Bukal Ng Buhay

31/89

Kabanata 30—Naghalal Siya ng Labindalawa

Ang kabanatang ito ay batay sa Marcos 3:13-19; Lukas 6:12-16.

“At siya'y umahon sa bundok, at tinawag Niya ang balang Kaniyang maibigan: at nagsilapit sila sa Kaniya. At naghalal (nagtalaga) Siya ng labindalawa, upang sila'y makisama sa Kaniya, at upang sila'y suguin Niyang magsipangaral.” BB 397.1

Sa lilim ng mayayabong na punungkahoy sa tabi ng bundok, nguni't malayu-layo nang kaunti sa Dagat ng Galilea, ay doon tinawag upang maging mga apostol ang Labindalawa, at doon binigkas ang Sermon sa Bundok. Mga bukid at mga gulod ang malimit dayuhin ni Jesus, at ang marami sa Kaniyang mga pagtuturo ay ginawa sa silong ng maaliwalas at bukas na langit, sa halip na sa templo o mga sinagoga. Walang sinagogang makapag-lalaman ng mga karamihang nagsisunod sa Kaniya; nguni't hindi ito lamang ang dahilan kaya Niya piniling magturo o mangaral sa kabukiran at kakahuyan. Mahilig si Jesus sa mga tanawin ng katalagahan. Sa Kaniya ang bawa't tahimik na pook ay isang banal na templo. BB 397.2

Lilim ng mga punungkahoy sa Eden ang piniling santuwaryo ng mga unang tao sa lupa. Doo'y nakipag-usap si Kristo sa ama ng sangkatauhan. At nang palayasin na sa Paraiso, ang ating unang mga magulang ay sa mga kabukiran at mga kakahuyan pa rin nagsisamba, at doon ay nakipagtagpo si Kristo sa kanila taglay ang ebanghelyo ng Kaniyang biyaya. Si Kristo ang nakipag-usap kay Abraham sa ilalim ng mga punong ensina sa Mamre; kay Isaae nang ito'y lumabas upang manalangin sa bukid nang nagdadapithapon; kay Jacob sa gilid ng burol sa Bethel; kay Moises sa gitna ng mga bundok ng Midian; at sa batang si David nang binabantayan nito ang kaniyang mga tupa. Dahil sa pagsunod sa tagubilin ni Kristo kaya ang bansang Hebreo sa loob ng sanlibo't limangdaang taon ay umaalis ng kanilang mga tahanan nang sanlinggo taun-taon, at tumatahan sa mga garita na binubuo ng mga luntiang sanga “ng magagandang punungkahoy, ng mga sanga ng mga punong palma, at ng mga sanga ng mayayabong na punungkahoy, at ng mga sause ng batis.” Levitico 23:40. BB 397.3

Sa pagtuturo ni Jesus sa Kaniyang mga alagad, ay pinili Niya ang tahimik na mga bukid at mga burol sa labas ng magulong siyudad, bagay na lalong natutugma sa mga aral ng pagpipigil at pagkakait sa sarili na hangad Niyang ituro sa kanila. At sa panahon ng Kaniyang ministeryo ay naiibigan Niyang tipunin ang mga tao sa palibot Niya sa silong ng bughaw na langit, sa madamong gilid ng burol, o kaya'y sa tabi ng dagat. Dito, sa palibot ng mga gawang sarili Niyang likha, ay naiba-baling Niya ang isip ng mga nakikinig sa Kaniya sa mga bagay na katutubo at nailalayo sa mga bagay na artipisyal. Sa pagtubo at paglaki ng kalikasan ay nahahayag ang mga simulain ng Kaniyang kaharian. Kapag itina-naw ng mga tao ang kanilang mga mata sa mga burol na gawa ng Diyos, at namasdan ang mga kahanga-hangang gawa ng Kaniyang mga kamay, ay maaari silang matuto ng mahahalagang aral ng banal na katotohanan. Ang mga aral ni Kristo ay uulitin sa kanila ng mga bagay ng katalagahan. Ganyan din ang mangyayari sa mga taong nagtutungo sa mga kabukiran na taglay si Kristo sa kanilang mga puso. Madarama nilang sila'y napapaligiran ng isang banal na impluwensiya. Ang mga talinhaga ng ating Panginoon ay napapasa mga bagay ng katalagahan, at inuulit ang Kaniyang mga payo. Sa pamamagitan ng pa-kikipag-usap sa Diyos sa gitna ng katalagahan, ay naa-angat ang isip, at nakakasumpong ng kapahingahan ang puso. BB 398.1

Gagawin ngayon ang unang hakbang sa pag-aayos ng iglesya na magiging kinatawan ni Kristo pag-alis Niya sa lupa. Wala silang magamit na magandang santuwaryo, kaya dinala ng Tagapagligtas ang Kaniyang mga alagad sa pinakamahal Niyang panalanginan, at sa kanilang mga isipan ang mga banal na karanasan nang araw na yaon ay magpakailanmang napaugnay sa kagandahan ng bundok at ng kapatagan at ng karagatan. BB 399.1

Tinawag ni Jesus ang Kaniyang mga alagad upang maisugo Niya sila bilang mga saksi Niya, upang ipahayag sa sanlibutan ang mga nakita at narinig nila sa Kaniya. Ang kanilang tungkulin ay siyang pinakamataas at pina-kamahalaga sa lahat ng mga naibigay na sa mga tao, at pangalawa lamang kay Kristo. Sila'y dapat maging mga manggagawang kasama ng Diyos sa pagliligtas ng sanlibutan. Kung paanong sa panahon ng Matandang Tipan ay tumatayong mga kinatawan ng Israel ang labindalawang patriarka, gayundin naman ang labindalawang apostol ay dapat tumayong mga kinatawan ng iglesya ng ebanghelyo. BB 399.2

Kilala ng Tagapagligtas ang likas ng mga taong pinili Niya; lahat nilang mga kahinaan at mga kamalian ay hayag sa Kaniyang paningin; talastas Niya ang mga panganib na kanilang daraanan, at ang kapanagutang mabababaw sa kanila; at kinasasabikan ng Kaniyang puso ang mga hinirang Niyang ito. Mag-isang ginugol Niya ang magdamag sa pananalangin para sa kanila doon sa bundok na malapit sa Dagat ng Galilea, habang sila nama'y nangatutulog sa paanan ng bundok. Sa unang silahis ng pagbubukang-liwayway ay tinawag na Niya sila upang makipagtagpo sa Kaniya; sapagka't mayroon Siyang mahalagang bagay na ipatatalastas sa kanila. BB 399.3

May ilang panahon ding nakasama ni Jesus sa pag-gawa ang mga alagad na ito. Si Juan at si Santiago, si Andres at si Pedro, pati si Felipe, si Natanael, at si Mateo, ay naging lalong malapit na kaugnay Niya kaysa iba, at nakasaksi ng marami Niyang mga kababalaghan. Si Pedro, si Santiago, at si Juan ay mga lalo pa manding malapit sa Kaniya. Sila'y halos laging kasama Niya, na nakasasaksi ng Kaniyang mga kababalaghan, at nakari-rinig ng Kaniyang mga salita. Nguni't lalong napakatalik ang pagkakalapit ni Juan kay Jesus, na anupa't ito'y nakilala bilang siyang iniibig ni Jesus. Silang lahat ay ini-ibig ng Tagapagligtas, subali't si Juan ay may diwang madaling tumugon. Bata ito kaysa iba, at taglay ang pag-titiwala ng bata na binuksan nito ang puso kay Jesus. Kaya ito'y lalong napamahal kay Kristo, at sa pama-magitan nito ang pinakamalalim na turong espirituwal ng Tagapagligtas ay naipatalastas sa Kaniyang bayan. BB 400.1

Sa unahan ng isa sa mga pulutong na sa mga iyon nagkahati-hati ang mga apostol ay nakalagay ang pangalan ni Felipe. Siya ang unang alagad na pinag-ukulan ni Jesus ng malinaw na utos na, “Sumunod ka sa Akin.” Si Felipe ay taga-Bethsaida, kababayan ni Andres at ni Pedro. Nakapakinig siya ng pangangaral ni Juan Bautista, at napakinggan niya ang ipinahayag niyon na si Kristo ay siyang Kordero ng Diyos. Si Felipe ay tunay na naghahanap ng katotohanan, nguni't makupad siya sa paniniwala. Bagama't nakisama na siya kay Kristo, gayunman ang ipinahayag niya kay Natanael tungkol kay Jesus ay nagpapakilalang hindi pa rin siya lubusang naniniwala sa pagka-Diyos Nito. Bagama't si Kristo ay itinanyag ng tinig na buhat sa langit na siyang Anak ng Diyos, kay Felipe Siya ay “si Jesus na taga-Nazareth, ang anak ni Jose.” Juan 1:45. Muli pa, nang pakanin ang limang libo, ay nahayag ang kakulangan ng pananam-palataya ni Felipe. Upang siya ay subukin kaya si Jesus ay nagtanong, “Saan tayo bibili ng tinapay, upang mangakakain ang mga ito?” Ang sagot ni Felipe ay nasa panig ng di-nananampalataya: “Hindi magkakasiya sa kanila ang dalawandaang denaryong tinapay, upang makakain nang kaunti ang bawa't isa.” Juan 6:5, 7. Nalungkot si Jesus. Bagama't nakita na ni Felipe ang Kaniyang mga gawa at naramdaman ang Kaniyang kapangyarihan, gayunma'y wala pa rin itong pananampalataya. Nang magtanong kay Felipe ang mga Griyego tungkol kay Jesus, hindi nito sinamantala ang pagkakataon na ma-ipakilala sa mga ito ang Tagapagligtas, kundi tinawag pa nito si Andres. At muli pa, nang sumapit ang mga huling oras bago mabayubay sa krus si Jesus, ang mga salita ni Felipe ay nakapagpahina ng pananampalataya. Nang sabihin ni Tomas kay Jesus, “Panginoon, hindi namin nalalaman kung saan Ka paroroon; at paano ngang malalaman namin ang daan?” ay sumagot ang Tagapagligtas, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. ... Kung Ako'y nangakilala ninyo, ay mangakikilala ninyo ang Aking Ama.” Sa mga labi naman ni Felipe ay namulas ang sagot ng di-nananampalataya: “Panginoon, ipakita Mo sa amin ang Ama, at sukat na ito sa amin.” Juan 14:5-8. Napakakupad ng puso, napakahina ng pana-nampalataya, ay ang alagad na iyan na sa loob ng tatlong taon ay nakasama ni Jesus. BB 400.2

Katuwas ng di-paniniwala ni Felipe ay ang tulad-sa-batang pagtitiwala naman ni Natanael. Siya'y isang taong may masugid na likas, isa na ang pananampalataya ay nanghawak sa di-nakikitang mga katotohanan. Gayunman si Felipe ay nag-aral sa paaralan ni Kristo, at matiyagang pinagtiisan ng Gurong Diyos ang kaniyang di-paniniwala at ang kaniyang kapurulan. Nang ibuhos sa mga alagad ang Espiritu Santo, si Felipe ay naging isang gurong pinili ng Diyos. Alam niyang tunay na kaniyang sinasalita, at nagturo siyang taglay ang katiyakan na anupa't nag-sipaniwala ang mga nangakikinig. BB 401.1

Samantalang inihahanda ni Jesus ang mga alagad para sa ordinasyon o pagtatalaga sa kanila, ay may isang hindi naman tinawag na kusang lumapit sa kanila. Ito ay si Judas Iseariote, isang lalaking nagpapanggap na isang tagasunod ni Kristo. Siya'y lumapit ngayon, at hiniling na siya'y ibilang sa pulutong na ito ng mga alagad. Nasa kaniyang anyo ang wari'y malaking kasugiran at kata-patan nang kaniyang sabihing, “Guro, susunod ako sa Iyo saan Ka man pumaroon.” Hindi siya tinanggihan ni tinanggap man ni Jesus, kundi pinamutawi lamang ang malungkot na pananalitang: “May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapwa't ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang Kaniyang ulo.” Mateo 8:19, 20. Naniwala si Judas na si Jesus ay si-yang Mesiyas; at siya'y umasang kung makakabilang siyang isa sa mga apostol, ay makapagtatamo siya ng mataas na tungkulin sa bagong kaharian. Ang ganitong pag-asa ay sinadyang sirain ni Jesus sa pamamagitan ng pag-sasabi Niya ng tungkol sa Kaniyang karalitaan. BB 402.1

Sabik naman ang mga alagad na si Judas ay mapabilang sa kanila. Siya ay may magandang tindig, isang lalaking may matalas na kaisipan at may kakayahang makapangasiwa, at pinuri nila siya sa harap ni Jesus at sinabing makatutulong siya nang malaki sa Kaniyang gawain. Nangagtaka sila nang siya'y pag-ukulan ni Jesus ng malamig na pagtanggap. BB 402.2

Labis na ikinabigo ng mga alagad ang hindi pagsisikap ni Jesus na hingin ang pakikipagtulungan ng mga lider sa Israel. Sa pakiramdam nila ay isang pagkakamali ang hindi paghingi ng tulong sa mga maimpluwensiyang taong ito upang mapatatag ang Kaniyang gawain. Kung tinanggihan Niya si Judas, sa isip nila'y pinag-alinlanga-nan na sana nila ang karunungan ng kanilang Panginoon. Ang naging kasaysayan ng buhay ni Judas ay magpapakilala sa kanila na mapanganib na pahintulutang maging matimbang ang makasanlibutang pagsasaalang-alang sa pagpapasiya sa kaangkupan ng mga tao para sa gawain ng Diyos. Ang pakikipagtulungan ng mga ganitong tao gaya ng kinasabikang matamo ng mga alagad ay nagsapanganib sana sa gawain sapagka't napasakamay sana ito ng mga tampalasang kaaway. BB 402.3

Gayunma'y nang mapasama na si Judas sa mga ala-gad, ay nakita niya ang kagandahan ng likas ni Kristo. Naramdaman niya ang impluwensiya ng banal na kapang-yarihang yaon na nagpapalapit ng mga kaluluwa sa Tagapagligtas. Siya na naparito hindi upang baliin ang gapok na tambo ni upang patayin man ang timsim na umu-usok, ay hindi magtataboy sa kaluluwang ito habang may kaisa-isa pang nagnanais tumanggap ng liwanag. Nabasa ng Tagapagligtas ang puso ni Judas; alam Niya ang balon ng kasamaang kalulubugan nito, malibang hanguin o iligtas ng biyaya ng Diyos. Nang mapaugnay na ang taong ito sa Kaniya, ay inilagay Niya ito sa lugar na doon, araw-araw, ay makikita at madarama nito ang daloy ng Kaniyang sariling di-sakim na pag-ibig. Kung ito lamang ay magbubukas ng puso nito kay Kristo, ay palalayasin ng biyaya ng Diyos ang demonyo ng kasakiman, at kahit na ang isang Judas ay maaaring maging isang nasasaku-pan ng kaharian ng Diyos. BB 403.1

Tinatanggap ng Diyos ang mga tao sa pagiging sila, na may mga kahinaan ng tao sa kanilang likas, at sila'y tinuturuan at sinasanay para sa Kaniyang gawain, kung sila lamang ay padidisiplina at mag-aaral sa Kaniya. Hindi sila pinipili nang dahil sa sila'y mga sakdal, kundi kahit na sila'y may mga kapintasan o mga pagkukulang, upang sa pamamagitan ng pagkakilala at pagtalima sa katotohanan, sa pamamagitan ng biyaya ni Kristo, ay mabago sila ayon sa Kaniyang larawan. BB 403.2

Nagkaroon si Judas ng mga pagkakataong siya ring napasa ibang mga alagad. Napakinggan niya ang mahahalagang aral na siya ring napakinggan nila. Subali't ang hinihingi ni Kristong pagtalima sa katotohanan, ay kala-bang-kalaban ng mga hangarin at mga panukala ni Judas, at ayaw niyang isuko ang kaniyang mga kuro-kuro upang matanggap ang karunungang buhat sa langit. BB 403.3

Napakagiliw na pinakitunguhan ng Tagapagligtas itong magkakanulo sa Kaniya! Sa Kaniyang pagtuturo, ay dinaliring mabuti ni Jesus ang mga simulain ng kaganda-hang-loob na pumapatay sa ugat ng pag-iimbot. Iniharap Niya kay Judas ang kalait-lait na likas ng katakawan at kasakiman, at napakadalas na nadama ng alagad na ang likas niya ang inilalarawan, at ang kasalanan niya ang tinuturol; gayunman ay ayaw niyang ipahayag at talikdan ang kaniyang kalikuan. Siya'y palalo, at sa halip na labanan ang tukso, ipinagpatuloy niyang sundin ang magdaraya niyang mga gawa. Si Kristo'y nasa harap niya, isang buhay na halimbawa ng kung magiging ano siya kung patutulong lamang siya sa Diyos; nguni't nagbingi-bingihan si Judas sa lahat ng aral. BB 404.1

Hindi siya pinagwikaan ni Jesus nang masakit sa kaniyang kasakiman o pag-iimbot, kundi may kabanalang pinagtiisan ang nagkakamaling lalaking ito, kahit bini-bigyan na siya ng katunayan na nababasa ni Jesus ang kaniyang puso na gaya ng isang bukas na aklat. Iniharap sa kaniya ng Tagapagligtas ang pinakamahahalagang pam-pasigla para sa paggawa ng mabuti; at sa pagtanggi sa liwanag ng Langit, si Judas ay walang maidadahilan. BB 404.2

Sa halip na lumakad sa liwanag, pinili ni Judas na panatilihin ang kaniyang mga kapintasan. Masasamang hangarin, mapaghiganting damdamin, maiitim at maru-ruming isipan, ang kinimkim-kimkim ni Judas, hanggang sa lubos na makapaghari sa kaniya si Satanas. Si Judas ay naging kinatawan ng kaaway ni Kristo. BB 404.3

Nang siya'y mapasama kay Jesus, siya'y may ilang mahahalagang katangian ng likas na sana'y naging isang pagpapala sa iglesya. Kung inibig niyang magpasan ng pamatok ni Kristo, napabilang sana siya sa mga dakilang apostol; nguni't pinapagmatigas niya ang kaniyang puso nang turulin ang kaniyang mga kapintasan, at may pag-mamataas at paghihimagsik na pinili niya ang kaniyang mga sakim na hangarin, at sa gayong paraan ay hindi niya pinagindapat ang kaniyang sarili sa gawaing ipaga-gawa sana sa kaniya ng Diyos. BB 404.4

Lahat ng mga alagad ay may malulubhang kapintasan o mga pagkakamali nang sila'y tawagin ni Jesus na maglingkod sa Kaniya. Maging si Juan, na naging lubhang malapit ang loob sa pakikisama sa Isa na maamo at mapagpakumbabang-puso, ay hindi likas na maamo at napasasakop. Ito at ang mga kapatid nito ay tinawag na “mga anak ng kulog.” Noong sila'y kasama ni Jesus, anumang kaunting bagay na pagpalibhasa sa Kaniya ay nagpapasiklab ng kanilang galit at paglaban. Ang kainitan ng ulo, paghihiganti, at ang diwa ng pamumuna, ay taglaytaglay na lahat ng minamahal na alagad. Siya'y mayabang, at may hangad na maging dakila sa kaharian ng Diyos. Datapwa't araw-araw, ay nakita niya ang pagkamapagmahal at ang pagpapahinuhod ni Jesus, na kasalungat na kasalungat ng kaniyang marahas na diwa, at napakinggan din niya ang mga aral tungkol sa pagpapakababa at pagtitiis. Binuksan niya ang kaniyang puso sa impluwensiya ng Diyos, at siya'y naging hindi lamang tagapakinig kundi tagatupad ng mga salita ng Tagapagligtas. Ang sarili niya'y napatago kay Kristo. Natutuhan niyang pasanin ang pamatok ni Kristo at dalhin ang Kaniyang pasan. BB 405.1

Sinuwatan ni Jesus ang Kaniyang mga alagad, Kaniya silang binabalaan at pinag-ingat; gayunma'y hindi Siya iniwan ni Juan at ng mga kapatid nito; pinili nila si Jesus, sa kabila ng mga pagsuwat sa kanila. Hindi naman sila iniwan ng Tagapagligtas nang dahil sa kanilang kahinaan at mga kamalian. Nagpatuloy sila hanggang sa katapusan na nakiramay sa Kaniyang mga pagsubok at pinag-aaralan ang mga aral ng Kaniyang buhay. Sa pamamagitan ng pagtingin kay Kristo, ay nabago ang kanilang likas. BB 405.2

Lubhang magkakaiba ang mga ugali at likas ng mga apostol. Nariyan ang maniningil ng buwis na si LeviMateo, at ang mapusok na panatikong si Simon, ang galit na galit sa kapangyarihan ng Roma; ang magandang-loob at biglaing si Pedro, at ang may-masamang-diwang si Judas; si Tomas, na tapat ang puso, nguni't mahiyain at matatakutin; si Felipe, na makupad ang puso sa paniniwala, at mahilig mag-alinlangan; at ang ambisyoso at masalitang mga anak ni Zebedeo, kasama ang mga kapatid nila. Ang mga ito ay pinagsama-sama, na may iba't ibang mga kapintasan, lahat ay may minana at nalinang na mga hilig sa kasamaan; nguni't kay Kristo at sa pamamagitan ni Kristo ay magsasama-sama sila sa sambahayan ng Diyos, na mag-aaral maging isa sa pananampalataya, sa doktrina, at sa espiritu. Magkakaroon sila ng kani-kanilang mga pagsubok, ng paghihingahan ng kani-kanilang mga hinakdal, ng pagkakaiba-iba nila ng palagay; nguni't habang si Kristo ay tumatahan sa kanilang mga puso, ay hindi magkakaroon ng pagkakabaha-bahagi. Ang Kaniyang pag-ibig ay aakay upang sila'y mag-ibigan sa isa't isa; ang mga aral ng Panginoon ay aakay upang magka-tugma-tugma ang lahat na magkakaibang pala-palagay, at ihahantong ang mga alagad sa pagkakaisa, hanggang sa sila'y magkaroon ng iisang pag-iisip at iisang paghatol. Si Kristo ang dakilang sentro, at ang paglapit nila sa isa't isa ay maaalinsunod lamang sa paglapit nila sa sentrong si Kristo. BB 406.1

Nang matapos ni Kristo ang Kaniyang pagtuturo sa mga alagad, ay tinipon Niya ang maliit na pulutong na ito sa palibot Niya, at pagkapanikluhod sa gitna nila, at pagkapatong ng Kaniyang mga kamay sa mga ulo nila, ay Siya'y nagpailanlang ng isang panalangin na itinatalaga sila sa Kaniyang banal na gawain. Sa ganitong paraan itinalaga ang mga alagad ng Panginoon sa gawain ng ebanghelyo. BB 406.2

Bilang mga kinatawan Niya sa gitna ng mga tao, hindi pinili ni Kristo ang mga anghel na di-kailanman nagkasala, kundi ang mga taong kinapal, mga taong may mga kahinaang gaya niyaong mga hinahanap nila upang mailigtas. Ibinihis ni Kristo ang damit ng pagkatao, upang maabot Niya ang mga tao. Kinailangan ng Diyos ang tao; sapagka't ang Diyos at ang tao ay kapwa kailangan upang maihatid ang kaligtasan sa sanlibutan. Kinailangan ng Diyos ang tao, upang ang tao'y maging isang daanan ng pag-uusap ng Diyos at ng tao. Gayundin ito sa mga lingkod at mga tagapagbalita ni Kristo. Kailangan ng tao ang isang kapangyarihang labas at higit sa kaniyang sarili, upang maibalik siya sa wangis ng Diyos, at magawa niyang gampanan ang gawain ng Diyos; subali't hindi naman ito nangangahulugang hindi na kailangang kasangkapanin ang tao. Ang tao ay nanghahawak sa kapangyarihan ng Diyos, si Kristo naman ay tumatahan sa puso sa pamamagitan ng pananampalataya; at sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Diyos, ang kapangyarihan ng tao ay nagiging mabisa sa mabuti. BB 407.1

Siya na tumawag sa mga mangingisda ng Galilea ay tumatawag pa rin ng mga tao hanggang ngayon upang maglingkod sa Kaniya. At handa Niyang ihayag ang Kaniyang kapangyarihan sa pamamagitan natin gaya ng pagkahayag nito sa pamamagitan ng unang mga alagad. Gaano man ang ating pagiging di-sakdal at pagiging makasalanan, ay inaalok tayo ng Panginoon na maging kasama Niya, at mag-aral sa Kaniya. Inaanyayahan Niya tayo na sumailalim ng pagtuturo ng Diyos, upang, sa pakikipagkaisa kay Kristo, ay magawa natin ang mga gawa ng Diyos. BB 407.2

“Taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlanglupa, upang ang dakilang kalakhan ng kapangyarihan ay maging mula sa Diyos, at huwag mula sa aming sarili.” 2 Corinto 4:7. Ito ang dahilan kung bakit ang pangangaral ng ebanghelyo ay ipinagkatiwala sa mga taong nagkakamali sa halip na sa mga anghel. Nahahayag na ang kapangyarihang gumagawa sa pamamagitan ng kahinaan ng tao ay siyang kapangyarihan ng Diyos; at ito ang nagpapalakas ng ating loob na paniwalaan na ang kapangya-rihang nakatutulong sa iba na kasinghina natin ay makatutulong sa atin. At yaong mga “nalilibid ng kahinaan” ay dapat na “makapagtitiis na may kaamuan sa mga dinakaaalam at nangamamali.” Hebreo 5:2. Palibhasa'y nagdaan na sila sa panganib, sila'y bihasa na sa mga kapanganiban at mga kahirapan ng daan, at dahil dito ay tinatawagan sila upang tumulong sa mga iba na nasa gayunding kapanganiban. May mga taong ginugulo ng pag-aalinlangan, nahihirapan sa taglay na mga karamdaman, nanghihina sa pananampalataya, at makupad maniwala sa Di-Nakikita; nguni't ang isang kaibigang naki-kita nila, na lumalapit sa kanila sa lugar ni Kristo, ay maaaring maging isang nag-uugnay na kawing upang mapako't magtibay kay Kristo ang nanginginig nilang pananampalataya. BB 407.3

Dapat tayong maging mga manggagawang kasama ng mga anghel sa langit sa pagpapakilala kay Jesus sa sanlibutan. Halos inip na ang mga anghel sa paghihintay sa ating pakikipagtulungan; sapagka't tao ang dapat maki-pag-usap sa tao. At kapag ibinibigay natin ang ating mga sarili kay Kristo sa buong-pusong pagkakatalaga, ay natutuwa ang mga anghel sapagka't sila'y makapagsasalita sa pamamagitan ng ating mga tinig upang ihayag ang pag-ibig ng Diyos. BB 408.1