang-na-loob na nagwalang-halaga at pumighati sa Tagapagligtas, at idinudulog tayong may pagsisisi sa paanan ng krus. Sa bawa't paggawa ng kasalanan ay nasusugatang panibago si Jesus; at sa pagtingin natin sa Kaniya na ating inulos, ay nahahapis tayo dahil sa mga kasalanang ipinaghihirap ng Kaniyang loob. Ang ganyang pagkahapis ay aakay sa atin sa pagtatakwil ng kasalanan. BB 414.1
Maaaring ituring ng isang makasanlibutan na ang ganitong pagkalungkot ay isang kahinaan; nguni't ang kalakasan ang bumibigkis sa nagsisisi at sa Isang Walanghanggan sa pamamagitan ng mga kawing na hindi malalagot. Ipinakikilala nito na isinasauli ng mga anghel ng Diyos ang mga biyayang nawala sa kaluluwa dahil sa katigasan ng puso at pagsalansang. Ang mga luha ng nagsisisi ay mga patak lamang ng ulan na nagpapauna sa sikat ng araw ng kabanalan. Ibinabalita ng kalungkutang ito ang isang katuwaang magiging isang buhay na bukal sa kaluluwa. “Kilalanin mo lamang ang iyong kasamaan, na ikaw ay sumalansang sa Panginoon mong Diyos;” “at hindi Ako titinging may galit sa iyo: sapagka't Ako'y maawain, sabi ng Panginoon.” Jeremias 3:13, 12. “Sa kanila na nagsisitangis sa Siyon,” ay itinakda Niyang “bigyan sila ng putong na bulaklak na kahalili ng mga abo, ng langis ng kagalakan na kahalili ng pagtangis, ng damit ng kapurihan na kahalili ng kabigatan ng loob.” Isaias 61:3. BB 414.2
At may kaaliwan din namang nakalaan para sa mga nahahapis dahil sa pagsubok at kalungkutan. Ang pait ng kapighatian at kadustaan ay higit na mabuti kaysa mga pagpapairog sa kasalanan. Sa pamamagitan ng kadalamhatian ay ipinakikita sa atin ng Diyos ang mga dungis ng ating likas, upang sa pamamagitan ng Kaniyang biyaya ay madaig natin ang ating mga pagkakamali. Mga lihim na kahinaan tungkol sa ating mga sarili ay nahahayag sa atin, at dumarating ang pagsubok, upang maalaman kung tatanggapin natin ang pagsaway at payo ng Diyos. Pagka tayo'y dinadalhan ng pagsubok, ay hindi tayo dapat mayamot at magreklamo. Hindi tayo dapat maghimagsik, o kaya'y mag-alaala man na wala tayo sa kamay ni Kristo. Dapat tayong magpakumbaba sa harap ng Diyos. Ang mga daan ng Panginoon ay malabo sa taong naghahangad na ang makita ay yaong mga bagay lamang na nakalulugod sa kaniya. Ang mga ito ay lumilitaw na madilim at walang ligaya sa ganang sarili natin. Nguni't ang mga daan ng Panginoon ay mga daan ng ka-awaan at ang dulo niyaon ay kaligtasan. Hindi alam ni Elias ang ginagawa niya nang sa ilang ay sabihin niyang sawa na siya sa buhay, at idinalangin niyang mamatay na sana siya. Sa awa ng Panginoon ay hindi Nito pinagbigyan ang kaniyang kahilingan. Malaki pa ang gawaing dapat gawin ni Elias; at kung matapos na ang kaniyang gawain, ay hindi siya dapat mamatay sa panlulupaypay at pag-iisa sa ilang. Hindi ukol sa kaniya ang paglusong sa alabok ng kamatayan, kundi ang pag-akyat sa kaluwal-hatian, na inaabayan ng mga karo ng langit, hanggang sa luklukan sa kaitaasan. BB 415.1
Ang salita ng Diyos sa mga nalulungkot ay, “Aking nakita ang kaniyang mga lakad, at pagagalingin Ko siya: Akin ding papatnubayan siya, at bibigyan Ko ng mga kaaliwan siya at ang kaniyang nangananangis.” “Aking gagawing kagalakan ang kanilang pagluluksa (pagkahapis), at Aking aaliwin sila, at Aking pagagalakin sila sa kanilang kapanglawan.” Isaias 57:18; Jeremias 31:13. BB 415.2
“Mapapalad ang maaamo.” Ang mga kahirapang masasagupa natin ay maaaring mabawasan nang napakalaki sa pamamagitan ng kaamuang yaon na natatago kay Kristo. Kung nasa sa atin ang kapakumbabaan ng ating Panginoon, ay mamamaibabaw tayo sa mga pasakit, sa mga paghamak, at sa mga pagkayamot, na araw-araw ay kinalalantaran natin, at hindi ito magpapapanglaw sa ating diwa. Ang pinakamataas na katunayan ng pagiging-marangal ng isang Kristiyano ay ang pagpipigil-sa-sarili. Ang sinumang nawawalan ng kahinahunan at pag-asa kung siya'y pinagmamalabisan o pinagmamalupitan ay ninanakawan ang Diyos ng karapatan Nito na maihayag sa kaniya ang sarili Nitong kasakdalan ng likas. Ang ka-amuan ng loob ay siyang lakas na nagbibigay ng tagum-pay sa mga sumusunod kay Kristo; ito ang tanda ng kanilang pagkakaugnay sa mga korte sa langit. BB 416.1
“Bagaman ang Panginoon ay mataas, gayunma'y gumagalang din sa mababa.” Awit 138:6. Ang mga nagpa-pakita ng kaamuan at kababaang-loob ni Kristo ay mi-namahal ng Diyos. Maaaring sila'y tingnang may paglibak ng sanlibutan, subali't malaki ang halaga nila sa paningin Niya. Hindi lamang ang marurunong, ang mga dakila, ang mga mapagkawanggawa, ang makapagtatamo ng pasaporte patungo sa langit; at hindi lamang ang masipag na manggagawa, na puno ng sigla at walang-puknat sa paggawa. Hindi nga; kundi pati ang mapagpakumba-bang-loob, na nasasabik sa pakikisama ni Kristo, ang mapagpakumbabang puso, na ang pinakamataas na mithiin ay ang ganapin ang kalooban ng Diyos—ang mga ito man ay maluwag na makapapasok. Sila'y mapapabilang doon sa mga naglinis ng kanilang mga damit at pina-puti sa dugo ng Kordero. “Kaya't sila'y nasa harapan ng luklukan ng Diyos, at nangaglilingkod sa Kaniya araw at gabi sa Kaniyang templo: at Siyang nakaupo sa luklukan ay lulukuban sila ng Kaniyang tabernakulo.” Apocalipsis 7:15. BB 416.2
“Mapapalad ang nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran.” Ang pagkadama ng di-pagiging-karapat-dapat ay aakay sa puso ng tao na magutom at mauhaw sa katuwiran, at ang ganitong hangarin ay hindi mabibigo. Ang mga nagbibigay ng puwang kay Jesus sa kanilang mga puso ay makadarama ng Kaniyang pag-ibig. Lahat ng sabik magkaroon ng likas na tulad ng sa Diyos ay pagka-kalooban. Ang kaluluwang umaasa't naghihintay kay Jesus ay di-kailanman pababayaang di-natutulungan ng Banal na Espiritu. Kumukuha Siya ng mga bagay ni Kristo at ipinakikita ang mga ito sa kaniya. Kung ang mata ay laging nakatingin kay Kristo, ang paggawa ng Espiritu ay hindi tumitigil hanggang sa ang kaluluwa ay matulad sa wangis Niya. Ang dalisay na elemento o sangkap ng pag-ibig ay magpapalusog sa kaluluwa, na bibigyan ito ng kakayahan para sa lalong matataas na karunungan, upang lumago ang pagkakilala sa mga bagay ng langit, anupa't hindi ito magpapahinga hanggang sa mapuspos. “Mapapalad ang nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran; sapagka't sila'y bubusugin.” BB 417.1
Ang mga mahabagin ay kahahabagan, at ang mga may malinis na puso ay makakakita sa Diyos. Dumudungis ng kaluluwa ang lahat na maruming isipan, sumisira ng pagkadama ng kaugaliang wagas, at may hilig na pumawi ng mga pagkikintal na ginagawa ng Espiritu Santo. Pinalalabo nito ang paninging ukol sa espiritu, anupa't hindi tuloy makita ng mga tao ang Diyos. Ang Panginoon ay maaaring magpatawad at nagpapatawad nga sa nagsisising makasalanan; subali't kahit na pinatawad, ay nadungisan na ang kaluluwa. Kaya lahat ng maruruming salita o isipan ay marapat layuan ng mga ibig magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa katotohanang espirituwal. BB 417.2
Datapwa't ang mga salita ni Kristo ay hindi lamang nagbibilin ng paglayo sa karumihan ng kahalayan, at ng paglayo sa karumihang ukol sa seremonya na buong higpit na nilayuan ng mga Hudyo. Ang kasakiman o pagka-makasarili ang di-magpahintulot sa atin na makita ang Diyos. Ipinalalagay ng may diwang makasarili na ang Diyos ay tulad din niya. Malibang talikdan natin ito, ay hindi natin mauunawaan Siya na pag-ibig. Yaon lamang pusong di-makasarili, na may diwang mapagpakumbaba at mapagtiwala, ang makakakita sa Diyos na “puspos ng kahabagan at mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kabutihan at katotohanan.” Exodo 34:6. BB 418.1
“Mapapalad ang mga mapagpayapa.” Ang kapayapaan ni Kristo ay supling ng katotohanan. Ito ay pakikitugma o pakikiisa sa Diyos. Ang sanlibutan ay kalaban ng kautusan ng Diyos; ang mga makasalanan ay kalaban ng Maylalang sa kanila; at bilang bunga ay nagkakalabanlaban sila sa isa't isa. Nguni't sinasabi ng mang-aawit, “Dakilang kapayapaan ang tinatamo nila na nagsisiibig ng Iyong kautusan: at sila'y walang kadahilanang ikati-tisod.” Awit 119:165. Ang tao'y hindi makalilikha ng kapayapaan. Ang mga panukala ng tao upang maglinis at magtaas ng mga indibiduwal o ng lipunan ay hindi makalilikha ng kapayapaan, dahil sa hindi nakaaabot ang mga ito sa puso. Ang tanging kapangyarihang makalilikha o makapagpapamalagi ng tunay na kapayapaan ay ang biyaya ni Kristo. Pagka ito ang natanim sa puso, ay pa-aalisin nito ang masasamang damdamin at hangarin na lumilikha ng alitan at pagtatalo. “Kahalili ng tinik ay tutubo ang puno ng abeto, at kahalili ng dawag ay tutubo ang arayan;” at ang disyerto o ilang ng buhay “ay magagalak, at mamumulaklak na gaya ng rosa.” Isaias 55:13; 35:1. BB 418.2
Ang mga karamihan ay namangha sa turong ito, na lubhang kaiba sa mga utos at halimbawa ng mga Pariseo. Inakala noon ng mga tao na ang kaligayahan ay nasa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik sa sanlibutang ito, at ang katanyagan at karangalan ng mga tao ay dapat pakanasain. Lubhang nakasisiya ang matawag na “Rabi,” at ang mabunyi bilang marunong at relihiyoso, na ang mga kabutihan at mga kagalingan nila ay inihahayag sa harap ng mga tao. Ito ang itinuturing na putong ng kaligayahan. Nguni't sa harap ng napakalaking karamihang yaon, ay ipinahayag ni Jesus na ang kapakinabangan at karangalang panlupa ay siya lamang matatanggap ng gayong mga tao. Tiyakan Siyang nagsalita, at may kalangkap na kapangyarihang humihila ng paniniwala ang Kaniyang pagsasabi. Natahimik ang mga tao, at sinidlan sila ng takot. May pag-aalinlangang nagkatinginan sila sa isa't isa. Sino kaya sa kanila ang maliligtas kung tunay ang mga turo ng Taong ito? Marami ang naniwalang ang di-pangkaraniwang Gurong ito ay kinakasihan ng Espiritu ng Diyos, at talagang buhat sa Diyos ang Kaniyang mga sinasabi. BB 418.3
Matapos ipaliwanag ni Jesus kung ano ang mga bumubuo sa tunay na kaligayahan, at kung paano iyon mata-tamo, ay lalong tiyakang dinaliri Niya ang tungkulin ng Kaniyang mga alagad, bilang mga gurong pinili ng Diyos na dapat umakay sa mga iba sa landas ng katuwiran at buhay na walang-hanggan. Talastas Niyang sila'y madalas na magbabata ng pagkabigo at panlulupaypay, na sila'y mapapaharap sa pangatawanang pagsalansang ng mga kaaway, na sila'y hahamakin, at ang pagpapatotoo nila ay tatanggihan. Lubos Niyang nababatid na sa pagtupad ng kanilang misyon, ang mababait na taong ito na mata-mang nakinig sa Kaniyang mga pangungusap ay magba-bata ng kadustaan, pahirap, pagkabilanggo, at kamatayan, kaya patuloy Niyang idinugtong: BB 419.1
“Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katwiran: sapagka't kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad kayo, pagka kayo'y inaalimura, at kayo'y pinag-uusig, at kayo'y pinagwiwikaan ng sari-saring masama na pawang kasinungalingan, dahil sa Akin. Mangagalak kayo, at mangagsayang totoo: sapagka't malaki ang ganti sa inyo sa langit: sapagka't gayundin ang pagkausig nila sa mga propeta na nangauna sa inyo.” BB 419.2
Iniibig ng sanlibutan ang kasalanan, at kinapopootan ang katuwiran, at ito ang dahilan ng paglaban nito kay Jesus. Masusumpungan ng lahat na tumatanggi sa Kaniyang walang-hanggang pag-ibig na ang Kristiyanismo ay isang bagay na babagabag sa kanila. Pinawi ng liwanag ni Kristo ang kadilimang tumatakip sa kanilang mga kasalanan, at nakikita ang pangangailangan ng pagbabago. Samantalang iyong mga nagpapasakop sa impluwensiya ng Espiritu Santo ay nagpapasimulang makipagbaka sa kanilang mga sarili, yaon namang mga nangu-ngunyapit sa kanilang kasalanan ay nakikipagbaka laban sa katotohanan at sa mga kinatawan nito. BB 420.1
Sa ganitong paraan nalilikha ang alitan, at ang mga sumusunod kay Kristo ay pinagbibintangang mga mam-babagabag ng mga tao. Nguni't ang pakikisama nila sa Diyos ang naghahatid sa kanila sa pakikipag-alit ng sanlibutan. Dinadala nila ang kadustaan ni Kristo. Tinata-lunton nila ang landas na tinalunton ng pinakamarangal sa lupa. Dapat nilang harapin ang pag-uusig, hindi sa pamamagitan ng kalungkutan, kundi sa pamamagitan ng kagalakan. Bawa't maapoy na pagsubok ay kasangkapan ng Diyos sa ikadadalisay nila. Iniaangkop sila nito sa kanilang gawain bilang mga kamanggagawa Niya. Bawa't pakikipagtunggali ay may kaniyang lugar sa malaking pakikipagbakang ukol sa katuwiran, at bawa't isa nito ay magdaragdag ng katuwaan sa kanilang pagtatagumpay sa wakas. Sa pagkakaroon ng ganitong isipan, ay hindi nila katatakutan at iiwasan ang pagsubok sa kanilang pananampalataya at pagtitiis, kundi bagkus masaya nila itong tatanggapin. Sabik na magampanan ang kanilang tungkulin sa sanlibutan, na ipinauubaya ang kanilang hangarin sa kalooban at pagsang-ayon ng Diyos, tutuparin nga ng Kaniyang mga lingkod ang bawa't tungkulin, na di-aalalahanin ang takot o pagsang-ayon ng mga tao. BB 420.2
“Kayo ang asin ng lupa,” wika ni Jesus, Huwag ninyong ilayo ang inyong sarili sa sanlibutan upang matakasan ang pag-uusig. Dapat kayong tumahang kasama ng mga tao, upang ang samyo ng pag-ibig ng Diyos ay maging gaya ng asin na magliligtas sa sanlibutan sa pagsama. BB 421.1
Ang mga pusong tumutugon sa impluwensiya ng Banal na Espiritu ay siyang mga daluyang dinaraanan ng pagpapala ng Diyos. Kung maaalis sa lupa ang mga taong naglilingkod sa Diyos, at babawiin ng Diyos ang Kaniyang Espiritu sa gitna ng mga tao, ang sanlibutang ito ay mauuwi sa kasiraan at kagibaan, na ito ang siyang bunga ng pamamahala ni Satanas. Bagaman hindi nala-laman ng mga masasama, utang nila ang mga pagpapalang tinatanggap nila sa buhay na ito sa pagkakaroon, sa sanlibutan, ng bayan ng Diyos na kanilang hinahamak at sinisiil. Subali't kung ang mga Kristiyano ay Kristiyano lamang sa pangalan, ang katulad nila ay asing nawalan ng lasa. Sa kanilang maling pagpapakilala sa Diyos ay higit pa silang masama kaysa mga di-sumasampalataya. BB 421.2
“Kayo ang ilaw ng sanlibutan.” Inisip ng mga Hudyo na ang sarili nilang bansa ay siya na lamang makinabang ng kaligtasan; nguni't ipinakilala sa kanila ni Kristo na ang kaligtasan ay tulad sa sikat ng araw. Ito ay para sa buong sanlibutan. Ang relihiyon ng Biblia ay hindi dapat mapalagay lamang sa pagitan ng mga takip o pabalat ng isang aklat, ni hindi rin sa nasasakupan lamang ng mga pader ng isang kapilya o simbahan. Hindi ito dapat ilabas paminsan-minsan para sa ating sariling kapakina-bangan, at pagkatapos ay maingat na isasaisantabing muli. Dapat itong magpabanal sa buhay araw-araw, dapat itong mahayag sa bawa't transaksiyon sa hanap-buhay, at sa lahat din naman ng ating mga pakikipag-ugnayang panlipunan. BB 421.3
Ang tunay na likas ay hindi tinatabas sa labas, at saka isinusuot; ito ay nagliliwanag buhat sa loob. Kung hangad nating akayin ang mga iba sa landas ng katwiran, dapat na nakadambana na sa sarili nating mga puso ang mga simulain ng katwiran. Ang pagpapanggap natin ng pananampalataya ay maaaring magpahayag ng teorya ng relihiyon, subali't ang ating banal na pamumuhay ang nagtatanghal ng salita ng katotohanan. Ang patuloy na pagtalima, ang banal na pamumuhay, ang di-nababagong pagtatapat, ang masiglang diwa ng kagandahang-loob, ang maka-Diyos na halimbawa—ang mga ito ay siyang kasangkapang sa pamamagitan nito naihahatid ang liwanag sa sanlibutan. BB 422.1
Hindi ipinaliwanag ni Jesus nang isa-isa ang kautusan, nguni't hindi naman Niya tinulutang isipin ng mga nakikinig sa'Kaniya na Siya'y naparito upang isaisantabi ang mga utos na ito. Alam Niyang naroon at nakaabang ang mga tiktik na naghihintay ng bawa't salitang maba-baligtad nila. Alam Niya ang maling-pagkakilalang nag-hahari sa damdaming ng maraming nakikinig sa Kaniya, at wala naman Siyang sinabing anumang bagay na mag-papabuway ng kanilang pananampalataya sa relihiyon at mga institusyong ipinagkatiwala sa kanila sa pamamagi-tan ni Moises. Si Kristo na rin ang nagbigay ng kautusang moral at seremonyal. Hindi Siya naparito upang sirain ang pagtitiwala sa sarili Niyang turo. Dahil sa malaki Niyang paggalang sa kautusan at sa mga propeta kaya sinikap Niyang lansagin o igupo ang pader ng mga sa-li't saling sabi na nakabakod sa mga Hudyo. Nguni't bagaman niwalan Niyang kabuluhan ang mali nilang mga paliwanag tungkol sa kautusan, mahigpit naman Niyang pinapag-ingat ang Kaniyang mga alagad laban sa pagtalikod sa mahahalagang katotohanang ipinagkatiwala sa mga Hebreo. BB 422.2
Ipinagmamalaki ng mga Pariseo ang kanilang pagkamasunurin sa kautusan; gayunma'y lubhang kakaunti ang nalalaman nila sa mga simulain nito na isinasakabuhayan nila sa araw-araw na anupa't sa ganang kanila ang mga salita ng Tagapagligtas ay para bagang erehiya. Nang alisin Niya ang mga yagit at dumi na nakatabon sa katotohanan, ang akala nila'y inalis na rin Niya ang mismong katotohanan. Nangagbulung-bulungan sila sa isa't isa na anila'y niwawalan Niya ng kabuluhan ang kautu-san. Nabasa Niya ang kanilang mga iniisip, at Siya'y sumagot sa kanila, na sinasabi— BB 422.3
“Huwag ninyong isiping Ako'y naparito upang sirain ang kautusan, o ang mga propeta: Ako'y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin.” Dito'y pinasisinunga-lingan ni Jesus ang paratang ng mga Pariseo. Ang misyon Niya sa sanlibutan ay ipangsanggalang ang mga banal na inaangkin ng kautusang yaon na ibinibintang sa Kaniya na sinisira Niya. Kung mababago o mapawawalang-bisa ang kautusan ng Diyos, sana'y hindi na nagbata si Kristo ng mga bunga ng ating pagsalansang. Naparito Siya upang ipaliwanag ang kaugnayan ng kautusan sa tao, at upang ipakita kung paano ito masusunod sa pamamagitan ng sarili Niyang pagtalima. BB 423.1
Ibinigay ng Diyos sa atin ang Kaniyang mga banal na utos, sapagka't iniibig Niya ang sangkatauhan. Upang tayo'y maikubli Niya sa mga bunga ng pagsalansang, ay inihahayag Niya ang mga simulain ng katwiran. Ang kautusan ay isang kapahayagan ng isipan ng Diyos; kapag ito'y tinatanggap sa pamamagitan ni Kristo, ito ay nagiging ating isipan. Itinataas tayo nito sa ibabaw ng mga tuksong umaakay sa pagkakasala. Hangad ng Diyos na tayo'y lumigaya, kaya ibinigay Niya sa atin ang mga utos ng kautusan upang sa pagtalima natin sa mga ito ay magkaroon tayo ng kaligayahan. Nang si Jesus ay isilang at mag-awitan ang mga anghel ng— BB 423.2
“Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan,
At sa lupa'y kapayapaan,
Sa mga taong kinalulugdan Niya” (Lukas 2:14), ay itinatanyag nila ang mga simulain ng kautusan na siyang ipinarito Niya upang dakilain at parangalin.
BB 423.3
Nang salitain ng Diyos sa Sinai ang kautusan, ipina-batid Niya sa mga tao ang kabanalan ng Kaniyang likas, upang sa ganito ay makita nila ang sarili nilang pagigingmakasalanan. Ibinigay ang kautusan upang sumbatan ang kanilang kasalanan, at ipakitang kailangan nila ang isang Tagapagligtas. Ito ang gagawin pagka inilapat na ng Espiritu Santo ang mga simulain nito sa kanilang mga puso. Ang gawaing ito ay patuloy pa ring gagawin. Sa buhay ni Kristo ay nililiwanag ang mga simulain ng kautusan; at pagka hinihipo na ng Espiritu ng Diyos ang puso, pagka inihahayag na ng liwanag ni Kristo sa mga tao ang pangangailangan nila ng lumilinis Niyang dugo at ng umaaring-ganap Niyang katwiran, ang kautusan ay siya pa ring kasangkapang naglalapit sa atin kay Kristo, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananam-palataya. “Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagsasauli ng kaluluwa.” Awit 19:7. BB 424.1
“Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa,” wika ni Jesus, “ang isang tuldok o isang kudlit sa anumang paraan ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.” Ang araw na sumisikat sa mga langit, at ang matibay na lupang inyong tina-tahanan, ay mga saksi ng Diyos na ang kautusan Niya ay di-nababago at iiral magpasawalang-hanggan. Manga-wala man ang mga ito, ay mananatili pa rin ang mga utos ng Diyos. “Lubhang magaan pa ang mangawala ang langit at ang lupa, kaysa mahulog ang isang kudlit ng kautusan.” Lukas 16:17. Ang mga paraan ng paghahandog na nagtuturong si Jesus ang Kordero ng Diyos ay mapa-pawi pagkamatay Niya; subali't ang Sampung Utos ng Dekalogo ay di-mababago't di-mapapawi na gaya ng tro-no o luklukan ng Diyos. BB 424.2
Yamang “ang kautusan ng Panginoon ay sakdal,” ang bawa't paglihis dito ay masama. Ang mga sumusuway sa mga utos ng Diyos, at nagtuturo sa mga iba na gumawa ng gayunding pagsuway, ay hinahatulan ni Kristo. Ang buhay-masunurin ng Tagapagligtas ay nagpanatili sa mga inaangkin ng kautusan; pinatunayan nitong kautusan ay masusunod o matatalima ng mga tao, at ipinakita ang kagalingan ng likas na malilikha kung susundin ito. Lahat ng tatalima na gaya ng ginawa Niyang pagtalima ay nagpapahayag na ang kautusan ay “banal, at matwid, at mabuti.” Roma 7:12. Sa kabilang dako, lahat ng sumu-suway sa mga utos ng Diyos ay sumasang-ayon sa pahayag ni Satanas na ang kautusan ay di-matwid, at hindi masusunod. Sa ganitong paraan ay pinangangalawahan nila ang mga daya ng dakilang kaaway, at nagsasaboy ng kalapastanganan sa Diyos. Sila'y mga anak ng diyablo, ang kauna-unahang naghimagsik laban sa kautusan ng Diyos. Kung sila'y papapasukin sa langit ay mababalik na muli ang mga elemento ng pagtatalo at paghihimagsik doon, at muling manganganib ang kapanatagan ng sansinukob. Sinumang kusang nagwawalang-bahala sa kahit isang simulain ng kautusan ay hindi makapapasok sa kaharian ng langit. BB 424.3
Itinuturing ng mga rabi na ang kabanalan nila ay isa nang pasaporte nila patungo sa langit; nguni't sinabi ni Jesus na ito'y di-sapat at di-karapatdapat. Ang mga panlabas na seremonya at ang panteoryang pagkaalam ng katotohanan ay siyang bumubuo ng katwiran o kabanalan ng mga Pariseo. Inaangkin ng mga rabing sila'y banal dahil sa pinagsisikapan nilang ganapin ang kautusan; subali't ang mga gawa nila ay nahihiwalay ang kabanalan sa relihiyon. Bagaman sila'y maiingat sa pagtupad ng sari-saring mga rito at mga seremonya, ang pamumuhay naman nila ay salat sa wagas na kaugalian at hamak. Ang tinatawag nilang katwiran o kabanalan nila ay hindi kailanman makapapasok sa kaharian ng langit. BB 425.1
Ang pinakamalaking pagkakadaya ng isip ng tao no-ong panahon ni Kristo ay ang palagay na ang kabanalan ay ang pagsang-ayon lamang sa katotohanan. Sa buong karanasan ng tao ay napatunayang ang panteoryang pagkaalam ng katotohanan ay di-sapat upang makapagligtas sa kaluluwa. Ito'y hindi nagbibigay ng mga bunga ng ka-banalan. Ang mahigpit na paniniwala sa tinatawag na katotohanang panteolohiya ay madalas na may kasamang pagkamuhi sa tunay na katotohanan na gaya ng nakiki-ta sa kabuhayan. Ang pinakamadidilim na kabanata ng kasaysayan ay puno ng mga tala ng mga krimeng ginawa ng mga panatikong relihiyoso. Ipinamamarali ng mga Pariseo na sila ang mga anak ni Abraham, at ipinagyaya-bang nilang nasa kanila ang mga salita ng Diyos; gayunman ang mga kalamangan nilang ito ay hindi nakapigil sa kanil'a sa pagiging makasarili, mabangis, matakaw sa salapi, at sa lubhang pagpapaimbabaw. Ang akala nila sa kanilang mga sarili ay sila na ang pinakadakilang mga relihiyoso sa sanlibutan, nguni't ang tinatawag nilang pagkamatapat ay humantong sa pagpapako nila sa krus sa Panginoon ng kaluwalhatian. BB 425.2
Nananatili pa rin ngayon ang ganitong panganib. Marami ang nagpapalagay na sila'y mga Kristiyano na, dahil lamang sa sila'y umaayon sa mga simulain o mga doktrina ng relihiyon. Datapwa't hindi nila isinasakabuhayan ang katotohanan. Ito'y hindi nila pinaniniwalaan at hindi rin iniibig, dahil dito'y hindi sila tumatangap ng kapang-yarihan at biyaya na ipinagkakaloob kapag pinababanal ng katotohanan. Maaaring ang mga tao ay magpanggap ng paniniwala sa katotohanan; subali't kung hindi sila nito ginagawang tapat, mabait, matiisin, mapagpahinuhod, at may-diwang-makalangit, ay nagiging sumpa ito sa nag-aangkin nito, at sa pamamagitan ng impluwensiya nila ay nagiging sumpa rin ito sa sanlibutan. BB 426.1
Ang katwiran o kabanalang itinuro ni Kristo ay ang pag-alinsunod ng puso at kabuhayan sa inihayag na kalooban ng Diyos. Ang mga taong makasalanan ay magiging matwid lamang kapag mayroon silang pananampalataya sa Diyos at may buhay na pagkakaugnay sa Kaniya. Kung magkagayon ang tunay na kabanalan ay mag-aangat sa mga isipan at magpaparangal sa kabuhayan. Kung magkagayon ang mga panlabas na anyo ng relihiyon ay umaayon sa panloob na kalinisan ng Kristiyano. Kung magkagayon ang mga seremonyang kinakailangang gawin sa paglilingkod sa Diyos ay hindi mga walang-kabuluhang rito, na tulad ng sa mga mapagpaimbabaw na Pariseo. BB 426.2
Tinalakay ni Jesus ang mga utos nang bukod-bukod, at ipinaliwanag ang lalim at luwang ng mga hinihingi nito. Sa halip na alisin ang isang tuldok ng lakas o bisa nito, ay ipinakilala Niya ang malawak na nasasaklaw ng mga simulain nito, at inilantad ang nakamamatay na pagkakamali ng mga Hudyo sa kanilang panlabas na pagpa-pakita ng pagtalima. Ipinaliwanag Niyang sa pamamagi-tan ng masamang akala o ng tinging may pagnanasa ay nasasalansang ang kautusan. Ang isang nakakasama sa paggawa ng kahit pinakamaliit na kawalang-katarungan ay lumalabag sa kautusan at pinabababa ang sarili niyang kalikasang moral. Ang pagpatay ay nagbibinhi muna sa isip. Ang sinumang nag-aalaga ng poot sa kaniyang puso ay naglalagay ng kaniyang mga paa sa landas ng mama-matay-tao, at ang kaniyang mga paghahandog ay kinasu-suklaman ng Diyos. BB 427.1
Naglinang ang mga Hudyo ng isang diwa ng paghihi-ganti. Sa galit nila sa mga Romano ay nangagbitiw sila ng matitigas na panunuligsa, at binigyang kasiyahan ang diyablo sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga likas nito. Sa ganitong paraan sila nagsasanay sa paggawa ng mga kakila-kilabot na gawang dito sila inaakay nito. Sa relihiyosong kabuhayan ng mga Pariseo ay walang makita ang mga Hentil na anumang gawang mag-uudyok ng kabanalan. Pinagsabihan sila ni Jesus na huwag dayain ang sarili nila sa pag-aakalang hindi masamang sila'y magalit sa mga umaapi sa kanila, at sila'y magkimkim ng paghahangad na maipaghiganti ang mga ginawang masama sa kanila. BB 427.2
Tunay kung sabagay na may pagkagalit na inaaring-matwid, maging sa mga sumusunod kay Kristo. Kung nakikita nilang nilalapastangan ang Diyos, at inaalipusta ang Kaniyang gawain, kung nakikita nilang inaapi ang mga walang-malay o walang-sala, ay bumabangon sa puso ang isang matwid o banal na pagkagalit. Ang ganitong pagkagalit, na isinusupling ng nasasaktang kaugaliang wagas, ay hindi kasalanan. Subali't yaong mga sa kaunting kadahilanan ay nagagalit na agad ay nagbubukas ng puso kay Satanas. Ang kapaitan at pagkagalit ay dapat pawiin sa kaluluwa kung nais nating makaayon ang langit. BB 428.1
Higit pa kaysa rito ang sinabi ng Tagapagligtas. Ang wika Niya'y, “Kung inihahandog mo ang iyong hain sa dambana, at doo'y maalaala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anumang laban sa iyo, iwan mo roon sa harap ng dambana ang hain mo, at yumaon ka ng iyong lakad; makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon ay magbalik ka at ihandog mo ang iyong hain.” Marami ang masisikap sa mga serbisyong relihiyoso, samantalang may nakalulungkot na mga dipagkakaunawaang namamagitan sa kanila at sa kanilang mga kapatid na dapat muna nilang ayusin. Hinihingi sa kanila ng Diyos na gawin nila ang buo nilang makakaya na mapanumbalik ang pagkakasundo. Hanggang hindi nila ginagawa ito, ay hindi Niya matatanggap ang kanilang mga paglilingkod. Malinaw na itinuturo sa bagay na ito ang tungkulin ng Kristiyano. BB 428.2
Ibinubuhos ng Diyos sa lahat ang Kaniyang mga pagpapala. “Pinasisikat Niya ang Kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga ganap at sa mga hindi ganap.” Siya'y “magandang-loob sa mga walang-turing at sa masasama.” Lukas 6:35. Inaatasan Niya tayong tumulad sa Kaniya. “Pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo,” wika ni Jesus; “gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, ... upang kayo'y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit.” Ito ang mga simulain ng kautusan, at siyang mga bukal ng buhay. BB 428.3
Ang hangarin ng Diyos sa Kaniyang mga anak ay mataas pa kaysa pinakamataas na isipang maaabot ng tao. “Kayo nga'y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.” Ang utos na ito ay isa ring pangako. Ang panukala ng pagtubos ay kinapapalooban ng lubos na pagbawi sa atin sa kapangyarihan ni Satanas. Ang taong nagsisisi ay laging inihihiwalay ni Kristo sa kasalanan. Siya'y naparito upang wasakin ang mga gawa ng diyablo, at gumawa Siya ng pagtataan na maibigay ang Banal na Espiritu sa bawa't nagsisising kaluluwa, upang masansala siya sa pagkakasala. BB 429.1
Ang tuksong ginamit ng manunukso ay hindi marapat gawing sapat na dahilan sa paggawa ng isang gawang kamalian. Natutuwa si Satanas pagka ang mga nagsasabing sumusunod kay Kristo ay gumagawa ng mga dahilan sa pagkakaroon nila ng kapintasan ng likas. Ang mga pagdadahilang ito ang nagbubunsod sa gawang pagkakasala. Walang maidadahilan sa pagkakasala. Ang isang banal na damdamin, ng isang kabuhayang tulad ng kay Kristo, ay maaabot ng bawa't nagsisisi at sumasampalatayang anak ng Diyos. BB 429.2
Ang ulirang likas ng Kristiyano ay pagiging-katulad-ni-Kristo. Kung paanong ang Anak ng tao ay sakdal sa Kaniyang kabuhayan, gayundin dapat maging sakdal sa kanilang kabuhayan ang mga sumusunod sa Kaniya. Si Jesus ay ginawang tulad sa Kaniyang mga kapatid sa lahat ng mga bagay. Siya ay naging tao, na gaya natin. Siya'y nagutom at nauhaw at napagod. Siya'y pinalakas ng pagkain at pinasigla ng pagtulog. Nakabahagi Siya sa kapalaran ng tao; gayunman Siya'y walang-dungis na Anak ng Diyos. Siya ay Diyos na nasa laman. Ang Kaniyang likas ay dapat mapasaatin. Tungkol sa mga sumasampalataya sa Kaniya ay ganito ang sinasabi ng Panginoon, “Mananahan Ako sa kanila, at lalakad Ako sa kanila; at Ako'y magiging kanilang Diyos, at sila'y magiging Aking bayan.” 2 Corinto 6:16. BB 429.3
Si Kristo ang hagdang nakita ni Jacob sa panaginip, na ang puno'y nakapatong sa lupa, at kadulu-duluhang bahagi ay umaabot sa pinto ng langit, hanggang sa pintuan ng kaluwalhatian. Kung ang hagdang yaon ay nagkulang ng kahit isang baitang nang pag-abot sa lupa, waglit sana tayo. Nguni't inabot tayo ni Kristo sa kina-lalagyan natin. Ibinihis Niya ang ating likas at nagtagumpay, upang tayo naman sa pamamagitan ng pagbibihis ng Kaniyang likas ay magtagumpay. Ginawang nasa “anyong lamang salarin” (Roma 8:3), Siya'y namuhay ng isang kabuhayang di-nagkasala. Ngayon sa Kaniyang pagka-Diyos ay humahawak Siya sa luklukan ng langit, saman-talang sa Kaniya namang pagiging-tao hinahawakan Niya tayo. Inaatasan Niya tayong sa pamamagitan ng pagsam-palataya sa Kaniya ay ating abutin ang maluwalhating likas ng Diyos. Dahil nga rito ay dapat tayong magpaka-sakdal, na gaya ng ating “Ama sa kalangitan na sakdal.” BB 430.1
Ipinakilala ni Jesus kung ano ang bumubuo sa katwiran o kabanalan, at itinuro Niyang ang Diyos ang pinagmumulan nito. Ngayon ay bumaling Siya sa mga praktikal na tungkulin. Sa paglilimos, sa pananalangin, at sa pag-aayuno, ay sinabi Niyang huwag gumawa ng anumang bagay na makatatawag ng pansin o kaya'y ang sarili ang matatanghal. Magbigay nang taos sa puso, para matulungan ang mga naghihirap na dukha. Sa panana-langin, bayaang makipag-usap ang kaluluwa sa Diyos. Sa pag-aayuno naman, huwag nakatungo ang ulo, na ang puso'y puno ng pagmumuni-muni tungkol sa sarili. Ang puso ng Pariseo ay isang lupang tigang, na doo'y hindi makasisibol at hindi makayayabong ang anumang binhi ng banal na kabuhayan. Yaon lamang lubos na nagpa-pasakop ng kaniyang sarili sa Diyos ang siyang makapag- lilingkod sa Kaniya nang karapat-dapat. Sapagka't sa pamamagitan ng pakikisama sa Diyos ang mga tao ay nagiging mga manggagawang kasama Niya sa pagpapakilala ng Kaniyang likas sa sangkatauhan. BB 430.2
Ang paglilingkod na ginagawa nang taos sa puso ay may dakilang kagantihan. “Ang iyong Ama na nakaka-kita sa lihim ay gagantihan ka.” Ang likas ay nabubuo sa paraan ng pamumuhay na ikinabubuhay natin sa pamamagitan ng biyaya ni Kristo. Ang orihinal na pagi-ging-kaibig-ibig ay nagpapasimulang mabalik sa kaluluwa. Ang mga katangian ng likas ni Kristo ay ibinibigay, at ang larawan ng Diyos ay nagpapasimulang mamanaag. Ang mga mukha ng mga lalaki at mga babaing lumala-kad at gumagawang kasama ng Diyos ay nagbabadha ng kapayapaan ng langit. Sila'y napaliligiran ng impluwen-siya o simoy ng langit. Sa mga kaluluwang ito ay nagsimula na ang kaharian ng Diyos. Nasa kanila ang katuwaan ni Kristo, ang katuwaan ng pagiging isang pag-papala sa sangkatauhan. Nasa kanila ang karangalan na matanggap para magamit ng Panginoon; sila'y pinagkatiwalaang gumawa ng Kaniyang gawain sa Kaniyang pangalan. BB 431.1
“Walang taong makapaglilingkod sa dalawang panginoon.” Hindi natin mapaglilingkuran ang Diyos nang hati ang puso. Ang relihiyon ng Bibliya ay hindi isang impluwensiya sa gitna ng maraming ibang relihiyon; ang impluwensiya nito ay dapat maging kataas-taasan, namamayani at sumusupil sa lahat ng iba. Hindi ito dapat maging isang haplos ng pintura na ipinipinta dito at doon sa mukha ng kambas, kundi dapat itong mamayani o mamaibabaw sa buong buhay, na para bagang ang kambas ay itinubog sa pintura, hanggang sa ang bawa't sinulid o hibla ng tela ay natinaan nang walang-kupas. BB 431.2
“Kung tapat nga ang iyong mata, ang buong katawan mo'y mapupuspos ng liwanag. Datapwa't kung masama ang iyong mata, ang buong katawan mo'y mapupuspos ng kadiliman.” Kalinisan at kawalang-pagbabago sa layunin ang siyang mga kondisyong hinihingi upang makatanggap ng liwanag na mula sa Diyos. Ang naghahangad makakilala ng katotohanan ay dapat maging handa na tanggapin ang lahat ng mga inihahayag nito. Hindi siya maaaring makipagkasundo sa kamalian. Ang pag-uurong-sulong at ang kala-kalahating pagsunod sa katotohanan ay pagpili ng kadiliman ng kamalian at ng kadayaan ni Satanas. BB 431.3
Ang pakikibagay sa sanlibutan at ang di-lumilihis na panununton sa mga simulain ng katuwiran ay hindi nagsasama o hindi naghahalo, na tulad ng mga kulay ng bahaghari. Sa pagitan ng dalawang ito ay isang malinaw at malaking guhit ang inilalagay ng walang-hang-gang Diyos. Ang wangis ni Kristo'y nakatayong namumukod at kaiba kaysa wangis ni Satanas na gaya ng pagkakaiba ng katanghaliang-tapat sa hatinggabi. At yaon lamang namumuhay ng kabuhayan ni Kristo ang siyang mga kamanggagawa Niya. Kung may isang kasalanang iniingat-ingatan sa puso, o may maling gawaing pinama-malagi sa buhay, ang buong kabuhayan ay nahahawahan. Ang tao ay nagiging kasangkapan ng kalikuan. BB 432.1
Lahat ng pumiling maglingkod sa Diyos ay dapat umasa sa Kaniyang pagkalinga. Itinuro ni Kristo ang mga ibong lumilipad sa himpapawid, ang mga bulaklak sa parang, at inatasan Niya ang mga nakikinig sa Kaniya na kanilang wariin at isaalang-alang ang mga nilalang na ito ng Diyos. “Hindi baga lalong higit ang halaga ninyo kaysa kanila?” wika Niya. Mateo 6:26. Ang sukat ng pag-aasikaso ng Diyos sa alinmang bagay ay naaalinsunod sa taas ng kalagayan sa buhay. Ang maliit na maya ay binabantayan ng Diyos. Ang mga bulaklak sa parang, ang mga damong nakalatag sa lupa, ay kapwa kinaka-linga at binabantayan ng ating Amang nasa langit. Ang dakilang Maestrong Pintor ay nag-uukol din ng pansin sa mga liryo, na pinagagandang lubha ang mga ito na anupa't nahihigitan nila ang kaluwalhatian ni Solomon. Gaano pa kaya ang Kaniyang pangangalaga sa tao, na siyang larawan at kaluwalhatian ng Diyos. Hinihintay Niyang makita sa Kaniyang mga anak ang isang likas na katulad ng sa Kaniya. Kung paanong ang sinag ng araw ay nagbibigay sa mga bulaklak ng iba't ibang magagandang kulay, gayundin nagbibigay ang Diyos sa tao ng sarili Niyang magandang likas. BB 432.2
Lahat ng pumipili sa kaharian ng pag-ibig at katwiran at kapayapaan ni Kristo, na inuuna ito nang higit sa lahat ng iba, ay napapaugnay sa sanlibutang nasa itaas, at ang bawa't pagpapalang kailangan sa buhay na ito ay binibigyan ang bawa't isa sa atin ng tig-iisang dahon. Ang dahong iyon ay naglalaman ng bawa't tanging bagay ng ating kasaysayan; pati buhok ng ating ulo ay bilang. Di-kailanman nawawala sa isip ng Diyos ang Kaniyang mga anak. BB 433.1
“Kaya't huwag ninyong ikabalisa ang sa araw ng bukas.” Mateo 6:34. Dapat nating sundan si Kristo araw-araw. Ang tulong na para sa araw ng bukas ay hindi ibinibigay ng Diyos ngayon. Hindi Niya ibinibigay sa Kaniyang mga anak nang minsanan ang lahat ng mga tagubiling kailangan nila sa buong buhay na paglalakbay nila, sapagka't baka sila'y malito. Sinasabi Niya sa kanila yaon lamang kaya nilang tandaan at ganapin. Ang lakas at dunong na ibinibigay ay yaong para sa kasalu-kuyang pangangailangan. “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinuman sa inyo,”—para sa araw na ito—“ay humingi siya sa Diyos, na nagbibigay nang sagana sa lahat, at hindi nanunumbat; at ito'y ibibigay sa kaniya.” Santiago 1:5. BB 433.2
“Huwag kayong magsihatol, upang huwag kayong hatulan.” Huwag ninyong isiping kayo'y higit na mabuti kaysa ibang mga tao, at ilalagay ninyo ang inyong sarili na tagahatol sa kanila. Yamang hindi kayo nakasasalik-sik ng adhikain ng kalooban, wala nga kayong kakayahan upang hatulan ang iba. Sa paghatol ninyo sa kaniya, ay naggagawad din kayo ng hatol sa inyong sarili; sapagka't ipinakikilala ninyo na kayo ay kasabuwat ni Satanas, na tagapagsumbong sa mga kapatid. Sinasabi ng Panginoon, “Siyasatin ninyo ang inyong sarili, kung kayo'y nangasa pananampalataya; subukin ninyo ang in-yong sarili.” Ito ang gawain natin. “Kung ating kilalanin ang ating sarili, ay hindi tayo hahatulan.” 2 Corinto 13: 5; 1 Corinto 11:31. BB 433.3
Ang mabuting punungkahoy ay magbubunga ng mabuti. Kung ang bunga ay walang-lasa at walang-kabuluhan, ang punungkahoy ay masama. Kaya ang ibinubunga din naman ng kabuhayan ay nagpapatotoo sa kalagayan ng puso at sa kagalingan ng likas. Di-kailanman mabibili ng mabubuting gawa ang kaligtasan, kundi ang mga ito ay isang katunayan ng pananampalatayang guma-gawa sa pamamagitan ng pag-ibig at lumilinis ng kalu-luwa. At bagaman ang walang-hanggang gantimpala ay hindi ibinibigay nang dahil sa ating kabutihan, gayun-man ito'y magiging kasukat ng gawaing ginawa sa pamamagitan ng biyaya ni Kristo. BB 434.1
Sa ganitong paraan ipinakikilala ni Kristo ang mga si mulain ng Kaniyang kaharian, at itinuturo Niyang ito ang dakilang tuntunin ng buhay. Upang maikintal ang aral ay nagdagdag Siya ng isang halimbawa. Hindi sapat, wika Niya, sa inyo na marinig ang Aking mga salita. Sa pamamagitan ng pagtalima ay dapat ninyong gawin ang mga ito na saligan ng inyong likas. Ang sarili ay tulad sa magalaw na buhangin. Kung magtatayo kayo sa iba-baw ng mga pala-palagay at mga katha-katha ng mga tao, ay babagsak ang inyong bahay. Tatangayin ito ng mga hangin ng tukso, at ng mga bagyo ng pagsubok. Nguni't ang mga simulaing ito na Aking ibinibigay ay mananatili. Tanggapin ninyo Ako; magtayo kayo sa ibabaw ng Aking mga salita. BB 434.2
“Kaya't ang bawa't dumirinig ng Aking mga salitang ito, at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato: at lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at hindi nabagsak; sapagka't natatayo sa ibabaw ng bato.” Mateo 7:24, 25. BB 434.3