Bukal Ng Buhay
Kabanata 26—Sa Capernaum
Sa Capernaum nanirahan si Jesus sa pagitan ng Kaniyang mga pagyayao't dito sa iba't-ibang dako, at iyon ay nakilala sa tawag na “Kaniyang sariling bayan.” Iyon ay nasa baybayin ng Dagat ng Galilea, at malapit sa mga hangganan ng magandang kapatagan ng Genesaret. BB 335.1
Ang kababaan ng dagat ay siyang nagbibigay sa kapatagang nakalatag sa mga baybayin ng kaaya-ayang klima ng timugan. Dito noong panahon ni Kristo ay nagya-yabungan ang mga punong palma at punong olibo; nari-rito noon ang mga kakahuyan at mga ubasan, ang mga luntiang kabukiran, at ang mga nagdirilagang bulaklak na namumukadkad nang buong kasaganaan, na pawang dinidilig ng mga buhay na agos na bumubukal sa tala-bisbis na kabatuhan ng kabundukan. Ang mga baybayin ng dagat, at ang mga burol na nakapalibot dito, ay pina-mumutiktikan ng mga bayan at mga nayon. Puno naman ang dagat ng mga bangkang pamalakaya. Sa lahat ng dako ay naghahari ang paggawa at ang daloy ng buhay. BB 335.2
Ang Capernaum ay sadyang angkop na angkop na maging sentro ng paggawa ng Tagapagligtas. Palibhasa ito'y nasa daang nagbubuhat sa Damaseo na patungong Jerusalem at Ehipto, at patungo pa ring Dagat ng Mediteraneo, kaya ito'y daanan ng maraming manlalakbay. Ang mga taong buhat sa maraming lupain ay dumadaan sa lunsod na ito, o kaya'y namamahinga dito sa kanilang mga pagyayao't dito. Dito makakatagpo ni Jesus ang lahat ng mga bansa at ang lahat ng mga uri ng tao, ang mayaman at dakila, ang maralita at mababa, at ang mga turo Niya ay madadala sa maraming iba pang mga bansa at mga sambahayan. Sa gayon ay mapagsisiyasat ang mga hula, ang pansin ay mapapatuon sa Tagapagligtas, at ang Kaniyang misyon ay maihaharap sa sanlibutan. BB 335.3
Bagama't nagkaroon na ng pasiya ang Sanedrin laban kay Jesus, gayunma'y sabik pa ring naghintay ang mga tao sa mangyayari sa Kaniyang misyon. Ang buong kalangitan ay sabik na nagmasid. Inihahanda noon ng mga anghel ang daan para sa Kaniyang ministeryo, na kini-kilos ang puso ng mga tao, at hinihimok silang palapit sa Tagapagligtas. BB 336.1
Sa Capernaum ang anak na lalaki ng mahal na tao na pinagaling ni Kristo ay isang saksi sa Kaniyang kapangyarihan. At ang opisyal ng korte at ang kaniyang sambahayan ay masayang nagpatotoo sa kanilang pana-nampalataya. Nang mabalitang ang Guro ay dumating, ang buong siyudad ay nagsikilos. Dumagsa sa Kaniya ang karamihang mga tao. Nang dumating ang Sabado ay nagsiksikan ang mga tao sa sinagoga na anupa't napakarami ang hindi nangakapasok, at kinailangang magsiuwi. BB 336.2
Lahat ng nakarinig sa Tagapagligtas ay “nangagtaka sa Kaniyang aral: sapagka't may kapamahalaan sa Kaniyang salita.” “Sila'y Kaniyang tinuruang tulad sa may kapamahalaan, at hindi gaya ng kanilang mga eskriba.” Lukas 4:32; Mateo 7:29. Ang turo ng mga eskriba at ng mga matanda ay malamig at pormal, gaya ng aral na natututuhan sa pamamagitan ng plaka ng ponograpo na inuulit-ulit. Sa ganang kanila ay walang angking kapangyarihan ang salita ng Diyos. Sarili nilang mga pala-palagay at mga sali't saling sabi ang inihalili nila sa mga turo nito. Sa pinagkaugalian nilang paglilingkod ay nagpanggap silang nagpapaliwanag ng kautusan, subali't ang totoo'y walang pagkasi ng Diyos na kumilos ng kanilang mga puso ni ng mga puso man ng mga nakikinig sa kanila. BB 336.3
Walang kinalaman si Jesus sa iba't ibang mga paksang pinagtatalunan ng mga Hudyo. Ang gawain Niya ay ipakilala ang katotohanan. Ang mga salita Niya ay nagsabog ng isang baha ng liwanag sa mga turo ng mga patriarka at mga propeta, at ang mga Kasulatan ay dumating sa mga tao na parang isang bagong pahayag buhat sa bibig ng Diyos. Di-kailanman nadama nang una ng mga nakikinig sa Kaniya ang gayong malalim na kahulugan sa salita ng Diyos. BB 337.1
Sinagupa ni Jesus ang mga tao sa sarili nilang batayan, na gaya ng isa na lubos na nakatatalos ng mga kagulumihanan nila. Pinaganda Niya ang katotohanan sa pamamagitan ng pagpapakilala rito sa pinakatiyak at pinakasimpleng paraan. Ang Kaniyang pananalita ay dalisay, malinis, at malinaw na gaya ng batis na umaagos. Ang Kaniyang tinig ay parang musika sa pandinig ng mga taong nabihasa sa nakasusuyang himig ng pagsasalita ng mga rabi. Nguni't bagaman simple ang Kaniyang pag-tuturo, nagsalita naman Siya na gaya ng isa na may kapangyarihan o kapamahalaan. Ang katangiang ito ng Kaniyang pagtuturo ay siyang ikinaiba nito sa lahat ng iba. Kung magsalita ang mga rabi ay parang may alinlangan at nag-aatubili, na para bagang ang mga Kasulatan ay maaaring mangahulugan ng isang bagay o kaya'y ng kabaligtaran nito. Sa ganitong pangyayari ay lumalaki araw-araw ang mga alinlangan ng mga tao. Nguni't itinuro ni Jesus ang mga Kasulatan bilang may kapangya-rihang di-mapag-aalinlanganan. Anuman ang Kaniyang paksa, ay ipinangaral Niya iyon nang may kapangyari-han, na para bagang ang Kaniyang mga salita ay hindi matatalimuwang. BB 337.2
Siya'y masigasig, nguni't hindi mapusok. Kung Siya'y magsalita ay tulad ng isang may tiyak na nilalayon. Inihaharap Niya sa paningin ng lahat ang mga katunayan ng walang-hanggang sanlibutan. Sa bawa't paksa ay ipinakilala ang Diyos. Sinikap ni Jesus na sirain ang pagkahaling ng mga tao sa mga bagay na makalupa. Inilagay Niya sa tumpak na kaayusan ang mga bagay ng buhay na ito, na pangalawa lamang sa mga bagay ng buhay na walang-hanggan; gayunma'y hindi Niya winalang-kabuluhan ang kahalagahan ng mga ito. Itinuro Niya na nagkakaugnay ang langit at ang lupa, at ang nakaalam ng katotohanan ng Diyos ay naghahanda sa mga tao na magampanan nila nang lalong mabuti ang mga tungkulin sa pang-araw-araw na kabuhayan. Nagsalita Siyang gaya ng isa na bihasa sa langit, palibhasa'y batid Niya ang Kaniyang pagkakaugnay sa Diyos, gayunma'y kinikilala naman Niya ang Kaniyang pagkakaugnay sa bawa't kaanib ng sangkatauhan. BB 337.3
Ang Kaniyang mga pabalita ng kaawaan ay iba't-iba upang ibagay sa Kaniyang mga tagapakinig. Alam Niya “kung paanong aaliwin ng mga salita siyang nanlulupay-pay” (Isaias 50:4); sapagka't ang biyaya ay ibinuhos sa Kaniyang mga labi, upang maihatid sa mga tao sa pina-kakaakit-akit na paraan ang mga kayamanan ng katoto-hanan. Marunong Siyang makiharap sa mga taong may mga likong isipan, at pinapagtaka Niya sila sa mga halimbawang umakit ng kanilang pansin. Sa pamamagitan ng paglalarawang likha ng isip ay naabot Niya ang puso ng tao. Ang mga halimbawa Niya ay hinango Niya sa mga bagay na karaniwan araw-araw, at bagama't simple ang mga ito, ay nagtataglay naman ang mga ito ng ka-hanga-hangang lalim ng kahulugan. Ang mga ibon sa himpapawid, ang mga liryo sa parang, ang binhi, ang pastor at ang mga tupa,—sa pamamagitan ng mga bagay na ito ay inilarawan ni Kristo ang walang-kamatayang katotohanan; at pagkatapos buhat noon, nang makita ng mga nagsipakinig sa Kaniya ang mga bagay na ito ng katalagahan, ay nagunita nila ang Kaniyang mga salita. Ang mga paglalarawan o mga halimbawa ni Kristo ay laging paulit-ulit na nagtuturo ng Kaniyang mga aral. BB 338.1
Di-kailanman nanghibo si Kristo ng mga tao. Di-kai-lanman Siya nagsalita niyaong mga ikapagyayabang ng kanilang mga guni-guni at mga imahinasyon, ni hindi Niya pinuri sila dahil sa kanilang mga tusong pakana; nguni't ang mga aral Niya ay tinanggap ng mga taim-tim na palaisip, at nasumpungan nilang iyon ay sumubok sa kanilang karunungan. Namangha sila sa magan-dang katotohanang espirituwal na ipinahayag sa pinakasimpleng salita. Ang mga may pinakamataas na pinag-aralan ay nagayuma ng Kaniyang mga salita, at ang mga di-nag-aral naman ay lagi nang nakinabang. May pabalita Siya' sa mga di-makabasa't di-makasulat; at na-gawa pa rin Niyang maipaunawa maging sa mga di-nakakakilala sa Diyos na Siya'y may pabalita para sa kanila. BB 339.1
Ang Kaniyang malumanay na kaawaan ay naging parang gamot na panlunas sa mga nanlulupaypay at naba-bagabag na kalooban. Maging Siya'y nasa gitna man ng nagngangalit na mga kaaway ay nakalukob pa rin sa Kaniya ang diwa ng kapayapaan. Ang kagandahan ng Kaniyang mukha, ang pagiging-kaibig-ibig ng Kaniyang likas, at higit sa lahat, ang pag-ibig na nahahayag sa Kaniyang mata at himig ng pagsasalita, ay siyang ikina-akit at ikinalapit sa Kaniya ng lahat na hindi pa nagu-gumon sa di-pagsampalataya. Kung hindi nga dahil sa matamis at madamaying espiritu na nahayag sa bawa't tingin at bawa't salita Niya, disin sana'y hindi Niya na-akit ang malaking karamihang yaon ng mga tao. Ang mga may kapansanang nagsilapit sa Kaniya ay nakadama na nakikiramay Siya sa kanila bilang isang tapat at mapag-mahal na kaibigan, kaya naman hinangad nilang maka-alam pa ng mga katotohanang Kaniyang ipinangaral. Ang langit ay ginawang malapit sa kanila. Minithi nilang manatili sa Kaniyang harapan, upang patuloy na sumaka-nila ang umaaliw Niyang pag-ibig. BB 339.2
Taimtim na pinagmasdan ni Jesus ang pabagu-bagong anyo ng mga mukha ng mga nagsisipakinig sa Kaniya. Ang mga mukhang nagbabadha ng pagkawili at pagkalugod ay nagdulot sa Kaniya ng malaking kasiyahan. Nang tumimo sa kaluluwa ang mga palaso ng katotoha-nan, at maglagusan sa mga hadlang na kasakiman, at gumawa ng pagsisisi, at katapus-tapusan ay ng pagpa-pasalamat, ang Tagapagligtas ay tunay na nagalak. Nang lisain ng Kaniyang paningin ang karamihang nangakikinig, at Kaniyarig makilala sa gitna ng mga ito ang mga mukhang nakita na Niya nang una, ay nagliwanag sa katuwaan ang Kaniyang mukha. Nakita Niya sa mga ito ang mga maaasahang pasasakop sa Kaniyang kaharian. NaAg ang katotohanang buong linaw Niyang sinalita ay tumama sa isang pinipintuhong diyus-diyusan, napansin Niya ang pagbabago ng mga mukha, ang malamig at na-kasimangot na anyo, na nagpahiwatig na ang liwanag ay di-tinatanggap. Nang makita Niyang ang mga tao ay tumatanggi sa pabalita ng kapayapaan, ay gayon na lamang ang pagdurugo ng Kaniyang puso. BB 340.1
Sinalita ni Jesus sa sinagoga ang tungkol sa kahariang itatatag Niya kaya Siya naparito, at ang tungkol sa Kaniyang layunin na palayain ang mga bihag ni Satanas. Bigla Siyang ginambala ng isang tiling nakatatakot. Isang baliw ang dumaluhong buhat sa gitna ng mga tao, na sumisigaw, “Pabayaan Mo kami; anong pakialam namin sa Iyo, Ikaw na Jesus na taga-Nazareth? Ikaw ba'y na-parito upang puksain kami? Nakikilala ko Ikaw kung sino Ka; ang Banal ng Diyos.” BB 340.2
Bigla na ngayong nagkagulo at nagsigawan. Ang pansin ng mga tao ay naalis kay Kristo, at hindi pinansin ang mga sinasabi Niya. Ito ang layon ni Satanas kaya nito dinala sa sinagoga ang kaniyang biktima. Datapwa't sinaway ni Jesus ang demonyo, na sinasabi, “Tumahimik ka, at lumabas ka sa kaniya. At nang mailugmok na siya ng diyablo sa gitna nila, ay lumabas siya sa kaniya, at hindi siya sinaktan.” BB 340.3
Ang isip ng kaawa-awang taong ito ay pinapagdilim ni Satanas, nguni't ang kadilimang iyan ay nilagusan ng isang sinag ng liwanag na buhat sa harapan ng Tagapagligtas. Nagpilit siyang magwala sa panunupil ni Satanas; datapwa't nilabanan ng demonyo ang kapangyarihan ni Kristo. Nang sikapin ng taong makiusap kay Jesus upang tulungan siya, ay inilagay ng masamang espiritu sa bibig niya ang ibang mga salita, at sumigaw siya na naghihirap sa takot. Bahagyang napag-unawa ng inaalihan ng demonyo na siya'y nasa harapan ng Isang makapagpa-palaya sa kaniya; subali't nang subukin niyang abutin ang makapangyarihang kamay na yaon, ay may iba namang pumigil, at pangungusap ng iba ang nabigkas niya. Ang paglalaban ng kapangyarihan ni Satanas at ng sarili niyang hangaring makalaya ay kakila-kilabot. BB 341.1
Siya na gumapi kay Satanas sa ilang ng tukso ay muling napaharap nang mukhaan sa Kaniyang kaaway. Iniubos ng demonyo ang buo niyang kapangyarihan upang mapanatili niyang supil ang kaniyang biktima. Ang pagkatalo niya rito ay nangangahulugang pagbibigay ng tagumpay kay Jesus. Wari manding mamamatay ang lalaking pinahihirapan sa pakikipaglaban sa kaaway na sumira ng pagkatao nito. Nguni't nagsalitang may kapangyarihan ang Tagapagligtas, at pinalaya ang bihag. Ang lalaking dati'y inaalihan ng masamang espiritu ay tumindig sa harap ng nagtatakang karamihan na maligaya sa kaniyang pagkakalaya. Pati diyablo ay nagpato-too sa banal na kapangyarihan ng Tagapagligtas. BB 341.2
Pinuri ng lalaki ang Diyos dahil sa pagkakaligtas sa kaniya. Ang mga matang dati'y nagsisipanlisik sa apoy ng pagkabaliw, ay kumikislap na ngayon sa angking matinong kaisipan, at binabalungan ng mga luha ng pasasalamat. Natigilan ang mga tao sa panggigilalas. Nang sila'y karaka-rakang pagsaulian ng diwa, ay napabulalas sila sa isa't isa, “Ano kaya ito? isang bagong aral yata! may kapamahalaang nag-uutos Siya pati sa mga karumal-du-mal na espiritu, at Siya'y tinatalima nila.” Marcos 1:27. BB 341.3
Ang lihim na dahilan ng pagkakasakit na siyang naging sanhi naman upang ang lalaking ito ay maging isang nakatatakot na panoorin sa kaniyang mga kaibigan at maging isang pasanin sa kaniyang sarili ay ang kaniya na ring buhay. Nabighani siya ng mga kaligayahang dulot ng kasalanan, at binalak niyang ang buhay ay gawing isang malaking pistahan. Ni sa pangarap ay hindi niya inakalang siya'y katatakutan ng sanlibutan at magiging kapulaan sa kaniyang sambahayan. Ang akala niya'y magugugol niya ang kaniyang panahon sa pagsasaya. Subali't nang siya'y mapababa na ng landas, bumilis na sa paglusong ang kaniyang mga paa. Kawalang-pagpipigil at kaparakan ang sumira sa mararangal na katangian ng kaniyang likas, at lubusan siyang nasupil at napagharian ni Satanas. BB 342.1
Ang pagsisisi ay dumating nang totoong huli. Nang naisin na niyang gugulin ang kayamanan at iwan ang kalayawan upang matamong muli ang nawala niyang marangal na pagkatao, ay naging parang laruan na lamang siya sa kamay ng diyablo. Inilagay na niya ang kaniyang sarili sa lugar ng kaaway, at sinaklaw naman ni Satanas ang buo niyang pag-iisip. Inakit siya ng manunukso sa pamamagitan ng maraming nakahahalinang mga alok; nguni't nang mapasakamay na siya nito, ang halimaw ay naging walang-awa sa kaniyang kalupitan, at naging mabangis sa kaniyang galit na mga pagdalaw. Magiging gayundin naman sa lahat ng mga susuko o padadaig sa masama; ang mga unang pagpapasasa sa kalayawan ay humahantong sa kadiliman ng kawalang-pag-asa o sa pagkabaliw ng isang iginupong kaluluwa. BB 342.2
Ang masamang espiritu ring iyon na tumukso kay Kristo sa ilang, at umali sa lalaking taga-Capernaum, ay siyang nagpuno at naghari sa di-sumasampalatayang mga Hudyo. Nguni't sa kanila naman ay gumamit siya ng damit ng kabanalan, na pinagsisikapang dayain sila tungkol sa mga adhikain nila sa pagtanggi sa Tagapagligtas. Ang kanilang kalagayan ay lalo pang walang-pag-asa kaysa inaalihan ng demonyo, sapagka't hindi nila nadamang kailangan nila si Kristo at kaya nga mahigpit silang sumailalim sa kapangyarihan ni Satanas. BB 342.3
Ang panahon ng sarilinang paglilingkod ni Kristo sa mga tao ay siya namang panahon ng pinakamalaking pag-kilos ng mga puwersa ng kaharian ng kadiliman. Sa buong mga panahon ay pinagsisikapan ni Satanas at ng kaniyang masasamang anghel na mapagharian ang mga katawan at mga kaluluwa ng mga tao, upang dalhin sa kanila ang kasalanan at kahirapan; pagkatapos ay ipinaratang niya sa Diyos ang lahat ng kahirapang ito. Inihahayag ni Jesus sa mga tao ang likas ng Diyos. Sini-sira Niya ang kapangyarihan ni Satanas, at pinawawalan ang mga bihag nito. Bagong buhay at pag-ibig at ka-pangyarihang buhat sa langit ang kumilos sa puso ng mga tao, at nagising ang prinsipe ng kasamaan upang ipakipaglaban ang pangingibabaw ng kaniyang kaharian. Pinisan ni Satanas ang buo niyang puwersa, at sa bawa't hakbang ay nilabanan ang paggawa ni Kristo. BB 343.1
Ganyan din ang mangyayari sa huling malaking tunggalian ng katwiran at ng kasalanan. Habang lumalapag sa mga alagad ni Kristo buhat sa itaas ang bagong buhay at liwanag at kapangyarihan, isa rin namang bagong buhay ang sumisibol buhat sa ibaba, at pinalalakas ang mga kinakasangkapan ni Satanas. Karubduban ang naghahari sa bawa't bagay na makalupa. Sa pamamagitan ng katusuhang natutuhan sa buong panahon ng pakikilaban, ay gumagawa ang prinsipe ng kasamaan sa ilalim ng isang balatkayo. “Napakikita siyang nararamtang gaya ng isang anghel ng kaliwanagan, at marami ang 'mangakikinig sa mga espiritung mapanghikayat, at sa mga aral ng mga demonyo.” 1 Timoteo 4:1. BB 343.2
Noong mga kaarawan ni Kristo ang mga pinuno at mga guro ng Israel ay walang kalakas-lakas na lumaban sa gawain ni Satanas. Kinaliligtaan nila ang tanging paraan na sa pamamagitan niyon ay malalabanan nila ang masasamang espiritu. Sa pamamagitan ng salita ng Diyos nagapi ni Kristo ang diyablo. Nagpanggap ang mga lider ng Israel na sila ang mga tagapagpaliwanag ng salita ng Diyos, subali't pinag-aralan lamang nila ang salitang ito upang maitaguyod ang kanilang mga sali't saling sabi, at maipatupad ang mga utos o mga palatuntunan nila na gawang-tao. Ang kanilang mga paliwanag ay nagbigay ng mga isipang di-kailanman ipinaloob doon ng Diyos. Ang kanilang mahiwagang pagpapaliwanag ay nagpalabo sa bagay na malinaw Niyang ipinaliwanag. Pinagtalunan nila ang maliliit na bagay na di-mahalaga, at sa ganitong paraa'y para na rin nilang tinanggihan ang lalong mahahalagang katotohanan. Kaya nga ito ang naghasik ng kawalang-paniniwala sa mga tao. Ninakawan ang salita ng Diyos ng angking kapangyarihan nito, at ginawa ng masasamang espiritu ang bala nilang maibigan. BB 344.1
Nauulit ang kasaysayan. Ang marami sa mga lider ng relihiyon sa ating kapanahunan, bagama't lagi nilang binubuklat ang Bibliya, at nagpapanggap na gumagalang sa mga itinuturo nito, ay sinisira ang paniniwala rito bilang siyang salita ng Diyos. Lagi silang nag-aabala sa pagsuri sa kaliit-liitang bagay ng salita, at itinatanyag ang sarili nilang mga kuru-kuro nang mataas pa kaysa pinakamaliliwanag na ipinahahayag nito. Sa kanilang mga kamay ay nawawala o naaalis ang nagbibigay-buhay na kapangyarihan ng salita ng Diyos. Ito ang dahilan kaya lipana ang di-paniniwala at malago ang katampalasanan. BB 344.2
Pagka naigiba na ni Satanas ang paniniwala sa Bibliya, ibinabaling naman niya ang mga tao sa ibang mga bagay na mapagkukunan nila ng liwanag at kapangyari-han. Sa ganitong paraan ipinapasok niya ang kaniyang sarili. Ang mga tumatalikod o humihiwalay sa malinaw na turo ng Kasulatan at sa sumusumbat na kapangyari-han ng Banal na Espiritu ng Diyos, ay nag-aanyaya at pumapailalim sa kapangyarihan ng mga demonyo. Ang panunuligsa at sariling pala-palagay tungkol sa mga Kasulatan ay siyang nagbukas ng daan upang makapasok ang espiritismo at ang teosopiya—mga makabagong anyo o porma ng matandang paganismo—sa loob ng mga nag-papanggap na iglesya ng ating Panginoong Jesu-kristo. BB 344.3
Kasama-sama ng gawaing pangangaral ng ebanghelyo, ay gumagawa rin ang mga sangay o mga taong kung tawagin ay mga mediyum ng mga magdarayang espiritu. Hindi iilan ang mga taong nahihila dito dahil lamang sa pagnanasang mag-usisa o manood, nguni't palibhasa'y na-kikita nilang gumagawa ang isang kapangyarihang higit kaysa kapangyarihan ng tao, kaya sila'y nalululong nang nalululong sa pagkaakit, hanggang sa sila'y masupil ng isang kapangyarihang higit na malakas kaysa kanila. Sa ganito'y hindi nila makayang takasan ang mahiwagang kapangyarihan nito. BB 345.1
Naigigiba ang mga pananggalang ng kaluluwa. Nawawala ang panlaban sa kasalanan. Pagka tinanggihan na ng tao ang mga pagsansala ng salita ng Diyos at ng Kaniyang Espiritu, ay walang makapagsasabi kung gaano kalalim ang kalulubugan niyang pagkariwara. Maaaring maging bihag siya ng lihim na kasalanan o ng pinapanginoong pita ng damdamin na anupa't wala siyang magawang gaya ng inalihan ng demonyo sa Capemaum. Nguni't ganito man ang kaniyang kalagayan ay mayroon pa rin siyang pag-asa. BB 345.2
Ang paraan upang makapanagumpay tayo sa masama ay sa pamamagitan ng paraang ipinagtagumpay ni Kristo—walang iba kundi ang kapangyarihan ng salita. Hindi kinokontrol ng Diyos ang ating pag-iisip kung hindi tayo sang-ayon; nguni't kung nais nating makilala at magawa ang Kaniyang kalooban, ay maaangkin natin ang Kaniyang mga pangako: “Inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana'y magpapalaya sa inyo.” “Kung ang sinumang tao ay nag-iibig gumawa ng Kaniyang kalo-oban, ay makikilala niya ang turo.” Juan 8:32; 7:17. Sa pamamagitan ng pagsampalataya sa mga pangakong ito, ay maliligtas ang sinumang tao sa mga silo ng kamalian at sa pagsupil ng kasalanan. BB 345.3
Bawa't tao ay malayang makapamimili kung anong kapangyarihan ang ibig niyang maghari sa kaniya. Walang napakaaba, at walang napakahamak, na hindi maililigtas ni Kristo. Sa halip na panalangin, ay mga salita ni Satanas ang nagawang bigkasin ng inaalihan ng demonyo; gayunpaman ang di-mabigkas na pamanhik ng kaniyang puso ay dininig. Walang daing ng taong nanga-ngailangan na hindi diringgin, kahit hindi ito masabi sa salita. Yaong mga magkukusang makipagtipan sa Diyos ng langit ay hindi tutulutang mapasakapangyarihan ni Satanas o masupil man ng kahinaan ng kanilang sariling likas. Sila'y inaanyayahan ng Tagapagligtas, “Manghawak sana siya sa Aking lakas, upang siya'y makipagpayapaan sa Akin; oo, makipagpayapaan siya sa Akin.” Isaias 27:5. Ang mga espiritu ng kadiliman ay mahigpit na makiki-laban para sa kaluluwang minsan nang nasakop nila, datapwa't makikipagbaka naman para sa kaluluwang yaon ang mga anghel ng Diyos na taglay ang mapagtagumpay na kapangyarihan. Sinasabi ng Panginoon, “Makukuha baga ang huli sa makapangyarihan, o maliligtas ang mga talagang nabihag? ... Ganito ang sabi ng Panginoon, Pati ng mga bihag ng makapangyarihan ay kukunin, at ang huli ng kakila-kilabot ay maliligtas: sapagka't Ako'y makikipaglaban sa kaniya na nakikipaglaban sa iyo, at Aking ililigtas ang iyong mga anak.” Isaias 49:24, 25. BB 346.1
Samantalang ang mga taong nagkakatipon sa sinagoga ay nangatitigilan pa sa pagkakamangha, si Jesus naman ay nagtungo sa tahanan ni Pedro upang sandaling mamahinga. Nguni't dito man ay pumasok din ang kalungkutan. Ang biyenang babae ni Pedro ay nakahigang mayroong sakit na “matinding lagnat.” Sinaway ni Jesus ang sakit, at ang maysakit ay bumangon, at naglingkod sa mga pangangailangan ng Panginoon at ng Kaniyang mga alagad. BB 346.2
Ang balita tungkol sa mga ginagawa ni Kristo ay mabilis na kumalat sa buong Capernaum. Ang mga tao'y ayaw mangahas na magpagamot kung araw ng Sabado, dahil sa takot sa mga rabi; nguni't karaka-rakang lumubog ang araw ay dumagsa nang nagkakagulo ang marami. Mula sa mga bahay, sa mga gawaan, at sa mga pamilihan, ay dumagsang patungo sa abang tahanang tinutuluyan ni Jesus ang mga mamamayan ng lungsod. Ang mga maysakit ay dinalang pasan-pasan sa mga higaan, may mga dumating na nangakatungkod, o kaya'y inaalalayan ng mga kaibigan, at sila'y pahapay-hapay sa kahinaang lumapit sa harapan ng Tagapagligtas. BB 347.1
Oras-oras ay may dumarating at may umaalis; sapagka't walang makapagsasabi kung bukas ay naroon pa ang Manggagamot. Di-kailanman nakakita nang una ng ganitong araw sa Capernaum. Ang hangin ay puno ng tinig pagtatagumpay at ng mga sigaw ng pagkaligtas. Ang tagapagligtas ay galak na galak sa katuwaang naidulot Niya. Nang mamasdan Niya ang mga maysakit na lumapit sa Kaniya, ay naantig ang Kaniyang puso sa pakikiramay, at ikinagalak Niyang Siya'y may kapang-yarihan upang sila'y pagalingin at maibalik sa dating kalusugan at kaligayahan. BB 347.2
Hindi tumigil si Jesus sa Kaniyang paggawa hanggang sa kahuli-hulihang maysakit ay nalunasan. Malalim na ang gabi nang magsialis ang karamihan, at minsan pang naghari ang katahimikan sa tahanan ni Simon. Lumipas na ang mahabang maghapon ng paggawa, at kinailangan ni Jesus na mamahinga. Datapwa't samantalang ang lungsod ay nagugupiling pa sa mahimbing na pagkakatulog, ang Tagapagligtas ay “bumangon nang matagal pa bago mag-umaga, ... at lumabas, at nagtungo sa isang ilang na pook, at doo'y nanalangin.” BB 347.3
Sa ganitong paraan ginugol ni Jesus ang mga araw sa buhay Niya sa lupa. Madalas ay pinauuwi Niya ang Kaniyang mga alagad upang dumalaw sa kani-kanilang mga tahanan at magpahinga; nguni't Siya naman ay banayad na tumatangging huminto sa paggawa. Magha-punan Siyang gumagawa, na nagtuturo sa mga walangnalalaman, nagpapagaling ng mga maysakit, nagpapadilat sa mga bulag, nagpapakain sa marami; at pagka nagtatakip-silim na o kaya'y nagmamadaling-araw na, Siya'y nagtutungo sa santuwaryo ng kabundukan upang maki-pag-usap sa Kaniyang Ama. Kadalasa'y minamagdamag Siya sa pananalangin at pagbubulay-bulay, at sa pagbu-bukang-liwayway ay bumabalik Siya sa Kaniyang gawain sa gitna ng mga tao. BB 348.1
Pagkaumagang-umaga ay lumapit kay Jesus si Pedro at ang mga kasama nito, at sinabing hinahanap na Siya ng mga tao sa Capernaum. Buong kapaitang nabigo ang mga alagad sa ginawang pagtanggap ng mga tao kay Kristo hanggang sa panahong yaon. Ang mga maykapang-yarihan sa Jerusalem ay nagbabantang Siya'y patayin; pati ng sarili Niyang mga kababayan ay nagtangkang kitlin ang Kaniyang buhay; nguni't sa Capernaum ay tinanggap Siyang buong tuwa't kasiglahan, at dahil dito'y muling nabuhay ang pag-asa ng mga alagad. Baka sakaling sa gitna ng mga taga-Galileang mapagmahal-sa-kala-yaan ay makasumpong ng mga magtataguyod sa bagong kaharian. Datapwa't sila'y nangamangha nang marinig nila ang sinabi ni Kristong, “Dapat Ko rin namang ipangaral ang kaharian ng Diyos sa ibang mga bayan, sapagka't iyon ang dahil kaya Ako isinugo.” BB 348.2
Sa malaking pagsasaya't pagkakatuwaang naghari sa Capernaum, ay may panganib na makaligtaan ang pakay ng Kaniyang misyon. Hindi ikinasiya ni Jesus na mapatuon sa Kaniya ang pansin ng mga tao bilang Siya'y isang manggagawa ng mga himala o kaya'y isang mang-gagamot ng mga sakit. Pinagsisik'apan Niyang maakit sa Kaniya ang mga tao bilang siya nilang Tagapagligtas. Samantalang sabik ang mga tao na maniwalang Siya'y naparito bilang isang hari, upang itatag ang isang kaharian sa lupa, sa ganang Kaniya naman ay hinangad Niyang maalis sa kanilang mga pag-iisip ang mga bagay na makalupa at malipat sa mga bagay na espirituwal. Ang tagumpay na makasanlibutan ay makasasagabal sa Kaniyang gawain. BB 348.3
Ang pagkakamangha ng karamihan ay nakagimbal sa Kaniyang diwa. Sa Kaniyang buhay ay walang naka-langkap na pagtataas-ng-sarili. Ang pagsambang iniuukol ng sanlibutan sa katungkulan, o sa kayamanan, o sa talento, ay hindi natagpuan sa Anak ng tao. Si Jesus ay walang ginamit na isa man sa mga paraang ginaga-mit ng mga tao sa ngayon upang matamo ang pagkatig o paghanga ng marami. Mga dantaon pa bago Siya isilang, ay ganito ang inihula tungkol sa Kaniya, “Siya'y hindi hihiyaw, o maglalakas man ng tinig, o iparirinig man ang Kaniyang tinig sa lansangan. Ang gapok na tambo ay hindi Niya babaliin, ni ang tisim na umuusok ay hindi Niya papatayin: Siya'y maglalapat ng kahatulan sa katotohanan. Siya'y hindi manlulupaypay o madudu-wag man, hanggang sa maitatag Niya ang kahatulan sa lupa.” Isaias 42:2-4. BB 349.1
Sinikap ng mga Pariseong maipakilala ang kanilang pagkakaiba sa pamamagitan ng kanilang labis-labis na pagtalima sa mga seremonya, at sa gilas ng kanilang pagsamba at mga pagkakawanggawa. Pinatutunayan nilang sila'y masikap sa relihiyon sa pamamagitan ng lagi nang pag-uusap at pagtatalo tungkol sa paksang ito. Ang mga pagtatalo ng mga naglalabang sekta ay matagal at maingay, at karaniwang-karaniwan nang marinig sa mga lansangan ang galit na tinig ng mga nagtatalong dalubhasa sa kautusan. BB 349.2
Katuwas na katuwas ng lahat nang ito ay ang buhay ni Jesus. Sa buhay Niya ay walang maingay na pakiki-pagtalo, walang pakitang-taong pagsamba, walang gawang naghihintay ng papuri. Ang Kristo ay natago sa Diyos, at ang Diyos ay nahayag sa likas ng Kaniyang Anak. Sa ganitong pagpapahayag ninais ni Jesus na mapatuon ang isip ng mga tao, at iukol ang kanilang pagsamba. BB 350.1
Ang Araw ng Katwiran ay hindi nagpakahayag sa sanlibutan nang nagliliwanag sa kaningningan, upang silawin ng Kaniyang kaluwalhatian ang mga diwa ng tao. Nasusulat tungkol kay Kristo, “Ang Kaniyang paglabas ay tunay na parang umaga.” Oseas 6:3. Matahimik at mabanayad na dumarating sa lupa ang umaga, na hinahawi ang lambong ng kadiliman, at ginigising ang buhay ng sanlibutan. Ganyan din sumikat ang Araw ng Katwiran, “na may kagalingan sa Kaniyang mga pakpak.” Malakias 4:2. BB 350.2