Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

63/376

Humayo na ang Kaligtasan Mula sa Diyos, Marso 1

Ang aking katuwiran ay malapit na, ang aking kaligtasan ay humayo na, at ang aking mga bisig ay hahatol sa mga bayan; ang mga pulo ay naghihintay sa akin, at sa aking bisig ay umaasa sila. Isaias 51:5. KDB 68.1

Nakita ko ang kagandahan ng Langit. Narinig ko ang mga anghel na umaawit ng kanilang masigasig na mga awitin, nagpapahiwatig ng papuri, pagkilala, at kaluwalhatian kay Jesus. Aking nabatid ang isang bagay sa kamangha-manghang pag-ibig ng Anak ng Diyos. Iniwan Niya lahat ng kaluwalhatian, lahat ng pagkilala na mayroon Siya roon sa langit, at talagang interesado sa ating kaligtasan na may katiyagaan at kaamuang pinasan ang lahat ng pagkasuklam at pagwawalang-bahala ng tao sa Kanya. . . . Siya'y iniunat sa krus ng Kalbaryo, at nagdusa ng pinakamasakit na kamatayan para iligtas tayo sa kamatayan; upang tayo'y mahugasan sa Kanyang dugo, at maiangat para mabuhay na kasama Siya sa mga tahanang Kanyang inihahanda para sa atin, para tamasahin ang liwanag at kaluwalhatian ng Langit, para marinig ang mga anghel na umaawit, at umawit na kasama nila. Nakita ko na ang buong Langit ay nagnanais ng ating kaligtasan; at tayo ba ay walang pakialam? Tayo ba ay magpapabaya, na para bang maliit na bagay kung tayo ay maliligtas o hindi? Tayo ba ay magwawalang-bahala sa sakripisyo na ginawa para sa atin? Ginawa ito ng ilan. Kanilang binalewala ang alok na kaawaan, at ang pagsimangot ng Diyos ay nasa kanila. Ang Espiritu ng Diyos ay hindi palaging mapipighati. Ito ay aalis kung patuloy na pipighatiin. KDB 68.2

Matapos gawin ang lahat ng magagawa ng Diyos para iligtas ang tao, kung kanilang ipakikita sa pamamagitan ng kanilang mga buhay na kanilang winawalang- bahala ang inialok na habag ni Jesus, kamatayan ang kanilang magiging bahagi, at ito'y napakamahal na bilhin.— Testimonies for the Church, vol. 1, pp. 123, 124. KDB 68.3