Bukal Ng Buhay
Kabanata 22—Ang Pagkabilanggo at Pagkamatay ni Juan
Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 11:1-11; 14:1-11; Marcos 6:17-28; Lukas 7:19-28.
Si Juan Bautista ang nauna sa pagbabalita ng kaharian ni Kristo, at una rin siya sa pagbabata ng kahirapan. Buhat sa malayang hangin ng ilang at sa malalaking pulutong na nagsipakinig sa kaniyang mga salita, siya ngayon ay napipiit sa loob ng mga pader ng bilangguan. Siya ay isang bilanggo sa loob ng kuta ni Herodes Antipas. Sa lupaing nasa silangan ng Jordan, na nasasakop ni Antipas, ay doon ginugol ni Juan ang mahabang panahon ng kaniyang pangangaral. Si Herodes na rin ay nakinig sa pangangaral Juan. Ang haring salat sa kaugaliang wagas ay nanginig at nangilabot nang marinig ang panawagang ukol sa pagsisisi. “Natatakot si Herodes kay Juan, palibhasa'y nalalamang siya'y lalaking matwid at banal; ... at pagka siya'y nakikinig sa kaniya, ay maraming bagay ang kaniyang ginagawa, at pinakikinggan niya siyang may galak.” Matapat siyang pinakitunguhan ni Juan, na pinagsasabihan siya sa makasalanan niyang pakikisama kay Herodias, na asawa ng kaniyang kapatid. Sandaling panahong bahag-yang sinikap ni Herodes na lagutin ang tanikala ng masamang pita na nakagapos sa kaniya; nguni't lalo namang hinigpitan ni Herodias ang pagkakagapos sa kaniya, hanggang sa makakita ito ng daan na mapaghigantihan ang Mamiminyag sa pamamagitan ng pag- uudyok kay Herodes na si Juan ay ikulong sa bilangguan. BB 284.1
Ang buhay ni Juan ay isa na lipos ng paggawa, at ang panglaw ng pagkakabilanggo at kawalan ng ginagawa ay labis niyang dinamdam. Nang lumipas ang mga linggo, na walang inihahatid na pagbabago sa kaniyang kalagayan, pinangibabawan siya ng kawalang-pag-asa at ng pag-aalinlangan. Nguni't hindi siya pinabayaan ng kaniyang mga alagad. Sila'y pinahintulutang makapasok sa bilangguan, at ibinalita nila sa kaniya ang mga ginagawa ni Jesus, at sinabi rin nila kung paanong dinaragsaan Siya at pinagkakalipumpunan ng mga tao. Nguni't kanilang itinatanong na, kung ang bagong gurong ito ay siyang Mesiyas, ay bakit wala Siyang ginagawang anuman upang makalaya si Juan? Paano Niya napahintulutang ang Kaniyang tapat na tagapagbalita ay mawalan ng kalayaan at marahil ay mawalan pa rin ng buhay? BB 286.1
Ang mga katanungang ito ay hindi nawalan ng bisa. Ang mga pag-aalinlangang sana'y di-kailanman babangon ay nakapasok sa isip ni Juan. Ikinatuwa ni Satanas na mapakinggan ang mga salita ng mga alagad na ito, at makita kung paano nila nasugatan ang damdamin ng tagapagbalita ng Panginoon. Oh, gaano nga kadalas na yaong mga nag-aakalang sila'y mga kaibigan ng isang mabuting tao, at mga sabik na ipakilala ang kanilang katapatan sa kaniya, ay siya palang pinakamapanganib niyang mga kaaway! Gaano nga kadalas, na sa halip na pinalalakas, ay pinapanghihina at pinapanlulupaypay ng kanilang mga salita, ang kaniyang pananampalataya! BB 286.2
Gaya ng mga alagad ng Tagapagligtas, ay hindi rin naunawaan ni Juan Bautista ang likas ng kaharian ni Kristo. Inasahan niyang kukunin ni Jesus ang trono ni David; nguni't lumipas ang panahon, at ang Tagapagligtas ay wala pang ginagawang pag-angkin sa kapangya-rihan ng hari, ay nagulumihanan at nabagabag si Juan. Ipinahayag niya sa mga tao na upang mahanda ang daan sa harap ng Panginon, ay kailangan munang matupad ang hula ni Isaias; na ang mga bundok at mga burol ay kailangang mapababa, ang liku-liko ay kailangang maituwid, at ang mga baku-bakong dako ay mapatag. Hinintay niyang ang matataas na dako ng kapalaluan at kapangyarihan ng tao ay maguho. Itinuro niya ang Mesiyas bilang siyang Isa na may taglay na pamaypay sa Kaniyang kamay, at siyang lubos na maglilinis sa Kaniyang giikan, siyang magtitipon ng trigo sa Kaniyang bangan, at siyang susunog sa ipa sa pamamagitan ng apoy na di-mapapatay. Katulad ng propetang si Elias, na sa espiritu at kapangyarihan nito siya dumating sa Israel, ay hinintay niyang ihayag ng Panginoon ang Kaniyang sarili bilang isang Diyos na sumasagot sa pamamagitan ng apoy. BB 286.3
Sa kaniyang pangangaral ay tumatayo si Juan Bautista bilang isang walang-takot na tagasaway ng kasamaan, sa mga nasa matataas na dako at mga nasa mababa man. Pinangahasan niyang harapin nang mukhaan ang Haring Herodes upang malinaw na ipamukha rito ang pagkakasala nito. Hindi niya pinahalagahan ang kaniyang buhay, upang magampanan lamang niya ang gawaing itinakda sa kaniya. At ngayon buhat sa kaniyang kinabibilangguan ay hinihintay niyang ibagsak ng Leon sa angkan ng Juda ang kapalaluan ng maniniil, at iligtas ang mga kahabag-habag at siya na dumaraing. Datapwa't waring nasisiyahan na si Jesus sa pagtitipon ng mga alagad sa palibot Niya, at sa pagpapagaling at pagtuturo sa mga tao. Nakikisalo Siya sa mga dulang ng mga maniningil ng buwis, samantala'y pabigat naman nang pabigat ang pamatok ng Roma na ipinapasan sa Israel, at ang Haring Herodes at ang imbi niyang kaagulo ay magkatulong na gumagawa ng pagpapahirap, at ang mga daing ng mga kaawaawa at ng mga naghihirap ay umabot na hanggang sa langit. BB 287.1
Sa propeta sa ilang ay waring isang hiwagang hindi niya madalumat ang lahat nang ito. May mga oras na ang kaniyang diwa ay pinahirapan ng mga bulong ng mga demonyo, at ang lagim ng isang nakapangingilabot na pangamba ay pumiyapis sa kaniya. Maaari kayang ang maluwat-nang-hinihintay na Tagapagligtas ay hindi pa dumarating? Kung gayo'y ano ang katuturan ng pabalitang siya na rin ang nagdala? Bigung-bigo si Juan sa ibinunga ng kaniyang misyon. Inasahan niya na ang pabalitang buhat sa Diyos na iniaral niya ay magkakabisang gaya nang basahin ang kautusan noong mga kaarawan nina Josias at Ezra (2 Kronika 34; Nehemias 8:9); na ito'y susundan ng mataimtim na pagsisisi at pagbabalik sa Panginoon. Sa ikapagtatagumpay ng misyong ito ay isinakripisyo niya ang kaniyang buong buhay. Mabibigo kaya ito? BB 288.1
Ikinabagabag ni Juan na makita ang mga alagad niya, dahil sa pag-ibig sa kaniya, ay nagkakaroon ng pag-aalinlangan kay Jesus. Nasayang kaya ang mga paggawa't pagtuturo niya sa kanila? Hindi kaya siya naging tapat sa kaniyang paglilingkod, kaya siya napatigil ngayon sa paggawa? Kung dumating na nga ang ipinangakong Tagapagligtas, at tapat naman si Juan sa pagkatawag sa kaniya, hindi ba ibabagsak ngayon ni Jesus ang kapang-yarihan ng maniniil, at palalayain ang Kaniyang tagapag-balita? BB 288.2
Datapwa't ang pananampalataya ni Juan Bautista kay Kristo ay hindi niya ipinatalo. Ang alaala ng tinig na buhat sa langit at ang pagbaba ng Espiritu Santong nasa anyong kalapati, ang walang-dungis na kalinisan ni Jesus, ang kapangyarihan ng Banal na Espiritung pumuspos kay Juan nang mapaharap na siya sa Tagapagligtas, at ang nagkakaisang patotoo ng mga salita ng hula—lahat nang ito ay sumasaksing si Jesus ng Nazareth ay siyang Isa na Ipinangako. BB 288.3
Hindi ipinahayag ni Juan sa kaniyang mga kasama ang kaniyang mga alinlangan at mga pag-aalaala. Ipinasiya niyang magpadala ng sugo na mag-uusisa kay Jesus. Ito'y ipinagkatiwala niya sa dalawa niyang alagad, sa pag-asang ang pakikipag-usap nila sa Tagapagligtas ay magpapatibay ng kanilang pananampalataya, at magha-hatid ng kapanatagan sa kanilang mga kapatid. At pina-nabikan din niya ang mga salitang sasabihin ni Kristo para sa kaniya. BB 288.4
Dumating kay Jesus ang mga alagad na may ganitong pasabi, “Ikaw baga Yaong paririto, o maghihintay kami ng iba?” BB 289.1
Hindi pa gaanong nagtatagal buhat nang ituro ni Juan si Jesus, at isigaw, “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” “Siya nga ang pumaparitong sumusunod sa akin.” Juan 1:26, 28. At ngayo'y narito ang tanong, “Ikaw baga Yaong paririto?” Sa katutubo ng tao iyon ay napakasaklap at tunay na nakabibigo. Kung si Juan, na tapat na tagapagbalita, ay nalabuan pa tungkol sa layunin ng pagparito ni Kristo, ano nga ang maaaring asahan sa mga karamihang makasarili? BB 289.2
Hindi agad sinagot ng Tagapagligtas ang tanong ng mga alagad. Habang sila'y nangakatayong nanggigilalas sa hindi Niya pag-imik, ay nangagdaratingan naman ang mga maysakit at mga nahihirapan upang Kaniyang pagalingin. Kakapa-kapa ang mga bulag sa kanilang paglakad at pakikipagsiksikan sa gitna ng karamihan; mga iba-ibang uri ng maysakit, na ang ilan ay nagpipilit lumakad sa sarili nila, at ang iba naman ay pasan-pasan ng kanikanilang mga kaibigan, ay buong kasabikang nakikipagsiksikan upang makarating sa harapan ni Jesus. Ang tinig ng Makapangyarihang Manggagamot ay nanuot sa binging pakinig. Sa isang salita, sa isang hipo ng Kaniyang kamay, ay nangadilat ang mga mata ng bulag upang mamasdan ang liwanag ng araw, ang tanawin ng katalagahan, ang mga mukha ng mga kaibigan, at ang mukha ng Tagapagligtas. Sinaway ni Jesus ang sakit at pinaalis ang lagnat. Naglagos ang Kaniyang tinig sa mga tainga ng naghihingalo, at sila'y nagsibangong malulusog at malalakas. Ang mga paralitikong inaalihan ng mga demonyo ay nagsitalima sa Kaniyang salita, umalis sa kanila ang kanilang kabaliwan, at kanilang sinamba Siya. Habang pinagagaling Niya ang kanilang mga karamdaman, ay tinuturuan Niya ang mga tao. Ang mga dukhang magbubukid at mga manggagawa, na nilalayuan ng mga rabi sapagka't marurumi, ay nagkakatipon sa palibot Niya, at sa kanila'y nagsalita Siya ng mga salita ng walang-hanggang buhay. BB 289.3
Sa ganyang paraan lumipas ang maghapon, na nakita at narinig ng mga alagad ni Juan ang lahat. Sa wakas ay tinawag sila ni Jesus, at inatasan silang magsiyaon at sabihin kay Juan ang lahat na kanilang nasaksihan, at ganito pa ang idinugtong, “Mapalad siya, na hindi makasumpong ng anumang katitisuran sa Akin.” Lukas 7:23, R.V. Ang katunayan ng Kaniyang pagka-Diyos ay nakita sa pag-aangkup-angkop nito sa mga pangangailangan ng mga taong nasa kahirapan. Ang Kaniyang kaluwalhatian ay namalas sa Kaniyang pakikibagay sa ating mababang kalagayan. BB 290.1
Inihatid ng mga alagad ang pasabi ni Jesus, at iyon ay naging sapat na. Nagunita ni Juan ang hula tungkol Mesiyas, “Pinahiran Ako ng Panginoon upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga maamo; Kaniyang sinugo Ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang magtanyag ng kalayaan sa mga bihag, at magbukas ng bilangguan sa nangabibilanggo; upang magtanyag ng kalugud-lugod na taon ng Panginoon.” Isaias 61:1, 2. Ang mga gawa ni Kristo ay hindi lamang nagbadyang Siya ang Mesiyas, kundi nagpakilala rin na kung sa paanong paraan matatatag ang Kaniyang kaharian. Inihayag kay Juan ang katotohanang ipinakilala rin kay Elias doon sa ilang, nang “bumuka ang mga bundok sa pamamagitan ng isang malaki at malakas na hangin, at pinagputulputol ang mga bato sa harap ng Panginoon; nguni't ang Panginoon ay wala sa hangin; at pagkatapos ng hangin ay isang lindol; nguni't ang Panginoon ay wala sa lindol; at pagkatapos ng lindol ay isang apoy; nguni't ang Panginoon ay wala sa apoy: “at pagkatapos ng apoy, ay nagsalita ang Diyos sa propeta sa pamamagitan ng “isang marahang bulong na tinig.” 1 Mga Hari 19:11, 12. Kaya nga gagawin ni Jesus ang Kaniyang gawain, hindi sa pamamagitan ng pakikipagtagisan ng mga sandata at ng pagbabagsak ng mga trono at mga kaharian, kundi sa pamamagitan ng pagsasalita sa mga puso ng mga tao sa buhay na mahabagin at mapagpakasakit. BB 290.2
Ang simulain ng buhay ni Juan Bautista na pagtanggisa-sarili ay siyang simulain ng kaharian ng Mesiyas. Alam na alam ni Juan na kaibang-kaiba ang lahat nang ito sa mga simulain at mga inaasahan ng mga pinuno ng Israel. Ang sa ganang kaniya'y kapani-paniwalang katunayan ng pagka-Diyos ni Kristo ay hindi naman katunayan sa ganang kanila. Ang hinihintay nila ay isang Mesiyas na hindi ipinangako. Nakita ni Juan na ang matatamo lamang sa kanila ng misyon ng Tagapagligtas ay pagkapoot lamang at paghatol. At siya, na tagapaghanda ng daan, ay umiinom lamang sa sarong dapat inumin ni Kristo hanggang sa pinakalatak nito. BB 291.1
Ang sinalita ng Tagapagligtas na, “Mapalad siya, na hindi makasumpong ng anumang katitisuran sa Akin,” ay isang banayad na sumbat kay Juan. Hindi naman ito nasayang sa kaniya. Ngayong napag-uunawa na niya nang lalong malinaw ang uri ng misyon ni Kristo, ay isinuko niya ang kaniyang sarili sa Diyos sa ikabubuhay o sa ikamamatay man, ayon sa lalong ikasusulong ng gawaing kaniyang minamahal. BB 291.2
Nang makaalis na ang mga alagad na inutusan, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan. Ang puso ng Tagapagligtas ay nakikiramay sa tapat na saksing ngayo'y nakukulong sa bilangguan ni Herodes. Hindi Niya itutulot na ang mga tao ay mag-akala na pinabayaan na ng Diyos si Juan, o kaya'y nagkulang ang pana-nampalataya nito sa araw ng pagsubok. “Ano ang nilabas ninyo sa ilang upang makita?” tanong Niya. “Isang tambo na inuuga ng hangin?” BB 291.3
Ang nangagtatayugang tambo na nangagsisitubo sa pampang ng Jordan, na nangahuhutok sa bawa't hihip ng hangin, ay angkop na kumakatawan sa mga rabi na nangagsitayo bilang mga kritiko at mga hukom ng misyon ni Juan. Sila'y inuuga ng hangin ng mga pala-palagay ng mga tao. Ayaw nilang magpakababa upang tumang-gap ng pabalita ni Juan na nananaliksik ng puso, gayunma'y dahil sa natatakot sila sa bayan ay hindi naman nila pinangahasan na hayagang labanan ang kaniyang gawain. Nguni't ang lingkod ng Diyos ay walang gayong diwa ng karuwagan. Ang mga karamihang nagkakatipon sa palibot ni Kristo ay mga nakasaksi sa gawain ni Juan. Narinig nila ang kaniyang matapang na pagsuwat sa kasalanan. Sa nangagbabanal-banalang mga Pariseo, sa mga saserdoteng Saduceo, sa Haring Herodes at sa mga kasangguni nito sa palasyo, sa mga prinsipe at mga kawal, sa mga maniningil ng buwis at mga magbubukid, ay nagsalita si Juan nang may gayunding linaw at katiyakan. Hindi siya tambong nauuga, na inihahapay ng mga hangin ng papuri o maling paghatol ng mga tao. Sa loob ng bilangguan ay hindi nagbago ang kaniyang pagkamatapat sa Diyos at ang kaniyang kasipagan sa kabanalan na gaya nang ipangaral niya ang pabalita ng Diyos sa ilang. Ang katapatan niya sa simulain ay kasintibay ng malaking bato. BB 292.1
Nagpatuloy si Jesus, “Datapwa't ano ang nilabas ninyo upang makita? Isang taong nararamtan ng mga damit na maseselang? Narito, ang nagsisipanamit ng maririlag, at nangabubuhay sa pagmamaselang, ay nasa mga palasyo ng mga hari.” Si Juan ay tinawag upang sawayin ang mga kasalanan at mga pagmamalabis ng kaniyang kapanahunan, at ang kaniyang payak na kasuutan at matimping pamumuhay ay naaayon sa likas o uri ng kaniyang misyon. Ang mga mamahaling kasuutan at ang mga luho sa buhay na ito ay hindi ukol sa mga lingkod ng Diyos, kundi doon sa mga tumitira “sa mga palasyo ng mga hari,” at sa mga pinuno ng sanlibutang ito, na sa kanila nauukol ang kapangyarihan at mga kayamanan nito. Ibig ni Jesus na ibaling ang pansin ng mga tao sa pagkakaiba ng pananamit ni Juan, at ng isinusuot ng mga saserdote at mga pinuno. Dinaramtan ng mga pinunong ito ang kanilang mga sarili ng mga mamahaling damit at mga alahas. Sila'y mahilig sa pagkatanghal, at nais nilang masilaw ang mga tao, upang sa gayon ay lalo silang igalang. Sila'y higit na masigasig na matamo ang paghanga ng mga tao kaysa magkamit ng malinis na puso na siyang masasang-ayunan ng Diyos. Sa gayon nila inihayag na hindi sa Diyos nila iniuukol ang kanilang pagtatapat, kundi sa kaharian ng sanlibutang ito. BB 292.2
“Datapuwa't ano,” sabi ni Jesus, “ang nilabas ninyo upang makita? Isang propeta baga? Oo, sinasabi Ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta. Sapagka't ito yaong tungkol sa kaniya ay nasusulat,— BB 293.1
“Narito, sinusugo Ko ang Aking sugo sa unahan ng Iyong mukha,
Na maghahanda ng Iyong daan sa unahan Mo.”
BB 293.2
“Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang dakila kaysa kay Juan Bautista.” Nang ibalita kay Zacarias ang panganganak kay Juan, ay ganito ang ipinahayag ng angel, “Siya'y magi-ging dakila sa paningin ng Panginoon.” Lukas 1:15. Sa tingin ng Langit, ano ba ang bumubuo sa kadakilaan? Hindi yaong itinuturing ng sanlibutan na kadakilaan; hindi kayamanan, o katungkulan, o maharlikang angkang pinagmulan, o mga kaloob na katalinuhan. Kung kadakilaan ukol sa katalinuhan ang karapat-dapat na parangalan, na hindi na gagawa ng anumang lalong mataas na pagsasaalang-alang, kung gayon ay si Satanas ang dapat nating pintuhuin, sapagka't ang kapangyarihan ng kaniyang katalinuhan ay hindi pa kailanman napapantayan ng sinumang tao. Subali't pagka ibinabaling sa paglilingkod sa sarili, ang lalong malaking kaloob, ay nagi-ging lalong malaking sumpa. Ang mabuting asal o kaugaliang wagas ay siyang pinahahalagahan ng Diyos. Pagibig at kalinisan ang mga katangiang lalo Niyang minamahalaga. Si Juan ay dakila sa paningin ng Panginoon, nang sa harap ng mga inutusan ng Sanedrin, sa harap ng mga tao, at sa harap ng sarili niyang mga alagad, ay hindi niya hinanap ang siya'y papurihan o parangalan, kundi itinuro niya si Jesus bilang siyang Isa na Ipinangako. Ang kaniyang di-makasariling kaligayahan sa paglilingkod kay Kristo ay naghahayag ng pinakamataas na uri ng kadakilaan na kailanma'y naihayag na sa tao. BB 293.3
Nang siya'y mamatay, ang patotoo ng mga nakarinig sa mga sinabi niya tungkol kay Jesus, ay, “Si Juan ay hindi gumawa ng tanda: nguni't lahat ng mga bagay na sinalita ni Juan tungkol sa Taong ito ay totoo.” Juan 10:41. Hindi ipinagkalob kay Juan ang siya'y makapag-pababa ng apoy buhat sa langit, o ang bumuhay man ng patay, na gaya ni Elias, ni gumamit man ng tungkod ng kapangyarihan ni Moises sa pangalan ng Diyos. Isinugo siya upang ibalita ang pagdating ng Tagapagligtas, at upang tawagan ang mga tao na magsihanda sa Kaniyang pagdating. Gayon na lamang ang katapatan niya sa pagtupad ng kaniyang gawain, na anupa't nang magunita ng mga tao ang mga itinuro niya sa kanila tungkol kay Jesus, ay nasabi nilang, “Lahat ng mga bagay na sinalita ni Juan tungkol sa Taong ito ay totoo.” Sa ganyang pagsaksi kay Kristo tinatawagan ang bawa't alagad ng Panginoon. BB 294.1
Bilang tagapagbalita ng Mesiyas, si Juan ay “mahigit pa sa isang propeta.” Sapagka't bagaman natanaw ng mga propeta buhat sa malayo ang pagdating ni Kristo, kay Juan naman ay ibinigay ang karapatan na mamasdan Siya, na marinig ang patotoong galing sa langit na Siya nga ang Mesiyas, at maipakilala Siya sa Israel bilang siyang Isinugo ng Diyos. Gayunman ay sinabi ni Jesus, “Ang kaliit-Iiitan sa kaharian ng langit ay lalong dakila kaysa kaniya.” BB 295.1
Ang propetang si Juan ay siyang kawing na nag-uugnay sa dalawang kapanahunan. Bilang kinatawan ng Diyos ay tumayo siyang tagapagpakilala ng kaugnayan ng kautusan at ng mga propeta sa kapanahunang Kristiyano. Siya ang maliit na ilaw na susundan ng malaki. Ang isip ni Juan ay tinanglawan ng Espiritu Santo, upang makapagsabog siya ng liwanag sa kaniyang bayan; subali't walang ibang ilaw na kailanma'y nagliwanag na o kailanma'y magliliwanag pa nang lalong maningning sa taong nagkasala na gaya niyaong nagmumula sa turo at halimbawa ni Jesus. Si Kristo at ang Kaniyang misyon ay bahagya lamang napag-unawa nang alinsunod sa inilalarawan ng mga hain at mga handog. At maging si Juan ay hindi lubos na nakaunawa sa darating na buhay na walang-kamatayan sa pamamagitan ng Tagapagligtas. BB 295.2
Maliban sa kaligayahang nasumpungan ni Juan sa kaniyang paglilingkod, ang kaniyang buhay ay lagi na sa kalungkutan. Bihirang marinig ang kaniyang tinig kundi sa ilang. Malungkot ang kaniyang kapalaran. At hindi ipinahintulot sa kaniya na makita niya ang bunga ng kaniyang mga pagpapagal. Hindi ibinigay sa kaniya ang karapatang makasama si Kristo at masaksihan ang pagkakahayag ng kapangyarihan ng Diyos na kasama ng laiong malaking ilaw. Hindi ukol sa kaniya na makitang ang mga bulag ay sinaulian ng paningin, ang mga maysakit ay pinagaling, at ang mga patay ay binuhay na maguli. Hindi niya namasdan ang liwanag na nagniningning sa bawa't salita ni Kristo, na nagsasabog ng kaluwalhatian sa mga pangako ng hula. Ang kaliit-liitang alagad na nakakita ng makapangyarihang mga gawa ni Kristo at nakarinig ng Kaniyang mga salita, sa isipang ito, ay nagkaroon ng lalo pang malaking karapatan kaysa kay Juan Bautista, at kaya nga sinasabing sila'y lalo pang dakila kaysa kaniya. BB 295.3
Sa pamamagitan ng lubhang karamihang nakinig sa pangangaral ni Juan, ay lumaganap ang kaniyang kabantugan sa buong lupain. Isang taimtim na pagmamalasakit ang nadama sa pagkakabilanggo sa kaniya. Gayunman ang malinis at walang-dungis niyang kabuhayan, at ang malakas na damdaming bayan na kumakatig sa kaniya, ay umakay sa madla na maniwala na walang marahas na hakbang na gagawin laban sa kaniya. BB 296.1
Naniwala si Herodes na si Juan ay isang propeta ng Diyos, at talagang binalak niya na ito'y palayain. Nguni't ipinagpaliban niya ang kanyang balak dahil sa takot kay Herodias. BB 296.2
Alam ni Herodias na kung hihingin niya nang tuwiran kay Herodes na ipapatay si Juan ay hindi ito papayag, kaya ipinasiya niyang isagawa ang kaniyang hangarin sa pamamagitan ng lalang. Sa kaarawan ng kapanganakan ng hari ay magkakaroon ng handaan na ibibigay sa mga pinuno ng bansa at sa mga mahal na tao ng palasyo. Magkakaroon ng kainan at inuman. Sa gayon ay maaaring makalimot at maiangat si Herodes, at maaari ngang maimpluwensiyahan nang ayon sa kaniyang kagustuhan. BB 296.3
Nang sumapit ang dakilang araw, at nang nagkakainan na at nag-iinuman ang hari at ang kaniyang mga mahal na tao, ay inutusan ni Herodias ang kaniyang anak na dalaga na pumasok sa bulwagang pinagtitipunan ng lahat upang sumayaw sa ikaaaliw at ikasasaya ng mga panauhin. Si Salome ay nasa kasibulan ng pagkadalaga, at ang kaniyang kanasa-nasang kagandahan ay nakabihag sa damdamin ng mga mahal na taong nagkakatuwaan. Hindi kinakaugalian na humarap sa mga ganitong pagkakasayahan ang mga kababaihan ng palasyo, at isang nakakikiliting papuri ang iniukol kay Herodes nang ang anak na babaing ito ng mga saserdote at mga prinsipe ng Israel ay sumayaw para libangin at aliwin ang mga panauhin niya. BB 296.4
Ang hari'y tangay na ng espiritu ng alak. Nakapangyari ang pita ng damdamin, at ang katinuan ng bait ay nawala na. Ang nakita na lamang niya ay ang bulwagan ng kasayahan, na kinaroroonan ng mga nagkakatuwaan at nag-iinumang mga panauhin, ang hapag ng pagkain, ang bumubulang alak at ang nakasisilaw na mga ilaw, at ang kabigha-bighaning dalagang sumasayaw sa harap niya. Sa isang saglit na kabiglaanan, ay hinangad niyang magpakitang-gilas na magtataas sa kaniya sa harap ng mga dakilang tao ng kaniyang kaharian. May kasamang panunumpa na ipinangako niya sa anak na dalaga ni Herodias na anuman ang hingin nito, kahit kalahati ng kaniyang kaharian, ay kaniyang ibibigay. BB 297.1
Nagmamadaling pinuntahan ni Salome ang kaniyang ina, upang alamin kung ano ang kaniyang hihingin. Handa na ang sagot—ang ulo ni Juan Bautista. Hindi batid ni Salome ang pagkauhaw sa paghihiganti na nasa puso ng kanyang ina, at siya'y nag-urong-sulong sa pagsasabi ng kahilingang ito; nguni't nakapangyari ang hangarin ni Herodias. Ang dalaga'y bumalik na taglay ang nakapangingilabot na kahilingan, “Tbig ko na ngayon din ay ibigay mo sa akin na nasa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista.” Mareos 6:25. BB 297.2
Si Herodes ay nagitlahanan at nawalan ng loob. Napatigil ang magulong pagkakatuwaan, at isang malagim na katahimikan ang humalili sa maharot na pagkakasayahan. Kinilabutan ang hari sa isipang siya ang magpapapatay kay Juan. Nguni't nakapangako na siya, at ayaw niyang lumitaw na siya'y mapagtalusira at pabigla-bigla. Ang panunumpa niya ay ginawa sa harap ng mararangal niyang mga panauhin, at kung may isa lamang tumutol sa pagtupad niya ng pangako, sana'y malugod niyang ililigtas ang propeta. Binigyan niya sila ng pagkakataong makapagsalita na iligtas ang bilanggo. Ang mga ito ay nagsipaglakbay nang malalayo upang mapakinggan lamang ang pangangaral ni Juan, at talos nilang siya'y isang taong walang kasalanan, at isang lingkod ng Diyos. Subali't bagaman sila'y nagimbal sa hiningi ng dalaga, sila nama'y totoong langung-lango upang makapagsalita ng pagtutol. Wala isa mang nagtaas ng tinig upang iligtas ang buhay ng tagapagbalita ng Langit. Ang mga lalaking ito ay may hinawakang matataas na katungkulan sa bansa, at nakababaw sa kanila ang mabi-bigat na kapanagutan; gayunma'y nagpakalulong sila sa pagkakainan at pag-iinuman hanggang sa namanhid na ang kanilang mga pakiramdam. Hilo na ang kanilang mga ulo sa namamalas na tugtugan at sayawan, at ang kanilang budhi ay nahimbing na rin. Sa pamamagitan ng kanilang pananahimik ay iginawad nila ang hatol na kamatayan sa propeta ng Diyos upang mabigyang-kasiyahan ang paghihiganti ng isang babaing walang-dangal. BB 297.3
Bigong naghintay si Herodes na makawala sa kaniyang sumpa; pagkatapos ay buong pag-aatubili niyang iniutos ang pagpugot sa ulo ng propeta. Hindi nagluwat at ang ulo ni Juan ay dinala sa harap ng hari at ng kaniyang mga panauhin. Habang-panahon nang napatikom ang mga labing yaon na buong katapatang nagbabala kay Herodes na talikuran niya ang kaniyang buhay na makasalanan. Hindi na kailanman maririnig ang tinig na yaon na mananawagan sa mga tao na magsipag-sisi. Ang isang gabi ng magulong pagkakatuwaan at paglalasingan ay ikinaputi ng buhay ng isa sa mga pinakadakilang propeta. BB 298.1
Oh, kaydalas na ang buhay ng walang-sala ay nakikitil dahil sa kawalang-pagtitimpi niyaong mga dapat sana'y maging tagapangalaga ng katarungan! Ang naglalagay sa kaniyang mga labi ng nakalalangong saro ay mananagot sa lahat ng kawalang-katarungang maa-aring magawa niya sa panahong siya'y nasa ilalim ng kapangyarihan nitong pumapatay ng pakiramdam. Kapag manhid ang kaniyang mga pakiramdam ay hindi niya magagawa na magkuro o humatol nang mahinahon o kaya'y magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa matuwid at mali. Binubuksan niya ang daan upang si Satanas ay makagawa sa pamamagitan niya sa pagsiil at pagpuksa sa walang-sala. “Ang alak ay manunuya, ang matapang na alak ay manggugulo: at sinumang napadadaya sa kaniya ay hindi pantas.” Kawikaan 20:1. Kaya nga “ang kahatulan ay tumatalikod, ... at siyang humihiwalay sa kasamaan ay ginagawa niya ang kaniyang sarili na isang huli.” Isaias 59:14, 15. Ang mga may pananagutan sa mga buhay ng kanilang mga kapwa tao ay dapat ibilang na salarin pagka sila'y napadadaig sa kawalang-pagtitimpi. Lahat ng mga nagpapatupad ng mga batas ay dapat maging mga tagatupad ng mga batas. Dapat silang maging mga taong may pagpipigil sa sarili. Kailangan nilang magkaroon ng lubos na kakayahang makakontrol ng mga kapangyarihan ng kanilang pangangatawan, kaisipan, at kaugalian, upang makapagtaglay sila ng malakas at malusog na pag-iisip, at ng mataas na pagkadama ng katarungan. BB 298.2
Ang ulo ni Juan Bautista ay dinala kay Herodias, at tinanggap naman niya ito na taglay ang makahalimaw na kasiyahan. Nagbunyi siya sa kaniyang pagka-kapaghiganti, at sa loob niya'y nasabi niyang wala nang liligalig pa sa budhi ni Herodes. Subali't walang ibinungang kaligayahan sa kaniya ang kaniyang pagkaka-sala. Ang kaniyang pangalan ay naging tanyag sa kasa-maan at kinasuklaman, samantalang si Herodes naman ay lalo pang pinahirapan ng umuukilkil na sumbat ng budhi kaysa noong siya'y binababalaan ng propeta. Ang impluwensiya ng turo ni Juan ay hindi nasawata; ito'y aabot sa bawa't saling-lahi hanggang sa wakas ng panahon. BB 299.1
Ang kasalanan ni Herodes ay laging umuukilkil sa kaniya. Kaya patuloy siyang humahanap ng makalulunas sa panunumbat ng kaniyang budhi. Ang kaniyang papanalig kay Juan ay di-natinag. Nang magunita niya ang buhay nitong mapagkait sa sarili, ang banal at maalab na pamamanhik nito, ang mga makatwirang payo nito, at pagkatapos ay nang magunita niya kung paano dumating dito ang kamatayan, ay hindi na nakasumpong si Herodes ng katahimikan. Sa pag-aasikaso niya ng mga suliranin ng bansa, na tumatanggap ng mga pangaral ng mga tao, ay nagtaglay siya ng nakangiting mukha at ng marangal na anyo, samantalang itinago niya ang isang pusong balisa, na hindi na tinantanan ng pangambang nakapataw sa kaniya ang isang sumpa. BB 300.1
Labis na giniyagis ang damdamin ni Herodes ng mga salita ni Juan, na walang maililihim na anumang bagay sa Diyos. Naniwala siya na ang Diyos ay nasa lahat ng dako, na nasaksihan Nito ang magulong pagkaka-tuwaan at paglalasingan sa silid ng kainan, na narinig Nito ang utos na pugutan ng ulo si Juan, at nakita ang pagbubunyi sa tuwa ni Herodias, at ang paghamak niyon sa pugot na ulo ng dating sumusumbat at sumasa-way sa kaniya. At ang maraming bagay na napaking-gan ni Herodes buhat sa mga labi ng propeta ay umu-ukilkil ngayon sa kaniyang budhi nang higit na malinaw kaysa noong ipinangangaral ito sa ilang. BB 300.2
Nang mabalitaan ni Herodes ang mga gawa ni Kristo, ay labis siyang nabagabag. Ang akala niya'y binuhay na muli ng Diyos si Juan buhat sa mga patay, at pinahayo itong taglay ang lalo pang malaking kapangyarihan upang sumbatan ang kasalanan. Hindi na siya hiniwalayan ng takot na baka ipaghiganti ni Juan ang pagkamatay nito sa pamamagitan ng paggawad ng hatol sa kaniya at sa kaniyang sambahayan. Inaani na ni Herodes yaong sinabi ng Diyos na magiging bunga ng paggawa ng pagkakasala—“sikdo ng puso, pangangalumata, at panlalambot ng kaluluwa: at ang iyong buhay ay mabi-bitin sa pag-aalinlangan sa harap mo; at ikaw ay mata-takot gabi't araw, at mawawalan ng katiwalaan ang iyong buhay: sa kinaumagaha'y iyong sasabihin, Kahimanawari ay gumabi na! at sa kinagabiha'y iyong sasabihin, Kahimanawari ay umaga na! dahil sa takot ng iyong puso na iyong ikatatakot at dahil sa paningin ng iyong mga mata na iyong ikakikita.” Deuteronomio 28:56-67. Ang sariling isipan ng makasalanan ang siya na rin niyang mga tagasumbat; at wala nang titindi pa sa sakit na dulot ng budhing makasalanan, na hindi magpatantan sa kaniya araw at gabi. BB 300.3
Sa ganang marami ay may malalim na hiwagang nakabalot sa naging kapalaran ni Juan Bautista. Itinatanong nila kung bakit kaya siya'y pinabayaang maghirap at mamatay sa loob ng bilangguan. Ang hiwaga ng madilim na kapalarang ito na itinadhana ng Diyos ay hindi kayang mapaglagusan ng paningin ng tao; subali't hindi nito kailanman matitinag ang ating pagtitiwala sa Diyos kapagka inaalaala natin na si Juan ay nakibahagi lamang sa mga hirap ni Kristo. Lahat ng sumusunod kay Kristo ay magsusuot ng korona ng pagpapakasakit. Sila'y tiyak na di-mauunawaan ng mga taong sakim o makasarili, at sila'y gagawing tudlaan ng mababangis na pananalakay ni Satanas. Ang simulaing ito ng pagpapakasakit ng sarili ang pinagtalagahang sirain ng kaniyang kaharian, at ito'y kaniyang babakahin saanman niya makikita ang ganitong pagpapakasakit ng sarili. BB 301.1
Ang panahon ng kamusmusan, kabataan, at pagigingmay-gulang ni Juan ay kinalarawanan ng tibay at kata-tagang moral. Nang ang tinig niya ay marinig sa ilang na nagsasabing, “Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang Kaniyang mga landas” (Mateo 3:3), ay pinangambahan ni Satanas ang ukol sa kaligtasan ng kaniyang kaharian. Ang kasamaan ng kasalanan ay nahayag sa isang paraang ikinapanginig sa takot ng mga tao. Nasira ang kapangyarihan ni Satanas sa maraming nasa sa ilalim na ng kaniyang kontrol. Hindi siya napagod sa kaniyang mga pagsisikap na maialis si Juan Bautista sa isang kabuhayang lubos na napasasakop sa Diyos; nguni't siya'y nabigo. At nabigo rin siya na madaig si Jesus. Sa pagtukso sa ilang, ay nadaig si Satanas, at gayon na lamang kalaki ang kaniyang galit. Ngayo'y ipinasiya niyang dulutan ng kalungkutan si Kristo sa pamamagitan ng pagpatay kay Juan. Ang Isa na hindi niya malamuyot sa paggawa ng pagkakasala ay kaniyang dadalamhatiin. BB 301.2
Hindi namagitan si Jesus upang iligtas ang Kaniyang lingkod. Alam Niyang makakaya ni Juan ang pagsubok. Ikagagalak ng Tagapagligtas na dumalaw kay Juan, upang aliwin ito sa panglaw ng bilangguan. Nguni't hindi Niya maibibigay ang Kaniyang sarili sa mga kamay ng mga kaaway sapagka't manganganib ang Kaniyang misyon. Buong katuwaang maililigtas sana Niya ang Kaniyang lingkod. Subali't alang-alang sa mga libu-libo na sa mga panahong darating ay mapapasa bilangguan at tutungo sa kamatayan, kailangang uminom si Juan sa saro ng kamatayan. Kung ang mga alagad ni Jesus ay maghirap sa madidilim na silid ng bilangguan, o lipulin kaya ng tabak, o ng bitay, o ng kasangkapang parusahan, na waring pinabayaan ng Diyos at ng tao, makapagpapatatag nga sa kanilang mga puso kung kanilang maisip na si Juan Bautista man, na ang angking katapatan ay pinatunayan ni Kristo na rin, ay nagdaan sa gayunding karanasan! BB 302.1
Pinahintulutan si Satanas na kaniyang mapaigsi ang buhay sa lupa ng lingkod ng Diyos; subali't yaong buhay na “natatagong kasama ni Kristo sa Diyos,” ay hindi mapakikialaman ng manlilipol. Ikinatuwa niya nang labis na nadulutan niya ng kalungkutan si Kristo, nguni't hindi niya nadaig si Juan. Ang kamatayan na rin ang magpakailanmang naglayo kay Juan sa kapangyarihan ng kaniyang mga tukso. Sa labanang ito, ay ipinakilala ni Satanas ang sarili niyang likas. Sa harap ng sumasaksing sansinukob ay inihayag niya ang kaniyang pakikipag-alit sa Diyos at sa tao. BB 302.2
Bagama't hindi ginawa kay Juan ang mahimalang pagliligtas, ay hindi naman siya pinabayaan. Naging laging kasama-sama niya ang mga anghel ng langit, na naghayag sa kaniya ng mga hula tungkol kay Kristo, at ng mahahalagang -pangako ng Kasulatan. Ang mga ito ang siya niyang naging tagapagtaguyod, at siya rin namang magiging tagapagtaguyod ng bayan ng Diyos sa mga panahong darating. Ibinigay kay Juan Bautista, at sa langit ng mga sumunod sa kaniya, ang katiyakang “Narito, Ako'y sumasainyo sa lahat ng mga araw, samakatwid baga'y hanggang sa katapusan.” Mateo 28:20, R.V. BB 303.1
Hindi inaakay ng Diyos ang Kaniyang mga anak kundi yaong ayon sa kanilang naiibigan, kung makikita lamang nila ang wakas buhat sa pasimula, at kung kanilang napag-uunawa ang kagalingan o kaluwalhatian ng panukalang kanilang tinutupad sa pagiging mga manggagawang kasama Niya. Ni si Enoc, na inilipat sa langit, ni si Elias, na umakyat sa langit sa isang karong apoy, ay hindi higit na dakila o higit na marangal kaysa kay Juan Bautista, na namatay nang nag-iisa sa bilangguan. “Sa inyo'y ipinagkaloob alang-alang kay Kristo, hindi lamang upang manampalataya sa Kaniya, kundi upang magtiis din naman alang-alang sa Kaniya.” Filipos 1:29. At sa lahat ng mga kaloob na maibibigay ng Langit sa mga tao, ang pakikisama kay Kristo sa Kaniyang mga kahirapan ay siyang pinakamabigat na tiwala at pinakamataas na karangalan. BB 303.2