Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

167/376

Pagkawasak, ang Bunga ng Paglabag, Hunyo 10

Kung kayo'y sasang-ayon at magiging masunurin, kayo'y kakain ng mabubuting bagay ng lupain; ngunit kung kayo'y magsitanggi at maghimagsik, kayo'y lalamunin ng tabak; sapagkat ang bibig ng PANGINOON ang nagsalita. Isaias 1:19, 20. KDB 172.1

Isa sa kapansin-pansing kasalanan ng masamang kapanahunang ito ay ang kawalan ng paggalang sa payo ng maka-diyos na magulang. Maraming mga buhay sa ating lupain ang madilim at kaawa-awa dahil sa isang hakbang na ginawa sa kadiliman. Sa pamamagitan ng isang pagsuway, marami sa mga kabataan ang sinira ang kanyang buong buhay at pinabigat sa pagdadalamhati ang mapagmahal na puso ng ina. Hindi ka ituturing ng Diyos na walang sala kung susundan mo ang landas na ito. Sa pamamagitan ng pagtatakwil sa payo ng inang may takot sa Diyos, na nakahandang ibigay ang kanyang buhay para sa kanyang mga anak, nilalabag mo ang ikalimang utos. KDB 172.2

Ipinakikiusap kong muli ang kahilingan ng isang ina, ang pagmamahal ng ina. Wala ng sasama pa na kawalang-utang na loob kaysa roon sa nahahayag sa kasalanan ng di-pagsunod sa isang Cristianong ina. Sa mga panahon ng iyong pagkasanggol, binantayan ka niya; nasaksihan ng Kalangitan ang kanyang mga panalangin at pagtangis habang mapagmahal ka niyang inaaruga. Para sa kanyang mga anak, nagpagal at nagpanukala siya, nag-isip, nanalangin, tinanggihan ang sarili. Sa iyong buong buhay, ang kanyang puso'y naging balisa at masikap para sa iyong kapakanan. Ngunit ngayon pinipili mo ang sarili mong landas; sinusunod mo ang bulag at matigas mong kalooban, na walang pakundangan sa mapait na pag-aani na iyong makakamit, at kalumbayan na idudulot mo sa kanya.— Testimonies for the Church, vol. 5, p. 125. KDB 172.3

Isinara ng pagsuway ang pintuan sa napakalaking sukat ng karunungan na maaari sanang makamit mula sa Salita ng Diyos. Kung naging masunurin lamang ang mga tao, naunawaan sana nila ang panukala ng pamahalaan ng Diyos. Bubuksan sana ng makalangit na mundo ang mga silid nito ng biyaya at kaluwalhatian upang ating tuklasin.— Counsels to Parents, Teachers, and students, pp. 440, 441. KDB 172.4