Bukal Ng Buhay
Kabanata 28—Si Levi-Mateo
Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 9:9-17; Marcos 2:14-22; Lukas 5:27-39.
Sa mga romanong nanunungkulan sa Palestina, wala nang higit na kinapopootan kundi ang mga manini-ngil ng buwis. Naging patuloy na kayamutan sa mga Hudyo ang pangyayaring isang kapangyarihang dayuhan ang nagpapataw ng mga buwis, palibhasa'y nagpapagunita ito na nawala na ang kanilang kasarinlan o kalayaan. At ang mga maniningil ng buwis ay hindi lamang mga kasangkapan sa paniniil ng Roma; sila'y mga manghu-huthot o mga mangingikil din ng salapi, na pinayayaman ang kanilang mga sarili sa ikapagdaralita naman ng bayan. Ang isang Hudyong tumanggap ng tungkuling ito sa mga kamay ng mga Romano ay itinuturing na nagka-kanulo sa dangal ng kaniyang bansa. Siya'y hinahamak bilang isang taksil, at ibinibilang na kauri ng pinakaimbi sa lipunan. BB 368.1
Sa uring ito kabilang si Levi-Mateo, na tinawag maglingkod kay Kristo, kasunod ng apat na mga alagad sa Genesaret. Hinatulan ng mga Pariseo si Mateo ayon sa kaniyang hanapbuhay, nguni't sa taong ito ay nakita ni Jesus ang isang pusong bukas sa pagtanggap ng kato-tohanan. Nakinig si Mateo sa pagtuturo ng Tagapagligtas. At nang ihayag ng sumusumbat na Espiritu ng Diyos ang kaniyang pagkamakasalanan, ay minithi niyang hu- mingi ng tulong kay Kristo; nguni't namihasa na siya sa mapangmatang ugali ng mga rabi, kaya inisip niyang baka hindi siya pansinin ng Dakilang Gurong ito. BB 368.2
Sa kaniyang pagkakaupo isang araw sa kaniyang puwesto sa pangingilak ng buwis, ay nakita niya si Jesus na dumarating. Gayon na lamang ang kaniyang pagka-kamangha nang marinig niya ang mga salitang iniukol sa kaniya ng Tagapagligtas na “Sumunod ka sa Akin.” BB 370.1
“Iniwan” ni Mateo “ang lahat, at nagtindig, at sumunod sa Kaniya.” Hindi siya nagkaroon ng pagbabantulot, hindi siya nagtanong, at ni hindi niya inisip ang mabuti niyang hanap-buhay na ipagpapalit niya sa karukhaan at kahirapan. Sapat na sa kaniya na siya'y makakasama ni Jesus, upang mapakinggan niya ang Kaniyang mga salita, at makiisa sa Kaniya sa Kaniyang gawain. BB 370.2
Ganyan din ang ginawa ng mga alagad na unang tinawag. Nang atasan ni Jesus si Pedro at ang mga kasama nito na magsisunod sa Kaniya, karaka-rakang iniwan nila ang kaniiang mga daong at mga lambat. Ang ilan sa mga alagad na ito ay may mga kaibigang sa kanila umaasa ng ikabubuhay; gayon man nang tanggapin nila ang paanya-ya ng Tagapagligtas, ay hindi sila nag-atubili, at hindi nagtanong, Paano ako mabubuhay, at paano ko maitata-guyod ang aking pamilya? Sinunod nila ang tawag sa kanila; at nang dakong huling tanungin sila ni Jesus, “Nang kayo'y suguin Ko na walang supot ng salapi, at supot ng pagkain, at mga panyapak, kinulang baga kayo ng anuman?” ay sumagot sila ng, “Hindi.” Lukas 22:35. BB 370.3
Kay Mateo na mayaman, at kina Andres at Pedro na mga maralita, ay ibinigay ang pagsubok ding iyan; at iisang pagtatalaga ang ginawa naman ng bawa't isa. Sa sandali ng tagumpay, nang ang mga lambat nila ay puno ng mga isda, at masidhi ang mga udyok ng dating pamu-muhay, ay hiniling ni Jesus sa mga alagad na nasa tabingdagat na iwan nila ang lahat upang maglingkod sa gawain ng ebanghelyo. Kaya ang bawa't kaluluwa ay sinusubok kung ang pinakamatimbang sa kaniya ay ang paghahangad ng kabutihang ukol sa lupa o ang pakikisama kay Kristo. BB 370.4
Lagi nang mahigpit ang simulain. Walang magtata-gumpay sa paglilingkod sa Diyos malibang ang buong puso niya ay nasa gawain at malibang ibinibilang niyang kalugihan lamang ang lahat ng mga bagay alang-alang sa kadakilaan ng pagkakilala kay Kristo. Sinumang gumagawa ng anumang pagpapataan ay hindi maaaring maging alagad ni Kristo, ni hindi rin siya maaaring maging Kaniyang kamanggagawa. Kapag pinahahalagahan ng mga tao ang dakilang kaligtasan, ang sakripisyong nakita sa buhay ni Kristo ay makikita rin sa kanila. Saanman Siya manguna sa daan, ikagagalak nila ang sumunod. BB 371.1
Ang pagtawag kay Mateo upang maging isa sa mga alagad ni Kristo ay lumikha ng malaking galit. Sapagka't ang pagpili ng isang guro sa relihiyon ng isang maniningil ng buwis upang maging malapit niyang katulong ay isang paglapastangan o pagyurak sa mga kaugaliang pan-relihiyon, panlipunan, at pambansa. Kaya sa pamamagi-tan ng pag-antig sa di-mabubuting kalooban ng bayan ay sinikap ng mga Pariseong maging laban kay Jesus ang damdamin ng lahat. BB 371.2
Sa gitna ng mga maniningil ng buwis ay isang malaking interes ang nalikha. Ang mga puso nila'y napalapit sa banal na Guro. At sa katuwaan ni Mateo sa kaniyang pagiging isang bagong alagad, ay sinikap niyang mailapit kay Jesus ang mga dati niyang kasamahan. Dahil nga rito'y gumawa siya ng isang piging sa kaniyang sariling bahay, at tinawag niya ang kaniyang mga kamag-anak at mga kaibigan. At hindi lamang mga maniningil ng buwis ang nakabilang, kundi marami pang iba na may nakapagaalinlangang reputasyon, at mga nilalayuan ng kanilang higit na maiingat na mga kapitbahay. BB 371.3
Ang piging ay iniukol sa karangalan ni Jesus, at Siya naman ay hindi nag-atubili sa pagtanggap sa anyaya. Talos Niyang mamasamain ito ng pangkatin ng mga Pariseo, at ilalagay din Siya sa kakatwang katayuan sa paningin ng mga tao. Nguni't hindi Siya maaaring mag-kunwa-kunwarian. Sa ganang Kaniya ay walang anuman ang mga panlabas na pang-uuri. Ang nakapupukaw sa Kaniyang puso ay ang kaluluwang nauuhaw sa tubig ng buhay. BB 371.4
Si Jesus ay naupo bilang isang panauhing pandangal sa hapag ng mga maniningil ng buwis, na sa pamamagitan ng Kaniyang pagbibigay-loob at mabuting pakikisama ay ipinakita Niyang kinikilala Niya ang dangal ng sangkatauhan; at hinangad naman ng mga tao na maging karapat-dapat sa Kaniyang pagtitiwala. Sa uhaw nilang mga puso ay tumimo ang Kaniyang mga salita na taglay ang pinagpala't nagbibigay-buhay na kapangyarihan. Mga bagong damdamin ay nagising, at ang pag-asa sa pagkakaroon ng isang bagong buhay ay nabuksan sa mga itinatakwil na ito ng lipunan. BB 372.1
Sa ganitong mga pagtitipon, hindi iilan ang nakintalan ng mga turo ng Tagapagligtas na hindi naman kumilala sa Kaniya kundi nang Siya'y makaakyat na sa langit. Nang ibuhos ang Espiritu Santo, at tatlong libo ang nahikayat sa isang araw, ay kabilang sa mga ito ang marami na unang napakinggan ang katotohanan sa hapag ng mga maniningil ng buwis, at ang ilan sa mga ito ay naging mga tagapagbalita ng ebanghelyo. Sa ganang kay Mateo ang halimbawang ginawa ni Jesus sa piging ay isang namamalaging aral. Ang kinasusuklamang maniningil ng buwis ay naging isa sa pinakamatapat na ebanghelista, at sa sarili niyang ministeryo ay siya'y sumunod nang buong higpit sa mga hakbang ng kaniyang Panginoon. BB 372.2
Nang mabalitaan ng mga rabi ang pagkakaparoon ni Jesus sa piging ni Mateo, ay sinamantala nila karaka-raka ang pagkakataon na Siya'y maparatangan. Gayunma'y pinili nilang gumawa sa mga alagad. Kung mapasasama nila ang damdamin ng mga alagad sa kanilang Panginoon ay mailalayo nga nila ang kanilang loob sa Kaniya. Paraan na nila na pulaan at paratangan si Kristo sa mga alagad, at ang mga alagad naman ay pulaan at paratangan kay Kristo, na ang layunin nila ay sugatan kung sino ang lalong masusugatan. Ito ang pamamaraang ginawa ni Satanas buhat nang siya'y maghimagsik sa langit; at lahat na lumilikha ng pagkakaalit at paghihiwalay ay mga inuudyukan ng kaniyang espiritu. BB 372.3
“Bakit nakikisalo ang inyong Panginoon sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” tanong ng ma-inggiting mga rabi. BB 373.1
Hindi na hinintay ni Jesus na sagutin pa ng Kaniyang mga alagad ang paratang, kundi Siya na rin ang sumagot: “Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit. Datapwa't magsihayo kayo at inyong pag-aralan kung ano ang kahu-lugan nito, Habag ang ibig Ko, at hindi hain: sapagka't hindi Ako naparito upang tumawag ng mga matwid, kundi ng mga makasalanan sa pagsisisi.” Ipinamamarali ng mga Pariseo na sila'y mga walang sakit sa espiritu, at dahil dito'y hindi sila nangangailangan ng manggagamot, samantala'y itinuturing naman nila na ang mga maniningil ng buwis at ang mga Hentil ay mga mapapa-hamak dahil sa mga sakit ng kaluluwa. Kaya nga hindi ba gawain Niya, bilang isang manggagamot, na puntahan yaon mismong uri ng mga tao na nangangailangan ng Kaniyang tulong? BB 373.2
Subali't bagaman napakataas ang palagay ng mga Pariseo sa kanilang mga sarili, ang katotohanan naman ay sila'y lalo pang masama ang kalagayan kaysa mga taong kanilang inaalipusta. Ang mga maniningil ng buwis ay di-gaanong panatiko at di-gasinong palalo, at kaya nga lalo silang madali-daling maimpluwensiyahan ng katotohanan. Sinabi ni Jesus sa mga rabi, “Magsihayo kayo at inyong pag-aralan kung ano ang kahulugan nito, Habag ang ibig Ko, at hindi hain.” Kaya nga ipinakilala Niya na bagama't ipinamamarali nilang sila ang tagapagpaliwanag ng salita ng Diyos, ang katotohanan naman ay ganap silang walang-nalalaman tungkol sa diwa nito. BB 373.3
Sandaling napipilan ang mga Pariseo, nguni't sila'y lalo lamang naging determinado sa kanilang pakikipag-alit. Isinunod nilang hinanap ang mga alagad ni Juan Bautista, at pinagsikapan nilang ang mga ito ay maging laban sa Tagapagligtas. Hindi tinanggap ng mga Pariseong ito ang misyon ng Mambibinyag. Inalipusta nila ang kaniyang matimping pamumuhay, ang kaniyang simpleng mga kaugalian, ang kaniyang magagaspang na pananamit, at kanilang tinawag siyang isang panatiko. Dahil sa tinuligsa niya ang kanilang pagpapaimbabaw, ay nilabanan nila ang kaniyang mga salita, at pinagsikapang udyukan ang mga tao na maging laban sa kaniya. Kinilos ng Espiritu ng Diyos ang puso ng mga manlilibak na ito, na ipinakilala sa kanila ang kanilang mga kasalanan; nguni't tinanggihan nila ang payo ng Diyos, at sinabing si Juan ay inaalihan ng demonyo. BB 374.1
Ngayon namang si Jesus ay dumating na nakikisama sa mga tao, kumakain at umiinom na kasalo nila sa kanilang mga hapag, ay pinaratangan nila Siya na matakaw at manginginom. Ang mga nagpaparatang nito ay siya mismong mga gumagawa ng mga ipinararatang na ito. Kung paanong ang Diyos ay maling ipinakikilala, at binibintangan ni Satanas ng sarili nitong mga likas at paguugali, gayundin ang ginagawa ng masasamang taong ito sa mga tagapagbalita ng Panginoon. BB 374.2
Ayaw isaalang-alang ng mga Pariseo na kaya kumakain si Jesus na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan, ay upang maihatid ang liwanag ng langit sa mga nakasadlak sa kadiliman. Ayaw nilang tang-gapin na bawa't salitang binibigkas ng banal na Guro ay isang buhay na binhing tutubo at magbubunga sa ikaluluwalhati ng Diyos. Ipinasiya na nilang huwag tanggapin ang liwanag; at bagama't nang una'y sinalungat nila ang misyon ni Juan Bautista, ngayon naman ay handa nilang kaibiganin ang mga alagad nito, sa pag-asa nilang matatamo nila ang pakikipagtulungan ng mga ito laban kay Jesus. Sinabi nilang niwawalang kabuluhan ni Jesus ang mga sinaunang sali't saling sabi; at anila'y ibang-iba ang payak o simpleng kabanalan ni Juan sa ginagawa ni Jesus na pakikipagkainan sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan. BB 374.3
Nang panahong ito ay nasa malaking kadalamhatian ang mga alagad ni Juan. Ito ay noong bago sila dumalaw kay Jesus na dala ang pasabi ni Juan. Nakabilanggo ang mahal nilang guro, at pinararaan nila ang mga araw sa pamimighati. At si Jesus naman ay walang ginagawang anumang pagsisikap upang makalaya si Juan, at sa malas ay para manding niwawalan pa nga ng halaga ang mga turo nito. Kung si Juan ay sinugo ng Diyos, bakit nga ibang-iba ang ginagawa ni Jesus at ng Kaniyang mga alagad? BB 375.1
Ang mga alagad ni Juan ay walang malinaw na pagka-kilala sa gawain ni Kristo; inisip nilang baka nga may pinagbabatayan ang mga ipinararatang ng mga Pariseo. Ginanap nila ang marami sa mga alituntuning ipinatutupad ng mga rabi, at umasa pa ngang sila'y aariing-ganap sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan. Ang pag-aayuno ay ginanap ng mga Hudyo bilang isang gawa ng kabanalan, at ang pinakamasisigasig sa kanila ay nagsi-pag-ayuno nang dalawang araw sa bawa't sanlinggo. Ang mga Pariseo at ang mga alagad ni Juan ay nagsisipag-ayuno nang itong huli ay lumapit kay Jesus na nagtata-nong, “Bakit kami at ang mga Pariseo ay nangag-aayu-nong madalas, datapwa't hindi nangag-aayuno ang mga alagad Mo?” BB 375.2
Magiliw na magiliw na sinagot sila ni Jesus. Hindi Niya sinikap na iwasto ang mali nilang pagkaunawa tungkol sa pag-aayuno, kundi itinumpak lamang Niya sila sa kanilang pagkakilala sa sarili Niyang misyon. At ito'y ginawa Niya sa pamamagitan ng paggamit ng talinhagang ginamit din ni Juan Bautista sa pagpapatotoo nito kay Jesus. Sinabi ni Juan, “Ang nagtatangkilik sa kasintahang-babae ay ang kasintahang-lalaki: datapwa't ang kaibigan ng kasintahang-lalaki, na nakatayo at nakikinig sa kaniya, ay nagagalak na lubos dahil sa tinig ng kasintahang-lalaki: ito ngang aking kaligayahan ay naganap.” Juan 3:29. Hindi maaaring di-maalaala ng mga alagad ni Juan ang mga salitang ito ng kanilang guro, nang, sa pagbibigay ng halimbawa, ay sinabi ni Jesus, “Mangyayari bagang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan, habang ang kasinta-hang-lalaki ay kasama nila?” BB 375.3
Ang Prinsipe ng langit ay nasa gitna ng Kaniyang bayan. Ang pinakadakilang kaloob ng Diyos ay ibinigay sa sanlibutan. Ligaya sa mga maralita; sapagka't naparito si Kristo upang sila'y gawing mga tagapagmana ng Kaniyang kaharian. Ligaya sa mayayaman; sapagka't ituturo Niya sa kanila kung paano makapagtatamo ng mga wa-lang-hanggang kayamanan. Ligaya sa mga mangmang; sapagka't padudunungin Niya sila sa ikaliligtas. Ligaya sa marurunong; sapagka't ihahayag Niya sa kanila ang lalong malalalim na hiwagang hindi pa nila nalilirip; at ang mga katotohanang nangapatago buhat nang itatag ang sanlibutan ay mangahahayag sa mga tao sa pamama-gitan ng misyon ng Tagapagligtas. BB 376.1
Natuwa si Juan Bautista na makita ang Tagapagligtas. Kaysayang pagkakataon sa mga alagad na sila'y nagkaroon ng karapatan na lumakad at makipag-usap sa Prinsipe ng langit! Hindi ito ang panahon upang sila'y tumangis at mag-ayuno. Bagkus dapat nilang buksan ang kanilang mga puso upang tanggapin ang liwanag ng Kaniyang kaluwalhatian, upang masabugan naman nila ng liwanag ang mga nangakasadlak sa kadiliman at nangasa lilim ng kamatayan. BB 376.2
Maliwanag ang tanawing ipinakikita ng mga salita ni Kristo, nguni't sa ibayo ay may makapal na ulap na nakaladlad, na mata lamang Niya ang nakakakita. “Darating ang mga araw,” wika Niya, “na kukunin sa kanila ang kasintahang-lalaki, at saka sila magsisipag-ayuno sa mga araw na yaon.” Pagka nakita nila ang kanilang Panginoon na ipinagkanulo at ipinako sa krus, ang mga alagad ay magsisitangis at magsisipag-ayuno. Sa pahimakas Niyang pangungusap sa kanila sa silid sa itaas, ay sinabi Niya, “Sandali na lamang at Ako'y hindi na ninyo makikita: at muling sandali pa, at Ako'y inyong makikita. Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Na kayo'y magsisiiyak at magsisipanaghoy, datapwa't ang sanlibutan ay magagalak: at kayo'y mangalulumbay, datapwa't ang inyong kalumbayan ay magiging kagalakan.” Juan 16:19, 20. BB 376.3
Pagka Siya'y lumabas na sa libingan, ang kanilang kalumbayan ay magiging kagalakan. Pagkaakayat Niya sa langit ay mahihiwalay na Siya sa kanila; nguni't manana-tili pa rin Siyang sumasakanila sa pamamagitan ng Mangaaliw, at hindi nila dapat gugulin ang kanilang panahon sa pagtangis. Ito sana ang gusto ni Satanas. Ibig niyang ibigay nila sa sanlibutan ang impresyon na sila'y nanga-daya at nangabigo; subali't sa pamamagitan ng pananam-palataya ay dapat silang tumingin sa santuwaryong nasa itaas, na doon naglilingkod si Jesus para sa kanila; dapat nilang buksan ang mga puso nila sa Banal na Espiritu, na Kaniyang kinatawan, at dapat silang mangatuwa sa liwanag ng Kaniyang pakikiharap. Nguni't darating ang mga araw ng tukso at pagsubok, pagka sila'y dadalhin na upang makipagbaka laban sa mga pinuno ng sanlibutang ito, at sa mga lider ng kaharian ng kadiliman; pagka si Kristo'y hindi na nila kasama, at hindi nila nakilala ang Mang-aaliw, ay saka pa lamang magiging lalong naba-bagay sa kanila na sila'y magsipag-ayuno. BB 377.1
Pinagsikapan ng mga Pariseong itanghal ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng mahihigpit nilang pagganap ng mga porma ng pagsamba, samantalang ang mga puso nila ay puno ng pagkainggit at pakikipag-alit. “Narito,” sinasabi ng Kasulatan, “kayo'y nangag-aayuno para sa pakikipag-alit at pakikipagtalo, at upang manakit ng suntok ng kasamaan: hindi kayo nangag-aayuno sa araw na ito, upang inyong iparinig ang inyong tinig sa itaas. Iyan baga ang ayuno na Aking pinili? ang araw na pag-dadalamhatiin ng tao ang kaniyang kaluluwa? ang iyuko ang kaniyang ulo na parang yantok, at maglatag ng magaspang na kayo at abo sa ilalim niya? iyo bang tata-wagin ito na ayuno, at kalugud-Iugod na araw sa Panginoon?” Isaias 58:4, 5. BB 377.2
Ang tunay na ayuno ay hindi isang pormal na serbisyo o pagsamba lamang. Isinasaad ng Kasulatan ang ayunong pinili ng Diyos—“na kalagin ang mga tali ng kasamaan, na pagaanin ang mga pasan, at papaging layain ang na-pipighati, at iyong alisin ang lahat na atang;” na “mag-mamagandang-loob ka sa gutom, at iyong sisiyahan ng loob ang nagdadalamhating kaluluwa.” Isaias 58:6, 10. Dito'y inilalahad ang tunay na diwa at uri ng gawain ni Kristo. Ang buo Niyang buhay ay isang pagsasakripisyo ng Kaniyang sarili sa ikaliligtas ng sanlibutan. Maging Siya'y nag-aayuno sa ilang ng tukso, o kumakaing kasalo ng mga maniningil ng buwis sa piging ni Mateo, ay Siya'y nagbibigay ng Kaniyang buhay para sa ikatutubos ng mga nawawala. Ang tunay na kabanalan ay hindi nakikita sa laging pananangis, sa pagpaparusa sa katawan, at sa napakaraming pagsasakripisyo, kundi sa pagpapasakop ng sarili sa handang paglilingkod sa Diyos at sa tao. BB 378.1
Sa pagpapatuloy ng Kaniyang sagot sa mga alagad ni Juan, si Jesus ay nagsaysay ng isang talinhaga, na sina-sabi, “Walang taong pumilas sa bagong damit at itinagpi sa damit na luma; sa ibang paraa'y sisirain ang bago, at sa luma naman ay hindi bagay ang tagping mula sa bago.” Ang pabalita ni Juan ay hindi dapat ihalo sa sali't saling sabi at pamahiin. Pagka tinangkang ihalo sa kabanalan ni Juan ang pagkukunwari ng mga Pariseo ay lalo lamang malinaw na makikita ang agwat ng pagkakaiba ng mga ito. BB 378.2
Lalo rin namang hindi maaaring pagsamahin ang mga simulain ng aral ni Kristo at ang mga porma o mga seremonya't aral ng mga Pariseo. Hindi magagawa ni Kristo na Siya ang magtagpi ng sirang nagawa ng mga pagtuturo ni Juan. Lalo pa nga Niyang ipakikita ang pagkakahiwalay ng luma at ng bago. Inilarawan pa ni Jesus ang bagay na ito, na sinasabi, “Walang taong nagsisilid ng alak na bago sa mga balat na luma; sa ibang paraa'y papuputukin ng alak na bago ang mga balat, at mabububo, at masisira ang mga balat.” Ang mga balat na ginagamit na sisidlan ng bagong alak, pagkaraan ng isang panahon ay natutuyo at lumulutong pagkagamit, at hindi na muling nagagamit na sisidlan. Sa karaniwang paglalarawan o halimbawang ito ay ipinakilala ni Jesus ang kalagayan ng mga pinunong Hudyo. Ang mga saserdote, mga eskriba at mga pinuno ay hindi na makaahon sa balaho ng mga seremonya at mga sali't saling sabi. Ang mga puso nila ay umimpis at natuyong gaya ng mga balat na sisidlang pinaghalimbawaan Niya sa kanila. At habang sila'y nasisiyahan na sa isang legal na relihiyon, ay hindi sila maaaring maging mga lagakan o taguan ng nabubuhay na katotohanan ng langit. Inakala nilang sa-pat-na-sapat na ang sarili nilang katwiran, at hindi na nila nais magpapasok sa kanilang relihiyon ng isang bagong elemento. Ang mabuting kalooban ng Diyos sa mga tao ay hindi nila tinanggap bilang isang bagay na bukod o hiwalay sa kanilang mga sarili. Ito'y iniugnay o ikinabit nila sa sarili nilang kagalingan dahil sa mabubuti nilang gawa. Ang pananampalatayang gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig at lumilinis ng kaluluwa ay hindi maaaring makiisa sa relihiyon ng mga Pariseo, na binubuo ng mga seremonya at mga utos ng mga tao. Ang pagsisikap na isama ang mga aral ni Jesus sa nakatatag na relihiyon ay mabibigo. Ang nabubuhay na katotohanan ng Diyos, katulad ng permentadong alak, ay magpapa-putok sa luma at marurupok na sisidlan ng sali't saling sabi ng mga Pariseo. BB 379.1
Ang akala ng mga Pariseo ay napakarurunong na sila at hindi na sila kailangang turuan pa, akala pa rin nila ay sila'y totoong banal na upang mangailangan pa ng kaligtasan, na sila'y totoong napakamararangal na upang kailanganin ang parangal na buhat kay Kristo. Iniwan sila ng Tagapagligtas upang humanap ng mga ibang ta-tanggap ng pabalita ng langit. Sa di-nag-aral na mga mangingisda, sa maniningil ng buwis na nasa pamilihan, sa babaing taga-Samaria, at sa karaniwang mga tao na buong kagalakang nakinig sa Kaniya, ay natagpuan Niya ang Kaniyang mga bagong sisidlang balat para sa bagong alak. Ang mga kasangkapang gagamitin sa gawain ng ebanghelyo ay ang mga kaluluwang buong kagalakang nagsisitanggap ng liwanag na ipinadadala sa kanila ng Diyos. Ang mga ito ang Kaniyang mga kinakasangkapan upang maibigay ang pagpapakilala ng katotohanan sa sanlibutan. Kung sa pamamagitan ng biyaya ni Kristo ay magiging mga bagong sisidlang balat ang Kaniyang bayan, ay pupunuin Niya sila ng bagong alak. BB 380.1
Ang aral ni Kristo, kung bagama't itinutulad sa bagong alak, ay hindi naman isang bagong doktrina, kundi paghahayag lamang niyaong itinuro na buhat pa nang pasimula. Datapwa't sa mga Pariseo ay nawala ang orihinal nitong kahulugan at kagandahan. Sa ganang kanila ang turo o aral ni Kristo ay bagung-bago sa lahat ng paraan, kaya hindi nila kinilala at hindi tinanggap. BB 380.2
Ipinaliwanag ni Jesus na may kapangyarihan ang maling turo na sirain ang pagpapahalaga at pagnanasa ng tao sa katotohanan. “Walang taong nakainom ng alak na laon,” wika Niya, “ay iibig sa alak na bago: sapagka't sasabihin niya, Mabuti ang laon.” Ang lahat ng katoto-hanang ibinigay sa sanlibutan sa pamamagitan ng mga patriarka at mga propeta ay nagliwanag na may bagong kagandahan nang iyon ay salitain ni Kristo. Nguni't ang mga eskriba at mga Pariseo ay walang pagnanasa sa mahalagang alak na bago. Hanggang hindi nila iniiwan ang dating mga sali't saling sabi, mga kinaugalian, at mga gawain, ay hindi nila matatanggap sa isip o sa puso ang mga turo ni Kristo. Nangunyapit sila sa mga patay na porma o mga seremonya, at nagsitalikod sa nabubuhay na katotohanan at kapangyarihan ng Diyos. BB 380.3
Ito ang dahilan ng pagkapahamak ng mga Hudyo, at siya rin namang ikapapahamak ng maraming kaluluwa sa ating kapanahunan. Libu-libo ang gumagawa ng pagkakamali ring iyon na ginawa ng mga Pariseong sinuwatan ni Kristo sa piging ni Mateo. Sa halip na iwan ang sariling kinikimkim na paniniwala, o kaya'y itakwil ang dinidiyos na opinyon, ay marami ang tumatanggi sa katotohanang nagmumula sa Ama ng liwanag. Sa sarili nila sila nagtitiwala, at sila'y umaasa sa sarili nilang karunungan, at hindi nila nadarama ang kanilang espirituwal na karukhaan. Iginigiit nilang sila'y maliligtas sa anumang paraan kung sila'y gagawa ng mabuting gawa. At pagka nakikita nilang walang paraan upang maisama ang sarili sa gawain, ay tinatanggihan nila ang kaligtasang ibinibigay. BB 381.1
Ang isang legal na relihiyon ay di-kailanman makapaglalapit ng mga kaluluwa kay Kristo; sapagka't ito ay isang relihiyong walang pag-ibig at walang Kristo. Ang pag-aayuno at pananalangin na ginagawa sa pamamagitan ng diwang nag-aaring-ganap sa sarili ay karumal-dumal sa paningin ng Diyos. Ang banal na kapulungan sa pagsamba, ang paulit-ulit na mga seremonyang panrelihiyon, ang panlabas na pagpapakumbaba, at ang marangyang paghahain, ay nagpapahayag na ang gumagawa ng mga bagay na ito ay nagpapalagay na siya'y matwid, at karapat-dapat sa langit; subali't ito ay kadayaan lamang. Ang kaligtasan ay hindi natin mabibili kailanman sa pamama-gitan ng sarili nating mga gawa.. BB 381.2
Kung paano noong mga kaarawan ni Kristo, ay gayun-din ngayon; hindi nalalaman ng mga Pariseo ang pagsa-salat nilang ukol sa espiritu. Sa kanila ay dumarating ang pabalitang, “Sapagka't sinasabi mo, Ako'y mayaman, at nagkamit ng kayamanan, at hindi ako nangangailangan ng anuman; at hindi mo nalalamang ikaw ay aba, at maralita, at dukha, at bulag, at hubad: ipinapayo Ko sa iyo na ikaw ay bumili sa Akin ng gintong dinalisay ng apoy, upang ikaw ay yumaman; at ng mapuputing damit, upang iyong maisuot, at upang huwag mahayag ang iyong kahiya-hiyang kahubaran.” Apocalipsis 3:17, 18. Ang pananampalataya atpag-ibig aysiyang gintongdinalisay ng apoy. Datapwa't sa ganang marami ang ginto ay kumupas na, at ang kayamanan ay naubos na. Sa ganang kanila ang katwiran ni Kristo ay tulad sa damit na di-isinusuot, at isang bukal na di-ginagalaw. Kaya sa kanila'y sinasabi, “Mayroon Akong laban sa iyo, na iyong iniwan ang iyong unang pag-ibig. Kaya't alalahanin mo kung saan ka nahulog, at magsisi ka, at gawin mo ang iyong mga unang gawa; o kung hindi ay paririyan Ako sa iyo agad, at aalisin Ko ang iyong kandelero sa kaniyang kinala-lagyan, maliban na magsisi ka.” Apocalipsis 2:4, 5. BB 382.1
“Ang mga hain sa Diyos ay bagbag na loob: isang bagbag at may pagsisising puso, Oh Diyos, ay hindi Mo wawalaing kabuluhan.” Awit 51:17. Dapat munang hub-din ng tao ang buong sarili bago siya maging isang lubos na mananampalataya kay Jesus. Pagka itinakwil na ng tao ang kaniyang sarili, ay saka pa laman'g siya maga-gawa ng Panginoon na isang bagong nilalang. Mga bagong sisidlang balat ang malalamnan ng bagong alak. Ang pag-ibig ni Kristo ay magbibigay sa sumasampala-taya ng bagong buhay. At sa kaniya na tumitingin sa Maygawa at Sumasakdal ng ating pananampalataya ay mahahayag ang likas ni Kristo. BB 382.2