Bukal Ng Buhay
Kabanata 21—Bethesda at Sanedrin
Ang kabanatang ito ay batay sa Juan 5.
“Sa Jerusalem nga'y may isang tangke sa tabi ng mga tupa, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Bethesda, na may limang portiko. Sa mga ito ay nangakahandusay ang marami sa kanilang mga maysakit, mga bulag, mga pilay, mga natutuyo, na nagsisipaghintay ng pagkalawkaw ng tubig.” BB 261.1
May mga panahon na ang tubig ng tangkeng ito ay gumagalaw o umaalon, at laganap ang paniniwalang ito ay hindi gawa ng tao, at sinuman ang maunang lumusong dito pagka nakalawkaw na ang tubig, ay gagaling sa anumang sakit na tinataglay niya. Daan-daang maysakit ang naparoroon; nguni't lubhang napakarami ang nagkakagulo pagka gumalaw na ang tubig na anupa't sa kanilang pag-uuna-unahan, ay may mga nayuyurakang lalaki, babae, at mga bata, na higit na mahihina kaysa iba. Marami ang hindi man lamang makalapit sa tabi ng tangke. Ang mga iba namang nagtatagumpay na makaabot dito ay namamatay na pagsapit sa gilid nito. May mga silungang itinayo sa palibot ng dakong ito, upang ang mga maysakit ay makapanganlong sa init kung araw at sa lamig naman kung gabi. May mga maysakit na magdamagang nasa mga portikong ito, na gumagapang nang pausad-usad patungo sa gilid ng tangke sa araw-araw, sa pagnanasang gumaling. BB 261.2
Si Jesus ay muling napasa Jerusalem. Sa paglalakad Niyang mag-isa, na waring nagninilay at nananalangin, ay dumating Siya sa tangke. Nakita Niya ang mga kaawaawang maysakit na nagsisipag-abang ng ipinalalagay nilang tangi nilang pagkakataon na gumaling. Nasasabik Siyang gamitin ang Kaniyang kapangyarihang nagpapa-galing, at pabutihin ang bawa't maysakit. Nguni't noon ay araw ng Sabado. Mga karamihan ang nagtutungo sa templo upang sumamba, at talos Niyang kung Siya'y magpapagaling ay lilikha ito ng di-mabuting damdamin sa mga Hudyo at yao'y magpapaigsi sa Kaniyang paggawa. BB 262.1
Datapwa't nakakita ang Tagapagligtas ng isang lubhang kahabag-habag. Ito ay isang lalaking tatlumpu't walong taon nang lumpo. Ang malaking bahagi ng kaniyang pagkakasakit ay bunga ng sarili niyang kagagawan o kasalanan, at kaya itinuturing na ito ay parusa sa kaniya ng Diyos. Walang kasama at walang kaibigan, at nagaakalang siya'y hindi na kahahabagan pa ng Diyos, ang maysakit ay dinaanan ng mahabang panahon na nasa ganitong paghihirap. Sa panahong inaasahang malapit nang kalawkawin ang tubig, ang mga nagdadalang-habag sa kaawa-awang kalagayan niya ay binubuhat siya patungo sa mga silungan o portiko. Nguni't sa sandali ng pagkalawkaw ay wala namang maglusong sa kaniya. Nakikita niya ang pag-alon ng tubig, nguni't hanggang sa bingit lamang ng tangke siya nakararating. Ang ibang lalong malakas kaysa kaniya ay bigla na lamang lumulundag na una sa kaniya. Hindi niya magawang makipag-unahan sa mga makasarili't nagsisipag-unahang karamihan. Ang kaniyang mga pagpipilit na makalusong, at ang kaniyang pagkabalisa at palaging pagkabigo, ay siyang mabilis na umuubos ng natitira pa niyang lakas. BB 262.2
Ang maysakit ay nakahiga sa kaniyang banig, at paminsan-minsa'y inaangat ang kaniyang ulo upang tingnan ang tangke, na'ng kaginsa-ginsa natawag ang pansin niya ng isang maawaing mukha na tumunghay sa kaniya, at magiliw na nagwika, “Ibig mo bang gumaling?” Dinalaw ng pag-asa ang kaniyang puso. Nadama niyang mayroon pang tutulong sa kaniya. Nguni't ang liwanag ng pag-asa ay dagling naparam. Naalaala niya kung gaano kalimit niyang pinagsikapang marating ang tangke, at ngayo'y maliit ang pag-asa niyang mabuhay hanggang sa iyon ay muling makalawkaw. Ipinihit niyang may katamlayan ang kaniyang mukha, at nagsabi, “Ginoo, walang taong maglusong sa akin sa tangke, pagka kinalawkaw ang tubig: kundi pagka ako'y lumalapit, ay may iba nang lumulusong na una sa akin.” BB 262.3
Hindi sinabi ni Jesus sa maysakit na magkaroon ito ng pananampalataya sa Kaniya. Sinabi lamang Niyang, “Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.” Nguni't pinanghawakan ng tao ang salitang yaon. At bawa't hibla ng kalamnan at ng ugat ay dinaluyan ng panibagong buhay, at nagkaroon ng sigla at lakas ang kaniyang mga lumpong paa. Walang tanung-tanong na ipinasiya niyang sundin ang utos ni Kristo, at ang lahat niyang mga kalamnan ay tumalima sa kaniyang kalooban. Sa pagtindig niya, ay nasumpungan niyang siya'y naka-lalakad na. BB 264.1
Si Jesus ay walang binitiwang pangako na siya'y tutulungan ng Diyos. Maaaring siya'y mag-atubili at magalinlangan, at sa gayo'y mawalan ng kaisa-isang pagkakataong gumaling. Nguni't sinampalatayanan niya ang salita ni Kristo, at nang talimahin niya iyon ay tumanggap siya ng kalakasan. BB 264.2
Sa pamamagitan ng ganito ring pananampalataya ay makatatanggap tayo ng paggaling na ukol sa espiritu. Dahil sa kasalanan ay nahiwalay tayo sa buhay ng Diyos. Nagkaramdam ang ating mga kaluluwa. Sa ating mga sarili ay wala tayong kayang mabuhay ng isang banal na kabuhayan na tulad din ng lumpong ito na walang kayang lumakad. Marami ang kumikilala sa kanilang kawalang-magagawa, at nagsisipagnasang sana'y magkaroon sila ng kabuhayang espirituwal na aakay sa kanila sa pakikipagkaisa sa Diyos; bigo sila sa kanilang pagsisikap na magtamo nito. Sa kanilang kawalang-pag-asa ay sumisigaw sila, “O abang tao ako! sino ang magliligtas sa akin sa katawan nitong kamatayan?” Roma 7:24. Bayaang ang mga nawawalan ng pag-asa at nagsisipagpunyaging ito ay magsitingala. Ang Tagapagligtas ay nakatunghay sa bawa't binili ng Kaniyang dugo, at taglay ang di-maipahayag na pagmamahal at pagkahabag na nagsasabing, “Ibig mo bang gumaling?” Inaatasan ka Niyang tumindig sa kalusugan at kapayapaan. Huwag mong hintaying maramdamang ikaw ay pinagaling. Sukat na paniwalaan mo ang Kaniyang salita, at ito ay mangyayari. Uagay mo ang iyong kalooban sa panig ni Kristo. Kalooban na maglingkod sa Kaniya, at sa pagtalima mo sa Kaniyang salita ay tatanggap ka ng kalakasan. Anuman ang kasamaang ginawa, ang nakapamamayaning damdamin na sa maluwat na pagpapairog dito ay gumagapos sa kaluluwa at katawan, ay kaya at ibig ni Kristong kayo'y makalaya. Bibigyan Niya ng buhay ang kaluluwang “patay sa mga pagsalansang.” Efeso 2:1. Palalayain Niya ang mga bihag o talun-talunan ng kahinaan at ng kawalang-kapalaran at ng mga tanikala ng kasalanan. BB 264.3
Ang pinagaling na lumpo ay yumuko upang buhatin ang kaniyang higaan, na isa lamang saping basahan at isang kumot, at nang siya'y umunat na muling taglay ang pagkadama ng kaginhawahan, ay luminga-linga siya sa palibot upang tingnan ang Nagpagaling sa kaniya; nguni't si Jesus ay nawala na sa gitna ng karamihan. Nagalaala ang lalaki na baka hindi niya Ito makilala sakaling makita niya Ito uli. Nang siya'y lumakad nang nagmamadali na matatag at maluluwang ang hakbang, na nagpupuri sa Diyos at nagagalak sa bagong lakas na kaniyang katatanggap, ay may nasalubong siyang mga Pariseo at karaka-rakang sinabi niya sa kanila ang kaniyang paggaling. Siya'y nagtaka sa kalamigan ng pakikinig ng mga ito sa kaniyang pagbabalita. BB 265.1
Nakakunot ang noong pinigil nila ang kaniyang paglalahad, at siya'y tinanong kung bakit dinadala niya ang kaniyang higaan sa araw ng Sabado. Mahigpit nilang pinaalalahanan siya na hindi matwid na magdala ng pasan sa araw ng Panginoon. Sa tuwa ng lalaki ay nalimutan niyang araw pala noon ng Sabado; gayon pa man ay wala siyang naramdamang siya'y nagkakasala sa pagtalima niya sa utos ng Isa na may gayong kapangyarihang buhat sa Diyos. Kaya sumagot siyang may katapangan, “Ang Nagpagaling sa akin, ay Siya ring sa akin ay nagsabi, Buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.” Itinanong nila kung sino ang gumawa nito, nguni't hindi niya masabi. Alam na alam ng mga pinunong ito na Iisa lamang ang napakilalang Siya ang may kakayahang gumawa ng kababalaghang ito; nguni't ang hinahangad nila ay tiyak na patotoong si Jesus nga, upang Siya ay mahatulan nila na lumalabag sa Sabado. Sa kanilang kuru-kuro ay hindi lamang nilabag Niya ang utos sa pagkakapagpagaling sa lalaking may sakit sa araw ng Sabado, kundi naging lapastangan pa dahil sa pag-uutos na buhatin ang higaan nito. BB 266.1
Pinasama nang gayon na lamang ng mga Hudyo ang kautusan na anupa't ito ay ginawang isang pamatok ng pagkaalipin. Ang kanilang mga walang-katuturang bilin ay naging isa nang kasabihan sa gitna ng mga bansa. Ang Sabado ay siyang tanging-tanging binakuran nila ng lahat ng uri ng walang-katuturang mga pagbabawal. Sa kanila'y hindi iyon isang kaluguran, ang banal ng Panginoon, na marangal. Ang pangingilin sa araw na ito ay ginawa ng mga eskriba at mga Pariseo na isang napakabigat na pasan. Ang isang Hudyo ay hindi pinahihintulutang magpaningas ng apoy ni magsindi man ng kandila sa araw ng Sabado. Dahil dito ang mga tao'y nagsiasa sa mga Hentil sa maraming paglilingkod na magagawa naman nila nguni't ipinagbabawal ng kanilang mga tuntunin na gawin nila para sa kanilang mga sarili. Hindi nila nilimi na kung talagang kasalanan ang paggawa niyon, ang mga umuupa ng iba upang gumawa ng mga yaon ay nagkakasala na rin na parang sila na rin ang gumawa. Ang akala nila ang kaligtasan ay sa mga Hudyo lamang, at sapagka't ang kalagayan ng iba ay wala nang pag-asa, ay hindi na bale kung sila man ang gumawa. Datapwa't ang Diyos ay hindi nagbigay ng mga utos na hindi masusunod ng lahat. Ang Kaniyang mga utos ay hindi umaayon sa di-makatwiran o sa makasariling mga pagbabawal. BB 266.2
Natagpuan ni Jesus sa templo ang lalaking Kaniyang pinagaling. Nagtungo ito roon upang magdala ng handog na patungkol sa kasalanan at ng handog na pasasalamat dahil sa malaking awa na kaniyang tinanggap. Nang makita ito ni Jesus sa gitna ng mga sumasamba, ay nagpakilala Siya, na kalakip ang nagbababalang pangungusap, “Narito, ikaw ay pinagaling na: huwag ka nang magkasala pa, baka lalo pang masama ang mangyari sa iyo.” BB 267.1
Labis ang galak ng lalaki nang makatagpo ang sa kaniya'y Nagpagaling. At palibhasa'y wala itong kaalam-alam na may matinding galit kay Jesus ang mga Pariseo, ay sinabi nito sa kanila, na si Jesus nga ang sa kaniya'y nag-pagaling. “Dahil dito'y inusig ng mga Hudyo si Jesus, at sinikap na patayin Siya, sapagka't ginawa Niya ang mga bagay na ito sa araw ng Sabado.” BB 267.2
Si Jesus ay dinala nila sa harap ng Sanedrin upang managot sa salang paglabag sa Sabado. Kung nang panahong ito ay isa nang bansang nagsasarili ang mga Hudyo, ang ganyang paratang ay sapat na upang Siya'y maipa-patay. Nguni't ito'y hindi nila magawa dahil sa sila'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Roma. Ang mga Hudyo ay walang kapangyarihang magparusa ng kamatayan, at ang paratang nila kay Kristo ay hindi pahahalagahan sa hukumang Romano. Kung sabagay ay mayroon pa silang iba pang bagay na mga nilalayon. Nguni't kahit na gawin nila ang lahat nilang makakaya upang mahadlangan ang Kaniyang gawain, ay lalo namang lumalaganap ang pagkabantog ni Kristo sa mga tao kaysa kanila, maging sa Jerusalem. Ang mga karamihan na hindi mawili sa mga panunuligsa ng mga rabi ay naakit ng Kaniyang aral. Nauunawaan nila ang Kaniyang mga salita, at ang kanilang mga puso ay sumisigla at naaaliw. Ipinakilala Niya ang Diyos, hindi bilang isang mapaghiganting hukom, kundi bilang isang Amang mapagmahal, at inihayag Niya ang wangis ng Diyos ayon sa namamalas sa Kaniyang sarili. Ang mga salita Niya ay parang balsamo sa nasugatang damdamin. Sa pamamagitan ng Kaniyang mga salita at mga gawa ng kaawaan ay sinira Niya ang mapaniil na kapangyarihan ng matatandang kasabihan at mga utos na gawa ng tao, at kahalili nito'y iniharap Niya ang dimasayod na pag-ibig ng Diyos. BB 267.3
Sa isa sa mga kauna-unahang hula tungkol kay Kristo ay ganito ang nasusulat, “Ang setro ay hindi mahihiwalay sa Juda, ni ang tungkod ng pagkapuno sa pagitan ng kaniyang mga paa, hanggang sa ang Shiloh ay dumating; at sa kaniya tatalima ang mga bansa.” Genesis 49; 10. Ang mga tao ay nagtitipon kay Kristo. Ang mga pusong masunurin ng karamihan ay nagsitanggap ng mga aral ng pag-ibig at kagandahang-loob na kahalili ng mga patay na seremonya na ipinatutupad ng mga saserdote. Kung hindi lamang laging nakikialam ang mga rabi at mga saserdote, nakagawa sana ang Kaniyang mga aral ng isang pagbabagong hindi pa kailanman nasaksihan sa sanlibutang ito. Nguni't ipinasiya ng mga pinunong ito na sirain ang impluwensiya ni Jesus, upang mapanatili nila ang kanilang kapangyarihan. Upang ito'y maisagawa ay dinala Siya sa harap ng Sanedrin, at lantarang hinamak ang Kaniyang mga aral; sapagka't malaki pa rin ang paggalang ng mga tao sa mga pinuno nilang ukol sa relihiyon. Ang sinumang mangahas na humamak sa mga utos ng mga rabi, o kaya'y magtangkang magbawas sa mga pasang iniatang nila sa mga tao, ay itinuturing na nagkakasala, hindi lamang ng pamumusong, kundi ng pagtataksil din naman. Ito ang kasalanang ibig nilang ibintang kay Kristo. Ipinakilala nilang Siya'y nagsisikap na sirain ang natatag nang mga matatandang kaugalian, na siyang nagiging sanhi na pagkakahati ng bayan, at nagiging daan upang sila'y lubusang maalipin ng mga Romano. BB 268.1
Datapwa't ang mga panukalang pinagpipilitang gawin ng mga rabing ito ay sa ibang kapulungan nagbuhat at hindi sa Sanedrin. Pagkatapos na si Kristo'y hindi nagapi ni Satanas sa ilang, ay pinisan nito ang lahat nitong hukbo upang Siya'y salansangin sa Kaniyang ministeryo, at kung mangyayari din lamang ay biguin ang Kaniyang gawain. Ang hindi nito magawa nang tiyakan at harapan ay sinikap nitong magawa sa pamamagitan ng lalang. Pagkaurong na pagkaurong nito sa pakikipagtunggali sa ilang ay pinulong nito ang lahat nitong katulung-tulong na mga anghel, at ito'y bumalangkas ng mga paraan upang bulagin ang pag-iisip ng bansang Hudyo, at nang hindi nila makilala ang kanilang Manunubos. Binalak nitong gumawa sa pamamagitan ng mga taong kinaka-sangkapan nito sa daigdig ng relihiyon, sa pamamagitan ng pagsisilid sa loob nila ng sarili nitong pagkapoot laban sa Tagapagtanggol ng katotohanan. Aakayin nito sila na itakwil si Kristo at gawing masaklap ang Kaniyang buhay hangga't maaari, upang papanghinain ang Kaniyang loob sa Kaniyang misyqn. At ang mga pinuno ng Israel ang naging mga galamay o mga kasangkapan ni Satanas sa pakikipagbaka laban sa Tagapagligtas. BB 269.1
Si Jesus ay naparito upang “dakilain ang kautusan, at gawin itong marangal.” Hindi Niya babawasan ang karangalan nito, kundi bagkus ito'y Kaniyang itataas. Ang sabi ng Kasulatan ay, “Siya'y hindi manlulupaypay o maduduwag man, hanggang sa mailagay Niya ang kahatulan sa lupa.” Isaias 42:21, 4. Naparito Siya upang alisin ang mga pampabigat na tagubiling idinagdag nila sa Sabado na siyang dahilan kung bakit ito'y naging isang sumpa sa halip na pagpapala. BB 269.2
Ito ang dahilan kung kaya Niya piniling sa araw ng Sabado gawin ang pagpapagaling sa Bethesda. Maaari Niyang pagalingin ang maysakit sa alinmang araw ng sanlinggo: o kaya'y mapagagaling din Niya ito, nang hindi na iuutos pa na dalhin nito ang kaniyang higaan. Nguni't ang ganito ay hindi magbibigay sa Kaniya ng pagkakataong maipakilala ang Kaniyang hangad. Ang bawa't gawa sa buhay ni Kristo ay nakasalalay sa makatarungang hangarin. Bawa't bagay na ginawa Niya ay mahalaga at may itinuturo. Sa mga maysakit na naghihintay sa tangke ay pinili Niya ang pinakamalubha upang doon gamitin ang Kaniyang kapangyarihang nagpapagaling, at iniutos Niya sa lalaki na buhatin ang higaan nito at idaan sa loob ng bayan upang matanyag ang dakilang gawang ginawa Niya rito. Ito nga ang magbabangon ng katanungan na kung anong gawa ang matwid na gawin sa araw ng Sabado, at ito rin ang magbubukas ng daan sa Kaniya upang masabi Niya ang mga maling paghihigpit na gina-gawa ng mga Hudyo tungkol sa pangingilin ng araw ng Panginoon, at ang pagiging-walang-kabuluhan ng mga tradisyon o sali't saling sabi nila. BB 270.1
Sinabi sa kanila ni Jesus na ang gawang pagpapagaling sa araw ng Sabado ay naaayon sa kautusan. Iyon ay naaayon sa gawa ng mga anghel ng Diyos, na nagmamanhik-manaog sa langit at lupa upang maglingkod sa nagdurusang sangkatauhan. Ipinahayag ni Jesus, “Hanggang ngayo'y gumagawa ang Aking Ama, at Ako'y gumagawa.” Lahat ng mga araw ay pawang sa Diyos, upang maitaguyod Niya ang Kaniyang mga panukala para sa sangkatauhan. Kung tumpak ang paliwanag ng mga Hudyo sa kautusan, kung gayon ay mali si Jehova sa Kaniyang gawang pagbibigay-buhay at pag-alalay sa bawa't bagay na nabubuhay magmula nang ilagay Niya ang mga patibayan ng lupa; kung gayon Siya na nagsabing mabuti ang lahat Niyang ginawa, at nagtatag ng Sabado upang umalaala sa pagkatapos ng lahat Niyang ginawa, ay dapat sanang tumigil na sa Kaniyang paggawa, at ihinto na rin ang walang-katapusang pag-alalay sa santinakpan. BB 270.2
Pagbabawalan ba ng Diyos ang araw sa pagtupad nito ng tungkulin sa araw ng Sabado, na pipigilin ang mabiyaya nitong mga sinag sa pagpapainit sa lupa at sa pagkakandili sa mga pananim? Patitigilin ba sa buong banal na araw na yaon ang pag-inog at pagsasalimbayan ng mga sanlibutan? Uutusan ba Niya ang mga batis na huwag basain ang mga bukid at mga gubat, at pagbibi-linan ba ang mga alon ng dagat na tumigil sa kanilang walang-tigil na pagbaba at paglaki? Patitigilin ba ang pagtubo ng palay at ng mais, at ang pagkahinog ba ng mga bunga ng halaman ay ipagpapaliban? Patitigilin ba ang pamumuko ng mga punungkahoy at ang pamumu-kadkad ng mga bulaklak sa araw ng Sabado? BB 271.1
Sa ganyang kalagayan, ay hindi na malalasap ng mga tao ang mga bunga ng lupa, at ang mga pagpapala na siyang nagpapaging kanais-nais sa buhay. Dapat magpatuloy ang kalikasan o katalagahan sa kaniyang di-nagbabagong gawain. Ni isa mang saglit ay di-mapatitigil ng Diyos ang Kaniyang kamay sapagka't ang tao ay manghihina at mamamatay. At ang tao man naman ay mayroon ding gawaing dapat gampanan sa araw na ito ng Sabado. Ang mga kailangan ng buhay ay marapat asikasuhin, ang mga maysakit ay dapat alagaan, at ang mga nangangailangan ay dapat tulungan. Hindi Niya ibibilang na walang-kasalanan ang sinumang ayaw tumulong sa mga nasa kahirapan sa araw ng Sabado. Ang banal na araw ng kapahingahan ng Diyos ay ginawa dahil sa tao, at ang mga gawang pagkahabag ay lubos na kaayon ng layunin nito. Hindi ibig ng Diyos na magtiis nang isang oras na paghihirap ang Kaniyang mga nilalang na mabibigyan naman ng ginhawa sa araw ng Sabado o sa anumang ibang araw. BB 271.2
Ang mga hinihingi sa Diyos sa araw ng Sabado ay lalo pang marami kaysa ibang mga araw. Iniiwan ng Kaniyang bayan ang kanilang karaniwang hanapbuhay sa araw na iyan, at kanilang ginugugol ang panahon sa pagbubulay-bulay at pagsamba. Higit na marami ang hini-hingi nila sa Kaniya sa araw ng Sabado kaysa ibang mga araw. Hinihingi nila ang Kaniyang tanging paglingap. Nilulunggati nila ang Kaniyang pinakapiling mga pag-papala. Hindi hinihintay ng Diyos na lumipas muna ang Sabado bago Niya ipinagkakaloob ang mga hinihinging ito. Di-kailanman naglilikat ang mga gawa ng Diyos, kaya ang mga tao ay hindi rin dapat tumigil sa paggawa ng mabuti. Hindi binalak na ang Sabado ay maging isang araw ng pagtatamad-tamaran. Ang ipinagbabawal ng kautusan ay ang paggawa ng mga karaniwang gawaing pang-araw-araw sa araw na ipinagpahinga ng Panginoon; ang gawaing pinagkakakitaan ng ikabubuhay ay dapat itigil; ang anumang paggawang ukol sa makasanlibutang kalayawan o kapakinabangan ay di-matwid na gawin sa araw na iyan; kundi kung paanong ang Diyos ay tumigil sa Kaniyang gawang paglalang, at nagpahinga sa araw ng Sabado at pinagpala ito, ay gayundin dapat iwan ng tao ang gawang paghahanapbuhay sa banal na araw na ito, at italaga ang mga banal na oras sa nakapagpapalusog na pamamahinga, sa pagsamba, at sa mga gawaing banal. Ang ginawa ni Kristo na pagpapagaling ng maysakit ay lubos na naaayon sa kautusan. Ito'y nagbigay-dangal sa Sabado. BB 272.1
Sinabi ni Jesus Siya'y may mga karapatan ding kapantay ng sa Diyos sa paggawa ng gawaing kasimbanal at kasing-uri ng ginawa ng Amang nasa langit. Nguni't ito'y lalo pang ikinagalit ng mga Pariseo. Sapagka't ayon sa kanilang pagkaunawa, ay hindi lamang nilabag Niya ang kautusan, kundi nakipantay pa Siya sa Diyos sa pagtawag Niya sa Diyos na “Kaniyang sariling Ama.” Juan 5:18, R.V. BB 272.2
Ang Diyos ay tinatawag ng buong bansa ng mga Hudyo na kanilang Ama, kaya hindi sana dapat na kanilang lubhang ikagalit kung ituring man ni Kristong Siya'y isa ring katulad nila sa pagtawag sa Diyos. Nguni't pinaratangan nila Siya ng pamumusong, bagay na nagpa-pakilalang naunawaan nila Siya bilang nakikipantay nga sa Diyos. BB 273.1
Ang mga kalabang ito ni Kristo ay walang maiharap na mga katwiran laban sa mga katotohanang ipinasok Niya sa kanilang mga budhi. Ang nasasabi lamang nila ay ang kanilang kinamulatang mga kaugalian at mga kasabihan, at ang mga ito ay nagmukhang mahina at mabuway nang ihambing sa mga katwiran ni Jesus na buhat sa Salita ng Diyos at sa di-nababagong takbo ng katalagahan. Kung talagang ang nais ng mga rabi ay tumanggap ng liwanag, sana'y naniwala na sila na kato-tohanan ang sinabi ni Jesus. Nguni't iniwasan nila ang mga katwirang ibinangon Niya tungkol sa Sabado, at bagkus lumikha sila ng galit laban sa Kaniya dahil sa sinabi Niyang Siya'y kapantay ng Diyos. Ang galit ng mga pinuno ay walang pagsidlan. Kung hindi lamang nangingilag sa bayan ang mga rabi at mga saserdoteng ito, pinatay na sana nila si Jesus noon din. Datapwa't malakas ang damdamin ng bayang panig sa Kaniya. Marami ang kumilalang si Jesus ay isa nilang kaibigan na nagpagaling ng mga sakit nila at umaliw sa kanilang mga kadalamhatian, at kinilala nilang matwid ang Kaniyang pagkakapagaling sa lumpong nasa Bethesda. Kaya pansamantalang napilitan ang mga lider na ito na palipasin ang kanilang galit. BB 273.2
Sinagot ni Jesus ang kanilang paratang na pamumusong. Ang Aking kapangyarihan, wika Niya, sa paggawa ng gawaing ipinaparatang ninyo sa Akin, ay ang Aking pagiging Anak ng Diyos, na kaisa Niya sa likas, sa kalooban, at sa panukala. Sa lahat Niyang mga gawa ng paglalang at pamamatnubay, ay nakipagtulungan Ako sa Diyos. “Ang Anak ay walang magagawang anuman sa Kaniyang sarili, kundi ang nakikita Niyang ginagawa ng Ama.” Ang mga rabi at mga saserdote ay humihingi sa Anak ng Diyos ng katibayan sa paggawa ng gawaing ipinarito Niya sa sanlibutan. Nangapahiwalay sila sa Diyos dahil sa kanilang mga kasalanan, at ngayo'y inilalayo pa sila sa Kaniya ng kanilang kapalaluan. Inaakala nilang alam na nila ang lahat-lahat, kaya hindi na nila kailangan ang lalong mataas na karunungan na papatnubay sa kanilang mga gawa. Nguni't ang Anak ng Diyos naman ay napasasakop sa kaloban ng Ama, at umaasa sa Kaniyang kapangyarihan. Lubos na hinubad ni Kristo sa Kaniyang sarili ang pagiging-makasarili na anupa't hindi Siya gumawa ng anumang panukala para sa sarili Niya. Tinanggap Niya ang mga panukala ng Diyos para sa Kaniya, at araw-araw ay inihayag naman ng Ama ang mga panukala Niya. Ganyan ang dapat nating pagdepende o pagtitiwala sa Diyos, upang ang ating mga kabuhayan ay payak na kahayagan ng Kaniyang kalooban. BB 273.3
Nang itatayo na ni Moises ang santuwaryo upang maging isang tahanang dako ng Diyos, ay pinagbilinan siya ng Diyos na gawin niya ang lahat ng mga bagay nang ayon sa huwaran o parisang ipinakita sa kaniya sa bundok. Napuno si Moises ng sigla't sikap na gawin ang ipinagagawa ng Diyos; at ginamit niya ang lalong sanay at dalubhasang mga tao upang magsagawa ng kaniyang mga mungkahi. Gayunma'y hindi siya dapat gumawa ng isang kampanilya, ng isang granada, ng isang plumahe, ng isang tirintas, ng isang kurtina, o ng anumang sisidlan ng santuwaryo, nang hindi naaayon sa huwarang ipinakita sa kaniya. Pinasampa siya ng Diyos sa bundok, at ipinakita sa kaniya ang mga bagay ng langit. Tinakpan siya ng Panginon ng sarili Nitong kaluwalhatian, upang makita niya ang huwaran, at ang lahat naman ng mga bagay ay ginawa niya nang ayon doon. Gayundin Niya inihayag sa Israel, na hinangad Niyang gawing Kaniyang tahanang dako, ang Kaniyang malu-walhating uliran ng likas. Ang huwaran ay ipinakita sa kanila sa bundok noong ibigay ang kautusan sa Sinai, at nang magdaan ang Panginoon sa harap ni Moises at magsabing, “Ang Panginoon, ang Panginoong Diyos, na puspos ng kahabagan at mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kaawaan at katotohanan, na gumagamit ng kaawaan sa libu-libo, na nagpapatawad ng kasamaan at ng pagsalansang at ng kasalanan.” Exodo 34:6, 7. BB 274.1
Pinili ng Israel ang sari'li nilang mga lakad. Hindi sila nagsipagtayo nang ayon sa huwaran; nguni't si Kristo, na tunay na templong tahanan ng Diyos, ay humubog ng bawa't kaliit-liitang bahagi ng Kaniyang kabuhayan sa lupa nang ayon sa uliran ng Diyos. Sinabi Niya, “Aking kinalulugurang sundin ang Iyong kaloban, Oh Diyos Ko: oo, ang Iyong kautusan ay nasa loob ng Aking puso.” Awit 40:8. Kaya nga ang ating mga likas ay dapat itayong “isang tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.” Efeso 2:22. At dapat nating “gawin ang lahat ng mga bagay ayon sa huwaran,” samakatwid baga'y Siya na “nagbata dahil sa inyo, na kayo'y iniwanan ng halimbawa, upang tayo'y magsisunod sa mga hakbang Niya.” Hebreo 8:5; 1 Pedro 2:21. BB 275.1
Itinuturo ng mga salita ni Kristo na dapat nating ituring na tayo'y ganap na nakatali sa ating Amang nasa langit. Anuman ang katungkulan natin, sa Diyos pa rin tayo umaasa, yamang hawak Niya ang kapalaran nating lahat. Itinakda Niya sa atin ang gawain, at binigyan Niya tayo ng mga kakayahan at paraan upang magawa iyon. Kailanma't isinusuko natin ang ating kalooban sa Diyos, at tayo'y nagtitiwala sa Kaniyang kalakasan at karunungan, ay papatnubayan Niya tayo sa mga panatag na landas, upang magampanan ang itinakdang bahagi natin sa Kaniyang dakilang panukala. Subali't ang taong umaasa sa sarili niyang karunungan at kapangyarihan ay humihiwalay sa Diyos. Sa halip na siya'y gumawang kaisa ni Kristo, ay tinutupad niya ang panukala ng kaaway ng Diyos at ng tao. BB 275.2
Nagpatuloy pa ang Tagapagligtas: “Ang lahat ng mga bagay na Kaniyang (ng Ama) ginagawa, ay ang mga ito rin naman ang ginagawa ng Anak sa gayunding paraan. ... Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay, at sila'y binubuhay; gayundin naman binubuhay ng Anak ang Kaniyang mga ibigin.” Ang mga Saduceo ay naniniwala na walang pagkabuhay na mag-uli ang mga patay; nguni't sinasabi ni Jesus sa kanila na ang isa sa mga pinakadakilang gawa ng Kaniyang Ama ay ang pagbuhay sa mga patay, at Siya man naman ay may kapangyarihang gumawa ng gayunding gawa. “Dumarating ang panahon, at ngayon nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos: at ang mangakarinig ay mangabubuhay.” Ang mga Pariseo ay naniniwala sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay. Sinasabi ni Kristo na ngayon man ay nasa gitna nila ang kapangyarihang nagbibigay buhay sa mga patay, at kanilang makikita ito. Ang kapangyarihan ding ito ng pagkabuhay na maguli ay siyang nagbibigay ng buhay sa kaluluwang “patay sa mga pagsalansang at mga kasalanan.” Efeso 2:1. Ang espiritung yaon ng buhay na nasa kay Kristo Jesus, na siyang “kapangyarihan ng Kaniyang pagkabuhay na maguli,” ay pinalalaya ang mga tao “sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.” Filipos 3:10; Roma 8:2. Naiwawasak ang kapangyarihan ng masama, at sa pama-magitan ng pananampalataya ang kaluluwa'y nailalayo sa pagkakasala. Ang taong nagbubukas ng kaniyang puso upang papasukin ang Espiritu ni Kristo ay tumatanggap ng malakas na kapangyarihang yaon na siyang sa katawan niya ay maglalabas sa libingan. BB 276.1
Ipinakikilala ng mapagpakumbabang Nazareno ang tunay Niyang kadakilaan. Tumitindig Siyang mataas sa mga tao, na iniwawaksi ang balabal ng kasalanan at kahihiyan, at hayag na tumatayo, na Siya ang Iginagalang o Pinapupurihan ng mga anghel, ang Anak ng Diyos, ang Isa na kasama-sama ng Lumikha ng sansinukob. Nangapatigagal ang mga nakikinig sa Kaniya. Kailanma'y wala pang taong nakapagsalita ng mga pangungusap na tulad ng sa Kaniya, o nakapagdala sa kaniyang sarili nang gayon na parang isang maharlikang hari. Ang mga pananalita Niya'y malinaw at madaling unawain, na lubusang nagpapahayag ng Kaniyang misyon, at ng tungkulin ng sanlibutatn. “Sapagka't ang Ama'y hindi humahatol sa kaninumang tao, kundi ipinagkaloob Niya sa Anak ang buong paghatol: upang papurihan ng lahat ang Anak, gaya rin ng kanilang pagpapapuri sa Ama. Ang hindi nagpapapuri sa Anak ay hindi nagpapapuri sa Ama na sa Kaniya'y nagsugo. ... Kung paanong ang Ama ay may buhay sa Kaniyang sarili; ay gayundin namang pinagkalooban Niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa Kaniyang sarili; at binigyan Niya Siya ng kapamaha-laang makahatol, sapagka't Siya'y Anak ng tao.” BB 276.2
Inilagay ng mga saserdote at mga pinuno ang kanilang mga sarili na mga hukom upang hatulan ang gawain ni Kristo, subali't ngayo'y sinabi Niya na Siya ang hukom nila, at ang hukom ng buong lupa. Ang sanlibutan ay ipinagkatiwala kay Kristo, at sa pamamagitan Niya ay dumarating sa sangkatauhang nagkasala ang mga pagpapalang buhat sa Diyos. Siya ang Manunubos nang hindi pa Siya nagkakatawang-tao at nang makaraan man ang Kaniyang pagkakatawang tao. Karaka-rakang nagkaroon ng kasalanan, ay nagkaroon na rin ng Tagapagligtas. Nagkaloob Siya ng liwanag at buhay sa lahat, at alinsunod sa liwanag na tinanggap ng bawa't isa, ay doon siya hahatulan. At Siya na nagbigay ng liwanag, Siya na sumunud-sunod sa tao na taglay ang pinakamagiliw na pakikiusap, na sinisikap na ang taong ito ay maialis sa pagkakasala at madala sa kabanalan, ay Siya rin nitong Tagapayo at Hukom. Buhat nang magsimula sa langit ang malaking tunggalian, ay itinaguyod na ni Satanas ang kaniyang layunin sa pamama-gitan ng daya; at pinagsisikapan ngayon ni Kristo na ilantad ang mga balakin nito at upang sirain ang kapangyarihan nito. Siya ang nakipagharap sa magdaraya, at Siya rin ang sa buong mga panahon ay nagsisikap na maagaw sa mga kamay nito ang mga bihag, at Siya rin namang maggagawad ng hatol sa bawa't kaluluwa. BB 277.1
At “binigyan Siya” ng Diyos “ng kapamahalaang makahatol, sapagka't Siya'y Anak ng tao.” Sapagka't natikman Niya ang kapait-paitan sa mga kadalamhatian at tukso sa tao, at nauunawaan ang mga kahinaan at mga kasalanan ng mga tao; sapagka't nang dahil sa atin ay buong tagumpay Niyang napaglabanan ang mga tukso ni Satanas, at makatarungan at magiliw na pakikitunguhan ang mga kaluluwang pinagtigisan ng sarili Niyang dugo upang iligtas—dahil dito, ang Anak ng tao ay hinirang na magsagawa ng paghatol. BB 278.1
Nguni't ang misyon ni Kristo ay hindi ang humatol, kundi ang magligtas. “Hindi sinugo ng Diyos ang Anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan; kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan Niya.” Juan 3:17. At sa harap ng Sanedrin ay ipinahayag ni Jesus, “Ang nakikinig ng Aking salita, at sumasampalataya sa Kaniya na nagsugo sa Akin, ay may buhay na walang-hanggan, at hindi papasok sa paghatol, kundi lumipat na sa buhay mula sa kamatayan.” Juan 5:24, R.V. BB 278.2
Pagkasabi ni Kristo sa mga nakikinig sa Kaniya na huwag silang magsipagtaka, ay binuksan Niya sa harap nila ang lalo pang malawak na tanawin ng hiwaga ng hinaharap. “Dumarating ang oras,” wika Niya, “na ang lahat ng nangasa libingan ay makakarinig ng Kaniyang tinig, at magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na mag-uli sa paghatol.” Juan 5:28, 29. BB 278.3
Ang ganitong katiyakan ng buhay sa hinaharap ay siyang maluwat nang hinihintay ng Israel, at siyang inasahan nilang matatanggap pagdating ng Mesiyas. Ang kaisa-isang ilaw na makatatanglaw sa dilim at panglaw ng libingan ay nagliwanag sa kanila. Nguni't ang mga mapagsariling-loob ay bulag. Sinalansang ni Jesus ang mga sali't saling sabi ng mga rabi, at di-pinansin ang kanilang kapangyarihan, ayaw pa rin silang maniwala. BB 278.4
Ang panahon, ang pook, ang pangyayari, at ang kaigtingan ng damdamin na naghahari sa kapulungan, ay nagkatulung-tulong na lahat upang ang mga sinalita ni Jesus sa harap ng Sanedrin ay maging lalong matindi at nakapagkikintal. Pinagtatangkaan ng pinakamatataas na pinuno ng relihiyon ang buhay Niya na nagsabing Siya ang magsasauli sa Israel. Ang Panginoon ng Sabado ay nilitis sa harap ng hukuman sa lupa upang managot sa sakdal na paglabag sa utos na ukol sa Sabado. Nang buong katapangan Niyang ipahayag ang Kaniyang misyon, ay napatingin sa Kaniyang may pagkamangha at pagkapot ang mga huhukom sa Kaniya; nguni't wala silang maisagot sa Kaniya. Hindi nila mahatulan Siya. Tinanggihan Niya ang karapatan ng mga rabi at mga saserdote sa pagtatanong sa Kaniya, o sa pakikialam sa Kaniyang gawain. Hindi sila nagtataglay o binibigyan ng gayong kapangyarihan. Ang mga inaangkin nilang karapatan ay nakasalig sa sarili nilang kapalaluan at kahambugan. Hindi Niya tinanggap na Siya'y nagkasala sa kanilang mga ipinaparatang, o ang Siya'y usisain nila. BB 279.1
Sa halip na humingi ng paumanhin sa gawang inirereklamo nila, o kaya'y ipaliwanag ang Kaniyang layunin sa paggawa niyon, ay hinarap ni Jesus ang mga pinuno, at sa gayon ang isinasakdal ay siyang naging tagapagsakdal. Pinagwikaan Niya sila sa katigasan ng kanilang mga puso, at sa hindi nila pagkaalam ng Mga Kasulatan. Sinabi Niyang tinanggihan nila ang salita ng Diyos, yayamang tinanggihan nila Siya na isinugo ng Diyos. “Saliksikin ninyo ang Mga Kasulatan, sapagka't iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang-hanggan; at ang mga ito'y siyang nangagpa-patotoo tungkol sa Akin.” Juan 5:39. BB 279.2
Sa bawa't dahon ng mga Kasulatan ng Matandang Tipan, maging kasaysayan, o utos, o hula, ay nagliliwanag ang kaluwalhatian ng Anak ng Diyos. Alinsunod sa pagkakatatag ng Diyos, ang buong palatuntunan ng mga paghahandog na sinusunod ng mga Hudyo ay isang pinaglakip-lakip na hula ng ebanghelyo. Si Kristo “ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta.” Mga Gawa 10:43. Buhat sa pangakong ibinigay ng Diyos kay Adan, hang-gang sa sunud-sunod na hanay ng mga patriarka at hang-gang sa mga kautusang paghahandog, ay tinanglawan na ng maluwalhating liwanag na buhat sa langit ang mga bakas ng Manunubos. Natanaw ng mga tagakita o propeta ang Bituin ng Bethlehem, ang Shiloh na darating, nang dumaan sa harap nila na parang mahiwagang prusisyon ang mga bagay-bagay sa hinaharap. Sa bawa't haing hayop na pinapatay ay ipinakita ang pagkamatay ni Kristo. Sa bawa't usok ng kamanyang ay pumailan-lang ang Kaniyang katwiran. Sa bawa't tunog ng paka-kak sa panahon ng Jubileo ay isinigaw ang Kaniyang pangalan. Sa kakila-kilabot na hiwaga ng kabanal-bana-lan ay tumahan ang Kaniyng kaluwalhatian. BB 280.1
Hawak ng mga Hudyo ang Mga Kasulatan, at ipinalagay nilang sa mababaw na pagkaalam nila nito ay mayroon na silang buhay na walang-hanggan. Subali't sinabi ni Jesus, “Ang Kaniyang salita ay hindi nananahan sa inyo.” Yamang tinanggihan nila si Kristo sa Kaniyang salita, ay tinanggihan nila Siya sa pagkatao. “Ayaw kayong magsilapit sa Akin,” sabi Niya, “upang kayo'y magkaroon ng buhay.” BB 280.2
Pinag-aralan ng mga pinunong Hudyo ang mga turo ng mga propeta tungkol sa kaharian ng Mesiyas; nguni't ginawa nila ito, hindi sa tapat na hangaring maalaman ang katotohanan, kundi sa layuning makakita sila ng katibayan o patotoong kakatig sa matatayog nilang inaasam. Nang dumating si Kristo sa paraang salungat sa kanilang inaasahan, ay hindi nila tinanggap Siya; at upang maipakilalang sila'y nasa matwid, ay pinagsikapan nilang patunayang Siya'y isang magdaraya. Nang karaka-rakang pasimulan nila ang ganitong hakbang, naging madali na kay Satanas na palakasin ang kanilang pag-laban kay Kristo. Ang mga salitang dapat sana nilang tanggaping katibayan ng Kaniyang pagka-Diyos ay kanilang binaligtad laban sa Kaniya. Sa gayong paraan ginawa nilang kasinungalingan ang katotohanan ng Diyos, at kung kailan lalong tuwirang nagsasalita ang Tagapag-ligtas sa kanila sa pamamagitan ng Kaniyang mga gawang kahabagan, lalo naman nilang tinitigasan ang paglaban sa liwanag. BB 280.3
Sinabi ni Jesus, “Hindi Ako tumatanggap ng papuri mula sa mga tao.” Hindi ang impluwensiya ng Sanedrin, ni ang kanila mang pagsang-ayon ang Kaniyang mini-mithi. Hindi makapagbibigay sa Kaniya ng karangalan ang kanilang pagsang-ayon. Taglay na Niya ang karangalan at kapangyarihan ng Langit. Kung iyon ang na-naisin Niya, bababa ang mga anghel at sasamba sa Kaniya; at ang Ama ay muling magpapatotoo sa Kaniyang pagiging Diyos. Subali't alang-alang sa kanila, alang-alang sa bansang kanilang pinamumunuan, ay nais Niyang kilalanin ng mga pinunong Hudyo ang Kaniyang likas, at tanggapin nila ang mga pagpapalang siya Niyang ipinarito upang dalhin sa kanila. BB 281.1
“Naparito Ako sa pangalan ng Aking Ama, at ayaw ninyo Akong tanggapin: kung iba ang pumarito sa kaniyang sariling -pangalan, ay siya ninyong tatanggapin.” Naparito si Jesus sa kapangyarihan ng Diyos, na taglay ang Kaniyang larawan, na ginaganap ang Kaniyang mga salita, at hinahanap ang Kaniyang kaluwalhatian; gayunma'y hindi Siya tinanggap ng mga pinuno ng Israel; nguni't kung iba ang darating, na nagpapanggap na nasa kanila ang likas ni Kristo, nguni't ang totoo'y udyok ng sarili nilang kalooban at ng paghahanap ng sarili nilang ikaluluwalhati, ay sila'y tatanggapin. Bakit? Sapagka't ang humahanap ng sarili niyang ikararangal o ikalulu-walhati ay umaamuki sa iba na maghangad ng sariling ikatataas. Sa mga gayong pang-aamuki ay makatutugon ang mga Hudyo. Tatanggapin nila ang bulaang tagapagturo sapagka't pinupuri nito ang kanilang kayabangan sa pamamagitan ng pagsang-ayon sa kimkim nilang mga pala-palagay at mga sali't saling sabi. Datapwa't ang turo ni Kristo ay hindi naaayon sa kanilang mga kuru-kuro. Iyon ay espirituwal, at humihingi ng pagpapakasakit ng sarili; kaya nga hindi nila iyon matatanggap. Hindi nila kilala ang Diyos, at sa kanila ang tinig Niya na naririnig sa pamamagitan ni Kristo ay tinig ng iba. BB 281.2
Hindi ba bagay ring ito ang nauulit sa ating kapa-nahunan? Hindi ba marami, maging sa mga pinuno ng relihiyon, ang nagpapatigas ng kanilang mga puso laban sa Banal na Espiritu, kaya't ito ang nagiging dahilan upang hindi nila makilala ang tinig ng Diyos? Hindi ba tinatanggihan nila ang salita ng Diyos, upang matupad lamang rila ang kanilang mga sali't saling sabi? BB 282.1
“Kung kayo'y nagsisisampalataya kay Moises,” wika ni Jesus, “ay magsisisampalataya kayo sa Akin: sapagka't tungkol sa Akin siya'y sumulat. Nguni't kung hindi kayo nagsisipaniwala sa kaniyang mga sulat, ay paanong magsisisampalataya kayo sa Aking mga salita?” Si Kristo ang nagsalita sa Israel sa pamamagitan ni Moises. Kung pinakinggan nila ang tinig ng Diyos na nagsalita sa pamamagitan ng kanilang dakilang lider, nakilala sana nila iyon sa mga aral ni Kristo. Kung sinampalatayanan nila si Moises, ay sinampalatayanan din sana nila Siya na tungkol sa kaniya sumulat si Moises. BB 282.2
Alam ni Jesus na mapilit ang mga saserdote at mga rabi na kitlin ang Kaniyang buhay; gayunma'y malinaw Niyang sinabi sa kanila ang Kaniyang pakikiisa sa Ama, at ang Kaniyang kaugnayan sa sanlibutan. Napagkilala nilang ang kanilang paglaban sa Kaniya ay walang matwid na dahilan, gayunma'y hindi rin nagbawa ang kanilang naglalatang na kapootan. Sinidlan sila ng takot nang masaksihan nila ang kapangyarihang sumasama sa Kaniyang ministeryo; subali't nilabanan nila ang Kaniyang mga pamanhik, at nagkulong sila sa kadiliman. BB 282.3
Halatang-halatang sila'y nangabigong gapiin ang kapangyarihan ni Jesus o kaya'y alisin sa Kaniya ang pagpipitagan at pag-uukol ng pansin ng mga tao, na ang marami sa mga ito ay nagsipaniwala sa Kaniyang mga salita. Ang mga pinuno na rin ay nakaramdam ng matinding sumbat nang ipagdiinan Niya sa kanilang mga budhi ang kanilang pagkakasala; nguni't ito'y lalo nang nagpasidhi sa kanilang galit sa Kaniya. Mahigpit nilang ipinasiyang Siya'y patayin. Nagpadala sila ng mga sugo sa buong lupain upang sabihin sa mga tao na si Jesus ay isang manlilinlang. Nagpadala rin sila ng mga tiktik upang magmatyag sa Kaniya, at magbalita kung ano ang Kaniyang sinabi at ginawa. Ngayo'y tiyak nang nakatayo ang mahal na Tagapagligtas sa lilim ng krus. BB 283.1