Bukal Ng Buhay
Kabanata 25—Ang Tawag sa Tabi ng Dagat
Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 4:18-22; Marcos 1:16-20; Lukas 5:1-11.
Namimitak na ang araw sa Dagat ng Galilea. Ang mga alagad, na hapo na sa magdamag na bigong pama-malakaya, ay nananatili pa ring nasa kani-kanilang mga bangkang pangisda. Si Jesus ay pumaroon upang gugulin ang isang oras ng katahimikan sa tabi ng dagat. Sapagka't napakaaga pa ay inasahan Niyang mayroon pa Siyang sandaling panahong maipagpapahinga bago dumating ang mga karamihang sumusunod sa Kaniya araw-araw. Nguni't agad ding nagdatingan ang mga tao at nagkatipon sa palibot Niya. Mabilis na dumami ang kanilang bilang, na anupa't nasiksik na Siya sa kabi-kabila. Samantala'y dumating naman ang mga alagad upang lumunsad sa pampang. Upang maiwasan ang pagsisiksikan ng karamihan, kagyat na lumulan si Jesus sa bangka ni Pedro, at sinabi rito na ilayo nang bahagya sa pampang ang bangka. Dito'y higit na makikita at maririnig si Jesus ng lahat, at kaya nga mula sa bangka ay tinuruan Niya ang karamihang nasa baybayin. BB 324.1
Ano ngang tanawin ito na dapat bulay-bulayin ng mga anghel: ang maluwalhati nilang Kapitan ay nakaupo sa bangka ng isang mangingisda, na iniuugoy ng walang-pagod na mga alon, at itinatanyag ang mabubuting balita ng kaligtasan sa karamihang nakikinig na nagsisiksikan hanggang sa labi ng tubig! Siya na Ikinararangal ng langit ay nagpapahayag ng mga dakilang bagay ng Kaniyang kaharian sa karaniwang mga tao sa luwal na dako. Gayunma'y wala na Siyang mapipili pang higit na nababagay na tanawin para sa Kaniyang mga paggawa. Ang dagat, ang mga bundok, ang malawak na kabukiran, ang sikat ng araw na bumabaha sa ibabaw ng lupa, lahat ay nagbibigay ng mga bagay na maglalarawan ng Kaniyang mga aral at magkikintal sa kanilang isipan. At walang aral si Kristo na hindi pinakinabangan. Bawa't mensaheng namutawi sa Kaniyang mga labi ay naging salita ng walang-hanggang buhay sa ilang kaluluwa. BB 324.2
Sa bawa't sandali ay nararagdagan ang karamihang nasa dalampasigan. Mga matatandang lalaking nakahawak sa kanilang mga tungkod, mga matitipunong mag-bubukid buhat sa mga gulod, mga mangingisdang nang-galing sa pamamalakaya sa dagat, mga mangangalakal at mga rabi, ang mayayaman at marurunong, matatanda at mga bata, ay may mga dalang maysakit at mga pinahihirapan ng kapansanan, at nakikipagsiksikan upang makarinig ng mga salita ng banal na Guro. Ang mga tanawing gaya nito ay ipinatanaw na sa mga propeta, at kaya kanilang isinulat: BB 325.1
“Ang lupa ni Zabulon at ang lupa ni Neftali,
Sa gawing dagat, sa dako pa roon ng Jordan, Galilea ng mga Hentil,
Ang bayang nalulugmok sa kadiliman Ay nakakita ng dakilang ilaw,
At sa nangalulugmok sa pook at lilim ng kamatayan, Ay lumiwanag sa kanila ang ilaw.” Mateo 4:15, 16.
BB 325.2
Sa sermon ni Jesus sa tabing-dagat ay may iba pa Siyang naiisip na mga tagapakinig, bukod sa karamihang nagkakatipon sa mga baybayin ng Genesaret. Sa pagtingin Niya sa dumarating na mga panahon, ay nakita Niya ang Kaniyang mga tapat na alagad na nasa bilang-guan at bulwagan ng hukuman, nasa pagkatukso at pag-kalungkot at paghihirap. Bawa't tanawin ng katuwaan at tunggalian at kagulumihanan ay nabuksan sa harap Niya. Ang mga salitang binigkas Niya sa mga nagkakatipon sa palibot Niya, ay siya ring sinasabi Niya sa iba pang mga kaluluwang ito upang sa kanila'y maging isang mensahe ito ng pag-asa sa panahon ng pagsubok, aliw sa panahon ng kalungkutan, at ilaw ng langit sa panahon ng kadiliman. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ang tinig na yaong nagsalita buhat sa bangka ng mangingisda sa Dagat ng Galilea, ay maririnig na nagsasalita ng kapayapaan sa puso ng mga tao hanggang sa wakas ng panahon. BB 325.3
Pagkatapos ng pagsasalita, binalingan ni Jesus si Pedro, at inatasan itong pumalaot sa dagat, at minsan pang ihulog ang lambat. Nguni't matabang na ang loob ni Pedro. Sa buong magdamag ay wala siyang nahuling anuman. Sa loob ng mapanglaw na oras ay naisip niya ang naging kapalaran ni Juan Bautista, na mag-isang nagtitiis ng hirap sa loob ng bilangguan. Naisip niya kung ano kaya ang magiging pag-asa sa hinaharap ng mga sumusunod kay Jesus, ang pagkabigo ng kanilang misyon sa Judea, at ang pagkainggit at pagkapoot ng mga saserdote at mga rabi. Maging ang sarili niyang hanap-buhay ay bigo rin; at nang mamasdan niya ang mga lambat na walang huli, ang hinaharap ay waring madilim sa kaniyang pangmalas. “Guro,” sabi niya, “sa buong magdamag ay nagsipagpagal kami, at waia kaming nahuli: datapwa't sa Iyong salita ay ihuhulog ko ang mga lambat.” BB 326.1
Ang gabi ay siya lamang kanais-nais na panahon sa pangingisda nang may mga lambat sa malinaw na tubig ng dagat. Pagkaraan ng magdamag na pamamalakayang walang huli, waring lalong walang-pag-asang makahuli kung ihuhulog ang lambat nang araw; subali't iniutos ni Jesus na gawin iyon, at alang-alang sa pag-ibig nila sa kanilang Panginoon ay nagsitalima ang mga alagad. Si Simon at ang kaniyang kapatid ang naghulog ng lambat. Nang kanila iyong batakin, halos nagkampupunit iyon sa dami ng mga isdang nahuli. Napilitan silang tawagin sina Santiago at Juan upang sila'y tulungan. At nang mailulan na nila ang huli sa mga bangka, ay nanganib ang mga ito na lumubog dahil sa bigat ng mga nakalaman. BB 326.2
Sa sandaling ito ay hindi na iniisip ni Pedro ang tungkol sa mga bangka o ang nakalulang mga isda. Sa ganang kaniya, ang himalang ito, higit sa anumang bagay na nakita na niya, ay isang pagpapamalas ng kapangyarihan ng Diyos. Kay Jesus ay nakita niya ang Isa na siyang mayhawak sa buong katalagahan o kalikasan. Sa harap ng Diyos na si Jesus ay nakita niya ang kaniyang sariling pagkamakasalanan. Pag-ibig sa kaniyang Guro, pagkahiya sa kaniyang sariling di-paniniwala, pasasalamat sa pagpapakababa ni Kristo, at higit sa lahat, ang pagkadama niya ng kaniyang karumihan sa harap ng di-matingkalang kalinisan, ay buung-buong lumagom at lumukob sa kaniya. Kaya samantalang inaayos ng mga kasamahan niya ang mga isdang huli ng lambat, ay nagpatirapa si Pedro sa paanan ng Tagapagligtas, at bumulalas, “Lumayo Ka sa akin; sapagka't ako'y taong makasalanan, Oh Panginoon.” BB 328.1
Ang ganito ring pakikiharap ng kabanalan ng Diyos ang nagpalugmok kay Daniel sa harap ng anghel ng Diyos. Sinabi niya, “Ang aking kagandahan ay umuwi sa kasiraan, at walang nanatiling lakas sa akin.” Gayundin nang makita ni Isaias ang kaluwalhatian ng Panginoon, ay siya'y napasigaw, “Sa aba ko! sapagka't ako'y napahamak; sapagka't ako'y lalaking may maraming mga labi, at ako'y tumatahan sa gitna ng bayan na may maruming mga labi: sapagka't nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo.” Daniel 10:8; Isaias 6:5. Ang tao, taglay ang kaniyang kahinaan at kasalanan, ay napaharap sa kasakdalan ng Diyos, at ganap niyang nadama ang kaniyang kapintasan at kawalang-kabanalan. At ganyan din nga ang nangyayari sa lahat ng mga pinahihintulutang makita ang kadakilaan at kamaharlikaan ng Diyos. BB 328.2
Napabulalas si Pedro, “Lumayo Ka sa akin; sapagka't ako'y taong makasalanan;” gayunma'y mahigpit siyang kumapit sa mga paa ni Jesus, sapagka't nadama niyang hindi siya makahihiwalay sa Kaniya. Sumagot ang Taga-pagligtas, “Huwag kang matakot; mula ngayon ay mama-malakaya ka ng mga tao.” Pagkatapos na makita ni Isaias ang kabanalan ng Diyos at ang sarili niyang di-pagi-ging karapat-dapat ay saka siya pinagkatiwalaan ng pabalita ng Diyos. Noon lamang matapos maakay si Pedro na itakwil ang pagkamakasarili at umasa sa kapangya-rihan ng Diyos saka niya natanggap ang tawag na gumawa sa gawain ni Kristo. BB 329.1
Hanggang sa panahong ito ay wala pa ni isa sa mga alagad ang lubusang nakikiisa kay Jesus sa mga paggawa. Nasaksihan na nila ang marami sa Kaniyang mga kababalaghan, at napakinggan na nila ang Kaniyang pag-tuturo; nguni't hindi pa nila iniiwang lubos ang kanilang dating mga hanapbuhay. Ang pagkabilanggo ni Juan Bautista ay naging isang mapait na kabiguan sa kanilang lahat. Kung gayon ang kauuwian ng misyon ni Juan, ka-kaunti na ang maaasahan nila sa kanilang Panginoon, yamang nagkakaisa na ang lahat ng mga pinuno ng relihiyon laban sa Kaniya. Sa ilalim ng ganitong mga pangyayari ay nakagiginhawa sa kanila ang sandaling pagbalik sa kanilang pangingisda. Datapwa't ngayo'y nanawagan na sa kanila si Jesus na kanilang iwan ang dati nilang pamumuhay, at makiisa na sa Kaniya sa mga pag-gawa. Tinanggap ni Pedro ang panawagan. Pagsapit sa pampang, ay tinawag din ni Jesus ang tatlo pa sa mga alagad, “Sumunod kayo sa Akin, at gagawin Ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.” Karaka-rakang iniwan nila ang lahat, at nagsisunod sa Kaniya. BB 329.2
Bago hiniling ni Jesus na iwan nila ang kanilang mga lambat at mga bangkang pangisda, ay tiniyak Niya sa kanila na ibibigay ng Diyos ang kanilang mga pangangai-langan. Ang pagkagamit sa bangka ni Pedro sa gawain ng ebanghelyo ay mayamang pinagpala. Siya na “maya-man sa lahat ng sa Kaniya'y nagsisitawag,” ay nagsabing, “Mangagbigay kayo, at kayo'y bibigyan; takal na mabuti, pikpik, liglig, at umaapaw.” Roma 10:12; Lucas 6:38. Sa ganitong sukat o takal ginantimpalaan Niya ang paglilingkod ng mga alagad. At lahat ng pagpapakasakit na ginagawa sa kapakanan ng Kaniyang ministeryo ay gagantihan nang alinsunod sa “dakilang kayamanan ng Kaniyang biyaya.” Efeso 3:20; 2:7. BB 330.1
Noong mapanglaw na gabing yaon sa dagat, nang sila'y nakahiwalay kay Kristo, ang mga alagad ay sakbibi ng pag-aalinlangan, at pagal na pagal sa bigong pangingisda. Nguni't nang Siya'y pakita sa harap nila ay nagsauli ang kanilang pananampalataya, at iyon ay nagdulot sa kanila ng kagalakan at tagumpay. Gayundin naman ang nangyayari sa atin; kung tayo'y hiwalay kay Kristo, ay walang ibinubunga ang ating paggawa, at madali sa atin ang mag-alinlangan at bumulung-bulong. Nguni't pagka Siya'y malapit, at tayo'y gumagawa sa ilalim ng Kaniyang pamamahala, ay ikinatutuwa nating makita ang katunayan ng Kaniyang kapangyarihan. Gawain ni Satanas na papanghinain ang loob ng tao; gawain naman ni Kristo na pasiglahin ang pananampalataya at pag-asa. BB 330.2
Ang malalim na aral na ibinigay ng himala sa mga alagad ay aral din naman sa atin—na Siya na ang salita ay nakapagtitipon ng mga isda mula sa dagat ay makaaantig din naman sa puso ng mga tao, at mahihikayat sila sa pamamagitan ng mga panali ng Kaniyang pag-ibig, upang ang Kaniyang mga lingkod ay maging “mga mamamalakaya ng mga tao.” BB 330.3
Ang mga mamamalakayang yaon ng Galilea, ay mga taong aba at di-nakapag-aral; nguni't may labis na kakayahan si Kristo, na ilaw ng sanlibutan, na sila'y mapagindapat sa tungkuling pinili Niya para sa kanila. Hindi winalang-halaga ng Tagapagligtas ang natututuhan sa paaralan; dahil sa kung ang karunungang pinag-aralan ay napangangasiwaan ng pag-ibig sa Diyos, at itinatalaga sa paglilingkod sa Kaniya, ay ito'y nagiging isang pagpapala. Nguni't nilampasan Niya ang mga lalaking pantas noong kapanahunan Niya, sapagka't sila ay labis na mapagtiwala sa sarili na anupa't sila'y hindi marunong makiramay sa naghihirap na sangkatauhan, at hindi maaaring maging mga kasamang manggagawa ni Kristo. Ang hinahanap ng Panginoon ay ang pakikipagtulungan niyaong mga di-makasasagabal sa pag-agos ng Kaniyang biyaya. Ang unang-unang dapat matutuhan ng lahat na nagnanais maging mga manggagawang kasama ng Diyos ay ang liksiyon ng di-pagtitiwala sa sarili; saka pa lamang sila mahahandang tumanggap ng likas ni Kristo. Ito'y hindi matatamo at matututuhan sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga paaralan ng siyensiya. Ito'y bunga ng karunungang nakakamtan lamang sa Diyos na Tagapagturo. BB 330.4
Pinili ni Jesus ang mga di-nakapag-aral na mangingis-da dahil sa sila'y hindi naturuan ng mga sali't saling sabi at ng mga kaugalian ng kanilang kapanahunan. Sila'y mga taong may katutubong kakayahan, at sila'y mga mapagpakumbaba at napatuturo—mga taong matu-turuan Niya para sa Kaniyang gawain. Sa karaniwang lakad ng buhay ay may lalaking matiyagang gumagawa ng mahihirap na gawaing pang-araw-araw, na walang kamalay-malay na siya'y may natatagong mga kakayahan na, kung gagamitin lamang niya, ay maitatanyag siyang kapantay ng pinakamararangal na tao ng sanlibutan. Kinakailangan ang dampi o hipo ng isang dalubhasang ka-may upang magising ang natutulog na mga kakayahang yaon. Ang ganitong uri ng mga lalaki ang tinawag ni Jesus na maging mga kamanggagawa Niya; at ibinigay Niya sa kanila ang kalamangan na maging kasama-sama Niya. Ang mga dakilang tao ng sanlibutan ay di-kailan-man nagkaroon ng ganitong tagapagturo. Pagkatapos na ang mga alagad ay maturuan ng Tagapagligtas, ay hindi na sila mga walang-muwang at mga walang-kalinangan. Sila'y naging katulad Niya sa isip at sa likas, at napag-kilala ng mga tao na sila'y mga nakasama ni Jesus. BB 331.1
Ang kataas-taasang layunin ng pagtuturo ay hindi lamang ang maghatid ng karunungan, kundi ang magbigay rin naman ng lakas sa pag-iisip at sa kaluluwa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnay sa kapwa isip at kapwa kaluluwa. Ang buhay lamang ang makalilikha ng kapwa buhay. Kay-inam nga ng karapatan nila, na sa loob ng tatlong taon ay naging kaugnay-ugnay nila araw-araw ang Banal na kabuhayang yaon na nagpadala ng lahat ng agos na nagbibigay-buhay at nagpala sa sanlibutan! Sa lahat niyang nakasama, si Juan na pinakaiibig na alagad ay siyang lubos na napasakop sa kapangyarihan ng kahanga-hangang Buhay na yaon. Ang wika niya, “Ang buhay ay nahayag, at aming nakita, at pinatotohanan, at sa inyo'y aming ibinabalita ang buhay, ang buhay na walang-hanggan, na kasama ng Ama, at sa atin ay nahayag.” “Sa Kaniyang kapuspusan ay nagsitanggap tayong lahat, at biyaya sa biyaya.” 1 Juan 1:2; Juan 1:16. BB 332.1
Sa mga apostol ng ating Panginoon ay wala silang anumang maipagmamapuri. Maliwanag na nagtagumpay ang kanilang mga paggawa dahil lamang sa Diyos. Ang mga kabuhayan ng mga taong ito, ang mga naging likas nila, at mga makapangyarihang gawa na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, ay isang patotoo sa kung ano ang magagawa Niya para sa lahat na mga patuturo at tatalima. BB 332.2
Ang umiibig kay Kristo ng pinakamalaking pag-ibig ay siyang makagagawa ng pinakamalaking kabutihan. Hindi mahahangganan o matatakdaan ang mga kabuti-hang magagawa ng isang taong isinasantabi ang kaniyang sarili, na nagbibigay ng lugar sa kaniyang puso upang makagawa ang Espiritu Santo, at namumuhay ng isang kabuhayang lubos na natatalaga sa Diyos. Kung titiisin ng mga tao ang disiplinang kinakailangan, na ditututol o di-manlulupaypay sa daan, ay tuturuan sila ng Diyos oras-oras, at araw-araw. Kinasasabikan Niyang ipakita ang Kaniyang biyaya. Kaya kung aalisin lamang ng Kaniyang bayan ang mga nakahahadlang, ay ibubuhos Niya nang masagana ang mga tubig ng kaligtasan sa mga taong daluyan. Kung ang mga karaniwang tao ay pinasisigla sa paggawa ng lahat na mabuting magagawa nila, at kung walang mga kamay na pipigil sa kanilang kasig-lahan, ay magkakaroon ng mga sandaang gagawa para kay Kristo sa lugar na doon ngayon ay may isa lamang. BB 332.3
Tinatanggap ng Diyos ang mga tao sa sadyang kalagayan nila, at tinuturuan sila sa sarili. Pagka tinang-gap ng tao sa puso niya ang Espiritu ng Diyos, ito ang bubuhay sa lahat niyang mga kakayahan. Ang isip na lubusang nakatalaga sa Diyos, pagka inaakay ng Espiritu Santo, ay lumulusog nang timbang, at lumalakas upang maunawaan at magampanan ang mga hinihingi ng Diyos. Ang likas na mahina at urung-sulong ay nababago at tumitibay at tumatatag. Ang patuloy na pagtatapat ay nagpapahigpit na lalo sa pagsasama ni Jesus at ng Kaniyang mga alagad na anupa't ang Kristiyano ay nagi-ging katulad Niya sa isip at sa likas. Sa pamamagitan ng pagkakaugnay kay Kristo ay magkakaroon siya ng lalong malinaw at lalong malawak na mga kuru-kuro. Ang kaniyang pang-unawa ay magiging lalong nakatata-rok, at ang kaniyang paghatol ay magiging lalong timbang. Ang nasasabik na makapaglingkod kay Kristo ay lubhang kinakasihan at pinasisigla ng nagbibigay-buhay na kapangyarihan ng Araw ng Katwiran, na anupa't nakapagbubunga siya nang sagana sa ikaluluwalhati ng Diyos. BB 333.1
Ang mga taong may matataas na pinag-aralan sa mga sining at mga siyensiya ay nangatuto ng mahahalagang aral sa mga Kristiyanong nasa karaniwang antas ng buhay na itinuturing ng sanlibutan na di-nag-aral. Nguni't ang mga di-kilalang alagad na ito ay nagsipag-aral sa pinakamataas sa lahat na mga paaralan. Nagsiupo sila sa paanan Niya na nagsalitang gaya ng “kailanma'y walang taong nagsalita ng gayon.” BB 333.2