Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ibinigay ni Cristo ang Kanyang Sarili Para sa Ating Kaligtasan, Pebrero 25
Na nagbigay ng kanyang sarili dahil sa ating mga kasalanan, upang tayo'y kanyang mailigtas mula sa kasalukuyang masamang kapanahunan, ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama. Galacia 1:4. KDB 63.1
Ang halagang ibinayad sa pagtubos sa atin, ang walang-hanggang sakripisyo ng ating Ama na nasa langit sa pagbibigay ng Kanyang Anak upang mamatay para sa atin, ay nararapat magdulot sa atin ng mararangal na pagkakilala sa kung anong maaaring abutin natin sa pamamagitan ni Cristo. Nang makita ng kinasihang apostol na si Juan ang taas, lalim, at luwang ng pag-ibig ng Ama sa napapahamak na sangkatauhan, siya'y napuno ng pagsamba at paggalang; at . . . tinawag niya ang sanlibutan upang ito'y masdan . . . Kaylaki ng pagpapahalaga nito sa tao! Sa pamamagitan ng pagsuway, ang mga anak ng tao ay naging mga alipin ni Satanas. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa tumutubos na alay ni Cristo, ang mga anak ni Adan ay maaaring maging mga anak ng Diyos. Sa pagkakatawang-tao, ay itinaas ni Cristo ang sangkatauhan. Ang nagkasalang mga tao ay nailagay sa lugar na maaari silang maging karapat-dapat sa pangalang “mga anak ng Diyos” sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan kay Cristo. KDB 63.2
Ang gayong pag-ibig ay walang kapantay. Mga anak ng Hari ng langit! Mahalagang pangako! Temang dapat bulay-bulayin nang taimtim! Ang walang kapantay na pag-ibig ng Diyos sa isang sanlibutang hindi umibig sa Kanya! Ang kaisipang ito'y may kapangyarihang bumihag sa kaluluwa, at umakay sa pag-iisip upang magpasakop sa kalooban ng Diyos. Habang lalo nating pinag-aaralan ang banal na likas sa liwanag ng krus, lalo nating nauunawaan ang kahabagan, pag- ibig, at pagpapatawad na hinaluan ng pagkakapantay-pantay at katuwiran, at lalo nating nakikita ang di-mabilang na mga katunayan ng isang walang-hanggang pag-ibig, at isang mapagmahal na awa na hinihigitan ang nananabik na simpatya ng isang ina sa kanyang anak na suwail.— steps to Christ, p. 25. KDB 63.3
Nag-aantay si Cristo na kupkupin ka sa Kanyang pamilya. Ang Kanyang lakas ay tutulong sa iyong kahinaan; aakayin ka Niya sa bawat hakbang. Ilagak mo ang iyong kamay sa Kanya, at hayaan Siyang gabayan ka.— The Ministry of Healing, p. 85. KDB 63.4