Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Dapat Natin Siyang Pasalamatan Dahil sa Kanyang Mahahalagang Pangako, Marso 31
Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na siyang nagpapala sa atin kay Cristo ng bawat pagpapalang espirituwal sa sangkalangitan. Efeso 1:3. KDB 98.1
Naalala ba natin na ang mga kaawaan ng Panginoon ay bago sa bawat umaga, at ang Kanyang katapatan ay hindi nagkukulang? Kinikilala ba natin ang ating pangangailangan sa Kanya, at nagpapahayag ng pasasalamat para sa lahat ng Kanyang mga kaloob? Sa kabaliktaran, madalas nating makalimutang “ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na nanggagaling sa Ama ng mga ilaw.” KDB 98.2
Gaano nga kadalas na ang mga nasa maayos na kalusugan ay nakalilimutan ang mga kamangha-manghang awa na nagpapatuloy sa kanila sa araw-araw, taon-taon. Hindi sila nagbibigay ng parangal ng papuri sa Diyos para sa lahat ng Kanyang mga benepisyo. Ngunit kapag ang sakit ay dumarating, naaalala ang Diyos.— Testimonies for the Church, vol. 5, p. 315. KDB 98.3
Hangad ni Satanas na ilayo ang ating isipan mula sa makapangyarihang Katulong, para akayin tayo na pagtuunan ang tungkol sa ating pagkabulok ng kaluluwa. Ngunit kahit na nakikita ni Jesus ang pagkakasala ng nakaraan, nagsasalita Siya ng kapatawaran; at huwag dapat natin Siyang lapastanganin sa pamamagitan ng pag-aalinlangan sa Kanyang pagmamahal. Ang pakiramdam ng pagkakasala ay dapat mailagay sa paanan ng krus, o lalasunin nito ang mga bukal ng buhay. Kapag idiniin sa iyo ni Satanas ang kanyang mga pagbabanta, tumalikod sa mga ito, at aliwin ang iyong kaluluwa sa mga pangako ng Diyos. Ang ulap ay maaaring madilim sa sarili nito, ngunit kapag napuno ng liwanag ng langit, ito'y nagiging ningning ng ginto; sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ay naroroon. KDB 98.4
Ang mga anak ng Diyos ay hindi dapat mapasailalim sa damdamin at emosyon. Kapag pabago-bago sila sa pagitan ng pag-asa at takot, ang puso ni Cristo ay nasasaktan; sapagkat binigyan Niya sila ng hindi mapwagkakamaliang katibayan ng Kanyang pag-ibig. Nais Niya na sila'y maitatag, mapalakas, at maisaayos sa kabanal-banalang pananampalataya.— Testimonies to Ministers and Gospel Workers, pp. 518, 519. KDB 98.5