Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Hindi Iniibig ng Mundo ang Diyos, Pebrero 28
Mga kapatid, huwag kayong magtaka, kung kayo'y kinapopootan ng sanlibutan. 1 Juan 3:13. KDB 66.1
Ang ebanghelyo ay dapat palaganapin sa pamamagitan ng masigasig na pakikibaka sa gitna ng pagsalungat, panganib, kawalan, at paghihirap. Ngunit ang lahat ng gumagawa ng gawaing ito'y sumusunod lamang sa mga hakbang ng kanilang Panginoon. KDB 66.2
Bilang Manunubos ng sanlibutan, si Cristo ay laging napaharap sa malinaw na pagkabigo. Siya, ang sugo ng kaawaan sa ating sanlibutan, ay tila maliit lamang ang nagawa sa talagang nais Niyang gawing pagpapaunlad at pagliligtas sa mga tao. Laging gumagawa ng hadlang sa Kaniyang daan ang mga impluwensiya ni Satanas. Gayunma'y hindi nanghina ang Kaniyang loob.— The Desire of Ages, p. 678. KDB 66.3
Ang mga naunang Cristiano ay tunay na isang natatanging bayan. Ang kanilang walang kapintasang pagkilos at di-natitinag na pananampalataya'y isang palagiang pagsaway na lumiligalig sa kapayapaan ng makasalanan. Bagaman sila'y iilan, maralita, walang katungkulan, ni titulo ng karangalan, kinatakutan sila ng mga manggagawa ng kasamaan, saan man malaman ang kanilang mga likas at mga aral. Dahil dito sila'y kinapootan ng masasama, gaya ni Abel na kinapootan ng walang takot sa Diyos na si Cain. Sa parehong dahilan ng pagpatay ni Cain kay Abel, ang dahilan ng mga ayaw papigil sa Banal na Espiritu sa kanilang pagpuksa sa bayan ng Diyos. lyan din ang parehong dahilan kung kaya itinakwil at ipinako sa krus ng mga Judio ang Tagapagligtas—sapagkat ang kalinisan at kabanalan ng Kanyang likas ay isang palagiang pagsaway sa kanilang kasakiman at kasamaan. Mula nang panahon ni Cristo hanggang sa panahong ito, ang Kanyang mga tapat na alagad ang siyang pumupukaw sa poot at pagsalungat sa mga umiibig at sumusunod sa landas ng kasalanan.— The Great Controversy, p. 46. KDB 66.4
Binibigyan ka ng Diyos ng katalinuhan at nangangatuwirang pag-iisip, kung saan maaari mong maunawaan ang Kaniyang mga pangako; at si Jesus ay handang tulungan ka sa pagbuo ng isang matibay, at balanseng karakter.— Testimonies for the Church, vol. 5, p. 579. KDB 66.5