Bukal Ng Buhay

28/89

Kabanata 27—“Maaaring Malinis Mo Ako”

Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 8:2-4; 9:1-8, 32-34; Marcos 1:1:40-45; 2:1-12; Lukas 5:12-28.

Sa lahat ng mga sakit na nakikilala sa Silangan ay ang ketong ang lubhang kinatatakutan. Ang uri nitong di-napagagaling at nakakahawa, at ang nakapangi-ngilabot na nagagawa nito sa dinadapuan, ay lumilipos ng sindak maging sa pinakamatapang na tao. Sa ganang mga Hudyo ay itinuturing itong isang parusa ng Diyos dahil sa kasalanan, kaya nga tinawag itong “hampas” o “daliri ng Diyos.” Palibhasa'y lumalalim, di-naghihilom, at nakamamatay, tinitingnan itong parang sagisag ng kasalanan. Sa kautusang rituwal, ang ketongin ay ipina-hahayag na marumi. Katulad ng isang taong patay na, siya'y inilalabas sa mga tahanan ng mga tao. Anumang mahipo niya ay marumi. Pati hangin ay nadurumhan ng kanyang hininga. Ang taong napaghihinalaang nagtataglay ng sakit na ito ay kailangang pakita sa mga saserdote, na siyang sisiyasat sa kaniya at magpapasiya kung siya nga'y may karamdaman. Kung sabihin nilang siya'y isang ketongin, siya'y inihihiwalay sa kaniyang sambahayan, hindi isinasama sa kapulungan ng Israel, at palagian nang isinasama sa mga taong may gayunding sakit. Ang kautusang ito ay hindi nababali at walang kinikilingan. Kahit mga hari at mga pinunong-bayan ay hindi itinatangi. Ang isang haring dinapuan ng kakila- kilabot na sakit na ito ay kailangang bitiwan ang kaniyang setro, at humiwalay sa lipunan. BB 351.1

Sa paghiwalay sa kaniyang mga kaibigan at mga ka-mag-anak, dapat batahin ng ketongin ang kasumpa-sumpa niyang karamdaman. Siya na rin ang magsasabing siya'y may ketong, at pupunitin niya ang kaniyang mga damit, at ibabando ang babala, na ang lahat ay dapat lumayo sa kaniya dahil sa siya'y nakakahawa. Ang sigaw na, “Marumi! marumi!” na kalunus-lunos na inihihiyaw ng nangungulilang takwil ng lipunan, ay isang hudyat na pinakikinggang may pagkatakot at pandidiri ng bawa't nakakarinig. BB 352.1

Sa pook na pinaglingkuran ni Kristo ay marami ang maysakit ng ganito, at nang sumapit sa kanila ang balita ng Kaniyang mga ginagawa, ay nabuhay ang aandap-andap nilang pag-asa. Nguni't buhat nang mga araw ni Eliseo na propeta, ay wala ng sakit na ito. Hindi nga nila inasahang gagawin ni Jesus sa kanila ang hindi pa Niya kailanman ginagawa sa kaninuman. Gayon pa man ay may isang sinibulan sa puso ng pananampalataya. Datapwa't hindi niya alam kung paano makalalapit kay Jesus. Palibhasa'y isa siyang itinatakwil ng kaniyang mga kapwa tao, ay paano kaya siya makahaharap sa Manggagamot? At itinatanong niya sa kaniyang sarili kung pagagalingin naman-kaya siya ni Kristo. Magpapakaaba kaya Ito na pagkakaabalahang pansinin ang isang gaya niya na itinuturing na pinarurusahan ng Diyos? Hindi kaya Ito, gaya ng mga Pariseo, at ng iba pang mga manggagamot, na susumpain siya, at pagbabawalan siyang makihalo sa mga tao? Inisip-isip niya ang lahat ng mga nabalitaan niya tungkol kay Jesus. At alam niya na isa man sa mga lumapit na humingi ng tulong Dito ay hindi Nito tinanggihan. Ipinasiya ng lalaking hanapin ang Tagapag-ligtas. Bagama't siya'y pinagsarhan ng mga daang pa-pasok sa mga siyudad, inakala niyang maaari namang magkakurus ang landas nila ni Jesus sa mga daan ng kabundukan, o kaya'y maaari namang makita niya Ito sa pagtuturo Nito sa labas ng mga bayan-bayan. Alam niyang mahihirapan siyang lubha, subali't ito lamang ang kaniyang pag-asa. BB 352.2

May naghatid sa ketongin sa harap ng Tagapagligtas. Nagtuturo noon si Jesus sa tabi ng dagat, at nagkakatipon ang mga tao sa palibot Niya. Sa pagkakatayo ng ketongin sa malayo, ay narinig niya ang ilan sa mga salitang binigkas ng Tagapagligtas. Nakita niyang ipina-patong ni Jesus ang Kaniyang mga kamay sa mga may-sakit. Nakita niya ang mga pilay, ang mga bulag, ang mga paralitiko, at ang mga naghihingalo na sa iba't ibang mga sakit na nagsisibangong malalakas at malu-lusog, na nagsisipagpuri sa Diyos dahil sa pagkakapag-pagaling sa kanila. Lumakas ang pananampalatayang nasa kaniyang puso. Siya'y lumapit nang lumapit sa nagkakatipong karamihan. Nalimutan niya ang mga ipinag-babawal sa kaniya, ang kaligtasan ng mga tao na baka mahawa sa kaniya, at ang pangingilag na iniuukol sa kaniya ng lahat na mga tao. Ang naiisip lamang niya ay ang pinagpalang pag-asa ng kaniyang paggaling. BB 353.1

Siya'y nakapandidiring masdan. Lubhang malala na ang kaniyang sakit, at ang nabubulok niyang katawan ay nakapangingilabot tingnan. Pagkakita sa kaniya ng mga tao ay nangapaurong ang mga ito dahil sa takot. Nagtu-lakan silang paurong sa isa't isa sa malaking pagnanais na huwag mapalapit sa kaniya. May ilang nagsikap na humadlang sa kaniya sa kaniyang paglapit kay Jesus, nguni't nabigo. Hindi niya tinitingnan ni pinakikinggan man sila. Ang mga salita ng pandidiri nila sa kaniya ay hindi niya pansin. Ang nakikita lamang niya ay ang Anak ng Diyos. Ang naririnig lamang niya ay ang tinig na nagsasalita ng buhay sa mamamatay. Patuloy siyang lumapit kay Jesus, at pagsapit sa harapan Nito ay nagpatirapa siya sa paanan Nito na sumisigaw, “Panginoon, kung ibig Mo, ay maaaring malinis Mo ako” BB 353.2

Sumagot si Jesus, “Ibig Ko; luminis ka,” at ipinatong Niya sa kaniya ang Kaniyang kamay. Mateo 8:3. BB 355.1

Karaka-rakang may nangyaring pagbabago sa ketongin. Lumusog ang kaniyang kalamnan. Ang magaspang at nangangaliskis na balat ay naparam, at ang humalili ay ang malambot at parang sutlang balat ng isang malusog na bata. BB 355.2

Pinagbilinan ni Jesus ang lalaki na huwag ipagma-kaingay ang ginawa sa kaniya, kundi kagyat siyang pumaroon sa templo na taglay ang isang handog. Ang gayong handog ay hindi muna matatanggap hanggang hindi nasisiyasat ng mga saserdote ang lalaki at naipapa-hayag na siya'y lubusan nang magaling. At hindi man nila tanggapin ang handog, hindi rin nila maiiwasan ang pagsisiyasat at ang pagpapasiya sa kaso. BB 355.3

Ang pangungusap ng Kasuiatan ay nagpapakilalang mahigpit ang bilin ni Kristo sa lalaki na ito'y manahimik at sumunod kaagad. “Siya'y Kaniyang pinagbilinang mahigpit, at pinaalis siya pagdaka; at sinabi sa kaniya, Ingatan mong huwag sabihin sa kaninuman ang anuman: kundi yumaon ka, at pakita ka sa saserdote, at maghan-dog ka sa pagkalinis sa iyo ng mga bagay na ipinag-utos ni Moises, na bilang isang patotoo sa kanila.” Kung napag-alaman lamang ng mga saserdote ang mga pangya-yari tungkol sa paggaling ng ketongin, ang pagkagalit nila kay Kristo ay humantong sana sa paggagawad nila ng isang di-matapat na kapasiyahan. Ibig ni Jesus na ang lalaki ay pakita kaagad sa templo bago umabot sa mga saserdote ang balita tungkol sa kababalaghan. Sa ganito'y maibibigay nila ang pasiya nang buong katapa-tan, at ang lalaking ketongin naman ay mapahihintulutang makipisang minsan pa sa kaniyang sambahayan at mga kaibigan. BB 355.4

May iba pang mga dahilan o mga layunin kung bakit ipinagbilin ni Kristo sa lalaki na huwag magsalita kani-numan. Talastas ng Tagapagligtas na hindi tumitigil ang Kaniyang mga kaaway sa pagsisikap na mahangga-nan ang Kaniyang gawain, at mapatalikod o maihiwalay sa kaniya ang bayan. Alam Niya na kung kakalat ang balitang pinagaling Niya ang lalaking ketongin, ang iba pang may ganitong kakila-kilabot na karamdaman ay magdadagsaan sa Kaniya, at sa gayo'y isisigaw ng Kaniyang mga kaaway na ang mga tao ay mahahawa sa mga maysakit na ito. Marami rin naman sa mga ketongin ang hindi gagamit ng kanilang bagong tinanggap na kalusugan upang maging pagpapala ito sa kanilang mga sarili o sa mga iba. At kung palalapitin Niya sa Kaniya ang mga tao, ay bibigyan Niya ng pagkakataon ang sakdal o paratang Iaban sa Kaniya na nilalabag Niya ang mga ipinagbabawal ng kautusang rituwal. Sa ganitong paraan ay mahahadlangan ang Kaniyang gawain sa pangangaral ng ebanghelyo. BB 355.5

Ipinakikilala ng pangyayari na tama ang babala o ibinilin ni Kristo. Maraming tao ang nakasaksi sa pag-papagaling sa ketongin, at kinasabikan nilang maalaman ang magiging kapasiyahan ng mga saserdote. Nang umuwi ang lalaki sa kaniyang mga kasamahan, nagkaroon ng malaking paggigilalas. At sa kabila ng mahigpit na bilin ni Jesus, wala namang magawa ang Ialaki upang mailihim ang katotohanan tungkol sa kaniyang paggaling. Kung sabagay ay sadyang hindi maililihim ito, gayunma'y ibinalita ng ketongin ang bagay na ito. Inakala niyang marahil ay dahil lamang sa pagkamapagpakumbaba ni Jesus kaya siya pinagbilinan ng gayon, kaya nga naglibot siya na itinatanyag ang kapangyarihan ng Dakilang Manggagamot. Hindi niya napag-unawa na ang bawa't gayong pagpapamalas ng gawang kababaiaghan ay lalo lamang nagpapasidhi sa kapasiyahan ng mga saserdote at mga matanda na maipahamak si Jesus. Nadama ng taong pinagaling na ang ipinagkaloob sa kaniyang biyaya ng kalusugan ay napakahalaga. Ikinaligaya niya ang pag-kakaroon ng lakas ng pagkalalaki, at ang pagkakabalik niya sa piling ng kaniyang sambahayan at ng lipunan, at nadama niyang hindi niya mapipigilan ang sarili sa pagpuri at pagluwalhati sa Manggagamot na nagpagaling sa kaniya. Datapwa't ang ginawa niyang pagtatanyag sa lahat ng bagay na iyon ay humantong sa pagkakaroon ng hadlang sa gawain ng Tagapagligtas. Ito ang naging dahilan upang Siya'y dagsaan ng totoong maraming tao na anupa't napilitang tumigil sa isang panahon sa Kaniyang mga paggawa. BB 356.1

Bawa't gawa ni Kristo sa Kaniyang ministeryo ay may malawak na kahulugan. Ito'y mapag-uunawang higit pa kaysa talagang nakikita. Gayon ang nangyari sa ketongin. Bagama't pinaglingkuran ni Jesus ang lahat na lumapit sa Kaniya, kinasasabikan din naman Niyang pagpalain yaong mga hindi lumapit. Bagama't napalapit Niya ang mga maniningil ng buwis, ang mga taga-ibang bansa, at ang mga Samaritano, kinasabikan din naman Niyang maabot ang mga saserdote at mga guro na ang ikinala-layo ng loob sa Kaniya ay ang pagkikimkim ng maling pagkakilala at panghahawak sa mga sali't saling sabi. Sinubok Niya ang lahat ng paraan upang sila'y malapi-tan. At nang atasan Niyang pakita sa mga saserdote ang pinagaling na ketongin, ay binigyan Niya sila ng isang patotoong mag-aalis ng kanilang mga maling paniniwala. BB 357.1

Ipinahayag ng mga Pariseo na ang turo ni Kristo ay nalalaban sa kautusang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni Moises; nguni't ang tagubilin Niya sa pinagaling na ketongin na maghandog ito nang alinsunod sa kautusan ay nagpabulaan sa paratang nilang ito. Iyon ay sapat ng katunayan para sa lahat ng may ibig maniwala. BB 357.2

Ang mga pinunong nasa Jerusalem ay nagsugo ng mga tiktik upang humanap ng magagawang dahilan sa pagpapapatay kay Kristo. Sinagot Niya sila sa pamamagitan ng katunayan ng Kaniyang pag-ibig sa sanlibutan, ng Kaniyang paggalang sa kautusan, at ng Kaniyang kapangyarihang magligtas sa tao sa kasalanan at kamatayan. Sa gayo'y pinatunayan Niya tungkol sa kanila na: “Tginan-ti nila sa Akin ay kasamaan sa mabuti, at pagtatanim sa pag-ibig Ko.” Awit 104:5. Siya na nagbigay doon sa bundok ng utos na, “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway,” ay siya ring nagpakita sa sarili Niyang kabuhayan ng simulaing, “huwag ninyong gantihin ng masama ang masama, o ng pag-alipusta ang pag-alipusta: kundi ng pag-papala.” Mateo 5:44; 1 Pedro 3:9. BB 357.3

Ang mga saserdoteng humatol sa ketongin na siya'y dapat mahiwalay sa lipunan ng mga tao ay siya ring nagpatunay ngayon na siya'y magaling na. Ang pasiyang ito, na hayagang binigkas at itinala, ay isang matibay na patotoo para kay Kristo. At nang mapabalik na ang lala-king pinagaling sa kapulungan ng Israel, batay sa sariling pagtiyak ng mga saserdote na siya'y wala nang ka-unti mang bahid ng karamdaman, siya na rin ang isang buhay na saksi para sa Nagpala sa kaniya. Buong kagalakang dinala niya ang kaniyang handog, at dinakila ang pangalan ni Jesus. Kinilala ng mga saserdote ang kapangyarihan ng Diyos na sumasaTagapagligtas. Ibinigay sa kanila ang pagkakataon na makilala ang katoto-hanan at pakinabangan ang liwanag. Kung kanilang tanggihan, lalampas ito, at di-kailanman magbabalik. Marami ang tumanggi sa liwanag; gayunma'y hindi rin naman ito lubos na nabigo. Maraming puso ang naantig gayunma'y hindi nagpahalata. Sa panahong ikinabuhay ng Tagapagligtas, ang Kaniyang misyon ay waring bahagya nang tugunin ng pag-ibig ng mga saserdote at mga guro; subali't nang Siya'y makaakyat na sa langit ay “nagsitalima sa pananampalataya ang lubhang maraming saserdote.” Mga Gawa 6:7. BB 358.1

Ang ginawa ni Kristong paglilinis sa ketongin sa kakila-kilabot na sakit nito ay isang halimbawa ng Kaniyang ginagawang paglilinis sa tao sa kasalanan. Ang la-laking lumapit kay Jesus ay “puno ng ketong.” Ang nakamamatay na lason nito ay lumaganap na sa buong katawan niya. Sinikap ng mga alagad na pigilin ang kanilang Panginoon sa paghipo sa kaniya; sapagka't ang sinumang humipo sa isang ketongin ay nagiging marumi na rin. Nguni't nang ipatong ni Jesus ang Kaniyang kamay sa ketongin, ay hindi Siya nahawa. Ang hipo Niya ay nagdulot ng nagbibigay-buhay na kapangyarihan. Ang ketong ay nalinis. Ganyan din ang ketong na kasalanan—malalim ang pagkakaugat, nakamamatay, at di-maaaring linisin ng kapangyarihan ng tao. “Ang buong ulo ay masakit, at ang buong puso ay nanlulupaypay. Mula sa talampakan ng paa hanggang sa ulo ay walang kagalingan; kundi mga sugat, at mga pasa, at nangagnananang sugat.” Isaias 1:5, 6. Nguni't si Jesus, sa pagtahan sa sangka-tauhan, ay hindi nahawahan ng karumihan. Ang Kaniyang pakikiharap ay may nagpapagaling na bisa sa makasalanan. Sinumang magpapatirapa sa Kaniyang paanan, na taglay ang pananampalatayang magsasabi, “Panginoon, kung ibig Mo, ay maaaring malinis Mo ako,” ay makaka-rinig ng sagot na, “Ibig Ko; luminis ka.” Mateo 8:2, 3. BB 358.2

Sa ilang pagpapagaling na ginawa ni Jesus, ay hindi Niya agad ibinigay ang hininging pagpapala. Nguni't sa kaso ng ketong, karaka-rakang makiusap ay agad iyong ibinigay. Ganyan din pagka tayo'y humihingi sa dalangin ng mga pagpapalang ukol sa lupa, ang sagot sa ating panalangin ay maaaring hindi agad ibigay, o kaya'y ma-aaring bigyan tayo ng Diyos ng iba kaysa ating hinihingi; subali't hindi gayon pagka ang hinihingi natin ay ang tayo'y maligtas sa pagkakasala. Talagang ibig Niyang tayo'y linisin sa kasalanan, na tayo'y gawing mga anak Niya, at upang magawa nating makapamuhay ng isang banal na kabuhayan. Ibinigay ni Kristo ang “Kaniyang sarili dahil sa ating mga kasalanan, upang tayo'y mailig-tas dito sa kasalukuyang. masamang sanlibutan, ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama.” Galaeia 1:4. At “ito ang nasa ating pagkakatiwala sa Kaniya, na, kung tayo'y humingi ng anumang bagay na ayon sa Kaniyang kalooban, ay dinidinig tayo Niya: at kung ating nalalaman na tayo'y dinidinig Niya, sa anumang ating hingin, ay nalalaman natin na nasa atin ang mga kahilingang sa Kaniya'y ating hiningi.” 1 Juan 5:14, 15. “Kung ipinaha-hayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal Siya na tayo'y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan.” 1 Juan 1:9. BB 359.1

Nang pagalingin ni Kristo ang paralitiko sa Capernaum, ay Kaniyang itinurong muli ang katotohanan ding ito. Ginawa ang kababalaghang ito upang ipakita ang kapangyarihan Niyang magpatawad ng mga kasalanan. At ang pagpapagaling sa paralitiko ay naglalarawan din ng ibang mahahalagang katotohanan. Ito'y lipos ng pag-asa at pampalakas ng loob, at kung iuugnay sa mapagtutol na mga Pariseo ay mayroon itong isang aral na nagbaba-bala rin naman. BB 360.1

Katulad ng ketongin, ang paralitikong ito ay nawalan na ng pag-asang siya'y gagaling. Ang sakit niya ay bunga ng isang lisya o makasalanang pamumuhay, at ang mga paghihirap niya ay pinapait ng kaniyang pagdadalang-sisi. Matagal na siyang nakiusap nang una sa mga Pariseo at mga manggagamot, sa pag-asang malulunasan ang tini-tiis na hirap ng pag-iisip at kirot ng katawan. Nguni't tahasan nilang sinabi sa kaniya na siya'y hindi na gagaling, at ipinaubaya na siya sa galit ng Diyos. Sa ganang mga Pariseo ang pagkakasakit ay isang katunayan ng pag-kagalit ng Diyos, kaya sila'y lumalayo sa mga maysakit at mga nangangailangan. Gayon pa ma'y malimit na itong mga nagbubunying sila ay mga banal ay higit pa ngang makasalanan kaysa mga maysakit na kanilang hinahamak at hinahatulan. BB 360.2

Ganap na walang-magawa ang lalaking paralitiko, at palibhasa'y nakikita niyang wala siyang maaasahang sinuman na tutulong sa kaniya, ay nasadlak na siya sa kawalang-pag-asa. Saka naman niya nabalitaan ang mga kahanga-hangang ginagawa ni Jesus. May nakapagsabi sa kaniya na ang ibang makasalanan din at walang-kayang gaya niya ay mga pinagaling; pati mga ketongin ay nili-nis. At ang mga kaibigang nagbalita ng mga bagay na ito ay nagpalakas ng loob sa kaniya upang paniwalaan na siya man naman ay maaaring gumaling kung siya'y madadala kay Jesus. Datapwa't naglaho ang pag-asang ito nang magunita niya kung paano siya dinapuan ng sakit. Nag-alaala siyang baka hindi siya tanggapin o hindi pakiharapan ng dalisay na Manggagamot. BB 360.3

Nguni't ang kaniyang lubhang pinakananasa ay hindi ang kagalingan ng kaniyang sakit kundi ang maibsan ng pinapasan niyang kasalanan. Kung makahaharap lamang siya kay Jesus, at kaniyang matatanggap nang may kati-yakan ang kapatawaran at kapayapaan ng Langit, ay ma-sisiyahan na siyang mabuhay o mamatay, ayon sa kalo-oban ng Diyos. Ang daing ng taong nabibingit sa kama-tayan ay, Oh, ako sana'y mapasa Kaniyang harapan! Walang panahong dapat sayangin; nababadha na sa kaniyang yayat na katawan ang mga tanda ng kamatayan. Pinamanhikan niya ang kaniyang mga kaibigan na buhatin siya sa kaniyang higaan at dalhin kay Jesus, at ito naman ay buong kagalakan nilang ginawa. Nguni't napakakapal ng mga taong nagkakatipon sa loob at sa palibot ng bahay na kinaroroonan ng Tagapagligtas, at hindi maa-aring makalapit sa Kaniya ang maysakit at ang mga kai-ibigan nito, o kaya'y marinig man lamang ang Kaniyang tinig. BB 361.1

Nagtuturo noon si Jesus sa loob ng bahay ni Pedro. Ayon sa kanilang kaugalian, ang mga alagad Niya ay nakaupo sa Kaniyang palibot, at “naroon ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa kautusan na nakaupo rin sa paligid, na pawang nagsipanggaling sa bawa't bayan ng Galilea, at ng Judea, at ng Jerusalem.” Nagsiparoon ang mga ito bilang mga tiktik, na nagsisihanap ng maipapa-rating laban kay Jesus. Sa kabila ng mga pinunong ito ay nagsisiksikan ang halu-halong karamihan, ang mga nasasabik, ang mga magagalang, ang mga mapag-usisa, at ang mga di-naniniwala. Naroon din ang iba't ibang mga lahi at ang. lahat ng mga uri ng mga tao. “At ang kapangyarihan ng Panginoon ay naroroon upang magpagaling.” Ang Espiritu ng buhay ay lumukob sa kapulungan, nguni't hindi napansin ng mga Pariseo at ng mga dalubhasa sa kautusan. Wala silang nadamang pangangailangan, at ang pagpapagaling ay hindi ukol sa kanila. “Binusog Niya ang nangagugutom ng mabubuting bagay, at pinaalis Niya ang mayayaman na walang anuman.” Lukas 1:53. BB 361.2

Paulit-ulit na pinagsikapan ng mga maydala sa paralitiko na makalusot sa makapal na karamihan, nguni't sila'y nabigo. Nagpalinga-linga ang maysakit na taglay ang .di-mabigkas na hinagpis. Ngayong maabot na ang pinakalulunggating makatutulong, ay ngayon pa ba siya mawawalan ng pag-asa? Sa kaniya na ring mungkahi ay dinala siya ng kaniyang mga kaibigan hanggang sa bubong ng bahay, at pagkatapos na matuklap nila ang isang bahagi ng bubungan, ay inihugos siyang pababa sa paanan ni Jesus. Napatigil ang pagsasalita. Pinagmasdan ng Tagapagligtas ang hapis na mukha ng paralitiko, at nakita Niya ang namamanhik na mga matang nakatuon sa Kaniya. Naunawaan Niya ang lahat ng pangyayari; Siya na rin ang humila sa taong ito na kinaurali ng diwang nagugulumihanan at nag-aalinlangan. Nang nasa bahay pa ang paralitiko, ang Tagapagligtas ang sumumbat sa budhi nito. At ang pagsisihan nito ang kaniyang mga kasalanan, at sumampalataya sa kapangyarihan ni Jesus na siya'y mapagagaling, ay dumating agad sa uhaw na puso nito ang daloy ng awang nagbibigay-buhay. Nakita ni Tesus ang kauna-unahang silahis ng paniniwala na tumubo at lumaki sa pagiging isang pananampalataya na Siya lamang ang makatutulong sa makasalanan, at nakita Niya itong lalong nagtumibay sa bawa't pagsisikap na makarating sa Kaniyang harapan. BB 362.1

Ngayon, sa pamamagitan ng mga salitang dumating na parang musika sa pakinig ng maysakit, ay sinabi ng Tagapagligtas, “Anak, laksan mo ang iyong loob; pina-tawad na ang iyong mga kasalanan.” BB 362.2

Napahid agad ang pinapasang kawalang-pag-asa sa kaluluwa ng maysakit; ang kapayapaan ng pagiging-pinata'wad ay namamahinga na sa kaniyang diwa, at namama-naag sa kaniyang mukha. Napawi ang kirot sa kaniyang katawan, at nagbago ang kaniyang buong pagkatao. Ang walang-kayang paralitiko ay gumaling! Ang taong maka-salanan ay pinatawad! BB 363.1

Sa pamamagitan ng simpleng pananampalataya ay tinanggap niya ang mga salita ni Jesus na tulad sa biyaya ng bagong buhay. Wala na siyang hiniling pa, kundi nanatiling tahimik na naliligayahan, totoong maligaya upang mangusap pa. Namanaag ang liwanag ng langit sa kaniyang mukha, at may pangingimi't paggalang na pinanood ng mga tao ang tagpong yaon. BB 363.2

Buong kasabikang inantabayanan ng mga rabi kung ano ang gagawin ni Kristo sa maysakit na ito. Naalaala nila kung paanong humingi sa kanila ng tulong ang lalaking ito, at pinagkaitan nila ito ng pag-asa o pakikiramay. At hindi pa sila nasiyahan sa pagkakait na ito, sinabi pa nilang siya'y nagbabata ng parusa ng Diyos dahil sa kaniyang mga pagkakasala. Ang mga bagay na ito ay nanariwa sa kanilang pag-iisip nang makita nila ang maysakit na lalaki sa harap nila. Napansin nila ang kasabikan ng lahat sa panonood ng tagpong yaon, at nakadama sila ng malaking pangamba na baka masira ang sarili nilang impluwensiya sa mga tao. BB 363.3

Ang mararangal na taong ito ay hindi na nag-usap-usap, kuhdi sa kanilang pagtititigan ay nagkabasahan na sila ng kani-kanilang mga iniisip, na dapat silang gumawa ng anumang bagay upang mahadlangan ang daloy ng damdamin. Ipinahayag ni Jesus na pinatawad na ang mga kasalanan ng paralitiko. Itinuring ng mga Pariseo na ang mga salitang ito ay pamumusong, at naisip nilang ito ay maihaharap nila bilang isang kasalanan na karapatdapat sa kamatayan. Sinabi nila sa kanilang mga sarili, “Siya'y namumusong: sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan kundi Isa, ang Diyos lamang?” Marcos 2:7. BB 363.4

Itinutok ni Jesus ang Kaniyang titig sa kanila, na iniwasan nama't ikinapaurong nila, at Kaniyang sinabi, “Bakit nangag-iisip kayo nang masama sa inyong mga puso? Sapagka't alin baga ang lalong magaang sabihin, Ipinatatawad na ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka, at lumakad ka? Datapwa't upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao'y may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan,” ay sinabi Niya, na binalingan ang paralitiko, “Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa iyong bahay.” BB 364.1

Nang magkagayon siya na dinala kay Jesus sa isang higaan ay nagtindig na taglay ang lakas at sigla ng kabataan. Dumaloy sa kaniyang mga ugat ang dugong nag-bibigay-buhay. Biglang-biglang nagsikilos ang bawa't sangkap ng kaniyang katawan. Banaag ng kalusugan ang humalili sa namumutlang kulay ng dumarating na kamatayan. “At pagdaka'y nagtindig siya, at binuhat ang higaan, at yumaon sa harap nilang lahat; anupa't nangagtaka silang lahat, at niluwalhati nila ang Diyos, na nangagsasabi, Kailanma'y hindi tayo nakakita nang ganito.” BB 364.2

Oh, kamangha-manghang pag-ibig ni Kristo, na nagpakababa upang pagalingin ang maysala at ang maysakit! Diyos na nalulungkot at lumulunas ng mga karamdaman ng naghihirap na sangkatauhan! Oh, kagila-gilalas na kapangyarihang ipinakita nang gayon sa mga anak ng mga tao! Sino pa ang mag-aalinlangan sa pabalita ng kaligtasan? Sino pa ang magwawalang-bahala sa mga kaawaan ng mahabaging Manunubos? BB 364.3

Walang ibang kinailangan kundi ang lumalalang na kapangyarihan upang maisauli ang kalusugan sa nama-matay na katawang yaon. Ang tinig ding iyon na nagsalita at nagbigay-buhay sa taong nilikha mula sa alabok ng lupa, ay siya ring nagsalita't nagbigay-buhay sa mamamatay na paralitiko. At ang kapangyarihan ding iyon na nagbigay ng buhay sa katawan ay siya ring bumago ng puso. Siya na nang panahon ng paglalang ay “nagsalita, at nangyari,” na “nag-utos, at tumayong matatag” (Awit 33:9), ay siyang nagsalita't nagbigay-buhay sa kaluluwang patay sa mga pagsalansang at mga kasalanan. Ang paggaling ng katawan ay katunayan ng kapangyarihang bumago ng puso. Inatasan ni Kristo ang paralitiko na tumindig at lumakad, “upang maalaman ninyo,” sabi Niya, “na ang Anak ng tao'y may kapamahalaan sa lupa na magpatawad. ng mga kasalanan.” BB 364.4

Natagpuan ng paralitiko kay Kristo ang kagalingan ng kaniyang katawan at kaluluwa. Ang paggaling na ukol sa espiritu ay sinundan ng paggaling ng panganga-tawan. Hindi dapat kaligtaan ang aral na ito. Sa ngayon ay may libu-libong nangagtitiis ng karamdaman ng pangangatawan, na tulad ng paralitiko, ay nangasasabik makarinig ng pabalitang, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Ang pinapasang kasalanan, kasama ang dulot nitong di-pagkatahimik at mga nasaing di-mabigyangkasiyahan, ay siyang pinagbubuhatan ng kanilang mga karamdaman. Hindi sila makatagpo ng lunas hanggang hindi sila lumalapit sa Nagpapagaling ng kaluluwa. Ang kapayapaang Siya lamang ang makapagbibigay ay mag-dudulot ng kalakasan sa isip, at ng kalusugan sa katawan. BB 365.1

Naparito si Jesus upang “iwasak ang mga gawa ng diyablo.” “Nasa Kaniya ang buhay,” at sinasabi Niyang, “Ako'y naparito upang sila'y magkaroon ng buhay, at magkaroon ng kasaganaan nito.” Siya ay “espiritung nag-bibigay-buhay.” 1 Juan 3:8; Juan 1:4; 10:10; 1 Corinto 15:45. At taglay pa rin Niya ang kapangyarihang yaon na nagbibigay-buhay gaya nang Siya'y nasa lupa na Siya'y nagpapagaling ng mga maysakit, at nagpatawad sa makasalanan. Siya'y “nagpapatawad ng iyong lahat ng mga kasamaan,” Siya'y “nagpapagaling ng iyong lahat na mga sakit.” Awit 103:3. BB 365.2

Ang nagawa sa mga tao ng pagpapagaling sa parali-tiko ay parang nabuksan ang langit, at nahayag ang mga kaluwalhatian ng lalong mabuting sanlibutan. Nang ang lalaking pinagaling ay dumaan sa gitna ng karamihan, na pinupuri ang Diyos sa bawa't paghakbang, at dala-dala ang kaniyang pasan na para bagang iyon ay kasing-gaan lamang ng isang balahibo, ay nagsiurong ang mga tao upang siya'y mabigyan ng daan, at nakabadha sa mga mukha ang panggigilalas na siya'y tinititigan nila, na marahang nagbubulungan sa kanilang mga sarili, “Na-kakita kami ngayon ng mga bagay na kataka-taka.” BB 366.1

Naumid sa pagkakamangha at lubos na napipilan ang mga Pariseo. Nakita nilang dito'y walang pagkakataon ang pagkainggit nila upang mapagalit ang karamihan. Ang kahanga-hangang ginawa sa lalaking ipinaubaya na nila sa galit ng Diyos ay nakaantig nang gayon na lamang sa mga tao na anupa't nalimutan na nila nang sandaling yaon ang mga rabi. Nakita nilang si Kristo ay may angking kapangyarihan na sa ganang kanila'y sa Diyos lamang nagmumula; gayon pa ma'y ibang-iba ang Kaniyang mabanayad at marangal na kilos sa kanilang hambog na pag-uugali. Sila'y nalito at napahiya, nguni't ayaw pa rin nilang amining sila'y nasa harap ng isang nakahihigit na kinapal. Kapag lalong tumitibay ang katunayan na si Jesus ay may kapangyarihan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan, ay lalong tumitibay din ang kanilang mga sarili sa di-paniniwala. Buhat sa tahanan ni Pedro, na doon nila nasaksihan ang pagpapagaling sa paralitiko sa pamamagitan ng Kaniyang salita, ay nagsialis sila upang gumawa na naman ng mga bagong pakana upang mapatahimik ang Anak ng Diyos. BB 366.2

Ang karamdaman ng katawan, gaano man kalubha at katalamak, ay pinagaling ng kapangyarihan ni Kristo; subali't ang karamdaman ng kaluluwa ay lalong matibay ang kapit sa mga kusang nagpipikit ng kanilang mga mata sa liwanag. Ang sakit na ketong at paralisis ay hindi lubhang nakatatakot na tulad ng pagkapanatiko at di-paniniwala. BB 366.3

Sa tahanan ng pinagaling na paralitiko ay nagkaroon ng malaking pagkakatuwaan nang siya'y umuwi sa kaniyang sambahayan, na dala-dala ang higaang kani-kanina lamang ay kaniyang kinahihigan nang siya'y ialis sa kanila. Nagkalipumpon sila sa palibot niya na nagsisiluha sa kagalakan, na halos hindi makapaniwala sa kanilang nakikita. Siya'y nakatayo sa harap nila na malakas at malusog. Ang mga kamay na yaong luno at parang nakabitin lamang sa kaniyang mga balikat ay masigla ngayong naigagalaw niya sa sandaling naisin niya. Ang katawan niyang numipis at namutla ay nanariwa ngayon at pumula. Matatag na kung siya'y lumakad. Tuwa at pagasa ang nakaguhit sa kaniyang mukha; at ang mga tanda ng kasalanan at kahirapan ay nahalinhan ng hayag na kalinisan at kapayapaan. Maligayang pasasalamat ang pumailanlang mula sa tahanang yaon, at naluwalhatian naman ang Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang Anak, na nagbigay ng pag-asa, at ng lakas sa may karamdaman. Ang lalaking ito at ang kaniyang sambahayan ay handang mag-alay ng kanilang mga buhay para kay Jesus. Ang kanilang pananampalataya ay hindi pinabuway ng pag-aalinlangan, at ang katapatan nila sa Kaniya na naghatid ng liwanag sa madilim nilang tahanan ay hindi nadungisan ng di-paniniwala. BB 367.1