Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Pag-ibig Para sa Isa't Isa, Pebrero 27
At lumakad kayo sa pag-ibig, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa atin at ibinigay ang kanyang sarili para sa atin bilang handog at alay sa Diyos upang maging samyo ng masarap na amoy. Efeso 5:2. KDB 65.1
Hindi natin kailangang magsimula sa pamamagitan ng pagsisikap na mahalin ang isa't isa. Ang pag-ibig ni Cristo sa puso ang kailangan. Kapag ang sarili ay nakalubog kay Cristo, ang tunay na pag-ibig ay kusang sumisibol. Sa matiisin na pagtitiyaga ay magtatagumpay tayo. Ang pagtitiis sa paglilingkod ang nagbibigay ng kapahingahan sa kaluluwa. Sa pamamagitan ng mapagpakumbaba, masipag, at matapat na mga manggagawa na ang kapakanan ng Israel ay napaunlad. Ang isang salita ng pag-ibig at pampatibay- loob ay mas makagagawa upang masupil ang pagkamagagalitin at masuwaying pag-uugali kaysa sa lahat ng pamimintas at pamumuna na maaari mong ibunton sa nagkamali. KDB 65.2
Ang mensahe ng Panginoon ay dapat ihayag sa espiritu ng Panginoon. Ang ating tanging seguridad ay sa pagpapanatili ng ating mga kaisipan at bugso ng damdamin sa ilalim ng kontrol ng dakilang Guro. Ang mga anghel ng Diyos ay magbibigay sa bawat totoong manggagawa ng isang mayamang karanasan sa paggawa nito. Ang biyaya ng pagpapakumbaba ay maghuhulma sa ating mga salita tungo sa mga pagpapahayag ng pagmamahal na tulad kay Cristo.— Testimonies for the Church, vol. 7, p. 266. KDB 65.3
Sa bawat oras ng pananahan ni Cristo sa ibabaw ng lupa, ang pag- ibig ng Diyos ay walang-hintong umaagos mula sa Kanya. Lahat ng pinuspos ng Kanyang Espiritu ay iibig na gaya nang Kanyang pag-ibig. Ang mismong prinsipyong nag-udyok kay Cristo ay siya rin namang mag-uudyok sa kanila sa lahat nilang pakikitungo sa isa't isa. KDB 65.4
Ang pag-ibig na ito ang siyang katunayan ng kanilang pagiging alagad. . . . Pagka ang mga tao'y magkakasamang nabibigkis, hindi sa pamamagitan ng dahas o pagmamalasakit sa sarili, kundi sa pamamagitan ng pag-ibig, kanilang ipinakikita ang paggawa ng isang impluwensiyang nakahihigit sa bawat impluwensiya ng tao. Kung saan nakikita ang ganitong pagkakaisa, ito'y katunayan na ang larawan ng Diyos ay nagpapanumbalik sa tao, na isang bagong simulain ng buhay ang naitatanim.— The Desire of Ages, p. 678. KDB 65.5