Bukal Ng Buhay

30/89

Kabanata 29—Ang Sabbath

Ang sabbath ay pinabanal noong panahon ng paglalang ng ito'y italaga para sa tao, nagkaroon ito ng kaniyang pasimula noong “magsiawit na magkakasama ang mga bituing pang-umaga, at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay naghiyawan sa kagalakan.” Job. 38:7. Kapayapaan ang lumukob noon sa ibabaw ng sanlibutan; sapagka't ang lupa ay katugma ng langit. “Nakita ng Diyos ang lahat ng Kaniyang nilikha, at narito, napaka-buti;” at Siya'y namahingang naliligayahan sa pagkatapos ng Kaniyang gawain. Genesis 1:31. BB 383.1

Sapagka't nagpahinga Siya sa Sabbath, “binasbasan ng Diyos ang ikapitong araw, at Kaniyang ipinangilin”—ito'y ibinukod upang gamitin sa kabanalan. Ibinigay Niya ito kay Adan bilang isang araw ng pamamahinga. Ito'y isang tagapagpaalaala ng gawang paglalang, kaya nga ito'y tanda ng kapangyarihan ng Diyos at ng Kaniyang pag-ibig. Sinasabi ng Kasulatan, “Kaniyang ginawa ang Kaniyang mga kababalaghang gawa upang alalaha-nin.” “Ang mga bagay na ginawa” ay nagpapahayag ng “mga bagay Niyang hindi nakikita buhat pa nang lalangin ang sanlibutan,” “maging ang walang-hanggan Niyang kapangyarihan at pagka-Diyos.” Genesis 2:3; Awit 111:4; Roma 1:20. BB 383.2

Lahat ng mga bagay ay nilikha ng Anak ng Diyos. “Nang pasimula Siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Diyos. ... Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pama-magitan Niya; at alinman sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala Siya.” Juan 1:1-3. At yayamang ang Sabbath ay isang tagapagpaalaala ng ginawang paglalang, ito ay tanda ng pag-ibig at kapangyarihan ni Kristo. BB 384.1

Ang Sabbath ang nag-aanyaya sa ating mga isip na pansinin ang katalagahan, at nag-aakay sa atin na kausapin ang Maylalang. Sa awit ng ibon, sa langitngit ng mga punungkahoy, at sa awit ng karagatan, ay maririnig pa rin natin ang tinig Niyang nakipag-usap kay Adan sa halamanan ng Eden sa kulimlim ng araw. At kapag ating namamasdan ang Kaniyang kapangyarihang nahahayag sa katalagahan ay nakakasumpong tayo ng kaaliwan, sapagka't ang Salita o Verbo na lumikha ng lahat ng mga bagay ay siya rin na nagsasalita ng ikabubuhay ng kaluluwa. Ang “Diyos na nagsabi, Magniningning ang ilaw sa kadiliman, ay siyang nagniningning sa aming mga puso, upang magbigay ng liwanag ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ni Jesukristo.” 2 Corinto 4:6. BB 384.2

Ang isipang ito ang pumukaw sa awit na—
“Ikaw, Panginoon, Iyong pinasaya ako sa Iyong gawa;
Ako'y magtatagumpay sa mga gawa ng Iyong mga kamay.
Kaydakila ng Iyong mga gawa, Oh Panginoon!
At ang Iyong mga pag-iisip ay totoong malalim.” Awit 92:4, 5
BB 384.3

At ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng propeta Isaias ay nagpahayag: “Kanino nga ninyo itutulad ang Diyos? o anong wangis ang iwawangis ninyo sa Kaniya? ... Hindi ba ninyo naalaman? hindi ba ninyo narinig? hindi ba nasaysay sa inyo mula nang una? hindi ba nasaysay sa inyo bago nalagay ang mga patibayan ng lupa? Siya ang nakaupo sa balantok ng lupa, at ang mga na-nanahan doon ay parang mga balang; siyang nagladlad ng langit na parang tabing, at iniladlad na parang tolda upang tahanan. ... Kanino nga ninyo itutulad Ako, upang makaparis Ako niya? sabi ng Banal. Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas, at tingnan ninyo kung sinong lumikha ng mga bagay na ito, na tinutuos ang kanilang hukbo ayon sa bilang: tinatawag Niya sila sa pangalan sa pamamagitan ng kadakilaan ng Kaniyang kapangyarihan, at dahil sa Siya'y malakas sa kapangyarihan, ay walang nagkukulang. Bakit sinasabi mo, Oh Jacob, at sinasalita mo, Oh Israel, Ang daan Ko ay lingid sa Panginoon, at nilalagpasan ng aking Diyos ang kahatulan ko? Hindi mo baga naalaman? hindi mo baga narinig? ang walang-hanggang Diyos, ang Panginoon, ang Maylalang ng mga wakas ng lupa, hindi nanlalata, o napapagod man? ... Siya'y nagbibigay ng lakas sa mahina; at ang walang kapangyarihan ay pinananagana Niya sa kalakasan.” “Huwag kang matakot; sapagka't Ako'y sumasaiyo: huwag kang manlupaypay; sapagka't Ako'y iyong Diyos: Aking palalakasin ka; oo, Aking tutulungan ka; oo, Aking aalalayan ka ng kanang kamay ng Aking katwiran.” “Kayo'y magsitingin sa Akin, at kayo'y mangaliligtas, lahat na taga-wakas ng lupa: sapagka't Ako'y Diyos, at walang iba liban sa Akin.” Ito ang pabalitang nasusulat sa katalagahan, na itinadhana ng Diyos na ipa-alaala ng Sabbath o Sabado. Nang pagbilinan ng Panginoong Diyos ang Israel na ipangilin ang Kaniyang mga Sabbath, ay sinabi Niya, “Ito'y magiging tanda sa Akin at sa inyo, upang inyong maalaman na Ako ang Panginoon ninyong Diyos.” Isaias 40:18-29; 41:10; 45:22; Exekiel 20:20. BB 384.4

Ang Sabbath ay ipinaloob sa kautusang iniabot o ibinigay sa Sinai; nguni't hindi ito unang ipinakilala bilang araw ng kapahingahan. Alam na ito ng bayang Israel bago pa sila dumating sa Sinai. Sa daan pa lamang na patungo doon ay ipinangilin na ang Sabbath. Nang ito'y lapastanganin ng iba, ay sinaway sila ng Panginoon, na sinasabi, “Hanggang kailan tatanggihan ninyong ganapin ang Aking mga utos at ang Aking mga kautusan?” Exodo 16:28. BB 385.1

Ang Sabbath ay hindi para sa Israel lamang, kundi para sa buong sanlibutan din naman. Ipinaalam na ito sa tao doon pa sa Eden, at, katulad ng iba pang mga utos ng Dekalogo, ito'y hindi maaaring lumipas. Tungkol sa kautusang yaon ng Sampung Utos na ang ikaapat ay ang ukol sa pangingilin ng Sabbath, ay ganito ang sabi ni Kristo, “Hanggang sa mawala ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o ang isang kudlit ay hindi mapapawi sa kautusan sa anumang paraan.” Hangga't namamalagi ang mga langit at ang lupa, ay mamamalagi rin ang Sabbath na isang tanda ng kapangyarihan ng Manlalalang. At pagka natayo nang muli sa lupa ang Eden, ang banal na araw na ipinagpahinga at ipinangilin ng Diyos ay pararangalan ng lahat na tumatahan sa ilalim ng araw. “Mula sa isang Sabbath hanggang sa panibago,” ang mga tumatahan sa niluwalhating bagong lupa ay “paroroon upang sumamba sa harap Ko, sabi ng Panginoon.” Mateo 5:18; Isaias 66:23. BB 386.1

Walang ibang institusyong ipinagkatiwala sa mga Hudyo na lubhang nagpatangi't nagpabukod sa kanila sa ibang mga nakapaligid na bansa na di-gaya ng Sabbath. Itinadhana ng Diyos na ang pangingilin nito ay siyang magpapakilala sa kanila na sila'y mga sumasamba sa Kaniya. Ito'y dapat maging isang tanda ng kanilang pag-kakahiwalay sa pagsamba sa mga diyus-diyosan, at ng kanilang pagkakaugnay sa tunay na Diyos. Nguni't upang maipangilin o maingatang banal ang Sabbath, ang mga tao ay dapat munang magpakabanal. Dapat silang tumanggap ng katwiran ni Kristo sa pamamagitan ng pananampalataya. Nang ang utos ay ibigay sa Israel na, “Alalahanin mo ang araw ng Sabbath upang ipangilin,” ay sinabi rin ng Panginoon sa kanila, “Kayo'y magpakabanal na tao sa Akin.” Exodo 20:8; 22:31. Sa ganitong paraan lamang maibubukod o maitatangi ng Sabbath ang Israel bilang mga sumasamba sa Diyos. BB 386.2

Nang ang mga Hudyo'y humiwalay sa Diyos, at nang hindi nila tanggapin ang katwiran ni Kristo sa pamama-gitan ng pananampalataya, ay nawalan na ng halaga sa kanila ang Sabbath. Pinagsisikapan ni Satanas na ibunyi ang sarili niya at ihiwalay ang mga tao kay Kristo, at gumagawa siya upang sirain ang Sabbath, sapagka't ito ang tanda ng kapangyarihan ni Kristo. Sinunod ng mga pinunong Hudyo ang kalooban ni Satanas nang tambakan nila ang araw na ipinagpahinga ng Diyos ng mga pampabigat na utos. Noong kapanahunan ni Kristo ay lubhang nasira ang Sabbath na anupa't ang pangingilin nito ay kaaaninagan ng likas na kasakiman at ng kabalasikan ng mga tao sa halip na likas ng mapagmahal na Amang nasa langit. Parang ipinakilala ng mga rabi na ang Diyos ay nagbibigay ng mga utos na hindi kayang talimahin ng mga tao. Pinapaniwala nila ang mga tao na ang Diyos ay malupit, at isinilid sa isip ng mga ito na ang pangingilin ng Sabbath, gaya ng iniuutos Niya, ay nagpatigas sa puso at nagpalupit sa mga tao. Ang ginawa ni Kristo ay hinawi ang mga maling palagay na ito. At bagaman sinundan Siya ng walang-awang panunuligsa ng mga rabi, hindi man lamang Siya nabalino sa kanilang mga hinihingi, kundi bagkus nagpatuloy Siya, na ipinangingilin ang Sabbath ayon sa kautusan ng Diyos. BB 387.1

Isang araw ng Sabbath, nang pauwi na ang Taga-pagligtas at ang mga alagad buhat sa pook ng pagsamba, ay naparaan sila sa isang bukid na hinog na ang trigo. Inabot ng hapon sa paggawa si Jesus, at habang dumaraan sa triguhan, ay nagpasimulang kumitil ng mga uhay ng trigo ang mga alagad, at kinain ang mga butil pagka-raang ligisin ang mga iyon sa kanilang mga palad. Sa karaniwang araw, ang gawang ito ay hindi papansinin, sapagka't ang isang taong nagdaraan sa bukid ng trigo, o halamanan, o ubasan, ay malayang makapipitas o ma-kakikitil ng anumang nais niyang kanin. Tingnan ang Deuteronomio 23:24, 25. Subali't ang paggawa nito sa araw ng Sabbath ay itinuturing na isang gawang kalapastanganan. Ang pagkitil ng trigo ay hindi lamang isang uri ng paggapas, kundi ang pagligis din naman nito sa mga palad ay itinuturing na isang uri ng paggiik. Kaya, sa palagay ng mga rabi, ay dalawang kasalanan ito. BB 387.2

Karaka-rakang nagreklamo kay Jesus ang mga tiktik, na nagsasabi, “Narito, ang mga alagad Mo ay gumagawa ng hindi marapat gawin sa araw ng Sabbath.” BB 389.1

Nang si Jesus ay paratangan ng paglabag sa pangingilin ng Sabbath sa Bethesda, ay ipinagtanggol Niya ang Kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagsasabing Siya'y Anak ng Diyos, at Siya'y gumagawa nang naaayon sa Ama. Ngayon namang ang mga alagad ang tinutuligsa, ay binanggit Niya sa mga nagpaparatang ang mga halim-bawang buhat sa Matandang Tipan, tungkol sa mga taong gumawa sa araw ng Sabbath samantalang nagsisi-paglingkod sa Diyos. BB 389.2

Ipinagyayabang ng mga gurong Hudyo na sila'y marurunong sa Mga Kasulatan, at ang sagot ng Tagapaglig-tas ay isang sumbat sa kanilang di-pagkaalam ng mga Banal na Kasulatan. “Hindi baga nabasa ninyo,” wika Niya, “ang ginawa ni David, nang siya'y magutom, at ang mga kasamahan niya; kung paanong siya'y pumasok sa bahay ng Diyos, at kumain ng mga tinapay na handog, ... na hindi naaayon sa kautusan na kanin ninuman kundi ng mga saserdote lamang?” “At sinabi Niya sa kanila, ginawa ang Sabbath ng dahil sa tao, at di ang tao, ng dahil sa Sabbath.” “Hindi baga ninyo nabasa sa kautusan, kung papaanong sa mga araw ng Sabbath ay niwawalang-galang ng mga saserdote sa templo ang Sabbath, at hindi nangagkakasala? Datapwa't sinasabi Ko sa inyo, Na dito ay may Isang lalong dakila kaysa templo.” “Ang Anak ng tao ay Panginoon din naman ng Sabbath.” Lukas 6:3, 4; Marcos 2:27, 28, Mateo 12:5, 6. BB 389.3

Kung matwid kay David na kumain ng tinapay na itinalaga upang siya'y makapagpawing-gutom, matwid nga rin sa mga alagad na kumitil ng uhay ng trigo sa mga banal na oras ng Sabbath upang matugunan ang kanilang pangangailangan. Muli pa, ang mga saserdote ay gumawa sa templo ng lalong maraming gawain kung Sabbath kaysa ibang mga araw. Ang ganitong paggawa kung karaniwang gawain ang gagawin nila ay magiging kasalanan; subali't ang gawain ng mga saserdote ay sa paglilingkod sa Diyos. Ginagawa nila ang mga seremonyang yaon na nakaturo sa tumutubos na kapangyarihan ni Kristo, at ang paggawa nila ay natutugma sa layunin ng Sabbath. Nguni't ngayo'y dumating na si Kristo. Ang mga alagad, sa paggawa ng gawain ni Kristo, ay nagli-lingkod sa Diyos, at ang anumang kailangang gawin sa ikatatapos ng gawaing ito ay matwid na gawin sa araw ng Sabbath. BB 390.1

Nais ituro ni Kristo sa Kaniyang mga alagad at sa Kaniyang mga kaaway na ang paglilingkod sa Diyos ay una sa lahat. Ang layunin ng gawain ng Diyos sa sanlibutang ito ay ang matubos ang tao; kaya nga ang ka-ilangang gawin sa araw ng Sabbath sa ikatutupad ng layuning ito ay naaayon sa kautusang ukol sa Sabbath. Pagkatapos ay pinutungan ni Jesus ang Kaniyang kat wiran sa pamamagitan ng pagsasabing Siya ang “Panginoon ng Sabbath”—Isa na nasa ibabaw ng lahat ng tanong at ng lahat ng kautusan. Pinawalang-sala ng walang-hanggang Hukom na ito ang mga alagad, na ang ginagamit ay iyon ding mga utos na ibinibintang sa kanila na nilalang nila. BB 390.2

Hindi pinalampas ni Jesus ang bagay na ito sa pama-magitan ng pagsaway sa Kaniyang mga kaaway. Sinabi Niyang sa pagbubulag-bulagan nila ay ipinagkamali nila ang layunin ng Sabbath. Sinabi Niya, “Kung nalalaman ninyo kung ano ang kahulugan nito, Habag ang ibig Ko, at hindi hain, ay hindi ninyo hinatulan ang mga walang-kasalanan.” Mateo 12:7. Ang marami nilang mga patay na seremonya ay walang maibigay na wagas na katapatan at malumanay na pag-ibig na siyang nakikitang likas ng tunay na sumasamba sa Diyos. BB 390.3

Muling inulit ni Kristo ang katotohanan na ang mga paghahandog lamang ay walang halaga. Ang mga ito ang kasangkapan o mga paraan, at hindi siyang layunin. Ang layon ng mga ito ay ituro ang mga tao sa Tagapagligtas, at sa gayo'y maging kasang-ayon sila ng Diyos. Ang pinahahalagahan ng Diyos ay ang paglilingkod ng pag-ibig. Pagka ito ang nawala, ang paulit-ulit na seremonya ay sumisiphayo sa Kaniya. Ganyan din sa Sabbath. Panukala nitong maakay ang mga tao na makipag-usap sa Diyos; nguni't kung puno ang isip ng nakapapagod na mga seremonya, ay nasisira ang layunin ng Sabbath. Ang pakitang-taong pagsasagawa nito ay nagiging isang laruan lamang. BB 391.1

Noon namang ibang Sabbath, nang pumasok si Jesus sa sinagoga, ay nakakita Siya ng isang lalaking patay ang isang kamay. Minatyagan Siya ng mga Pariseo, na sabik makita kung ano ang Kaniyang gagawin. Talos ng Taga-pagligtas na kapag nagpagaling Siya sa araw ng Sabbath ay ituturing Siyang isang manlalabag, gayunma'y hindi Siya nag-atubiling iguho ang pader ng mga utos na hango sa mga sali't saling sabi na ibinakod nila sa Sabbath. Inatasan ni Jesus ang maysakit na tumindig, at saka nag-tanong, “Katwiran baga ang gumawa ng magaling sa araw ng Sabbath, o ang gumawa ng masama? magligtas ng isang buhay, o pumatay?” Kasabihan na ng mga Hudyo na ang hindi paggawa ng mabuti, kailanma't may pagkakataon ang isang tao, ay katumbas ng paggawa ng masama; at ang hindi magligtas ng buhay ay pagpatay. Sa gayong paraan sinagupa ni Jesus ang mga rabi sa sarili nilang batayan ng pangangatwiran. “Datapwa't sila'y hindi nagsiimik. At nang Siya'y lumingap sa kanila sa palibutlibot na may galit, sapagka't ikinalungkot Niya ang katigasan ng kanilang puso, ay sinabi Niya sa lalaki, Iunat mo ang iyong kamay. At iniunat niya: at gumaling ang kaniyang kamay.” Marcos 3:4, 5. BB 391.2

Nang Siya'y tanunging, “Matwid bagang magpagaling sa araw ng Sabbath?” ay sumagot si Jesus, “Sino kaya sa inyo, na kung mayroong isang tupa, at kung mahulog ito sa isang hukay sa araw ng Sabbath, ay hindi baga niya aabutin, at hahanguin? Gaano pa nga ang isang tao na may halaga kaysa isang tupa? Kaya't matwid na gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath.” Mateo 12:10-12. BB 392.1

Hindi nangahas ang mga tiktik na sumagot kay Kristo sa harap ng maraming tao, dahil sa pangambang mapasuot sila sa masikip. Alam nilang katotohanan ang sinabi Niya. Upang huwag lamang nilang malabag ang kanilang mga sali't-saling sabi, ay pababayan nila ang tao na maghirap, samantala'y sasagipin naman nila ang isang hayop sapagka't malulugi ang may-ari. Sa ganitong paraan ipinakilala nila na lalo pang malaki ang pagmama-lasakit nila sa hayop kaysa tao, na nilalang ayon sa wangis ng Diyos. Ito ang naglalarawan ng ginagawa ng lahat na di-tunay na relihiyon. Nagsisimula ang mga ito sa hangarin ng tao na ibunyi ang sarili nang mataas kaysa Diyos, nguni't humahantong ang mga ito sa pagiging mababa pa ng tao kaysa hayop. Lahat ng relihiyong naki-kibaka laban sa kapangyarihan ng Diyos ay inaagawan ang tao ng kaluwalhatiang angkin niya noong panahong siya'y lalangin, at siyang isasauli sa kaniya sa pamamagi-tan ni Kristo. Bawa't di-tunay na relihiyon ay nagtuturo sa mga kapanalig nito na maging pabaya sa mga panga-ngailangan, mga paghihirap, at mga karapatan ng tao. Ang ebanghelyo naman ay nag-uukol ng mataas na pagpapahalaga sa tao palibhasa'y binili ng dugo ni Kristo, at ito'y nagtuturo ng magiliw na pag-aasikaso sa mga pangangailangan at mga kaabaan ng tao. Sinasabi ng Panginoon, “Aking gagawin na ang tao ay maging mahalaga kaysa dalisay na ginto; samakatwid baga'y ang tao na higit kaysa dalisay na ginto ng Ophir.” Isaias 13:12. BB 392.2

Nang ibaling naman ni Jesus sa mga Pariseo ang tanong na kung matwid kaya sa araw ng Sabbath na gumawa ng mabuti o ng masama, na magligtas ng buhay o pumatay, ay iniharap Niya sa kanila ang sarili nilang masasamang panukala. Inuusig nila ang Kaniyang buhay nang may matinding poot, samantalang nagliligtas naman Siya ng buhay at naghahatid ng kaligayahan sa mga karamihan. Higit kayang mabuti ang pumatay sa araw ng Sabbath, gaya ng pinapanukala nilang gawin, kaysa magpagaling ng mga may karamdaman, gaya ng ginawa naman Niya? Higit kayang katwiran na magkimkim sa puso ng diwa ng pagpatay sa banal na araw ng Diyos kaysa umibig sa lahat ng mga tao, na nahahayag sa mga gawa ng kaawaan? BB 393.1

Sa pagkakapagpagaling ni Jesus sa taong may patay na kamay, ay pinuna Niya ang kaugalian ng mga Hudyo, at pinamalagi Niyang nakatayo ang ikaapat na utos gaya nang ibigay ito ng Diyos. “Matwid na gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath,” ang wika Niya. Sa pagpawi Niya sa mga walang-saysay na pagbabawal ng mga Hudyo, ay pinarangalan Niya ang Sabbath, samantalang ang mga nagsisitutol sa Kaniya ay siyang lumapastangan sa banal na araw ng Diyos. BB 393.2

Yaong mga naniniwala na pinawi ni Kristo ang kautusan ay nagtuturo na nilabag Niya ang Sabbath at Kaniyang binigyang-katwiran ang Kaniyang mga alagad sa paggawa rin nito. Kaya ang katwiran nila ay tulad din ng sa mapagtutol na mga Hudyo. Sa ganito ay sinalungat nila ang sariling patotoo ni Kristo, na nagsabing, “Aking tinupad ang mga utos ng Aking Ama, at Ako'y nananatili sa Kaniyang pag-ibig.” Juan 15:10. Hindi nilabag ng Tagapagligtas ni ng mga alagad man Niya ang kautusan tungkol sa Sabbath. Si Kristo ang nabubuhay na kinatawan ng kautusan. Ni isa mang paglabag sa mga banal na utos ay hindi nasumpungan sa Kaniyang kabuhayan. Sa pagtingin Niya sa bansang nakasaksi ng Kaniyang mga ginawa na nagsisikap makasumpong ng pagka-kataon upang mahatulan Siya, ay hinamon Niya sila, “Sino sa inyo ang makasusumbat sa Akin tungkol sa kasalanan?” Juan 8:46. BB 393.3

Hindi naparito ang Tagapagligtas upang isaisantabi ang mga sinalita ng mga patriarka at mga propeta; sapagka't Siya na rin ang nagsalita sa mga kinatawang ito. Ang lahat ng mga katotohanan ng salita ng Diyos ay nagbuhat sa Kaniya. Nguni't ang mahalagang hiyas na ito ay inilagay sa mga maling lugar. Ang mahalaga nilang liwanag ay naipaglilingkod sa kamalian. Hinangad ng Diyos na alisin ang mga ito sa mga maling kinalalagyan at ilipat sa lugar ng katotohanan. Kamay lamang ng Diyos ang makagagawa ng gawaing ito. Dahil sa pagkakaugnay nito sa kamalian, ang katotohanan ay naglilingkod sa gawain ng kaaway ng Diyos at ng tao. Naparito si Kristo upang ilipat ito sa lugar na makakaluwalhati sa Diyos, at maka-gagawa sa ikaliligtas ng mga tao. BB 394.1

“Ginawa ang Sabbath nang dahil sa tao, at di ang tao nang dahil sa Sabbath,” wika ni Jesus. Ang mga institusyong itinatag ng Diyos ay para sa kapakinabangan ng sangkatauhan. “Ang lahat ng mga bagay ay dahil sa inyo.” “Kahit si Pablo, kahit si Apolos, kahit si Cefas, kahit ang sanlibutan, kahit ang buhay, kahit ang kamatayan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating; lahat ay sa inyo; at kayo'y kay Kristo; at si Kristo ay sa Diyos.” 2 Cor. 4:15; 1 Corinto 3: 22, 23. Ang kautusang tinatawag na Sampung Utos, na dito'y pang-apat ang Sabbath, ay ibinigay ng Diyos sa Kaniyang bayan upang maging isang pagpapala. “Iniutos ng Panginoon sa amin,” wika ni Moises, “na gawin ang lahat ng mga utos'na ito, na matakot sa Panginoon nating Diyos, sa ikabubuti natin kailanman, upang ingatan Niya tayong buhay.” Deuteronomio 6:24. At sa pamamagitan naman ng mang-aawit ay ipinadala sa Israel ang pabalita, “Mangaglingkod kayo na may kasayahan sa Panginoon: magsilapit kayo sa Kaniyang harapan na may awitan. Alamin ninyo na ang Panginoon ay siyang Diyos: Siya ang lumalang sa atin, at hindi tayo sa ating mga sarili; tayo'y Kaniyang bayan, at mga tupa ng Kaniyang pastulan. Magsipasok kayo sa Kaniyang mga pintuang-daan na may pagpapasalamat, at sa Kaniyang looban na may pagpupuri.” Awit 100:2-4. At sa lahat ng nag-iingat o nangingilin “ng Sabbath upang huwag lapastanganin,” sabi ng Panginoon, “sila ay dadalhin Ko sa Aking banal na bundok, at papagkakatuwain Ko sila sa Aking bahay na dalanginan.” Isaias 56:6, 7. BB 394.2

“Kaya't ang Anak ng tao ay Panginoon din naman ng Sabbath.” Ang mga salitang ito ay lipos ng turo at aliw. Dahil sa ang Sabbath ay ginawa para sa tao, ito ay araw ng Panginoon. Ito ay kay Kristo. Sapagka't “ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan Niya; at alinman sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa nang wala Siya.” Juan 1:3. Yamang Siya ang gumawa ng lahat ng mga bagay, Siya ang gumawa sa Sabbath. Siya ang nagbukod dito bilang isang alaala ng ginawang paglalang. Ito ang nagtuturo na Siya ang Manlalalang at Tagapagpabanal. Ipinahahayag nito na Siya na lumalang ng lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa, at umaalalay sa lahat ng mga bagay na magkakasama, ay siyang Pangulo ng iglesya, at sa pamamagitan ng Kaniyang kapangyarihan ay naiipa-kipagkasundo Niya tayo sa Diyos. Sapagka't, sa pagsasalita Niya tungkol sa Israel, ay Kaniyang sinabi, “Ibinigay Ko rin naman sa kanila ang Aking mga Sabbath, upang maging tanda sa Akin at sa kanila, upang kanilang makilala na Ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila”—na binabanal sila. Ezekiel 20:12. Samakatwid ang Sabbath ay isang tanda ng kapangyarihan ni Kristo na magpapabanal sa atin. At ito'y ibinibigay sa lahat na mga pinababanal ni Kristo. Bilang isang tanda ng Kaniyang nagpapabanal na kapangyarihan, ang Sabbath ay ibinibigay sa lahat na sa pamamagitan ni Kristo ay nagiging kasama ng Israel ng Diyos. BB 395.1

At sinasabi ng Panginoon, “Kung iyong iurong ang iyong paa sa Sabbath, sa paggawa ng iyong kalayawan sa Aking banal na kaarawan; at iyong tawagin ang Sabbath na kaluguran, ang banal ng Panginoon, na marangal; ... kung magkagayo'y malulugod ka nga sa Panginoon.” Isaias 58:13, 14. Sa lahat na tumatangap sa Sabbath bilang isang tanda ng lumalalang at tumutubos na kapangyarihan ni Kristo, ito ay magiging isang kaluguran. Palibhasa'y nakikita nila si Kristo dito, nalulugod sila sa Kaniya. Itinuturo sa kanila ng Sabbath ang mga ginawa sa paglalang bilang isang katunayan ng Kaniyang malakas na kapangyarihang makatubos. Bagaman ipinaaalaala nito ang nawalang kapayapaan ng Eden, sinasabi naman nito ang tungkol sa kapayapaang isinasauli sa pamamagitan ng Tagapagligtas. At lahat ng bagay na nakikita sa katalagahan ay ulit-ulit na nagsasabi ng Kaniyang paanyaya, “Magsiparito sa Akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo'y Aking papagpapahingahin.” Mateo 11:28. BB 396.1