Bukal Ng Buhay

25/89

Kabanata 24—“Hindi Baga Ito ang Anak ng Anluwagi'?”

Ang kabanalang ito ay batay sa Lukas 4:16-30.

Sa maaliwalas na panahon ng ministeryo ni Kristo sa Galilea, ay may isang maitim na ulap na nakahalang. Itinakwil Siya ng mga tao sa Nasareth. “Hindi baga ito ang anak ng anluwagi?”wika nila. BB 311.1

Sa panahon ng Kaniyang pagiging-bata at pagigingkabataan, kasama-sama na ni Jesus ang Kaniyang mga kapatid sa pagsamba sa sinagoga sa Nasareth. Buhat nang pasimulan Niya ang Kaniyang ministeryo ay hindi na nila Siya nakasama, gayunman ay hindi nalilihim sa kanila ang mga bagay na nangyayari sa Kaniya. Nang Siya'y muli nilang makita, ang kanilang interes at ina-asahan ay umabot sa sukdulan. Narito ang mga mukha at mga anyo ng mga taong nakilala na Niya buhat pa nang Siya'y bata. Narito ang Kaniyang ina, ang Kaniyang mga kapatid na lalaki at babae, at lahat ay nakatingin sa Kaniya nang Siya'y pumasok sa sinagoga isang araw ng Sabado, at maupong kasama ng mga sumasamba. BB 311.2

Sa pagsamba nila nang araw na yaon, ang matan-dang namumuno ay bumasa sa mga propeta, at pinayuhan ang mga tao na patuloy na maghintay sa Isang Dumarating, na maluwalhating maghahari, at papawi sa lahat ng pang-aapi. Sinikap nitong pasiglahin ang mga nakikinig sa kaniya sa pamamagitan ng pagbanggit na isa-isa sa mga katunayan na malapit na nga ang pag-dating ng Mesiyas. Inilarawan nito ang kaluwalhatian ng Kaniyang pagdating, na sinisikap palitawin ang isipan na Siya'y darating na nangunguna sa mga hukbo upang hanguin ang Israel. BB 311.3

Kapag mayroong rabi sa sinagoga, ito ang inaasahang magsesermon, at sinumang Israelita ay maaari namang bumasa sa mga aklat ng mga propeta. Nitong Sabadong ito, si Jesus ay hinilingang makibahagi sa serbisyo. Siya'y “nagtindig upang bumasa. At ibinigay sa Kaniya ang aklat ng propeta Isaias.” Lueas 4:16, 17. Ang kasulatang tinunghayan Niya ay ang ipinalalagay na tumutukoy sa Mesiyas: BB 312.1

“Sumasa Akin ang Espiritu ng Panginoon,
Sapagka't Ako'y pinahiran Niya upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha;
Ako'y sinugo Niya upang magpagaling ng mga bag-bag na puso,
Upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas,
At sa mga bulag ang pagkakita,
Upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi,
Upang itanyag ang kaaya-ayang taon ng Panginoon.”
BB 312.2

“At binalumbon Niya ang aklat, at isinauli sa naglilingkod: ... at ang mga mata ng lahat ng nangasa sinagoga ay nangakatitig sa Kaniya. ... At Siya'y pinato-tohanan ng lahat, at nangagtaka sa mga salita ng biya-ya na lumalabas sa Kaniyang bibig.” Lucas 4:20-22. BB 312.3

Tumindig si Jesus sa harap ng mga tao bilang isang tagapagpaliwanag ng mga hula tungkol sa Kaniyang sarili. Sa pagpapaliwanag ng mga salitang Kaniyang binasa, ay sinabi Niyang ang Mesiyas ay magbibigay-ginhawa sa mga naaapi, magpapalaya sa mga bihag, magpapagaling sa mga maysakit, na magpapadilat sa mga bulag, at ihahayag sa sanlibutan ang liwanag ng katotohanan. Ang Kaniyang kapansin-pansing kilos at ang kahanga-hangang kahulugan ng Kaniyang mga pangungusap ay nagsilid sa puso ng mga nagsisipakinig ng isang kapangyarihang hindi nila naramdaman nang una. Iginiba ng agos ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng hadlang; katulad ni Moises, namasdan nila ang Di-Nakikita. At nang hipuin ng Espiritu Santo ang kanilang mga puso, ay nagsitugon sila ng matutunog na “amen” at ng mga papuri sa Panginoon. BB 312.4

Nguni't nang ipahayag ni Jesus, “Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig,” ay bigla nilang napag-isip kung sino sila, at kung sino Siya na nagsasalita sa kanila. Sila, na mga Israelita, na mga anak ni Abraham, ay inilarawan na nasa pagkaalipin. Sila'y sinabihang gaya ng mga bilanggo na hahanguin sa kapangyarihan ng masama; gaya ng nasa kadiliman, at nangangailangan ng liwanag ng katotohanan. Nasaktan ang kanilang kayabangan, at napukaw sa loob nila ang kanilang mga ipinangangamba. Ang mga salita ni Jesus ay nagpahiwa-tig na ang gawain Niya sa kanila ay magiging ganap na kakaiba kaysa kanilang ninanais. Ang kanilang gawa ay baka siyasatin nang totoong masusi. Bagaman sila'y maiingat at mahihigpit sa mga panlabas na seremonya, ay nanliliit sila sa paniniyasat ng malilinaw at nanana-liksik na mga matang yaon. BB 313.1

Sino ang Jesus na ito? tanung-tanungan nila. Siya na umaangkin ng karangalan ng pagka-Mesiyas ay anak ng isang anluwagi, at naghahanap-buhay na kasama ng kaniyang amang si Jose. Nakita nila Siyang nag-aaho't lusong sa mga burol, kilala nila ang Kaniyang mga kapatid na lalaki at babae, at talos nila ang Kaniyang kabuhayan at mga gawain. Nakita nila ang Kaniyang paglaki buhat sa pagkasanggol hanggang sa pagkabata, at mula sa pag-kabata hanggang sa pagkabinata. At bagama't ang Kaniyang buhay ay walang-dungis, ay ayaw nilang maniwalang Siya nga ang Isang Ipinangako. BB 313.2

Ano't ibang-iba ang turo Niya tungkol sa bagong kaharian at sa narinig nila sa kanilang matanda! Si Jesus ay walang binanggit na anuman na sila'y ililigtas sa kamay ng mga Romano. Nabalitaan nila ang Kaniyang mga gawang kababalaghan, at inasahan nilang ang kapang-yarihan Niya ay gagamitin sa ikalalamang nila, subali't wala silang nakitang anumang pahiwatig tungkol sa gayong panukala. BB 314.1

Nang sila'y magpasimulang mag-alinlangan, ang kanilang mga puso ay lalo nang tumigas sa saglit na pagkakapukaw niyon. Matigas na ipinasiya ni Satanas na hindi niya tutulutang mamulat sa araw na yaon ang mga matang nabubulagan, ni palalayain man ang mga kaluluwang nakagapos sa pagkaalipin. Ibinuhos niya ang kaniyang buong lakas upang maipako sila sa di-paniniwala. Hindi nila pinansin ang tandang ibinigay na, nang sila'y makilos na maniwalang ang nagsalita sa kanila ay ang kanilang Manunubos. BB 314.2

Nguni't ngayo'y binigyan sila ni Jesus ng katunayan ng Kaniyang pagka-Diyos nang ihayag Niya sa kanila ang lihim nilang mga iniisip. “Sinabi Niya sa kanila, Walang salang sasabihin ninyo sa Akin itong talinhaga, Mangga-gamot, gamutin Mo ang Iyong sarili: ang anumang aming narinig na ginawa sa Capernaum, ay gawin Mo naman dito sa Inyong lupain. At sinabi Niya, Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Walang propetang kinalulugdan sa kaniyang tinubuang lupa. Datapwa't katotohanang sina-sabi Ko sa inyo, Maraming mga balong babae sa Israel nang mga araw ni Elias, nang sarhan ang langit sa loob ng tatlong taon at anim na buwan, noong datnan ng malaking kagutom ang buong sangkalupaan; at sa kaninuman sa kanila ay hindi sinugo si Elias, kundi sa Zarephath, sa lupa ng Sidon, sa isang babaing balo. At maraming ketongin sa Israel nang panahon ni Eliseo na propeta; at sinuman sa kanila ay hindi nilinis, kundi lamang si Naaman, na Siro.” Lukas BB 314.3

Sa paglalahad na ito ng mga pangyayari sa buhay ng mga propeta, ay sinagot ni Jesus ang mga pagtatanong ng mga nagsisipakinig sa Kaniya. Ang mga lingkod na pinili ng Diyos upang gumawa ng tanging gawain ay hindi pinayagang gumawa para sa isang bayang may matigas na puso at walang pananampalataya. Datapwa't yaong mga taong may mga pusong nakakaramdam at suma-sampalataya ay tangi nang pinagpakitaan ng mga katunayan ng Kaniyang kapangyarihan sa pamamagitan ng mga propeta. Noong mga kaarawan ni Elias, ay tumalikod sa Diyos ang Israel. Nangunyapit sila sa kanilang mga kasalanan, at tinanggihan ang mga babala ng Es piritu sa pamamagitan ng mga sugo ng Panginoon. Sa gayon nila inihihiwalay ang kanilang mga sarili sa daluyang sa pamamagitan niyon makaaabot sa kanila ang pagpapala ng Diyos. Nilampasan ng Panginoon ang mga tahanan ng Israel, at nakatagpo ng isang masisilungan ng Kaniyang lingkod sa isang lupaing walang Diyos, sa tahanan ng babaing hindi nabibilang sa hinirang na bayan. Nguni't ang babaing ito ay nilingap dahil sa sinunod nito upang tumanggap ng lalo pang malaking liwanag na ipinadala ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang propeta. BB 315.1

Ito rin ang dahilan kaya noong panahon ni Eliseo ay nilampasan ang mga ketongin sa Israel. Nguni't si Naaman, na isang mahal na taong walang Diyos, ay tapat sa kaniyang pagkakilala sa matwid, at nakadama ng malaki niyang pangangailangan ng tulong. Nasa kalagayan siyang handang tumanggap ng masaganang biyaya ng Diyos. Hindi lamang nilinis siya sa kaniyang sakit na ketong kundi biniyayaan pa siya ng pagkakilala sa tunay na Diyos. BB 315.2

Ang katayuan natin sa harap ng Diyos ay nakasalig, hindi sa laki ng liwanag na ating tinanggap, kundi sa paraan ng ating paggamit sa liwanag na nasa atin. Kaya maging ang mga taong walang pagkakilala sa tunay na Diyos na pumipili ng matwid na kanilang nakikilala, ay nasa lalo pang karapat-dapat na kalagayan kaysa mga taong may malaking pagkakilala sa liwanag, at nagsa-sabing naglilingkod sa Diyos, nguni't hindi naman sinu-sunod ang ayon sa liwanag na kanilang nakikilala, at namumuhay pa araw-araw nang kasalungat ng kanilang sinasampalatayanan. BB 315.3

Ang mga sinalita ni Jesus sa mga nakikinig sa Kaniya sa sinagoga ay tumama sa ugat ng kanilang pagbabanal-banalan, na idinidiin sa kanilang mga puso ang mapait na katotohanang sila'y humiwalay na sa Diyos at inalis na sa kanila ang karapatan na maging Kaniyang bayan. Bawa't salita ay humihiwang parang sundang habang inilalantad sa harap nila ang tunay nilang kalagayan. Kanila ngayong nilibak ang pananampalatayang unang isinilid ni Jesus sa puso nila. Ayaw nilang tanggapin na Siya na nagmula sa karalitaan at kababaan ay iba kaysa isang karaniwang tao. BB 317.1

Ang kanilang di-paniniwala ay nagbunga ng poot. Sinupil sila ni Satanas, at sa galit nila ay sinigawan nila ang Tagapagligtas. Tinalikdan nila Siya na ang layunin ay magpagaling at magsauli; at ngayo'y inihayag nila ang likas ng mamumuksa. BB 317.2

Nang banggitin ni Jesus ang mga pagpapalang ibinigay sa mga Hentil o sa ibang mga bansa, ay napukaw ang maalab na damdaming pagkamakabayan ng mga nakikinig sa Kaniya, at ang Kaniyang tinig ay nalunod sa kaingayan ng mga tinig. Ipinagmamalaki ng mga taong ito na sila'y tumutupad ng kautusan; subali't ngayong nasaktan ang kanilang damdamin, ay handa silang pumatay. Naghiwa-hiwalay ang kapulungan, at nang masunggaban nila si Jesus, ay ipinagtulakan nila Siyang palabas ng sinagoga at ng bayan. Lahat ay waring sabik na Siya'y patayin. Kinaladkad nila Siya hanggang sa bingit ng isang matarik na bangin, na ang balak ay ibulid Siya nang patiwarik. Mga sigaw at mga panununga- yaw ang pumuno sa himpapawid. May ilang bumabato sa Kaniya, nang di-kaginsa-ginsa'y bigla na lamang Siyang nawala sa gitna nila. Ang mga sugo ng langit na kapiling Niya sa sinagoga ay kasama Niya sa gitna ng galit na galit na karamihan. Siya'y kinanlungan ng mga ito sa Kaniyang mga kaaway, at Siya'y inihatid sa isang pook na ligtas sa panganib. BB 317.3

Gayon ipinagsanggalang ng mga anghel si Lot, at inilabas siyang tiwasay mula sa gitna ng Sodoma. Gayon nila ipinagsanggalang si Eliseo sa isang maliit na bayan-bayanan sa bundok. Nang ang mga burol sa paligid ay mapuno ng mga kabayo at mga karo at ng malaking hukbong sandatahan ng hari sa Siria, ay natanawan naman ni Eliseo ang malapit-lapit na mga gulod na nala-laganapan ng mga hukbo ng Diyos—mga kabayo at mga karo ng apoy na nakapaligid sa lingkod ng Panginoon. BB 318.1

Sa lahat nga ng panahon, ang mga anghel ay naging malapit sa mga tapat na tagasunod ni Kristo. Ang malaking hukbo ng masasamang anghel ay nakaabang sa lahat ng mga naghahangad na makapanagumpay; nguni't ibig ni Kristong tingnan natin ang mga bagay na hindi nakikita, ang mga hukbo ng langit na nakapalibot sa lahat ng mga umiibig sa Diyos, na handang iligtas sila. Hindi natin maalaman kailanman, kung sa anu-anong mga panganib, na nakikita at di-nakikita, iniligtas tayo ng mga anghel, kundi kung makita na natin sa liwanag ng walang-hanggan ang mga pamamatnubay ng Diyos. Saka pa lamang natin malalaman na ang buong sambahayan ng langit ay nagmalasakit sa sambahayang narito sa lupa, at ang mga sugong buhat sa luklukan ng Diyos ay siyang namatnubay sa mga hakbang natin sa araw-araw. BB 318.2

Nang basahin ni Jesus sa sinagoga ang hula, ay tumigil Siya bago dumating sa huling bahagi na tumutukoy sa gawain ng Mesiyas. Pagkabasa Niya sa mga salitang, “Upang itanyag ang kalugud-lugod na taon ng Panginoon,” ay hindi Niya binasa ang pariralang, “at ang kaarawan ng paghihiganti ng ating Diyos.” Isaias 61:2. Ito ay totoo ring gaya ng unang bahagi ng hula, at ang hindi Niya pagbasa niyon ay hindi nagpapakilalang ito'y hindi na totoo. Datapwa't ang huling pangungusap na ito ay siyang kinalulugdang ipaliwanag ng mga nakikinig sa Kaniya, at siyang pinakamimithi nilang matupad. Ibina-banta nila ang mga hatol at parusa sa mga di-kumikilala sa Diyos, nguni't hindi nila napag-uunawang ang sarili nilang kasalanan ay higit pang malaki kaysa mga iba. Sila na rin ay lubhang nangangailangan ng kahabagang handa nilang ipagkait sa mga iba. Nang araw na yaon sa sinagoga, nang si Jesus ay tumayo sa gitna nila, ay yaon ang pagkakataon nila na tanggapin ang panawagan ng Langit. Siya na “nalulugod sa kagandahang-loob” (Mikas 7:18) ay nakahandang iligtas sila sa kapahamakang pagdadalhan sa kanila ng kanilang mga kasalanan. BB 318.3

Hindi Niya mapababayaan sila nang walang isa pang panawagan sa pagsisisi. Nang malapit nang matapos ang Kaniyang ministeryo sa Galilea, ay dinalaw Niyang muli ang bayang Kaniyang nilakhan. Mula nang itakwil Siya roon, ay lumaganap na ang kabantugan ng Kaniyang pangangaral at mga kababalaghan. Wala ngayong makapag-tatwang Siya'y nag-angkin ng kapangyarihang higit kaysa kapangyarihan ng tao. Alam ng mga tao sa Nazareth na Siya'y naglilibot na gumagawa ng mabuti, at nagpapagaling ng lahat na pinahihirapan ni Satanas. Sa palibot nila ay naroon ang mga nayon na hindi nakaringgan ng daing ng maysakit ang alinmang bahay, sapagka't dumaan Siya roon, at Kaniyang pinagaling ang lahat nilang maysakit. Ang kahabagang nakita sa Kaniyang mga gawa ay nagpatunay na Siya nga'y pinahiran ng Diyos. BB 319.1

Samantalang sila'y nakikinig na muli sa Kaniyang mga salita ay kinilos ng Banal na Espiritu ang mga taga-Nazareth. Gayunma'y ayaw pa rin nilang aminin ngayon na ang Lalaking ito, na lumaking kasama nila, ay naiiba o nakahihigit kaysa kanila. Umuukilkil pa rin sa kanilang gunita ang mapait na alaala na bagama't inaangkin Niyang Siya ang Ipinangakong Mesiyas, hindi naman Niya kinilalang sila'y nabibilang sa Israel sapagka't sa paghahalimbawa Niya ay ipinakilala Niyang lalo pang karapat-dapat sa lingap ng Diyos ang isang lalaki at isang babaing hindi nakakakilala sa Diyos kaysa kanila. Kaya nga bagaman itinatanong nilang, “Saan kumuha ang Taong ito ng karunungan, at ng makapangyarihang mga gawang ito?” ay tikis namang ayaw nilang tanggapin Siya na siyang Kristo ng Diyos. Dahil sa kanilang di-pagsampalataya, ay hindi makagawa ang Tagapagligtas ng maraming kababalaghan sa gitna nila. Iilang mga puso lamang ang nagbukas upang tumanggap ng Kaniyang pagpapala, at masaklap sa Kaniyang loob na Siya'y umalis, upang hindi na bumalik kailanman. BB 319.2

Palibhasa'y kimkim na sa puso ang di-paniniwala, kaya ito ang patuloy na umiral at sumupil sa mga tao ng Nazareth. Kaya ito rin ang umiral at sumupil sa Sanedrin at sa bansa. Ang kauna-unahang pagtanggi ng mga saserdote at mga tao sa paghahayag ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ay siyang pasimula ng wakas. Upang patunayang ang una nilang paglaban ay matwid, patuloy na nilang nilabanan ang mga salita ni Kristo magbuhat noon. Ang pagtanggi nila sa Espiritu ay natapos sa krus ng Kalbaryo, sa pagkawasak ng kanilang bayan, at sa pagkakawatak-watak ng bansa sa lahat ng dako ng lupa. BB 320.1

Oh, gaano ang pagkasabik ni Kristo na buksan sa Israel ang mahahalagang kayamanan ng katotohanan! Subali't gayon na lamang ang espirituwal na pagkabulag nila na anupa't hindi na mangyaring maihayag sa kanila ang mga katotohanang may kaugnayan sa Kaniyang kaharian. Mahigpit ang kapit nila sa kanilang kredo at mga seremonya gayong ang katotohanan ng Langit ay naghihintay na tanggapin nila. Ginugol nila ang kanilang salapi sa ipa at mga balat, gayong maaabot lamang nila ang tinapay ng buhay. Bakit hindi sila dumulog sa salita ng Diyos, at masikap na magsaliksik upang maalaman nila kung sila'y namamali? Maliwanag na inilalahad ng mga Kasulatan ng Matandang Tipan ang bawa't kaliit-liitang bagay ng ministeryo ni Kristo, at muli't muli Siyang sumipi sa mga ipinahayag ng mga propeta, at sinabi, “Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig.” Kung buong tapat nilang sinaliksik ang mga Kasulatan, at sinubok sa salita ng Diyos ang kanilang mga haka-haka o teorya, hindi na sana tinangisan ni Jesus ang kanilang di-pagsisisi. Hindi Niya sana kinailangang sabihing, “Narito, ang inyong bahay ay iniwan sa inyo na sira.” Lueas 13:35. Napagkilala sana nila ang katunayan ng Kaniyang pagka-Mesiyas, at naiwasan sana ang kasakunaang ikinagiba ng kanilang palalong siyudad. Datapwa't ang isip ng mga Hudyo ay kumitid dahil sa kanilang di-makatwirang pagka-panatiko. Ang mga turo o aral ni Kristo ay naghayag ng mga kapintasan ng kanilang likas, at nag-aatas na sila'y magsisi. Kung tinanggap nila ang Kaniyang mga turo, dapat nilang binago ang kanilang mga gawain, at itinakwil ang pinakamimithi nilang mga pag-asa. Upang sila'y maparangalan ng Langit, dapat nilang iwan o isakripisyo ang parangal ng mga tao. Kung susundin nila ang mga salita ng bagong gurong ito, dapat nilang salansangin ang mga turo at pala-palagay ng mga dakilang mapag-isip at mga guro nang panahong iyon. BB 320.2

Ang katotohanan ay hindi popular noong panahon ni Kristo. Hindi ito popular sa ating kapanahunan. Hindi na ito naging popular buhat pa noong patabangin ni Satanas ang pagkakagusto rito ng tao sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga katha-katha na nauuwi sa pagtataas ng sarili. Hindi ba't ngayon ay mayroon tayong nasasa-gupang mga teorya at mga doktrina na hindi nakasalig sa salita ng Diyos? Nangangapit nang buong higpit ang mga tao sa mga ito na gaya ng ginawang mahigpit na pagkapit ng mga Hudyo sa kanilang mga sali't-saling sabi. BB 321.1

Ang mga pinunong Hudyo ay nangapuno ng kapala-luang espirituwal. Ang hangarin nila na mabigyang kaluwalhatian ang sarili ay mismong nahayag sa mga paglilingkod sa santuwaryo. Gustung-gusto nila ang pinaka-matataas na luklukan sa sinagoga. Gustong-gusto nila ang mga bating iniuukol sa kanila sa mga pamilihan, at ikinasisiya nilang marinig sa mga labi ng mga tao ang pagsambit sa kanilang mga titulo. Nang lumamig na ang tunay na pagbabanal, lalo naman silang naging masikap sa mga sali't-saling sabi at mga seremonya nila. BB 322.1

Palibhasa ang kanilang pang-unawa ay pinadilim ng sariling maling pagkakilala, hindi nila maitugma ang kapangyarihan ng humahatol na salita ni Kristo sa aba Niyang pamumuhay. Hindi nila matanggap ang katoto-hanan na ang tunay na kadakilaan ay hindi nakikita sa panlabas na kaanyuan. Ang karukhaan ng Taong ito ay waring ganap na kasalungat o di-naaayon sa sinasabi Niyang Siya ang Mesiyas. Kanilang itinatanong, Kung Siya nga iyong talagang sinasabi Niya, bakit Siya lubhang mabanayad? Kung Siya'y nasisiyahan nang di-gagamit ng lakas ng sandata, ay ano nga ang mangyayari sa kanilang bansa? Paano magagawa ng kapangyarihan at kaluwalhatiang malaon nang inaasam na maipailalim ang mga bansa sa siyudad ng mga Hudyo? Hindi ba itinuro ng mga saserdote na ang Israel ay siyang maghahari sa buong lupa? At paano naman kaya mamamali ang mga dakilang guro ng relihiyon? BB 322.2

Nguni't hindi lamang ang kawalan ng panlabas na karangyaan sa buhay ni Jesus ang umakay sa mga Hudyo na Siya'y itakwil. Siya ang kabuuan ng kalinisan, at sila'y pawang marurumi. Siya'y namuhay sa gitna ng mga tao na isang uliran sa sakdal na kalinisang-budhi. Ang Kaniyang walang-dungis na kabuhayan ay nagpasinag ng liwanag sa kanilang mga puso. Ang katapatan Niya ay naghayag ng kanilang kawalang-katapatan. Inilitaw nito ang kahungkagan ng kanilang paimbabaw na kabanalan, at ito'y nakatagpo ng nakaririmarim na uri ng kasamaan sa kanila. Ang ganitong liwanag ay hindi nila matatanggap. BB 322.3

Kung binigyang-pansin lamang ni Kristo ang mga Pariseo, at ibinunyi ang kanilang karunungan at kabanalan, sana'y malugod nila Siyang tinanggap at pinagpugayan. Datapwa't nang sabihin Niya na ang kaharian ng langit ay isang panahon ng pagkaawa sa buong sangkatauhan, ay nagharap Siya ng isang anyo ng relihiyon na hindi nila matutulutan. Ang sarili nilang halimbawa at turo ay di-kailanman naging gayon na magagawang wari'y kanasa-nasa ang paglilingkod sa Diyos. Nang makita nilang ang pinag-uukulan ng pansin ni Jesus ay ang mga taong kanilang kinapopootan at itinatakwil, ay nagpasulak ito ng matinding pagkagalit sa kanilang mga palalong puso. Sa kabila ng kanilang pagyayabang na sa ilalim ng “Liyon sa angkan ng Juda” (Apocalipsis 5:5), ay mabubunyi ang Israel sa ibabaw ng lahat ng mga bansa, napagti-isan sana nila ang pagkabigo ng kanilang matatayog na pag-asa nang higit sa kaya nilang ipagtiis sa mga sumbat ni Kristo sa kanilang mga kasalanan, at ang pag-kakutyang nadama nila sa harap ng Kaniyang kalinisan. BB 323.1