Bukal Ng Buhay
Kabanata 23—“Malapit na ang Kaharian ng Diyos”
“Napasa Galilea si Jesus, na ipinangangaral ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos, at sinasabi, Naganap na ang panahon, at malapit na ang kaharian ng Diyos: kayo'y mangagsisi, at mangagsisampalataya sa ebanghelyo.” Marcos 1:14, 15. BB 304.1
Ang pagdating ng Mesiyas ay unang ibinalita sa Judea. Sa templo sa Jerusalem ang pagsilang ng magiging tagapagbalita o tagapaghawan ng landas ay ipinagpaunang sinabi kay Zacarias samantalang ito'y naglilingkod sa harap ng dambana. Sa mga burol ng Bethlehem ay itinanyag ng mga anghel ang pagsilang ni Jesus. Sa Jerusalem ay dumating ang mga Mago o mga Lalaking Pantas na hinahanap Siya. Sa templo ay pinatotohanan ni Simeon at ni Ana na Siya nga ang Diyos. “Ang Jerusalem at ang buong Judea” ay nakinig sa pangangaral ni Juan Bautista; at ang mga sugong buhat sa Sanedrin, kasama ang karamihan, ay nakarinig ng kaniyang patotoo tungkol kay Jesus. Sa Judea ay tinanggap ni Kristo ang Kaniyang unang mga alagad. Dito Niya ginugol ang malaking panahon ng Kaniyang unang ministeryo. Ang pagkislap ng Kaniyang pagka-Diyos sa pagkakapaglinis ng templo, ang Kaniyang mga kababalaghan sa pagpapagaling, at ang mga aral ng banal na katotohanang namutawi sa Kaniyang mga labi, lahat ay pawang nagpatunay ng tulad ng pinatunayan Niya sa harap ng Sanedrin pagkatapos na mapagaling Niya ang lalaking lumpo sa may tangke ng Bethesda—na Siya nga ang Anak ng Walang-hanggang Diyos. BB 304.2
Kung tinanggap si Kristo ng mga pinuno ng Israel, ibinigay sana Niya sa kanila ang karangalan na maging Kaniyang mga tagapagbalita ng ebanghelyo sa sanlibutan. Sa kanila muna unang ibinigay ang pagkakataong maging mga tagapagbalita ng kaharian at biyaya ng Diyos. Nguni't hindi naalaman ng Israel ang panahon ng pagdalaw sa kaniya. Ang pananaghili at di-pagtitiwala ng mga pinunong Hudyo ay nauwi sa hayagang pagkagalit, at ang puso ng mga tao ay naibaling na palayo kay Jesus. BB 305.1
Tinanggihan ng Sanedrin ang pabalita ni Kristo at ipinasiyang Siya'y ipapatay; kaya nga iniwan ni Jesus ang Jerusalem, ang mga saserdote, ang templo, ang mga pinunong ukol sa relihiyon, at ang bayang tinuruan sa kautusan, at binalingan Niya ang ibang uri ng mga tao upang ito ang pagtanyagan Niya ng Kaniyang pabalita, at upang makapagtipon Siya ng mga makapagdadala ng ebanghelyo sa lahat ng mga bansa. BB 305.2
Kung paanong ang ilaw at buhay ng mga tao ay tinanggihan ng mga pinuno ng simbahan noong panahon ni Kristo, ay gayundin tinanggihan ito sa bawa't sumusunod na salin-ng-lahi. Muli at muling naulit ang kasay-sayan ng pag-alis ni Kristo sa Judea. Nang ipangaral ng mga Repormador ang salita ng Diyos, hindi nila inisip na humiwalay sa nakatatag nang iglesya; nguni't ang liwanag ay hindi matanggap ng mga pinuno ng simbahan, kaya't ang mga maydala nito ay napilitang humanap ng ibang uri ng mga tao, na mga sabik sa katotohanan. Sa kapanahunan natin ay iilan lamang sa mga nagsasabing sila'y mga alagad ng mga Repormador ang talagang kini-kilos ng diwa nila. Iilan ang nakikinig sa tinig ng Diyos, at nahahandang tumanggap ng kahit anumang uri ng katotohanan. Madalas na ang mga sumusunod na ito sa mga bakas ng mga Repormador ay napilitang humiwalay sa mga iglesyang mahal sa kanila, upang maitanyag lamang nila ang malinaw na itinuturo ng salita ng Diyos. At madalas din na ang mga naghahanap ng liwanag ay napipilitang umalis sa iglesya ng kanilang mga magulang dahil sa aral ding iyon, upang masunod lamang nila ang katotohanan. BB 305.3
Hinahamak ng mga rabi sa Jerusalem ang mga tao sa Galilea at itinuturing na ang mga ito ay mararahas at walang pinag-aralan, gayunma'y sila ang nagbibigay ng lalong kanais-nais na bukiran para sa gawain ng Taga-pagligtas. Sila'y lalong masisigasig at lalong tapat; hindi gaanong sumasailalim ng kontrol ng mga panatiko; lalong bukas ang kanilang isip sa pagtanggap ng katoto-hanan. Ang pagtungo ni Jesus sa Galilea, ay hindi sa hangaring mapag-isa o lumayo sa karamihan. Nang panahong ito ang lalawigan ng Galilea ay tinatahanan ng maraming nagsisiksikang mga tao, na ang karamihan ay halu-halong mga tao ng iba-ibang mga bansa na wala sa Judea. BB 306.1
Sa paglilibot ni Jesus sa buong Galilea, na nagtuturo at nagpapagaling, mga karamihan ang nagkakalipumpon sa Kaniya buhat sa mga lunsod at mga nayon. Marami pa nga ang nanggagaling sa Judea at sa mga karatig na lalawigan. Madalas na napipilitan Siyang magtago sa mga tao. Ang alingasngas ay gayon na lamang kalaki na anupa't kinailangang gumawa ng mga pag-iingat baka sapantahain ng mga pinunong Romano na may nagbabangon ng paghihimagsik. Di-kailanman nagkaroon nang una ng isang panahong gaya nito sa sanlibutan. Ang langit ay ibinababa sa mga tao. Ang nangagugutom at nangauuhaw na kaluluwang malaon nang nangagsipaghintay sa ikatutubos ng Israel ay nangagsipagtamasa ngayon ng biyaya ng isang maawaing Tagapagligtas. BB 306.2
Ang laman ng pangangaral ni Kristo ay, “Naganap na ang panahon, at malapit na ang kaharian ng Diyos: kayo'y mangagsisi, at mangagsisampalataya sa ebanghelyo.” Ito ang nagpapakilala na ang pabalita ng ebanghelyo, na ipinangaral ng Tagapagligtas, ay nakasalig sa mga hula. Ang “panahon” na sinabi Niyang naganap na ay ang panahong ipinaalam ng anghel Gabriel kay Daniel. “Pitumpung sanlinggo,” wika ng anghel, “ang ipinasiya sa iyong mga taon at sa iyong Barial na Bayan, upang tapusin ang pagsalansang, at upang wakasan ang pagkakasala, at upang linisin ang kasamaan, at upang dalhan ng walang-hanggang katwiran, at upang tatakan ang pangitain at ang hula, at upang pahiran ang kabanal-banalan.” Daniel 9:24. Sa hula ang isang araw ay isang taon. Tingnan ang Mga Bilang 14:34; Ezekiel 4:6. Ang pitumpung sanlinggo, o apat na raan at siyamnapung araw, ay kuma-katawan sa apat na raan at siyamnapung taon. Ang pasimula ng panahong ito ay ibinibigay: “Iyo ngang talas-tasin at bulayin, na mula sa paglabas ng utos na isauli at itayo ang Jerusalem hanggang sa Pinahiran (Mesiyas) na Prinsipe ay magiging pitong sanlinggo, at animnapu't dalawang sanlinggo,” animnapu't siyam na sanlinggo, o apat na raan at walumpu't tatlong taon. Daniel 9:25. Ang utos na isauli at itayo ang Jerusalem, alinsunod sa karagdagang utos ni Artajerjer Longimanus (tingnan ang Ezra 6:14; 7:1, 9), ay nagkabisa noong taglagas ng 457 B.K. Buhat sa panahong ito ang apat na na raan at walum-pu't tatlong taon ay humahangga sa taglagas ng 27 P.K. Ayon sa hula, ang panahong ito ay aabot sa Mes yas, ang Isa na Pinahiran. Noong taong 27 P.K., nang binyagan si Jesus ay tinanggap Niya ang pagpapahid ng Espiritu Santo, at hindi nagtagal pagkatapos nito ay pinasimulan Niya ang Kaniyang ministeryo. Noon Niya itinanyag ang pabalitang, “Naganap na ang panahon.” Pagkatapos, sinabi ng anghel, “Pagtitibayin Niya ang tipan sa marami sa isang sanlinggo [pitong taon].” Sa loob ng pitong taon buhat nang pumasok ang Tagapaglig-tas sa Kaniyang ministeryo, ay ipinangaral ang ebanghelyo tanging-tangi na sa mga Hudyo; sa loob ng tatlo at kalahating taon ay sa pamamagitan ni Kristo; at pagkatapos ay sa pamamagitan naman ng mga apostol. “Sa kalahati ng sanlinggo ay Kaniyang ipatitigil ang hain at ang alay.” Daniel 9:27. Noong tagsibol ng taong 31 P.K., si Kristong tunay na handog ay inialay sa Kalbaryo. Nang magkagayo'y nahapak sa gitna ang tabing ng templo, na nagpapakilalang ang kabanalan at kahalagahan ng mga paghahandog ay lumipas na. Sumapit na ang panahon upang mawakasan ang mga paghahain at pag-aalay sa lupa. BB 306.3
Ang isang sanlinggo—pitong taon—ay natapos noong taong 34 P.K. At nang batuhin ng mga Hudyo si Esteban ay pinagtibay nila ang kanilang pagtanggi sa ebanghelyo; ang mga alagad na nagsipangalat dahil sa pag-usig “ay nagsipaglakbay na ipinangangaral ang salita” (Mga Gawa 8:4); at hindi natagalan pagkatapos nito, si Saulong mang-uusig ay nahikayat, at naging Pablo, na apostol sa mga Hentil. BB 308.1
Ang panahon ng pagkapanganak kay Kristo, ang pag-papahid sa Kaniya ng Espiritu Santo, ang Kaniyang pag-kamatay, at ang pagbibigay o pagdadala ng ebanghelyo sa mga Hentil, ay malinaw na sinabi. Karapatan sana ng bansang Hudyo na maalaman ang mga hulang ito, at makilalang ito ay natupad sa buhay at gawa ni Jesus. Ipinaunawa ni Kristo sa Kaniyang mga alagad ang kahalagahan ng pag-aaral ng hula. Nang tukuyin Niya ang hulang ibinigay kay Daniel na nagsasabi ng panahon nila, ay sinabi Niya, “Unawain ng bumabasa.” Mateo 24:15. At nang Siya'y mabuhay na mag-uli ay ipinaliwanag Niya sa mga alagad sa pamamagitan ng “lahat ng mga propeta” “ang mga bagay tungkol sa Kaniya.” Lucas 24:27. Ang tagapagligtas ay nagsalita sa pamamagitan ng lahat ng mga propeta. “Ang Espiritu ni Kristo na sumasakanila'' ay “pinatotohanan nang una ang mga pagba-bata ni Kristo, at ang mga kaluwalhatiang hahalili sa mga ito.” 1 Pedro 1:11. BB 308.2
Si Gabriel, ang anghel na sumusunod sa Anak ng Diyos sa karangalan, ay siyang lumapit kay Daniel na dala ang sugong buhat sa Diyos. Si Gabriel, na “Kaniyang anghel,” ang siyang inutusan ni Kristo upang ipakita sa pinaka-iibig na si Juan ang panahong hinaharap; at isang pag-papala ang iginagawad sa mga bumabasa at nakikinig ng mga salita ng hula, at ginaganap ang mga bagay na nasusulat doon. Apocalipsis 1:3. BB 309.1
“Ang Panginoon ay walang gagawin, kundi Kaniyang ihahayag ang Kaniyang lihim sa Kaniyang mga lingkod na mga propeta.” Bagama't “ang mga bagay na lihim ay nauukol sa Panginoon nating Diyos,” “yaon namang mga bagay na hayag ay nauukol sa atin at sa ating mga anak magpakailanman.” Amos 3:7; Deuteronomio 29:29. Ibinigay sa atin ng Diyos ang mga bagay na ito, at ibu-buhos Niya ang Kaniyang pagpapala sa taong buong galang at may-pananalanging nag-aaral ng mga salita ng hula. BB 309.2
Kung paanong itinanyag ng pabalita ng unang pag-parito ni Kristo ang kaharian ng Kaniyang biyaya, gayundin naman itinatanyag ng pabalita ng Kaniyang ikalawang pagparito ang kaharian ng Kaniyang kaluwalhatian. At ang pabalita ng ikalawang pagparito, gaya ng pabalita ng unang pagparito, ay nakasalig sa mga hula. Ang mga sinalita ng anghel kay Daniel na may kaugnayan sa mga huling araw ay mapag-uunawa sa panahon ng kawakasan. Sa panahong yaon, “marami ang tatakbo nang paroo't parito, at ang kaalaman ay lalago.” “Ang masa-sama ay gagawa na may kasamaan: at wala sa masasama na makakaunawa; nguni't silang pantas ay mangakakaunawa.” Daniel 12:4, 10. Ang Tagapagligtas na rin ay nagbigay ng mga tanda ng Kaniyang pagparito, at ang wika Niya, “Pagka nangakita ninyong nangyari ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos.” “At mangag-ingat kayo sa inyong sarili, baka mangalugmok ang inyong mga puso sa katakawan, at sa kalasingan, at sa mga pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na yaon na gaya ng silo.” “Mangagpuyat nga kayo, at magsipa-nalanging lagi, upang kamtin ninyo ang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang mangakatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao.” Lucas 21: 31, 34, 36. BB 309.3
Sumapit na tayo sa panahong ipinagpaunang-sabihin ng mga talatang ito. Dumating na ang panahon ng kawakasan, nahayag na ang mga pangitain ng mga propeta, at ang solemneng mga babala nito ay itinuturo tayo sa malapit nang pagdating ng ating Panginoon na may kaluwalhatian. BB 310.1
Namali ang mga Hudyo ng pagpapakahulugan at paglalapat sa salita ng Diyos, kaya hindi nila naalaman ang panahon ng pagdalaw sa kanila. Ang mga taon ng ministeryo ni Kristo at ng Kaniyang mga apostol—ang mahahalaga't huling mga taon ng biyaya sa bayang hinirang—ay ginugol nila sa pagbabalak na patayin ang mga tagapagbalita ng Panginoon. Mga hangaring makalupa ang pumuno sa kanilang isipan, at nawalang-kabuluhan sa kanila ang alok ng espirituwal na kaharian. Kaya ngayon ang kaharian ng sanlibutang ito ay siyang pinagkakaabalahan ng isip ng mga tao, at hindi nila pinapansin ang matuling nangatutupad na hula at mga tanda ng mabilis-na-dumarating na kaharian ng Diyos. BB 310.2
“Nguni't kayo, mga kapatid, ay wala sa kadiliman, upang sa araw na yaon ay masubukan kayong gaya ng magnanakaw. Kayong lahat ay pawang mga anak ng kaliwanagan, at mga anak ng araw: tayo'y hindi ng gabi, ni ng kadiliman man.” Bagama't hindi natin naaalaman ang oras ng pagbabalik ng ating Panginoon, maaalaman naman natin kung ito'y malapit na. “Huwag nga tayong mangatulog, gaya ng mga iba; kundi tayo'y mangagpuyat at mangagpigil.” 1 Tesaloniea 5:4-6. BB 310.3